INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Anchored by Rey Sampang, 19 June 2016

SAMPANG: … Secretary Sonny Coloma ng Presidential Communications Operations Office. Magandang umaga po, Secretary Coloma.

SEC. COLOMA: Magandang umaga, Rey.

SAMPANG: Opo, Secretary may pambungad na mensahe po ba tayo para sa ating mga tagapakinig po today?

SEC. COLOMA: Mas mainam sigurong dumako na tayo sa mga katanungan, Rey.

SAMPANG: Opo. Secretary unang katanungan po mula sa Malacañang Press Corps, ano raw po ang reaksiyon ng Palasyo tungkol po dito sa assessment ng isang US… ng US think tank Carter Center na ang Philippine elections po last May ano po ay nagkaroon po ng significant improvement kung ikukumpara sa mga naunang eleksiyon.

SEC. COLOMA: Ang problema ko lang diyan sa pagtugon diyan Rey ‘no, hindi ko natunghayan iyong pahayag ng Carter Center. Sinikap ko sa limitadong panahon na tunghayan ang kanilang website na sa tingin ko ay updated naman, pero iyong pinakahuling ulat nila tungkol sa Pilipinas ‘no, iyong kanilang (unclear) in terms of election monitoring ay patungkol sa 2010 elections pa ‘no. Kaya wala akong batayan para magkomento diyan at parang masyadong manipis ‘no iyong pagbabatayan natin. Mainam siguro malaman muna kung ano iyong ganap na pahayag ng Carter Center para maging makabuluhan naman ang ating pagkomento hinggil diyan.

SAMPANG: Opo, Secretary. So, proceed na po ako sa ikalawang katanungan. Ito raw pong PNP nag-declare na ang bilang daw po ng mga suspected drug dealers na napatay o ‘killed’, tumaas daw po ng 200%. Ibig ho bang sabihin nito, kinokonsidera daw po ba ng Palasyo na development itong sign na ito na nagiging epektibo daw po o may headway iyong kampanya laban sa illegal drugs, Secretary.
feedback

SEC. COLOMA: Ang pagkaunawa ko diyan ay nag-ulat sila hinggil sa istatistika ng kanilang anti-drug operations sa buong taon, at tila ang kanilang pinupunto diyan ay nagkaroon ng halos pantay na bilang ‘no ng mga nasabat o napaslang nitong period after the May elections kumpara doon unang limang buwan ng taong 2016. At ayon din sa natunghayan kong pahayag, ito ay—sila na mismo ang nagsabi ‘no, na ito ay bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya.

Yaman din lamang at tungkulin nito, ng ating Pambansang Pulisya ay dapat kilalanin natin ang kanilang pagsisikap na magampanan iyong kanilang tungkulin sa pinakamahusay na paraan, at ito ay ginagawa nila bilang pagpapatupad sa ating mga batas.

SAMPANG: Sa ikatlong katanungan po Secretary, ito raw pong latest—ano raw po iyong latest development sa Mt. Kanlaon, iyong sitwasyon sa Mt. Kanlaon at ano raw po ang ginagawa ng gobyerno para po sa readiness dito sa posibleng eruption ng Kanlaon.

SEC. COLOMA: Ang batid natin diyan ay patuloy iyong pagtutok ng ating Phivolcs na siyang siyentipikong organisasyon na nagmo-monitor ng ganiyang mga kaganapan, at iyon naman NDRRMC ay patuloy pa ring tumututok din at nagpapalabas ng mga napapanahong alert, alert status hinggil sa activities ng Mt. Bulusan at Mt. Kanlaon na itinuturing nilang active volcanoes sa kasalukuyan.

At iyon namang kanilang mga field operatives ay kanilang pinapakilos din para tiyakin na ligtas ang ating mga kababayan. Mayroong kasing mga inoobserbahang—tawag dito… ay walang dapat na magtungo ‘no, permanent exclusion zone within a certain perimeter nitong mga nasabing bundok ‘no, iyong Mt. Kanlaon at Mt. Bulusan, Rey.

SAMPANG: Opo, Sec. Sec., iyon po ang tatlong katanungan mula sa ating mga kasamahan sa Malacañang Press Corps. Pero bago po ako magpaalam sa inyo Sec. eh, gusto ko ho muna kayong batiin ng isang “Happy Father’s Day” Sec.

SEC. COLOMA: Ganoon din ang ating pagbati sa lahat ng mga ama, iyong Happy Father’s Day at nawa’y patnubayan tayo ng Poong Maykapal.

SAMPANG: Maraming salamat po Secretary, mabuhay po kayo.

SEC. COLOMA: Maraming salamat, magandang umaga Rey.