INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Allan Allanigue
26 June 2016
ALLANIGUE: Secretary Coloma, sir, magandang umaga po.

SEC. COLOMA: Magandang umaga, Alan.

ALLANIGUE: Yes, sir. Una po, ang reaksiyon ng Palasyo dito po sa panawagan nito pong sinasabing lider ng ISIS, si Mohd Rafi Udin. Mayroon daw silang panawagan sa mga tagasunod nito na lumaban, magtungo dito sa Pilipinas. Your reactions tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Ang banta ng terorismo, saan man ito galing, ay hinaharap at tinutugunan ng ating Sandatahang Lakas at Pambansang Pulisya. Sa tulong ng mga mamamayan, mahahadlangan at maitataboy ang mga bantang iyan.

ALLANIGUE: Okay. Sa ibang usapin naman po, Secretary Coloma, sir, mayroon pong mga alegasyon ng ilang Comelec Commissioners na ito raw pong pamumuno ni Chairman Bautista ng Comelec ay … ang term na ginamit nila ay “failure”. Any reactions from the Palace tungkol dito, Sec.?

SEC. COLOMA: Alan, mainam na hayaan na lang nating talakayin ito ng tagapangulo at mga commissioner ng Comelec dahil ayon sa batas, ang Comelec ay isang independent constitutional body. Karamihan sa kanilang mga tinutukoy ay panloob na usapin hinggil sa kanilang ugnayan sa isa’t isa sa Comelec kaya mainam na sila na lamang ang magtalakayan hinggil dito.

ALLANIGUE: Opo, okay. Earlier po, nag-issue ang CAAP natin ng kalatas sa mga piloto kaugnay doon sa pag-iwas sa ilang mga dating dinadaanang ruta ng mga eroplano. Ito’y kaugnay nung sinasabing paglo-launch ng China ng isang rocket mula dito sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Reactions tungkol dito, sir?

SEC. COLOMA: Hindi na natin kailangang mag-react, Alan (laughs) dahil— tumawa ka naman, masyado kang seryoso. (Laughs)

ALLANIGUE: Opo, opo. Yes.

SEC. COLOMA: Sasabihin lang natin ‘no na walang dapat ipangamba dahil masinsin namang tinututukan ang mga kaganapan katulad niyan. At ang ating CAAP ay nakapagpalabas ng napapanahong babala o notisya sa mga piloto ng mga sasakyang panghimpapawid upang umiwas nga doon sa inakalang maaaring daanan ng rocket na iyong nabanggit. At sa ating pagmo-monitor, iyong CAAP din mismo ang nagsabing tapos na itong episode na ito; wala silang nakikitang panganib kaya’t winithdraw na nila o binawi na nila iyong kanilang kalatas.

Ang mahalaga lang dito, malaman ng ating mga mamamayan na 24 oras, pitong araw, isang linggo, hindi po tinatantanan ng ating mga awtoridad iyong pagtutok sa ganiyang klaseng mga kaganapan para nga magkaroon tayo ng kaalaman at kahandaan, at para manatili tayong ligtas.

ALLANIGUE: Opo. Dito naman po, Secretary Coloma, sir, sa idinaos na Business Summit sa Davao last week. Isa po doon sa mga panukala na inihain daw ng darating na administrasyon ay iyong pagre-review dito sa Conditional Cash Transfer Program, at isa raw pong ‘dole-out’ na maituturing at ito’y lumilikha ng ‘dependency’ ika nga sa pamahalaan. Your reactions tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Kailangan nating linawin ang konsepto ng Conditional Cash Transfer Program. Pero una pa diyan, ipaalala lang natin doon sa mga mangangalakal o mga businessmen na nagpahayag nga ‘no dahil sinama nila iyan doon sa kanilang 10-point proposal sa papasok na administrasyon, sa ating natunghayan sa media, ang sinabi nila ay kailangan daw mai-review o marepaso iyang Conditional Cash Transfer Program dahil ito daw nga, ayon sa kanila, ay isang ‘dole-out’ at lumilikha ng ‘dependency’.

Noong nakaraang halalan din, maalala natin, Alan, lahat ng mga kandidato ‘no, wala akong narinig na kahit isa doon sa mga presidential candidates ang nagdeklara na kanilang ipagpapatuloy itong CCT dahil sa resulta ng public opinion survey na mahigit sa otsenta porsiyento ng lahat ng mga botante o mga mamamayan ay nais itong maipagpatuloy ng … at ang kanilang iboboto ay iyong magpapatuloy dito.

Napatunayan naman kasi sa nakaraang anim na taon na kung maayos ang pangangasiwa ng ganitong programa, ito ay definitely hindi isang dole-out at definitely din, Alan, hindi ito lumilikha ng dependency. Sapagka’t kung tutunghayan natin, sa simula’t sapul pa lamang, noong nagkakampanya pa lamang si Pangulong Aquino, siya ay naglatag ng isang Social Contract with the Filipino People. At isa sa mga mahalagang punto doon sa social contract na iyon na plataporma de gobyerno niya ay ito ‘no, and I will quote from that social contract kailangan daw magkaroon ng transpormasyon o pagbabago, and I quote, “From government anti-poverty program that instill a dole-out mentality to well-considered program that builds capacity and create opportunity among the poor and the marginalized in the country.” Kaya’t napakalinaw, Alan, mula pa sa umpisa ay determinado na si Pangulong Aquino na ang ating anti-poverty programs, hinding-hindi ito maituturing na ‘dole-out’. Dahil iyong salitang ‘dole-out’ ang ibig sabihin ay inabot lang; mayroong kamay na nakabuka, inabot lang iyon, binigay iyon at kinalimutan na – hindi naman po ganiyan iyan. Unang-una ay pinag-aralan nang husto sa pamamagitan ng National Household Targeting System kung sino ba talaga ang karapat-dapat na mapasama sa programang ito. Pangalawa, tiniyak na sila ay may kumpletong datos – saan ang kanilang tinitirhan, sinu-sino ang miyembro ng pamilya, ano ang edad ng mga anak.

At doon pa lamang sa salitang ‘conditional’, bakit po ito conditional? Ang kondisyon ay dapat mag-attend ng lahat ng klase; dapat 85% attendance, minimum attendance ng mga nag-aaral na mga anak ng benepisyaryong pamilya; dapat magpabakuna nang napapanahon para manatiling healthy; dapat ay tinitimbang sila para tiyakin na nabibigyan din sila ng tamang nutrisyon; dapat iyong ina ng CCT beneficiary na nagdadalantao ay magpa-prenatal. ‘Di ba’t senyales ito nung tinatawag sa social contract ng ‘well-considered program’?

Kaya’t talagang plinano ito nang husto. At dahil nga dito ay natamo na kaagad natin iyong benepisyon na kung saan, ayon sa datos ng Philippine Statistical Authority, mayroong 1.4 million families, tinatayang mahigit sa pitong milyong Pilipino na nakaalpas na sa kahirapan. Lumagtaw na sila o tumaas na sila sa ibabaw nung tinatawag na ‘poverty threshold’, Alan. Kaya’t malinaw na malinaw na hindi ito lumilikha ng dependency; ang nililikha nito ay capacity. At para patunayan pa nang higit, pinalawig pa iyong programa para iyong pag-aaral ng mga benepisyaryong pamilya …pag-aaral ng mga anak ng mga anak ng mga benepisyaryong pamilya ay extended na hanggang high school. Titiyakin na extended hanggang high school. Sapagka’t kung nakapagtapos ng high school, 40% higher ang prababilidad na makakuha ng kapaki-pakinabang na hanapbuhay.

Kaya’t kung tutuusin natin, lahat ng mga kabutihang naisagawa na nito, na naberepika at napatunayan hindi lang ng ating pamahalaan kung hindi ng mga independent outside entities katulad ng World Bank at iyong government of the United States dahil tumutulong nga din sila doon sa pamamagitan ng Millennium Challenge Program doon sa ating anti-poverty program, walang katuwiran iyong pagsasabi na ang CCT ay dole-out. Wala ring katuwiran iyong pagsasabi na ito ay nagki-create ng dependency. Ang ginagawa po natin dito, tayo ay naghahatid ng social protection at mayroong desididong programa para mahasa ang kaalaman at kakayahan ng ating mga kababayan lalung-lalo na iyong nabibilang sa pinakamaralita sa ating lipunan. ‘Di ba’t misyon at tungkulin ng pamahalaan na bigyan sila ng social protection? ‘Di ba’t misyon at tungkulin ng pamahalaan na iangat sila mula sa kahirapan? Iyan siguro ang dapat na mabatid at maunawaan ng ating mga business … kasapi ng business sector sa kanilang pagsusuri sa Conditional Cash Transfer Program.

ALLANIGUE: Opo. Well, Sec., on the lighter side naman, sir. Maraming nagtatanong at nagte-text din sa amin, of course, nagkakaroon na ng turnover ng leadership ng pamahalaan sa atrenta ng buwan ng Hunyo – that would be next week. May mga nagtatanong, sir, ano po kaya ang mga pagkakaabalahan daw ni Secretary Coloma pagkatapos ng panunungkulan niya bilang PCOO Secretary, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Siyempre po ang pinakamahalaga ay iyong pamilya, at pangalawa iyong kalusugan natin. Kaya’t ang pagkakaabalahan po ay iyong pagpapahinga, pagbabakasyon at pagtitiyak na mananatili tayong malusog.

ALLANIGUE: Iyon, okay. Mayroon daw ho kayong balak ba uli na magturo sa ilang mga pangunahing unibersidad sa bansa, Sec.?

SEC. COLOMA: Isa iyan sa mga option na puwede nating matignan ‘no. Pero sa ngayon, medyo nilalayo muna natin sa trabaho at pag-aalala ang ating isipan, at tinutuon doon sa kaysarap na imahinasyon tungkol sa pagbabakasyon.

ALLANIGUE: Iyon, okay. Well, Secretary, muli, salamat po nang maraming-marami for the updates from the Palace.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.