President Benigno S. Aquino III Speech at the commemoration of the heroism of the SAF 44
Camp Crame, Quezon City
25 January 2016
 
Sa araw pong ito, nagtitipon tayo upang bigyang parangal ang magigiting nating Tagapagligtas, sa hanay ng Philippine National Police Special Action Force (SAF). Kaisa ang sambayanan, kinikilala natin ang buong-loob na paglilingkod ng ating awardees sa bansa. Sa atin pong magigiting na SAF: Maraming-maraming salamat sa inyong kabayanihan upang isulong ang kapayapaan.

Kanina po, nasaksihan natin ang pagkakaloob ng Medalya ng Kagitingan sa dalawa nating SAF trooper. Ito pong medalyang ito ang pinakamataas na parangal sa ating kapulisan, para sa hanay nating nag-aalay ng pambihirang serbisyo sa kapwa at bandila.

Nariyan po si Police Chief Inspector Gednat Garambas Tabdi, ang Team Leader ng 84th Special Action Company ng SAF, sa operasyon kung saan napaslang ang kilabot na teroristang si Marwan. Siya ang timon ng pangkat sa operasyon na naging navigator at pointman, na kumukumpas ng estratehiya kung paano matagumpay na maisakatuparan ang misyon. Sugatan man, pagod, at uhaw, mahusay pa rin niyang pinamunuan ang pangkat upang matapatan ang puwersa ng kalaban, dehado man sila sa bilang. Ang katapangang ito ni Police Chief Inspector Tabdi ay nagsilbing lakas at inspirasyon ng kanyang kasamahan upang malampasan ang tiyak na peligro.

Ang isa pa nating awardee ng Medalya ng Kagitingan: si PO2 Romeo Cumanoy Cempron, na kabilang naman sa 55th Special Action Company. Napapalibutan man ng humigit-kumulang 700 kalaban, buong-tapang na nakipaglaban si PO2 Cempron. Hanggang sa dulo, hindi siya sumuko. Nang maubusan ng bala at wala nang armas, iniharang niya ang katawan sa mga bala, upang makaligtas ang mga kasamahan. Napatumba man ng maraming tama, nagawa pa rin niyang tipunin ang natitirang lakas para muling makatayo at magsilbing sanggalang ng mga kasamahan.

Talaga naman pong walang salitang makakatumbas para mailarawan ang kanilang kagitingan. Bukod-tangi ang pag-aalay nila ng buhay hindi lang para sa mga kasamahan, hindi lang para sa PNP, kundi pati na rin sa buong bansa.

Gayundin, iginawad natin ang Medalya ng Kabayanihan sa 47 pang SAF troopers, kabilang na ang lima na nakaligtas sa engkuwentro sa Mamasapano. Bukod po sa kanila, ang 25 iba pang survivors, ay nakatanggap ng special promotion. Sa ating mga awardee: Tunay kayong dangal ng ating lahi; maraming salamat sa kahandaan ninyong unahin ang kapakanan ng bayan, bago ang sarili.

Taos-puso din tayong nagpapasalamat sa mga pamilya ng ating magigiting na SAF 44. Sa kabila ng sakit ng kanilang pagkawala, nag-iwan sila ng mga alaalang nagsisilbing gabay at inspirasyon sa buong pambansang pulisya. Sa abot ng makakaya ng inyong gobyerno, sinisiguro natin ang pagsuporta sa kanilang mga benepisyaryo. Mula sa pagkakaloob ng tulong pinansiyal, pagtustos sa pag-aaral ng mga naulilang anak at kamag-anak, pabahay, hanggang sa healthcare, livelihood, at employment assistance, nakatutok tayo upang kahit paano ay makausad ang kanilang pamilya sa pagbabalik sa normal na pamumuhay.

Alam po natin: Sa kabila ng mga parangal at ayuda, hindi kailanman matutumbasan ang pagkawala ng inyong mga mahal sa buhay. Hindi maghihilom ang sugat sa nangyaring trahedya kung, isang taon na ang nakalipas, ay mailap pa rin ang hustisya sa kanilang pagkamatay. Ang tanong nga: Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin napapanagot ang mga dapat managot? Hindi nga ho natin maiwasang maikumpara dito ang nangyaring pagbomba sa Boston Marathon sa Estados Unidos, kung saan ang mga salarin ay napanagot sa loob lamang ng isang taon.

Gaya ninyo, ako man po ay naiinip sa bagal ng pag-usad ng sistemang pangkatarungan sa ating bansa. Ika nga: Justice delayed is justice denied. Makakaasa kayo, kasabay ng pagsigurong nabibigyan ng suporta ang pamilya ng SAF 44, puspusan ang ating pagsisikap para makamit ang hustisya. Ang panawagan natin sa Kongreso: Suriin ang PNP Law; tukuyin natin ang mga probisyong pumipigil sa agarang pagpapataw ng parusa sa mga pinunong nagkukulang sa kanilang tungkulin. Ayaw po nating maulit ang mga trahedyang dulot lamang ng pagsuway sa mga patakaran. Hindi makatwirang magpatuloy ang sistema kung saan may karaniwang indibidwal na pumapasan ng mas mabibigat na obligasyon dahil sa kapabayaan ng iilan.

Sa atin pong mga pulis: Kompiyansa akong gagawin ninyong huwaran at inspirasyon ang kagitingan ng ating awardees. Ipagpatuloy natin ang kanilang ipinaglaban. Marami pang hamon ang susubok sa katatagan ng inyong organisasyon. May ilan pa ring sasamantalahin ang mga kontrobersiya sa inyong hanay para buwagin ang ating pagkakaisa; silang mga gagamitin ang trahedya para sa pansariling agenda. Tiwala akong patuloy ninyong tatahakin ang landas na tama at makatwiran; patuloy ninyong ipagtanggol ang ating mga Boss.

Makakaasa naman kayo: Nasa likod ninyo ang gobyerno upang paghusayin ang inyong kakayahan sa pagtupad ng tungkulin. Pinapalakas natin ang liderato ng ating pambansang pulisya hindi lamang para masugpo ang kriminalidad, kundi upang gabayan din ang bawat kasapi ng PNP na maitaguyod ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya. Malinaw sa mas nakakarami: May gobyerno nang totoong sinusuklian ang serbisyo ng mga nagmamalasakit sa bansa.

Sa mga susunod na taon, buo ang pagtitiwala kong patuloy pang dadami ang mga nakikihakbang sa ating agenda ng malawakang reporma. Sa tulong ng tapat, may integridad, at maaasahang pambansang pulisya, talaga naman pong malayo pa ang ating mararating. Patuloy lang tayong magmalasakit, mag-ambagan, at magsilbing bantayog ng marangal na paglilingkod sa sambayanan, sa ngalan ng pagsusulong ng kapayapaang ipinaglaban ng magigiting nating Special Action Force.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.