President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Meeting with the Local Leaders and the Community in Bohol
Bohol Cultural Center, C.P. Garcia Avenue, Tagbilaran, Bohol
02 March 2016
 
Naalala ko dati may kinukuwento sa akin, siyempre, kampanya di ba, lalo na noong panahon ng Martial Law, nangungumbinsi. So dito karatig na lugar po niyo sa Cebu, mayroong Senador bago ang Martial Law, dumating sa isang pagtitipon–baka narinig niyo na po ito–pagdating niya sa pagtitipon, dinatnan niya doon sa plaza, tatlong tao. Pagdating niya, sabi niya, “Magsasalita pa ba ako dito? Tatatlo na lang itong kausap ko.” Sabi ho sa kanya ng emcee, “Mukhang hinihintay ho kayo niyan. Baka pag nagsalita kayo, makuha natin yung tatlong yan, 100 percent po tayo dito. Magsalita na po kayo.” [Tawanan] Sabik na sabik ho, alam niyo naman yung Martial Law, di ba? Bawal pag nagtipon lampas tatlong tao: illegal assembly.

Pagkakataon na, medyo may pagkakampanyahan na makapagsalita siya. So nagsalita siya sa taas ng entablado, parang ganito. Ginamit yung PA system para kausapin yung tatlo—ako kasi kung tatlo lang dadatnan ko, lalapitan ko na lang isa-isa. Bakit naman magsasalita pa ako sa speaker nang malakas? Baka mabingi pa, lalong hindi ko makumbinsi. Pero talagang beteranong pulitiko, nagsalita siya, nagkuwento siya. Kalagitnaan ng talumpati, tumayo yung isa doon sa tatlong naiwan, umalis. Pag-alis, sabi niya doon sa emcee. Lingon siya, “Sir, dalawa na lang. 100% na tayo, ituloy ninyo.” Naniwala naman ho yung tao, tinuloy niya yung talumpati niya. Matatapos na yung talumpati niya, tumayo na naman yung isa. Isa na lang naiwan doon sa plaza. Sabi, lingon na naman siya, “Sir, lahat ng nauna sa inyo hindi nakuhang kumbinsihin yan. Kayo pala ang hinihintay. Ituloy na ninyo, isa na lang. Ayos na tayo.” Pero natapos na yung talumpati at hindi naman siya iniwanan ng isa. At nilapitan niya dahil gusto niya naman masabing sulit yung pangangampanya niya dito. Pagpunta niya po doon, nilapitan niya yung tao at sabi niya, “Brad, siguro naman kumbinsido ka na.” Sagot sa kanya “Alam ho niyo, bago pa kayo dumating kumbinsido na ako. Sa katunayan po, yung sound system na ginagamit niyo, pinahiram ko po yan. [Tawanan] Pagtapos po niyo, iuuwi ko na ang aking sound system.”

So ayun naman po yung problema ko kanina: May prepared speech na, nandyan yung teleprompter, pinagpuyatan po ng aking speechwriter, pero sa tingin ko, palagay ko kumbinsido na kayo. [Palakpakan] Baka naman magtunog akong sirang plaka kung uulitin ko pa lahat. Pero kung pupuwede ho, hayaan ninyo akong magsabi ng—tignan niyo, isang pahina lang—tawag ko dito ay “bullet points.”

Kanina po, nandoon kami sa pinapagawang bago niyong Panglao Airport. Matatapos po yan, sabi ni Sec. Jun, next year, 2017. Ngayon ho, unang magandang balita na natanggap ko, si Ed at si Rene—kasama ho kami—sabi nila sa akin, ngayon pa lang na ginagawa ang airport, humihingi na raw ang PAL. Gusto nilang magkaroon ng international flights dito sa inyo sa Bohol. Gagamitin ang Tagbilaran, four flights per week ang inaasahan. Isipin po ninyo, ginagawa pa lang ang airport na talagang kakayanin lahat itong mga foreign tourists na magdagdag sa inyo.

Tinataya ho kasi, ngayon kulang-kulang mga 500,000 tourists kayo per year. Pag natapos yung airport—next year na po yan—aabot tayo ng 1.7 million tourists per year. [Palakpakan] At next year po yan, hindi na ako Pangulo, asahan niyo na kasama ako sa mga magdadagdag doon sa pagiging turista dahil makikiturista na po ako doon. [Tawanan] Baka sakaling suwertehin na po tayo, next year na—sabi ko noong araw, alam ni Rene—baka kapag ako’y pinalad na makahanap pa, siyempre may honeymoon yan. [Tawanan] Puwede naman doon sa Loboc River Cruise na may fireflies. Siyempre dadaan tayo ng Panglao.

Ngayon po, ito lang pong matinding pakiusap: Pag nag-honeymoon po ako, alam niyo naman po magkakasama tayo, pero sa honeymoon po, huwag niyo akong samahan. [Tawanan] Kung pupuwede po, talo-talo muna tayo noon. [Tawanan]

Kanina nagpakuha ako ng litrato doon sa airport, kasi nakita naman po natin siguro kung nagawi na kayo doon, lalo na sa ere, maganda nang tignan. Napatag na po yung lugar at unti-unting nagmumukha na talagang airport. Sa totoo lang po, sa sipag ng inyong lahat na opisyal dito—special mention po si Ed at si Rene, at saka si Bob Cajes—sila ho kasi parang sa wrestling, tag team. Kapag tinext ka ng isa, bigyan mo ng dalawang minuto, itetext ka ng pangalawa. Pagdating ng isang minuto pa, magtetext yung pangatlo. Sakaling ulyanin ka, wala kang pagkakataon na makalimutan yung kailangan nila. Talagang tag team sila, kita naman po niyo—mamaya ko na babanggitin yung napagtulong-tulungan natin.

Pero ang punto naman po, siyempre ikinagagalak ko na nandyan na ang airport. Magta-times three yung turista niyo; bawat turistang dagdag, tinataya na magkakaroon ng dagdag na trabaho sa ating kapwa Pilipino. 500 magiging 1.7, may 1.2 million new jobs. Saan ho manggagaling yan? May tourist guide, may driver ng sasakyan, yung sa mga resort, yung restaurant, yung magsasaka na nagbebenta at mangingisda na nagbebenta sa mga latitude tourist facilities na ito. Tapos ang ikinaganda pa, hindi na kailangang ganoon kaaral para makilahok sa industriyang ito.

Ulit, sa pagsisipag po niyo, sa ibinigay niyong mandato sa atin, next year, bago na po yung airport niyo, at talagang times three ang mga turista. Kaya congratulations po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Noong umpisa, nangako kami sa inyong lahat na walang maiiwan. At ulitin ko lang ho, ang sisipag talaga ng mga lahat ng katrabaho namin dito. Ano ba ang naipala po ng Bohol sa pagtahak ng Daang Matuwid? Konti lang naman po, ang commitment ho kasi: Walang probinsya na bababa ng P2 billion per annum ang napapasok na resources. Dito po sa Bohol, magsi-six years na po ako, sabi sa akin ni Bro. Armin, 2 times 6 equals 12 billion. Ang napunta ko sa Bohol, kulang-kulang P19 billion; lumampas tayo doon sa national average. [Palakpakan] Kanina ho, pinaalala rin sa atin, parang—ulitin lang ho natin—sabi ni Rene kanina, pinaalala niya, una raw ho nagpagawa ng feasibility study dito para sa Panglao airport, nanay ko po noong siya’y Pangulo. Kaya maganda naman po siguro ito, kapag nagkita kami ng nanay ko ulit, kung masabi natin na siya yung nag-umpisa, natapos ko, palagay ko naman talagang masasabi na naman niya, favorite son niya ako. [Tawanan]

Ngayon po, tanda ninyo noong earthquake 2013, sa totoo lang ho, isang gabi, minabuti namin na dumamay nang husto: Tignan lahat ng sitwasyon; nakitulog kami sa inyo. Actually hindi dito sa Tagbilaran, [sa] Loon. Doon sa Loon, nandoon kami sa lawn, dahil damuhan ho eh, sa tolda. Doon sa tolda naman ho, binigyan tayo ng army ng katre, yung folding bed. Pag-upo ko sa folding bed, yung gitnang-gitna pala, may bakal na suporta. So buong gabi, yung likod mo nandoon sa bakal na suporta dahil manipis yung [mattress]. [Tawanan] Pero okay lang, isang gabi lang naman. At buong gabi ho, inentertain kami dahil may aftershock. [Tawanan] Paggising ko sa umaga: hilamos, sipilyo, hindi ko na ho kayang maligo sa isang boteng tubig. Pero kumasya naman hong panghilamos, pansipilyo, onting panghugas ng kamay, at maganda iyon. Sa lahat ng kasama ko noon—si Dinky ng DSWD nandoon, marami-rami kami doon—ay naranasan kung ano ang dinadaanan niyo noong panahon na talagang umiikot tayo dito.

Sa totoo, aaminin ko, tapos na iyon, marami na tayong… Yung ating early recovery cluster nandyan, may mga litrato dito sa likod. Marami-rami na ho tayong naibalik na mas maganda kaysa sa dinatnan. Hindi ho ba? [Palakpakan] Pero pag-ikot po namin noong panahon na iyon, aaminin ko sa inyo talaga, paano kaya natin ibabalik lahat ito? Sa kuryente’t kuryente na lang, talagang napalaban itong si Icot Petilla, ating Secretary noon na maibalik sa oras na ipinangako niya.

Konti lang ho ang highlights ng pagtahak sa Daang Matuwid. Dati ho, ang kasama sa 4Ps—ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program—dito po sa Bohol ay—para eksakto ho—ang kabahayan ay total membership, sa buong Bohol ay 531. Yun lang po ang tinutulungan ng 4Ps noong nag-umpisa tayo. Sa kasalukuyan po, nasa 59,222 na po tayong kababayang tinutulungan. [Palakpakan] At alam naman po ninyo ang resulta ng Pantawid, sa unang pagre-revalidate ng ating data, mayroon na pong 7.7 milyon na kabahayan lumampas sa post na tinatawag na “poverty line.” Naiangat na natin doon sa kahirapan. Sabi ho ng iba nating katunggali, wala tayong malasakit.

Sa Philhealth, 1.2 milyon na pong Boholano ang miyembro ng PhilHealth, kasama na doon sa 93 milyong Pilipinong miyembro na ng PhilHealth at inaaruga. [Palakpakan]

Sa kuryente naman po, kanina lang po nagkaroon tayo ng ceremonial na lighting ng ating mga sitio dito sa Central Visayas. Dito po sa Bohol, wala na raw ho kaming utang sa sitio electrification, pero sa 97% pa lang ho sa Central Visayas. Pangako ko po, bago matapos itong buwan na ito, lahat ng utang sa Central Visayas ay magagawa na, 32,000 mahigit pong sitio yan.

Siguro ito lang po talagang gusto kong ipagdiinan: Lahat ho ng nagawa natin sa Daang Matuwid, puwede naman hong maski sino sana ang gumawa niyan. Tama ho ba? At naalala ko tuloy sinabi sa akin ng isa kong kaibigan ko noong nag-uumpisa tayo. Sabi niya, ang hindi raw niya mapapatawad doon sa pinalitan natin, sampung taong nawala. Isipin po ninyo: Kunyari, ten years ago natapos yung airport ng Panglao. Kunyari eight years ago na lang. Ilang trabaho na kaya ang nalikha? Ilan kaya ang may karamdaman na natulungan kung hindi 51 percent yung PhilHealth? Ilan kaya ang mga batang nagtuloy-tuloy mag-aral kung yung 560 dito ay 59,000 na nangangailangan ng tinukoy? Ilan na kaya ang naka-graduate? Ilan kaya ang nasa kolehiyo na, o baka naka-graduate na rin sa kolehiyo? Tulad ho ng unang batch na tinulungan sa high school noong 2014. Isipin po niyo, parang mga 13 to 14,000 ng 300 plus thousand na tinulungan ng Pantawid Pamilya ay honor student. Yung dalawang nagsalita para sa kanilang lahat, sila po ay nasa UP College of Engineering, quota course. Doon nakapasok. Kung talagang naumpisahan yung lahat ng ginawa natin noong yung pinalitan natin ay parehong direksyon, nasaan na kaya ang Pilipinas ngayon?

Di natin masisisi yung kaibigan kong nagsabing, “Hindi ko siya mapapatawad doon sa sampung taong nawala.” Sampung taong nawala na, tumakbo na yung oras, di na natin mababawi yan. Tama ho ba?

Kanina po, maraming nagsasabi sa akin pati sa ibang mga lugar na pinupuntahan: Salamat dito, salamat diyan. Sa loob-loob ko, bakit kayo nagpapasalamat sa akin? Ako ho yung nagprisinta noong ako’y tinawag niyo. Sabi ko, tulungan niyo ako, baguhin natin ang lipunan. At tingnan niyo nga ho ngayon. Dati pag sinabi nating airport, iyan ang huling hantungan para makaalis na ako ng Pilipinas. Ngayon ho ang pinag-uusapan natin: Paano natin mapapalawak yung mga turistang magbibigay ng trabaho sa atin sa Pilipinas?

Pag tayo iniisip nating lahat ng problema natin ay walang kalutasan, ngayon ho ay may maituturo tayong 7.7 milyon kataong hindi pinangakuan, tatanggalin sa kahirapan, pero naitawid na sa tinatawag na “poverty line.” At saan ho tayo nag-umpisa? Nagtiwala ho kayo sa akin, nagtiwala ho kayo sa aming lahat, di ho ba? Dahil sa inyo, ibinigay ninyo ang mandato, tama ang desisyon, heto po kung nasaan tayo ngayon.

Ngayon, ayoko naman pong magsirang plaka. Nakikita naman ninyo sa telebisyon, pinapasingit naman yung magandang nagagawa namin paminsan-minsan. Kung ano-ano pong nangyayari, hindi lang po sa Bohol, pero sa buong Pilipinas. Batid din po ninyo yung mga tinatawag na “accolades” at “praise” na sinasabi sa atin ng mga ibang bansa. At talagang malayo-layo na ang narating natin.

Ngayon ho, para sa akin, sa darating na halalan sa ika-9 ng Mayo, simpleng-simple lang ho. Kumbaga, referendum. Tama ba ang nangyari sa Daang Matuwid o mali? Ngayon ho, baka nakita ninyo yung commercial, eksperto tayo sa panliligaw, kaya lang hindi sa pagbili ng helmet siguro. Pero ang punto ho nito, kung minsan ay hindi ko malaman kung maiiling na lang ako sa sinasabi ng ating mga katunggali. Kanina ho kasi ay nakita ko: Dadagdagan daw niya ang mga benepisyo. At habang dinadagdagan niya ang mga benepisyo ng nasa 4Ps, babawasan niya ang buwis. Kako, ang galing mo. Saan kaya kukunin ang ipanggagastos diyan? At marami pa ho. Kayo na ang bahala. Tingnan na lang ninyo ang sinasabi nila. Basahin ninyo sa diyaryo, tingnan ninyo ang ads.

Ang sa akin lang ho, simpleng-simple. Baka nga sobrang simple, tingnan na lang natin yung poster. Yung litrato mo ba sa poster mo at yung litrato mo sa tunay na buhay ay pareho? Pag sa poster pa lang ay medyo malabo na, mag-isip-isip na tayong konti. Siyempre sa panliligaw, lahat naman tayo kahit papaano dumaan sa panliligaw, lahat ipapangako. Tingnan natin kung may saysay ba yung pangako o wala. At siguro ang pinakaimportanteng itanong sa kanila: Nasaan ka noong ginagawa[an] namin [ng solusyon] itong problemang ito?

Huwag ninyong kalimutan, noong nag-umpisa tayo, ang itinira sa aking budget, June 30, 2010, kulang-kulang seven percent. Yung lahat ho ng budget medyo nakalaan na kung saan-saan. Yung itinira sa akin na dedesisyunan, seven percent. At banda doon pa naman, ipinaalala sa akin, kailangan namin ng bagong airport sa Bohol. Saan ko kaya kukunin yang P7 billion na yan?

Lahat ng pinaggagawa natin, sa ngayon pa lang po, 6,200 kilometers of national road, 1,700 na tourism roads, 3,005 na farm-to-market roads, sa kanya pa lang yon [Sec. Singson]. Pag kinausap namin si Bro. Armin, may ipinamana sa aming backlog na eskwela [classroom], 66,800; ang kaya ng budget taon-taon ay 8,000. Eight times six, forty-eight na po iyon. May utang pa ako pag-alis ko dito. Pero sa totoo lang po, itong taon na ito, matatapos natin ay over 180,000 classrooms, kasama nang palitan yung 30 to 40 year old [classrooms], kasama na yung pang-K to 12. Lahat ng pangangailangan, hindi ko na ipapasa sa susunod sa akin na ayusin. Inayos na natin yan.

Kailangan ko lang ipagdiinan: Pinakamadali siguro… Mayroong isa tayong katunggali kasi, noong nagkausap kami, sabi niya sa akin, “Pare, tanggap ko na iba ang pulitika natin.” So kung ako ho, sinasabi kong ang taumbayan ay “Boss” ko, sino kaya ang “Boss” niya? Kung ako palagay ko ay dapat tulungan natin ang lahat, lalo na ang nasa laylayan ng lipunan, ang tanong, sino kaya ang binabalak niyang tulungan? Kung palagay po niya—iba raw ho ang pulitika namin—ang akin, yung 4.6 milyong kabahayan this year na natutulungan na ng Pantawid Pamilya, tulungan na natin. Hindi yung may bagyo, magdala tayo ng relief goods, punta tayo sa picture-taking, photo opportunity, okay na yon. Hindi ah! Hindi tulong yung bigyan mo ng kapirasong kakainin ngayon, puwede mo namang turuang… Sabi nga, “Bibigyan mo ng isda o tuturuan mong mangisda?” Ako doon sa tuturuang mangisda.

Malinaw rin siguro sa kanya na ako, ipinagtatanggol natin ang bansa laban sa ibang bansa, lalo na diyan sa West Philippine Sea. Sila raw ay kakausapin nila yung ating mga katunggali. Sabi ko, ako talagang hindi ko sila kinakausap. Ang problema ko lang kapag kinakausap ko sila, nag-uumpisa agad na “Lahat ito amin.” Eh ano ang negosasyon natin kung iyon ang pananaw nila: Lahat ito amin, kaya wag kayong pumasok dito. Eh pagkatagal-tagal na pong amin po ito. So ipinaglaban natin: Nandoon tayo sa arbitration, nandoon tayo sa ASEAN. Ulitin ko po: Ito yung panahon ng kampanya—pagandahan ng ad, pangandahan ng jingle, pagandahan ng islogan. Pero siguro ang pinakamaganda po rito, pagandahan ng prinsipyo.

At ididiin ko lang ho, dalawa ang tao natin ngayon—dito muna tayo kay Leni: Si Leni, sa totoo lang po, una kong nakilala noong sumunod na araw na nawala si Jesse. Si Jesse ho, parang tatay ko, pinilit na hindi kami ihalo sa pulitika. Sabi niya, dapat raw ho may pribado kaming buhay para normal ang paglaki namin, hindi nagagambala ng masalimuot na mundo ng pulitika. Si Jesse ganoon din po. Nagkakilala kami minsan nang si Leni sinundo si Jesse. At nang ipinakilala ni Jesse, nagkawayan kami, “Good evening.” Iyon na po ang dialogue namin.

Dumating ang panahon, nawawala si Jesse. Tapos nagtanong ako sa buong Gabinete, sino ba ang may kilala kay Leni? At lumabas na halos pare-pareho kaming bahagya lang siyang kilala. At sasabihin ko ho sa inyo—maski anong klaseng bibliya ang iharap ninyo sa akin, kaya kong ipatong ang kamay ko—sobra akong nabilib sa kanyang katatagan ng loob. Dumating ako doon, sinabi kong bente kuwatro oras na ang lumipas, wala pa tayong nakikitang maski anong pruweba, baka hindi maganda ang balita. Puwede naman talagang yung lungkot, yung sama ng loob, lahat yon umiral. Talagang matatag na matatag siya, nagpakatatag siya lalo na para sa kanyang tatlong anak.

Noong siya’y tinawag ng kanyang mga kababayan sa Camarines, puwede naman niya sabihing, “Hindi ba puwedeng pabayaan niyo muna kami? Ang haba na rin naman ng inambag ni Jesse, namin.” Pero tinugunan niya yung tawag. Nilabanan ang mabigat na kalaban po sa distritong iyon, at nanalo. At ngayon, papunta na sa re-election. Puwede naman niyang sinabing, “Puwede ba, ang ganda-ganda ng tayo ko dito, re-election na lang ako.” O puwede rin niyang sabihing, “Palagay ko, naihanda ko na yung susunod, baka naman puwedeng asikasuhin ko na lang yung mga anak ko.” Pero hindi lang sa pinakiusapan nating tumakbo na ulit, pinakiusapan pa natin nang walang kaplano-plano na tumakbo bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas.

At napakaimportante po ng Pangalawang Pangulo. Di po natin masasabi kung ano ang tadhana. Kung ano ang hinahanap natin sa pagkapangulo, kailangang hanapin natin sa pagiging Pangalawang Pangulo, dahil talagang iyon ang sistema ho. Pag ipinamigay na lang natin yung Pangalawang Pangulo, baka gumising tayo isang araw, para bang nightmare ang nangyari sa atin.

Uulit-ulitin ko ho sa inyo: Wala akong kaduda-duda, ni katiting, na pagdating panahon ay binigyan ninyo ng mandato si Leni Robredo, pag natapos yung termino niya, sasabihin ninyong “Di lang sulit yung pagtitiwala namin sa inyo. Sobra-sobra yung interes ng pagtaya namin sa iyo.” Iyan po, asahan ninyo mula kay Leni Robredo. [Palakpakan]

Puntahan naman natin si Mar: Alam niyo, nagsakripisyo si Mar noong 2010. Siya ang kandidato ng partido namin, nagbigay-daan siya. Pero siguro mas importante yung pagkatapos noon. Ilang beses na ho ba na siya ang mukha ng gobyerno, lalo na sa panahong talagang malalang-malala ang sitwasyon? Zamboanga crisis, Yolanda, ilang bagyo ho na siya ang nauuna parati. Si Mar ho, baka hindi batid ng lahat, dahil hindi naman pakay ni Mar na pag nagpunta sa isang lugar na nasalanta ang “Ano ba ang pinakamagandang photo opportunity dito?” [Ang iba] darating ng umaga, mamimigay ng limang relief goods, may photo opportunity, nasa diyaryo kinabukasan, uwi na. Si Mar ho baliktad.

Si Mar pupunta sa isang lugar, katulad noong bagyong Yolanda. Baka hindi ninyo alam, sa lakas ng hanging dinatnan kung nasaan sila, na pinagtulong-tulungan nila, at ng security nila, saka ni Sec. Voltz—pinauna ko po sa Yolanda bago ito dumating at siguruhing handa tayo diyan. Yung pintuan ho, tinatangay na sa kung nasaan sila nakakubling building. Muntik na hong nawala ang ating dalawang Kalihim. At talaga naman hong noong hindi puwede ang sasakyan, nilakad para mag-inspeksyon para malaman kung saan ang pinakamatinding pangangailangan. Hindi ho masyadong ibinibida yan. Bagkus, ang ibinibida ay nagkulang daw siya sa ilang lugar.

Nagpunta sa Northern Samar, hindi makatawid ang sasakyan, nagmotorsiklo. Bakit siya nagmomotorsiklo? Trabaho niya bilang Secretary ng Interior and Local Government: Saan ba ang problema? Ano ba ang pangangailangan? Paano ba natin dadalhin ang tulong? Ano ba ang nakita natin? Di ba pag-ikot niya, nakita yung problema? Hindi ho. Ang ipinakita, sumemplang daw yung motorsiklong sinasakyan niya.

Ulitin ko lang ho [ang kasabihan]: Para makita ang paroroonan, tingnan ang pinanggalingan. At ikumpara ko lang ho sa isang kalaban niya: Yung isang kalaban niya noong panahon ng Martial Law, human rights lawyer. Ngayon pong tumatakbong presidente, kinukuha yung anak ng diktador noong Martial Law. Napapag-isip ka. Sunod po niyang natatawag na “claim to fame,” ipinagtanggol ang demokrasya laban sa mga nagkudeta noong panahon ng nanay ko. At ngayon, ang kasamang tumatakbo niya, yung nagplanong magkudeta noon. Hindi ba puwedeng itanong—nakakatanda ho sa akin yan: Kuya, saan mo ba kami dadalhin? Hindi ba lehitimong tanong yon?

Mga kasama, ulitin ko lang ho, Mayo 9, yung nangyari ho sa ating itong anim na taon na ito, hindi imposible. Bagamat nag-umpisa tayong ang daming suliranin nito, ano ba ang gagawin natin? Ang layo na, tulad ng sinabi ko sa inyo, gusto kong masabi sa inyo pagbaba ko sa puwesto, di hamak na mas maganda ang iiwan ko kaysa sa dinatnan ko. Sa palagay ko naman ho, wala tayong masasabing hindi tayo tumupad diyan sa pangakong yan. [Palakpakan]

Pero ako po’y matinding nakikiusap: Noong dati may nagmumungkahi, balikan daw natin ang Saligang Batas, mabigyan ng pangalawang pagkakataon. Sabi ko, teka muna. Ang importante ay hindi yung taong nakaupo. Ang importante ay kung ano ba ang plataporma, ano ba ang prinsipyo na dapat maski sinong tao, kung ito ang tamang landas, may magpapatuloy. Ituloy-tuloy niya.

At alam niyo po, nakausap ko ang President Obama at New Zealand Prime Minister John Key. Una ko siyang [Key] nakilala, yung anak niyang babae, mag-uumpisang mag-aral sa Paris. At tila maski sinong ama na mawawalay sa anak niya, napapag-isip. Ang huli naman hong nagkuwento sa akin niyan, si President Obama. Yung kanila yatang panganay na anak ay bubukod na rin, mag-aaral sa kolehiyo. May agam-agam na naman na yung anak ko, inaalagaan ko, binabantayan ko, sinusubaybayan ako, wala ako doon araw-araw para tingnan siya.

Ako naman po’y nag-aambisyon pa lang dumating doon sa puntong iyon, pero tinagurian na rin naman ninyo akong “Ama ng Bayan.” At sa totoo lang, puwede ko ba kayong talikuran? Aba, hindi. Palagay ko po, talagang buong-buong may kapanatagan ang aking kalooban dahil mayroon tayong Mar Roxas na magpapatuloy, tutulungan ni Leni Robredo, kasama ng buong tiket natin sa Senado. [Palakpakan]

Huling parte na lang po: Parati nating sinasabi pag may nagawa tayo, “Huwag ninyo akong pasalamatan hindi ako ang gumawa nito.” Parati kong binabalik-balikan: Tayo ang gumawa nito. Tayo ang gumawa ng Pilipinas sa kalagayan niya ngayon. Tayo rin ang magpapatuloy ng ating paangat nang paangat at paganda nang pagandang buhay dito po sa ating Inang Bayan. At saan po manggagaling iyong lakas? Wala naman akong ipinagmamalaki kundi kayo. Habang nasa likod ko kayo, hanggang sa pinakahuling araw ng panunungkulan natin, puwede kong sabihing “Harapin natin maski anong problema. Oras na ang pinag-uusapan, kakayanin natin lahat yan.”

Ang matinding pakiusap po: Ngayon pa ba tayo titigil kung saan ang taas na ng pag-uumpisahan natin kumpara noong tayo’y nag-umpisa noong 2010. Lahat ng nangyari sa atin, kumbaga sa kainan, ang tawag po nila ay “appetizer” lang yan, dahil bibilis nang bibilis yung ating pag-asenso. Basta nagkakaisa tayo, mamili tayo ng tama. Kaya ngayong Mayo a nuwebe, referendum. Simple ang tanong: Gumanda ba ang buhay natin sa Daang Matuwid? Tama ba ang landas natin sa Daang Matuwid? At kung ang sagot doon ay “Oo,” huwag ninyong kakalimutan, kailangang may magpatuloy: Mar Roxas at Leni Robredo, sampu ng ating mga kandidato sa Senado. [Palakpakan]

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.