INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
CNN Philippines by Pinky Webb
14 June 2016
PINKY WEBB: (RECORDING CUT) … ulat na nagkukumpirma nga na ang napatay na bihag ay itong ngang kay Robert Hall, sir.

SEC. COLOMA: Iyon iyong best determination na nakalap mula doon sa available na kaalaman, Pinky, at malakas na probabilidad na iyon na nga si Ginoong Robert Hall.

WEBB: Para malinaw, sir, iyong confirmation po ay nanggagaling po sa inyo, Secretary, sa gobyerno ni PNoy na ang napatay nga po ay si Robert Hall na po. Para lang po malinaw.

SEC. COLOMA: Ganoon nga, Pinky.

WEBB: Okay, sir. Sir, iyon pong sinabi ninyong posibleng mga circumstances o mga ebidensiya, ano ho ‘yan … kasi to be quite frank with you, sir, wala pa kasing halos confirmation mula sa WesMinCom. Ano ho ba ang nagbigay sa inyo o sa, well, pamahalaan nang ganitong klaseng kumpirmasyon? Ano pong mayroong ebidensiya na nakalap po o nabigay sa inyo?

SEC. COLOMA: Mayroong mga sinusunod na patakaran diyan, Pinky, na kasasabi ko lamang. (Unclear) kaalaman at sa mga prosesong sinusunod tungkol diyan ay mayroon naman mga sapat na batayan hinggil diyan.

WEBB: Okay. Sir, nakausap na ho ba ng gobyerno ang pamahalaan ng Canada?

SEC. COLOMA: Simula pa noong nag-umpisa ang krisis na ito ay patuloy iyong pakikipag-ugnayan ng ating Department of Foreign Affairs at Ministry of Foreign Affairs at embahada ng Canada dito sa ating bansa. At (unclear) pagpaslang doon sa naunang bihag nila ‘no, si Mr. Ridsdel, ay nagkausap na si Pangulong Aquino at si Prime Minister Trudeau. At patuloy naman—

WEBB: Secretary, mawalang galang po, medyo malabo po iyong ating communication. Hindi po namin ibababa ang telepono pero baka puwede lang hong, I don’t know, baka puwedeng ilayo nang konti po iyong telepono. Medyo muffled po.

SEC. COLOMA: Pinky, malinaw na?

WEBB: It’s better, sir. Thank you.

SEC. COLOMA: Okay, okay. Ipagpatuloy ko lang ‘no, masinsin naman ang pakikipag-ugnayan natin sa pamahalaan ng Canada. At even in the past ‘no ay nagkaroon na rin ng pag-uusap sina Pangulong Aquino at si Prime Minister Trudeau, at patuloy naman iyong mainam na pakikipag-ugnayan iyan hanggang sa kasalukuyang.

WEBB: Pero dahil p dito sa recent development, sir, nakausap na ho ba ng gobyerno ang pamahalaan ng Canada?

SEC. COLOMA: Uulitin ko na lamang, Pinky.

WEBB: Sorry po, baka hindi ko narinig.

SEC. COLOMA: Patuloy iyong masinsin at malapit na pakikipag-ugnayan natin at pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan ng Canada at pamahalaan ng ating Republika. Tuluy-tuloy at masinsin ang pakikipag-ugnayan natin sa kanila, Pinky.

WEBB: Napakalungkot po nitong pangyayari, Secretary Coloma. Of course, sir, kamakailan … well, ilang buwan na rin po ang lumipas nang pinatay din po ng Abu Sayyaf ang isa pa nilang bihag ‘no. So ito na po iyong pangalawa dahil sa ransom na kanilang hinihingi, pero naging matatag naman po ang gobyerno sa patakaran na ‘no ransom’ policy, sir.

SEC. COLOMA: Iyan ang buong posisyon ng ating pamahalaan sa simula’t sapul, Pinky. At nagpapasalamat din tayo sa suporta at pagkatig ng pamahalaan ng Canada sa ating patakaran na iyan dahil iyan lamang ang paraan na maaaring mawakasan na itong siglo ng pagdurukot at pag-extortion ng ransom money. Hindi na po puwedeng magpatuloy ito, kaya’t matatag po ang ating paninindigan hinggil diyan. Nagpapasalamat po tayo sa pamahalaan ng Canada sa pagbibigay nila ng suporta sa ating gobyerno sa aspetong iyan.

WEBB: Sa huling katanungan, Secretary. Malaki pa rin po ang problema dahil mayroon pa pong natitirang mga bihag ang Abu Sayyaf. At batid ko man, sir, na iyong strategy ng AFP ay hindi naman pupuwedeng talagang isiwalat sa publiko. Mayroon ho ba kayong maibibigay siguro komento, Secretary, hinggil doon sa ilan pang bihag ng Abu Sayyaf?

SEC. COLOMA: Well, kung maalala natin, Pinky, nag-umpisa tayo sa mataas na numero, kamakailan lang ‘no, tapos ay na-release iyong sampu, pagkatapos iyong apat na Indonesian captives. At kailan din lang ay nagkaroon din ng release ng Malaysian captives kaya’t bumaba na rin naman iyong bilang ng mga bihag pa. At patuloy iyong pagsisikap ng ating Sandatahang Lakas at PNP, iyong kanilang intensive military at law enforcement operations. At ang resulta nito ay nalimita rin nila iyong lugar na kinikilusan ng Abu Sayyaf sa Sulu, at patuloy pa nilang ginagawa ang nararapat para mawakasan na ang problemang ito, Pinky.

WEBB: Sir, ilan na lang po ang bihag ng Abu Sayyaf sa inyong pagkakaalam?

SEC. COLOMA: Ang batid natin ay iyong Norwegian na may-ari ng resort sa Samal, iyong Filipina na si Bb. Marites Flor at mayroon pa yatang isang foreign national na matagal nang bihag bukod pa doon sa dinukot sa Samal Island.

WEBB: Maraming salamat po sa inyo, Secretary Sonny Coloma. Thank you, sir.