President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 13th Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) Awarding Ceremonies (Delivered by PCOO Secretary Sonny Coloma)
Heroes Hall, Malacañang
21 January 2016
 
Magandang umaga po sa inyong lahat.

Hinihingi ko ang inyong paumanhin dahil naantala ang aking pagdating dito kanina. Wala pong trapik, na-delay lang sa pag-alis.

Miss Aika Robredo, Undersecretary Gio Tingson, Cecille Alcantara, Mr. Rollie Fabie, distinguished guests and friends: Magandang umaga po sa inyong lahat.

Ikinararangal ko pong magsalita para sa ating mahal na Pangulo. Narito po ang kanyang mensahe para sa okasyong ito:

Sa mga pagtitipong tulad nito, ramdam na ramdam natin ang diwa at halaga ng pagbibigay-pugay sa iba’t ibang organisasyon ng ating kabataan na tumutulong at nagbubukas-palad sa kapwa at komunidad. Lubos tayong nagpapasalamat at labis-labis ang paghanga sa mga nasa likod ng pagpaparangal sa ating awardees ngayong araw, sa pangunguna ng National Youth Commission, sa TAYO Awards Foundation, at sa tanggapan ni Senador Bam Aquino. Totoong-totoo po: wala tayong maitulak-kabigin sa inyong sipag, dedikasyon, at propesyunalismo, sa paghahanap, pagpili, at paggawad ng parangal sa mga huwarang nagpapakitang gilas sa paghahatid ng katangi-tanging serbisyo sa ating mga kababayan. Sa ating awardees: congratulations sa inyong lahat. Gaya ng kasabihan—palakpakan natin sila muli— “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Napakagandang halimbawa ninyo para patunayan ito. Imbes na magreklamo, tumambay lang, o asikasuhin ang sarili, walang atubili kayong tumutulong sa inyong kapwa, lipunan, at sa buong bansa.

Sa mga gaya ninyong kabataan, talagang sumusulong at umaarangkada ang ating bayan. Ramdam na ramdam sa kasalukuyan ang transpormasyong nagaganap dahil sa pakikiisa ng mas nakararaming Pilipino. Sa napakaraming aspeto, sa larangan ng ekonomiya, imprastraktura, trabaho, edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan, nakikita ng mamamayan—bata man o matanda, sa Luzon man, Visayas, o Mindanao—ang positibong pagbabago.

Kaya nga ang hamon at panawagan sa ating lahat: Tularan ang magandang halimbawa ng ating awardees, at ng iba pa nating kapwang tunay na nagmamalasakit at kumakalinga sa ating bansa. Huwag kayong mapagod maglingkod, magsilbi, at gumawa nang mabuti.

Sa susunod pong taon, haharap pong muli ang sambayanan sa isang sangandaan, kung saan pipili tayo ng mga susunod na pinuno ng bayan. Kompiyansa akong pipiliin ng ating mga Boss ang tapat, malinis, marangal, at walang dudang magtutuloy ng Daang Matuwid. Ang mensahe natin: Walang forever para sa corrupt at sa ating paghihirap.

Simple lang ang pangarap ko: Ang ipamana sa mga susunod na henerasyon ang isang bansang di-hamak na mas maunlad, mas mapayapa, at mas matatag kaysa ating dinatnan. Sa tulong ng bawat isang tumatahak sa Daang Matuwid, hindi lang abot-tanaw, kundi abot-kamay din ang katuparan ng mas matatayog nating pangarap. Muli, congratulations sa ating TAYO awardees, at Mabuhay ang kabataang Pilipino!

Marami pong salamat at magandang umaga sa inyong lahat.