INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
26 Jan 2016
ALAN: Sec, kahapon po ay officially nilabas na iyong balita na lalagdaan na ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III iyon pong para sa privatization ng IBC-13. Ano pong mga detalye tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Ang mahalaga dito, Alan, ay iyong mabatid ng ating mga mamamayan na tinupad po natin iyong ating pahayag sa pag-umpisa ng administrasyon ni Pangulong Aquino na isa lamang na government TV station ang papanatilihin at palalakasin, dahil hindi naman kailangan ng gobyerno ng mahigit sa isa. Simula pa nung 1986 ay na-sequester at napasailalim ng government supervision iyong IBC-13, iyong Intercontinental Broadcasting Corporation, at sa mahabang panahon din iyong Radio Philippines Network o RPN 9. Ngunit sa kasalukuyan minority na lamang ang posisyon ng gobyerno doon sa RPN at iyong IBC ang nalalabing still to be privatized o maibalik sa kamay ng private sector pagkatapos ng aabot na sa tatlong dekada ng government control doon sa IBC, Alan.

ALAN: Ayon. So talagang tuloy-tuloy na po ang privatization nito. So kung ito ho, may timetable ho ba para dito sa prosesong ito, Secretary? Kung halimbawa officially nalagdaan na ng Pangulo ang mga documents para sa privatization nito, meron po bang timetable more or less para dito, sir?

SEC. COLOMA: Kasalukuyang hihahanda iyong mga detalye ng gagawing announcement, dahil ito ay ipapasailalim sa isang competitive public bidding, Alan. Kaya kapag inanunsyo iyong bidding ay ia-anunsyo rin iyong indicative timetable. Sabihin na lang natin na lahat ay isinasagawa para maipatupad ito sa lalong madaling panahon at katuwang natin dito iyong GCG — iyong Governance Commission for GOCCs, at iyong Development Bank of the Philippines na siyang privatization manager. Kaya pinagtutulungan namin ng GCG at DBP at ng management ng IBC iyong paglalatag nitong proseso at kapag na-announce na iyong… formally ‘no, iyong bidding nandoon na lang iyong mga detalye na dapat malaman ng mga interested prospective bidders, Alan.

ALAN: Okay. Sec. sa sa ibang usapin naman po. Ano pong mga latest naman sa pakikipag-coordinate po ng ating mga House at Senate leaders sa Malacañang kaugnay pa rin ito hong Bangsamoro Basic Law, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Patuloy pa rin po nating tinututukan iyan at hindi pa rin natitinag iyong determinasyon na magkaroon ng Bangsamoro Basic Law dahil nga po sa kahalagahan nito sa prosesong pangkapayapaan. Meron pa namang nalalabing mga araw ng session sa Kongreso bago magkaroon sila ng recess para sa pagsisimula ng kampanya sa pambansang eleksyon. At umaasa tayo na gagawin nila ang nararapat dahil katulad ng administrasyon kinikilala din ng ating mga mambabatas ang kahalagahan ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law bilang pagtaguyod sa prosesong pangkapayapaan.

ALAN: Opo. Well, Secretary, sa isa pang topic ano po. Less than a month from now ay ise-celebrate na, gugunitain muli ng sambayanan ito hong EDSA anniversary, February 25. And gaya po nung nabanggit nung nakaraang taon, ito hong celebration ngayong taon ay mas magiging malaki, mas magiging makabuluhan. Any advancers’ tungkol po dito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Unang-una, ideneklara na noon pang isang taon na ito ay magiging special non-working holiday. Noong mga nakaraan ay limited lamang ang pagiging holiday nito, Alan, school holiday lamang. Pero ngayon ay talagang bibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino sa lahat ng sulok ng ating bansa na gunitain at sariwain ang diwa ng EDSA People Power Revolution of 1986. At isang mahalagang layunin dito ay upang ipaalam sa ating mga kabataan — dahil marami sa kanila ay hindi pa ipinapanganak o musmos pa lamang noong kapanahunang iyon — iyong tunay na kahalagahan at diwa ng EDSA, dahil ito ay mahalaga sa pag-unawa sa ating kasaysayan, mahalaga din sa pag-unawa sa mga kaganapan sa ating bansa at sa pagiging kapaki-pakinabang nilang mga mamamayan para sa kinabukasan.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

SOURCE: NIB-Transcription