INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
09 June 2016
ALAN: Sec, ito hong onset ng rainy season, of course, kabilang po sa mga concerns ng ating mga kababayan ay iyong pag-iwas hangga’t maaari doon sa mga lugar na flood prone at saka siyempre sa kalunsuran. Gaya halimbawa dito sa atin sa Metro Manila, traffic lalo’t higit kapag nagkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan. Ano pong mga updates mula doon sa mga concerned agencies natin, ng pamahalaan, kaugnay po sa aspetong ito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Alan, ipagpatuloy natin iyong pagtalakay doon sa mga mahalagang proyekto na inumpisahan, iyong iba ay nakumpleto, iyong iba dahil sa laki ng proyekto ay patuloy pang pinapatupad. Ang focus natin ngayon ay iyong flood management master plan. Nagtatag tayo ng ganitong plano, at ito ay tinutukoy iyong problema ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig na lugar. Ang buong halaga nitong flood management master plan ay P351.72 billion. Iyong dalawang mahalagang components nito ay natalakay na natin noong nakaraan, iyong Mandaluyong Main Drainage Project na P609 million at iyong Blumentrit Interceptor Catchment Area na P600 million din.

Ang iba pang mga proyekto rito ‘no – para lang mabatid ng ating mga kababayan kung gaano kalawak at kung gaano kahalaga iyong pagtutuon natin ng pansin – ay ang mga sumusunod: Pasig-Marikina River improvement and dam construction; mayroon din tayong Meycauayan River improvement na P14 billion; iyong Pasig-Marikina, P198.4 billion; Malabon-Tullahan River improvement, P21 billion; South Parañaque-Las Piñas River improvement P17.3 billion; East Manggahan Floodway kabilang na iyong Cainta at Taytay River improvement, P25 billion; west Laguna Lakeshore land raising, P25.1 million – ibig sabihin nito, pinapataas iyong tambak ng lupa sa tabi ng lawa para hindi na kaagad magbaha; mayroon ding land raising for small cities around Laguna shore, P7.1 billion; improvement of the inflow rivers to Laguna Lake, P637 million; Manila core area drainage improvement, P27.2 billion. Ibig sabihin nito, Alan, iyong mga dinadaluyan ng tubig baha, iyong mga imburnal, iyong drainage, pati iyon ay inayos. Mayroon ding West Manggahan area drainage improvement, 5.5 billion; at iyong Valenzuela-Obando-Meycauayan improvement, P8.6 billion.

Kaya’t makikita natin, Alan, na komprehensibo iyong ginawang pagtukoy sa problema ng pagbaha – sistematiko at komprehensibo at sakop ang mga mahahalagang lugar na ating tinukoy.

ALAN: Opo. And, of course, isa rin sa mga major flood control projects, I understand, Sec., ay iyong dito area ng Camanava, sa northern portion ng Metro Manila na napakababa ng lugar, na kaunting ulan lang o minsan nga ang sabi magha-high tide lang ay nagkakaroon na ng tubig sa ilang mga portions po, Sec. Sonny, sir.

SEC. COLOMA: Kasi kabit-kabit lahat iyan, ano. Systemic kasi dapat ang approach natin. Iyong mula sa pinanggagalingan ng tubig, sa itaas o sa bundok, mayroon nang sumasalo doon, may mga catchment area na; pagbagsak sa low land, mga may mga flood control mechanisms sa iba’t ibang ilog; at hanggang doon sa imburnal o doon sa drainage ay inasikaso natin iyong pagtiyak na magiging maayos ang daloy ng tubig, hindi mabibinbin sa isang lugar para maiwasan nga iyong pagbaha.

ALAN: Opo. Well, kasabay niyan, ‘pag umuulan at nagkakaroon ng tubig sa mga kalsada ay ang higit pang pagsisikip ng trapik sa Metro Manila at iba pang mga metropolis. Sa aspetong ito, Secretary, we understand na nagtutulung-tulong rin ang MMDA, iyong Department of Public Works and Highways para po mapagaan ang trapik sa Metro Manila, sir?

SEC. COLOMA: Ganoon nga, Alan. Umpisahan natin sa pinaka-simple, iyong implementation ng LTFRB, LTO at MMDA ng interim transport terminals para sa loading and unloading of passengers ng mga public utility vehicles o buses at mga AUVs plying provincial routes, entering Metro Manila. At iyong maayos na paglipat nila sa mga city buses naman at mga AUVs. Kasi nga ‘no maraming mga taong pumapasok sa Metro Manila galing sa probinsya, maayos dapat iyong paglipat, maayos dapat iyong pag-unload ng mga pasahero kaya inasikaso natin iyan. At dahil diyan ay nakatulong kahit bahagya sa pag-ayos ng problema ng trapik sa EDSA.

Pero iyong pinakamahagala dito, Alan, ay iyong mga long-term solutions. Of course, kapag sinabi nating long-term solution, ibig nating sabihin ay mass transit o mass transport projects. So kung pahihintulutan, i-enumerate ko na lang muna ‘no iyong major initiatives dito ‘no.

ALAN: Sige po.

SEC. COLOMA: Again, Alan, pinupunto natin, iyong ilan dito ay naumpisahan, pinapatupad, may nagawa na pero marami pa rin dito ay ongoing o nasa tinatawag nating pipeline na mayroon lang talagang dapat gawin para maumpisahan. Pero mahalaga kasi na malaman din ng ating mga kababayan, hindi naman ito mga off-the-shelf items. Hindi katulad nung pupunta tayo sa sari-sari store, bibili tayo ng isang delata ng mackerel o sardinas, off-the-shelf makukuha. Iyong mass transit system kasi kailangan iyong mahabang pagpaplano, iyong detalyadong technical feasibility study, sapagka’t pinupondohan ito ng mga malalaking institusyon kaya’t mayroon tayong tinatawag na public-private partnership projects, at nasisiyahan tayo na masigla ang partisipasyon ng private sector.

Umpisahan na natin, Alan. Iyong pinaka-nakikita natin, acquisition of 48 new coaches for MRT 3, two batches of which already started running noong nakaraang buwan, at dahil dito, mahigit sa doble ang pagdagdag ng kapasidad. Kung sa ngayon, ang actual capacity lang ay 300 to 350,000, kapag nakumpleto iyong delivery ng lahat ng 48 coaches ay hanggang 800,000 passengers na ang kakayaning dalhin. At ang delivery ng mga natitirang mga bagon, inaasahan nating makukumpleto sa January 2017 o iyong seven months, pero kinailangang umpisahan noong mga nakaraang taon.

Ikalawa, LRT 1 Extension Project. Ikukonekta iyong Baclaran doon sa Cavite ‘no, iyong sa lugar ng Niog ang tawag sa Dasmariñas, Cavite, sa pamamagitan ng dagdag na walong istasyon. Sumunod naman diyan, LRT 2 Extension to Masinag na inaasahang makukumpleto by the 3rd quarter of 2017, sa isang taon na ito. Iyong westward extension from Recto up to Pier 4 in Manila is also in the pipeline. Iyong sa Masinag, kitang-kita ito ng ating mga kababayan na naninirahan sa eastern part ng Metro Manila ‘no, under construction na po ito. Iyong MRT 7 which will run between North Avenue in Quezon City and San Jose, Del Monte in Bulacan, sinimulan na iyong construction noong April 2015, at kapag nakumpleto, makakalulan ng up to 350,000 passengers per day.

Ito, araw-araw na dinadaan natin ito, Alan, at kitang kita na rin na malaking progreso na ang nagawa, matatapos ito in less than a year, sa 2017. Ang tinutukoy ko ay iyong Skyway Stage 3 na magdudugtong sa NLEX at SLEX via elevated toll road. At iyong travel time between Buendia in Makati and Balintawak in Quezon City, mula dalawang oras, bagsak ito sa bente minutos, Alan. Ito’y napakalaking ginhawa doon sa mga pupunta ng, halimbawa, Muntinlupa o Parañaque pupunta ng Caloocan, pupunta ng Quezon City, napakalaking ginhawa nitong Skyway Stage 3.

Mayroon ding itatatag na Manila Bus Rapid Transit System. Ito ay 12.3-kilometer segregated bus rapid transit mula Quezon Memorial Circle to Manila City Hall ‘no. Malapit nang masimulan ito.

At ito’y nagawa na, opening of two new Philippine National Railway stations in Cabuyao and Mamatid in Laguna na pinalawig iyong commuter service ng PNR. Dinagdagan din ng additional terminals iyong Pasig River ferry service at hinabaan iyong operating hours. Mayroon ding traffic engineering project na mahalaga ‘no, re-alignment of the median island on Commonwealth Avenue from Litex to Doña Carmen. Ito ay paghahanda doon sa construction ng MRT 7 na tinalakay natin kanina. At inayos din iyong Quirino highway, Mindanao Avenue roundabout para maging maayos ang daloy ng trapiko.

Kaya makikita natin, Alan, na talaga naman kahit hindi masyadong napapahayag sa mga mass media outlets natin, patuloy iyong pagpapatupad ng mga mahahalagang infrastructure project. At dahil nga ang karamihan dito, lalo na iyong mga mass transit system, ay matagal ang gestation period na tinatawag ‘no, mula conceptual hanggang ma-implement, kinakailangan talagang maumpisahan. Kahit hindi po natapos sa loob ng Aquino administration, tiyak naman iyong pakinabang ay matatamo sa mahaba pang panahon simula sa isang taon.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli, salamat po nang marami sa updates mula sa Palasyo.

SEC. COLOMA: Maraming salamat. Magandang umaga, Alan.