INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / “Kaagapay ng Bayan” with Melany Valdoz-Reyes and Oliver Abelleda
21 May 2016
 
QUESTIONS AND ANSWERS

Mr. Abelleda: Sir, may ilang mga katanungan lang po kami dito, kunin po namin ‘yung reaksyon po ng Palasyo, halimbawa, doon sa balita na ang COMELEC po ay talagang magpapatupad na daw po sila ng mga reporma sa sistema po ng halalan sa bansa at kabilang nga po doon ay posibleng amiyendahan po nila ‘yung Omnibus Election Code po, sir?

SEC. COLOMA: Napakahalaga ng pagtiyak ng ating prosesong elektoral o paghahalal ng mga opisyal ng bansa ay may integridad at maayos itong maisasagawa.

Kaya most welcome ang reporma na itinataguyod ng COMELEC (Commission on Elections) at ng iba pang mga stakeholders dahil bunsod na rin ng karanasan natin sa nakaraang tatlong idinaos na automated elections ay siguro ay nakapangalap na ang iba’t ibang sektor, kabilang na rin ang COMELEC, ng mga mahahalagang aral na pwedeng maging batayan sa pagtataguyod ng mga kinakailangang reporma.
Mr. Abelleda: Sir, ano po naman ‘yung reaksyon po ng Palasyo doon po sa mga balita ngayon na parang nagkakaroon ng rift or tawagin natin na infighting doon sa papasok po na administration ni President-elect Rodrigo Duterte kasi may report nga na may ilang malalapit po siya na kasamahan na parang nadidismaya doon sa iba nilang kasamahan dahil hindi raw nakokonsulta doon sa pagpili po ‘nung miyembro po ng Gabinete. Ano po ‘yung pahayag po kaya ng Palasyo po dito?

SEC. COLOMA: Siyempre po ang nais po natin ay iyong maayos na transition at ‘yung ganap na paghahanda ng papasok na administrasyon para sa tungkuling kanilang mga gagampanan.

At mainam talaga kung ibibigay natin ang ating buong suporta at lahat din ng sektor ng ating lipunan ay magbibigay nang buong suporta sa papasok na administrasyon. Kaya’t siguro mas mainam na huwag na nating bigyang-buhay pa kung anumang mga intriga, espekulasyon, usap-usapan tungkol diyan.

Unang-una, wala po kaming kinalaman at hindi naman po kami kalahok doon. Pero bilang mga observer lang at bilang nagkaroon na rin ng karanasan sa ganyang proseso na bilang isang incoming administration, talaga po namang makakatulong nang husto kung lahat ay magbibigay na lang ng kanilang suporta.

Mr. Abelleda: Sir, ano po, kukuha din po kami ng ibang detalye or update po, sir, tungkol po doon sa naging pag-uusap po niyo kahapon, sir, ni Atty. Salvador Panelo?

SEC. COLOMA: Patuloy ang pakikipag-usap namin sa isa’t isa dahil kami naman ay matagal nang magkakilala.

At binigyan ko si Atty. (Salvador) Panelo ng background tungkol doon sa mga mahalagang aspeto na ginagampanan ng — mga tungkulin na ginagampanan ng isang communications secretary, kung paano ‘yung organisasyon natin, kung paano binubuo ‘yung iba’t ibang grupo na kalahok sa coverage sa mga presidential events, at higit sa lahat ‘yung mahalagang pakikipag-ugnayan ng Tanggapan ng Pangulo sa ating mass media dahil kayo nga ang aming katuwang, kayo ‘yung dinadaluyan ng impormasyon na ipinararating sa ating mga mamamayan.

Kaya’t iyan ay ipinaliwanag at isinalaysay ko sa kanya. Siya naman ay may malawak na ring karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga kagawad ng media sa kanyang pagiging manananggol sa iba’t ibang kaso at iba’t ibang mga kliyente kaya’t hindi rin naman siya naninibago diyan sa mga naisalaysay ko na rin sa kanya.

Kaya’t nagkasundo kami na patuloy ang pakikipag-ugnayan namin. Sa lahat naman ng pagkakataon ay handa ang aking tanggapan na makipag-ugnayan sa kanya at kaming dalawa naman ay madaling makapag-usap kung mayroong dapat na pag-usapan at paghandaan sa paghahalinhinan ng lalabas at papasok na administrasyon.
Mr. Abelleda: Sir, may mga ano po ba, may mga nabanggit po o kahit pahiwatig na magkakaroon tayo ng mga pangunahing o malalaking pagbabago doon po sa mga ahensiya na nasa ilalim po ng PCOO?

SEC. COLOMA: Mas mainam po siguro siya na lang ang maglalahad niyan dahil nga siya naman ang tinutukoy, siya ang magiging pinuno ng tanggapan.

Hindi naman maayos na ako ay lalahok pa sa espekulasyon o pangungunahan ko na siya.

Mas mainam po siguro ay bigyan natin siya ng pagkakataon na ilahad kung ano ‘yung kanyang sariling plano at kung ano ‘yung kanyang ipapatupad sa kanyang pamamahala.
Ms. Reyes: Sir, follow up ko lang, ano po ang masasabi ng Malakanyang na ilan sa mga napili ni President-elect Duterte na bubuo ng kanyang Gabinete karamihan po doon ay mga dating opisyales ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?

SEC. COLOMA: Well, kung tutunghayan natin ‘yung mga nakaraang administrasyon, baka isa sa mga makikita natin doon ay mayroon naman palaging naglilingkod na naglingkod na sa nakaraang administrasyon.

Kung inyong mamarapatin ay gagamitin ko na lang ‘yung sarili ko bilang halimbawa. Noong ako ay naglingkod sa administrasyon ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada, meron na rin akong karanasan sa paglilingkod sa administrasyon ni Pangulong Cory Aquino.

Kaya sa kasalukuyan, ito ang ikatatlong Pangulo na aking pinagsilbihan at pinagsisilbihan. Kaya’t hindi naman kakaiba ‘yung pangyayari na mayroong mga datihan nang naglingkod, inanyayahan muli at tatanggapin nilang muli iyon.

Siguro ay mauunawaan natin na mayroon din namang halaga ‘yung nakaraang karanasan at ‘yung kaalaman niya na dadalin doon sa posisyon kumpara doon sa hindi pa ni minsan ay nakatuntong sa public service. Medyo may learning curve din para sa ganoong mga sitwasyon.

Mr. Abelleda: Sir, doon naman po sa mga binabanggit sa mga balita na ‘yung panukala tungkol doon sa campaign finance law. Ano po kaya ang reaksyon natin dito? Kasi tuwing may halalan daw po ay may isyu lagi ‘nung kapag nanalo ‘yung kandidato, ‘yung pagtanaw ng utang na loob doon sa mga campaign donors. Ano, sir, ‘yung reaksyon ng Palasyo doon sa mga panukala na magkaroon po tayo ng talagang seryosong campaign finance law para malimitahan po ‘yung mga pondo na pwede pong i-donate ng mga financial backers po sa isang kandidato po kaya, sir?

SEC. COLOMA: Idugtong na lang natin iyan doon sa nauna ko ng tugon kanina hinggil doon sa tanong patungkol sa reform sa COMELEC dahil katuwang naman iyan, kadugtong iyan ‘nung konsepto na dapat ng magkaroon ng electoral reforms.

Iyong campaign finance kasama iyan sa electoral reforms at mainam siguro na maging bahagi iyan ng isang komprehensibong pag-aaral ng mga kasalukuyang batas para maiwaksi, kung mayroong nakitang hindi tama; maituwid, kung mayroong nakitang baluktot; at baguhin, kung mayroong nakitang hindi na dapat pairalin pa.

Iyon kasing konting nalalaman natin, iyong paggastos ay inire-relate iyan doon sa dami ng botante. So, halimbawa, ikaw ay tumatakbo para sa posisyon ng gobernador, itinuturing kung ilan ba ‘yung populasyon ng iyong lalawigan. Kung ikaw naman ay tumatakbong mayor, ilan ba ang boboto para sa posisyon na mayor at mayroong halaga na itinatakda na pwede mong gastusin for every voter.

So, baka iyan ang aspeto na kinakailangang tingnan kung relevant pa rin ba o kung naaayon pa rin sa galaw ng gastusin. At sa karanasan natin, ano ba ang naging hindi mainam na resulta ‘nung umiiral na batas?

Sa palagay ko, sa papasok na Kongreso ay magkakaroon naman sila nang sapat na pagkakataon para pag-aralan ang mahalagang isyu na ito at kung makakapagpatupad sila ng electoral reforms kabilang na nga diyan sa campaign financing, walang ibang makikinabang kung hindi ang mga mamamayang Pilipino.

Ms. Reyes: Sir, may text question po si Bombo Reymund Tinaza, ang tanong po niya: May we know kung ano ang status o balik trabaho na po ba sina Secretary Edwin Lacierda at Usec. Abi Valte?

SEC. COLOMA: Ay sorry po, wala pa akong pagkakataon na maalam, malaman kung ano ang tungkol diyan kaya’t hindi ko pa mabibigyan nang tuwirang katugunan ngayon ang ating kaibigang si Reymund.

Mr. Abelleda: Sir, sa ibang isyu naman po kasi marami na pong mga grupo ngayon, sir, ‘yung nagpoprotesta, mga estudyante, mga guro, at saka mga magulang na nagpo-protesta po sila laban doon sa implementasyon po ng K to 12. Ano po ang pahayag po ng Malakanyang po hinggil dito kaya, sir?

SEC. COLOMA: Mainam po siguro na itong ating mga kababayan, mga kapatid, mga magulang, mga mag-aaral na mayroong ganyang saloobin ay kung maaari ay gumugol din sila nang konting panahon para magnilay at pag-aralan ang buod nitong isinasagawa nating K to 12.

At kung mamarapatin ninyo, babalikan ko lang ‘yung fundamental na prinsipyo nito. Bago ipinatupad ‘yung K to 12 program, wala po tayong compulsory na Kindergarten. Naguumpisa ang paaralan sa Grade 1. At iyong mula Grade 1 hanggang fourth year high school, na itinuturing nating bumubuo ng basic education, ang total po niyan ay 10 years. Grade 1 to 6 tapos ay first year to fourth year: so 6 + 4 = 10.

So sa kabuuan, ang bawat Pilipinong mag-aaral o kabataan, nag-aaral ng sampung taon mula elementarya hanggang high school.

Sa buong mundo, Oliver at Lany, isa ‘yung Pilipinas sa tatlong natitirang bansa, mantakin niyo iyon ilan bang bansa ang mayroon sa buong mundo? Halos 200 yata o lagpas pa.

Ang katuwang lang natin diyan dalawang bansa sa Africa na namumukod-tangi na tayo na lang sa buong mundo ay sampung taon lang ang basic education. Iyong lahat ng iba pang bansa sa mundo, at least 12 years, 12 years ang kanilang basic education.
So matatanong natin, gaano ba kahalaga ‘yung dagdag na dalawang taon? Ang i-a-ambag ko na lang dito ay iyong aking point of view bilang isang guro, kasi po ay isang guro, professor po ako for the last — almost three decades.

Sa pag-aaral, iyong dagdag na panahon na iniuukol sa pagbibigay ng kaalaman ay parating maganda ang benepisyo na ito dahil nadadagdagan ‘yung pondo ng kaalaman.

Ms. Reyes: Oo, mahahasa ‘yung mga estudyante, sir.

SEC. COLOMA: Oo, nadadagdagan ‘yung kaalaman nila. Halimbawa, doon sa tinatawag natin basic na reading, writing, arithmetic. Tapos doon sa mga supplemental knowledge, talagang madadagdagan iyon. Kaya parating positive ang epekto ‘nung dagdag na panahon na pagtuturo at pag-aaral.

Ngayon, tunghayan natin kung ano ang naging bago? Ang naging bago talaga, nagdagdag tayo ng dalawang taong senior high school, on top of the compulsory Kindergarten.

Kaya nga tinawag na K to 12, required na ngayon, mandato na, lahat ng mga papasok sa paaralan dapat mag-umpisa sa Kindergarten. Pagkatapos ‘yung basic education na elementarya hanggang high school ay one to twelve, hindi ba? Kaya K to 12, ang beginning ay sa K – Kindergarten, ang pagtatapos sa Grade 12.

At effectively, ang nadagdag ay dalawang taon na ang tawag ngayon ay senior high school. Paano naiiba itong senior high school? Ang kaibahan ngayon bukod doon sa tradisyunal na idinagdag na high school, meron po ngayong menu na pagpipilian ‘yung mga mag-aaral natin na magse-senior high school.

Meron po diyan voc-tech menu. Pwedeng ‘yung dalawang taon na iyon ang focus nila ay ‘yung pag-a-acquire ng technical o vocational skills na pwede na nilang magamit sa paghahanap ng trabaho dahil kahalintulad ito doon sa pagsasanay na ibinibigay ng TESDA at nakita naman natin nitong nakaraang anim na taon ay napataas natin sa lagpas sa 90 percent ‘yung employability ng mga sinanay ng TESDA sa mga partikular na kaalaman for which meron nang garantisado at kumpirmadong demand for new employees or new workers.

So isa lamang iyon. Ang iba pang track na pwedeng sundin ay art, kung mahilig naman sa musika, sa pagsasayaw, pwede ding ganun ang maging focus doon sa dalawang taon na iyon. At doon naman sa creative fields, makakakuha ng bagong impormasyon.

So, makikita natin, Oliver at Melany, na hindi lang ito pangkaraniwang pagdadagdag ng dalawang taon. Binibigyan din nang mas malawak at mas malalim na range of options ‘yung ating mga mag-aaral kaya’t kapag natapos sila doon sa Grade 12, sa senior high school, ay talagang handa sa sila hindi lamang para ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo kung hindi para lumahok na doon sa iba’t ibang larangan for which they have received specialized training doon sa kanilang senior high school.

Kaya sana kung pag-aralan lang ito nang maigi ‘nung ating mga kababayan ay mauunawaan nila na talagang kailangang-kailangan nila itong K to 12, kailangang-kailangan na ipatupad natin ito dahil deka-dekada na itong ipinagpaliban. Noong nakaraan pinropose (propose) iyan, palaging ang sagot “hindi pa handa, hindi pa handa.” E kailan tayo magiging handa kung hindi natin uumpisahan, kung hindi natin pag-aaralan talaga ‘yung mga kinakailangang gawin na makukuha lang sa tuwirang karanasan?

Kaya sana ay magnilay-nilay muna tayo para maunawaan natin ang katwiran at kahalagahan ng K to 12 program.
Ms. Reyes: Sir, iba pong topic meron pa pong tanong si kaibigang Bombo Reymund. Sabi po niya, sir, any reaction sa pahayag ni incoming Speaker Pantaleon Alvarez na hindi nila magiging priority ang BBL passage dahil isusulong nga daw ‘yung federalism as a solution to the conflict? Back to square one ang peace talks at maisasantabi na ang BBL. What can you say to this, sir? Iyan po ang kanyang tanong.

SEC. COLOMA: Well, iyon pong ultimong pagpapasya hinggil sa mga batas na isusulong, iyon naman ay nasa mandato ng ating Kongreso. At sa sistema natin ng pamahalaan may paghihiwalay ng powers — iyong legislative, executive at judiciary.

Pero hindi naman po nasa isang vacuum iyong talakayan natin diyan. Ang masasabi na lang natin ay ‘yung pananawagan na pag-aralan mabuti at tiyakin na hindi mababalam ‘yung prosesong pangkapayapaan dahil malaki na rin po ang naging puhunan ng ating pamahalaan, ng ating sambayanan, gumugol na tayo nang maraming panahon at resources para mabuo ‘yung isinusulong na Bangsamoro Basic Law.

Kung ito naman ay bibigyan nila nang sapat na pagkakataon na mapag-aralan muli, marami na rin naman po ang magsasabi na pwede namang ikonsidera na ‘yung pagpapatuloy dito. Pero hindi naman po nating inaagaw o itinatanggi sa kanila ‘yung kanilang sariling pananaw o ‘yung sariling pagpapasya dahil iyan po ang prinsipyo ng ating demokrasya.

Naghahalal po tayo ng mga kinatawan, ‘yung mga kinatawan natin ang gumagawa ng mga pagpapasya hinggil sa batas na iiral sa ating bansa. Kaya nauunawaan po natin ang ganyang debate at umaasa po tayo na sa pagpapasya nila, ‘yung mga miyembro ng Kongreso ang ilalagay sa unahan ay ‘yung pambansang interes. At sa akin lang pong opinyon, nasa pambansang interes na ituloy ang pagtulong sa prosesong pangkapayapaan.

Ngayon kung paano po gagawin iyan? E iyan po ay kinakailangang maging produkto din ng consensus o ng opinyon ng — posisyon ng mga halal na kinatawan ng ating bansa.

Mr. Abelleda: Sir, kaugnay po ng Bangsamoro Basic Law kasi may — ito tungkol naman ito doon sa kaugnay na report doon sa Mamasapano incident kasi may balita nga sir alam natin na hindi po inabot ng pamahalaan ‘yung deadline para maresolba po ‘yung kaso laban sa mga pumaslang sa SAF 44. Kumpiyansa pa po ba, sir, ang Palasyo na mailalabas po ‘yung resulta ng imbestigasyon bago matapos po ‘yung termino ng ating Pangulo?

SEC. COLOMA: Ito lang ang masasabi ko hinggil diyan, Oliver. Sa simula’t sapol ay sinikap at patuloy pa ring sinisikap ng pamahalaan na kumalap ng mga saksi o witnesses, ng ebidensiya at ng impormasyon na hahantong sa pagtitingin ng accountability sa mga sangkot sa naganap na pagpaslang ng 44 na SAF troopers sa Mamasapano noong Enero 2015.

Kung meron pong mga hamon diyan, kinikilala po natin na hindi ganoon kadali dahil nga doon sa tinatawag nating “tug of war” ay marami pong kumpirmadong lumahok sa naganap na armed encounter.

Hindi naman po ganun kadali na himay-himayin kung sino talaga iyon o humanap ng mga credible witnesses na handang magbigay ng testimonya na makakatulong sa pamahalaan.

Ganunpaman, patuloy po ang pagsisikap ng pamahalaan at batid po natin na hanggang sa kahuli-hulihang pagkakataon, sisikapin ng pamumuno sa Department of Justice, sa NBI (National Bureau of Investigation) na bigyan ito ng solusyon.

At dapat din pong tingnan natin na ang deadline naman niyan ay hindi naman po ‘yung June 30. Hindi pwedeng tumigil tayo sa June 30.

Kung talagang hindi realistikong matatapos ito, ay dapat lang siguro na ipagpatuloy pa rin ng mga hahalili — ipagpatuloy dapat ‘yung kanilang paghahanap ng hustisya sa pamamagitan ng pagkalap ng impormasyon, pagkilala ng mga saksi at pagbibigay ng katarungan diyan sa mga napaslang.

Hindi po tayo pwedeng mag-give up diyan sa bagay na iyan, sa paghahanap ng hustisya para sa ating mga pulis at binawian ng buhay sa Mamasapano.

Ms. Reyes: Sir, hingan lang po namin kayo ng reaksyon dito sa pahayag ng Anakpawis Partylist. Sabi po nila ay magkakuntyaba si Senator Antonio Trillanes at ang LP na pinangungunahan ni Pangulong Aquino na i-sabotage po ‘yung peace talks between President-elect Duterte and National Democratic Front of the Philippines?

SEC. COLOMA: Wala pong katwiran, walang batayan at walang katotohanan ang paratang na iyan laban kay Pangulong Aquino dahil hayag naman po ang commitment ng ating Pangulo, by deed and by action, ipinakita niya o ginamit niya ang kanyang pagiging Pangulo sa pagbubuo ng mga kinakailangang hakbang para isulong ang prosesong pangkapayapaan.

Doon sa ating Office of the Presidential Adviser on the Peace Process ay mayroon pong peace table para sa pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF at sa iba pang mga grupo sa ating bansa.

Kailanman ay hindi tayo nagsayang ng panahon para isulong po ‘yung prosesong pangkapayapaan kaya wala pong batayan ang paratang na iyan.

Ms. Reyes: Sir, isa pang tanong mula kay Ms. Aileen Taliping ng MPC. Ang tanong po niya: Suportado ba ng Palasyo ang kampanya ng bagong mayor po ng Cebu, si Ginoong Tomas Osmeña, na bibigyan niya ng reward ang mga pulis na nakakapatay ng mga criminals like hold-upper at mga sangkot sa droga?

SEC. COLOMA: Hindi ko po ganap na nauunawaan ‘yung panukalang iyan ni incoming Mayor Tommy Osmeña.

Siguro po ang masasabi na lang natin ay ito: Lahat naman po ng kilos ng isang mayor o local government executive, gaya rin po ng pagkilos nang lahat ng mga halal na opisyal at mga appointed officials ng ating bansa, tayo po ay sumusunod sa batas.

At dapat po iyang mga panukalang iyan, naaayon sa batas. At wala naman sigurong gagawa ng aksyon na hayagang labag sa batas dahil mismong mga mamamayan na siyang pinanggagalingan ng soberanya (sovereignty) na sinasabi natin: “Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them”.

Siguro po mismo ang mga mamamayan ang magsasabi na o magpapaalala na kinakailangan talaga sundin natin ang batas sa lahat ng ipapatupad sa pambansa man o sa lokal na pamahalaan. Iyan lang po ang aking masasabi.

Mr. Abelleda: Sir, ano lang po kakamustahin natin ‘yung panukala alam po na doon sa ano privatization po nating ng PAGCOR kasi alam po natin na may nakahain po ngayon sa Tanggapan po ng ating Pangulo na panukala po na pagsasapribado po ng PAGCOR. Ano po update po kaya natin dito, sir?

SEC. COLOMA: Sorry po sa inyo. Hindi ko po natutunghayan ‘yung proposal na iyan. Bigyan niyo po ako ng pagkakataon. Hindi ko pa po nakikita iyan. Hindi naman makatwiran na magsalita habang hindi naman nakikita pa ‘yung panukala.

In any case, iyan po kasing PAGCOR ay isa doon sa mga pinapangasiwaan ng ating Governance Commission for Government -Owned and -Controlled Corporation.

Again, meron po tayong batas na nagtatakda kung ano ang mga pamantayan for the performance of GOCC katulad ng PAGCOR, meron pong batayan iyan sa batas.

Kaya kung anuman ang reporma o pagbabago, dapat ay naaayon din sa proseso ng batas.