INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / “Kaagapay ng Bayan” with Marie Peña-Ruiz and Oliver Abelleda
11 June 2016
QUESTIONS AND ANSWERS:

Ms. Ruiz: Okay, Sir, meron ba kayong mensahe sa ating mga kababayan in connection with the opening of classes on June 13 po?

SEC. COLOMA: Nananawagan tayo sa ating mga kababayan na pairalin natin ang diwa ng bayanihan. Magkapit-bisig at mag-tulungan tayo para tiyakin ang maayos, tahimik at maaliwalas na pagbubukas ng school year 2016-2017 sa darating na Lunes.

Pagtulungan natin ang lahat ng aspeto ng pagpasok sa paaralan. At, kaugnay nito, nais ko sanang ibahagi yung ulat ng ating Philippine Information Agency hinggil sa ginawang o ginagawang paghahanda ng pamahalaan doon sa Cordillera Administrative Region (CAR) dahil sinasalamin nito yung sitwasyon sa buong bansa, sa lahat ng rehiyon ng Pilipinas. Maari ko bang i-share lang yung report ng PIA-CAR, Marie at Oliver?

Mr. Abelleda: Okay, Sir. Kaugnay po nong nabanggit niyo kasi may mga grupo po na nagpo-protesta–

SEC. COLOMA: Sandali lang, Oliver. Humihingi ako ng pahintulot sa inyo bilang karagdagang sagot doon sa aking tanong, na ibahagi yung ulat ng ating PIA Region CAR para ipakita, i-demonstrate sa ating mga kababayan yung kabuuan ng ginagawa ng lahat ng government agencies para sa paghahanda. Pwede ko bang gawin yun sa kasalukuyan?

Mr. Abelleda: Yes, Sir.

Ms. Ruiz: Yes, Sir. Go ahead po.

SEC. COLOMA: Ito, yung sa CAR kasi, ito yung sabi ko nga sinasalamin nito yung ginagawa sa buong bansa sa lahat ng rehiyon. Ang layunin ay tiyakin na ang mga mag-aaral nakapagpalista na, already enrolled at ready to attend school doon sa unang araw ng klase at sa buong bansa, naglunsad ang ating DepED ng Oplan Balik Eskwela. Ito yung kasunod ng Brigada Eskwela na isinagawa nila para ihanda yung mga pasilidad ng mga public schools.

At ano bang iba’t ibang ahensya na katulong ng DepEd? Unang-una, nariyan yung Department of Public Works and Highways, tinitiyak yung pagkumpleto ng mga school building projects at yung pagkumpuni sa mga paaralan para maging maayos ito at magkaroon nang sapat na silid-aralan na gagamitin sa bagong school year.

Nariyan din yung Department of Trade and Industry na ang ginagawa naman ay tiyakin yung pagkakaroon ng abot-kayang school supplies sa pamamagitan nang pagtutok sa galaw ng presyo ng mga school supplies.

Merong din inilunsad ang DTI na gabay sa presyo ng school supplies para hindi magkaroon ng pagsasamantala, na pagtataas ng presyo ng mga kagamitan ng mga mag-aaral.

Iyon namang Department of Health ay nagsasagawa ng education at prevention campaign. Yung sa CAR, ang kanilang ginawa, ay yung meron silang programa na 4S. Ang ibig sabihin ay – ito ay patungkol sa pag-iwas sa dengue at iba pang mga sakit na dulot ng mga lamok. Yung 4S ang ibig sabihin ay: Search and destroy mosquito breeding places; use Self-protection measures; Seek early consultation for fever lasting more than two days; and Say yes to fogging. Kaya yun lang ano, napaka-simple pero napaka-importante yung prevention programs nila hinggil sa kalusugan.

Ito pa, isa pang importanteng aspeto yung Oplan Ligtas Eskwela naman at ang lead agency dito ay yung Philippine National Police. At sa programang ito ay inuutusan ang lahat ng tanggapan ng pulisya na magsagawa ng foot patrol at mobile patrol sa paligid ng mga paaralan at tiyakin yung police visibility.

Meron silang patakaran din dapat ay mayroong police desk sa bawat paaralan sa buong taon at tiyakin din nila yung maayos na daloy ng traffic sa paligid ng mga paaralan at yung kaligtasan ng mga mag-aaral na naglalakbay patungo sa kanilang paaralan at pauwi sa kanilang mga tahanan.

At meron pang pagkilos din ang Philippine Drug Enforcement Agency, sila ay nakikipag-ugnayan nang masinsin sa PNP at mga paaralan para sa pagsasagawa ng anti-drug use seminar sa mga paaralan at pigilin yung paggamit ng iligal na droga sa hanay ng mga kabataan at mag-aaral.

Makikita natin na talagang komprehensibo ang paghahanda at masinsin yung pakikipag-ugnayan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan para tiyakin yung maayos na pagbubukas ng klase sa lahat ng ating mga paaralan, lalong lalo na sa ating mga public schools at ito ay nasasalamin sa lahat ng rehiyon ng bansa.

Iyon lamang tapos na yung aking ulat hinggil diyan, Oliver.

Ms. Ruiz: Maraming salamat, Sir.

Mr. Abelleda: Sir, doon sa ano po, doon sa issue pa rin po nong kaugnay nga nong pagbubukas po ng klase. Kasi may mga grupo na nagpo-protesta ho sila laban doon sa pinakabagong pagtataas po sa matrikula na inaprubahan po ng pamahaalan. Sabi ho nila anti-student daw po ang polisiya ng Aquino administration sa edukasyon. Ano po ang tugon po ng Palasyo kaya dito, Sir?

SEC. COLOMA: Kailangan unawin natin yung sitwasyon ng mga paaralan. Ang tinutukoy mo naman ay yung nagkaroon ng kilos protesta sa tanggapan ng CHED o Commission on Higher Education.

Pansinin natin na maraming institusyon na nagbibigay o naghahatid ng higher education ay mga pribadong institusyon at ito naman ay hindi binibigyan ng budget o subsidya ng ating pamahalaan.

Ang ano mang institusyon na naghahatid ng serbisyo, kailangan nito nang maayos na kalagayang pinansyal para maging mainam yung mga produkto at serbisyong hinahatid nila.

Kaya yun namang ating CHED ay sumusunod sa mga patakaran, sinusubaybayan nila yung operasyon ng mga institusyon na naghahatid nga ng higher education. Kinikilatis yung kanilang mga financial statements at meron namang patakaran sa batas at sa mga administrative regulations ng CHED hinggil sa pagkilatis o yung pag-analisa sa pagiging makatwiran ng mga request for tuition fee increases. Meron din tayong sinusunod na tuition fee law na nag-uutos na ang mga tuition fee increases ang pinakamalakaing bahagi nito ay dapat iukol sa pagtaas ng sweldo ng mga guro at mga non-academic personnel sa mga paaralan.

Kaya sana yung mga tumututol diyan, pag-aralan mabuti yung sitwasyon. ‘Wag tayong maging padaskol-daskol at mapanghusga na hindi pa naman nauunawan yung kadahilanan at yung batayan na ginamit sa pagbibigay ng mga tuition fee increases.

Kabilang din sa prosesong ito ay yung multi-sectoral consultation. Pinapaalam naman sa mga magulang yung sitwasyon ng mga paaralan, pinapaunawa sa kanila ito. At sa lahat ng pagkakataon, ang layunin ay yung tiyakin yung paghahatid nang mataas na kalidad ng edukasyon at magaganap lamang yan kapag maayos ang daloy ng mga pananalapi at resources sa mga institutions of learning natin.

Mr. Abelleda: Okay, Sir. Sir, sa ibang balita naman po, sa ibang issue. Tungkol po doon sa royal clemency po, para sa 15 po nating kababayan sa Qatar. Kasi meron po tayong 15 kababayan doon po sa Qatar na binigyan ho ng pardon, pinalaya po ni Emir Seikh Al Thani ng Qatar. Baka po may statement po dito ang Palasyo po, Sir.

SEC. COLOMA: Nagpapasalamat tayo sa Emir of Qatar, si Sheikh Hamad bin Khalifa al-Thani sa paggawad ng kapatawaran o clemency sa 15 Pilipino sa panahon ng banal na buwan ng Ramadan. Ito ay manipestasyon sa patuloy na mainam na pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at Qatar.

Ms. Ruiz: Sir, meron po bang mga bills na pending ngayon sa Office of the President na galing na sa Congress na malalagdaan po ni Pangulong Aquino bago siya bumaba sa kanyang pwesto sa June 30 po?

SEC. COLOMA: Ayon sa ating pakikipag-ugayan sa Presidential Legislative Liaison Office noong nakaraang linggo, ang batid nilang huling nalagdaang batas ay yung Customs and Tariff Modernization Act at hindi pa ito nasundan. Kailangan alamin natin sa tanggapan… alamin din natin mula sa tanggapan ng Executive Secretary kung meron pang naidagdag na enrolled bills na nalagdaan simula doon sa CTMA at ibibigay natin ang mga kinauukalang update sa ating mga mamamayan, Marie.

Mr. Abelleda: Sir, may ginawa po kasing survey ang Bangko Sentral, iyon pong Consumer Expectations Survey at napakataas po nong… napaka-positibo nong consumer composite index po, 26.6 percent for the next 12 months sa pagpapalit po ng administrasyon. At sabi ho ng Bangko Sentral, ito ay dahil sa mas positibo pananaw sa peace and order tsaka sa availability po ng trabaho at tsaka sa mas matatag po na ekonomiya po natin ngayon, Sir.

SEC. COLOMA: Kailangan nating lalo pang patatagin ang pundasyon ng ating ekonomiya. Nakapagtamo nga tayo ng six-year average of 6.2 percent annual GDP growth na pinakamataas nitong nakaraang apat na dekada. Nakatamo tayo ng investment grade ratings. Mula sa Sick Man of Asia ay itinuturing na tayong Asia’s New Darling or Asia’s Rising Star. At dahil nga sa mainam na performance ng Philippine economy, lalong tumitibay ang kumpyansa at pagtitiwala ng mga mamumuhunan at ng mga galing sa ibang bansa na nais din magtatag ng mga negosyo dito sa ating bansa.

At ang ating Bangko Sentral naman ang siyang nangunguna sa pagpapairal ng monetary policy na kung saan tinitiyak natin yung pag-kontrol sa presyo ng mga bilihin o sa inflation at yung maayos na operasyon ng ating banking and financial systems.

Lahat ng ito ay bahagi ng pangkalahatang programa sa pagsulong ng maayos na pagdaloy ng pananalapi at ng matatag na ekonomiya. Sinasabi nga natin yung good governance translates into good economics.

At yung sa good economics naman, nais natin ito maging inclusive, na lahat ng mga sektor ng ating lipunan, lalo na yung mga maralitang Pilipino ay masama din sa mga biyaya ng pang-unlad ng pang-ekonomiya.

Mr. Abelleda: Sir, sa Mt. Bulusan, Sir, kamustahin lang po natin yung monitoring po dito ng Palasyo. Kasi may mahigit 18,000 po daw ang kababayan pala ang naapektuhan doon sa aktibidad po ng Mt. Bulusan, Sir.

SEC. COLOMA: Ayon sa pinaka-huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense, sina Usec Alexander Pama, ang alert status ng Bulusan Volcano ay Alert Level 1 (abnormal). At ito ang kanilang paliwanag: Merong mga aktibidad sa ilalim ng bulkan na maaring panggalingan ng steam driven eruptions. Binibigyan ng abiso ang mga LGU at ang publiko na hindi dapat pumasok doon sa 4 kilometer radius permanent danger zone para maiwasan ang panganib at maging ligtas.

Ang mga civil aviation authorities din ay pinapayuhan ang mga piloto na iwasan ang paglipad ng malapit sa tuktok ng Mt. Bulusan at ang mga naninirahan naman sa mga bulubundukin at ilog na dinadaluyan ng mga materyales na manggagaling sa pagputok nito o pagpapalabas ng steam at iba pang, at abo, ash materials ay pinapayuhan din na maging mapagmasid doon sa daloy ng lahar, lalo na kung magkakaroon ng pag-ulan.

Yung DOST PHIVOLCS ay patuloy na masinsin na tinutukan ang Bulusan Volcano at lahat ng mga dapat na pag-ingatan at paghandaan na ipinapaabot sa ating mga mamamayan.

Mr. Abelleda: Okay, Sir. Wala na po kaming katanungan.

Ms. Ruiz: Maraming salamat, Sir. Ano lang po, siguro paanyaya muli sa ating mga kababayan doon sa Independence Day celebration natin bukas po.

SEC. COLOMA: Mainam na pinaalala mo yan, Marie. Yung ating pagdiriwang ng ika-118 Araw ng Kalayaan ay isasagawa bukas. Si Pangulong Aquino ang mangunguna sa pagdiriwang na ito. Magkakaroon tayo ng flag raising sa Luneta sa Rizal Park at sa iba’t ibang mahalagang lugar na may kasaysayan, na kaugnay ng kasaysayan ng ating kalayaan.

Sana ay gamitin natin ang pagkakataon para magnilay hinggil sa tunay na kahulugan ng kalayaan at maging makabuluhan ito sa ating mga kababayan sa buong kapuluan at isa pa ring mahalagang aspeto nito ay yung magkaroon tayo ng repleksyon na ang ating kalayaang tinatamasa sa ngayon ay bunsod na rin ng sakripisyo at pakikipaglaban na ginawa ng mga nauna sa atin.

At siguro mainam din na isama sa ating repleksyon, hindi lamang yung malayong nakaraan na kung saan ay pumiglas tayo mula sa mga dayuhang maniniil na sumagkal o pumigil sa ating mga kalayaan, hindi pa nalalayo sa ating alaala yung isinagawa nating EDSA People Power Revolution of 1986 na ito naman ay bunsod din ng protesta sa diktadurya at sa Martial Law na naganap dito sa ating bansa simula nong 1972 hanggang 1986.

Kailangan ding maalala at magkaroon tayo ng repleksyon na kinakailangan talaga yung patuloy na pagmamasid at patuloy na mataas na antas ng kamalayan para labanan ang pagsupil sa ating mga karapatan sa isang demokrasya na ating pinagyayaman dahil ito ang pamana sa ating lahi.

Ms. Ruiz: Maraming maraming salamat, Secretary Sonny Coloma. Mabuhay po kayo.

SEC. COLOMA: Mabuhay din ang Philippine Broadcasting Service Radyo ng Bayan.

Ms. Ruiz: Happy Independence Day. Magkita tayo bukas, Sir.

SEC. COLOMA: Okay, Marie. Magkita tayo bukas sa flag raising sa Luneta at sa Vin d’Honneur sa Palasyo ng Malacañang. Maraming salamat. Magandang umaga po sa inyong lahat.