Press Briefing by PCOO Sec. Sonny Coloma

Press Briefing Room, New Executive Building, Malacañang
06 June 2016

Q&A:

Lei Alviz (GMA-7): Sir, meron pong information na nilabag daw po ni Pangulong Aquino ‘yung appointment ban by appointing some fiscals and judges bago po mag-May 9 pero po nag-oath po sila…

SEC. COLOMA: Baka March?

Ms. Alviz: March, I’m sorry, sir, March po. Nag-oath po sila March 9 or 10 tapos po pinalabas lang daw doon sa document na March 8 po sila nag-oath?

SEC. COLOMA: Ang tangi ko lang masasabi ay sa lahat ng mga ganyang — mga aksyon katulad ng pagnombra ng mga opisyal ay tumatalima at tumalima sa batas ang kasalukuyang pamahalaan.

Ms. Alviz: Sir, comment po doon sa parang pagiging masigasig po ngayon ng pulisya sa paghuli po ng mga drug pushers?

SEC. COLOMA: Tungkulin naman nila iyan ano, wala namang time limit, wala namang iba pang konsiderasyon kung hindi ‘yung pagtupad sa tungkulin na pangalagaan ang seguridad at kaayusan sa ating mga komunidad.
So wala pong season para diyan. Ito ay isang 24/7 na tungkulin ng ating Pambansang Pulisya at iyon ang kanilang ginagampanan.

Roices Sibal (TV-5): Sir, doon lang po sa transition. Ang mangyayari po ba per agency or per department na ‘yung meeting at wala na ‘yung parang as a group ‘coz iyon po ‘yung sinabi ni Martin kanina when we asked him if may na-set na ba na meeting ang dalawang groups — transition teams?

SEC. COLOMA: Ang batid ko langn ay ‘yung naganap ng meeting between Executive Secretary (Paquito) Ochoa and the incoming Executive Secretary.
Nasa kanila naman iyon. Handa din naman iyong ating Presidential Transition Committee to meet with them pero nakita naman natin, bawat isang Cabinet secretary designate nagkaroon na ng inisyatiba na umpisahan itong dayalogo na ito bilang bahagi ng transition at nagaganap naman ito sa maraming kagawaran as we speak.

Ms. Sibal: Sir, how about ‘yung transition report nakumpleto na po ba kasi ‘yung deadline po, I believe, was May 31?

SEC. COLOMA: Katulad nang aking ipinaliwanag kanina, Roices, inumpisahan na ‘yung pagbigay sa Transition Committee ng Duterte administration ‘yung mga ulat na nakumpleto na at nabuo na at patuloy pa rin naman itong prosesong ito as the reports are coming in and being completed. Ipinapasa naman kaagad sa kanila ito.

Ms. Alviz: Sir, ano po ang masasabi niyo doon sa incidents po lately between President-elect Duterte and the media na ang pinakahuli po e binoycott daw po ni President-elect ang media?

SEC. COLOMA: Hindi, a cuentas claras lang po tayo. Ako po ay tagapagsalita ni Pangulong Benigno S. Aquino III. Baka po iyong mga tanong hinggil sa susunod na Pangulo mas angkop na iyan ay sasagutin ng galing naman sa kanyang pangkat.

As for our President, nagsabi na po siya sa maraming interviews na he prefers to keep quiet even for a year dahil siya mismo hindi nakapag-enjoy ng ganyang respite ‘nung siya ay umupo sa pwesto noong 2010.

Baka po mas mainam na ang mga katanungan ninyo hinggil sa mga pahayag, patakaran, polisiya ng Duterte administration ay sa kanila ihain at hindi na po sa amin.

Deo de Guzman (RMN): Sir, different topic naman po. How is the government preparing po — the Aquino administration para po doon sa last na Independence Day ni Pangulong Aquino sa Sunday?

SEC. COLOMA: Tinanong na iyan, Deo, ‘nung panayam natin noong Sabado. At buong-buo ang transcript ‘nung panayam na iyon pero para sa iyong kapakanan ay ibabahagi ko ang ilang highlights.

Unang-una, ang lead agency kasi diyan ay ‘yung National Historical Commission of the Philippines at sila ang hintayin nating mag-aanunsyo kung ano ang tema, kung ano ang official program.

Ang pwede kong maibahagi sa iyo ‘yung mga nakalap ng aking ahensiya, Philippine Information Agency, na kumakatawan sa akin sa mga pulong na iyon. Isa sa mga aktibidad na isasagawa sa area ng Rizal Park at Luneta Grandstand on June 12 ay iyong paghahatid serbisyo ng iba’t ibang ahensiya katulad ‘nung DOLE Job Fair, ‘yung DTI Diskwento Caravan, ‘yung free medical and dental mission ng DOH at maaaring ma-replicate din ito sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.

As for the President, ang batid nating opisyal na palatuntunan niya so far ay ‘yung pagdaraos ng Vin d’Honneur dahil ito ‘yung traditional na reception for ambassadors, delegates and representatives ng iba’t ibang bansa na pangkaraniwang nagbibigay-pugay sa pagdiriwang ng ating Araw ng Kalayaan.

Meron pang mga additional information na hinihintay tayo at tinitiyak ko sa inyo agad itong ipapaalam kapag naisapinal na ng National Historical Commission.

Vic Somintac (DZEC): Sir, isa lang. Iyong tungkol po naman sa inauguration, ano po ‘yung final preparations na?

SEC. COLOMA: Katulad din po ‘nung aking nakaraang tugon, ito po ay inauguration nang papasok na Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ako po ay nagsasalita lamang para kay Pangulong Benigno S. Aquino III.
Sila po ang panggagalingan ng mga kalatas tungkol sa inauguration program nila.

Mr. De Guzman: Sir, iyon pong Bahay Pangarap, paano na pong ginagawa ng Pangulo? Nagpa-pack na po ba siya pauwi ng Times? Kamusta na po ‘yung…Kayo naman po nag-i-impake na rin po ba kayo dahil malapit na rin naman po?

SEC. COLOMA: Meron yatang lumabas na ibang mga portions ng kanyang pakikipagpanayam sa ibang pahayagan at nagbigay siya ng ilang salaysay tungkol sa ginagawa niya hinggil sa paghahanda.

Pero huwag din nating kalimutan, mga kaibigan, na sa araw-araw, bawat araw ngayon hanggang sa June 30 ay on-the-job pa rin ang ating Pangulo at tinutukoy pa rin niya ‘yung mga dapat tukuyin  ng isang nakaupong Pangulo ng Republika.

Pumipirma po siya ‘nung mga isinumite na mga enrolled bills, marami-rami din po iyon. Kaya nga napansin ninyo during the recent days, may inaanunsyo tayo na mga inaaprubahan na bagong Republic Act. Iyong sa Customs, ‘yung increased penalties for smuggling, iyong DICT, PDIC, iyong Customs and Tariff Modernization Act. Bukod doon, iyong 24/7 na pagsubaybay sa mga nangyayaring kaganapan sa buong daigdig. Lahat po ng mga ito ay tinututukan pa rin ng Pangulo at ng Tanggapan ng Pangulo at ng lahat ng mga kagawaran at tanggapan ng ating bansa as we speak, at gagawin po ito hanggang sa kahuli-hulihang araw ng termino.

Ms. Sibal: Sir, iyon isa pong former PDEA agent pinangalanan po si Secretary Ochoa and PDEA Director (Arturo) Cacdac as protectors daw po ng mga drug lord dito sa bansa. Would you like to comment?

SEC. COLOMA: Mahirap kasing magkumento sa hindi nabasa o alam ‘yung mga background niyan. So baka kailangang tingnan muna natin, ano bang klaseng pahayag iyon? In what context ba sinabi? 

Hindi ako pwedeng mag-ouido dito at magbigay lang ng kahit anong sagot lalo na’t maselan iyang pinag-uusapan nating iyan, lahat na topic tungkol diyan.

Okay mga kaibigan? Basta’t sa mga darating na araw ay naririto pa rin ako, nandiyan pa rin kayo. Patuloy nating gagampanan ang ating tungkulin.

Maraming salamat. Magandang hapon sa inyong lahat.