INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Anchored by Rey Sampang
10 Jan 2016
QUESTIONS AND ANSWERS

Rey: Secretary, mga katanungan po mula sa ating mga kasamahan sa Malacañang Press Corps. Ano raw po ang reaksyon ng Malacañang sa naging pahayag ni Senator Grace Poe na ito raw pong Commission on Elections ay ‘in disarray’ matapos ‘yung unauthorized filing ng poll body’s comment sa Korte Suprema na may kinalaman sa disqualification case ng nasabing senador, Secretary?

SEC. COLOMA: Rey, ayon sa pahayag ni Chairman (Andres) Bautista, magpupulong ang COMELEC en banc para talakayin ang usaping ito. Ang COMELEC ay isang independent constitutional body kaya’t mainam na hintayin natin ang resulta ng kanilang talakayan. Sa aming pananaw, mahalaga ang katatagan ng COMELEC, lalong-lalo na’t nagsimula na ang election period sa araw na ito.

Rey: Okay. Sec, mayroon pa hong mga kasunod na katanungan mula sa Malacañang Press Corps. Ito raw pong recent statement ng Armed Forces of the Philippines na nagdedeklara o nagsasabi na ito hong bilang ng mga NPA ay paliit nang paliit—‘yung bilang—e ang tanong daw po ay ipagpapatuloy pa rin po ba, i-pu-push through pa rin po ba ng Malacañang ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA o mag-i-intensify na lang po ng military operations laban sa mga insurgents?

SEC. COLOMA: Nananatiling bukas ang peace table ng OPAPP (Office of the Presidential Adviser on the Peace Process) para sa CPP-NPA-NDF alinsunod sa commitment ng pamahalaan sa pagkakaroon ng isang makabuluhang proseso na maaaring humantong sa pagkakaunawaan o kasunduan. Ang military operations ay isinasagawa upang pigilan ang karahasang ginagawa ng NPA laban sa mga mamamayan at upang magkaroon ng seguridad at kaayusan sa mga komunidad kung saan sila naghahasik ng ligalig.

Kaalinsabay nito, patuloy din ang pagsusulong ng mga programa na tumutugon sa kahirapan at kawalan ng oportunidad na siyang ugat ng insurgency sa bansa. Tulad ng sinabi ni Pangulong Aquino sa mga nakaraang panayam, ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ay nakasalalay sa kanilang pagkukusang muling makilahok sa proseso at bumalik sa negosasyon.

Rey: May follow up question po, Secretary. Nanawagan daw po si Senator Chiz Escudero kay dating MRT general manager Al Vitangcol na ibunyag na ‘yung lahat ng nalalaman niya dito sa alleged scam na involved din po ‘yung 1.5-million dollars contract para sa MRT maintenance noong 2013. Ano raw po ang pahayag ng Palasyo rito, Secretary?

SEC. COLOMA: Laging bukas at hayag ang posisyon ng pamahalaan tungkol sa usaping ‘yan ng MRT. Nasa pagpapasya na ni Ginoong Vitangcol kung ano ang magiging susunod na hakbang niya hinggil sa panawagan ni Senator Escudero.

Rey: Secretary, ngayon din pong araw na ito… Pwede po ba kaming magpahabol ng katanungan, Sec?

SEC. COLOMA: Go ahead, Rey.

Rey: Ngayong araw pong ito, January 10, start na po ng 151-day election period at gun ban, ano po, in effect na rin po. Siyempre, ito po ay may kinalaman pa rin sa paparating o papalapit na eleksyon sa darating pong Mayo. Mayroon po ba kayong nais na ipahatid na mensahe sa ating mga kababayan regarding po rito sa election period, pagsisimula ng election period, at ‘yung pag-i-impose po ng gun ban starting today?

SEC. COLOMA: Mahalagang aspeto ng paghahanda para sa isang mapayapa at maayos na eleksyon ‘yung pagpapatupad ng gun ban, Rey, at nabatid na natin sa mga nakaraang karanasan, lalong-lalo na doon sa pinakahuling pambansang halalan natin ng 2013, na ‘yung pagpigil sa maling paggamit o iligal na paggamit ng armas ang isa sa pinaka-epektibong paraan para matiyak ‘yung seguridad ng mga mamamayan at ‘yung kaayusan ng ating halalan. Kaya masinsing ipapatupad ito ng ating mga kagawad ng PNP at Sandatahang Lakas na deputized ng COMELEC para sa layuning ito ng pagtitiyak sa kaayusan ng halalan sa ating bansa.

Rey: Opo. Well, Sec, may pahabol na tanong dito. May schedule na yata pabalik si Pia Wurtzbach, ang ating Miss Universe, nanalo recently last year—2015. Pabalik na raw po siya, mukhang may schedule na, Sec. May paghahanda po ba ang Malacañang kung sakaling—sa pag-co-courtesy call—kung sakaling may courtesy call si Pia sa Malacañang?

SEC. COLOMA: Hinihintay ‘yung abiso o ‘yung pagtitiyak ng schedule at katulad naman ng standard procedure kapag mayroong kaganapan sa Palasyo ng Malacañang ay nagkakaroon din ng kaukulang koordinasyon doon sa organizer—in this case, ‘yung Binibining Pilipinas Charities yata ‘yon, pangalan ng organizer ng Miss Universe pageant dito sa ating bansa—para maging maayos at kaaya-aya ‘yung gagawing schedule sa pagbabalik ng Miss Universe at ‘yung partisipasyon ng pamahalaan dito.

Rey: Opo, Secretary. Well, Secretary, maraming-maraming salamat po sa pagtugon sa aming mga [katanungan] mula po sa Malacañang at dito po sa ating programa unless mayroon pa ho kayong iba pang pahabol na mensahe sa ating mga tagapakinig, Sec?

SEC. COLOMA: Sapat na ‘yon para sa ngayon, Rey, at maraming salamat sa iyo at sa ating mga tagasubaybay.

SOURCE: NIB-Transcription