President Benigno S. Aquino III’s Speech at the opening program for the 30th year of Center for Agriculture and Rural Development Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI)
Brgy. Tranca, Bay, Laguna
16 March 2016
Alam ninyo, ang una kong trabaho… Pinaslang ang aking ama noong 1983, noong 1984 po, tinanggap ako ng Philippine Business for Social Progress. Ako po yung executive assistant ng aming executive director noong panahon na iyon na si Ernie Garilao. Isinama po ako dito sa Laguna, sa Center for World Technology Development. Gusto ko lang liwanagin, si Aris po ay manager, ako po ay bagong empleyado noong panahon na iyon. Kung bata siya, mas bata ho ako noong panahon na iyon. [Tawanan] Para maliwanag lang ho.

Noong dumalaw ho kami, isipin lang po natin, ang pakay ng Center for World Technology Development noong panahong iyon, ang tanda ko ho kasi noon, paano isagad yung kapasidad na kumita yung lupa na isang ektarya, kasama na yung tirahan. Yung tirahan, sa ilalim, nandoon yung kulungan ng iba’t ibang hayop. Yung kanilang irrigation, ginawa na ring palaisdaan. Yung pilapil, tinamnam. Yung area sa taas ng halamanan, nilagyan din ng [trailings]. Lahat ng paraan para maisagad yung kita ay ginawa doon.

Kung tutuusin, ito yung mga humuhubog sa ating lahi, genes na ibinigay sa atin ng ating mga magulang, tapos yung background. Siguro, nandoon na rin yung plano sa atin ng Diyos. Nakita ko ito, paano ba natin isasagad yung oportunidad para sa lahat? At yung ang pakay natin sa kasalukuyan.

Ngayon, ang gusto kong ibalita sa inyo, pagkatapos po noong isinama nila ako—kasi ako ang driver ng boss ko—pumunta kami sa Calauan, Laguna. Pagdating doon sa kooperatibang tinutulungan ng PBSP RTD, naghain sila ng pinya. Alam niyo sa Calauan, may monumento pa rin ng pinya doon sa plasa, tama ba? Ako nama’y nakikisama lang. Normally, ang pinya ay lalagyan natin ng asin, medyo maasim. Pag juice, sa Tarlac, medyo nilulunod ko ng asukal para mabawasan yung asim. Iyon na lang ang gulat ko nang tinalupan yung pinya, nilagay sa batya, may kaunting yelo, pagsubo ko: Talagang ang tamis! Parang talo pa yung mangga. Ibang klase yung pinya dito ah. Talo pa yung nakalata na sangkaterbang asukal ang inilagay.

Sa sobrang tuwa ko, napabili ako. Parang tumutulong na rin ako sa kooperatiba. Dalawang sako ho ang kumasya sa kotse ko. At yang araw na yon, Biyernes, dadalaw kami sa lola ko, nanay ng nanay ko, ibibigay ko sa kanya, sa mga tiya ko, sa nanay ko, para lalo akong maging favorite son ng nanay ko. Pagdating doon, nagmamadali ako, binitbit ko sa kusina yung dalawang sako. “Pakitalupan nga ito. Ihanda ito.” Pagkatapos ng hapunan, kinain ng lola ko. Yung lola ko noon ay medyo bingi na po kaya di niya alam kung gaano kalakas ang boses niya, pero maayos pa hong mag-isip. Pagsubong-pagsubo niya, ang sabi ba naman eh “Ang asim!” Pati yung mukha po, talagang asim na asim. Sabi ko, “Paano naging maasim ito eh kapraso lang yung biyahe ko?” Siyempre, kumain din ako. Pagsubo ko, “Ang asim nga!”  Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa dalawa kong sako ng pinya. Iniwan ko na ho.

Part of the learning experience, noong binibili ko, sabi ng nagpapatakbo ng kooperatiba, “Alam niyo, hindi na ho panahon ng pinya sa amin.” Ako naman, sa loob-loob ko, tinanggap ko yung sinabi niya nang buong-buo, “Hindi na panahon, ang tamis-tamis. Grabe siguro pag panahon dito.” Ibig sabihin pala, yung ibinebenta doon, hindi na Calauan na pinya, galing na pala sa ibang lugar. Kaya lang nagkatatak na Calaunan, medyo tumataas ang preso, warning na pala sa aking “Wag kayong bumili dito dahil hindi na ito yung produkto namin.” Medyo mahina-hina ho tayong mag-pick up noon. 1984 o 1985 yon, palagay ko sa ngayon ho, ang lola ko ay matagal nang yumao, baka napatawag na niya ako. Di ko naman ho sinasadya. [Tawanan]

Siguro po, maikukumpara natin sa karanasan kong ito ang sitwasyong ating dinatnan. Pinaniwala po tayo sa matamis na tagumpay ng ating sinundan, pero nang suriin po natin ang totoong lagay ng bansa ay talagang mapapangiwi sa asim ang ating mukha. Sa Daang Matuwid, di na po ganito ang ating sitwasyon. Sa ating ambagan at pagtutulungan, napipitas na natin ang matamis na bunga ng ipinunla nating reporma.

Noong panahon po ng aking ina, naging adbokasiya niya ang “people empowerment through microfinance and cooperative-based activities.” Lalo na pagkatapos nang siya’y nanungkulan. Alam po niyo, isa sa mga natutunan ko sa panahon ko sa PBSP, magtatayo tayo ng people’s organization, mga kooperatiba, hindi puwedeng bigyan ng proyekto kaagad. Kailangang buuin yung samahan. At turo sa akin noong mga panahong iyon, dalawang taon ang kailangan para talagang buong-buo bago magkaroon ng [pressure] ang kanilang mga proyekto. Binanggit ko po sa nanay ko iyan noong siya’y Presidente. Ang sabi niya, ang pondo lang ng bansa noong panahon niya ay pang-aapat na buwan na training. Sabi ko, “Puwede kayang magkasanayan yung dalawang taong programa, sa apat na buwan ay isisiksik natin, aasahan nating magiging matagumpay.” Pero sabi niya, “Iyon ang limitasyon. Ito lang ang kaya natin.” Tulad po natin, ang kanyang naging prinsipyo ng pamamahala: inclusive growth, o ang siguruhing walang maiiwan sa ating pag-unlad.

At yan nga po mismo ang ginagawa natin ngayon. Alam po ninyo, marami tayong mga kababayan na masipag, may magandang plano, ambisyon, pero hindi makapagsimula ng negosyo dahil walang puhunan. Halimbawa po diyan ang ilan sa ating mga kooperatiba at mga micro-, small-, medium-enterprises o MSMEs. Ayon po sa datos noong 2013, ang ating MSMEs ang bumubuo sa mahigit 99 porsyento ng mga business establishments sa bansa, sila po ang naglilikha ng 63.7 percent ng trabaho sa Pilipinas sa taong iyon. Kung hindi nga po matutugunan ang pangangailangan, masasayang lang ang potensyal nilang umasenso, pati ang kakayahan nitong magbukas pa ng maraming pagkakataon sa ating mga kababayan. Kaya naman, sinikap nating patatagin ang industriya, kabilang ang pagsigurong nabibigyan sila ng sapat na suporta at ayuda.

Dito nga po natin isinulong ang microfinancing, bilang bahagi ng agenda nating tinaguriang “financial inclusion.” Katuwang po ng gobyerno ang mga institusyong kagaya ng CARD MRI sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa ating mga Boss, upang tulungan silang makabangon sa kahirapan. Isa nga po si Aris Alip sa talaga naman pong nagsisilbing huwaran at inspirasyon sa marami nating kababayan na sagarin ang pakinabang ng kung anong mayroon sila. Nagpapasalamat tayo sa kanyang dedikasyong makatulong na tuparin ng ating mga kababayan ang kanilang mga pangarap. Di nga ho biro ang tatlumpung taon na ay lumalago’t lumalago pa.

Sa pangunguna naman po ng Bangko Sentral, may akses na ngayon ang mas maraming LGU sa mga serbisyong gaya ng microfinance, microenterprise loans, at microinsurance. Nandiyan rin ang Economic and Financial Learning Program at Financial Empowerment Sessions ng BSP na layong magbigay ng sapat na kaalaman sa pangangasiwa ng pondo. Nitong nakaraang taon, inilunsad naman ang National Strategy for Financial Inclusion, na magsisigurong nasasakop ang lahat, mula indigenous people at kababaihan, sa ating sistemang pinansyal.

Pinirmahan rin natin ang ilan sa mga batas na magpapatibay pa ng ating inisyatiba: Ipinasa natin ang Microfinance NGOs Act—na talaga naman pong mag-lobby ang ating butihing Kuya Bam, at si Aris, at marami pang iba—kung saan pinapalakas ang ating mga NGO na magbigay ng microfinance services at iba pang ayuda sa mahihirap na pamilyang nais magsimula ng negosyo. Alam po ninyo, naalala ko, noong hinuhubog ang batas na ito, may mga concerns ang Department of Finance, si Bam naman, Aris, at marami pang nag-usap-saup dito ay nakinig. At dahil gusto nilang magkaroon ng solusyon, sinagad nilang yung aking pagiging Ama ng Bayan, ako yung nagre-referee sa mga anak. Pero dahil pareho naman sila ng patutunguhan, nagkasundo-sundo at naipasa ang batas na iyan. Kakapasa lang rin natin ng Credit Surety Fund Cooperative Act, na tutulungan ang ating mga MSMEs, NGO, at mga kooperatibang makakuha ng loan na siya namang magagamit nilang kapital. Alam niyo po, ang surety fund na yan ay binabawasan ang pag-aalanganan ng mga bangko sa pagpapahiram ng pondo sa ating mga kababayan.

Ang good news nga po, dahil sa mga inisyatibang ito, kinilala ng Economic Intelligence Unit ang Pilipinas bilang number 1 sa Asya at pangatlo sa buong mundo pagdating sa pagtataguyod ng financial inclusion noong 2014 at 2015.

Isa pong tanyag na kumpanya po yan—sister company ng “The Economist” na magazine. Patunay po ito: Sa Daang Matuwid, tumototoo tayo sa ating panata, na sa ating pag-unlad, dapat walang maiiwan.

Ginagawa natin ang lahat ng ito upang bigyang lakas at kakayahan ang ating mga Boss na maitaguyod ang magandang kinabukasan. Naniniwala po tayo: Pilipino ang ating pinakamahalagang yaman. Kaya naman nagbubuhos tayo ng pondo para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa edukasyon, alam na po niyo, tinugunan natin ang minana nating backlog sa mga classroom, school seats, at textbooks, nireporma ang basic education system sa bansa. Pinalawak natin ang sakop ng ating Pantawid Pamilya: mula sa dating 786,523 lang na kabahayang saklaw, ngayong taon po, yung huling 200,000, makukumpleto na natin ang target na 4.6 milyong kabahayang benepisyaryo sa buong bansa. Sa inisyal nga pong mga resulta ng programa, tinatayang 7.7 milyong Pilipino na ang naitawid na natin o naiangat sa tinatawag na “poverty line.”

Mas malaki na rin ang sakop ng ating PhilHealth ngayon: mula 47 milyong Pilipino noong 2010, ngayon po ay nasa 93 milyong Pilipino na ang saklaw. Sa ating panunungkulan, sa ilalim ng Sitio Electrification Program, sabi sa atin ng Department of Energy, lahat ng sitiong tinukoy natin na walang kuryente noong 2011, bago matapos itong buwan na ito, ay mapapailawan na. Alam niyo po, idagdag ko lang: Kamakailan, ibinalita sa akin na yung sitio ho ay hindi sumama sa Reproductive Health Plan dahil noong araw, mayroong mga hindi nagpalista noong 2011, dahil hindi sila seryosong naniniwala sa gobyerno. Ngayon ho, may mga naiwan na namang sitio at yung mga dating hindi pa sitio noon ay naging sitio na. Sabi ko, “Ganoon pala yan. Parang moving target pala yung pagpapakuryente.”

Mamaya nga po, papasinayaan rin natin ang Calatagan 63.3-MW Solar Farm, na siyang kauna-unahang solar farm na pinondohan at ipinatayo ng kumpanyang Pilipino. Ang tanong nga: Sa lahat ng ating tagumpay, meron po bang nag-aakalang magagawa natin ito sa loob lamang ng halos anim na taon?

Alam po niyo, bigyan ko po kayo ng isa pang sample, yung tinatawag nating “holistic.” Kamakailan po, nanggaling tayo sa Pangasinan, yung ating DTI po ay may ipinagkakaloob na Shared Service Facility. Ibig sabihin po niyan, baka nanggaling dito sa inyo dito sa Micro CARD, nakakuha ng puhunan, dumarating naman po ang DTI para magdagdag nga nitong mga pasilidad para lalong mapalaki o makatulong sa pagpapalaki ng mga negosyong itinatayo niyo. For instance, sa Binmaley Rural Insurance Club, mayroon silang bangus processing project. Yung production po nila, from 1,500 to 3,150 kg a month, ang tinataya po pagkatapos nitong proyekto ay aabot ng 8,000 to 10,000 kg per month yung produksyon. Kaya ang sales po nila, from P211,000, ay tinatayang aabot sa P723,000 dahil po sa produksyon na ito.

Mayroon naman pong food processing project ang local government unit ng Sto. Tomas, doon po sa Pangasinan ulit dahil doon tayo nanggaling. Pinagkalooban ng P618,000 worth of equipment for the production of corn siomai—may siomai, pastillas, polvoron, puto, yema, cookies, iba pa. Parang ina-advertise ko na rin ho ito, pero ang bottom line, dati 200 to 300 packs ang nagagawa nila. Ngayon, 400 to 600 packs. Yung sales dahil dito ay P63,500 dati; ngayon, P226,000 na.

Siguro ang pinakamaganda ho, para maisalarawan ko sa inyo ito, mayroon tayong kababayang ngalan ay Christina Reyes—hindi yung artista. [Tawanan] Itong si Christina Reyes, tapos ng BS Accounting, tila walang nakuha nang trabaho dito, napunta ng Kuwait. Pagdating po sa Kuwait, sabi niya, inabuso siya ng kanyang employer doon. Pati pag-uwi nga raw niya ay tangan-tangan yung passport ng employer yata, travel documents na ipinagkaloob ng ating DFA, DOLE—na nagtrabaho para maibalik siya sa Pilipinas. Pagbalik, binigyan ng pamasaheng bumalik ng Pangasinan, at pagkatapos po noon, ipinaalala sa kanyang mayroon tayong programa para sa ating mga OFWs na retraining. Itinuro sa kanya na mayroon kayong scholarship para dito, pasok siya sa TESDA, nag-aral siya ng massage therapy at saka hilot wellness program—baka magalit ho si Joel sa akin kung mali yung pangalan ko.

Bakit ko ho ikinuwento ito? Dahil doon sa kanyang training na iyon, nakapasok siya sa isang spa, naging operations manager siya, at sa taong 2012, kung kailan siya bumalik, ang pagkukuwento niya sa akin, within that year, naitayo niya dalawang branch ng sarili na niyang spa. Hindi na siya operations manager. At hindi naglaon, pagkatapos ng dalawang taon, apat na yung branches ng kanyang spa, 32 yung mga empleyado niya. At ngayon po, yung bago niyang yugto noong pagtatag nitong kumpanya niya ay nagpa-franchise na ng kanyang spa. Ulitin ko lang po: Sabi niya, “Galing akong Kuwait, nag-OFW ako. Hindi ko man natapos yung kontrata ko, balik ako sa Pilipinas, itong training na ito.” Mayroon na siyang medyo maganda-gandang negosyo. Sandali na lang ho siguro, nationwide na yung magiging mga spa niya.

Ang punto ho nito: Hinahabol nga natin na kung tutulong ka rin lang—turo sa akin ng aking mga magulang—isagad-sagad mo na. Umpisahan na natin sa bata: May maasahan ba tayong magagawa ng bata kung hindi natin maturuan nang husto? Ganoon kalaki ang dinadagdag nating pondo sa edukasyon mula basic hanggang sa CHED—at congratulations sa inyong college na naitayo. Pagkatapos po noon, siguraduhin na rin natin para makatuloy-tuloy ang pag-aaral, maayos ang kalusugan. Kaya ganoon ho kalaki ang budget ng DOH. Sa panunungkulan natin, nagtriple na mula noong inumpisahan natin. Pasensiya na ho kayo, parang narinig ko ang nanay ko, “Puwede bang huwag kang magtaas ng sariling bangko?”

Ang punto ho nito, tulad ng ginagawa niyo: Mayroon nang microfinance, mayroon pang insurance, mayroon pang training sa college—hindi naman ho tayo nagkakalayo. Siguro nga ho magkakabalahibo nga tayong pinagbiyak na kawayan, kaya talaga hong madali magtulungan. At iisa nga ang pakay natin: Paano ba iangat lahat ng ating kababayan mula sa kumunoy ng kahirapan?

Malinaw po: Sa atin po sa Daang Matuwid, binigyan natin ng kakayahan ang Pilipinong mangarap at gawing katotohanan ang mga pangarap na ito. Mula sa mahabang kasaysayan ng pagkakadapa, ngayon, natuto tayong bumangon at handa nang umarangkada. Nasimulan na nga po nating baguhin ang kuwento ng karaniwang Pilipino. At matanong ko lang po, alam niyo, paulit-ulit itong mga pag-ikot-ikot ko, ang natitira kong araw ay 105 days na lang yata. 105 days na lang po, retirado na po ako. Baka mag-aapply na ako kay Aris—ay, hindi pala ako puwedeng mag-apply sa inyo. Alam niyo, sa batas ho natin, yung members of the Cabinet, ako—I cannot participate in an industry that I used to regulate. Dahil Pangulo ako, nire-regulate ko lahat. Ibig sabihin noon, bawal ako magtrabaho nang one year. Kaya sabi ko, “Parang okay yun. Wala kang kikitain nang one year.” Ang ikabubuhay mo, sana sumapat yung pension at saka yung savings. Sa TESDA kasi, yung mga nagga-graduate po doon ay bigyan niyo ng ilang buwan, doble na ang suweldo kaysa sa akin.

Ang mas masakit doon, ang Secretary of Finance, dahil member of the monetary board, siya ho hindi puwede sa bangko at iba pang mga nire-regulate nila nang—konti lang naman ho—mga dalawang taon. [Tawanan] Problema ko na ho yun, hindi niyo problema. Iniisip ko nga kung puwede ba akong magsaka dahil saklaw na ng Department of Agriculture. Baka may issue pa rin yun.

Babalik po ako: Sa nangyayari po sa atin, mag-iiba nga ba tayo ng direksyon? May halalan na namang parating. Pipili na naman ang sambayanang Pilipino. Parang ito, nagpapaalam na po na ako sa lahat. At siyempre, gusto ko naman bago tayo maghiwa-hiwalay, masigurado ko na hindi lang, number one, na maayos ang lugar niyo o nasa maayos kayong lugar, pero pangalawa, yung patutunguhan niyo parang maliwanag na talagang mas maayos pa ang pupuntahan niyo. Palagay ko ho, obligasyon ko pa rin po yan.

Tanong po: Itutuloy ba natin ang pagtahak sa landas ng pag-asenso, o babalik tayo sa panahon ng maraming mapang-abuso at sistema na baluktot? At bilang Ama ng Bayan, hindi maaatim ng konsensya kong manahimik na lang; obligasyon ko pong gabayan ang ating mga Boss at siguruhing hindi mababalewala ang lahat ng ating pinaghirapan. Naitayo na natin ang pundasyon ng mabuting pamamahala, ipinadama na natin sa Pilipino kung ano ang ibig sabihin ng “good governance.” Pinatibay na natin ang ating mga institusyon upang hindi na ito maging kasangkapan pang muli ng mga tiwali. Pero sa dulo po, nasa sa inyo kung atin pang ipagpapatuloy ito. Kung ako itinatanong kung ano ba dapat nating gawin, sa akin po, walang ibang magtataguyod nito—at suriin nating lahat, iniimbita ko kayong suriin lahat ng kandidato ngayon—sa akin pong pananaw kasi, isa lang talaga ang magtataguyod o magpapatibay pa ng lahat ng ating magandang sinimulan. Sa akin po, buong kumpiyansa, kaya kong sabihin ang tambalan po ni Mar Roxas at Leni Robredo, ang tambalang Matuwid na magtutuloy-tuloy ng atin pong mga naumpisahan na. [Palakpakan]

Sabi nga po: Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa ibaba at sa bawat isa. Sa tulong ng mga katuwang natin sa paghahatid ng serbisyo gaya ng CARD MRI, naiangat pa natin ang ating mga Boss tungo sa mas maunlad, mas maganda, at masaganang kinabukasan. Mabuhay po ang CARD MRI. Mabuhay si Doctor Ali, pati po lahat ng inyong mga kasamahan, lahat ng inyong mga miyembro. Sana po magpatuloy na talagang yung gobyerno niyo ay kumakalinga at talagang pinapakinggan ang tinig ng mga Boss.

Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.