June 01, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 118th Anniversary of the Philippine Navy
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 118th Anniversary of the Philippine Navy |
Pier 13 , South Harbor, Manila |
01 June 2016 |
Bilang inyong Commander in Chief, ito na nga ang huli kong talumpati sa harap ng ating magiting na Hukbong Dagat ng Pilipinas. Sa paglipas ng halos anim na taon nating pagbagtas sa tuwid na landas, di ko maiwasang balikan ang ating mga napagdaanan.
Isa sa mga unang krisis na ating hinarap bilang Pangulo ay ang namumuong tensyon sa Korean peninsula noong 2010. Bunga ito ng paglubog ng isang South Korean ship, pati na ng diumano’y pagkanyon sa isa sa kanilang mga isla. Ang naging hamon sa atin: Nasa 50,000 ang mga kababayan natin doon ang kailangang ilayo sa peligro. Tinanong natin: Anong assets ang puwedeng gamitin para matiyak ang kanilang seguridad? Ang unang binanggit: Isang C-130. Tinanong natin ang kapasidad nito. 100 katao daw. Gaano naman katagal ang isang biyahe? Mahigit kumulang 10 oras. Nang kwentahin nga po natin: 50,000 divided by 100. Papatak ng 500 trips. At kung bawat isa sa mga biyaheng iyon ay aabutin ng 10 oras, para mailikas silang lahat ay susuma ito ng 5,000 oras, o nasa 208 araw. Siyempre po, nagtanong pa tayo ng ibang asset. Ano pa ba ang meron tayo? Ang sagot sa atin: Isang barko, na kayang magsakay ng 1,000 katao. Iyon nga lang, aabutin ng 10 araw ang isang biyahe. Di na nga po natin tinanong kung papunta na yan at pabalik, dahil malinaw namang kukulangin din tayo sa oras. Baka tapos na ang bakbakan, di pa tayo tapos maglikas. Para kumpletuhin na po ang kuwento: Meron tayong kaalyadong bansa na napakiusapan nating tanggapin ang 50,000 nating kababayan. Di hamak na mas malapit ang bansang ito sa Korean peninsula. Dahil doon, mas madali nating masusundo ang ating mga kababayan. Sa kabutihang palad po, nakabalik ang ambassador ng Korea, at binigyan tayo ng briefing. Sa kanilang tantiya, bumababa na raw ang tensyon, at mukhang di na matutuloy ang gulo. Ang punto lang po ng kuwentong ito: Hindi madali ang sitwasyong dinatnan natin sa Hukbong Dagat ng Pilipinas at ng buong Sandatahang Lakas. Napakabigat ng atas ng sambayanan sa inyong serbisyo; subalit tila napabayaan kayo ng sinundan nating gobyerno. Tayo naman, hindi kinailangang maging unipormado, para malaman ang mga kakulangan sa inyong mga sasakyan at kagamitan, pati na ang iba pa ninyong mga pangangailangan. Batid kong sa limitadong kakayahan, tungkulin pa rin ninyong araw-gabing bantayan ang 36,000 kilometro nating coastline, pati na ang ating exclusive economic zones at territorial waters. Bilang kawal, bago ka ma-promote, kailangan mo rin ng katakot-takot na sea command, pero ang masakit, tila wala ka namang iko-command. Ngayon, makalipas ang halos anim na taon, kayo na siguro mismo ang makakapagsabi: Nabigyang-lakas na natin ang inyong hanay. Pinasigla natin ang inyong surface fleet, gumanda na ang ating air arm, binubuhay na natin ang anti-submarine capability; at ang lahat ng ito, nagagamit na natin sa national security operations. Di po ba, noon, napipilitan na lang kayong idaan ang misyon sa tapang at abilidad? Ngayon, ibinibigay na ang mga kasangkapan at kagamitang kayo mismo ang tumukoy, para maging mas mahusay kayo sa pagtutupad ng inyong sinumpaang tungkulin. Mula Hulyo ng 2010 hanggang nitong Mayo, para sa AFP Modernization and Capability Upgrade Program, nakapag-release na ang inyong gobyerno ng suma-total 60.14 billion pesos. Halos doble po ito ng pinagsama-samang nailaang pondo ng nakaraang tatlong administrasyon. Sa parehong panahon, umabot na sa 68 proyekto ang natapos natin, kumpara sa 45 ng tatlo nating sinundan. Para sa Navy, tangan na natin ngayon ang limang Naval Helicopters at tatlong Multi-Purpose Attack Craft. Bukod sa mga ito, paparating na rin ang iba pang assets, tulad ng dalawang Frigates, dalawang Anti-Submarine Warfare Capable na Helicopters, at ang pangatlo nating Weather High Endurance Cutter. Kanina, pormal na rin nating kinomisyon itong BRP Tarlac, ang pinakamalaki nating sasakyang-pandagat, at ang kauna-unahang Strategic Sealift Vessel ng ating Philippine Navy. Kumpara sa mga nauna nating barko, mas mabilis ito, mas maaasahan, at mas marami ang kayang ikarga. Napakalaki po ng maitutulong nito sa pagseserbisyo ng ating hukbo. Magsisilbi itong multi-role vessel, na maaaring gamitin, di lang sa military operations, kundi maging sa humanitarian assistance, disaster response, sealift and logistics, mobile government administration, search and rescue, at mass evacuation. Sa susunod na taon, inaasahan natin ang pagdating ng isa pang barkong tulad nito. Kasama rin sa ating nakomisyon ngayon ang mga Landing Craft Heavy na Agta, Iwak, at Waray. Lima na po ang ganitong uri ng barko natin ngayon, na tutulong din sa ating humanitarian assistance at disaster response. Ngayong Hunyo naman, paparating na rin ang RV Melville, na isang general purpose oceanographic research vessel, na makakatulong sa pagmamapa natin ng seabed at ocean floor. Tinutukan din natin ang iba pa ninyong mga pangangailangan. Pinirmahan natin ang Executive Order No. 201 nitong Pebrero, na nagpataas ng inyong Monthly Hazard Pay, Provisional Allowance, at Officers’ Allowance. Isama pa natin ang inyong Monthly Combat Pay, Subsistence Allowance, at siyempre, ang AFP/PNP Housing Program. Ngayon po, sinasabi ba nating kumpleto na ang lahat ng inyong pangangailangan? Hindi po. Ang punto lang po natin dito: Sa halos anim na taon, taas-noo nating masasabing talagang sinagad natin ang lahat ng ating makakaya, para paunlarin ang ating unipormadong hanay. Mula sa World War II era, naisulong natin ang Navy sa modern era. Kung dati nga po, pag nasa Navy ka, ang pakiramdam ay aping-api kayo at huling napapansin lalo na kapag walang issue, ngayon, palagay ko naman, pwede nating sabihin na ang kinakalinga ninyong mamamayan at estado, talagang kinakalinga na rin kayo. Gayundin, masasabi ko: Kasabay ng pagbibigay-lakas ng inyong gobyerno sa inyong hukbo, tinapatan din ninyo ang lahat ng ito ng wagas na serbisyo sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Mula sa pagtutok sa ating panloob na seguridad; sa pinaigting na pagpapatrolya at pagbabantay sa ating teritoryo, partikular na sa West Philippine Sea; hanggang sa pag-agapay sa ating mga Boss, lalo na sa panahon ng sakuna at kalamidad. Sa patong-patong na problemang hinarap ng Pilipinas, patong-patong na dunong, husay, at tibay din ang inyong ipinapamalas. Kaya nga, sa ngalan ng bawat Pilipinong araw-araw ninyong pinapanatag ang loob at inilalayo sa peligro: Maraming, maraming salamat sa inyo. Sa pagtatapos ng ating termino, talagang masasabi kong suwerte ako sa lahat ng naitalaga nating Flag Officer in Command. Mula kay Rear Admiral Danilo Cortez, Vice Admiral Alexander Pama, Vice Admiral Jose Luis Alano, Vice Admiral Jesus Millan, hanggang kay Vice Admiral Caesar Taccad—lahat sila, sa bawat misyong ating itinatalaga, parating listo at maaasahan. Kailanman, di ako hinarap nang may bitbit na puro palusot at pagdadahilan. Siyempre, di naman nila magagampanan nang mabuti ang kanilang tungkulin, kundi dahil sa bawat kawal at kawaning nakibalikat sa kanilang serbisyo. Sa inyong lahat: Maraming salamat. 29 na araw na nga lang po, bababa na ako sa puwesto. Halos anim na taon din tayong nagsilbi bilang Ama ng Bayan, at inyong punong komandante. Hanggang sa mga huling araw ko, talagang hindi ko malilimutan ang panahong ito, kung saan tumindig ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, at nagpamalas ng di matatawarang serbisyo at malasakit sa kapwa at bayan. Tiwala naman ako: Kapag tumuloy tayo sa nasimulan nating landas, pihadong gaganda pa ang serbisyo sa inyo, at ang serbisyo ninyo sa ating bansa. Sa inyong lahat: Isang napakalaking karangalan ang pamunuan kayo. Isang karangalang magsilbi nang tapat at totoo sa ating dakilang lahi, ang sambayanang Pilipino. Maligayang anibersaryo sa ating Philippine Navy. Maraming salamat po. |