INTERVIEW WITH PCOO SECRETARY HERMINIO “SONNY” COLOMA
RADYO PATROL BALITA LINGGO – DZMM with JUNRY HIDALGO & ROD ISON
June 26, 2016

ISON: Magandang umaga po, Secretary Coloma.

SEC. COLOMA: Magandang umaga sa inyo, Junry at Rod. Mabuhay po kayo.

ISON: Magandang umaga po. Siyempre importante po malaman ng sambayanang Pilipino, ano ba iyong mismong report ng Presidential Communications Operations Office makalipas ang halos anim na taong serbisyo ng kasalukuyang Pangulo?

HIDALGO: Kumusta ho ang mood diyan sa Malacañang, Secretary?

SEC. COLOMA: Mainam naman, Rod. At kami’y naghahanda na para magkaroon ng maayos na transition sa pagpasok ng bagong administrasyon na magaganap sa darating na Huwebes, ika-30 ng Hunyo.

HIDALGO: Secretary – si Junry ‘to ‘no ha – iyong nabanggit mo nga, nabanggit mo iyong tungkol sa inagurasyon diyan sa Huwebes, puwede ho bang makatikim muna kami ng … kumbaga iyong inaasahan ng publiko sa pagbaba po ni Pangulong Aquino at pagtapak naman po sa Malacañang Grounds ni President-elect Duterte, bago po itong isyu ng accomplishment ng Aquino administration?

SEC. COLOMA: Ang puwede ko lang maibahagi ay iyong sa parte ng Aquino administration Junry ‘no dahil iyong ganap at buong programa hinggil sa inagurasyon ni President-elect Rodrigo Duterte, ang nakakabatid diyan ay iyong administrasyon, iyon po ‘no iyong bago niyang pangkat. At wala akong batayan dahil hindi ko pa natitignan at wala akong kaalaman sa buong programa na kanilang inihahanda.

Ang batid ko lang ay ito: alinsunod sa tradisyon, hihintayin ni Pangulong Benigno S. Aquino III si President-elect Duterte sa Palasyo ng Malakanyang. Ito ay tradisyon na sinunod din ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo – hinintay niya ang kaniyang kahalili na noon ay dating President-elect Noynoy Aquino. Sila ay nagtagpo sa loob ng Palasyo ng Malakanyang, at pagkatapos ay hinatid ni … o nagkasama sila sa iisang sasakyan patungo sa Luneta Grandstand na kung saan naman idinaos iyong programa ng inagurasyon ni Pangulong Aquino.

Pero batid na natin na hindi magkakaroon ng kahalintulad na kaganapang ganiyan, sapagka’t ang inagurasyon, ang programa sa inagurasyon ay idaraos doon din mismo sa loob ng Palasyo ng Malakanyang. Kaya’t pagkatapos ng kanilang pagkikita at pagpupulong ay bababa na doon sa main stairs si Pangulong Aquino, at sa aking natanggap na impormasyon – although, this may still be subject to confirmation ano – ay bibigyan din siya ng departure honors ng honor guard.

Batid mo iyan, Junry, bilang isang Malacañang reporter, mayroong bahagi ng grounds sa Malacañang, sa harapan ng main palace building … o sa pagitan noon at ng Premier Guest House, doon pangkaraniwang isinasagawa iyong welcome honors para sa mga bisita ng ating bansa. Doon din nakatakdang idaos ‘no iyong departure honors para kay Pangulong Aquino. At pagkatapos noon ay sasakay na siya sa kaniyang sariling sasakyan at tutungo na siya sa kaniyang tahanan sa Times Street, Quezon City. At sa pangyayaring iyon ay mag-uumpisa din naman ‘no iyong programa para sa inagurasyon ng ika-16 na pangulong ng ating bansa, si Rodrigo Duterte. Iyon lang po ang aking nababatid, very broad and general lang po iyan ‘no, subject to confirmation by the inaugural committee. Hanggang doon lang ang aking maibabahagi sa ngayon.

ISON: So, matapos po iyong inaasahan nating pagbabalik-normal sa kaniyang buhay, ano naman po iyong puwede po nating ikintal sa isipan ng mga mamamayang Pilipino sa mga nagawa ng kasalukuyang administrasyon sa loob po ng anim na taon?

HIDALGO: Iyong ‘legacy’ na tinatawag, Secretary.

SEC. COLOMA: Sa maraming pagkakataon na tinanong si Pangulong Aquino kung ano ang tinuturing niyang pinakamahalagang iiwan o legacy sa sambayanang Pilipino, ang palagi niyang sagot ay ito: na nagkaroon ng pagbabago ng pananaw, pagbabago ng kaisipan sa hanay ng ating mga mamamayan mula doon sa kawalan ng pag-asa tungo doon sa pagkakaroon ng pagpaparangal sa pagiging Pilipino na masasabi natin ngayon na ang mga Pilipino ay taas-noo kahit kanino man sa mundo dahil nanggaling tayo sa yugto na itinuturing tayong “Sick Man of Asia,” bagsak ang ating ekonomiya, maraming hindi kanais-nais na nagaganap sa ating pamahalaan. Naibangon po ito sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa reporma; ito ay naisagawa sa pamamagitan ng mabuting pamamahala.

Iyong sinasabi nga ng ating Pangulo na kinaya naman ng ating bansa na resolbahin ang malalaking problema sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng demokrasya. At binigyan natin ng karagdarang pag-asenso ang ating mga mamamayan na ginagamit ang Saligang Batas, ang mga batas na ipinasa ng Kongreso at ang mga instrumento ng gobyerno na bahagi ‘no sa galaw ng isang masiglang demokrasya. Kaya iyon iyong ating take off doon sa inyong tinatalakay kanina doon sa kaniyang naging talumpati kahapon sa Ateneo de Manila.

HIDALGO: Oho. Iyon ho bang mensahe kahapon ni Pangulong Aquino is talagang nakikita niya ay parang mauuwi talaga sa diktaturya itong papalit sa kaniya?

SEC. COLOMA: Hindi naman ‘no. Siguro ang sa kaniya lamang ay iyong pagpapahalaga sa mga aral ng kasaysayan. Kung maaalala natin, noong nakaraang Araw ng Kalayaan/Independence Day, iyon din ang naging tema ng kaniyang talumpati. Sinabi niya, iyong pang-aapi at pag-agaw sa kalayaan ng Pilipino, hindi naman ito isinagawa lamang ng mga dayuhang kolonyalista ‘no, iyong mga Kastila at iyong mga Amerikano. Huwag nating kalimutan na hindi pa gaanong matagal na panahon ang nakalilipas, iyong kapwa Pilipino, iyon ang umagaw sa kalayaan ng mga Pilipino, nagtatag ng diktadurya ‘no. At sa loob ng mahaba-habang panahon din ay nawalan ng kalayaan ang ating mga mamamayan hanggang ito ay binawi sa pamamagitan noong EDSA People Power Revolution.

Ang sa ating Pangulo lang naman ay pagpapaalala na mahalaga iyong ating pagmamatyag, pagiging mapagmasid, pagiging mataas ang kamulatan hinggil sa riyalidad na mayroong mga puwersa o may mga pangkat na maaaring magsamantala kaya kailangan ay ipagtanggol din natin ang ating mga kalayaan bilang mga mamamayan, at gawin nating mas masigla pa ang ating demokrasya. Iyon lamang, Junry, wala namang pagbibigay ng masamang attribution ‘no sa kanino man.

ISON: Secretary Sonny, inaasahan po natin itong … may mga ilang grupo, iyong tinatawag nating buwelta ng ilang sektor o ng taumbayan, at may mga … ngayon pa lamang ay may mga pagbabanta ng paghahain ng iba’t ibang kaso laban sa Pangulo at kaniyang mga kaalyado. Paano po kayo magbibigay po ng reaksiyon hinggil dito? At paano ito pinaghahandaan ng Pangulong Aquino?

HIDALGO: Partikular, Secretary, iyong binabanggit ni Rod, iyong Disbursement Acceleration Program.

SEC. COLOMA: Matagal namang inilalahad iyang isyu na iyan, Rod. At sa bawat pagkakataon, pinapaliwanag natin sa ating mga kababayan na ang naging batayan ng pangasiwaan ni Pangulong Aquino ay mabuting pamamahala. Ibig sabihin nito ay nakabatay sa Saligang Batas at sa pag-iral ng batas – rule of law. Kaya’t matatag ang kaniyang paninindigan na handa siyang haharap sa anumang pagbatikos o anumang paghahain ng demanda; wala pong ikinatatakot ang ating Pangulo. Karamihan naman po sa inilalahad diyan ay base sa maling pagtalakay ng riyalidad.

Kung mamarapatin mo, Junry, yaman din lamang at binanggit mo iyong sa DAP ‘no – Disbursement Acceleration Program – maaalala natin na naghain ng motion for reconsideration ang ating pamahalaan doon sa naunang desisyon ng Korte Suprema. At doon sa kanilang pagpapasya on the motion for reconsideration, inulit ng mga mahistrado na mainam naman iyong DAP at ito’y nakatulong sa pagpapabilis ng paggastos ng pondo para sa ikauunlad ng ating ekonomiya. Ang sinabi lang nila ay mayroong ibang mga hindi ganap na naaayon sa batas, katulad ng cross-border transfer ‘no. Sinabi lang naman nila na hindi maaari na maglaan ng pera ang Ehekutibo at ibibigay ito sa Commission on Audit na isang independent constitutional body; hindi rin naaayon sa batas iyong paglipat ng pera mula Ehekutibo patungo sa Kongreso para sa pagtatapos ng kanilang library. Iyon po ang malinaw na isinantabi ng Supreme Court.

Pero iyong pinakamahalagang elemento ng kanilang desisyon ay iyong pagsabi na tama ang posisyon ng Aquino administration doon sa prinsipyo na “presumption of regularity” at “operative fact doctrine”. Anong ibig sabihin niyan? Noong ipinapatupad kasi ‘yong mahigit isandaang proyekto sa ilalim ng DAP, wala namang Supreme Court decisions na matuturing ‘no laban diyan dahil hindi pa naman ito idinudulog sa Korte Suprema. Kaya’t sabi ng mga mahistrado, lahat ng mga isinagawang proyekto ay maituturing natin na valid and effective, nasa kamay na ng mga tumutuligsa dito na patunayan na hindi naaayon sa batas. Iyon iyong tinatawag na operative facts at presumption of regularity. Kailangang maghain ng konkretong ebidensiya iyong mga tumutuligsa sapagka’t noong isinagawa naman iyong isandaan na proyekto, mahigit sa isandaang proyekto sa DAP ay wala namang batas o wala namang kautusan ang Korte Suprema laban dito.

So iyon lamang ang paglilinaw ‘no. Marami kasi ang paulit-ulit na nagpapaimbulog ng kasinungalingang iyan, wala namang batayan at parang niloloko lang nila iyong sarili nila sa pananakot dahil wala naman ding batayan iyong kanilang pananakot.

ISON: So, Secretary Coloma, in fairness naman po sa kasalukuyang administrasyon, nakita po namin na sa larangan po ng edukasyon ay talaga po namang nakita namin ang pagsisikap ng administrasyon at konti na lamang itong naging kakulangan sa mga classrooms at mga textbook at iba pang mga pangangailangan sa mga paaralan. Paano ninyo po ito ilalahad sa sambayanan?

SEC. COLOMA: Mabuti’t naipunto mo iyan, Rod. Noong pumasok kasi ang administrasyon noong 2010, ang kinaharap na shortage ay 66,800 classrooms. Ngayon, mula 2010 to 2016, ang napagawa na classroom ay 89,720. Ibig sabihin, lumampas pa ng 23,000 classrooms. Bukod pa riyan, mayroon nang nailatag na programa at pondo para sa karagdarang pang 95,429 classrooms. Samakatuwid, ang kaganapan ng programa sa pag-construct ng classroom ay halos 184 classrooms – halos tatlong beses doon sa dami ng mga in-overcome na shortage.

Ang dahilan din naman dito, marami din naman doon sa hindi naman kulang pero existing classroom ay luma na ‘no kaya kinakailangang palitan nang mas bago at mas matitibay na classroom. Maalala natin, hinagupit tayo ng mga malalakas na bagyo, sa katandaan na rin ng mga istruktura ng mga paaralan, marami-rami ding mga paaralan ang winasak ng mga sunud-sunod na bagyo na dumating sa ating bansa kaya ginawang mas matibay ito ‘no. Bukod pa riyan, iyong 1:1 ratio ng textbook sa estudyante ay natamo na, at nakapag-empleyo pa tayo ng 170,000 additional teachers.

Pero iyong pinakamahalagang achievement natin ay iyong sa wakas, humanay na tayo sa buong daigdig sa pagkakaroon ng labindalawang taon ng basic education. Sa pinakamahabang panahon, isa lang tayo sa iilang bansa ‘no – kasama natin iyong mga hindi masyadong maunlad na bansa sa Africa – na kulang iyong ating basic education dahil sampung taon lamang. Dahil sa pagpapairal ng mandatory kindergarten at iyong 12 years of basic education kabilang na iyong dalawang taong karagdagang na senior high school ay humanay na tayo sa buong daigdig sa pagiging globally-competitive ang ating educational system.

HIDALGO: Siguro, Secretary, pangwakas na tanong na lamang siguro ‘to ano—mga tanong pala.

SEC. COLOMA: Handa naman tayo. (Laughs)

HIDALGO: Nasaan ba si Secretary Lacierda? Kayo laging pumo-front sa pagsasalita ngayon para sa Pangulo?

SEC. COLOMA: Sa aking pakiwari, nandoon din naman siya sa aming tanggapan at nag-aayus-ayos na rin para lisanin ang aming tanggapan. Pero baka mas interesado ang ating mga kababayan doon sa mga konkretong naisagawa ng administration, at sa lahat naman ng larangan ay mayroon tayong handang maiulat sa kanila. Kung iyong mamarapatin ay puwede tayong mag-focus doon sa iba pang mahalagang accomplishment, Junry at Rod.

HIDALGO: After ho nitong panunungkulan ninyo, kasama kasi kayo sa mga bababa rin sa puwesto, ano bang inaasahan ng publiko sa inyo, Secretary?

SEC. COLOMA: Tayo po ay magpapahinga at magbabakasyon dahil medyo nakakapagod din naman po ‘no, at medyo matindi rin naman ang pace of work sa pamahalaan – palagi po tayong on-call, 24/7. At pagkatapos ng panahon ng pagpapahinga at pagbabakasyon, siyempre ay balik hanapbuhay din naman po tayo.

HIDALGO: Oo, kayo naman ay nagko-column noon dati bago kayo hiranging Communications Secretary.

SEC. COLOMA: Bukod sa iba pa ‘no, ako ay nagtuturo din. Naglingkod din naman tayo sa ilang pribadong korporasyon, Junry.

HIDALGO: Oo nga ho. Si Pangulong Aquino po, ano ho ba ang una niyang gagawin pagbaba niya ng Malacañang?

SEC. COLOMA: Sinabi na niya ‘no sa maraming exit interview na siya ay uuwi sa kaniyang tahanan sa Times Street, Quezon City at doon niya uumpisahan iyong kaniyang pagiging pribadong mamamayan ng Republika at dating Pangulo ng Republika.

HIDALGO: Ano ho ba ang gusto niyang itawag sa kaniya ng tao, Secretary, ngayong siya ay … ‘pag palagay na ika-Biyernes na, Duterte administration, hindi na po siya Pangulo, si Pangulong Aquino?

SEC. COLOMA: Simpleng tao lang naman po si Pangulong Aquino. Hindi po ba iyong sa kaniyang pinili ay “PNoy” o kaya Pangulong … parang President Noy o President Noynoy. Siguro, magiging magandang tunog din sa kaniyang pandinig iyong tawagin na rin siya ‘no ‘dating Pangulong Noynoy’ sa kaniyang nickname ‘no. Madali naman pong kausapin ang Pangulo, hindi naman po siya isang pormal na tao.

HIDALGO: Oo. At bakit po nabanggit one time ni Pangulong Aquino na magmamasid din siya, kumbaga, para sa takbo ng Duterte administration?

SEC. COLOMA: Siyempre po malaki din naman po ang naitaya niya, malaki na rin ang naipuhunan niyang panahon, galing at pagsisikap na mapabuti ang ating pamamahala, mapahusay ang ating gobyerno. At tinitingala din po niya iyong naging ehemplo ng kaniyang butihing ina, si Pangulong Corazon Aquino, na pagkatapos ng kaniyang panunungkulan ay nanatiling aktibo pa naman sa iba’t ibang adbokasiya katulad ng pagtulong sa mga non-governmental organizations na nagbibigay ng kakayahan para sa pagbubukas ng mga micro/small industries ‘no, at nagkakaroon ng pag-asa sa kanilang sariling pagsisikap.

ISON: Secretary Sonny, bilang pangwakas, ano po ang inyong reaksiyon … bakit hindi pa nagkasabay sa unang kasaysayan ng bansa itong panunumpa ng Pangulo at Pangalawang Pangulo? At ang inyo pong mga huling mensahe at mga pahatid impormasyon sa mga mamamayang Pilipino sa nakalipas na anim na taong panunungkulan ng administrasyong Aquino?

SEC. COLOMA: Iyong programa po ‘no para sa inagurasyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ipaubaya na lang po natin sa kanila ito dahil sila naman ang inihalal ng ating mga mamamayan. Hindi na po angkop na magbibigay pa po tayo ng komentaryo hinggil diyan dahil sila naman ang nagpasya, at kinikilala naman natin ang kanilang karapatan na magpasya nang naaayon sa kanilang pagturing ng kahalagahan ng mandato na binigay sa kanila ng sambayanan.

At nais ko ring pasalamatan kayong dalawa sa pagbibigay ng ganitong pagkakataon para makapagnilay doon sa mga nagawa ng Aquino administration, at magpasalamat din lalung-lalo na kay kaibigang Junry na datiha’y reporter ng DZMM sa Malacañang. Siya ay isa sa mga naging kaagapay namin sa paghahatid ng napapanahong impormasyon sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng broadcast media. At sa iyo rin, Rod, at sa lahat ng inyong mga kaibigan at kasama sa mass media, malaki po ang naiambag ninyo sa pagpapataas ng kaalaman at kamulatan ng ating mga kababayan sa kahalagahan ng mga pagbabago at repormang naipatupad natin. Kaya’t dahil diyan ay nagpapasalamat ako sa ngalan ng pamahalaan ni Pangulong Aquino. Maraming-maraming salamat po sa inyo.

ISON: Salamat, Secretary Sonny Coloma. Sama-sama tayong muli sa pagseserbisyo bilang mga mamamahayag ng ating bansa. Mabuhay po kayo.

SEC. COLOMA: Salamat, Rod. Mabuhay po kayong dalawa.