President Benigno S. Aquino III’s Speech at the turnover of Shared Service Facilities in Pangasinan
Dagupan, Pangasinan
14 March 2016
 
Alam niyo po, talagang malapit sa puso natin ang Pangasinan. Tanda ko po: 1990 nang tumama yung pagkalakas-lakas na lindol sa Luzon. Kasama ko po ang aking ina upang makiramay at makita ang pinsala, lalo na dito sa Dagupan; at sa pagkakaalala ko po, ang dami ninyong mga building, talagang para tumaas yung kalsada, para lumubog yung mga building. Ang tawag po nila doon ay “subsidence.” Bumigay ang mga tulay at sirang-sira ang mga kalsada. Yung nanay ko, sa tulong ng Kongreso, itinulak na mapaglaanan ng P10 bilyon para sa mga probinsyang tinamaan ng lindol. Siyempre, hindi po tayo pinagpahinga, dahil susunod na taon naman po, Mount Pinatubo naman ang sumalanta sa atin. Doon nag-umpisa ulit ang pagbangon ng Dagupan, at pag tiningnan ninyo ang Dagupan, tila napakalayo na sa mga panahong iyon.

Ngayon po, hindi lang kayo nakabangon mula sa trahedya, kundi talaga namang kayo ay umaarangkada na. Itong gusaling ito, testigo na sa paglago ng inyong ekonomiya. Isa ang inyong lalawigan ng Pangasinan sa nagpapatunay: Sa Daang Matuwid, walang maiiwan sa pag-unlad. Makalipas ang halos anim na taon ng mabuting pamamahala, talaga pong ang layo na ng ating narating. Sa mga minamahal po nating Pangasinense: Salamat ya balbaleg ed pikakasakey yo ed Mattik ya Dalan.[1]

Ngayong araw nga po, nasaksihan natin ang turnover ng dagdag pang 23 Shared Service Facility o SSF Projects ng Department of Trade and Industry dito sa Pangasinan. Sa tulong po nitong mga SSF, naibabahagi sa mga komunidad ang mga modernong kagamitan sa paglikha ng iba’t ibang disenyo at produkto. Bahagi po ito ng malawakan nating estratehiya para palakasin ang mga kooperatiba, micro-, small-, and medium-scale enterprises o MSMEs, na siya namang nagbubukas ng pagkakataon sa marami nating kababayan. Karamihan mo ng empleyado natin sa Pilipinas ay galing sa sektor na ito.

Sa kasalukuyan, mayroon na kayong 49 SSF dito sa inyong probinsya na pinakikinabangan na ng mga Pangasinense. Kabilang po rito ang pasilidad para sa pagpoproseso ng mga produktong bangus, na isa ninyong pangunahing industriya, pati na rin ang bagoong processing, engineered bamboo production, at marami pang iba. Alam po niyo, yung engineered bamboo production… Yung isa pong nagbibigay sa atin ng konting kasiyahan ay nakikinig tayo ng tugtog, medyo sikat na sikat ngayon yung pag gumagawa ng loud speaker, bamboo enclosures ang ginagamit. At mas mahal di hamak pag bamboo ang ginamit kesa sa tinatawag na medium-density fibreboard, o kaya kahoy.

Gamit ang mga bagong pasilidad na ito, marami na pong mga indibidwal at negosyo ang umunlad ang kabuhayan, at naiangat ang kakayahang makipagsabayan sa mas malaking merkado. Isa nga po sa produkto na sikat ang Pangasinan ay yung tupig. Alam ninyo noong bata po ako, yung nag-aalaga sa akin, pag umuuwi siya sa kanila, ewan ko kung paano niya nagagawa, parati akong pinapasalubungan ng hindi isa o dalawang piraso ng tupig, kundi bundle-bundle po. Okay ito. Yung Sumulong po kasi, kung saan galing ang aking lola, doon po uso yung suman. Yung suman, kailangan mong lagyan ng asukal para maging masarap, o hahaluan pa ng mangga. Yung tupig, matamis na kaagad, meron pang crispy, crunchy parts. Mas kumpleto yata ito. Siyempre po, tuwang-tuwa tayo sa halos one foot na haba ng tupig.

Minsan po, nagpunta tayong Baguio, dumaan tayo dito sa Pangasinan, nakita kong may nagbebenta ng tupig. Tinawag ko at dinala sa akin yung kanyang tupig. Bumili na naman tayo ng bundle-bundle. At di pa kami umaandar, binuksan ko yung balot na kasinghaba nung ako’y bata. Pagbukas ko ng balot, may balot sa ilalim non, may balot na pangatlo, may balot na pang-apat. Sabi ko, dati tanda ko ho kasi, isang balot lang eh. Nung nabuksan natin lahat ng balot, ang natira ho, gapastillas yung laki ng tupig.  Nagtaka po ako. Tinawag ko yung nagbebenta. Brad, halika nga sandali. Bakit yung balot, one foot, yung palaman, ganyan? Sabi niya, “Sir, wala hong nagbago. Ang presyo pareho, pero tumaas yung bilihin, kaya yung laman, umigsi.”

Ngayon nga pong lumalakas ang SSF dito sa inyo, baka naman pupuwede nang maasahang mabalik sa dati ang laki ng tupig ninyo.

Isa nga po sa sakop ng SSF ay yung food processing. Sa Sto. Tomas po, may gumagawa raw ng pastillas, polvoron, at puto, na dahil sa pagtayo ng SSF, tinatayang madodoble ang buwanang output mula sa 300 pakete patungong 600 pakete. Ang buwanang kita naman nila, mula sa P63,500, aabot na raw po sa P226,000. Dahil po sa tulong ng Shared Service Facility.

Idiin po natin ang pagbabago: Nadinig niyo na ang Binmaley Rural Improvement Club na talagang natulungan ng ating inisyatiba sa SSF. Dahil nagkaroon sila ng akses sa pasilidad na nagpapahaba ng shelf life ng mga bangus, pataas ang kanilang produksyon. Hindi na ho naoobligang ibenta nang sariwa, kung saan nagsasabay-sabay yung harvest at mababa ang presyo. Kung dati, sagad na sa 3,000 kilo ang kaya nilang ilabas, ngayon po, sa tulong ng SSF, umaabot na raw po sila sa 8,000 hanggang 10,000 kilong produksyon. Natural, angat din ang kita nila: Mula P211,000 kada buwan, ngayon, abot na ng P723,000 kada buwan.

Sa kabuuan, mula nang ilunsad natin ang programa noong 2013, mayroon na tayong 1,681 na SSF sa buong bansa. Ang nakikinabang na po rito: 16,192 MSMEs, at 72,864 entrepreneurs. Ang good news pa: Target ng DTI na magbukas ng karagdagang 200 SSF Projects bago tayo bumaba sa puwesto.

Bukod sa SSF projects, tinututukan din natin ang pagsasaayos ng inyong imprastruktura, karugtong ng pagsisikap nating paunlarin ang iba pa ninyong sektor. Dito pa lang sa Pangasinan, naglaan na tayo ng kabuuang P20.13 billion mula 2011 hanggang 2016 para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, health facilities, flood control projects, paliparan, at daungan. Mahigit sa doble po ang itinaas ng pondong ito sa P9.77 billion na naipagkaloob lang sa inyo ng ating sinundan mula 2005 hanggang 2010. So P9 billion po sa kanila, P20 billion sa atin, at kanina ho pagpalakpak ninyo, sabi ko, mukha namang natuwa ang mga Boss ko. Noong lumalaki ang kita ng ating mga natulungan sa SSF, parang walang nagre-react. Para yatang masama ang loob nila na umaangat ang kita.

Kabilang po sa big-ticket items natin dito ang natapos na nating pagpapagawa ng Section 1 at Section 2 ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX, pati na ang Bobonot-Tambobong Road, Pangasinan-Zambales Road, at Pangasinan-Tarlac Road, na talaga naman pong malaki ang ginhawang idinulot sa daloy ng inyong turismo at komersyo.

Para naman palakasin pa ang inyong agrikultura: Sumatotal, P9.96 bilyon ang inilaan natin sa pagpapagawa ng farm-to-market roads at pagsasaayos sa sistemang irigasyon dito sa inyong lalawigan. Dahil dito, napaparami ang inyong produksyon, nasisiguro ninyong sariwa ang inyong ani patungong pamilihan, na pihadong nagpapataas sa inyong kita. Namuhunan na rin tayo sa mga pasilidad na tutulong sa ating mga magsasakang madala ang kanilang mga produkto diretso sa mamimili. Sa ganitong paraan, masasagad nila ang kita dahil wala na pong middleman na kumakaltas pa sa kanilang mabebenta at kikitain. Dito sa Pangasinan, nandyan rin ang Pangasinan Agri-Pinoy Trading Center, kung saan maaaring ibenta ng mga magsasaka ang mga produkto nilang gaya ng gulay at karne.

Alam din po natin, isa sa mga nakakaapekto sa inyong pamumuhay ang matinding pagbaha. Naging problema din namin iyan sa Tarlac. Noong ako po’y unang kongresista sa distrito po nating ikalawa ng Tarlac, tanda ko po: May Tagumbao Bridge sa Tarlac, at iminungkahi po natin noong unang termino pa lang… Ang sabi ko po noon, puwede bang yung buong PDAF ko noong panahon na iyon, ilagay na doon sa tulay ng Tagumbao para maski installment pa lang, maumpisahan na. Ang sagot sa akin, kung hindi kumpleto, hindi pupuwedeng umpisahan. Sa totoo lang po, taon-taon, pag tag-init po kami sa Tarlac ay halos walang dumadaloy sa ilog na tubig. Pag tag-ulan naman po ay rumaragasa at sinisira lahat ng proteksyon.

Kaya ako po, bilang kongresista, ay lumapit sa DPWH at nagtanong, “Sino ba ang makakatulong sa amin sa flood control?” Itinuro po ako una sa Pampanga River Delta Project. Pagdating ko po doon, ang sabi sa akin, “Hindi po namin kayo saklaw. Saklaw kayo ng Lower Agno River Project.” Pagpunta ko sa Lower Agno, ang sabi sa akin, “Hindi po namin kayo saklaw. Saklaw kayo ng Pampanga River Delta Project.” Sa madaling salita po, ginawa kaming pingpong. Ang resulta: Wala pong resulta; pinagpasa-pasahan lang kami. Dulo nito: Nagsipag ka na, naghanap ka ng ayuda, wala ka pa ring napala.

Sa Daang Matuwid, iba na po talaga ngayon: Ang gobyerno, iniisip talaga ang inyong kapakanan. Kaya naman mula 2011 hanggang 2015, naglaan tayo ng P4.30 bilyon para inyong sa flood control projects dito sa Pangasinan. Kasama dito ang pagtatayo ng dike sa kahabaan ng Ambayaoan River, at gabion riverbank protection sa Sinucalan River. Bukod dito, sa ilalim ng Project NOAH, nakapag-install tayo ng 24 Automated Rain Gauges na sumusukat sa dami ng ulan, at 13 Water Level Monitoring Stations na nakakapagbigay ng real-time flood water level updates. Sa tulong nga po ng mga modernong kagamitang ito ng PAGASA, agad na nabibigyang babala ang ating mga kababayan at naililikas mula sa peligrosong lugar. Pangako po sa atin sa DOST, anim na oras ang minimum na warning.

Kita naman po ninyo, hindi iisang sektor ang tutok natin, sinisikap din nating tugunan ang iba pa ninyong pangangailangan. Sa atin pong pamamahala, pinapalawak pa natin ang saklaw ng ating mga serbisyong panlipunan.

Sa edukasyon, alam na po ninyo: Sinara natin ang minanang backlog sa classroom, school seats, at textbooks. Pinagtibay rin natin ang ating basic education system para mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang ating mga mag-aaral. Mamaya nga po, bibisita tayo sa Urdaneta I Central School para i-turnover ang isang bagong 4-storey, 24 classroom building, na pinondohan at ipinapatayo sa ilalim ng Matuwid na Daan sa Silid-aralan School Building Project ng PAGCOR. Dito po yata sa Dagupan, hindi ko pa mabibisita dahil under construction pa po. Ang laki na nga po ng nagbago: Kung dati ang PAGCOR, gumagastos ng bilyong piso para lang sa kape, ngayon, tumutulong na itong magmulat, magpaunlad, at gumising sa kaalaman ng ating kabataan.

Yung aking pinalitan, inaangkin niyang Pangasinense siya. [Dito sa Pangasinan,] pinalawak natin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: Noong panahon niya kasi, nasa 14,292 kabahayan lang ang nakikinabang sa 4Ps. Sa atin pong pamumuno, ngayon, nasa 124,851 na ang benepisyaryong kabahayan sa atin pong 4Ps. Sa buong bansa naman po, kukumpletuhin na natin ang target nating 4.6 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilya ngayong taon. [Palakpakan] Kumbaga ho, ang natira na lang sa taon na ito ay ang huling 200,000. Sa PhilHealth naman, 2.6 milyong Pangasinense na ang sakop ng programa, na bahagi po ng 93 milyong Pilipinong nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan. Idagdag ko na rin po: Dito mismo sa Dagupan, pinasinayaan natin ang Region 1 Medical Center na napapakinabangan ng mga minamahal nating Pangasinense at maski na ng mga karatig ninyong probinsya.

Siyempre po, hindi natin makakamit ang tagumpay ng ating mga programa at proyekto sa inyong lalawigan kung wala ang pakikiisa ng inyong mga lokal na pinuno. Kaya naman pinapasalamatan po natin sina Mayor Belen Fernandez, Rep. Gina de Venecia, Rep. Pol Bataoil, at Rep. Baby Arenas, sa pakikibalikat sa ating agenda ng malawakang pag-unlad. [Palakpakan] Pasensya na ho kayo kung masyadong mabilis tayong magsalita, mahaba pa ho yung listahan. Baka naman sabihin ninyong nakalimutan ko ang Pangasinan.

Sa Daang Matuwid, hindi natin idinadaan sa patsamba-tsamba ang lahat ng ating napagtagumpayan. Ginawa natin ang tama at makatwiran; itinutok natin ang ating pagsisikap sa kapakanan ng nakakarami. Sa lahat ng ito, meron bang nasa matinong pag-iisip ang magsasabing pinabayaan natin ang Pangasinan? Malinaw po kung saan tayo dinadala ng mabuting pamamahala. Naumpisahan na natin ang positibong pagbabago, binago na natin kuwento ng sambayanang Pilipino.

Alam po ninyo, isa sa mga nakuwento sa akin ni Joel Villanueva, ang dating hepe ng TESDA na ngayon ay tumatakbo bilang Senador, meron tayong kababayang OFW na taga-Pangasinan. Pag-uwi raw po niya, ang sabi sa kanya, “Gusto ko nang mag-aral ng ibang skills.” Pumasok sa TESDA, nag-training, kinuha raw niya yung massage therapy na course. Pagkakuha niya ng massage therapy course, nagtayo siya ng spa. Yung spa niya rito sa Pangasinan, apat na raw po, at 32 o 35 ang empleyado niya sa loob ng dalawang taon mula nang nag-training siya sa TESDA. Iyan po ang ibig sabihin natin na isagad ang oportunidad ng lahat, at ikinatutuwa ko po talaga iyon na ang ating kababayan ay bahagi nung mga di-bababang 600,000 Pilipinong dating OFW. Ngayon ay may maganda nang buhay sa Pilipinas, dahil iyon ang ibinawas na sa ating OFW population.

Ngayon pong may pagkakataon tayong lalo pang umarangkada sa pag-asenso, maitanong ko lang po, aatras pa ba tayo? Sa ika-9 ng Mayo, haharap muli tayo sa sangandaan. Pipili ulit tayo ng mga susunod na pinuno ng ating bayan. Kanino pa nga ba natin iaasa ang ating kinabukasan, kung hindi doon sa sigurado, doon sana tayo sa may karanasan at kakayahan, doon tayo sa totoong may kalinga sa kapwa at naninindigan sa tama. Mga Boss, mahaharap ko kayo, magtinginan tayo nang mata sa mata, at sinasabi ko sa inyo, ang tiyak na magpapatuloy ng Daang Matuwid ay walang iba kundi ang tambalang Mar Roxas at Leni Robredo.

Sa anim na taon pong ipinagkaloob ninyo sa akin, 107 na araw na lang bago ako bumaba sa puwesto, at sa bawat sandali ng ating termino, patuloy akong tumototoo sa inyo. Sa patuloy ninyong pagsuporta, malayo pa ang ating mararating. Gaya ng lagi: Sikayo so biskeg ko, sikayo so nangawa na pasimbalo tan sikayo met mangituloy ya.[2]

Sa pagtatapos po, alam naman po ninyong tinutulungan pa ako ni Manay Gina sa lovelife ko, pero hindi pa ho kami nagtatagumpay, kaya doon na lang ho ako sa “Ama ng Bayan.”

Bilang ama ng bayan, natural, 107 days ay tapos na ako bilang ama ninyo. At gusto ko namang masiguradong nasa magandang sitwasyon kayo tulad ng sino mang ama. Magbalik-tanaw tayo: Saan ba tayo nagmula at saan na tayo ngayon? At sinasabi nga natin, yung pag-angat natin ngayon, natuto pa lang tayong lumakad. Hindi ba sinasabing “Bago ka tumakbo, matuto ka munang lumakad.” Maganda na po yung paglakad natin.

Ang tanong nga ho dito: Puwede tayong dumire-diretso sa pagtahak natin ng Daang Matuwid, o puwede naman tayong sumubok na mag-left turn, mag-right turn, ang masakit, baka ma-U-turn. Alam naman ninyo ang U-turn, babalik tayo sa dati. Itanong ko lang ho yung mga nasa SSF beneficiary, okay ba sa inyong balik tayo sa walang pansinan, walang damayan? Itanong ko po yung 4.6 milyong pamilya ng Pantawid, okay bang bahala na si Batman sa inyo? Tanong ko ho doon sa mga nabawasan yung pagbaha sa kanilang mga lugar, okay ba sa inyong pag nagiba yung mga itinayo natin, balik na naman kayo sa dating sitwasyon?

Uulit-ulitin ko: Kayo talaga ang lakas ko, kayo ang gumawa nito, kayo ang magpapatuloy nito, at tinuruan ako ng aking mga magulang, umasa ako sa ating mga kababayan, mga kapwa ko Pilipino, at wala tayong hindi puwedeng marating.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.