President Benigno S. Aquino III’s Speech during the Ulat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kay Juan at Juana
Brick Plaza, TESDA complex, Taguig City
14 June 2016
 
Magandang umaga po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Linda Baldoz, Secretary Sonny Coloma, Director General Irene Isaac, Senator-elect Joel Villanueva, Mr. Renji Arcilla, Board members, officials, staff and trainees of the Technical Education and Skills Development Authority, fellow workers in government, honored guests, mga minamahal ko pong kababayan: Muli, magandang umaga po sa inyong lahat.

Alam niyo kaalyado ko ho si Joel. Mukhang maraming hindi natuwa doon sa kanyang decaf imbes na de plato. Bago ho tayo magtapos papalitan natin ‘yan.

Mga kasama, marami ho palagay ko ilan sa inyo nakapanood nong mga interview ginagawa sa atin ‘tong mga nakalipas na linggo. Tawag po nila, exit interview. At doon sa mga interview na ‘yan, nagbabalik tanaw sa mga nagawa natin o kulang na nagawa natin sa loob ng anim na taon.

Bigyan ko ho kayo ng dalawang katanungang bumalot sa aking isip nang sandalian lang. Meron hong isang survey firm at ang tanong nila doon sa kanilang survey: “Kontento ka na ba sa ginagawa ng gobyerno ayon sa pagtaas ng iyong sahod?” Tinanong ko po ‘tong nagsu-survey. Sabi ko: “Pwede ba tayong lumabas diyan sa Mendiola?” Sa Malacañang ko po nakausap eh. Maghanap tayo ng sampung tao. Kayo na magturo doon sa sampung tao ‘no, na mukha namang nagtatrabaho. ‘Wag naman ‘yung estudyante, dahil siyempre estudyante, walang sahod.

Sabi ko sa kanya: “Kayo mamili ‘nong sampu, at pupusta ko sa inyo, sa sampung tatanungin niyo, 11 magsasabing hindi sila kontento sa sahod nila. So, kung wala ho tayong mahahanap na kontento sa sahod nila, paano ho magkakaroon ng pag-asa yung gobyerno sapat ang ginagawa para pataasin ang sahod mo problema ko bilang pangulo.” Napatango yung doktor, may doctorate ho siya sa Statistics. “Parang tama ka yata ‘no. Malabo nga yata ‘yung tanong natin.” (laughter)

Bigyan ko kayo ng isa pang tanong. Ito naman ho galing sa media. Paulit-ulit na tinatanong: “Nong tumakbo ho kayo sabi niyo ‘kung walang corrupt, walang mahirap.’ Bakit ho ngayon na patapos na ang termino niyo, may mahirap pa?”
‘Di akin pong tinanong, kaagaran kong tinanong sila: “Pwede ba niyong sabihin sa’kin yung formula kung saan itong araw na ‘to mahirap ka bukas pag gising mo mayaman ka na?” Siyempre ipe-pwera na natin ‘yung magiging magnanakaw ka. Pe-pwera na natin ‘yung magiging drug lord ka dahil hindi naman natin pwedeng i-mungkahi: ‘Bukas ho maging drug lord kayo para yumaman kayo.’ Hindi ho pwede ‘yun, ‘di ho ba?

Sabi ko: Malabo rin naman sigurong ‘kailangan dagdagan pa niyo ang taya niyo sa lotto para maging isa kayo doon sa milyung-milyong tumataya na baka sakali manalo.’ Okay. So, sabi ko sa kanila: “Pag-isipan natin kung ano ba ginawa natin sa loob ng anim na taon.” At ito nga ho ang sabi ko sa kanila: “Isipin po niyo, kung ikaw ay isang taong walang kakayahan, ang papasukan mong trabahong napaka-ordinaryo, baka pahinante, baka taga-linis ng kalsada. Marami kayong walang kakayahan, naghahabol sa kakaunting trabahong ‘yun. Siyempre mababa ang sahod. ‘Yung mababang sahod, hindi mo masuportahan ‘yung pamilya mo. Isang kahig, isang tuka nga raw ang buhay niyo. Pag tinamaan ka pa ng karamdaman, lalo nang lulubog ang sitwasyon mo.”

So sabi ko: Ano ba ang ginawa natin? Bah, di ho kayang gawin ng gobyerno ‘no, na isang dikta lang: Ngayon mahirap ka, bukas mayaman ka. Pero kayang gawin ng gobyerno tulungan ka para maisagad lahat ng oportunidad na nandiyan naman para makapagsamantalahan ng ating mga kababayan. At yan nga po ang pinilit natin.

Alam po niyo, katatapos ng eleksyon, napakarami nagsasabing may malasakit sila at tutulong silang solusyunan ang kahirapan. Madali pong sabihin yun pero matanong nga lang natin: Ano ho ba ang nagawa nila o balak nilang gawin? Ang paniwala po natin, ang lahat ng mahalaga kailangan paghirapan, kailangan pagsikapan. Gaya ng ilang beses ko pong nabanggit na: Pangunahing yaman ng bansa ang taong bayan. Trabaho po ng gobyerno na isagad ang lahat ng oportunidad para sa ating mga Boss. At kita niyo naman ang pagsisikap ng ating administrasyon upang mapabuti ang sitwasyon ng ating mamamayan.

Kaya babalikan ko po ‘yung tanong: Ano po ba ang ginawa natin? Sa ating pong termino, tinupad ng gobyerno ang tunay nitong mandato: Ang pagsilbihan at bigyang lakas ang taong bayan. Tumutok tayo hindi lang sa iisang sektor o isang problema kungdi sa iba’t ibang mga pangangailangan at mga nangangailangan.

Tinugunan natin ang mga minanang backlog at rineporma ang ating basic education. Pinalawak natin ang benepisyo at ang saklaw ng PhilHealth. Ngayon, kung may karamdaman ka, nariyan ang estado para umalalay. Sa Pantawid Pamilya, nagbigay tayo ng cash grants para bantayan ang kalusugan at ang pag-aaral ng inyong mga anak. Nakipag-ugnayan tayo sa industriya’t inalam kung ano ang kailangan nila sa merkado. Ang gusto natin angkop ang kwalipikasyon ng ating mga mag-aaral pagka-graduate nila at makakuha sila ng tunay na trabaho sa halip na mga panandilang trabaho lamang.

Dumako po tayo sa TESDA. Malinaw po, isa ito sa pinaka-matingkad na halimbawa na nagdulot ng positibong pagbabago ‘di lang sa kanilang ahensya, kungdi pati sa buhay ng maraming Pilipino. Kasama nga po natin ngayon ang isa sa madalas nating gawing halimbawa nito. Si Cristina Reyes na talaga naman iba na ang look. Isa po siyang OFW noon, napilitang umuwi sa Pilipinas dahil sa pagmamaltrato ng kanyang employer. Imbes na galak ang maramdaman sa pag-uwi, labis na agam-agam at pag-aalala ang kinaharap niya. Dahil sa kabiguan sa trabaho, nakaranas siya ng depression at kawalan ng pag-asa. ‘Di niya alam kung paano tutugunan ang kanyang mga problema lalo na sa pinansyal na aspeto.

Dumating nga po sa puntong niyang naisip nang tapusin ang lahat. Pero ‘di siya tuluyang sumuko. Nang mabalitaan ang programa ng TESDA, pumasok siya, nag-training at kinuha ang kursong Wellness Massage. Pagka-graduate, siya po ay nagkaroon ng… na-empleyo siya ng isang spa. Ginawang operations manager sa angking galing at pagkatapos po ‘non siya na mismo ang nagtayo ng sarili niyang spa.

Ngayon po, apat na taon mula nang nag-training, lima na po ang branch ng kanyang spa na ‘di bababa sa 32 empleyado at bukod pa dito—nabanggit na ni Joel kanina—tatlo na po ang franchisee ng kanyang spa doon po sa amin sa Tarlac: sa Gerona, Santa Ignacia at Camiling. Kumikita ngayon si Cristina nang malaki. Mas malaki sa’kin, sabi nga ni Joel, (laughter) bawat buwan. Pero ganun talaga ang buhay. (laughter) ‘Di ko na ho sasabihin kung gaano kalaki. Pero madalas hong sinasabi sa’tin ni Joel: “Boss, pagtapos mo, dumaan ka sa’min sa TESDA. Gaganda ang buhay mo.” (laughter/applause)

Pagdating naman sa Sari-Sari Store Training and Access to Resources Program o STAR Program ng TESDA at Coke, sinasanay ang mga benepisyaryo sa bookkeeping, inventory management, accounting at iba pang kaalaman para i-professionalize ‘yung pagpapatakbo ng kanilang sari-sari store. Pati kung paano siguruhing hindi masasayang ang dagdag na kita po nila, itinuturo din sa programang ito. Sa kasalukuyan nga po, benepisyaryo ng programa ‘nong dating report sa’kin ay 34,000. Bumaliktad na po ngayon, 43,000 na po ang nakapagtapos ng training ng mga sari-sari store owner. May isa nga po, dating kinikita 800 piso kada araw. Sa tulong ng STAR Program, ang kita niya ngayon 4,000 piso kada araw na. At sasabihin na naman ni Joel: “Boss, ‘yan medyo pumapantay ka diyan.”
Nawawala tuloy ako sa ating sasabihin nito. (laughter) Ganon talaga ang buhay, mga kapatid. (laughter) Bukod sa kanila, naikuwento na rin natin ang isa pang person with disability na si Mark Escora, dating barker. Ngayon po, escalation supervisor na sa isang BPO. Bilang escalation supervisor, siya ang nagmo-monitor ng mabibigat na tawag sa call center at nangangasiwa sa mga ahente. Nitong Hulyo, natapos na ni Mark ang training niya na paghahanda sa promotion bilang escalation manager.

Sa Special Training for Employment Program naman, bukod sa pagbibigay ng libreng training at allowance, nagkaloob din ang TESDA ng mga starter toolkit.
Minsan pong naikuwento sa’kin ni Joel: Nagkausap raw ho sila ni Art Yap, miyembro ng gobyernong ating pinalitan. Tinanong kay Joel: “Paano nakakaya ng TESDA na magbigay ng dekalidad na kasangkapan?” Simpleng sagot ni Joel: “Kami kasi ang nagpapatakbo.” (laughter)

Ilan lang po ang mga ito sa tagumpay na nakamit ng TESDA sa nakalipas na anim na taon. Sa ngayon, nakakapagtapos na ang Technical Vocational Education and Training ng TESDA ng mahigit 10 milyong course graduates. Ang good news po ang placement rate naman sa Training for Work Scholarship Program nasa 72 percent na po. Napansin ko lang kanina, Irene: 2014 ‘yung 72 percent. Nasa 2016 na tayo, alam kong ginagawa niyo ang impact assessment. Babasahin ko na mas mataas sana ‘yung 72 percent sa 2015. (laughter) Napakalayo na po ‘to kumpara sa dating 28.5 percent lang na placement rate ng TESDA scholars.

Ito nga po ang ibig sabihin natin nang pagsasagad sa oportunidad na bumubukas na sa atin pong bansa. Ang maganda dito, may kakayahan tayong panatilihin at ipagpatuloy ang mga programang ito. Halimbawa po, sa ating mga TESDA scholars na nabigyan ng trabaho, dahil meron ng sweldo nakakapagbayad na sila ng buwis at kung susumahin ang pinuhunan ng estado sa kanila, baka sa unang taon pa lang po ng kanilang paghahanapbuhay, mababawi na natin ang ating puhunan at paglaon po ay magiging sobra pa.

Ang lahat nga po ng ibinibayad na buwis ng ating scholar hanggang magretiro sila at sila naman po ang siyang magbubukas ng pagkakataon para sa marami pa natin o mas marami pa nating mga kababayan. Ito po ang siklo ng pangmatagalang benepisyo. Patunay ang TESDA at ating mga benepisyaryo, ang Pilipino kapag binigyan mo ng pagkakataon, talagang susulitin niya. Hindi lang upang i-angat ang sarili at pamilya, kungdi pati na ang sambayanan.

Isa nga po sa kabalikat natin at naniniwala sa kakayahang ito ng ating mga Boss noon pa man ay walang iba kungdi si Senator-elect Joel Villanueva. Ito pong si Joel, hindi nakontento sa bahala na o sa basta lang masabing may nagawa na. Masigasig niyang sinasagad ang bawat pagkakataon at sinusuyod ang mga detalye para higit na makapagsilbi. Hindi nga po nakakapagtakang sa kanyang termino, nireporma niya ang TESDA at naisalba mula sa imahen ng katiwalian at mapurol na serbisyo. Sa katunayaan, nai-award na po sa TESDA ang nationwide ISO 9001:2008 Certification na sigasig, dekalidad at maaasahang pagtatrabaho ng ahensya. Kumpiyansa po tayo sa bagong tungkulin ni Joel, mag-oovertime siya sa pagkayod sa Senado upang magdulot pa ng trabaho at pagkakataon sa maraming Pilipino.

Malinaw po, lahat ng nakamit nating tagumpay ay bahagi lamang nang malawakan nating pagsisikap na tuparin ang ating panatang ang iwan ang ating bansa sa mas magandang sitwasyon kaysa sa ating dinatnan. Sa Daang Matuwid, ginagawa natin ang tama at makatwiran. Sinasagad ang pagkakataong makapaglingkod at tinututok ang serbisyo sa kapakanan ng mas nakakarami. Kasabay ng paglago ng ekonomiya, pinapa-unlad natin ang imprastraktura, edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan para i-angat ang ating mga Boss.

Panawagan ko po: Ngayong tinatamasa na natin ang pagbabago, patuloy tayong magbantay at maki-ambag upang gawin itong permanente. Lalo nating patibayin ang ating mandato upang makapaghatid pa ng agarang benepisyo sa ating mamamayan. Ito na nga po marahil ang huling pagkakataon na makakaharap ko kayo dito sa TESDA at bilang Pangulo. Taos-puso po akong nagpapasalamat sa ibinuhos ninyong sipag, lakas at dedikasyon upang makihakbang sa Daang Matuwid. Hanggang sa huli, masasabi ko po, napakalaking karangalan sa aking mamuno kasama ninyo at paglingkuran nang buong puso at katapatan ang sambayanang Pilipino.

At sa pagtatapos po, babawiin ko po ‘yung joke ni Joel. May naalala po akong naikuwento niya sa akin ‘nong araw. Parati ko pong ipinagmamalaki kasi ang Pilipino talagang matapang, di ba? Isa ho sa halimbawa nito ‘yung pag-aaral ng ibang lenggwahe, di ba?. Alam naman natin may mga kaibigan tayong Hapon. ‘Yung Hapon, kung hindi perpekto, hindi nila gagawin, ‘di ho ba? Pag magsalita at hindi perpekto Ingles, magha-Hapon na lang sila. Ayaw nilang mapahiya.

Sabi ko, baliktad naman sa Pilipinas. ‘Yung Pilipino, konting konti lang ang alam, pakiramdam nila kung minsan pwede nang magturo ng Ingles. (laughter) Tama ho ba? Okay. So nagkataon ho, pinamalas ‘tong tapang na ‘to. Merong Pilipino, magkakaroon ng trabaho sa Amerika. Problema, hindi siya marunong mag-Ingles. So, nilapitan po niya ‘yung kaibigan niya na matagal nang nasa Amerika. Sabi niya: “Pare, tulungan mo naman ako,” ‘ka niya. “Anong problema mo?” “Eh, paano ako kakain man lang diyan, eh hindi ako marunong mag-Ingles.” “Ah, madali ‘yan. Pupunta ka doon sa maliit na restaurant. Hahanapin mo itong mga letrang ‘to d-i-n-e-r—Diner. Lahat ng lugar sa America meron niyan. At diyan mura ‘yung pagkain,” ‘ka niya.” “Ah, ganon ba? O, sige.”

“Ngayon, para mapagsilbihan kang maaga, umupo ka doon sa counter. Tapos pag nilapitan ka, tinanong ka kung anong gusto mo, sasabihin: ‘what can I get you?’ Madali ‘yan. Sasagutin mo lang ng coffee and doughnuts please.” “Eh, ano naman ‘yun?” “Bah, coffee, kape. Dougnut, di ba, di dougnut.” “Ah, oo, masarap niyan,” ‘ka niya. “At pagkatapos niyan, Pare, susunod naman ako sa’yo tapos sa isang buwan, magkita tayo ulit tuturuan kita kung may problema ka pa.” “Ayos, salamat.”

So, nauna ‘yung kaibigan nating kokonti ‘yung Ingles. Pagkarating niya doon, unang beses na almusal niya, punta siya doon sa diner, nakahanap siya. Upo siya sa counter, umorder siya ng “coffee and doughnuts, please.” Naibigay naman, masaya siya. Ngayon ang problema, isang buwan na siyang kumakain ng almusal, tanghalian, hapunan, (laughter) “coffee and doughnuts, please.”

Dumating ngayon ‘yung kaibigan niya at nagkita sila ulit. Sabi niya: “Pare, buti naman dumating ka na.” “O, anong problema?” “Purgang-purga na ako sa coffee and doughnuts,” sabi niya. (laughter) “Turuan mo naman ako ng iba.”

“Yan lang pala, kayang-kaya natin ‘yan. Bukas bumalik ka doon sa diner ha. At sabihin mo naman, ‘ham and eggs, please.” (laughter) Sabi niya: “Ham and eggs, ano naman ‘yan? “Ham, hamon,” ‘ka niya, “eggs, itlog.” “Aba, okay ‘yan,” sabi niyang ganyan. Nong natulog siya, sa totoo lang ho, ngumunguya na siya, napanaginipan na niya ‘yung hamon at itlog. So napaaga po ‘yung gising, unang-una siyang customer doon sa diner na parati niyang pinupuntahan.

Sabi ‘nong waitress sa kanya: “coffee and doughnuts?” “No, no, no,” sabi niya. “Ham and eggs, please.” “Okay, how’d you like your eggs?” Sabi niya: “Pardon?” (laughter) Di tingin ‘yung waitress, “you know, scrambled, over easy, fried, poached, boiled, eggs Benedict.” Ang haba ‘nong listahan ‘nong kung paano ‘yung itlog. “Ahh, ahhh. Okay, coffee and doughnuts, please.” (laughter/applause)

Moral po ‘nong story, ilagay mo ‘yung Pilipino, dagdagan mo ang kakayahan, walang hindi kayang kayanin.

Magandang umaga po. Maraming salamat.