INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
07 June 2016
ALAN: Secretary Coloma, sir, ito pong nagdaang mga araw ay panay na ang pag-ulan lalo na sa hapon at gabi. And I remember about two weeks ago ay officially inianunsyo na rin ng PAGASA ang onset ng rainy season. Kumusta po ang koordinasyon at mga paghahanda ng mga concerned agencies para dito sa onset ng tag-ulan at ito nga pong La Niña, may kaugnayan na rin sa climate change, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Nakatutok na ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya sa paghahanda at paghaharap sa banta ng senaryong La Niña. Ito ay kabaligtaran ng El Niño na kung saan ay dumanas ang ating bansa simula noong Agosto 2015 ng tagtuyot. Ito naman ay kabaligtaran, ang La Niña phenomenon naman ay tuluy-tuloy na pag-ulan at inaasahang mga malalaking baha ang magiging kasunod ng malakas na pag-ulan, Alan.

ALAN: Opo. And, of course, pagdating po sa pagpapahayag naman ng impormasyon sa ating mga kababayan, regular na nakatutok diyan ang PAGASA, nariyan din ang NDRRMC at iba pang mga concerned agencies. Kumusta naman po ang information sharing ng mga ahensiyang ito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: May mas malaking larawan diyan, Alan, mas importante kaysa doon sa binanggit mo. Napakalimitado kasi nung binanggit mo; iyon ay para lang sa gobyerno. Mainam na pagkakataon ito para balik-tanawin, ano ba ang ginawa ng Aquino administration para maibsan ang panganib at ligalig at pinsala na dulot ng matinding climate change na iyon nga ang kinakaharap ng buong daigdig. Matatandaan natin doon sa ating Philippine Development Plan, iyong Climate Change Mitigation and Adaptation, iyon ang isa sa mga haligi at pinakamataas na prayoridad ang binigay diyan.

So umpisahan natin doon sa pagbibigay ng impormasyon. Ang inilagay at itinatag ng Aquino administration ay iyong improved weather forecasting, hazard mapping at information dissemination sa pamamagitan ng PAGASA Modernization Act at iyong DOST – Department of Science and Technology’s Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards). Kahit sinong mamamayan ay puwedeng magtungo ngayon sa NOAH website, at malalaman iyong eksaktong estado ng panahon. At sa panahon ng bagyo, halimbawa ‘no, malalaman kung gaano kalakas ang ulan, gaano kataas ang baha; at marami ng buhay, libu-libong buhay ang naligtas at napangalagaan sa pamamagitan ng napapanahon at epektibong komunikasyon ng mga early warnings, lalo na sa panahon ng emergency.

Nagkaroon din po ng installation ng automated weather equipment sa iba’t ibang lugar para makapagsagawa ng location specific forecast. Iyong atin pong forecasting ngayon ay seven days ahead na. Isang ganap na isang linggo nakalatag na po ang forecast, at hindi katulad noong dati na tila hinuhula-hula lamang ang ginagawang pag-anunsyo.

Doon naman sa pagbabaha, kung maalala mo, Alan, meron tayong naranasan na napakalakas na pagbaha na parang flashflood na ikinasawi ng libu-libong mga mamamayan sa dalawang lunsod ng Cagayan De Oro at Iligan. Ito ay noong December 2011, at ito iyong Typhoon Sendong. Ang nangyari diyan, mayroon tayong mga kababayan na nakatira sa isang natuyong sandbar. Imadyinin (imagine) po natin iyong mayroong ilog, may natuyong parte doon sa gitna ng ilog, pinahintulutan iyan na pamahayan, nagkaroon ng mga human settlement po diyan. Halos isanlibong bahay iyong nasira, nasa kalagitnaan ito ng ilog sa Cagayan De Oro – iyan iyong tinatawag na Isla De Oro. At doon naman sa Iligan, which is about 80 plus kilometers away, marami ring nasawi dahil doon sa rampaging flood waters na meron pang dalang mga troso galing sa kabundukan. Ang solusyon po diyan, nag-install po ang DOST ng instrumentong moderno sa labingwalong major river systems ng ating bansa, sa buong Pilipinas, para sa lahat ng panahon ay natututukan, nalalaman kung gaano kataas ang tubig doon sa mga river systems na iyan. Dahil kapag nag-overflow iyong river, iyon iyong pinanggagalingan ng matinding pagbaha na kasama doon sa La Niña phenomenon. So, meron na pong naka-in place na mga pinaka-modernong kasangkapan for weather forecasting, sa pagtataya din ng pagtaas ng tubig.

Maalala rin ng ating mga kababayan diyan sa Marikina na lubhang nasalanta ng Typhoon Ondoy noong 2009, makailang beses na pong nagkaroon ng habagat – iyong sunud-sunod na pag-ulan, Alan – at nabigyan sila ng napapanahong warning dahil namo-monitor kung gaano kataas iyong tubig na maaaring maging mapanganib.

So, iyan iyong mga importanteng naitatag natin – iyong early warning system, accurate weather forecasting, pati iyong tracking of water level sa major river systems. Isa pang mahalagang proyekto diyan, with respect to flood control naman sa Metro Manila, iyong upgrading and rehabilitation of old pumping station. Mayroon din pong P609 million Mandaluyong main drainage project, at iyong P600 million flood control project doon sa Blumentritt interceptor catchment area. Batid na batid natin, tayong mga taga-Metro Manila, Alan, kaunting ulan lang, bahang-baha na iyong España. Kaya diyan nilagay iyong Blumentritt Interceptor Catchment Flood Control Project.

So, iyon po ang mga naitatag na sistema, pamamaraan, equipment para sa ganap na kahandaan ng ating mga mamamayan. Bukod pa diyan, nagpatupad ng nationwide moratorium on illegal logging dahil ito po ang nakitang sanhi ng massive flooding sa Davao at Caraga regions na hinagupit ng Typhoon Pablo in 2012. Iyon pong kaakibat nito, iyong National Greening Program, nagtayo ng daan-daang libong mga puno, bagong puno, para ma-reverse iyong massive denudation ng ating mga forest, Alan. Dahil kapag kalbo na iyong bundok ay wala nang absorption ng rainwater, bibilis iyong pagdaloy nito pababa at maglilikha talaga ng malalaking baha. Kaya’t makikita natin sa nakaraang anim na taon ay talaga namang napatatag iyong ating kakayahan sa larangan ng disaster preparedness and mitigation at iyong pagharap sa mga hamon ng climate change.

ALAN: Opo. Naalala ko rin, Secretary, iyong patuloy, iyong work-in-progress na iyong geo-hazard mapping ng buong bansa para maiparating mismo doon sa mga LGU officials, at sila mismo ay aware doon sa mga kundisyon ng kanilang lugar kung sakaling magkaroon ng malakas na pag-ulan, alin iyong unang babahain at mabilis din nilang mai-disseminate sa kanilang mga nasasakupan, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyan. With respect to that, mayroon tayong naalala na malagim na trahedya ‘no. Iyong sa Guinsaugon at sa Saint Bernard, Southern Leyte, iyong malaking pagguho ng bundok na libu-libo rin ang natabunan. Ito na ngayon ay isang modelo ng UN at iba pang mga international agencies at disaster preparedness. Iyong mga aral na nakuha doon sa trahediyang iyon, na-turnaround po ng mga kapatid nating … mga mamamayan doon sa Guinsaugon at Saint Bernard, Southern Leyte. At sila ngayon ay nagbayanihan, nagtatag ng mainam na disaster preparedness program na ginagawang modelo maging ng United Nations. At sa ahensiya naman natin na PIA, iyon pong pagpapalaganap ng mga geo-hazard maps, bubuksan na lang iyong website ng PIA – pati sa DENR ay mayroong impormasyon na katulad niyan – makikita iyong analysis ng isang lugar kung ito ay prone to flood at prone to landslide. At sa maraming lugar, ginagawang gabay na ito sa re-zoning at relocation – iyong mga may kabahayan sa mga malubhang panganib na lugar ay nire-relocate para mailayo sila sa panganib.

ALAN: Opo. Well, Secretary, sir, muli, salamat po nang marami for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.