President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Urdaneta, Pangasinan
Urdaneta, Pangasinan
14 March 2016
 
Noong araw ho kasi, ipinagmamalaking ang Pangasinan ang umpisa ng Solid North. Hindi naman ho iniskedyul, pero ang kahuli-hulihan kong kampanyang pinuntahan noong snap election ay dito po nagtapos sa Pangasinan. At ako po yung pinakahuling speaker. Ngayon yung speech ho, talagang ganadong-ganado yung mga tao, parang nararamdaman nilang mananalo ang ating ina, lalaya na ang Pilipinas. Talaga hong sobrang init ng pagtanggap sa atin bagamat parang lampas na ng midnight nang ako’y pinasampa ng entablado. Talaga hong damang-dama ko yung pagmamahal na ipinapadama sa atin ng mga kababayan doon.

Ngayon ho, ginanahan rin ako, medyo humaba yung talumpati. Dumating yung puntong masyado kaming nag-connect, na talagang humaba nang humaba pa. Umabot po sa punto na mauubusan na ako ng sasabihin dahil umabot ng isang oras at kalahati ang talumpati—ang pinakamahaba ko po noong panahon na yon. At iniisip ko: Paano kaya natin tatapusin itong talumpating ito para naman maiwan yung gana? Ilang araw na lang ho kasi, snap election na. So dumating yung puntong sabi ko, “Mukhang ginagabi na tayo. Baka dapat ay magpaalam na ako sa inyo.” Sabi nila, “Hindi. Handa pa kaming makinig sa iyo. Ituloy mo lang yan.” Maya-maya po, nag-isip na naman ako ng paraan para magpaalam. Sabi nila, “Hindi. Puwede pa kami dito. Ituloy mo yan.” Dumating ho yung panahong biglang umambon. Sabi ko, “Uy, umaambon na ho. Baka dapat tapusin na natin ito.” Ang sagot sa atin, “Handa kaming magpabasa. Ituloy mo yan.” Sinagot ko na lang, “Pag kayo nabasa, baka sipunin kayo, magkatrangkaso kayo, hindi kayo makaboto. Pag hindi kayo makaboto, talo tayo sa eleksyon sa default.” Doon po, pumayag na silang tapusin. Kaya naman po noon pa lang, talagang ang laki ng utang na loob kong personal lalo na sa Pangasinan. Kaya maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.

Andito nga po ulit tayo para makasama ang mga minamahal na Pangasinense. Mga Boss, sa Daang Matuwid, ang naging panata natin: Sa pag-unlad, walang maiiwan. At isa nga po ang Pangasinan sa patunay na tumotoo tayo sa ating salita. Sa inyo pong pahintulot, isa-isahin po natin ang ilan sa mga pruweba.

Sa Daang Matuwid, pinaarangkada natin ang imprastraktura ng Pangasinan. Kung noong 2005 hanggang 2010, ang inilaan lang ng ating sinundan sa inyong imprastraktura—at sabi po niya na siya’y Pangasinense—ay nagkakahalagang P9.77 billion. Ako po, hindi ko naman inangkin na tagadito ako sa inyo, pero mula 2011 hanggang 2016, limang taon ding pinag-usapan, dinoble natin ang P9 billion niya. Ang inilaan natin sa imprastraktura pa lang, P20.13 billion para sa Pangasinan. [Palakpakan] Gamit itong pondong ito, ipinagawa natin ang mga kalsada, tulay, paliparan, daungan, health facilities, flood control projects, at iba pa dito sa inyong probinsya.

Nakikinabang na nga po ang marami nating kababayan sa nakumpleto nang Section 1 ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Sa tulong nito, ang biyahe mula Tarlac City hanggang Rosales Pangasinan na dating hindi bababa ng 2 oras, ngayon, nasa 30 minuto na lang. Nakumpleto na rin natin ang Section 2 ng TPLEX, mula Rosales hanggang Urdaneta City. Kapag natapos na ang buong seksyon ng TPLEX, ang biyahe mula sa amin sa Tarlac City hanggang Rosario, La Union, mula sa tatlo’t kalahating oras, ang sinasabi sa atin ay magiging isang oras na lang. Lalong dadagsa ang ating mga turista para sa benepisyo po ng lahat.

Sa laki ng benepisyong hatid nito, pati yung planong pahabain ang TPLEX at ang sinasabi po sa atin ng nagpapanukala, gusto nilang umabot ng Ilocos Norte. At sa kasalukuyan, pinag-aaralan na po kung paano ang actual na ruta papunta ng Ilocos Norte nitong TPLEX.

Habang pinag-aaralan po ito, patuloy ang pagsasaayos natin ng Manila North Road o yung MacArthur Highway hanggang Ilocos Sur at Ilocos Norte upang mas guminhawa ang biyahe ng ating mga kababayan patungong Norte. Bukod sa TPLEX, nariyan din ang pagpapagawa natin ng Bobonot-Tambobong Road, ang Pangasinan-Tarlac Road, ang Pangasinan-Zambales Road, na talaga naman pong malaki ang hatid na ginhawa para sa turismo at komersyo.

Isama na rin po natin ang Pangasinan-Nueva Vizcaya Road na nabanggit ni Marlyn ulit kanina. Sabi nga ho niya sa akin, 1970s pa lang po, hindi pa yata ako teenager, pinaplano na, pero tayo na ho ang magsasakongkreto niyan. At yun po ay dahil kayo ang nagbigay pahintulot sa atin. Ulit: Maraming salamat sa inyo po.

Mula rin po sa mandatong ipinagkaloob niyo, sa atin ding panunungkulan, namumuhunan tayo sa sektor ng pangingisda at agrikultura bilang inyong pangunahing industriya. Para suportahan ang mga industriyang ito, tatlo pong fish ports sa munisipalidad ng Anda, Bolinao, at Santiago ang ating ipinapagawa. Sumatotal po, naglaan rin tayo ng mahigit P9.96 billion para sa pagpapagawa ng mga farm-to-market roads at mga sistemang pang-irigasyon dito lang po sa Pangasinan. Bahagi po diyan ang proyektong Agno River Irrigation System Extension o ARISEP na nagkakahalaga ng P2.6 billion. Sa tulong nito, mapaparami ang inyong produksyon, mas mabilis at mas sariwang naibebenta ang ani sa merkado, at mas nasasagad ang kita ng magsasaka. Yan po ang benepisyong hatid ng Daang Matuwid.

Pag lumalapit po ang inyong mga kinatawan sa atin, hindi na masyadong mahaba ang paliwanagan. Ang problema po ninyo sa Pangasinan ay hindi naiiba sa problema namin sa Tarlac. Alam naman po ninyo, sa amin sa Tarlac, pag panahon ng tag-init, walang dumadaloy na tubig; pag panahon ng tag-ulan, rumaragasa. Kung mako-control lang po natin yang tubig na yan, yung sobra ng tag-ulan, magagamit natin sa tag-init. Talaga pong malaki ang pakinabang nating lahat. At may mga isinasagawa na po tayong proyekto tungo diyan at kinukumpleto yung iba pang plano para naman talagang mapakinabangan natin nang husto ang sistemang pantubig.

Meron din po tayong tinatawag na 49 Shared Service Facilities o SSF dito sa inyong lalawigan na tumutulong magpalago sa kabuhayan at negosyo ng mga Pangasinense. Kabilang po sa sinusuportahan ng mga pasilidad na ito ang bangus at bagoong processing. Isa sa mga benepisyaryo nito ang Binmaley Rural Improvement Club. Noong araw po, P211,000 ang kinikita nila monthly. Tumaas na po ito ng P723,000 per month matapos matulungan ng Shared Service Facilities. Yung isa pa hong nabanggit sa akin kanina: Dahil sa SSF, yung gumagawa ng pastilyas, polvoron, at iba pang mga katulad nito, mahigit 100,000 dati, ngayon nasa 600,000 kada buwan raw ang kinikita.

Malinaw po: Sa Daang Matuwid, hindi lang paisa-isang sektor ang ating tinututukan, kundi sinisikap nating sabay-sabay matugunan ang iba-ibang pangangailangan. Hindi tayo kuntento na sabihing “puwede na” o “bahala na” o “may nagawa naman maski papaano.” Dapat malawakan ang ginhawang dulot ng ating mga serbisyo. Kanina nga po, nag-turnover tayo ng bagong gawang classrooms dito po sa inyo sa Urdaneta 1 Central School. Pinondohan ng PAGCOR sa pamumuno ni Chairman Bong Naguiat. Tingnan niyo naman po ang malaking pagbabago: Noon po, ang winawaldas ng PAGCOR, bilyong piso para sa kape; ngayon, nakikibalikat ito sa pag-angat ng antas ng edukasyon sa bansa. Sabi po sa akin ni Chairman, hindi lang po sa Urdaneta yan, meron din sa Dagupan at marami pang ibang lugar, lalo na doon kay Marlyn sa third district.

Hindi ho ba, noong araw, parang madalas ang kaisipan: Kahit gaano katindi ang pagsisikap ng Pilipino, tila wala pa ding pinatutunguhan. Sa Daang Matuwid, pinatutunayan natin: Kung may tiyaga, garantisadong may nilaga.

Patunay dito po: Graduate ng Training for Work Scholarship Program ng TESDA, sa Pangasinan po, may 31,656 na TWSP graduates na tayo mula 2010 hanggang 2015. Iyan po, sa pamumuno ni Joel Villanueva. Iisa lang pong programa ng TESDA iyan dahil bahagi lang po iyan ng siyam na milyong graduates ng iba’t ibang kurso ng TESDA sa buong bansa. Ang maganda pa ho, nabatid natin sa pagsuporta sa scholars ng TESDA, ito po ba’y magtutuloy? Sa palagay ko, magtutuloy. Dahil unang taon pa lang po, pag nag-graduate sa programa ng TESDA, yung nasa IT-BPO industry, magbabayad ng buwis na lampas sa ginastos natin para paaralin siya. At kung tutuusin, sabihin nating 20 years old siya pumasok, baka mahina yung tatlumpung taon siyang magbabayad ng buwis. Ibig sabihin po, isa ang tinulungan, tatlumpu ang puwedeng maging matutulungan niya matapos niyang matulungan. Iyan po ang Daang Matuwid.

Pagdating sa pag-aruga sa ating mga kababayan, tuloy-tuloy din ang serbisyo ng Daang Matuwid sa Pangasinan. Sa kasalukuyan po, nasa 2.6 milyong mga kababayan natin saklaw na ng PhilHealth sa inyo pong probinsya, ito po ay bahagi ng kabuuang 93 milyon na benepisyaryo ng PhilHealth sa buong bansa.

Sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program po, ang dating 14,292 na kabahayang benepisyaryo nito sa inyong lalawigan, sa Daang Matuwid po, umangat na ito sa 124,851 na kabahayan. Ganito nga po ang positibong pagbabagong dulot ng Daang Matuwid sa Pantawid Pamilya. Alam po niyo sa Cebu, sabi po nila ay balwarte nila, nung maupo tayo, 5,600 lang ang benepisyaryo. Sa Bohol naman po, 531 lang na kabahayan. Ang pinakamatindi ko pong nakita ko sa kasalukuyan, yung Cavite, ni isang kabahayan, wala pong tinulungan ang Pantawid noong panahon po nila.

Sa buong bansa po, mula sa halos o bahagya, kung hindi man nakaabot ng 800,000 benepisyaryo noong dumating tayo, ngayong taon, yung nahuhuling 200,000 pamilya, makukumpleto na natin ang target nating 4.6 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilya. At yan po ay dahil pinagkalooban tayo ng tiwala.

Sabi po nung ibang tumutuligsa, “Dole out lang yan. Turuan na lang niyong mangisda imbis na bigyan ng isda.” Sa amin pong pananaw, hindi ho dole out ito; talagang namumuhunan tayo. Ang pangunahing kondisyon ng Pantawid Pamilya: Siguraduhin mong ang anak mo, tumutuloy mag-aral. At pag nakapagtapos, di hamak mas maganda ang kanyang kikitain, hindi po ba?

At ito na nga ho, napakaganda po, inisyal pa lang ang mga resulta ng programang ito. Meron na raw pong 7.7 milyon na indibidwal ang nakatawid o nakaangat na po sa tinatawag na “poverty line” dahil sa tulong at biyayang ipinagkaloob ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. [Palakpakan] Pag sinabi nating palalawakin pa ito, ibig sabihin po, dinadagdagan natin ang hatid nitong mga benepisyo. Ang gusto po natin, iiwasan nating sa isang iglap, umangat na po sila, hindi na raw po sila yung pinakamahirap, pero sila po yung nandun sa batayang tinatawag na “near poor” o malapit sa kahirapan. Dahil baka sa isang iglap lang, kapag tinamaan ng matinding sakit o sakuna, bumalik sila sa ilalim ng poverty line, bumalik sila sa kahirapan, at ayaw nating mangyari yan sa ating mga kababayan. Kaya tuloy-tuloy po ang pagsisikap nating lalo pang ilayo doon sa batayan ng kahirapan para naman talagang makatindig sila sa sarili nilang mga paa.

Ayon nga po sa isang survey kamakailan, 4 sa bawat 5 Pilipinong sinurvey ang nagsabing boboto sila sa kandidatong itutuloy ang Pantawid Pamilya. Kaya nga po, marami ngayong umeepal at nakikisakay sa ating tagumpay. Yun nga pong isang kandidato, di ho ba, kayo ang testigo, sabi niya palalawakin daw niya ang Pantawid Pamilya, pero yung anak naman po niya, gusto itong imbestigahan. Sa dami ng alegasyon ng katiwaliang hinaharap niya, malamang po, abusuhin lang niya ang Pantawid Pamilya.

Klaro po, nagagawa na nating realidad ng mga dating inaakalang imposible. Itong transpormasyong ating tinatamasa may nag-akala po bang magagawa ito sa loob ng halos na anim na taon lang? Nagpapasalamat nga po tayo sa pakikiisa ng mga Pangasinense sa ating agenda ng reporma. Special mention po ang pakikibalikat ng inyong mga pinuno gaya nina Mayor Bobong Perez, na namayat na sa paghihirap para makatulong sa inyo. At ulit, si Manang Baby Arenas at si Manay Gina de Venecia at si Marilyn [Agabo]. Siyempre po, si Chairman Amadito Perez naman po, kumbaga ho, ito na ang huling pag-iikot ko sa bansa, mga lampas 100 araw na lang po ang natitira sa ating panunungkulan. Panahon ng tatay ko, kasama na mula nung pagtakbo ko sa Senado, lalo na sa pagkapangulo, solidong-solido ang suportang iginawad sa atin ni Chairman Amadito Perez. Kaya dun po, maraming salamat sa iyong pakikibalikat, sa pagsasama sa lahat ng tensyon, sa hirap, at talaga naman ho, sa pagod. At palagay ko naman ho, pag nabanggit ulit yung Amadito Perez Jr., maaalalang siya ang isang naging tulay para tayo’y magkasama at marating natin ang kasalukuyan nating kinalalagyan. Ulit: Maraming-maraming salamat po.

Butihing asawa naman po ni Chairman Bong Naguiat, kapatid ni Mayor Perez na si Tet. Ulitin ko lang po: Ang turing ko sa kanya ay talagang parang tunay na kapatid. Sa totoo lang po, isa po siya sa mga dumadamay at talagang tumutulak sa aking paunlarin, hindi lang ang bansa, pero pati na rin mga bagay personal, kasama na po yung love life. Salamat siyempre kay Mareng Tet Naguiat kung paano siya mag-aruga ng kanyang mga anak, mag-aruga ng kumpareng tulad ko, pero pinakaimportante, mag-aruga dun sa Chairman natin na napaka-healthy. Talaga naman pong nakikita na natin kung paano aarugain ang mga tao dito sa Urdaneta.

Mga Boss, kita naman po niyo, may mga kasama tayo galing sa National People’s Coalition. Palagay ko po, yung presensya nila dito nagsasabi kung may party stand o wala. Siguro baka magkaroon ng party stand papunta sa atin, magte-thank you tayo diyan. Pero katuwang natin silang lahat na nandito na itinutulak ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng Daang Matuwid. Talagang sa pakikibalikat po ninyo, at ng iba pa nating mga Boss sa iba’t ibang panig ng bansa, wala na pong makakapigil sa atin.

Gaya ng sinabi ko po, ito pa lang ang simula ng ating pagsulong. Nasa atin pong mga kamay kung gagawin natin itong permanente o panandalian lamang. Sa darating na ika-9 ng Mayo, haharap tayong muli sa sangandaan. Pipili tayo ng mga pinunong titimon sa sambayanan sa direksyong ating tatahakin. Ang tanong po: Doon ba tayo sa ibabalik lang tayo sa baluktot na kalakaran, na walang prinsipyong mapanindigan? Doon ba tayo sa astang diktador, na ang tingin sa sarili, siya lang ang magaling at siya lang ang tama? Doon ba tayo sa baguhan at walang kakayahang pamunuan ang ating bayan?

Kung ako po ang tatanungin, doon na tayo sa totoong may “K”: may kakayahan, may konsensya, may katotohanan sa salita at gawa, may kalinga sa kapwa, at siyempre, may dagdag pang may Korina. Yan po si Mar Roxas.

Napakalayo nga po ni Mar kumpara sa ibang kandidato. Si Mar, hitik sa patunay ng mga nagawa na. Anumang ibigay mong tungkulin sa kanya, hindi kailanman nagkulang si Mar. Nakalikha na siya ng mahigit isang milyong trabaho sa IT-BPO sector, napababa ang krimen sa Kamaynilaan at sa marami pang ibang rehiyon; at nasaklolohan ang marami nating kababayan tuwing may sakuna. Kung noon pa lang, katambal ko na si Mar sa pamumuno bilang aking Vice President, sigurado, mas matayog pa sana ang nakamit nating tagumpay. Yan po si Mar Roxas: walang drama, wala hong palamuti, talagang puro trabaho lang.

Kanina po, narinig natin si Aika Robredo, panganay na anak ng pambato ng Daang Matuwid sa Pangalawang Pangulo, si Leni Robredo. At marami ho sigurong magtatanong, sino ba si Leni Robredo, bakit ba natin siya dapat suportahan? Alam po niyo, talaga pong hangang-hanga ako sa katatagan ni Leni sa harap ng mga matitinding pagsubok. Sa pagpanaw po ng kanyang butihing asawang si Jesse Robredo, sa halip na pakitaan tayo ng lungkot, sa halip na ako ang magbigay ng tulong para malampasan nilang mag-iina ang pagsubok, tila nagmistulang si Leni pa ang nakatulong at nagbigay ng inspirasyon sa ating lahat.

Lahat ng kakilala ni Leni, iisa ang sinasabi: Pagdating sa serbisyo, ang mag-asawa, at ngayon nga po ipinagpapatuloy pa rin ni Leni, totoo, seryoso, at may prinsipyo. Ang paglilingkod, di niya dinadaan sa ganda o dami ng palamuti, kundi sa mabuting hangarin at dalisay na kanyang puso. Nang tinawag siyang ituloy ang reporma sa Camarines Sur taong 2013, makapangyarihang pamilya po ang makakabangga, hindi siya umatras. Puwede niya itong tanggihan; puwede niyang sabihin na marami nang naiambag ang kanilang pamilya, at aasikasuhin na lang niya ang kanyang mga anak na noong panahon pong iyon ay dalawa pa ang nag-aaral. Pero inuna ni Leni ang hangaring makatulong sa mga nasa laylayan. Ngayon po, puwede siyang maghangad ng re-election, mas madali na siguro yun, di hamak mananalo siyang muli. Puwede rin siyang magsabing “Siguro naman tama na yung ambag namin. Baka puwede nang magpahinga.” Pero muli, tinanggap niya ang hamon, at mas malaking hamon pa na makapaglingkod. Kaya naman, matinding pakiusap ko po sa inyong lahat, wala na tayong iisipin pang iba para sa Pangalawang Pangulo kung hindi si Leni Robredo.

Sabi nga po, ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makakarating sa paroroonan. Noon, nabaon tayo sa walang humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya at pagnanakaw. Sa Daang Matuwid; bumangon tayo’t natutong lumakad. Ngayon po, patakbo na tayo, paarangkada nang tuloy-tuluyan. Tanong po: Magpapalit pa kaya tayo ng desisyon?

Naalala ko nga po ang sabi ng isang nakatatandang babae sa akin noong ako po ay nangangampanya noong 2010 sa Nueva Ecija, “Noy, mag-iingat ka. Marami kang makakabangga.” Tila sinasabi niya sa akin, inaasahan niya na tototoo ako sa aking mga sinabi. Na talagang yung kailangan banggain, tiwali at umaapi sa ating taumbayan, kailangang panagutin. Totoo po, sa ating reporma, marami tayong sinagupa—silang naging hanapbuhay ang pagsamantalahan ang Pilipino. May dating Pangulong nakakulong sa kanyang hospital arrest o house arrest; may Punong Mahistradong napatalsik; may mga Senador ring nakadetina na at pinapanagot sa kanilang mga nagawa. Kaya di na ako magtatakang magbabanta ang iba sa ating buhay. Sabi po nila, pagbaba ko sa puwesto, magsasampa sila ng kaliwa’t kanang kaso. Gagawin po nilang kalbaryo ang aking buhay. Sasabihin ko naman ho sa kanila: Huwag ninyong gawing kalbaryo ang buhay ko. Matagal na hong kalbaryo ang buhay kong ito. Pumila na lang kayo.

Basta ang sa akin po: Basta tumototoo ako sa inyo, basta naging kasangkapan niyo ako para magbago ang buhay niyo, kung ano man po ang haharapin ko sa kinabukasan, masaya na po ako. Kaya ko nang harapin ang aking mga magulang dahil nga po hindi ako nagkulang sa inyo o sa kanila. Muli, maraming salamat po sa inyo.

Mga kasama, sa totoo lang po, may mga araw, hindi ko maalis, na alam naman po ninyo, open naman yung lovelife ko, wala pa akong pamilya, wala pa akong anak, pero tinawag na ninyo akong “Ama ng Bayan.” Bilang ama po ng bayan, at lagpas 100 araw na lang ang natitira sa ating paglilingkod, lahat ng pinaghirapan natin, puwede ko nang sabihin “May nagawa na ako. Baka puwede na yan.” Pero sa akin po talagang pananaw, importante na bago tayo maghiwalay, nasa maganda kayong mga kamay. At paano natin masisigurado yan? Alam ho niyo, panahon ng kampanya, katakot-takot ang liligaw sa inyo, marami yung bukambibig nila ay kagaganda ng mga sinasabi. Pero ilan kaya diyan ang siguro tayo na tototoo sa atin? Pag lahat nangangakong gaganda ang buhay ninyo, pero garantisado ko po sa inyo, may magdadala sa atin sa left turn, may magdadala sa atin right turn, eh pupuwede naman tayong dire-diretso para yung lakad na ginagawa natin ngayon, maging takbo pa. Pinakamasakit pa, kapag nagkamali tayo nang husto, yung dadalhin tayo ay hindi lang left turn, right turn, baka U-turn. Yung U-turn ho, baka babalik tayo sa pinanggalingan. At palagay ko wala naman hong may gustong bumalik pa tayo sa ating pinanggalingan.

Kaya sa akin po, doon na tayo sa tiyak na magtutuloy ng mga maganda na nating nasimulan, tiyak na magpapalawak pa at magpapabilis sa ating pagtahak sa Daang Matuwid. At sa aking pananaw: Ti mangidaulo tapnon agtultuloy ti Daang Matuwid, ti sumaruno a Presidente ti Pilipinas ket awan sabali no di ni Mar Roxas.