President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Davao del Sur
Daval del Sur Coliseum, Brgy. Matti, Digos City, Davao del Sur
04 May 2016
 
Maupo ho tayo lahat.

Okey yung tugtog ho natin ah. Mamaya eh, mamaya sasampulan kayo ni Paolo.

Batiin ko lang ho yung ating mga miyembro ng Gabineteng talaga namang araw-araw kumakayod ng husto: Nandito po si Mel Sarmiento ng DILG—Mel, magpakita ka naman dito; Procy Alcala ng Agriculture; tapos itong huli ho, hindi ko na papakilala dapat sa inyo, si Lu Antonino ng Mindanao Development Authority; siyempre batiin ko rin po si Paolo, anak ni Mar at saka si Aika, anak ni Leni; ating butihing gobernador, Claude Bautista. Si Claude ho at saka ako, magkasabay sa Kongreso. Bahala na kayong humusga kung sino ang mas matanda sa amin. Kasama ko sa Plenary, kasama ko sa Lounge, madalas kong kausap ho ‘to. At Claude, sa harap ng mga kababayan mo, gusto ko magpasalamat sa ‘yo. Nung tumakbo po akong senador, oposisyon po ako eh. Si Claude ho isa sa mga kaibigan natin sa Kongreso. Actually, naalala ko ikaw lang yata ang kaklase ko sa Kongresong tinawagan ko’t pinakiusapan kong tulungan ako. At sa totoo lang ho, hindi ako nakakampanya po dito, si Claude po ang tumulong sa akin, nanalo po ako sa inyo dito sa Davao del Sur. Maraming salamat po. Yung madalas hong nakakalaban ni Claude nung araw eh kakampi namin nung araw at bahala na siya sa sarili niya. (laughter) Basta ako suwerte ako nakilala ko ‘tong si Claude talaga, magkasabay tayo dalawang term sa Kongreso.

Vice Governor Aileen Almendras; siyempre si Frank Bautista; Mayor Joseph Peñas; Mayor Benjamin Bautista, Jr., tapos ito hong, ito idol ko ho, si Lorna Bautista-Bandigan. Bakit ko idol? First time tatakbo sa Kongreso pero mukhang kilalang-kilala na, walang lumaban sa kay Lorna. Lorna, alam mo nakatatlong termino rin ako sa Kongreso eh. Yung una kong laban: walo ang kalaban ko. Yung pangalawa kong laban, dalawa. Yung huli, isa. Never kong nasubukan yung walang kalaban nung tumatakbo ako sa distrito. Ikaw first time pa lang, umatras na lahat ng gustong magnais, talagang ibang klase ka Lorna. Batiin ko rin po, other local chief executives and officials in the province of Davao del Sur and Davao Occidental; fellow workers in government at mga pinalangga kong kaigsuunan: Maayong hapon sa inyong tanan.

Aba, nagugulat ho kayo yung Kapampangan marunong magkonting Bisaya. Basta ho may pinalangga, pangga—yun ho, naintindihan ko lahat ho yun.
Siguro patapos na ho tayo sa ating termino, mga lampas 50 days na lang po sa 6 years na ibinigay niyo sa akin. At palagay ko, panahon naman dapat magreport tayo sa inyo. Okay, ano ba ang napala natin sa pagtahak sa Daang Matuwid? Alam po niyo—Oops! nagkamali yata sila ng binigay sa atin. Nahihilo na ho yata ang aking mga kasamahan eh, nagkakamali na yung inimprenta nila. Pero Claude, tama ba ‘to? Nung 2005 and 2010, sa infrastructure po, ano ang budget dito po sa inyo? Ang binigay ho sa ating datos: 1.45 billion pesos. Sa Daang Matuwid po, 2011 hanggang 2016, hindi tayo nagtaas ng buwis pero ang naihatid na raw ho natin dito, umabot na ng 4.76 billion pesos, triple po sa dating ipinagkaloob na infrastructure sa inyo. May nagsabi ho, kinalimutan ko raw ang Mindanao, pero tiningnan natin yung datos ulit—2005-2010, sa infrastructure: 67.32 billion pesos. Wala pa ho tayo sa eksena nun. 2011 to 2016, panahon na natin, yung dating 67.32 billion na dinala natin sa Mindanao: 302.15 billion pesos. Lampas po sa apat na ulit yung nilaki. Kaya hindi ko malaman bakit ho yung iba nagsasabi kinalimutan ko ang Mindanao.

Sa Farm-to-Market Roads, Irrigation po: 989 million pesos po para sa inyong Davao del Sur.

Social Services po, Pantawid Pamilya. Ang dinatnan nating households na tinutulungan sa Davao del Sur: 4,744. Ngayon po, 62,857 na po ang tinutulungang pamilya. Nung 2010 ho, 780,000 lang eh. Ngayon po: 4.6 million households sa buong Pilipinas ang natutulungan na po natin.

Palagay ko naalala ni Claude nung kami po ay congressman. Pag nakakuha tayo ng budget para sa pagpapatayo ng classroom, Claude, tama ba? Walo? Sampu. Pero si Claude magaling tanda ko ito nakakakuha ng 12 eh. Okay, bakit ho? Sa buong Pilipinas, maghahati-hati ng 8,000 classroom. So lalo na kung congressman sa distrito mo, magkaroon ka ng 8 classroom, nagtrabaho ka. Sampu, talagang kumayod ka. Dose, ang galing mo. O ngayon ho, panahon na natin, Davao del Sur lang po, 4,000—ay! sorry po—4,983 classrooms na po ang naipatayo at kasalukuyang itinatayo para sa Davao del Sur.

Nung araw pinaghahatian ng buong Pilipinas: 8,000 classroom kada taon. Ang problema ho, nung dumating tayo sa eksena, tinanong natin si Brother Armin ng DepEd, ilan ba ang classroom na kulang sa Pilipinas? Sabi niya, 66,800. Ang budget na kayang suportahan: 8,000 kada taon. Anim na taon ang binigay niyo sa akin, 48,000 lang ang mapapatayo natin, di ho ba? At yung 48,000 aalis ako, may utang pa. Pero hindi tayo pumayag ho diyan, pinagtulung-tulungan nating lahat—ulitin ko, tayong lahat po—kaya imbes na 8,000 kada taon, ang na-produce natin, 48,000 ang suma. Sa totoo lang po, napatayo, kasalukuyang tinatayo at matatapos po hanggang 1st quarter, next year po: 185,000 classrooms na po ang napagawa sa buong Pilipinas.

Puntahan ho natin yung PhilHealth. Sa Davao del Sur lang po, 2.38 million na po ang miyembro raw ng PhilHealth dito po sa inyo. Sa Mindanao, 24.85 million members na ang PhilHealth. Sa buong bansa po: 93 million na pong Pilipino ang tinutulungan ng PhilHealth.

Sa Health Facilities Enhancement Program: 186.31 million pesos na po ang naihatid ng DOH.

Sa kuryente naman po, Sitio Electrification: 100 percent na raw po nabigyan ng kuryente o nakonekta para magkakuryente ang 712 sitio dito po sa Davao del Sur. At yan ho, siyempre ho, magaling ang ating governor eh ‘no. Talagang hindi mahuhuli sa bilang ito. Masipag, maayos kausap, madali katrabaho, madaling mag-produce ng resulta pag ganyan ang katrabaho po natin.

Mga kasama, siguro ho mahirap nating intindihin pag yung puro numero pinag-uusapan eh, lalo na pag yung daang milyon, bilyon, di ba? Bigyan natin ng konting laman yung pinag-uusapan natin dito.

Eleksyon. Lahat ng pulitiko naririnig niyo sa buong buhay niyo, walang sinabi kung hindi “tulungan niyo ako, pagagandahin ko ang buhay niyo.” Tama ho ba? Okay. So, ang tanong natin, sa Daang Matuwid, paano ba natin pipilitin na gumanda ang buhay?

Pag-usapan natin yung 4Ps. Panahon pa ho ng nanay ko, libre dapat ang grade school at saka high school. Tama po ba? Problema, kapos ang pamilya para masustentuhan ang pabaon, pamasahe. Resulta, nung 2008 po, 2.8 million sa ating kabataan out-of-school youth. Ngayon po, 1.2 million nung 2013. Palagay ko, mas mababa pa ho yung numero ngayon. Yung 2.8 nung 2008 million na batang wala sa eskuwela, naging 1.2 million na lang po nung 2013 at dapat mas konti ngayon sa isang milyon.

Ngayon, ano ho ba ang 4Ps? Conditional Cash Transfer. May usapan tayo, yung pamilyang nangangailangan, tutulungan ng gobyerno, panatilihin mo lang ang anak mo nag-aaral. 2014 po, yung grade school na dating tulong, tinaasan na natin, high school na, hanggang high school tinutulungan. Ano pong habol dun? Meron pong pag-aaral yung Philippine Instititute for Development Studies. Sabi niya, pag nakatapos ng grade school, ganito malamang ang suweldo. Pag nakatapos ng high school, may prima, may dagdag na 40 porsiyento pag nakatapos ng high school yung puwede kitain nung nagraduate ng high school. Okay.

So, pag sinabi natin, pag-aralin natin, panatilihin natin sa eskuwela, bantayan natin yung kalusugan. Pag nakatapos ng high school sa mga programa tulad nung sa TESDA, may trabaho. Yung trabaho kinausap natin yung negosyante, hindi tayo nagyaya na ng negosyante, tinanong natin rin yung negosyante. Pagdating ng 2 taon, anong klaseng kakayahan, skills ang kailangan nung yung manggagawang hinahanap mo? 4 years? 6 years? Resulta po, sa TESDA nung dinatnan natin: 28 porsiyento—28 and a half to be precise—ang nakakahanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan tapos mag-graduate. Sa panahon po natin, sa pamumuno ni Joel Villanueva, yung placement rate, nasa 72 percent na po. Ganun kalaki ang nilaktaw. Ibig sabihin, mag-graduate ka sa TESDA sa programa nila, sa loob ng anim na buwan, bago umabot yung pang-6 na buwan, may trabaho ka: 72 percent sa kasalukuyan. Sa mga ibang industriya pong tinulungan natin, sa semi-conductors, umaabot na po sa 93 hanggang 96 percent. Pinag-aral ka, inayos yung kalusugan mo, tinulungan ka rin na may trabaho kang mapupuntahan.

Ano po resulta nito? Sa Pantawid Pamilya po, yung mga unang studies sinasabi, meron tayong 7.7 million na kababayan na umangat na dun sa poverty line. Yung dati talagang hikahos na hikahos, naiangat na natin yun. At uulitin ko po, maraming salamat sa inyong lahat ho, binigyan niyo ako ng pagkakataon para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan. Kung hindi niyo ako binigyan ng pagkakataon, hindi natin naiangat yan.

Pasensiya na po kayo kung medyo inuubo tayo, hindi naman ako kandidato, ang dami kong talumpating ginagawa ho itong mga araw na ‘to. Pagkatapos ko magtalumpati, siyempre patakbuhin ko rin yung bansa, marami pa rin ho tayong problemang inaasikaso. Pero bigyan ko kayo ng ano pa ano, yung talagang para masalamin natin, ano ba yung hinahabol nating pagbabago, dahil nangako ako sa inyong di hamak na mas maganda ang iiwan ko kaysa sa dinatnan ko.

Bigyan ko kayong kuwento nung isang kababaihan na taga-Pangasinan. Siya po ay nakatapos ng kolehiyo, major siya ng accounting, inalok siya ng trabaho sa Middle East bilang kahera. Pagdating sa Middle East, pinalitan yung kontrata niya, imbes na kahera, ginawa siyang domestic helper. Masama pa yung trato sa kanya. Nakatakas siya, tinulungan ng embahada natin, makauwi sa atin. Pag-uwi sa atin, binigyan ng pamasahe, makauwi sa Pangasinan. Sabi sa kanya, alam mo may mga programa tayo para sa ating mga OFW, baka gusto mong mag-aral, gusto mong mag-training, may programang yan. Ang salaysay po niya sa amin, kuwento niya sa amin, pagbalik raw niya, talagang namomroblema siya. Alam naman po natin, nung nagpunta siya sa Middle East, malamang umutang siya para may pamasahe, para lahat nung kanyang babayaran. Hindi niya natapos yung kontrata pagdating dun. Hindi niya naibawi yung pinuhunan niya. Hindi niya alam kung paano niya babayaran yung inutang niya. Gulong-gulo raw po ang isip niya. Sabi pa niya sa amin, nag-iisip na siya magpakamatay. Pumasok sa TESDA, nag-training nung massage at saka nung hilot wellness. Natanggap siya sa isang spa, magaling na empleyado, naging operations manager nung spa. Itong araw pong ‘to, sa ngayon po ‘no, tapos na naging operations manager siya, nagtayo siyang sarili niyang spa mula dun sa pagtuturo lang ng massage therapy. Ang branches po niya sa Pangasinan, apat na. Nagpa-franchise pa siya ngayon sa amin sa Tarlac, tatlo ang franchisee niya sa Tarlac. Mula sa hindi niya alam kung ano mangyayari sa buhay niya, ngayon po, talagang successful na businesswoman siya, naging susi ho dun, tinulungan ng TESDA, binigyan siya ng kakayahan.

Bigyan ko pa kayong isang halimbawa. Nanggaling po tayo kamakailan sa Negros Occidental. Dun po, ang airport nasa Silay, pupunta kami ng Bacolod. Nung pabalik ho kami ng airport kinabukasan—dumating ho kami gabi—nung kinabukasan, dun sa ginawang kalsadang bago—so yung tinulong ng gobyerno ‘no, airport inayos pero yung kalsada mas diretsong biyahe papuntang Bacolod—nakita ko po dun, dalawang nakabakod na malaking mga properties o yung lupain. Yung isa dini-develop ng Ayala, yung kabila, dini-develop ng Megaworld. Okay.

Dahil nagpakita sila ng interes, namili sila ng lupa, nagtaasan yung halaga ng lupa dun. Ang resulta, dumagdag yung kinikita nung munisipyo ng Talisay at saan napunta? Sa laki nung naidagdag raw sa kinikita ng munisipyo nila, napondohan nilang pagpapatayo ng sarili nilang school building, bumili ng school bus, bumili ng mga computer. May dagdag na umento yung mga maestra nila nagpupunta sa liblib na lugar. Meron silang Feeding Program para sa mga estudyante nila, Kinder hanggang Grade 3. So yun ho siguro palagay ko magsasabing nung araw, nung dumating tayo ng 2010, dapang-dapa tayo. Ngayon may nakikita na tayong liwanag, nakatindig na tayo, naglalakad na tayo. Ulitin ko po ah, yung dini-develop ng Ayala at saka ng Megaworld, bakod pa lang. Pero maski bakod pa lang, umasenso na yung kakayahan nung local government unit ng Talisay. Ano ho ang susunod na hakbang? Siyempre binili nila yung lupa, idedevelop nila, magtatayo ng mga factory, magtatayo ng mga mall, magtatayo ng mga opisina. Lahat ho nun, kakailanganin ng trabahador at manganganak rin ng iba pang trabaho yung mga trabahong ililikha dun. Yun ho ang ibig sabihin natin, patakbo na tayo.

Siyempre pag natapos yung development na yan, gumagana na, dadagdag ulit ang buwis na papasok sa gobyerno. Maayos na patakbo ng gobyerno, mas malaki ang kakayahan ng gobyernong tulungan ang bawat isang mamamayan para naman maasenso ang buhay nila, di ba? Madagdagan ang oportunidad.

So, sabi nga ho nung araw, “Sick Man of Asia” tayo. Ngayon, “Asia’s Rising Tiger” na ang tawag sa atin. Siguro para maliwanag ng husto yan ano, kwento ko ho sa inyo yung kasaysayan ni Mel. Si Mel po, mayor sa Samar, naimbita siya ilang beses magrepresenta sa Pilipinas para makumperensiya ng mga mayor. Salaysay niya sa atin, pagdating raw niya dun sa airport sa ibang bansa, nauna sa kanya ang delegation nung Japan. Nakita yung passport, “Ah, from Japan, welcome to our country, please proceed.” Dumating naman yung sunod, taga-Singapore. “Oh, from Singapore, you are very welcome in our country, please proceed.” Dumating si Mel, prinisenta niya yung passport niya, tinignan, “Uy, from the Philippines.” Nung panahong yun, tinignan raw si Mel mula ulo hanggang talampakan, tinignan ulit, tinignan yung litrato, tinanong siya, pagdating sa kanya, hinihintay siyempre ni Mel, “Oh from the Philippines, welcome to our country.” Ang sinabi raw sa kanya, “Oh, from the Philippines, purpose of visit?” Ano ang dahilan dumadalaw ka sa amin? Tapos hiningan pa yata ng ID, hiningan pa ng imbitasyon. Ang daling salita, pinahirapan siya bago makapasok. So pagdating raw ho dun, may dala-dala siyang mga calling card, siyempre mga kumperensiyang yan makikipag-ugnayan ka sa ibang kapwa mo mayor, baka may sobra silang maitulong sa atin. Ang problema sabi ni Mel, papunta dun ang dala kong calling card, 100, pagbalik ko, 101 na. Sobra pa yung calling card pabalik kaysa nung papunta. Pag nalaman raw hong taga-Pilipinas yung mayor, biglang lalayo yung iba. Sabi raw nung ibang mayor, “naku taga-Pilipinas yan, hihingi ng firetruck yan, hihingi ng ambulansiya yan, hihingi ng police vehicle yan.” Kung anu-ano raw hinihingi. Yun ang salaysay ni Mel. Noon po yun. Sa Daang Matuwid po, si Mel na ngayon ang namimigay ng firetruck, ng police vehicle sa atin pong mga lungsod at saka munisipyo.

Marami pa ho akong puwede isalaysay sa inyo pero naalala ko lang sinabi ng nanay ko sa akin, “Alam mo hindi ka kandidato, kung puwede huwag ka mas mahaba magsalita kaysa sa kandidato.” So gusto ko namang sunurin yan. Siguro isesentro ko na lang yung gusto ko ibahagi sa inyo. Palagay ko ho ano, bukas tawagin ako ng Diyos, puwede kong harapin ang nanay at tatay ko’t masabi kong tumupad ako sa usapan nating di hamak mas maganda ang iiwan ko kaysa sa dinatnan natin. Palagay ko, tama kayong dalawa nung sinabi niyo, ako ang paborito niyong anak na lalaki, dahil aniya, hindi ko naman sila napahiya. At talagang napreserve ko po yung pangalan natin.

Ngayon ho, tinatanong ako, parang sinabihan ako, “Kailangan ka bang makialam sa eleksyon na ‘to? Di ba puwedeng quiet ka na lang, wala ka ng gagawing kalaban, mauumpisahan mo na yung patahimik na ang buhay mo. Alam ho niyo kasi, nung Martial Law kasi, 1972 dineklara: 12 taong gulang po ako nun. Dahil kasama tayo ng nanay at tatay ko po sa pakipaglaban, pagkatagal-tagal, sa serbisyo po ng nanay ko, yung ako ho yung dakilang alalay nila eh. 56 na po ako ngayon, 44 years na po tayo nakikihalo dito. Medyo mas malaki ng parte ng buhay ko nakihalo na ako rito kaysa pangpersonal kong buhay. Siyempre, pagdating ng June 30, tanghali, babalik na po tayong ordinaryong mamamayan, na sana tahimik na ang buhay ko. At dun po siguro ang importante at yun ang pakay ko.

Alam niyo, hayaan niyong basahin ko itong napanood ko sa internet actually pero lumabas po sa GMA. Ini-interview po ‘no, huwag niyong mamasamain, kapwa niyo taga-Mindanao. Ini-interview po si Mayor Duterte, di sinabi raw ho ni Senator Trillanes kasi, April 29 po ‘to lumabas sa TV. Sabi raw ni Senator Trillanes, “Paano pag naupo si Mayor Duterte?” Sagot raw ni Trillanes, “I-impeach ko siya.” So tinanong si Mayor Duterte, “Ano ang masasagot niyo dito?” Tinanong, ang tanong ho: “On Trillanes saying he will move to impeach him,” meaning si Mayor Duterte, ko-quote ko po ‘to: “E pag i-impeach ako, sabi ni Trillanes, eh di sarhan ko yung Congress, eh di wala nang mag-i-impeach sa akin.” Okay. Palagay ko, napanood niyo yan, kawawa naman si Lorna, papasok pa lang ng Congress, masasara pa ang Congress.

Pero hamunin ko po kayo, ‘no, dahil ako po, hindi naman ako abogado pero kailangan kong mag-aral ng Saligang Batas. Mula nung nandun tayo sa Kongreso at siyempre sa kolehiyong pinag-aralan natin. Maghanap kayo ng probisyon, maski anong section sa Saligang Batas na nagbibigay-karapatan sa Presidente isara ang Kongreso. Wala kayong mahahanap na ganun. Okay, dagdag ko pa po, parehong interview, “On whether he would violate any law should he chose to abolish Congress once he wins.” Ang sagot niya, “What do you mean by law? Lahat ng”—tapos di ho narinig yung sinabi niya, tumigil siya—“All law”—lahat raw ng batas—“i-raise diyan pag ikaw ang nanalo. Pag natalo ka, patay ka. Every revolution that succeeds, siya yung nanalo, ang tigas. He now becomes the authority, eh siya na yung”— tigil—“Tingnan mo si Marcos, pero kanya Martial Law yun, iba yun.”

So, dagdag, ito ho isa na lang ho. “On whether his plan to abolish Congress is a form of dictatorship.” Sagot niya, “Wala, wala, ako na Congress, ako na ang Presidente.” Diktador ka talaga, sabihin ng congressman, “bakit mo naman kami isasara?” Tapos medyo nagmura ho, hindi ko puwede ulitin. “Impeach, impeach kayo diyan,” nagmura ulit, “maniwala naman kayo sa ugok na yan.” Mga kasamahan, yung Saligang Batas, yun ang pinagkasunduan natin kung paano tayo makikipag-ugnayan sa isa’t-isa. Minabuti diyan dahil nanggaling tayo sa Martial Law, na may diktador tayo, di ba? Yung poder nasa Executive, nasa Legislative, nasa Supreme Court. Kung may umabusong kung sino mang sangay, may karapatan yung dalawang co-equal branch, di ba, na bantayan yung umaabuso. Pag ganito ho ang iniisip, di ba, parang sinabi na rin, wala ng batas. Babasura ko na lahat yung batas, yung sinabi ko, yun na yung batas.

Bah, di ba, tayo dapat mag-isip niyan? O, sabi niya, “O, yung Martial Law, hindi, kay Marcos yun, iba yun.” Yung Martial Law ho kasi, kung titignan niyo sa Saligang Batas, marami ng kontrol. For instance, mag-impose ako ng Martial Law ngayon, within two days kailangan humarap ako sa Kongreso, ipaliwanag bakit? Puwedeng sabihin ng Kongreso, “tigil, kailangan ko silang sundan.” Pag wala na yung Kongreso, sino ang titigil. Tama ho ba? O, ngayon, pag-isipan po natin, pag sasabi ng mga tumutulong sa kanya, “mabait naman yan eh, yung mga sinasabi niya, over lang yan. Di naman niya gagawin lahat yan.” Eh paano kung gawin? Paano kung totohanin nga isara yung Kongreso? Baka mamaya niyan, isara yung Supreme Court. Sino ang tatakbuhan natin?

O, dagdagan pa po. Yung paniniwala ho kasi ng iba na sabi, “Ang galing-galing niya, ganito?” Sabihin nating baka magaling nga siya. Pero ang tao ho nilikha eh, di ba? Ang hinahabol natin, parang sinasabi ng mga supporter niya, “Yang taong yan, perpekto ang desisyon lahat ng oras.” Puwede bang gumawa ng perpektong desisyon ang hindi perpekto? Meron bang tao na nilikha, puwedeng angkinin, “Perpekto ako.” Wala. Pag dumating yung panahon, tinotohanan niya lahat ng sinasabi niya, yun bang tataba yung mga isda at kung anu-ano pa. Medyo, di ba, tayo mapapag-isip. Bakit mo pinasukan ‘to? Itong taon na ito, 30th year ng EDSA eh. Thirty years ago, isinugal natin ang buhay natin para mabalik ang demokrasya natin. Pagdating ng Mayo a-nueve, babalik tayo sa sitwasyon na baka mag-round 2. Sino sa atin ang gusto mag-round 2 ng Martial Law? Sino sa atin ang gusto mang isugal na baka magka-round 2 ng Martial Law? Ngayon, pag ginawa niya pagdating ng panahon, siya ang nanalo, ginawa niya, anong sasabihin natin? “Bah, hindi naman ako nagsinungaling sa inyo ah, sinabi ko yan, tatanggalin ko yung Kongreso, patatabain ko yung isda,” at kung anu-ano pang sinabi niya.

O, ngayon, naalala ko ho yung turo ng tatay ko sa akin. Meron hong pastor sa Germany nung World War II, kinulong ni Hitler, pastor ho ‘to. Sabi niya, una, pinagdadampot yung mga Hudyo, pero hindi naman ako Hudyo eh, nanahimik ako. Pagkatapos nun, mga sosyalista raw ang dinampot, ay hindi naman ako sosyalista eh, hindi na rin ako tumanggi. Tapos sunod-sunod na grupo. Ang dulo ho sinabi ni Dietrich Bonhoeffer, isang pastor sa Germany, dumating yung panahon, ako naman ang dinampot nila, at nung panahon na dinampot nila ako, wala nang magsalita para sa akin dahil nadampot na lahat nung iba.

Nasa inyo po kung saan tayo pupunta. Simple lang ho ang mensahe namin sa Daang Matuwid. Kayo na dapat ang testigo, pero bigyan ko kayo ng isa lang halimbawa. Dito nakita ko, napakaraming puno ng niyog. Pag nagnu-niyog, ang sabi ho sa akin, kada ektarya kikitain mo 20,000 kada taon. Sa Daang Matuwid po, yung isa sa ginagawa na ngayon at prinipruwebahan lang ho, merong Dr. Arboleda, taga-Bicol State University—siya yung nag-imbento ng coco coir, siya rin nag-imbento ng coco peat—sabi niya bakit itong pamantasan natin, parating pinag-aaralan: mais at saka bigas o palay. Eh hindi naman yun ang taniman dito sa Bicol, ang tinatanim natin dito, niyog. So naghanap siya ng mga produkto, lampas ng copra, copra ‘no. Naimbento nga niya ang coco coir. Habang ginagawa yung coco coir, may coco peat, dagdagan pa natin ng coco sugar, coco water at napakaraming ibang produkto pa. May itinayo hong factory, tinulungan ng gobyerno kung saan lahat ng produkto, maliban yung copra na makukuha sa niyog, eh yun ang ipo-produce.

Okay, sa study po niya, yung pondong mahigit-kumulang 30 milyones, puwedeng ibigay ng gobyerno, bawi ang gobyerno after 3 years. Yung pondong 30 million ngayon, ililipat natin sa susunod na farmer’s cooperative, may sarili silang pabrika. Yung tubig, coconut water na lang ho ah, di ba, pag nagnuniyog, kailangan may copra, buksan si niyog, tapon si tubig. Ngayon ho, yung tinatapon na yan, yung huling numero kong nakita, mga 2 and a half years ago, 16 million liters ng coconut water na po ini-export natin sa Amerika pa lang, wala pa yung Europa. Ang halaga po nung huling export, isang litro, one US dollar. Yung tinatapon na yun, bawat litro, ulit ha, isang dolyar o mga 47 pesos ang halaga niyan. Pag kinuha pa natin, ano ba yung coco coir? Yung bunot, bubunutin yung fiber, gagawing tela, geotextile material. Tayo po kinakapos nung geotextile material na yan, ini-import ng China, ng Japan, ng Germany, pati Las Vegas, meron din sila dun. O, ang dami nating puno ng niyog. May Coconut Levy Fund pang ipapasa ni Lorna na paggamit, pagpasok niya sa Kongreso. O, di may pondo tayo para iangat ang buhay ng ating mga nagnuniyog.

Okay. Pero babalik tayo diyan: kung itutuloy natin yung Daang Matuwid, lahat ito, mangyayari. Kung tayo magle-left turn, U-turn—U-turn, balik tayo sa dating kinaugalian—baka tayo ma-Martial Law ulit. Palagay niyo, may mangyayari? Yun po sa Lunes, magkakaalamanan na. Sabi ko nga ho, minsan tinatanong ko, “Bakit ba ganon kasigasig pa?” Ako alam naman niyo, nakasal na ako sa bayan, wala akong anak, pero meron akong mga pamangkin. Yung pinakabata kong pamangkin, kaka-9 years old. Batang-bata pa talaga, anak ni Kris, si Bimby. Pag tinitignan ako, parati nasa isip ko, pag itong si Bimby lumaki at ang problema niya pareho ng problemang dinaanan natin, bigo tayo lahat. Pag si Bimby naman lumaki at mas konti ang problema niya dahil sa pinaghirapan natin ngayon, dun nagtagumpay tayo. Gusto kong dumating ang panahon, talagang nasa buong kaisipan na siya, tinignan ako, sasabihin sa atin, “salamat sa henerasyon niyo.” Hindi minumura tayo, “pambihira yang henerasyon niyo, pinabayaan niyo kami.” Di ho ba? Siguro isang parte na lang ho dito baka lahat ho nagdikit-dikit na eh.

Nung pinaslang ang tatay ko nung 1983, alam niyo kung gaano kagulo na ang bansa natin. Alam niyo lalo na sa Davao City, ginagawa nang urban laboratory ng mga NPA. Sabi ng tatay ko po pag-uwi, “baka sakaling mapaisip lang si Marcos, bakit ako umuwi. Baka pagbigyan niya akong makausap ako, isang oras, masabi ko sa kanya kung ano ang nangyayari na sa bansa.” Alam naman niyo ang nangyari, hindi na pinababa ng eroplano, kung tutuusin. Hindi na nakatuntong sa lupa natin, pinaslang. Binalibag dun sa van, talo pa yung baboy na kinatay. Tapos kung titingnan po natin, ano ba ang tangan ni Marcos sa atin nung araw? “Pag lumaban ka, pakukulong kita, pag lalo ka pa lumaban, puwede kitang patayin.”

So, ako ho, di ko matanggap na pinaslang ang tatay ko tapos walang pagbabagong nangyari, yung magiging sayang lang. So dun po, ‘83 tinawid ko na po yung linya, bubuhos ko lahat ng kaya ko para may mangyaring pagbabago para naman sulit yung pagkamatay ng aking ama at libu-libo nating mga kababayang either pinaslang o pinahirapan. So kumbaga ho, ‘87 nagkaroon ng kudeta sa panahon ng nanay ko, dun po na-ambush ako, tatlo sa kasamahan ko patay. Tatlo sa 4 na kasamahan ko, patay. Kumbaga ngayon ho, bonus na lang lahat ito mula nung ‘87.

Pareho pa rin ho ang pakay ko, dapat pag-alis ko, nanahimik na ako or pinatahimik na nila ako, sana di hamak na mas maganda ang iniwan kaysa sa dinatnan. Alam ko po, hindi ko kaya mag-isa ‘to, lahat ng nangyaring pagbabago sa Daang Matuwid, hindi dahil si Noynoy Aquino, parati kong sinasabi, tayo ng gumawa nito. Tayo ang nagsama-sama para baguhin ang kasaysayan ng ating Inang Bayan. Tayo rin ang maninigurado magpapatuloy ang Daang Matuwid, at para sigurado nga ho kaysa sa delikado, isa lang ang tambalan na dapat nating iluklok sa puwesto, walang iba po kundi si Mar Roxas at si Leni Robredo.

Mga kasama, kailangan na po tayong bumalik sa Maynila. Ulitin ko lang po, naging isang matinding pasasalamat sa inyong lahat, ‘no. Talagang matinding karangalan mamuno ng isang dakilang lahi tulad ng Pilipino na talaga namang sigurado ako sa lahat ng hamong hinarap ko, at alam naman po niyo kung anu-anong mga hamon ang dinaanan ko sa lahat nitong anim na taon na ‘to. Sigurado akong nasa tabi ko ulit nasa likuran ko kayo, kaya kinaya natin lahat yang hamon na yan. At lalo pa nating kakayanin yung mga susunod na hamon basta’t tayo po ay nagkakaisa.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.