Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Pamamahagi ng Iba’t Ibang Tulong sa Lungsod ng Butuan Mula sa Pamahalaan

Event Distribution of Various Government Assistance
Location Agusan del Norte Provincial Covered Court, Butuan City

Maraming salamat. Thank you, Secretary Anton Lagdameo.

Magandang, magandang umaga po at maraming salamat sa pagsalubong dito sa ating ginawa para ipakita…

Galing po kami, kagaya ng sabi ni Mayor, galing po kami ng Lake Mainit together with Gov. Angel na pumunta kami para tingnan ‘yung bagong hydro electric power. Ito kasi ang – magpo-produce ito ng mga almost 30 megawatts at ito’y makakatulong sa suplay ng kuryente at ibababa ang presyo ng ating kuryente. [palakpakan]

Kaya’t ‘yan ang pinakamahalaga para sa atin. Ipapagpatuloy natin ‘yun. Iyon sa Lake Mainit ‘yun. Mayroon pa yatang ibang mga programa. Hindi lamang dito sa Agusan, hindi lamang sa Mindanao, kung hindi sa lahat ng ating mga iba’t ibang lugar na nangangailangan.

Kaya po ito po ay naging mahalaga dahil ang ating tinatrabaho nang mabuti ay paramihin ang ating produksyon sa agrikultura.

Ngayon, kapag malaki na ang production natin at hindi na kailangan ng mga Pilipino – halimbawa, naparami natin ‘yung production ng bigas, naparami natin ‘yung production ng mais, ng iba’t ibang high-value crops ay hindi naman maaari maipagbili natin ‘yan na fresh. Kailangan i-process para may value added, maiwan dito ang value added dito sa Pilipinas. Kung mag-export tayo, naka-package na at ‘yung kikitain ay dito kikita, maiiwan dito sa Pilipinas.

Kaya’t mahalaga ang electrification [palakpakan] hindi lang po ang mga industriya ang matutulungan kung hindi pati na ang ating agrikultura.

Ngayon din ay mayroon din kaming ginawa ay naglagay kami… Ito po ang aming ginagawa sa buong Pilipinas ay naglalagay kami ‘yung tinatawag na Kadiwa store. [palakpakan]

Ito pong Kadiwa store ay galing diretso ito galing sa mga producer, galing sa mga magsasaka ito. Kaya’t tinanggal na namin ‘yung mga gastos para sa pagbiyahe, para sa pag-transport. Gobyerno na ang mag-shoulder nung expense na ‘yun para naman mataas naman ang bili sa farm gate price pero mababa naman ang bigay natin sa consumer. [palakpakan]

Kaya’t nagkaroon tayo ng Kadiwa. At para maging matagumpay itong programa ng Kadiwa ay kailangan talaga natin ayusin ang agrikultura natin, paramihin ang mga produkto natin, paramihin ang production natin, pagandahin natin ang processing natin para naman… Unang-una, para dito sa Pilipinas, sa ating mga kababayan ay makabili sila ng mga – lalo na ‘yung mga agricultural commodities na tinatawag, fertilizer, ‘yung binhi, ‘yung lahat ng inputs pati ‘yung pautang kailangan natin pagsama-sama ‘yan para tulungan ang ating mga magsasaka para gumanda ang production, para maging mas maganda ang hanapbuhay ng ating mga magsasaka.

Hindi lang po aming iniisip ang production lamang kung hindi pati na ang kinikita ng ating mga magsasaka dahil napakaimportante po.

Nandiyan po ang mga malalaking makinarya, nagdala na galing sa RCEF. ‘Yung RCEF ay ‘yung nakuhang pondo sa importasyon ng iba’t ibang produkto. Iyan ang tariff na tinatawag, ‘yung tariff na ‘yan, ‘yung taripa na ‘yan ay ‘yan ang pinambibili namin ng mga makinarya, mga tractor, mga harvester, at ipinamimigay sa iba’t ibang mga irrigators’ association, farmers’ association, cooperative para naman bumaba ang presyo, bumaba ang cost of production natin.

Pagka malaki ang sinasaka natin at magagamitan natin ng mga malalaking makina, malaking tractor na kagaya nito ay bababa ang production – bababa ang cost of production kaya’t magiging mas competitive pa ang ating mga produkto.

Kaya’t para maka-compete naman tayo, hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi pati sa mga nagpo-produce, ‘yung mga ini-import-an natin Thailand, Vietnam. ‘Yun ay mga dapat tayo mag-compete sa kanila kaya’t kailangan nating gawin ito lahat.

Ang DTI naman ay may dala na galing – nagsimula sa mga TESDA scholar ‘yung sa under DOLE at nagbibigay naman sila ng mga tinatawag na kit para mag-umpisa sa kanilang kahit na maliliit na negosyo ay mayroon silang kagamitan, mayroon silang training para may hanapbuhay.

At kasama din dito ang ating tinitingnan ‘yung mga iba’t ibang mga pangangailangan sa pagsasaka. Kaya po ay maliwanag na maliwanag dahil sa amin ay nakita namin kahit ano pang gawin natin na pagandahin ang ekonomiya kung hindi natin maayos ang agrikultura, hindi po natin mapapaganda at mapapatibay ang ating ekonomiya. Lalo ngayon ay maraming pangyayari, maraming pagbabago. Kaya’t kailangan magaling tayo mag-adjust. Kailangan matibay ang ating sistema, ang sektor ng agrikultura upang tumibay lahat ng ibang sektor kahit ang industriya.

Pagka’t ‘pag makausap niyo po ang mga mayayaman, malalaking korporasyon, agrikultura pa rin ang sinasabi nila. Kailangan talaga ayusin ‘yung agrikultura kaya’t diyan tayo naka-prioritize. [palakpakan]

Nagbago po lahat ang sistema – ang mga inaasahan natin dati na pinagkukuhanan ng agricultural commodities, nagbago dahil sa pandemya. Nagbago lahat.

Sigurado nababalitaan naman ninyo ‘yung mga supply chain na naghihirap dahil nga naputol-putol sa pandemya. Hindi lamang dito sa Pilipinas kung hindi sa iba’t ibang bansa. Ngunit, dahan-dahan ay palabas na tayo sa ekonomiya ng pandemya. Kaya’t gumaganda naman ang ating ekonomiya, dumadami ang may trabaho.

Ngunit, mayroon pa rin sa ating mga kababayan ay hindi pa nakabawi, lalong-lalo na ‘yung mga maliliit na negosyante dahil ‘yung mga MSME noong pandemic, naubos talaga kasi siyempre inaasahan natin na hindi tatagal. Sabi ng mga nagpapatakbo ng MSME ay sabi nila basta’t kung ano ‘yung savings, ‘yun na muna ibigay natin hanggang bumalik ang negosyo.

Ang problema, tumagal nang tumagal ang pandemya. Marami sa kanila nagsara na talaga. Naubos na ang savings nila. Talagang ginawa nila lahat para tulungan ang mga empleyado nila ngunit hindi kakayanin kaya’t nagsara na. Kaya’t nandito po kami para makapagbigay din ng tulong sa ating mga nangangailangan na hindi pa nakabangon dito sa sitwasyon ng pandemya.

Kaya po nandito lang po naman kami. Ito ‘yung sadya namin na titiyakin na ‘yung mga nangangailangan pa ay matutugunan at mabibigyan natin ng kaunting tulong. At sana hindi lamang dito sa pagbigay ng tulong na ito kung hindi sa pagpaganda ng ekonomiya ay gaganda ang buhay ng ating mga kababayan.

Nagsisimula pa lang po tayo. Ngunit patuloy nating gagawin ito. Walang tigil ito hanggang masabi natin wala ng nangangailangan ng TUPAD, wala ng nangangailangan ng AICS, wala ng nangangailangan ng ganyang klase cash transfer dahil may trabaho na lahat. Iyon ang aking hangarin. Iyon po ang hinahabol natin kaya’t magtulungan tayo. [palakpakan] Magtulungan tayo para maabot natin ang ating mga pinapangarap para sa ating mga kababayan, para sa ating minamahal na Pilipinas.

Maraming, maraming salamat po. Maganda umaga po sa inyong lahat. [palakpakan]

 

 

— END —

 

SOURCE: PCO-PND (Presidential News Desk)