Siyempre babatiin natin at… Alam niyo po ang inyong Congressman ay isa sa matalik kong kaibigan na talagang masasabi natin hindi tumatanda. Si Congressman Ted hindi tumatanda. Kaming lahat tumatanda. Tapos laging maayos. Ayaw na namin tabihan si Cong. Ted dahil pag nakatabi kami, mukha kaming drayber niya kasi siya laging postura. Kami mukha kaming ano galing sa bukid; Mayor Fuentes, our host mayor; lahat ng ating kasamahan sa lingkod bayan; at siyempre ang pinakamahalaga na nandito ngayon ay ang ating mga 4Ps beneficiaries kung sino ang tatanggap ngayon ng mga tulong na ibinibigay natin para pagandahin ang patakbo ng ating pagsasaka, pangingisda ‘yan po ang ating ginagawang tulong ngayon.
Hindi lamang sa gamit, kung hindi pati na sa pagturo, kaya’t kasama po natin dito, nandito po ang Department of Agriculture, nandito ang DOLE, nandito po ang DAR, Agrarian Reform, Department of Agrarian Reform, TESDA, CHED, nandito po para mabigyan po ng training at mabigyan ng mga panibagong starter kit para sa ating mga magsasaka at saka sa ating mga mangingisda.
Alam niyo po ay ito po ay aming ginagawa dahil pinapatibay po natin ang sistema ng agrikultura sa Pilipinas at pag sinabi nating agrikultura hindi lamang po ibig sabihin niyan ay ang tanim. Hindi lamang bigas. Hindi lamang palay. Hindi lamang mais. Hindi lamang gulay, kung hindi kasama po diyan ang pangingisda at ang pag-aalaga ng hayop, para sa livestock breeding.
Iyan po ang aming — pinapaganda natin dahil natuto na tayo sa pandemya na nangyari na hindi tayo makapag-import. Hindi tayo makapag-import ng pagkain dahil walang tumatakbo na barko, hindi… Kung mayroon mang suplay ay ‘yung mga ibang bansa, siyempre inuna nila ‘yung mga sarili nila at sabi nila, huwag muna, hindi muna kami maglalabas.
Tayo, nasanay masyado tayo sa importation. Naipit ngayon tayo sa food supply kaya’t napilitan tayong bumili ng imported na napakamahal. Kaya’t ‘yan ang babaguhin po natin. Babaguhin po natin ‘yan. Ang gagawin po natin ay patitibayin natin ang ating agricultural sector.
Papaano natin po gagawin ‘yun? Sa mga tanim ay ating gagawin ay tutulungan natin ang mga magsasaka. Magbibigay po tayo ng fertilizer, ‘yung biofertilizer dahil tumaas ang presyo ng ayuda at lahat po ng — magbibigay tayo ng bagong training. Mayroon ding financial assistance para lalo na sa mga kooperatiba.
At mayroon naman tayo ‘yung account natin, ‘yung tinatawag na RCEF, ‘yung nakokolekta sa pagpasok ng imported na agricultural goods. Mayroon po tayong kinokolekta na taripa. Iyang taripa na ‘yan ay ibabalik natin sa mga farmer natin, sa pamamagitan ng mga assistance na ibinibigay ng Department of Agriculture.
Kamakailan lamang, last week lamang, inaprubahan ko ang pag-release ng halos 13 billion, billion, hindi million ito, bilyon na piso para ibibigay na tulong para sa ating mga magsasaka sa buong Pilipinas at ito ay — ito ay nasa farmer’s assistance na binibigay talaga natin ngunit dinagdagan po natin dahil nais natin pagandahin nga ang sistema.
Sa labas po, mayroon po kayong makikitang mga bangka. Iyan naman ay galing sa BFAR, sa Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture at ganoon din ay tutulungan namin kayo, hindi lamang para sa gamit kagaya ng nandiyan na pinakita natin na nasa labas kung hindi pati na…
Halimbawa, dito sa inyo natamaan ng red tide, nagka-red tide, nagka-report-report ng red tide. Ngayon, mukhang wala na pero patuloy pa rin ang aming pagbantay, nang makasiguro naman — para sasabihin, nanggaling sa Aklan ‘yan, safe ‘yan, ligtas ‘yan. Walang problema, masasabi ng DA. Para naman mapakanibangan ninyo ang inyong mga pangingisda.
At iyan po ang ating… Mayroon po tayong mga scholarship na ibinibigay. Mayroon tayong mga TESDA scholar. Mayroon din tayong mga CHED na may scholarship assistance para sa magka-college, para sa mga magma-master’s, ‘yung mag-PhD, mag-doctorate. Iyan po ang patuloy nating…
Iyong TESDA dahil po importante ang TESDA ngayon dahil kailangan natin baguhin ang mga sistema ng ating mga ginagawa. Hindi na maaari ‘yung ginagawa natin noon dahil naiiwanan po tayo ng ibang bansa.
Kaya’t kailangan para tayo makapag-compete, para kaya natin sabayan sila, hindi lamang sabayan kung hindi magkumpetensya pa sa kanila ay kailangan nating pagandahhin ang ating agricultural sector.
At ito ay ang nagiging problema kaya’t dahil nga nagtaasan ang presyo ng bigas at tinitingnan po namin kung bakit naman mangyayari ‘yun. Kinakalkula namin kung ano ‘yung suplay ng bigas, sapat naman. Hindi naman kulang ang suplay ng bigas para dito sa — para sa atin, para sa Pilipinas. Wala namang nagpa-panic buying. Hindi namin maintidihan bakit tataas ang presyo.
Tumaas ang presyo, natuklasan namin, tumaas ang presyo dahil mayroong nag-i-smuggle papasok ngunit, hindi lamang sila nag-i-smuggle, hindi nila ilalabas sa palengke muna. Itatago nila, iipitin nila para tumaas ang presyo ng bigas. Pagtaas ng presyo ng bigas, saka sila magbebenta.
Kaya naman, sabi ko hindi maaari ‘yan dahil hindi naman tama naman talaga. Unang-una, ilegal ang kanilang ginagawa.
Pangalawa, kung titingnan natin, na isipin natin nang mabuti ang problema ay ang ginagawa nila ay pinapahirapan kayo, pinapahirapan ang taumbayan para lang magpayaman sila nang ilegal na paraan. Kaya’t pinapahuli natin silang lahat.
Kaya po kasama na rin po ng ating mga ginagawa, ‘yung mga nahuli po ay dinadala po natin sa iba’t ibang lugar, at inuunahan po natin ‘yung mga pinakanangangailangan.
Kaya po ay nandito po ang mga ibang beneficiaries sa iba’t ibang ahensya upang matugunan naman ang inyong sitwasyon at mabigyan natin ng tulong ang iyong mga problema, mga hinaharap para maging mas magaan naman ang buhay at habang hindi pa tayo bumabalik kagaya sa dati, kagaya sa normal at habang ‘yung presyo ng ating mga agricultural goods.
Hindi lang po kasi dito nangyayari ‘yan. Hindi lang po dito sa Pilipinas nangyayari ‘yan. Sa lahat ng buong mundo ay lahat ng pagkain ay nagtataasan dahil sumasabay. Sumasabay pati ang presyo ng langis, sumasabay pati ang gulo.
Mayroong mga nagkakagulo-gulo sa Ukraine at hindi nila nailalabas ‘yung kanilang ani kaya’t hindi nakakarating dito, tataasan na naman ang presyo.
Kaya’t lahat ito ay ginagawa natin nang sa ganon, tayo ay sufficient supply sa bigas kahit walang importation. Sa ngayon, kailangan pa rin natin mag-import pero ang hangarin natin ay makarating tayo sa sitwasyon na hindi na natin kailangan mag-import ng pagkain para sa taumbayan.
Ang talagang nais naming mangyari, ang pangarap talaga natin ay hindi lamang sapat ang magiging suplay ng pagkain sa Pilipinas na nasa presyo na kayang abutin ng bawat isa.
Hindi lamang ‘yun. Kung pagandahin natin nang husto, makapag-export pa tayo. Pagkikitaan pa natin.
Iyan po ang ating mga pinaplano at ito po ay sana mararamdaman na ninyo dahil ang inuuna nga namin, tinitingnan po namin saan ang pinakakulang ang development ng agricultural sector? Saan ang mga taong mas lalong nangagailangan at ‘yun ang ating uunahin.
Kaya’t ‘yan po ang plano ng inyong pamahalaan. Asahan po ninyo na ang pamahalaan ninyo — lahat po ng nakikita namin na hinaharap na problema ninyo ay hahanapan po natin ng solusyon ‘yan. Lahat ‘yan tutugunan natin. Hahanapan natin ng solusyon dahil tayo ay — binubuo po natin, masasabi natin, pagagandahin natin ang Pilipinas at magkaroon na tayo ng Bagong Pilpinas.
Iyan po ang ating hangarin. ‘Yan po ang layunin ng buong Pilipino, lahat ng Pilipinas. [applause]
Kaya’t asahan po ninyo na kahit na anong pangyayari, nandito po ang inyong pamahalaan nagbabantay po sa inyo at kung may pangangailangan kayo, mapaabot niyo lang sa amin at gagawin namin ang lahat upang tulungan kayo.
At kahit hindi kami nakakarinig sa inyo, pupuntahan po kayo namin at titingnan namin kung ano ‘yung mga pangagailangan. Lahat po na maaaring gawin ng pamahalaan para tulungan kayo ay gagawin po namin.
Maraming, maraming salamat po at magandang hapon po sa inyong lahat!
— END —