President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Switch-on Ceremony for the electrification of sitios in Central Luzon under the Sitio Electrification Program
Nueva Ecija II Electric Cooperative, Inc., Area 1 Gymnasium, Brgy, Calipahan, Talavera, Nueva Ecija,
24 February 2016
 
Bukas nga po, ipagdiriwang natin ang anibersaryo ng EDSA. Tatlumpung taon na po ang lumipas mula noong EDSA. Kung ano man po ako ngayon, hinubog po ako ng lahat ng pinagdaanan namin sa amin pong buhay. At isa nga po sa pinakamalaking kabanata sa aming buhay ay itong pagbababa ng martial law sa ating bayan na nangyari po noong 1972 [pero 1973 po ang gusto kong tukuyin]. Labintatlong taong gulang po ako nun, at talaga naman pong halos bumaligtad ang mundo ng aming pamilya.

Kahit nga po nasa kulungan ang aking ama ay patuloy po niyang inilalahad ang katotohanan sa pagmamalupit ng Batas Militar. Isang taon pa lang po ang Batas Militar noon. Sumulat po siya noon ng isang artikulong nailathala sa Bangkok Post na kritikal sa Batas Militar na pinairal ni Ginoong Marcos. Dahil po sa artikulong ito, nagalit ang puwersa ng diktadurya. Lihim po siyang dinampot sa Fort Bonifacio, kasama ni yumaong Senator Jose “Pepe” Diokno. Pinosasan sila, piniringan ang mata, tinutukan ng baril sa tagiliran, at sinakay sa magkahiwalay na helicopter. Dinala po sila sa Fort Magsaysay, dito po sa Nueva Ecija.

Wala nga po kaming balita sa lagay ng aming ama noon. Ipinagbawal kaming bumisita. Hindi namin alam kung patay ba o buhay pa ang aming ama. Mayroon pa ngang mga nagsasamantala at nagbibigay ng maling impormasyon kung nasaan ang aking ama noong mga panahong iyon. Hanggang sa isang araw, may dumating na mga truck ng army, dala-dala po lahat ng kagamitan niya, ibinabalik po sa amin, ultimo toothbrush. Tinanong po ng aking ina, “Bakit isinasauli ang lahat ng gamit pati ang toothbrush?” At ang simpleng sagot lang ho ng naghatid ay wala na raw yung pangangailangan dito sa mga gamit na ito. Isipin po niyo: Ilagay ninyo ang sitwasyon niyo sa sitwasyon ko, labintatlong taong gulang kayo. Ang toothbrush isanasauli; kailan ba hindi mo na kakailanganin ang toothbrush? Ganoon na lang po ang agam-agam namin.

Sa dulo po nito, dumulog kami sa Korte Suprema, at pinayagan kaming makadalaw. Hindi sinabi kung saan kami pupunta. Mula sa headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, dinala kami sa malayong lugar na di namin tiyak kung saan. At dito nga po sa lugar na ito ay madilim na lugar. May kampo na napapalibutan ng mga barbwire at sawali. Pakiramdam po natin noong mga panahong iyon ay dinala kami sa isang concentration camp. Kakaiba po ang hitsura ng mga di man kami tiyak na sundalo sa kampong ito dahil noong panahong iyon, talaga naman pong usong-uso yung crew cut. Pero dito sa kampong ito, akala po niyo sila ay mga nagmistulang gumagawa sa Beatle’s dahil sa haba ng buhok at lahat nakasibilyan.

Noong pinasok kami sa kampong iyon, nauna pong pinayagan ang pamilya ni Senator Diokno na makita ang kanilang ama. Sila po’y mga taga-Batangas, at alam naman po natin kung gaano kabarako ang mga taga-Batangas at talagang bilib na bilib tayo sa katapangan ng mga Diokno. Pero tumaas ang agam-agam namin nang nakitang halos lahat lumuha pagkatapos dumalaw sa kanilang ama. Natanong pa ako sa aking sarili: Ano kayang nakita nila na magpapaiyak sa kanila? Mapapalabas ang luha nang ganon-ganong katapang sila?

Kahit paano po, nawala ang aming takot nang sa huli ay pinayagan kaming makita na namin ang aking ama. Pero nagulat po ako at ibang-iba na ang ang kanyang hitsura. Humarap po siya sa amin, walang salamin, tangan-tangan ang kanyang pantalon. Alam naman po natin ang mga litrato niya bago ang martial law ay talagang napakamalusog. Pero dito ho nang una naming makita dahil sa pagkatagal-tagal na hindi kami pinayagang makabisita, kailangan niyang tanganan ang pantalon niya dahil kung hindi, mahuhulog. Talagang ganoon kalaki ang kanyang ipinayat. Ultimo yung kanyang singsing sa pag-aasawa kinuha, relo, salamin. Ang iniwan sa kanya bago kami humarap ay yung kanyang underwear na lang, dalawang pirasong t-shirt, dalawang pirasong brip. Ang tatay ko po, napakaimportanteng may salaming suot-suot dahil near-sighted po siya. Pag tinanggal yung salamin, sandaling-sandali lang ay nahihilo. Pag tinanggal mo yung relo, gustong mawala yung tinatawag na sense of time. Yung karsel po niya, pininturahan ng puti: puting sahig, puting dingding, puting pader; at talaga hong sobrang init ng kanyang kulungan.

Paano ko po alam iyon? Dahil ako po’y nandoon halos sa tapat ng pintuan ng gusali kung saan kami dinala para maharap siya, ang gusali kung saan sila ikinukulong. Sinandalan ko po yung pader, at bagama’t gabi na po noon, mainit na mainit pa rin itong pader na katabi lang ng pintuan palabas ng kanilang karsel.

Sabi po ng aking ama, pagkatagal-tagal na dinadasal niyang makita kaming mag-anak niya maski minsan man lang. Nagdasal siya sa atin pong Birheng Maria, at iyon lang ho ang pakiusap niya, maski minsan na lang ay magkita kami. Ibinilin po niya sa akin sa mga panahong iyon na ako na ang bahala sa aking ina at mga kapatid. Ang bunsong kapatid ko pong si Kris, dadalawang taon pa lamang ang tanda noong mga panahong iyon. Malamang hindi niya nauunawaan ang mga nangyayari sa amin sa mga oras na iyon, pero nakita ko po noong kanyang binaba ang kanyang ulo, karga-karga ng aming ina, sinandalan ang balikat ng aming ina, nadama niya kung gaano kabigat at kalungkot ang pinagdadaanan namin.

Magkahiwalay po ng piitan ni Senador Diokno at ang aking ama. Sa loob ng masikip at mainit na silid, nalalaman daw nilang buhay silang pareho, kapag kumakanta ang isa ng “Lupang Hinirang,” at tumutugon naman ang isa ng kantang “Ang Bayan Ko.”

Ganyan nga po kalupit ang ginawa sa aking ama at kay Senador Diokno, at umpisa pa lang po iyon ng kanilang kalbaryo, silang mga naging boses ng oposisyon laban sa Batas Militar. Suma-total po, pitong taon at pitong buwan ikinulong ang aking ama. At nang piliin niya nga pong bumalik sa ating bansa, matapos ang pagkaka-exile sa Boston, siya po ay pinaslang.

Isa lang pong alaala yan ng pang-aabuso ng Batas Militar. Marami pang kuwento ng milyon-milyong Pilipino na nakaranas ng karahasan ng mga panahong iyon. Iyong gobyernong binigyan ng mandato para arugain at pagsilbihan ang taumbayan ay siya pang nang-api sa sambayanan. Nang matatapos na ang kanyang dalawang terminong pinahintulot ng ating Saligang Batas, gumawa pa ng paraan si Ginoong Marcos para manatili sa poder.

Kung iisipin, ganyang kadiliman din po ang dinaanan natin sa pamumuno ng ating sinundan, kung saan naglaho ang isang dekada sa ating bayan. Isang halimbawa po ng baluktot na estilo ng kanyang pamamahala ang paniwalain tayo na ang lahat po raw ng barangay sa buong bansa ay may kuryente na. Pero nung sinuri po natin ito, lumabas na kapag napailawan nila ang barangay hall, tinatala nila sa listahan pati ang buong baranggay, damay na. Ang lakas naman po ng loob nilang ipagmalaki ito, di po ba?

Tunay po, sa ating pamamahala, hindi na natin hahayaan pang maulit ang pagkakamali ng nakaraan. Ibinabalik natin ang gobyernong tunay na nagmamalasakit at kumakalinga sa ating mga Boss. Sa Daang Matuwid, talagang nagbibigay na tayo ng liwanag sa ating bansa.

Para tugunan ang ipinamana sa ating problema ng ating sinundan, gumawa tayo ng imbentaryo para tukuyin kung ilan pang mga sitio ang wala pang kuryente. Mula rito, nalaman nating 32,441 na sitio pa ang kailangang pailawan sa buong bansa. Ang mas nakakapanlumo, aabot raw po sa halos P1 milyon ang kailangan para ikabit sa grid ang bawat sitio. I-multiply po natin: 32,441 times P1 million, aabot po yan sa P32.4 billion. Saan naman po natin kukunin ang ganyan kalaking halaga? Kung tatandaan ninyo, ang iniwan sa atin ay wala man lang pitong porsyento ng budget noong 2010.

Kaya ganoon na lang po ang paghanga natin sa Department of Energy at National Electrification Administration nang ibalita sa atin: Yung dating estimate na halos P1 milyon kada sitio, dahil sa tapat at tamang proseso, ay napababa natin sa humigit-kumulang P600,000 na lang. [Palakpakan[ Umabot ng halos P400,000 po ang natipid natin diyan kada sitio. Patunay itong sa Daang Matuwid, imbes na maibulsa ang pondo, diretso ito sa mga programang naghahatid ng benepisyo sa ating mga Boss.

Baka dapat ipaliwanag natin kung paano tayo nakatipid nang ganon. Nung araw po, pati yung pagkakabit sa grid o pagkakaroon ng kuryente ay dinadaan sa pulitika. Ipapakiusap raw na pag nanalo sa isang sitio, pinakamalayo sa poblasyon, uunahin iyon. Pag natalo yung pulitiko dito sa sitiong malapit sa poblasyon, at saka na sila magkakakuryente.

Ngayon po, lahat ng dadaanan, nanalo o natalo, hindi iyon ang basehan. Kung sino ang may pangangailangan, dapat sagutan ng kuryente. [Palakpakan] Ngayon po, 31,862 na sitio o 98.2 percent ng kabuuan nating target ang na-energize na natin. Pagdating nga raw po ng Marso 2016, matatapos na rin nating pailawan ang lahat ng natukoy sa imbentaryo noong 2011. Maliban pa rito, para naman sa malalayong lugar na hindi praktikal na ikabit sa grid, isinulong po natin ang paggamit ng solar at ibap ang makabagong teknolohiya. Dito nga po sa inyo sa Gitnang Luzon, 100 porsyento na ng mga sitio, o iyon pong lahat ng 1,199 na sitio, energized na po. [Palakpakan] Nagpapasalamat po tayo sa mga ahensyang nasa likod ng tagumpay na ito, sa pangunguna ng Department of Energy, kasama ang National Electrification Administration, electric cooperatives, at ang ating mga lokal na pamahalaan. Siyempre po, hindi natin mararating ang puntong ito, kung wala ang pakikiisa ng mga Boss nating Novo Ecijanos. Sa inyong lahat: Maraming salamat po. [Palakpakan]

Itong Sitio Electrification Program po, bahagi lang ng malawakan nating estratehiya upang bigyang-liwanag ang kinabukasan ng ating mga Boss. Dito nga sa Nueva Ecija, na siyang “Rice Bowl of the Philippines”, nakatutok ang gobyerno sa pagpapayabong ng inyong agrikultura. Inayos natin ang mga kalsada at nagpakilala ng bagong farming technologies na ibinalita sa atin kanina para masiguro ang mataas na kalidad ng inyong ani.

Panahon nga po ni Marcos, nangako siya ng tinatawag na “Masagana 99”. Aminin man po ni Governor Umali, alam kong narinig niya iyan noong panahon na iyon dahil bata kami nang mga panahong iyan. Dito, may 99 na kaban na naglalaman ng 50 kilo kada kaban ng palay. Katumbas po yan ng 4.95 metric tons per hectare. Sa atin po, sa pagtutulungan natin, nasa 5.12 metric tons per hectare na po ang average ninyo dito sa Nueva Ecija. Nangako si Ginoong Marcos, tayo na po ang gumawa, at sa inyo pong matinding tulong. Ulit: Maraming salamat po sa inyong lahat. [Palakpakan]

Kaakibat po nito, sinisiguro nating may sapat na imprastruktura para suportahan ang inyong probinsya. Mula 2005 hanggang 2010, ang pondong inilaan para sa public works sa Nueva Ecija, umabot po sa P5.68 billion. Sa atin po, halos triple ang inangat nito, kung saan naglaan tayo ng P16.17 bilyon mula 2011 hanggang 2016. Para po mabilis na maihatid ang inyong ani sa merkado, nagpagawa at nagpaayos tayo ng 112 na farm-to-market roads, at may 16 pa na kasalukuyang ginagawa. Naglaan rin tayo ng P374 milyon sa production at post-harvest machinery and equipment, para mas mapalaki ang produksyon at kita ng ating mga magsasaka.

Isa po sa mga proyekto natin dito ang Central Luzon Link Expressway Phase 1. Magsisimula po ito sa SCTEx, aagos po sa Tarlac, babagtas ng Zaragoza, Aliaga, at magtatapos sa Cabanatuan dito sa Nueva Ecija. Kapag po nakumpleto ito, mapapabilis po nito ang biyahe mula Tarlac hanggang Cabanatuan City, kung saan makikinabang ang 11,200 motorista kada araw. At natural po, mapapaayos din ang pagpunta sa Region II. [Palakpakan] Magsisimula na po ang konstruksyon nito sa susunod na buwan. Bukod po rito, may binubuo tayong alternatibong kalsada patungong Region II. Ang rutang babagtasin nito: Aurora-Quirino-Nueva Ecija. Sa alternatibong rutang ito, hindi na kakailanganing dumaan ng Dalton Pass, na batid nating malaki ang posibilidad ng landslide at o matamaan ng lindol. Ilang bahagi nga po ng alignment nito sa north at south ay matagal nang naipagawa. Tuloy pa po ang pag-aaral natin sa tunnel section nito para masiguro ang katatagan ng alternatibong kalsada.

Alam din po natin na isang problema sa inyong probinsya ang madalas na pagbaha na pumipinsala sa maraming imprastruktura at kabuhayan. Noon po, wala tayong tiyak at maaasahang sistema para mailayo sa peligro ang ating mga kababayan, at maiwasan o mabawasan ang pinsalang dulot ng kalamidad. Kaya po, nilunsad natin ang Project NOAH, para lubos na mapaghandaan ng ating mga LGU ang pagdating ng malakas na pag-ulan. Gamit ang lokal na teknolohiya at makabagong kasangkapan, pinaunlad natin ang ating rainfall at flood forecasting at warning system. Ngayon, nakakapagbigay na tayo ng babala sa ating mga komunidad, apat na oras bago ang pag-ulan. Dito nga po sa Nueva Ecija, nakumpleto na noong Setyembre 2014 ang enhanced landslide susceptibility map gamit ang Light Detection and Ranging (LIDAR). Gamit ang mga mapang ito, natutukoy natin ang mga lugar na pinakababahain sa tuwing bubuhos ang malakas na pag-ulan. Sa tulong nito, agaran rin nating naililikas at nabibigyan ng ayuda ang mga nangangailangan sa mga apektadong lugar.

Dagdag pa sa suportang kaloob ng ating gobyerno sa Nueva Ecija ang pagpapalawak ng ating mga serbisyong panlipunan. Kung dati, 11,430 lang na kabahayan dito ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, ngayon, nasa 83,953 na kabahayan na ang saklaw nito. [Palakpakan] Kabilang po sila sa mahigit 4.4 milyong kabahayan na natutulungan na ng Pantawid Pamilya sa bansa. Sa PhilHealth naman po, 1.6 milyong indibidwal na ang sakop ng programa. Kabilang po sila sa 92.4 milyong Pilipino na nakikinabang na sa benepisyo ng PhilHealth.

Ang mga tagumpay nating ito sa Nueva Ecija at sa buong bansa ang ilan lang sa patunay ng ating narating sa nakalipas na limang taon at walong buwan. Sa lahat ng ito, meron po bang nasa matinong pag-iisip ang magsasabi, na huwag na lang nating ituloy ang pagtahak sa Daang Matuwid?

Sa Mayo, haharap muli sa sangandaan ang ating mga Boss. Pipili tayong muli ng mga susunod na mamumuno ng ating bansa. Kung sa tingin ninyo, tama itong repormang ginagawa natin, lilihis pa ba tayo ng direksyon? Hahayaan ba nating mabalewala ang lahat ng pagbabagong tinatamasa natin? Kanino pa ba natin ipagkakatiwala ang ating kinabukasan, kundi sa alam nating may integridad, may kakayahan at may malinaw na plataporma ng pamamahala; sa napatunayan na ang sarili sa serbisyo-publiko, at inuuna ang bayan bago ang sarili. Dito na tayo sa walang drama at nagtatrabaho para sa kapakanan ng ating mga Boss. Kung gusto nating magpatuloy ang ating magandang nasimulan, dito na tayo sa walang dudang maghahatid sa atin sa mas malawak pang pagbabago. At sa akin pong opinyon, wala iba po iyan kundi sina Mar Roxas at Leni Robredo. [Palakpakan]

Gaya ng panata natin, sa Daang Matuwid, walang maiiwan. Pinapailawan natin ang bawat sitio, gaano man ito kaliblib, para hindi na magtiis ang mga estudyanteng mag-aral sa dilim. Ang mga imprastrukturang kay tagal nang inabangan ng ating mga kababayan, ipinagawa at ipinapagawa na natin. Ang serbisyong dating ginagamit lang sa politika, ngayon, itinatawid na ang maraming Pilipino sa landas ng pag-asenso.

Napakalayo na nga po ng ating narating; at hindi ito magiging posible kung hindi tayo nagtiwala at nagtulungan. Sa ating pagkakaisa, marami pa tayong makakamit, at pihadong maabot pa natin ang mas matatayog pa nating tagumpay.

Sa pagtatapos po, alam po niyo, kami po sa Tarlac, maraming mga panahon na ring nagkaroon ng pag-aaruga at pagdadamay sa mga taga-Nueva Ecija. Noong ang aming gobernador po ay ayaw [ipa-quarry] ang malalaking mga bato noong ginagawa ang aming kalsada, dito po ang Neuva Ecija ay tumulong para mapagawa ang mga kalsada namin noong panahong ako po’y kongresista. Noong panahon pong nagkakagulo kami sa Luisita, hepe po ng Regional Peace and Order Council, tanda ko, ang inyong dating gobernador, na talaga naman pong imbis na nagtago ay humarap at sinubukang bigyan kami ng kapayapaan at katatagan.

Dito po sa Talavera, kung di ako nagkakamali, noong 2010, tayo’y nangangampanya, dito po’y may nagsabi sa aking isang mas nakakatandang ale. Sabi niya, “Mabibigat ang mga bubungguin mo. Mag-iingat ka” Isinabuhay ko po iyan. Alam kong itong pinasukan ko ay talagang mapanganib. Palagay ko po pagbaba ko sa puwesto, doon po yung mga taong matatawag nating “[Disturb the rice bowl].” Pinigilan natin ang mga tiwali na gawin ang mga karumal-dumal na gawain, hahanap ng bawi. Okay lang po sa akin iyan kung sa dulo, masasabi kong iiwan ko kayong mas maganda nang di-hamak kaysa sa dinatnan. Sa tulong po ninyo, talagang mapapagpatuloy natin ang pagbabagong iyan.

Magandang hapon po. Maraming salamat.