INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Anchored by Rey Sampang, 05 June 2016
Mr. Sampang: Ang unang katanungan po, Secretary, mula sa ating Malacañang Press Corps, ito raw po bang Malacañang ay agree sa proposal ni US Defense Secretary Ash Carter na i-expand pa ‘yung tinatawag niyang “security of network” sa Asia Pacific region?

SEC. COLOMA: Linawin lang ano, security network sa Asia Pacific region ang tinutukoy ni Secretary Ash Carter, iyon ba ang nasa tanong, Rey?

Mr. Sampang: Opo, Secretary.

SEC. COLOMA: Sa kasalukuyan, meron nang umiiral na pagtutulungan sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas sa aspeto ng pagpapahusay ng kakayahan at pagpapabuti ng kagamitan ng pwersang militar ng ating bansa alinsunod sa mga prinsipyo ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Sa higit na malawak na larangan, ang mga bansang kasapi ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) ay patuloy ding nakikipag-ugnayan sa Estados Unidos sa pagtukoy sa mga usaping pangseguridad sa rehiyon.

Ang batayang prinsipyo sa ugnayan at kooperasyon ay ang pagkakaisa sa pagkakaroon ng kaayusan sa rehiyon na kung saan ang mga pandaigdigang patakaran at pamantayan at ang karapatan ng lahat ng bansa, malaki man o maliit, ay kinikilala at iginagalang.

Sa wikang Ingles: We affirm our shared commitment with the rest of ASEAN and the United States that regional stability rests upon a foundation of international laws, rules and norms; and that there is need to respect the rights of all nations regardless of size.

Mr. Sampang: Secretary, para po sa ikalawang katanungan mula po sa ating mga kasamahan sa Malacañang Press Corps, ang reaksyon naman daw po ng Palasyo gusto nilang malaman regarding po dito sa naging pahayag ng Chinese Director for Foreign Affairs nila ano po at sinasabing i-ignore daw po at hindi papansinin, i-ignore ‘yung magiging desisyon ng international arbitral tribunal hinggil po dito sa claim sa West Philippine Sea, Secretary?

SEC. COLOMA: Ang inihaing petisyon ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration ay bilang pagtalima sa rule of law na nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na kung saan isa ang Pilipinas sa 166 na mga bansang nag-ratipika ng nasabing kasunduan.

Ang hakbang ng Pilipinas ay patuloy na umaani ng suporta mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Mr. Sampang: Opo, Secretary. For the third question po today, meron daw pong mga concerns sa welfare — meron daw po bang mga concerns sa welfare ng mga sibilyan na naiipit ngayon po sa labanan sa pagitan ng militar at nito pong Maute group?

SEC. COLOMA: Masinsing tinututukan ng pamahalaan ang kalagayan at kapakanan ng ating mga kababayan sa Butig, Lanao del Sur na apektado sa isinasagawang military operation laban sa Maute group.

Hindi tumitigil ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) at iba pang ahensiya ng gobyerno sa paghahatid ng tulong at humanitarian assistance sa mga residente ng nasabing lugar kabilang na ang mga pamilyang kasalukuyang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Maliban sa food packs, nakapamahagi na rin ng hygiene kits at nagbibigay ng kaukulang psychological support sa mga apektadong pamilya.

Mr. Sampang: Sec, isa pang katanungan, reaksyon daw po ito — hinihingi rin daw po ang reaksyon ng Palasyo dito po sa hamon ni President-elect Rodrigo Duterte, dito po sa sinabi niya na may tatlong PNP Generals sa Kampo Krame na magbitiw na sa pwesto dahil sangkot daw po itong mga ito sa iligal na droga at kung hindi papangalanan daw po niya ang mga ito sa publiko?

SEC. COLOMA: Isa sa mga mahahalagang haligi ng administrasyong Aquino ang pagsugpo sa katiwalian sa lahat ng antas at ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Pambansang Pulisya.

Anumang hakbang hinggil sa pagkamit ng hangaring ito ay kinakailangang bigyan ng suporta.

Ang panawagan ni President-elect Duterte sa ilang miyembro ng PNP (Philippine National Police) ay kabilang sa kanyang prerogative bilang halal na Pangulo.

Magkagayunpaman, anumang pagkilos laban sa katiwalian ay marapat pa ring tumalima sa tamang proseso alinsunod sa mga isinasaad ng batas.

Mr. Sampang: All right, Secretary. Iyon po ang kabuuan ng mga katanungan mula sa ating mga kasamahan sa Malacañang Press Corps not unless meron pa ho kayong nais na iparating pang mensahe sa mga nakikinig po.

SEC. COLOMA: Katulad ng dati, Rey, kung meron pang karagdagang tanong ang ating mga kaibigan mula sa Malacañang Press Corps ay maaari naman nila itong iparating sa usual na paraan at tutugunan po natin ang mga katanungang iyan.

Maraming salamat po inyong pagsubaybay sa ating panayam ngayong umaga.