Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio and Aljo Bendijo

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location People’s Television Network, Inc. (PTV), Quezon City

USEC. IGNACIO: Magandang umaga, Pilipinas at sa lahat ng Pilipino saan mang panig ng mundo. Ngayon po ay March 15, 2021, araw po ng Lunes. Ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula sa PCOO. Good morning, Aljo.

ALJO BENDIJO: Good morning, Usec; ako naman po si Aljo Bendijo. At ngayong araw ay magsisimula ang pagpapatupad ng uniform curfew sa buong NCR (National Capital Region). Base na rin sa napagkasunduan ng mga Metro Manila mayors sa uniform curfew na ito ay muling ipinagbabawal ang paglabas ng mga hindi awtorisadong indibidwal mula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng umaga. At naka-deploy na rin ang kapulisan para siguruhing naipapatupad nang tama ang curfew at minimum health standards sa Kalakhang Maynila na tatagal ng dalawang linggo. Ito po ang naging paraan ng Metro Manila Council upang tugunan ang surge o mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa na karamihan ay nanggaling sa National Capital Region. Usec.?

USEC. IGNACIO: Mga kababayan, konting sakripisyo lang po ito para malabanan ang COVID-19 kaya sumunod po tayo at makiisa sa mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan. At tandaan, basta’t laging handa at sama-sama, kaya natin ito. At ito po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

At una sa ating mga balita: Sa gitna po ng mga usaping tungkol sa pulitika at nalalapit na eleksiyon sa 2022, Senator Bong Go nilinaw na tanging pagbibigay-serbisyo lang sa kapwa ang pinagtutuunan niya ng pansin sa ngayon lalo pa’t humaharap na naman sa pagsubok dala ng COVID-19 ang bansa. Ang detalye sa report na ito:

[VTR]

ALJO BENDIJO: At sa usapin naman ng pagbibigay-serbisyo, labing-apat na pamilya mula sa Cordillera Region na naging biktima ng sunog ang hinatiran ng tulong ng pamahalaan at ni Senador Bong Go. Narito po ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Isang aid distribution din po ang ginanap sa Cagayan de Oro City kung nasaan nasa isandaan at pitumpu’t pitong pamilya na naging biktima ng magkakahiwalay na sunog ang tumanggap din ng ayuda mula sa pamahalaan at kay Senator Bong Go. Panoorin po natin ito:

[VTR]

ALJO BENDIJO:   Samantala, ayon sa mga local at international health experts, susi ang maayos at epektibong contact tracing para pigilan ang paglobo ng COVID-19 cases pero aminado ang Palasyo na may pagkukulang sa naging contact tracing efforts ng ating bansa. Kaugnay niyan ay makakapanayam natin si Contact Tracing Czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Mayor Benjamin Magalong of Baguio City, good morning po. Mayor?

Babalikan natin mamaya si Mayor Magalong.

Samantala, umakyat na po sa 621,498 ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos nga itong madagdagan ng 4,899 cases kahapon. Nasa 13,371 naman ang bilang ng mga bagong gumaling na umabot na sa higit 560,000; habang 63 ang naitalang nasawi sa kabuuang bilang na 12,829.

Bahagya namang bumaba ang daily reported cases kahapon. Ito naman ang ikatlong araw na hindi bumaba sa 4,000 ang kasong naitatalala. Noong Sabado po ay naitala ang all time high ngayong taon na umabot sa 5,000.

Sumampa naman sa 7.7% ng total cases ang mga aktibong kaso o katumbas ng 48,157 cases.

95% sa mga kasong ito ay mild at asymptomatic; ang critical at severe cases ay parehong nasa 1.6%; samantalang 0.80% lamang ang moderate cases.

USEC. IGNACIO:   Ilan pang mga barangay sa Lungsod ng Maynila ang isasailalim sa apat na araw na lockdown simula sa Miyerkules dahil po sa tumataas na bilang ng COVID-19 cases. Kung saan-saan ang mga iyan alamin natin mula kay Louisa Erispe.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO:   Okay. Maraming salamat sa iyong report, Louisa Erispe.

ALJO BENDIJO:   Samantala, nananatili pa ring on track ang schedule ng pamahalaan sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno. Ito po ay iginiit ni Vaccine Czar Carlito Galvez sa harap ng mga kumukuwestiyon sa bilis ng pagbabakuna kontra COVID-19.

Ayon po kay Secretary Galvez, hindi maaaring pagsabay-sabayin ang vaccination sa mga health workers dahil sa posibleng adverse effect sa mga ito na maaaring makaapekto sa operasyon ng mga ospital.

Narito ang report ni Mela Lesmoras.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO:   Maliban po sa curfew hours, may ilang lungsod pa sa Metro Manila ang nag-anunsiyo na magpapatupad ng liquor ban bilang bahagi ng mga hakbang para mapigilan ang mabilis na COVID-19 transmission.

Una po dito ang Quezon City na ipinagbabawal na ang pagbebenta ng mga alak simula ngayong araw. Maliban dito, inanunsiyo rin ng lokal na pamahalaan na isasara sa loob ng dalawang linggo ang mga gym, spa, at internet cafes. Magpapatupad din ng alternative schedule para mabawasan ang bilang ng mga empleyado sa mga establisimiyento.

Samantala, ipinagbabawal din ang pagbebenta ng anumang uri ng alcoholic beverages sa Lungsod ng Parañaque simula ngayong araw hanggang sa Marso 31. Para po sa mass gathering, ang papayagan lamang ay ang mga kaugnayan sa government services, humanitarian activities at religious activities na mayroong 50% na seating capacity. Papayagan din ang mga dine-in services na may higit 50% operational activities.

Huwag po kayong aalis, magbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

[AD]

USEC. IGNACIO:  Nagbabalik po ang Public Briefing #LagingHandaPH.

Kaugnay pa rin po sa pagpapaigting ng contact tracing sa bansa at iba pang mainit na isyu na may kinalaman sa mga lokal na pamahalaan, makakausap po natin ang tagapagsalita ng Department of Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya. Good morning, Usec.

USEC. MALAYA:  Yes, magandang umaga Usec. Rocky and Aljo.

USEC. IGNACIO:  Usec. ano po ba iyong sinasabing nagiging problema sa LGUs para po maka-keep up doon sa ideal na 1 is to 32 ratio na contact tracing?

USEC. MALAYA:  Okay. Iyan po ang ating inaalam sa ngayon at patuloy po ang aming koordinasyon sa ating mga local government. Base nga po sa pinaka-latest na datos natin, 1 is to 7 or 1 is to 6 ang close contact ratio natin at hindi natin naabot iyong 1 is to 30 na under the Magalong Formula.

Medyo nababahala po tayo dito, dahil mayroon na tayong karagdagang mga contact tracers for example here in Metro Manila, mayroong 15,000 additional contact tracers na hired ng DILG na ibinigay tayo dito; and nationwide, mayroon tayong 255,850. So kinakalampag po ng DILG ngayon ang lahat ng mga LGUs kasi sila po ang nagpapatakbo ng contact tracing program, dahil local nga po iyan. Kinakalampag sila para sa mas maigting at mas marami pang close contacts ang mahanap ng ating mga contact tracers.

USEC. IGNACIO: Usec., nakapag-request ba ang DILG ng dagdag pondo para sa mga contact tracers, nagkaroon ba ng tugon ang Kongreso para dito?

USEC. MALAYA:  Opo. Sinabi na po namin ito sa ating Kongreso na ang pondo ng DILG na ibinigay nila for 2021, kasama na rin iyong galing sa Bayanihan Act na hindi na-release ng pondo is only enough until June of this year. At gusto po sanang masiguro ng DILG na iyong July at December ay masisiguro pa rin natin ang serbisyo nitong mga contact tracers natin.

So, nag-request na po kami sa Kongreso at ang naging sabi naman po nila ay isasama daw po nila sa Bayanihan 3. Ngunit nasa kamay na po iyan ng ating Kongreso at ng ating mga economic managers kung maipapasa nga itong Bayanihan 3 at kung maisasama nga ang pondong hinihingi ng DILG for the salaries of our contact tracers. Umaasa po kami na mapagbibigyan tayo ng Senado at ng Mababang Kapulungan.

USEC. IGNACIO:  Usec., ngayon pong pami-pamilya na iyong sinasabing nagkakasakit sa COVID-19. So ano po iyong maitutulong naman po ng BHERT para sa mga naka-quarantine ng pasyente at devoted po ba dapat sila sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan ng may sakit?

USEC. MALAYA:  Opo. Ang ating mga BHERTs po, sila po talaga ang pinaka-medical frontliners natin sa mga komunidad at napakaimportante po ng kanilang tungkulin sa panahon ng pandemya ngayon. Mino-mobilize po natin sila sa lahat ng lugar.

At tama po kayo Usec. Rocky, na pami-pamilya na nga po, nag-iiba na po ngayon iyong mukha ng COVID. Dati po ang COVID nakukuha sa mga lugar ng trabaho o work place, ngayon pami-pamilya dahil po nagkaroon ng kampante o COVID fatigue ang ating mga kababayan mula noong nagsimula iyong ating immunization program. Ngunit hindi naman po tayo nagkulang sa paalala. Siguro sa pagod ng ating mga kababayan—kasama na rin of course iyong kampante na rin ng ating mga law enforcement. Nagkakaroon na ngayon ng feeling na patapos na ang pandemya dahil nagsimula na ang vaccination. Ngunit paulit-ulit na pong sinasabi ng DILG at maging ng pamahalaan na hangga’t hindi tayo makaabot doon sa herd Immunity, hindi pa po tapos ang pandemyang ito.

So nakikiusap po kami, umaapela po kami sa ating mga kababayan na kahit po sa loob ng kanilang mga tahanan… kung galing po sila sa labas, pagpasok sa bahay magpalit po kaagad ng damit, maligo at siguraduhing walang sintomas bago yakapin or halikan ang anak o kaya naman makipaghalubilo sa kanilang magulang. Huwag na muna tayong makipagkumpul-kumpulan o kaya naman makipagkita sa mga kamag-anak. Alam ko po na tayo ay sabik na sabik na na makipagkita ngunit protektahan po natin ang ating mga pamilya. Dahil tama po kayo, Usec. Rocky iyong hawaan ngayon ay pami-pamilya na. Mayroon pa nga po tayong nakitang mga pangyayari na iyong dalawang magulang, iyong dalawang anak at mga apo, lahat po nagkaka-COVID dahil nga po ang hawaan ay nasa loob ng tahanan.

USEC. IGNACIO:  May tanong po si Joseph Morong, pahabol lang po: Ano po iyong nangyari sa fund, iyong first batch kung hindi na-reach iyong 1 is to 30 ratio? At bakit kinakailangan pong humingi pa ng dagdag pondo?

USEC. MALAYA:  Opo. Unang-una po wala pong relasyon iyong pondo doon sa ratio. Iyong ratio po is the performance of the contact tracers. Iyong hiring po natin, wala po tayo naging problema, na-hire po natin lahat at nagamit po natin iyong pondo na ibinigay sa atin ng Kongreso.

Noong nakaraang taon, may naiwan po tayong P1.4 billion unreleased from Bayanihan 1 at mayroon pong P500 million under the General Appropriations Act na GAA ng DILG at ito pong pondong ito ang ginamit natin para sa rehiring ng 15,000 contact tracers.

So in so far as the fund is concerned, gamit na gamit. But the ratio is the performance of the contact tracers, iba pong usapan iyan. Kaya nga po—and let me just explain na ang nagpapatakbo po sa contact tracers ay ang mga LGUs through the City or Municipal Health Office through the Epidemiology Unit ng kani-kanilang mga LGU at sila po ang nagdi-deploy niyan, sila po ang kumakausap diyan at sila po ang nagbibigay ng assignments.

Kaya po ang DILG ay kumakalampag sa kanila para mas mataas iyong contact tracing ratio. Ang gusto po sana ng DILG kung hindi natin maabot iyong 1 is to 30 at least 1 is to 15-man lang sana ang ma-contact trace natin, ma-isolate at ma-test lahat ng mga close contact ng lahat ng ating mga positives.

USEC. IGNACIO:  Follow up ni Joseph Morong: Hindi ba po performance indicator iyong hindi na-reach ang 1 is to 30 ratio?

USEC. MALAYA:  Yes. In a way that is a performance indicator and alam po iyan ng DILG. We have been repeatedly talking to the LGUs. In fact, kahit po si Mayor Magalong kasama po natin siya na nag-iikot sa mga LGUs. Kasama po si [garbled] Sa Cavite, Bataan at iba’t ibang mga LGU dito sa Metro Manila.

Patuloy po kaming nagpapaalala sa mga local government units na huwag lamang sa first level and contact tracing, hindi lamang doon sa nakahalubilo noong positibo ngunit iyong mga nakahalubilo din noong mga nakahalubilo noong COVID positive, ibig sabihin the second and third generation coming from that individual. Ngunit madami po kasing variables ang contact tracing, Una po, kung minsan mismong contact tracers nagkakasakit din at kapag nagkasakit po sila hindi na sila nakakagawa ng kanilang trabaho.

Pangalawa, hindi po nagko-cooperate ang ating mga kababayan. Kapag tinatawagan lang po sa telepono, hindi naman po nagbibigay ng kumpletong impormasyon sa mga taong nakakahalubilo nila dahil sila raw po ay mabi-blame o nao-ostracize sa kanilang komunidad. Kung minsan po, pulis na ang pinapapunta natin para magsagawa ng tinatawag na cognitive investigation.

At pangatlo po, kung minsan ay nagiging kampante rin iyong ating mga tracers dahil nga akala nila ay simula na ng katapusan ng pandemya noong nagsimula po tayong magbakuna. So, a variety of these different variables led to the 1:7 contact ratio. So ngayon po, it is now incumbent upon the DILG to continuously monitor and encourage our local government units na kailangang palakasin nila at paigtingin ang kanilang contact tracing performance para mas mataas naman ang close contact ratio ng ating bansa.

USEC. IGNACIO: Op. Tanong ni Jo Montemayor ng Malaya: As a general rule, if one is a close contact of a person who tested positive for COVID-19, is he or she allowed to go out and mingle with other people or even hold a press conference?

USEC. MALAYA:  Hindi po, it would be incumbent upon that individual na in close contact to first, isolate himself; and kung mayroon siyang mga sintomas ay kailangang magpa-test po siya kaagad-agad. It is better to exercise a sense of caution kaysa po malaman niya later on na siya pala ay positibo.

So the first thing that that person should do is to isolate himself, tingnan ang kaniyang mga sintomas and if needed, magpa-test po kaagad.

USEC. IGNACIO: Tanong po ni Einjhel Ronquillo ng DZXL/RMN: Kung suportado ng DILG ang suggestion ng isang consultant ng NTF na magsuot ng face mask kahit sa loob ng tahanan?

USEC. MALAYA: Opo, suportado po ng DILG iyang posisyon na iyan. In fact, iyan po ang naging posisyon ni Secretary Año from the very beginning. At [garbled] si Secretary Año dahil sa kaniyang suhestiyon na iyan. Nguni’t ang konteksto po ng suhestiyon na iyon ay baka po dumating tayo sa panahon na pami-pamilya na ang nagkaka-COVID and in fact, we are now in that situation.

So for example, ako po, kapag kausap ko po iyong aking mga kapatid dito sa Pilipinas at nagkikita po kami, since hindi ko naman alam kung saan sila nanggagaling, kapag nag-uusap po kami ay lagi po akong naka-face mask even kung nasa bahay. Kaya kung hindi po tayo sigurado na tayo ay hindi COVID-free, galing tayo sa labas, hindi tayo sigurado kung tayo ay walang COVID, well unang-una, pagdating sa bahay ay mag-face mask tayo. Only if we are comfortably sure na wala tayong COVID, that’s the only time na huwag po tayong mag-face mask.

USEC. IGNACIO: Opo. Iyong liquor ban, mayroon po ba raw sa Pasay City?

USEC. MALAYA:  Wala pa po kaming nari-receive na report na mayroon nang liquor ban sa Pasay. Ang nakarating sa DILG ay ang Quezon City, Lungsod ng Caloocan at Lungsod ng Parañaque. Pinaubaya po ng DILG sa kaniya-kaniyang mga LGUs kung kailangang nag-impose ng liquor ban, depende po sa sitwasyon sa kanilang mga nasasakupan.

Ang hinihingi lang po namin sa ating mga mayors ay magpatupad ng uniform curfew hours para na rin po sa kapakanan ng ating mga kababayan, in so far as the liquor ban is concerned, nasa kamay na po iyan ng ating mga local government units.

USEC. IGNACIO: Usec., kayo po sa DILG ang ginawang in charge dito sa pagpapatupad ng StaySafe.PH within ten days. Paano na kaya po iyong mga local apps na ginagamit po ng ilang LGU para sa contact tracing, ititigil po ba ito?

USEC. MALAYA: Hindi po natin ipapatigil ang mga local apps ng mga LGUs dahil marami na po ang gumagamit niyan; na-download na po iyan ng mga tao. Nguni’t ito pong mga apps na ito ay kailangan interconnected sa StaySafe app dahil ang StaySafe app po, iyan ang ating national contact tracing app. At hinihikayat po namin ang lahat, lahat ng LGUs, lahat ng mga negosyante, lahat ng ating mga kababayan na mag-download po tayo ng StaySafe app. At ngayon po na itong StaySafe app ay nasa kamay na po ng DILG within the next ten days ay kakausapin po namin ang mga local government units na iyong kanilang local contact tracing app must be operable or interconnected or integrated dito sa Stay Safe application system.

USEC. IGNACIO: Ayon naman po sa suggestion din ng DILG na ipatupad iyong uniform curfew hours po sa buong Metro Manila, sa palagay ninyo ay sapat iyong two weeks para po kahit paano ay maging under control ang surge ng COVID cases sa National Capital Region?

USEC. MALAYA: Opo. Umaasa po ang DILG na magtagumpay ito, so hinihingi po natin ang kooperasyon ng ating mga kababayan, sumunod po tayo sa ating mga kapulisan. Kung kayo po ay galing sa trabaho or pauwi sa inyong bahay galing sa trabaho, ipakita ninyo lang po ang inyong ID at kung ano pang mga dokumento sa ating kapulisan para mapauwi po kayo at ipaliwanag ninyo lang po because you are exempted. Kahit po iyong mga public transportation are also exempted, iyong mga nagtatrabaho sa BPOs are also exempted. So mayroon pong exemptions doon sa mga ordinansang ipinasa ng mga local government units.

Ngayon, Usec. Rocky, doon sa tanong kung magiging matagumpay ba ito? Malalaman din iyan in the next two weeks if it has a significant impact. Ngunit sa tingin ko po, kung curfew lamang, hindi po ito magiging sapat. Kailangan po ay mismong ang ating mga kababayan ay gumawa ng kanilang sariling hakbang para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Iyong atin pong BIDA Solusyon, iyong ating individual discipline, individual responsibility, iyong atin pong ugali na kapag kumakain ay tinatanggal natin ang ating mask at nakikipagkuwentuhan tayo – alisin iyan.

I think, kung ito pong ating ginagawang minimum health standards, strict enforcement, curfew, liquor ban at iba pa, kung iyan po ay maigting nating ipapatupad, sa tingin ko po ay bababa ang ating mga kaso ng COVID-19 in the next two weeks. Umaasa po kami at nagdarasal na magiging matagumpay po itong ating ginagawa.

USEC. IGNACIO: Opo. In case lang po na hindi natin nakontrol ang pagtaas, ano po iyong posibilidad na tayo po ay mag-MECQ? At in case na mag-MECQ ulit ang NCR, gaano po kahanda ang ating DILG para ito ay ipatupad?

USEC. MALAYA: Opo. Usec. Rocky, kami naman po sa DILG as the public already knows, 100% lagi po kaming handa to undertake what is necessary for the country. Nakita naman po natin last year kung gaano po kami kahanda to impose lockdowns. Ngunit ang desisyon po para magkaroon ng [garbled] ay nasa kamay po ng IATF at ng ating Pangulo. At sa panahon po kasing ito ay sadsad ang ekonomiya kaya baka po mahirapan pa tayo kung tayo po ay magla-lockdown.  [Garbled] outside of a lockdown, what we are doing now is itong mga curfew, itong mga liquor bans sa ilang mga LGUs; mass deployment, mayroon po tayong sampung libong pulis na ipinapakalat sa buong Metro Manila para mas maigting ang enforcement ng ating mga minimum health standards. Kausap din po namin ang Department of Transportation para naman po mas maigting ang implementasyon ng health protocols sa mga public transportations.

So lahat po ng ito ay ginagawa natin para hindi na po tayo makarating sa scenario na kakailanganin natin ng lockdown. Ngunit kung saka-sakali pong magdesisyon ang IATF at ang ating Pangulo, lagi pong nakahanda ang DILG kasama po ang ating kapulisana na i-execute ito.

USEC. IGNACIO:  May pahabol po na tanong si Joseph Morong ng GMA News: How much daw po was provided for the first batch of contact tracers?

USEC. MALAYA: Okay. Under the Bayanihan I, nabigyan po ang DILG ng 5 billion pesos for the hiring of 50,000 contact tracers and we were able to hire almost that number. Mayroon pong naiwan na 1.4 billion unreleased to the DILG under Bayanihan I. So ito pong 1.4 billion na ito, unreleased to the DILG, isinama po natin iyong 500 million doon sa 2021 General Appropriations Act, ito po iyong pondong ginamit natin for the re-hiring of 15,000 contact tracers this year.

Ang pondo pong naiwan sa amin is only enough for January until July of this year. Kaya po kami humihingi ng karagdagan sa Kongreso para ho masiguro natin na itong 15,000 na ito are [technical difficulties] to December of this year para po lahat tayo makasiguro.

And just to be very transparent about it, iyong 15,000 contact tracers po na iyon, 2,381 were deployed to NCR – dito naman po ang epicenter ng COVID; 1,504 sa Region III; at [technical difficulties] sa Region VI.

USEC. IGNACIO:   Okay. Maraming salamat po sa inyong panahon, Undersecretary Jonathan Malaya ng DILG.

USEC. MALAYA:   Maraming salamat din po at mabuhay po kayo.

ALJO BENDIJO:   Samantala, magpapakalat po ang NCRPO (National Capital Region Police Office) ng mahigit 9,000 pulis sa Metro Manila para tumulong sa pagpapatupad ng uniform curfew hours.

At ayon kay PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, may ipakakalat na red teams na magmo-monitor sa operasyon ng mga pulis na naka-deploy, binubuo ito ng mga tauhan ng PNP Highway Patrol Group at Reactionary Standby Support Force.

Maliban diyan ay magtatalaga din ng mahigit 300 checkpoints sa mga istratehitikong lugar sa Metro Manila – strategic points. Idinagdag pa ni General Eleazar, palalakasin din ang police visibility sa Metro Manila para mabantayan din ang mga pasaway na lumalabag sa minimum health protocols at mapigilan ang mabilis na COVID-19 transmission.

USEC. IGNACIO:   Pinatawan na ng disciplinary action ng pamunuan ng MRT-3 ang mga tauhan nitong nakuhanan ng video na mabilis na nagsasagawa ng disinfection sa kanilang train. Ayon po sa MRT-3, hindi nila hahayaan ang anumang paglabag sa health protocols habang patuloy ang pagbibigay serbisyo sa mga pasahero ngayong may COVID-19 pandemic.

Dagdag pa nito, mahigpit ang kanilang kautusan sa kanilang cleaning and disinfection staff na gawin nang pulido at maayos ang proseso ng pagdi-disinfect sa mga tren para maiwasan ang posibleng transmission ng virus. Muli, iginiit ng MRT-3 na ang kaligtasan at kalusugan ng mga pasahero ang kanilang pangunahing prayoridad ngayong patuloy ang banta ng COVID-19.

ALJO BENDIJO:  Isa po sa ikinababahala ng karamihan ay ang pagkadiskubre dito mismo sa Pilipinas ng P.3 variant, isang bagong variant ng COVID-19 na nakahawa na sa ilan nating mga kababayan. Ang pinakamalaking tanong, mas nakakahawa nga kaya ito kumpara sa original na virus? Ilan na nga ba ang nahawaan nito at papaano maiiwasan ito? Upang sagutin po iyan, makakapanayam natin si Director Alethea De Guzman ng Epidemiology Bureau ng Department of Health. Magandang umaga po!

DOH DIR. DE GUZMAN:   Magandang umaga, sir Aljo and Usec. Rocky!

BENDIJO:   Ma’am, ano po ba ang datos o impormasyon na mayroon ang Department of Health tungkol sa P.3 variant na ito? Saan-saang rehiyon po ba nakita ang presensya ng variant na ito?

DOH DIR. DE GUZMAN:   Una, gusto nating ipaabot para lang maintindihan natin ano itong mga variants na ito. Gusto namin siyang i-liken or ihalintulad sa isang family tree na ang ating pinakaninuno, iyong root niya ay iyong original SARS COVID 2 virus na nadiskubre sa China subalit habang kumakalat ang sakit sa iba’t-ibang parte ng lugar ay nag-branch out siya.

Iyong isang branch nito ay unang na-detect sa Brazil at ito’y tinawag na B.1.1.28 at ang origin nga ay Brazil at ito ay further nag-subdivide ‘no or nagkaroon ng mga bagong kategorya at iyong isa nga po dito ay iyong tinatawag nating P.3 na variant. Ito po ay unang na-report dito po sa Pilipinas at sa ngayon mayroon tayong 98 na kaso na positibo para sa variant na ito. Karamihan po ay nakita natin sa Region VII.

Pero gusto nating linawin na itong variant na ito ay hindi po—ine-imbestigahan pa at sa ngayon ay hindi po siya classified as a variant of concern. Ibig sabihin, hindi pa po napapatunayan, wala pa tayong ebidensiya na ito po ay mayroong potential na impact sa public health o di kaya tulad ng ilang mga variant of concern, hindi pa natin alam or hindi pa natin nabibigyan ng ebidensiya na ito ay nagdadala o nagiging dahilan para mas mabilis na transmission o di kaya epekto sa mga bakuna or maaaring mga epekto po… at nagiging dahilan para mas maging severe ang pagkakasakit or tumaas ang risk natin para maging isang fatality.

ALJO BENDIJO:  Director, kumusta naman po ang unang kaso sa ating bansa ng P.1 variant na unang nakita sa Brazil at ano po ang estado ng mga close contacts niya?

DOH DIR. DE GUZMAN: Itong una nating kaso na na-detect ay isang returning Overseas Filipino na galing po talaga sa Brazil, noong huling linggo po siya ng Pebrero nakarating dito sa Pilipinas at base naman po sa protocol natin, upon entry natin dito sa Pilipinas sila ay naka-quarantine kaagad at ginawa nga po iyong testing noong fifth day at dahil as per protocol dapat po nakatapos po ng sampung araw na isolation period ito.

Ang nakasulat sa ating datos ang ating ROF ay nag-indicate na siya ay umuwi sa Region VI. Sa ngayon nag-i-imbestiga po ng Region VI para lang masigurado, ma-further verify, na una, na nakatapos nga po siya noong sinasabing isolation period at kung siya naman po ay naka-complete po ng protocol na iyon, wala po tayong makikita na dagdag na mga close contact dahil upon arrival naman po ay naka-quarantine na po sila.

ALJO BENDIJO:  Director, masasabi ba nating contained pa ang mga variants na ito o ang mga new variant ba na ito—

USEC. IGNACIO:  Okay. ipagpapatuloy po natin iyong tanong na iyan. Masasabi po ba natin na contained na iyong mga variants na ito?

DOH DIR. DE GUZMAN:  Sa ngayon iyong—nakita natin nagsimula iyong detection ng mga variants po sa CAR ‘no at naririnig ko nga po iyong sinasabi ni Usec. Malaya napakahalaga talaga—nakita natin sa CAR na iyong mabilisang na contact tracing, testing at isolation ay isang malaking tulong para po hindi na po dumagdag pa, hindi na po marami iyong madagdag na kaso na nagpositibo po doon sa B.1.1.7 or iyong UK variant, iyan po iyong ini-institute po natin dito sa NCR at iba pang mga rehiyon na naka-detect tayo nitong mga tinatawag na UK and South African variant.

Sa ngayon nakapag-contact tracing na po ang ating mga LGUs at ito ay nirekomenda nating gawin hanggang sa third generation at inaaalam, naghihintay tayo ng update kung mayroon pang mga sumunod na nagpositibo on PCR at iyon po iyong mga ite-test pa natin at para malaman kung sila din po ba ay magpopositibo dito sa UK or South African variant.

USEC. IGNACIO:  Director, para raw pong bumabalik lang tayo doon sa sitwasyon noong nagsisimula pa lang ang lockdown sa bansa. Ito pong mga panahong ito noong nakaraan taon, nandito po tayo sa buwan ng Marso. Ang tanong po ng ilan: Bukod po sa palagiang pagbibilin sa mga tao na mahigpit na sundin iyong tinatawag nating minimum health standards, may iba pa raw po bang strategy na mai-offer ang Department of Health para daw po mapababa iyong daily numbers natin sa ngayon?

DOH DIR. DE GUZMAN:  Una talaga ang pinakamahalaga po itong pag-i-implement ng MPHS. Ang madalas kasi nating naririnig ngayon, dahil nakita itong mga variants of concern, napakadaling sisihin o i-blame sila dahil doon sa napakabilis na pagtaas ng kaso. Pero kung tutuusin, tayo ay magiging protektado, tayo ay hindi mai-expose or mababawasan ang exposure, kung tayo ay nagpa-practice ng MPHS pero siguro iyong kailangan nating i-emphasize eh dapat correct ad consistent ‘no. Pagma-mask na dapat naka-cover ang bibig  at ang ating ilong, tightly fitted at iyong pagpapaalala na ang  mga MPHS ay hindi lamang sa public places o di kaya sa mga work places, pero kinakailangan po talaga kahit sa bahay lalo na kung may kasama tayong mga matatanda o di kaya may mga iba pong sakit tulad ng hypertension or diabetes.

Ikalawa po natin na kailangan at mahalaga pong ma-establish ay itong mga work places ‘no at establishments po natin.   Mayroon tayong mga safety protocols tulad ng pag-i-screen sa mga empleyado o di po kaya mga bibisita sa mga establishment, para siguraduhin na walang sintomas sa mga papasok dito sa establishments na ito at namo-monitor kung ano iyong kalagayan noong mga visitors at ng ating mga empleyado at ang ikatlo po talaga iyong LGUs. So, nakakatuwa iyong naririnig natin sa DILG. Alam ninyo, napaka-capable ng ating LGUs. Iyon nga lang dahil sa mabilis ang pagtaas ng mga kaso, higit pa tayong enhanced po noong pag-i-implement po natin nitong mga PDITR strategies po natin.

USEC. IGNACIO:  Dumako naman tayo, Director sa mga tanong mula sa media. Mula kay Red Mendoza ng Manila Times: Ano daw po ang masasabi ninyo sa prediction ng OCTA Research na baka umabot ang kaso sa 8,000 [daily] confirmed cases by end of March, kung hindi daw po makokontrol ang COVID-19? At sinabi rin po ito ni  Father Nicanor Austriaco na ang figure po ng kaso na may UK variant ay hindi 3.3%, kung hindi 30% na ayon po sa study ng  sinasabing bagong variant?

DOH DIR. DE GUZMAN: Una, nakikita naman talaga natin na kapag ito, kung itong mga variants of concern na ito ay iyong magiging tinatawag nating predominant variant, napakalaki talaga ng pagtaas ng kaso na makikita natin. Sa ngayon ang ating mga variants of concerned ay nagko-compose lamang ng halos 7% ng lahat ng nasi-sequence nating samples. At dahil dito kung ito ay lalagpas sa 7 at magiging more than 50% na po siya, halimbawa sa UK naging 60% na siya ng mga sini-sequence na samples, nakakita talaga tayo ng jump, hindi  lamang siguro three times, kung hindi 28 times iyong sinasabi nating mga eksperto. Kaya nga ngayon na maliit na porsiyento pa lang ng mga nasi-sequence na samples natin ang nagpopositibo sa  mga variants of concern, napakahalaga na ma-contain, ma-cut natin iyong transmission na ito para hindi na po siya lalo pang kumalat at mag-apekto sa mas maraming lugar.           

USEC. IGNACIO:  Tanong naman po ni Sam Medenilla ng Business Mirror: Ilan na po sa 1.1 million doses ng COVID-19 vaccine ang na-inject na po sa priority beneficiaries as of today at ano po ang breakdown nito per sector?

DOH DIR. DE GUZMAN: Sa tingin ko, Usec, mas maganda po na ang ating vaccine czar po ang makasagot po ng katanungan pong iyan.              

USEC. IGNACIO:  Ikalawa pong tanong ni Sam Medenilla: May reports na po kaya na nari-receive ang DOH ng possible wastage sa nasabing vaccine doses either improper administration or storage for the vaccine, if yes, ilan po kaya ito?

DOH DIR. DE GUZMAN:  Usec. Rocky, babalikan din po namin kayo, sa ngayon po akong alam na reports natin on the wastage. But ire-refer po natin iyan sa ating [unclear] para po masagot.

USEC. IGNACIO:  Mula po kay Einjel Ronquillo ng DZRL/RMN: Suportado po ba ninyo iyong suggestion ng isang consultant ng NTF na magsuot ng face mask kahit sa loob po ng mga   tahanan?

DOH DIR. DE GUZMAN:  Kung matatandaan natin, Usec. Rocky, last year po ano noong ini-launch po natin ang BIDA solusyon. Ini-encourage na talaga natin ang ating mga communities na kahit po sa bahay mag-mask na po talaga. Nabanggit ko nga po kanina, lalo na po kung mayroon pong mga elderly at may mga comorbidities po tayong kasama sa bahay, higit na mahalaga iyong pagsusuot ng mask sa loob po ng ating mga tahanan.

USEC. IGNACIO:  Maraming salamat po sa inyong panahon, Director De Guzman ng Epidemiology Bureau ng Department of Health. Mabuhay po kayo.

DOH DIR. DE GUZMAN: Thank you po, Usec. Rocky and Sir Aljo. Good morning po.

ALJO BENDIJO: Puntahan naman natin ang mga balitang nakalap po ng Philippine Broadcasting Service mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa. Ihahatid iyan ni John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas, John magandang umaga.

[NEWS REPORT] 

ALJO BENDIJO:  Maraming salamat John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

USEC. IGNACIO: Silipin naman po natin ang pinakahuling balita mula sa Cebu. Magbabalita si John Aroa ng PTV-Cebu. John, maayong buntag!

[NEWS REPORT]            

USEC. IGNACIO:    Maraming salamat sa iyo, John Aroa ng PTV-Cebu.

ALJO BENDIJO:  Dumako naman tayo sa Davao Region. May ulat si Jay Lagang ng PTV-Davao, Jay?

[NEWS REPORT]

ALJO BENDIJO:  Daghang salamat, Jay Lagang ng PTV-Davao.

Samantala, maraming salamat din po ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.  Salamat din po sa Filipino Sign Language Access Team for COVID-19. Mabuhay po kayo.

USEC. IGNACIO:   Sa puntong ito, kami po sa Public Briefing ay taos-pusong nakikiramay sa pamilya ni Department of Health Spokesperson, Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pagyao po ng kaniyang ina. Our prayers po and condolences sa mga naiwan niyang mahal sa buhay.                

At dito po nagtatapos ang ating programa sa araw ito, ako po ang inyong lingkod, Usec. Rocky Ignacio mula po sa PCOO. Salamat Aljo.

ALJO BENDIJO:  Maraming salamat din, Usec. Ako naman po si Aljo Bendijo.

USEC. IGNACIO:  Hanggang bukas pong muli dito sa Public Briefing#LagingHandaPH.

 

###   

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)