INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
17 Jan 2016
QUESTIONS AND ANSWERS

Allan: Sec, reaksyon po ng Palasyo dito sa panukala ng ilang mga mambabatas na i-o-override daw nila ang pag-veto ng Pangulong Noy dito po sa dagdag na P2,000 sa monthly pension ng mga nag-retire na covered ng Social Security System?

SEC. COLOMA: Mainam na isaalang-alang ng ating mga mambabatas ang kahalagahan na patatagin ang pondo ng SSS at tiyakin ang kasiguruhan ng pagbabayad ng benepisyo sa lahat ng mahigit 30 milyong miyembro nito. Sa kanyang pahayag noong Biyernes sa Malolos, sinabi ni Pangulong Aquino na siya ay nagpasya bilang ama ng bayan at pinuno ng responsableng pamahalaan na hindi magpapasa ng malaking suliranin sa susunod na administrasyon. Mahalagang isaalang-alang din ng mga kasalukuyang nanunungkulan ang epekto ng kanilang mga desisyon ngayon sa kinabukasan at kapakanan ng higit na nakararaming mamamayan.

Allan: Opo. Sec, sa ibang usapin naman po, mayroon pong report galing sa National Grid Corporation of the Philippines, ‘yung kanilang power tower ay pinasabog diyan po sa gawi ng North Cotabato. Sec, may reaksyon po ba ang Palasyo o ano mang instructions kaugnay nito, sir?

SEC. COLOMA: Patuloy na tinutulungan ng ating mga puwersang pangseguridad mula sa AFP at PNP ang NGCP sa pagbibigay ng seguridad sa mga transmission towers na ginagamit sa iba’t ibang lugar. Pagkatapos magtungo ni Pangulong Aquino sa Davao upang magpasinaya ng additional electric power generating capacity, inatasan niya si DOE Secretary Zenaida Monsada na pulungin ang isang interagency task force para tukuyin hindi lamang ang mga insidenteng nabanggit mo, Allan, kundi pati na rin ‘yung mga usapin hinggil sa right of way doon sa pinagtatayuan ng mga NGCP transmission towers sa Mindanao.

Kaya patuloy na tinatalakay ito ng interagency task force sa pamumuno ng DOE at tinutukoy nila kung paano ba higit na mapapahusay ang seguridad at mabawasan, kung hindi tuluyang mapigilan, ang mga insidenteng ito. Sa ibang bahagi din naman ng ating bansa katulad sa Northern Luzon at Cordillera, ‘yung NGCP doon ay nananawagan din sa mga mamamayan na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagbabantay ng transmission lines laban sa mga gumagawa ng ligalig at pinagtutulungan din doon ng pulisya at ng militar ‘yung seguridad ng mga transmission lines sa Cordillera region. So sa pangkalahatan, Allan, ‘yan ang mga hakbang na isinasagawa.

Allan: Opo. Idudugtong ko lang po, Secretary Coloma—tungkol pa rin sa usapin ng power, ano po—mayroon pong projected na epekto ng El Niño phenomenon sa atin sa Pilipinas ngayong first quarter ng taong kasalukuyan. And, of course, pagka ganyan pong sobrang tag-init ang konsumo ng kuryente ay mas lumalaki. Ano pong mga updates, sir, sa mga paghahanda ng pamahalaan in anticipation dito po sa—na related sa power, ano po—in anticipation dito sa matinding epekto ng El Niño dito sa ating bansa, sir?

SEC. COLOMA: Well, patuloy na tinututukan ito, mayroong continuous monitoring ng power situation. Pansinin din natin, Allan, na kumpara doon sa mga naunang senaryo hinggil sa El Niño, nagkaroon naman ng karagdagang suplay ng tubig doon sa ating mga dam sa iba’t ibang bansa; at hindi naman umabot doon sa mga kritikal na level, bagkus umapaw pa nga ang mga ito, kaya may mga plus or minus elements na rin na pumasok sa senaryo at patuloy na tinitiyak ng ating pamahalaan na hindi malalagay sa alanganin ‘yung sitwasyon ng ating mga mamamayan. ‘Yung mga contingency measures ay patuloy pa ring ni-re-review at fina-fine tune at tinitiyak na may sapat na kahandaan ang lahat kapag naganap ‘yung mga senaryong patungkol sa El Niño, Allan.

Allan: Sec, may tinext po sa atin ang kasamang Marie Peña-Ruiz na—ito ay tanong naman ni kasamang Jerry Esplanada ng Philippine Daily Inquirer—kaugnay po ng top story nila ngayong araw na ito. Base sa report ng Asia Maritime Transparency Initiative, isa pong US think tank, mayroon po silang report na natanggap na may mga dagdag na runways na itinatayo ang Tsina diyan po sa isla sa West Philippine Sea, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Government is determined to assert the importance of freedom of navigation and overflight in the West Philippine Sea or South China Sea. The Department of Foreign Affairs had previously filed a diplomatic protest regarding the test flights made on reefs also claimed by the Philippines particularly at Kagitingan Reef, which is well within our exclusive economic zone; hence, the building of additional runways contributes to heightened tensions in the region. We reiterate that these actions by China violate not only pertinent international laws but also the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea of which China is a signatory along with the member countries of ASEAN.

‘Yan po ang ating tugon sa kahilingan para sa komentaryo.

Allan: Opo, okay. Well, Secretary Coloma, sir, muli salamat po nang marami for the updates from the Palace.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Allan.

SOURCE: NIB-Transcription