President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Caloocan
Bonifacio National Monument, Caloocan City
30 March 2016
 
Kanina, tumungo po tayo sa Grace Park Elementary School para pasinayaan ang pagbubukas ng dalawa nilang bagong gusali para hindi na po nagdo-double shift ang mga mag-aaral natin doon. Single shift na lang ho, pati senior high school ay kayang i-accommodate ng dobleng populasyon. Talaga naman pong magandang napuntahan ko kanina iyon, at talagang ang galak ng mga magulang, guro, administrador, pinakaimportante, ng mga estudyante sa kanilang mga bagong gusali, ay talaga naman pong nakakapuno ng puso.

Alam po niyo, papunta doon, papunta dito, iisa lang ho ang damang-dama ko: Sobrang init ng pagtanggap ninyo, at lahat ng kalsada po ay nagmistulang kandidato ako. [Palakpakan] Mayroon pang nagsabing “Kay Pnoy pa rin kami!” Pero anong sasabihin ko? “Maraming salamat sa inyo, pero huwag ninyo akong iboboto. Hindi ako tumatakbo.” Baka masayang ang boto natin.

Malamang huling beses ko nang bibisita sa Caloocan bilang Pangulo, baka naman puwedeng mag-ulat sa ating mga Boss kung ano na ang napagtulungan natin dito sa Lungsod Caloocan.

Sa halos anim na taong pagtahak natin sa Daang Matuwid, talaga naman pong marami nang nagbago sa sitwasyon natin ngayon kumpara sa ating dinatnan. At dito nga po sa Caloocan, hayaan ninyong sabihin ko ang mga pruweba.

Noong 2005 hanggang 2010, ang inilaan lang na pondo sa imprastruktura ng DPWH ng ating sinundan para sa Caloocan ay P1.54 billion. Nitong 2011 hanggang 2016, sa ating panunungkulan, dinoble natin ito sa P3.16 billion, hindi pa kasama ang maraming PPP Projects. [Palakpakan]

Ilan po sa proyekto natin ang tinatawag na NLEX-SLEX Connector Road, NLEX Harbor Link-Segment 10, at North-South Railway Project North Line. Yun pong C-3 Road, nabalita sa atin ni Egay kanina, mayroon na rin po sa wakas na LED street lights.

Para sa solusyunan ang pagbaha, nariyan ang Kalookan-Malabon-Navotas Area Project Phase 1. [Palakpakan] Mukhang tama ang sinabi sa akin ni Egay kanina, sa nakalipas daw pong 30 taon, laging binabaha ang Monumento ni Gat Andres Bonifacio. [Palakpakan] Baka may pilosopong magsabing yung pantalon niya, nakaangat dahil may baha. Pero ngayon po, minsan na lang mabaha kung talagang malakas ang buhos ng ulan, at gasino na lang din po at mabilis na ring mawala ang tubig. Sa palakpak po ninyo, mukhang totoo ang nirereport sa atin ni Egay Erice. [Palakpakan]

Sa Health Facilities Enhancement Program, mahigit P84 million ang inilaan para ipaayos ang inyong barangay health stations, urban health centers, at mga ospital, kabilang ang Caloocan City Medical Center. Ngayon, nasa 1.24 milyon nating kababayan ang saklaw ng PhilHealth sa inyong lungsod. Sa bansa, 93 milyong benepisyaryo ng ating PhilHealth program. [Palakpakan]

Sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, mula sa dating 2,141 na kabahayang benepisyaryo, mayroon na tayong 31,510 na kabahayan para sa Caloocan lamang. Sila po ay bahagi ng ating 4.6 milyon na pamilyang tinutulungan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ngayon pa lang po, ayon sa mga inisyal na pag-aaral, mayroon nang 7.7 milyong indibidwal na po ang nakatawid sa tinatawag na “poverty line” sa tulong ng Pantawid Pamilya na kayo po ang lumikha at nagbibigay ayuda para maipagpatuloy natin ito. Kamakailan, mayroong survey. Ang sabi: 4 sa bawat 5 Pilipino ang boboto sa kandidatong itutuloy ang Pantawid Pamilya.

Naisasakatuparan na natin ang mga dating inakalang imposible. Pati mga hindi natin ipinangako, tayo na rin ang tumupad. Nagawa natin ito nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss, maliban sa Sin Tax, na layuning paunlarin ang ating serbisyong pangkalusugan.

Kanina po, noong nandoon kami sa mga eskwelahan, naalala ko ang talumpati ni Mel Sarmiento. Sa kanila raw po sa Samar, pag nagpatawag ng meeting—Parent-Teacher Association—uuwi ang bata para sabihing may PTA meeting. “Tay, patay. Ambagan na naman.” Ulitin ko lang ho: Parating pag tayo’y tumutulong, maski abuloy sa simbahan, may naglilimos sa kalsada, at iba pang paraan na hingian kami ng tulong, may proyekto yung baragay, parating bumubunot tayo sa bulsa.

Ulit-ulitin ko lang po: Lahat ng nagawa natin sa Daang Matuwid, hindi kayo pinabigatan ng dagdag na buwis na kailangang bayaran para may mangyari. Ang ginawa lang po natin, itinama natin ang pamamahala—tinatawag na “good governance”—napalago ang ekonomiya, siningil ang tamang buwis, nandiyan na po sa ating batas, at lahat ng napagtagumpayan. Ito nga ho, nakakatulong tayo sa kapwa nang hindi tayo nagpapabigat sa ating kapwa.

Maipagmamalaki po natin sa Daang Matuwid na hindi kami ni minsan nangurakot, hindi gaya ng iba. Tayo po pag nasasalita, parating “tayo,” hindi puro “ako, ako, ako” ang bukambibig ng ating ibang napapakinggan. Tayo ho ulit ang gumawa ng pagbabago at tayo pa rin ang magtutuloy ng pagbabago.

Dito po sa Caloocan, talaga namang kabalikat natin sina Mayor Oca Malapitan at Egay Erice. [Palakpakan] Si Egay Erice po, huwag natin kalimutan, sa tingin ng kanyang maybahay, di hamak na mas guwapo sa akin. Kaya iniimbitahan ko si Egay naman na puntahan ang mga kapatid ko para malaman ang katotohanan.

Sa mas seryosong bagay po, ano po ba ang titulo ni Egay Erice? Isa po siyang Kinatawan. Ano po ba ang ibig sabihin ng “Kinatawan”? Siya ang dapat maging boses ninyo lalo na sa mga usaping nasyonal. Ngayon po, sa pagtatanong niya o pagliliwanag, hinihingi niya ang katotohanan. May katunggali tayong itinuturing si Egay Erice na public enemy no. 1. Ang tanong ko lang ho, kailan ba naging kasalanan na hingiin ang katotohanan sa kapwa? [Palakpakan] Kaya kung ako ho sa inyo, si Egay, si Oca, sampu ng kanilang mga kasamahan, may pruwebang tumotoo sa inyo. Ang laking kasayangan kung si Egay ay di magpatuloy sa kanyang paglilingkod po sa inyo.

Klaro din po: Ang lahat ng benepisyong natatanggap dito sa Caloocan at sa buong bansa, nanganganib na baka mawala. Ito pong pag-arangkada natin ay hindi garantisadong magpapatuloy. Nasasainyo pong kamay kung babalik tayo sa dating kalakaran, kung saan mababalewala ang ating nasimulan.

Liwanagin ko po yung kakasabi ko lang nito: Batid niyo na parati kong sinasabi, saan ba tayo nanggaling? Ano ba yung sitwasyon bago nung taong 2010, ano ang sitwasyon ngayon? Sa lahat ng naging benepisyaryo ng Tuwid na Daan, sana hindi natin makalimutan na minsan, halos umabot ng 10 taon ang bayan nating hindi pinamunuan nang tama. Yung dapat na mapunta sa inyo na napala natin nitong anim na taon na ito, puwedeng nangyari noong araw pa, yung 10 taon bago nung halalan nung 2010, pero hindi nangyari. Yung paghihirap na dinanas ng ating kababayan na puwede na sanang naibsan noong araw pa, hinintay dumating yung Daang Matuwid para maumpisahan. Dahil nangyari na nga ho sa ating lumipas, puwede nating sabihin na puwedeng mangyari ulit yan pag tayo ay nagpabaya.

Hayaan niyong liwanagin kong lalo. Nanggaling po tayo sa Pampanga. Isa po sa benepisyaryo ng Tuwid na Daan ay isang ina. Sabi po niya sa kanyang salaysay, siya raw po ay iniwan ng kanyang asawa. Iniwan sa kanyang mga kamay ang pagpapalaki ng pitong anak niya. Siya naman po ay walang tiyak na trabaho, patinda-tinda lang raw po ang ginagawa niya. Siyempre pag sinabi mong patinda-tinda, ibig sabihin, kung minsan may tinda, kung minsan wala. Kung minsan may kita, kung minsan wala. Si Mel Sarmiento, noong napapag-usapan yung reproductive health, kinukuwento niyang may pamilya sa kanila, iniwan ng parehong magulang yung kanilang mga anak, ang panganay na naiwan ay 14 na taong gulang lang. Pinilit alagaan ang kanyang mga kapatid. Ang kaya niyang kabuhayan lang noon ay gumawa ng uling. May araw na nakakabenta, may araw na hindi. Noong araw na hindi makabenta ng uling, sa gutom, yung mga kapatid raw nitong 14 na taong gulang na ito sinubukan pati yung uling kainin dahil sa kalam ng sikmura.

Balikan ko po yung ina: Sabi nitong ina, dahil sa 4Ps, yung Pantawid Pamilya Pilipino Program, tatlo na raw dun sa pitong anak niya ang nakapagtapos at permanente na ang trabaho. [Palakpakan] May apat pa siyang inaaruga, at inaasam-asam niyang matulungan pa rin natin siya na walang dagdag pabigat sa atin, para naman sila mismo ay makatindig sa sariling mga paa. At talaga naman pong hindi lang natin sinasabing turuan mangisda, talagang ginawan natin ng paraan para makatindig sila nang matayog sa kanilang sariling pagsisikap.

Dati may 4Ps na, dinatnan natin yan, 780,000 more or less ang tinutulungang pamilya. Tayo ngayon, 4.6 million. Sila ho, tinutulungan natin na mapanatili yung anak na mag-aral. Pag nakapagtapos sa pag-aaral yung kanilang anak, di hamak may magandang trabahong puwedeng puntahan. Yung wala hong kakayahan sa paghahanapbuhay, anong ibibigay nating trabaho? Magwawalis sa kalsada lang. Yung pagwawalis doon, gaano katagal puwedeng gawin? Hindi parating puwedeng gawin iyan. Pero pag naka-graduate nga ho ng high school, baka nakapasok pa sa programang tulad ng ginawa ni Joel sa Tesda.

Ikuwento ko na rin sa inyo iyon: Meron tayong OFW na kababayan, nagsalita naman siya sa amin sa Pangasinan. Pumunta sa Middle East, pagdating doon, nabiktima. Sabi gagawin siyang cashier, kahera. Pagdating doon, ginawa siyang domestic helper, minaltrato pa. Nakatakas, natulungan ng embassy natin, nakauwi po sa Pilipinas. Siya raw ho talagang hindi na niya malaman kung ano ang gagawin niya. Sabi niya, hindi ko natapos yung kontrata ko. Malamang pagpunta niya sa Middle East umutang siya ng pamasahe at lahat ng ibang gastusin. Hindi natapos yung kontrata, wala siyang pambayad sa lahat ng kinauutangan niya. Wala siyang makitang liwanag kung paano niya lulutasin ang kanyang pinagdaanan. Pag-uwi, binigyan ng pamasaheng makauwi sa Pangasinan. Sinabihang meron tayong mga programa para sa nagbabalikan nating OFW.

Pumunta doon sa kurso ng Tesda, kumuha ng massage therapy, at saka yung hilot wellness program. Resulta: Una, nagkaroon ng trabaho, naging operations manager ng spa. Ngayon po, apat na ang pag-aari niyang spa sa lalawigan ng Pangasinan, nag-franchise pa siya ng tatlo pang spa dito po sa amin sa Tarlac. Mula sa talagang wala na siyang liwanag na makita, nag-iisip na raw siyang tapusin yung buhay niya. Ngayon po, napaka-successful na entrepreneur yan dahil nga ang gobyernong ito, tumotoo na talagang may malasakit ito. Ang gobyernong ito, sa bawat isang Pilipino, tumutupad tayo sa ating pangakong walang Pilipinong maiiwan.

Kaya sabi ko kanina, may panganib. At siguro, tingnan natin. Unang panganib, dati nga, ang gobyerno itinatag ng tao, siyam at kalahating taong nakaupo diyan. Ang daming pagkakataon na puwedeng baguhin ang ating sitwasyon. Pero ang naging pakay, panatilihin ang sarili sa poder, hindi tugunan ang problema ng ating mga kababayan. Para bang ang trato sa ating lahat noon, para tayong lumapit sa kanyang may problema, sinagot sa atin, “Bahala na si Batman sa iyo.” Buti na lang ngayon may palabas ulit si Batman, baka doon dudulog tayo, pero hindi na natin kailangang bahala si Batman, dahil tayo na ang bahala sa sarili natin.

Mga kababayan, ako po ay ilang buwan na lang ang natitira sa mandatong ibinigay niyo sa akin. Wala naman po sigurong nag-aakala na madali ang trabaho ng pagiging Pangulo ng Republika. Marami pong problemang kailangang tugunan.

Bigyan ko kayo isa ng halimbawa na naman. Isa po sa mainit na isyu ay yung ating problema sa West Philippine Sea o sa South China Sea. May katunggali tayo, isang dambuhalang bansa. Malaki, di hamak na sobrang laki ng ekonomiya kung ikukumpara sa atin. Di hamak na superpower siya sa larangan ng usaping militar. Tayo po, pinipilit lang nating ma-modernize nang kaunti ang ating Armed Forces. Bilang Pangulo po, nung nagkakaproblema tayo, tila nawawala yung atin dapat ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea. Hindi puwedeng “Ang laki niya, di ko puwedeng patulan ito.” Obligasyon ko po bilang Pangulo na yung ating teritoryo, yung ating dapat isalin sa susunod na salinlahi, ay nandiyan at tangan natin. At kailangan ipaglaban ang karapatan maski na dehadong-dehado tayo sa labanang ito.

Ginawa po natin ang nararapat: Pumunta tayo sa ASEAN para ipaalala na matagal na ang usaping ito, na dapat umusad na ang paggawa ng Code of Conduct. Dinala natin ang usapin ayon sa batas sa tinatawag na International Law. Dumulog tayo sa arbitration para malutas ang problemang ito. Paulit-ulit nating sinasabi: Hindi tayo naghahangad ng sobra sa dapat na atin. Pero sana naman, galangin nila ang karapatan natin tulad ng iba.

Alam po ninyo kung paano natin tinalakay ito na di madadagdagan ang panganib ng ating mga kababayan. Kaliwa’t kanan ang batikos na tinatanggap ko noon at tinatanggap ko hanggang ngayon. Kung minsan pa ho, pinalalabas nila na tila ako pa ang gumawa ng problemang ito. Sa totoo lang po, minana natin iyan.

Ngayon po, malapit na ang halalan. Marami na pong nanliligaw para kumbinsihin kayo. Bilang Ama ng Bayan, palagay ko po, tungkulin kong magbigay ng konting payo sa direksyong dapat nating tahakin. Ang sa akin, kailangan nating suriin ang mga sinasabi ng mga nagpepresentang maging pinuno ng bansa.

Sabi po ng isang kandidatong katunggali ni Mar Roxas: planong italagang crime czar ang isang dating militar. Hindi ko na po idedetalye kung bakit medyo malabo ang planong ito, maliban na lang na iulit na ang trabaho ng militar, pulis, ay di hamak na ang layo. Yung pulis, may kriminal, arestuhin. Kung gagamitin ng tinatawag na “deadly force,” last resort po iyan. Yung militar po, maski anong panig ng mundo, pag dineploy, dahil may kaaway na ibang sundalo, ay obligasyon ay lipulin ang kalaban at matigil silang banta sa ating lipunan. Hindi ho nang-aaresto, pinasusuko o inuubos.

Sagutin ko lang po: Tila may kuwestiyon na sinabi ang kandidatong ito kamakailan. Sinasabi niyang hindi na tayo masyadong nililiit ng ating kabangga sa usapan sa West Philippine Sea. Kung meron na raw po tayong surface to air missiles. Alam po niyo, matinding pag-aaral po iyan. Gusto nating magkaroon ng mga missiles na ito para sa ating depensa. Ang tanong, kailan natin bibilhin?

Unang-una ho, never tayong nagkaroon ng ganitong klaseng kasangkapan. Aaralin mo muna. Ano ba ang platapormang magdadala ng missile na ito: barko, sasakyan? Nakapermanente ba itong nakatalaga sa isang lugar? Mobile ba ito?

Kailangan din pag-aralan: Pag nagkaroon tayo niyan, saan ilalagay? Pag inilagay ba natin sa Kalayaan Island Group yan, hindi tayo papansinin ng ating katunggali dito sa usapang ito? Hindi kaya sila mag-iisip kung may panganib sa puwersa namin, baka maisipang unahan tayo, at magkaroon ng tinatawag na “preemptive strike.” Madali pong sabihin: Dapat meron tayo niyan.

At sa totoo lang, kaya nating bumili, pero malayong-malayo pa tayo sa alam ba natin kung anong bibilhin natin, at sa lahat ng mga kasagutan sa mga tanong. Pero kapag nagsalita po itong kandidatong ito, akala mo naman eh napag-aralan na ang lahat ng aspeto tungkol sa usaping ito. Ang masasabi ko lang po, binatikos. Bakit daw ibinigay sa force protection equipment ang mga sundalo? Bakit raw sa kasangkapan, bakit raw sa sarili nila? Sana meron na tayong missile na ganito.

Alam po niyo, gusto ko lang idiin: Kalokohang makipagsabayan tayo sa tinatawag na arms race dito sa dambuhalang bansang ito. Pag sumama tayo doon, mauubos na lahat ng kakayahan natin. Kalimutan na natin yung 4Ps, kalimutan na natin yung eskwela, kalimutan na natin yung imprastraktura dahil napakagastos magkaroon ng ganitong mga kasangkapan. At kapag nagkaroon tayo, gusto nating huwag sana magamit itong mga kasangkapan na ito dahil ibig sabihin nun ay may digmaan.

Pero yung kagamitan ng ating mga sundalong nakikipaglaban sa Abu Sayyaf, nakikipaglaban sa NPA, ngayon kailangan na. Ngayon, kailangan natin tugunan na mabawasan yung puwedeng maging kapahamakan nila habang pinapangalagaan tayong lahat. Namili tayo. Yung isa baka kakailanganin natin pagdating ng araw. Yung kabilang puwedeng paggastusan, kailangan na natin ngayon. Dadagdagan ko pa po at pupuntahan yung sinasabi ng ibang mga katunggali ni Mar.

Meron naman hong nagsasabi: Aayusin daw niya ang problema ng kriminalidad at pagtapos nang tatlo hanggang anim na buwan. Pag hindi daw niya nalutas ito, nabasa ko ang sabi niya, magre-resign siya. Napag-isip lang ako: Pag may kandidato, pupunta sa inyo mangangako, aasahan ng taumbayan, pag naniwala kami sa pangako mo, tuparin mo yung pangako mo. Pag pinasukan mo yung trabaho bilang Pangulo—at hindi naman pinilit ka diyan, mangangampanya ka, nakikiusap kang tulungan ka—hindi naman puwedeng pag nahirapan ka, “ayaw ko na.” Tama ho ba? Di ba dapat, pag pinasukan mo, panindigan mo. Baka di na uso, pero pag merong mag-aasawa, parating payo ng magulang, “Hindi yan parang kaning mainit na noong isinubo, iniluwa.” Pag papasukan mo ito, pinag-isipan mong mabuti, sinukat mo ang kakayahan mo, at kung tototoo ka sa taumbayan. Panindigan mo maski gaano kahirap ang iyong dadatnan.

Meron naman pong isang kandidato pa. Ang ipinagmamalaki, gagawin daw niya ang buong Pilipinas katulad ng ginawa niya dun po sa kanyang lungsod. Ibig sabihin po ba noon, ang ayuda sa ating lahat o ang tulong sa ating lahat, meron na tayong libreng birthday cake? Ang birthday po sa aming lugar once a year. Sa kanila rin siguro once a year. Matanong ko lang po: Pagtapos ng birthday, paano naman yung 364 days na naiiwan? Pangako po din niya: Palalawakin niya ang Pantawid Pamilya, gagawin daw 5Ps. Kasabay nito, babawasan din niya ang buwis. Siyempre ang tanong: Paano ulit? Sa mga maybahay po dito, pag ang mister niyo nilapitan kayo at sinabi, “Sa susunod na buwan, babawasan ko ang budget mo, pero dagdagan mo ang binibili mo.” Ilan hong misis ang magsasabi ditong “Kaya ko yan”? Yun ho ang ipinapangako sa atin ngayon.

Lahat nga po ng tumatakbong maging Pangulo, masasabi kong wala kaming pinagsaluhang masamang tinapay. Gusto kong turingin na maski papano, kung hindi ko na sila kaibigan ngayon, sana kaibigan ko pa, pero may panahon namang naging kaibigan ko sila lahat. Pero kung ako po ang tatanungin, higit sa pagkakaibigan, mayroon po akong obligasyon sa inyo. Mayroon pong kandidato na kasamahan na natin sa simula pa lang; kasama nating hinuhubog ang detalye ng pagtahak sa Daang Matuwid.

Iyong sector ng BPO, siya po ang nag-umpisa. Ngayon, nakalikha na ng mahigit isang milyong direktang trabaho na inaasahan pa nating umangat sa 1.3 million direct employees sa taon na ito, at magpapasok ng $25 bilyon sa ekonomiya ng ating bansa. Hindi po pangako. Ginawa niya at ngayon, pinapakinabangan ng ating mga kababayan.

Hindi ko man masabi na parati siyang kasunod ko sa lahat ng pagkakataon dahil ang katunayan po, nanguna siya sa akin panahon ng pangangailangan tulad sa krisis sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, maski na noong humagupit ang Yolanda at marami pang iba. Binunggo niya ang kailangan bungguin dahil kailangan para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Ginawa niya ang tama, hindi lang ngayong bahagi siya ng ating administrasyon kundi miski pa noong araw na kung pareho kaming nasa oposisyon. Walang iba po yan kundi si Mar Roxas. Hindi puro soundbyte lang, naniniwala sa consensus-building, hindi reklamador, walang pasikat, hindi nagtataas ng sariling bangko kada oportunidad, parati hong nagtatrabaho lang. [Palakpakan]

Kasama din natin ang pambato ng Daang Matuwid sa Pangalawang Pangulo, si Leni Robredo. [Palakpakan] Hindi po makakamit ng asawa niyang si Jesse ang lahat ng tagumpay kung wala ang suporta niya. Si Jesse po, para sa amin: He has fought the good fight and he has kept the faith. Sa haba ng kanyang paglilingkod, di niya isinulong ang sariling interes. Kinalaban niya ang mga makapangyarihan para sa kapakanan ng mas nakakarami.

Ganyan din po ang butihin niyang kabiyak. Hanga po ako sa katatagan ni Leni sa harap ng matitinding pagsubok. Sa pagpanaw ni Jesse, sa halip na pakitaan tayo ng lungkot, matatag na nilampasan ni Leni ang pagsubok, at nagsilbing inspirasyon sa ating lahat. [Palakpakan] Alam po niyo, kanina po ikinuwento niya, noong nakuha natin ang bangkay ni Jesse, nasabi sa atin ng mga nakakuha ng bangkay na nag-umpisa na po yung decomposition. Nakiusap po ako kay Leni, “Leni, hindi kaya mas magandang tandaan mo na lang ang alaala mo kay Jesse kaysa makita mo itong ayos ng kanyang katawan.” Makikita yung pinagdaanan. At sabi sa akin ni Leni, “Kailangan kong makita.” Sinamahan namin siya sa morge, at sa totoo lang po, damang-dama natin yung lungkot. Kaka-celebrate lang nila ng kanilang silver anniversary, at ngayon, wala na ang kanyang butihing kabiyak. Pero hindi ho nawala sa sarili si Leni. Alam niyang ang madadama niyang lungkot, makakadagdag din sa lungkot at pagkadismaya ng ibang taong nagmahal sa kanyang butihing asawa.

At hindi tumigil doon: Nang tinawag siyang maging kinatawan ng Camarines Sur noong 2013, puwede niya itong tanggihan; puwede niyang sabihing marami nang naiambag ang kanyang pamilya, at aasikasuhin na lang niya ang tatlo niyang anak. Pero nang pinakiusapang masinsinan, buong tapang niya itong tinanggap, kahit makapangyarihang pamilya ang kanyang kinaharap. Ngayon naman, puwede siyang maghangad ng re-election, di hamak na mas madali iyon. Pero muli, tinanggap nya ang hamon na tumakbo bilang Pangalawang Pangulo ng ating minamahal na republika.

Dito po kay Mar at Leni, sa ating pagsusuri, sigurado ako na kaya kong garantiyahan sa inyong lahat na ipagpapatuloy [nila ang] lahat ng ginawa na natin sa nakalipas na anim na taon. Sigurado akong pareho ang pananaw namin. Sigurado akong nakatingin sila sa kapakanan ng kapwa, at hindi ng sarili. Sigurado akong lalo pa nilang papaarangkadahin ang ating naipagawa na.

Mga Boss, 92 araw na lang bago ako bumaba sa pwesto. Sa hapon po ng ika-30 ng Hunyo, ordinaryong mamamayan na lang po ako. Wala na po ako sa poder na sa anumang oras ay puwede kayong maalalayan. Pero ang mahalaga po, napapanatag ang loob ko na may hahalili sa ating mga pinuno na kaya kayong pagsilbihan at lalong patitibayin ang mga nasimulan nating serbisyo sa Pilipino. Na kaya kong ipagtanggol maski sa Plaza Miranda. Na meron tayong dalawang maaasahan. Na ang pinagmulan, pareho; ang ginagawa, pareho; ang pupuntahan, pareho. Ang lalo pang magpapaarangkada sa ating tinatamasang pagbabago at pagganda ng ating lipunan. At sa akin pong pananaw, walang iba po iyan kung hindi ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas sa inyong pahintulot, si Mar Roxas, kasama si Leni Robredo.

Maraming salamat po at magandang gabi sa inyong lahat.