President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 7th League of Provinces of the Philippines (LPP) General Assembly
Century Park Hotel, Manila
 15 March 2016
 
Dito natin umpisahan: Maganda ang sinasabi ni Mel kanina. Kayo ang pinakatakbuhan sa probinsya ninyo, kayo ang pinakasikat. Tatakbo kayo, ang daming ipapasa sa inyong problema. Dinaanan ko rin iyan, kaya nga lang hindi everyday dahil congressman ang dinaanan ko sa local. Siya mayor, kayo governor, araw-araw, 24/7. Ako naman po’y pag wala nang session, mga umpisa ng Thursday, hanggang Sunday ang share ko.

Sa aking karanasan sa Tarlac, uso sa amin yung problema sa tubig. Ano yung problema sa tubig? Pag tag-init, yung Tarlac River, missing in action. Stream lang ho iyan, parang halos basa yung buhangin. Pagdating naman ng tag-ulan, rumaragasa yung tubig, talagang ginigiba lahat ng ating infrastructure.

Tumakbo po ako, at DPWH yata ang sa flood control noong panahon na iyon, sabi sa akin, “Saklaw kayo ng Lower Agno.” Tinanong ko po yung Lower Agno office kung ano ang maitutulong sa amin. Ang sagot sa amin, “Ay, nagkakamali ho kayo. Doon po kayo sa Pampanga Delta River” ganyan-ganyan. Punta naman kami sa Pampanga, ang sabi sa amin, “Ay, nagkakamali ho kayo ulit. Hindi kami ang may saklaw sa inyo.” Kako, “Saan ho kami dapat?” “Doon sa Lower Agno.” Okay pala itong trabahong congressman. Pag lumapit ka sa kanila, gagawin kang pingpong.

Sa dulo ho noon, ang pondo ng congressional district, ginamit namin yung PDAF para meron kaming creek sa Tarlac—ang tawag ay Masalasak Creek. Iyon ang nagbabara kaya lumulubog yung MacArthur Highway. Yung MacArthur Highway—national road, Manila North Road—PDAF na rin ang nagpa-repair doon sa parte namin. Nag-umpisa po ako noong 1998, iyon yung Asian Financial Crisis, bahala ka sa buhay mo.

Bakit doon tayo nag-uumpisa? Eh nakikita ko ang mga mukha ninyo, talagang wala akong probinsyang mapupuntahan na di natin masasabing marami tayong pinagtulungan. Tama ho ba? Ang gusto kong ipagdiinan din: Ang sarap na makatrabaho ang marami sa inyo.

For instance, nandito si Junjun Davide. Si Junjun ho, kasagsagan ng Yolanda, tinamaan ang Bantayan Island nila. Tinawagan ko, “Jun, ano ang kailangan ninyo diyan?” Ang sagot sa akin, “Okay ho kami dito.” At ang ginawa pa ho niya, nagtayo sila ng repacking center para makadamay sa ibang lugar tulad ng Leyte na mas nasalanta. Si Dominic siguro ang magpapatunay niyan.

Pag tinanong natin si Freddie Marañon ng Negros Occidental, napansin ko, paglanding doon sa airport, medyo pasikot-sikot yung kalsada mula airport papunta ng highway. Sabi ko, mukhang hindi efficient yung ganitong sistema. Dumarating yung turista, negosyante, at ibang manlalakbay, bakit natin kailangang paraanin nang ganyan? Nag-alok ako, “Manong, mukhang kailangan nating gumawa ng kalsadang mas maganda. Yung diretsuhan sa highway ninyo.” Sagot sa akin, “Meron na ho kaming pondo diyan. Hindi na namin kailangan.”

Ang daming pagkakataon na talagang nadama kong kadamay ko kayo sa lahat ng pinagtulong-tulungan natin. Noong araw, talagang salat na salat. Kapag mayroong darating na programa, proyekto sa inyo, para bang reward, patsamba-tsamba. Example, nirereport sa atin ng DPWH na meron na tayong 18,000 kilometers of national road na paved, repaired, rehabilitated, improved. Kasama po diyan ang tourism road na 1,500 [kilometers]. Sa tulay naman, 107,000 lineal meters na po, kasama po doon ang 12,000 mahigit na lineal meters of temporary bridges na ginawa nang permanente.

Dito po sa mga airports, si Ed Chato, excited na excited doon sa Panglao airport kung saan magiging tulay ito mula 500,000 tourists sa Tagbilaran ngayon, magiging 1.7 million tourists. Pagdating ng 1.7 million tourists, sasabihin ni Ed, “Huwag na ninyo akong bibigyan ng IRA. Hindi na namin kailangan yan.” [Tawanan] Ngayon kasi, tinatayang bawat foreign tourist, $1,000 ang gagastusin habang nandito. And Panglao is envisioned to be either the next Boracay, or equivalent to Boracay.

Pag dumarating ho sa mga lumalapit sa inyo, sa kalusugan lalo na, nandyan yung PhilHealth natin. 93 million yung tinutulungan ngayon. Dati po, parating out-of-pocket lalo na sa inyong mga gobernador. Para bang, “Saan ba tayo kukuha talaga ng pantustos sa lahat?”

Alam niyo, parang mali naman yatang isa-isahin ko lahat itong pinaggagagawa natin. Pero tingin ko, sasang-ayon kayo, noong 2010 tumatakbo ako. Meron akong kasama sa inyo, merong hindi kasama sa inyo. Noong naupo ako, palagay ko naman ho, siguradong walang makakapagsabi na may pinabayaan tayong probinsya. Ipakita ninyo ang pangangailangan, basta maliwanag ang pangangailangan ninyo, bakit hindi natin gawin, at bakit hindi natin pagtulungan?

Isa siguro sa mga puwede kong sabihin na may source of pride kong personal, isa ho sa tinatanong ko kunwari kay Manong Kit Bersamin ng Abra, Cordillera, “Paano ba aasikasuhin ang Cordillera?” Ang Cordillera, kokonti ang boto. Kapag may pulitikong tatakbo noong panahon na may PDAF, “Bakit natin dadalhin diyan eh hindi maganda ang returns?” Malaki ang ibubuhos mong pondo, maliit ang botong makukuha ninyo. In short, yung Cordillera, parati na lang kinalimutan at kinawawa.

Mas pamilyar po ako sa Apayao—mula dito si Butchie. Sabi ni Boy, umabot na raw tayo sa Apayao sa punto na mayroon na tayong physical limitations. Di ba marami silang infrastructure na kailangan? Mahal sa bulubundukin doon. Sila, umabot na sa physical limitations. Ang ibig sabihin po noon, may mga kalsada tayong binuksan. Ngayon, umabot ho yung punto na yung binuksan, kailangan ng dalawang taon ng tag-ulan para ma-compact yung lupa. Wala na po tayong natira doon sa dalawang taon na rainy season. Pero yung others na ready na, earlier nating nabuksan, natapos na, sinagad na natin yung puwedeng magawa sa Apayao. Hindi po ibig sabihin na wala nang kailangang gawin sa Apayao. Mayroon pa ring kailangang gawin sa Apayao. Pero ang punto ho siguro nito: Kung titingnan natin na marami tayong depressed provinces dito sa region na ito, talagang masasabi nating medyo nag-uumpisa na yung panahon na makakasabay sila sa rest of the country.

Merong nagsalita sa Apayao rin. Sabi niya sa amin noong dumalaw kami doon, noong araw, pag merong may karamdaman, kailangan silang tumawid ng gubat. Yung gubat tuloy nagmistulang sementeryo. Dalawang araw daw kasi ang lakaran bago makaabot sa ospital, hindi na nakaaabot sa ospital, inililibing na lang sa gubat. Ngayon daw po, minuto na lang ang pinag-uusapan dahil nandun na yung kalsada.

Ang punto ho siguro sa pagharap ko sa inyo ngayon, at kung medyo minamalat ang boses ko, araw-araw po ako kung saan-saan nagtatalumpati’t gumagawi. Hindi ako kasama ni Governor Umali kung saan siya gumagawi, for the record lang. [Tawanan] May alam yata silang hindi ko alam, ang daming nangingiti.

Pero noong nangampanya po ako, hindi ba sabi ko sa inyo na pagbaba ko, ambisyon kong makalingon sa pinanggalingan at masabing itong iiwan ko, di hamak na mas maganda sa dinatnan natin. At palagay ko, kayo na ho ang magsasabi kung tumotoo ba ako o hindi.

Ngayon ho, ang tanong ay simpleng-simple: Dati gumagapang tayo, ngayon nakatayo na tayo, natuto na tayong lumakad. “Sick Man of Asia” nga ang tawag sa atin. Yung isa kasing ikinukuwento ni Mel, noong araw, noong pagiging mayor niya, iimbitahin sa mga foreign conference. Pag dumaan yung mga taga-Japan sa Immigration, “Oh Japan. Please, welcome to the country.” Ganyan. Dumating yung taga-Taiwan, ganun din. “Welcome to the country.” Dumating yung Philippines, si Mel. Tiningnan yung passport, tiningnan yung mukha niya, tiningnan yung passport ulit, tiningnan yung mukha niya, tiningnan yung visa, tiningnan yung watchlist. Ang daming tiningnan. Tapos tinanong siya sa dulo, “What is the purpose of your visit?” [Tawanan] Sabi niya, “I was invited to this conference.” “Do you have proof?” Naglabas pa siya ng dokumentong inimbita siya. So pagdating nga raw doon sa kumperensya, palitan ng calling card, yung calling card raw niya, isandaan papunta doon. Pagbalik, isandaan pa rin. [Tawanan] Wala raw kasing lumalapit sa kanya, at baka mag-solicit ng firetruck o ambulansya. Pero ngayon, sabi niya, iba na ang usapan.

At sa totoo lang, sabi ko, “Mel, wala naman tayong pinagkaiba eh.” Noong nag-umpisa ako, may mga other heads of government, heads of state, parang obligado akong harapin. Talagang parang, ewan ko naman, baka sensitive lang ako doon, parang ang taas talaga ng ilong nitong mga ito. Meron pang mga isa o dalawang nanenermon sa atin, kakaupo ko pa lang sa puwesto. Yung mga nanenermon ho sa atin noon at medyo mababa ang tingin sa atin at mataas ang kanilang ilong, ngayon po, hinihingian na tayo ng payo kung ano ba ang ginawa natin sa bansa natin. Na sa panahon na masama ang ekonomiya ng buong mundo, eh tayo raw ho ay lumaki nang lumaki. [Palakpakan] Isinagot lang natin: Good governance is good economics.

Mga kasama, 106 days na lang po ang natitira sa akin. Sabi ni Boy kanina, approved ba ako doon sa mga panukalang pag-amyenda ng mga batas. Boy, wala na yata akong masasabi sa Kongreso. One hundred six [days left], puwede na nila akong hindi pansinin. Karamihan ho eh hindi na ako papansinin after 106 days. Siguro puwede na lang ako magpayo. Unang payo: Alam mo bang pag papaamyendahan natin, ipaalala ko lang, yung Constitution kasi natin ay 1987, hindi 1997. Baka yun ang dahilan kaya hindi naipasa sa Kongreso. Pero seryoso, lahat ho tayo pumasok sa pagiging lingkod bayan, isa lang naman siguro ang ambisyon natin: mapaganda ang buhay ng mga kababayan natin.

Ako, noong panahon na bibigyan kami ng 10 kilometro kada taon sa distrito ko, 159 yung barangay ko. Hahati-hatiin mo ngayon yung 159. Masuwerte ka nang may 1 kilometer ka sa isang barangay, baka installment pa. Sa totoo lang, yung dinatnan ko, sabi nila “road.” Barangay road. Yung barangay road, eksakto pong paradahan ng kotse ng barangay captain. Hindi ho two lanes ha. Talagang literal: dirt road, may kapirasong semento. Yung kanilang barangay service vehicle nakaparada doon. Yun po yung barangay road. Noong dumating naman po ako, nakakadagdag tayo—fresh concrete lahat ng ginawa namin—200 meters dito, 300 diyan, 400 doon. Talagang dama ko siguro kung ano ang nadadama niyo. Ang daming pangangailangan, ang konti ng pagkukunan.

Sa ngayong panahon ho, may ekonomiya tayo that has had the biggest growth spurt in the last 40 years ho yata—6.2 [percent] average tayo dun. Yung 40 years, yun po yung panahon ng Martial Law. Yung Martial Law, maraming cronies na binigyan ng sobrang guarantee na nagtayuan ng kaliwa’t kanang negosyo kaya na-boost up yung ekonomiya natin doon hanggang noong panahon ng bayaran. Nangutang, nagtayuan, isasama mo sa list of new factories, new investments, ganyan. Pero walang katuturang investment ang karamihan dun. So yun po yung utang na binabayaran natin—pero iba na hong usapan ho yan.

Balikan ko lang ho. Kasama kayo sa partido, hindi kayo kasama sa partido, kasama kayo sa koalisyon, hindi kayo kasama sa koalisyon, hahamunin ko ang sinumang magsabi na may talagang tunay na pangangailangan na hindi tinugunan. Sabi kanina nga, yung IRA niyo, lalaki habang lumalaki yung ekonomiya. Patakbuhin nating tama yung ekonomiya. Gawin nating environment na may level playing field talaga. Maraming potensyal ang Pilipinas. Bakit hindi gaganahan yung mga negosyanteng magtayuan ng mga negosyo nilang magpapalaki ng ating ekonomiya. At hindi panandaliang panahon yung paglaki, talagang tuloy-tuloy na yung paglaki.

So at the end of the day, palagay ko tulad ko, marami sa inyo ang nagsasabing yung ambisyon natin na talagang makapaglingkod sa ating mga kababayan, nagagawa na natin talaga yan. At parang yung iba siguro, lalo na yung bago, sasabihin pa nilang “Ganoon pala kadali itong trabahong ito.” Dahil nga hindi yung takbo ka nang takbo kung saan-saan, na kapag may kumausap man sa iyo, sasabihin niya sa iyo, “Sorry, wala kaming pondo. Sorry, hindi namin kaya.” Ngayon po, di ba, umaabot na tayo sa punto na bago pa binanggit yung pangangailangan niyo, kasama na yung solusyon. Tingin ko si Procy, marami-raming beses nang nagpunta sa inyong lugar at nagsabing “Ready na ho tayo dito sa ating trading center. Ready na tayo dito sa cloud seeding,” at kung ano-ano pa.

So, babalik ho ako. May kasabihan nga yung mga Amerikano na “If it ain’t broke, why fix it?” Itatanong ko sa inyo ulit ngayon: Lalo na doon sa mga tumatakbong walang kalaban, talagang kayo’y tinitingnan ng mga kababayan niyo. Saan ba dapat ang direksyon natin? Ano ba dapat ang gagawin natin dito? At puwede tayong pumunta ng ibang landas. Sabi ko nga, baka i-left turn tayo ng iba diyan; baka i-right turn tayo ng iba diyan. Ang pinakamasakit, yung i-U-turn tayo.

Ano ba yung U-turn? Kung meron mang darating sa inyo, ginagawang premyo. Imbes na obligasyon ng nasa local government na damayan kayo, para bang kending lalong pinatatakam yung bata. Hindi ho dapat ganun. Dapat papakainin mo yung bata. Kumpletuhin mo, nutritious. Kaya mo. Hindi dapat puwedeng isipin na “Ibibigay ko ba o hindi?” Kaya mo, obligasyon mo na tulungan yung kapwa mo. Pati nga yung mga… Sorry kung marami akong gustong sabihin sa inyo. Dapat actually, maiksi lang to. Pagkatapos nung dalawa, palagay ko nasabi na nila lahat ng dapat sabihin.

Pero siguro ang pinakapunto ko lang nga dito: Kunwari itong six years na ito, naging parang bakasyon lang at yung sitwasyon natin ay tulad ng dati. Merong mga sakit, bahala si Batman. Wala kang kalsada, bahala ulit si Batman. May baha, bahala kayo sa buhay niyo. Lahat na lang ng problemang hinaharap niyo, solo flight kayo. Sino kaya dito sa atin matutuwa na balik tayo sa ganoong sistema? As opposed to may bagyo, mayroon ka nang warning na pinaayos ng PAGASA. May warning ang PAGASA, tumayo ang DSWD, DPWH, naghanda na ng kakailanganin para tugunan ito. Dumating yung bagyo, nasalanta ang probinsya niyo. Kaagad yung relief, hindi natin hinihintay, nandiyan na. Pero pagkatapos nun yung rehabilitation: Paano ba tayo babangon lalo, babangon na mas mabuti ang sitwasyon? Lumiliwanag yung plano. Yung kapasidad niyo ngayon para sa rehabilitation plan, kailangan ng mga structural engineer. Gagawa ng kanya-kanyang plano ang bawat munisipyo, bawat city, bawat probinsya. Kinapacitate [capacitate] na rin kayo dun. Yung [Oplan] Listo na sistema ng DILG…

Marami na nga tayong nagawa, sa madaling salita. Nagawa natin dahil ginawa lang natin nang tama. Siguro ang pinakamatinding pakiusap ko sa inyo dito, pag-isipan natin. Dito, hindi na kami nangangako, ipinakita na namin yung kayang gawin. Ako’y nakikiusap sa inyong lahat: Kung gumanda at dumali ang buhay niyo, gumanda lalo na yung buhay ng mga kababayan niyo na pinangakuan nating pagagandahin, na talagang paglilingkuran, palagay ko ho, lalo na yung mga gobernador sa bawat probinsya, ang pangunahing dapat magdala ay panatilihin natin yung pagtahak dito sa Daang Matuwid.

At ulitin ko nga ho sa inyo, sa aking pananaw, inendorso ko po si Mar Roxas, inendorso ko po si Leni Robredo. Wala pong kaduda-duda, kaya ko pong igarantiya ang gagawin nila. Sa iba ho, yung pinakamaganda na ay “baka” ituloy. Meron hong iba dun, sigurado ho akong hindi itutuloy. Ang tanong nga dito sa atin, ang liwanag ng choices eh: sigurado, baka. Baka mas magaling yung isa, baka ituloy. Meron namang siguradong hindi itutuloy at iyu-U-turn tayo. Meron hong hindi maliwanag kung saan tayo. Yung isang baka, baka lumiwanag kung saan niya tayo dadalhin, pero ngayon pa lang ho, malabo na. So yun ang pagpapalit natin.

Ulitin ko lang po sa inyo: Nagkalapit tayo dahil alam niyo—ayoko namang matawag na kuya ninyo ako dahil alam kong maraming matanda ho sa inyo kaysa sa akin eh—baka puwede na lang, kakampi niyo. Sa lahat ng pinagdaanan niyo sa anim na taong ito, tumotoo ako sa inyo, tumotoo ako lalo na sa mga minamahal nating kababayan. At nandiyan, nasa kamay natin na talaga namang pag tayo tinawag ng Diyos, finished or not, pass your paper, puwede nating masabi: Tumotoo kami sa pangako namin sa kababayan namin. Tumotoo po kami sa pinangako namin sa Poong Maykapal, at talaga namang di hamak na ang iniwan namin ay mas maganda sa dinatnan namin.

Ulitin ko lang ho, kaya natin ito. Ang kailangan lang gawin: Gawin natin.

Magandang araw. Maraming salamat sa inyo.