President Benigno S. Aquino III’s Speech at the turnover of restored heritage sites in Cebu
Basilica Minore Del Santo Niño de Cebu Compound, Osmeña Blvd., Cebu City
03 March 2016
 
Alam po ninyo, kapag napag-uusapan ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas, isa sa unang sumasagi sa isip ninuman ang natatanging estrukturang puwedeng pasyalan doon. Iyon nga ho ang sumisimbolo sa pagkakakilanlan ng naturang destinasyon. Dito po sa Cebu, dalawang estruktura ang talagang dinadayo: Ang ating Basilica Minore Del Santo Niño De Cebu, na isang National Historical Landmark, at ang tanyag na Magellan’s Cross.

Ang mga estrukturang ito, pati na ang Fort San Pedro at iba pang tourist spots dito sa inyong lalawigan, ang sumasalamin sa mayamang kasaysayan ng Cebu at ng ating bansa. Kaya nga noong tumama sa Bohol at Cebu ang matinding lindol noong taong 2013, na sumira sa belfry ng inyong Basilica, parang gumuho na rin ang loob ng marami nating kababayan. Umikot pa nga sa social media ang video ng saktong pagguho ng tore. Bukod sa tore, ang sabi sa atin, nasira din ang ilan sa frescoes sa loob ng simbahan. Dulo po niyan, siyempre, naapektuhan din ang masiglang turismong kakabit ng pagpasyal sa mga pook tulad nitong Basilica, pati na rin yung malayang pananampalataya.

Di naman natin puwedeng isantabi ang kasaysayan at di rin natin puwedeng hayaang mawala ang oportunidad na dala ng turismo para sa Cebu. Malinaw ring nakasaad sa ating batas ang tungkulin ng gobyerno, sa pamamagitan ng ating National Historical Commission of the Philippines, na pangalagaan ang mga lugar at estrukturang itinalaga bilang heritage zones.

Ang naging estratehiya po natin: Mag-build back better. Ang restorasyon na isinagawa natin sa Basilica ay bahagi ng ating malawakang hakbang na itindig sa mas maayos na kalagayan ang mga lugar na humarap sa patong-patong na pagsubok. Ibabahagi ko nga po: Para sa belfry ng Basilica, ang ginamit sa restorasyon ay yung tinatawag na lightweight reinforced concrete, na mas magaan kumpara sa normal na semento, pero talagang matibay at hindi basta-bastang bibigay sakaling magkaroon uli ng malakas na lindol. Kailangan po nating pasalamatan si Mariz Diokno, kasama si Father Jonas na talaga naman pong masasabi nating pawis, luha, baka may kaunting dugo pa para maibalik ang ating belfry at mga frescoes. Kaya doon po, maraming-maraming salamat sa inyo.

Gaya po ng lagi, ang ipinapatupad natin sa ating mga programa ay ang prinsipyo ng convergence—ang pagbabayanihan ng ating mga ahensya. Dito po sa ating Heritage Restoration Program, ang National Commission for Culture and the Arts ang nangasiwa ng koordinasyon, samantalang ang National Historical Commission of the Philippines at National Museum ang sabay na tumututok sa iba’t ibang restoration projects dito sa Cebu at sa Bohol. Ang atin pong Tourism Infrastructure And Enterprise Zone Authority naman ang siyang naglalatag ng dagdag na pondo. Sa ganitong paraan, mas organisado at mas epektibo ang nagiging implementasyon ng inisyatiba ng gobyerno.

Para po sa inyong Basilica, naglaan nga ang TIEZA ng P5 milyon para sa pre-restoration. Naglaan naman ang pambansang gobyerno ng P14 milyon pesos para sa aktwal na restorasyon ng Basilica. Galing po iyan sa 2015 budget ng NHCP para sa heritage zones. Saklaw din po ng mandato ng NHCP yung pavilion ng Magellan’s Cross, na may P1.3 million para sa restoration works. Kasama na po riyan ang pag-inject ng lime sa mismong rubble core ng pader ng pavilion para lalo itong tumibay. Ang Fort San Pedro naman po, na itinayo noon pang panahon ni Miguel López de Legazpi, ay maaga nating natapos ang pagsasaayos nitong taong lumipas. Kasama po sa mga tinutukan ang pader nito na gawa pa sa coral stone. Ang kabuuang halagang nilaan para sa Fort San Pedro: nasa P22 milyon. Ang pang-apat na nakumpleto nating heritage project para sa Cebu, ang Mactan Shrine, na pinaglaanan ng P4.8 milyon, nai-turnover natin sa inyong lokal na gobyerno nito ring nakaraang taon. Idiin ko po: Tungkulin ng gobyerno na pangalagaan ang heritage zones na ito na talagang may pakinabang sa ating lipunan. Siyempre po, gobyerno ang umaalalay sa inyo po, umaasa kami sa inyo sa pangangalaga sa lahat ng ito.

Ngayon po, ongoing ang restorasyon natin sa iba pang heritage sites na nasira, dala ng paglindol noong 2013. Inaasahan nga nating matatapos ang lahat ng ito sa susunod na taon. Ang hangad natin dito: Masigurong matatamasa ng susunod na salinlahi itong mga gusaling bahagi ng ating makulay na kasaysayan.

Siyempre po, sa Daang Matuwid, layunin nating masagad ninyo ang pagkakataong resulta ng pagiging “It’s more fun” ng Pilipinas. Itong tourism destinations, karugtong niyan ang pagpasok ng higit na interes para sa negosyo, na magdadala naman ng mga trabaho at magpapaunlad sa ekonomiya po nating lahat.

Kaya naman, kasabay ng pagtutok natin sa restorasyon at pagprotekta sa ating heritage sites, ginagawa nating mas madali at mas maginhawa ang pagbisita ng mga turista. At dito nga po sa Cebu, inuumpisahan na po natin ang Mactan Cebu International Airport New Passenger Terminal Building Project. Ang maganda po rito sa bagong terminal building, ang dating passenger capacity ng airport na nasa 4.5 milyong katao kada taon, aakyat sa 15 million pagkatapos. Ang sabi po sa atin, sa kada isang foreign tourist arrival na dumadayo sa atin, may isang trabahong nalilikha sa bawat Pilipino. Isipin niyo na lang ang dami ng trabahong darating pag pumapalo na sa 15 million ang bumibisita sa inyong makasaysayang probinsya.

Dagdag ko pa po: Pinasinayaan natin nitong 2013 ang Mactan Island Circumferential Road. Ilista na rin natin ang ating Tourism Road Infrastructure Program para sa higit 2,500 kilometrong kalsadang magkokonekta sa iba’t ibang destinasyon sa buong bansa. Aprubado na rin at nasa Detailed Engineering Design stage na ang Cebu Bus Rapid Transit (BRT) Project, ang una nating BRT project sa bansa na siguradong magpapaginhawa sa biyahe sa inyong lalawigan. Kailangan po ng detailed study dahil hindi po puwedeng basta-basta gawin itong kalsada diyan, estasyon doon, at bahala na kung paano makumpleto. Kailangan po pag-aralan nang mabuti para talagang maging solusyon sa inyong traffic.

Ilan lang po iyan sa maraming pinapatupad natin para sa ating mga pinakamamahal na mga Cebuano. Sa kabuuan nga, ang inilaan ng ating administrasyon para sa imprastruktura para sa inyong lalawigan ay halos P32 bilyon na. Mas malaki iyan nang halos 2.7 beses sa P12 bilyong inilaan ng ating sinundan noong 2005 hanggang 2010. Ang akin nga: Sa lahat ng ito, nagtataka na lang po kami na may mga nagsasabi pang wala tayong ginawa para sa inyong probinsya.

Tatapatin ko naman kayo: Talagang hangang-hanga ako sa mga kababayan nating Cebuano. Para kasing laging sa positibo ang tuon ninyo; lagi ninyong nakikita ang pagkakataon na magdiwang. Nahihikayat naman na silipin ang inyong probinsya para sa oportunidad. Marahil, dahil meron kayong naggagandahang tanawin at dalampasigan, o dahil likas sa inyo ang mga pista gaya ng Sinulog, masasayang musika, at engrandeng handaang may masasarap na pagkain, kaya nahahalina ang iba. Pero palagay ko po, yung positibismong ipinapakita ninyo, nanggagaling talaga sa inyong katatagan, na siyang naipapamalas sa pagbangon ninyo matapos ang mga pagsubok.

Personal ko pong nakita ito noong panahong pumalag ang Cebu sa diktadurya at nagsilbing bukal ng suporta para sa atin pong ina. Alam ninyo, yung unang-una kong public speaking engagement tapos mamatay ang aking ama ay sa Cebu, September of 1983. Muli nating natunghayan ito sa pagtindig ninyo matapos ng lindol. Nakita rin natin ang inisyatiba at paninindigan ng Cebu noong tumama ang bagyong Yolanda, na talagang sumentro sa Tacloban. Sa hindi po nakakabatid: Kasama rin kayo sa naapektuhan ng super typhoon, partikular na na po ang Bantayan Island. Pero sa ilalim ng maaasahang pamumuno ng ating butihing Gov. Junjun Davide, imbis na magmukmok ang inyong probinsya at humingi na lang nang humingi ng tulong, ay kumilos kayo para tumugon sa pangangailangan ng ibang naapektuhan. Dito po sa Cebu, nagkaroon ng repacking center at talagang tinipon ang lahat ng makakayang puwersa para agad maihatid ang ayuda sa iba’t ibang lugar na nasalanta.

Ulitin ko lang po iyon: Alam po niyo, talagang matindi si Yolanda. 44 out of our 81 provinces apektado. Ang Tacloban ang regional center, ang pagkukunan mo ng relief goods, ng krudo, at ng iba-iba pa, ang siya mismong isa sa pinakamatinding nasalanta. Dito po, puwede namang sabihin ni Junjun noong panahong iyon, “Mayroon rin kaming problema. Sa iba kayo maghanap ng katulong.” Pero inasikaso ang Bantayan at agarang pagsabay na dinamayan tayo para matulungan ang ating mga kababayang mas nasalanta ng Yolanda. Talagang mapalad kayo na mayroon kayong mga lingkod-bayan na hindi nagsasamantala, kundi talagang nakikidamay sa anumang pangyayari. Mabuhay ka, Junjun. [Palakpakan]

Magkukulang naman po ako kung hindi ko sasabihin na ang ating archbishop, talaga namang pastor of the flock. Damang-dama natin iyan, sa simbahan na talaga namang tugon sa pangangailangan, lalo na ng nasa laylayan. Maraming salamat po. [Palakpakan] Siguro binabanggit ko lang iyan, ako po’y 119 days na lang po in office. Sasamantalahin ko naman pong pasalamatan lahat ng nakidamay.

Ang gusto ko nga pong idiin: Ang pag-build back better natin sa inyong nasirang heritage sites, ang paglalatag natin ng mga kalsada’t imprastrukturang magpapabilis sa pag-arangkada ng lokal na turismo at ekonomiya, ang lahat ng makabuluhang pagbabagong nakikita ninyong mga Cebuano, talagang kayo ang gumawa at patuloy na gumagawa nito. Simula pa lang ito, at nasa sa inyong mga kamay ang patuloy pang pag-unlad ng inyong probinsya at ng ating buong bansa.

Ang tanong ko po ngayon: Nasa mas mataas na tayong lunsaran, hahayaan ba nating gumuho ito? Siyempre ho, meron pa bang gugustuhing bumalik tayo sa ating dinatnan?

Kanina nga ho, pinasiyalan natin yung bagong mga classrooms sa isang paaralan po sa Guadalupe. Doon po, tinatayang mga 20 classrooms yun, four-storey building, at ginastusan natin ng higit kumulang P40 milyon. Ang pondo po, nanggaling sa PAGCOR kaya kasama ko si Chairman Naguiat. Ngayon po, naalala ko lang, noong panahon ng ating pinalitan, yung PAGCOR pagpasok ho natin, nadiskubre natin na gumastos ng P1 bilyon para sa kape. Kung saan na po napunta ang kape at kung sino yung permanenteng high blood, hindi ko alam kung sino. Pero ang punto lang ho nito, yung isang bilyon, kung gagamitin natin sa ganoong klaseng gusali, apatnapung school buildings na four-storey, na five classrooms per storey ang naipatayo. Twenty-five ho noon, napunta sa kape na hindi natin alam kung may uminom. Iyon po ang pinagdaanan.

Kung ako ang tatanungin, sa darating na Mayo 9, doon ako sa siguradong magpapatuloy at magpapatibay sa mga nilatag nating pundasyon—silang walang bahid ng korupsyon o pagdududa, silang talagang handa, at tiyak ay uunahin ang bayan bago ang sarili. Sa aking opinyon, walang iba iyan kundi ang Tambalang Matuwid: sina Mar Roxas at Leni Robredo.

Mga Boss, lalo sa inyong mga pinakamamahal kong Cebuano, totoo, sa inyo ko gakuha og inspirasyon og kusog. Talagang ang layo na ng ating narating, at magtiwala kayong sa nalalabi kong panahon sa puwesto ay dadalhin pa natin ang ating bansa sa katuparan ng mas marami pa nating mga pangarap.

Maraming salamat. Magandang araw po sa inyong lahat.