President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community of Malolos City, Bulacan
Bulacan Sports Complex, Bgy. Sta. Isabel, Malolos City, Bulacan
23 February 2016
Sa mga di po nakakaalam, ang mga Cojuangco po, pamilya ng aking ina, nagsimula dito po sa Malolos, Bulacan bago lumagi na sa Tarlac. Bahay po namin nandoon pa malapit pa sa simbahan ng Barasoain. Ako naman po, noong araw pa, simula nang magtrabaho ako noong 1993 sa Luisita, bumibiyahe at binabaybay ko kadalasan nang nag-iisa ang NLEX. At totoo pa rin po hanggang ngayon: Tuwing dadaan ako dito sa Bulacan, sa Pampanga, patungo sa Tarlac—dahil na rin sa mga kaibigan, kasangga, kamag-anak natin dito, kasama na kayong mga Boss kong Bulakenyo—talagang pakiramdam ko po, at home na at home ako, at napakaligtas ng aking biyahe maski mag-isa. Salamat po, at sa kabila ng mabigat nating trabaho, talagang pag nakakapanayam kayo, napapagaan ninyo nang husto ang aking loob.

Kapag sinabi nga pong Bulacan, ang agad na maiisip: Makasaysayan. Nandito sa inyo sa Malolos ang Barasoain Church, kung saan ipinanganak ang First Constitutional Democracy sa Asya noong taong 1899. Kanlungan din ang lupaing ito ng mga bayani, tulad nina Marcelo H. del Pilar at Gregorio del Pilar; pati na rin ng mga alagad ng sining gaya nina Francisco Balagtas at Nicanor Abelardo. Ngayong kaharap ko na naman kayo, sabi ko, totoo nga ang sabi sa akin ng Bulakenyong si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.: Dapat makilala na rin ang Bulacan, di lang sa ganda ng inyong mga lugar, kundi sa ganda rin ng mga Bulakenya. Alam naman po niyo kakatapos lang ng Valentine’s niyo. Ako ho next year na.

May kasabihan po ang isang pilosopo na ang ngalan ay George Santayana: Ang makalimot sa mali ng nakaraan, garantisadong uulitin ito. Bago natin bagtasin ang Daang Matuwid, saan nga ba tayo nanggaling? Nakausap ko po minsan ang isang kaibigan. Ang sabi niya po sa kain: “Noy, yung sinundan mo, di ko siya mapapatawad. Halos sampung taon ang nawala sa atin.” Totoo po. Isipin na lang po ninyo: Paano kaya kung mula 2001 hanggang 2010, sa kapakanan na ng mga Boss natin nakatutok ang gobyerno at hindi sa pagkapit sa puwesto? Paano kaya kung di hinayaang mabulok ng dating namamahala ang tone-toneladang bigas sa bodega na walang katuturang inaangkat noon? Paano kaya kung ipinahinto ang katakot-takot na pagtitimpla ng PAGCOR noon ng kape, na umabot ng bilyong piso ang halaga? Paano kaya kung natuloy ang paglalaro ng putik ng dating administrasyon sa Laguna Lake Dredging Project, kung saan ibabaon tayo sa utang na higit P18 bilyon?

Kanina po ay nasa bayan kami ng Hagonoy, at nagsalita ang isang bata. Mayroon pong inagurasyon ng sampung bagong klasrum doon po sa kanilang paaralan. At binanggit niya na dinaanan din niya ang panahon na kung saan nag-aaral sila sa ilalim ng mga puno; na kung sila raw ho ay kailangang pumunta ng banyo ay sa tabi-tabi na lang magbabanyo; na yung klasrum nga raw ho ay talagang kulang na kulang, nakatayo naman pero pag tag-ulan ay tila naliligo sila sa loob ng silid-aralan. Siya po ay Grade 10 na ngayon.

Akin lang pong naisip noong nagsasalita siya: Paano kung tinutukan yung paggawa ng mga klasrum na iyon imbis na nalustay kung saan-saan ang pera at kaban ng bayan? Magkano po yung paaralan sa sampung klasrum na iyon, two storey po? Sabi sa akin ay P16 million. Yung PAGCOR, nabanggit ko kanina, ang ginastos po doon ay P1 bilyon. Kayo na ho ang bahalang mag-divide ng one billion sa sixteen [million], ganoon karami ang klasrum na sana naipatayo. Sobra-sobra pa. Problema nga ho: Ang dinatnan natin, 66,800 na klasrum ang kulang. Babalikan ko na lang ho maya-maya iyan.

Hindi na nga po natin maibabalik ang nakalipas. Ang oras, kapag tumakbo na, tapos na. Walang stop button ang relo, at lalong walang rewind. Pero may silbi ang pagtanaw sa mga pagkakamali ng nakaraan: para mapagbuti ang pagkilos natin sa kasalukuyan, gayundin, para maiayos ang kinabukasan.

Ngayon po, sa loob lang ng halos anim na taon nating pagbagtas sa Daang Matuwid, malinaw na ang layo ng ating nararating. Marami sa ating mga nakamit, makasaysayan. Mula 2010 hanggang 2015, ang tinatawag na average GDP growth natin ay nasa 6.2 percent—ito ang pinakamabilis na six-year economic growth ng bansa sa loob ng halos apat na dekada. Kung dati rin, tila bangka at eroplanong papel lang ang tangan ng ating Sandatahang Lakas, ngayon, meron na tayong mga Weather High Endurance Cutters, Armored Personal Carriers, lead-in fighter jets, at iba pa. Ang Pantawid Pamilya at PhilHealth, na alam naman po ninyo siguro na ginagamit sa pamumulitika noon, ngayon, tunay na mga maralita na ang naaaruga. Ang Pantawid Pamilya, dati nasa 790,000 lang ang kabahayang benepisyaryo noong 2010, nasa 4.4 milyon na ang bilang sa ngayon. At mapupuno na natin yung 4.6 million na dapat tulungang kabahayan sa taong ito. Ang PhilHealth na 51 percent lang ang coverage nang pumasok tayo, ang pinakabagong datos, nasa 92 percent na ng Pilipino ang miyembro ng PhilHealth.

Dito naman po sa inyo, kitang-kita rin ang pagbabago. Isa na nga ang Bulacan ngayon sa mga pinakaprogresibong lalawigan. [Palakpakan] Dahil doble kayod sa serbisyo ang inyong lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Gov. Willy Sy-Alvarado, kasama na sina Cong. Jonjon Mendoza at Cong. LV Villarica, nadoble rin natin ang kita ng inyong probinsya. Mula P5.23 bilyon noong 2009, umabot na ang koleksyon ng Provincial Government at BIR sa P12.82 bilyon noong 2014. [Palakpakan] Halos apat na beses naman ang inangat ng napondohan nating imprastruktura tulad ng kalsada, tulay, flood control, pantalan, at paliparan dito sa Bulacan: Mula P5.01 bilyon noong 2005 hanggang 2010, pumalo na ito sa P19.04 bilyon nitong 2011 hanggang 2016. Kasama po rito ang 234 na farm-to-market roads na nakumpleto na natin dito sa Bulacan. Suma-total po, halos 70 kilometro na ito, na tumutulong sa higit 7,000 magsasaka na nasasagad na ang kita. Para sa flood control and management: Nakumpleto na natin ang Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project – Phase II noon pang Hulyo ng 2012. Ang Angat Dam and Dike Strengthening Project, na talagang binigyang-pansin ng ating butihing governor, napirmahan na rin nitong Hulyo at sinisimulan na ang pagpapatayo ngayon. Ang Bulacan Bulk Water Supply Project naman, napirmahan na nitong Enero, at pagdating ng Abril, groundbreaking na po iyan.

Ilan lang po yan sa mga nakamit na natin sa Daang Matuwid. Pero nakita naman ninyo: Yung mga dating akala nating imposibleng magawa, nagagawa na natin ngayon. Lalong lumilinaw: Sa mabuting pamamahala, nasasagad ang potensyal ng Pilipino at ng Pilipinas.

Patungo ho dito, binagtas din namin yung Plaridel-San Rafael Bypass Road. Palagay ko pag nakita ninyo, nagawi kayo doon, unang-una nabuksan yung kalsada, pero ang mas mabigat ho doon, kaliwa’t kanan yata yung mga factory na nagtatayuan diyan, Gov. At kayo na rin yata yung nagbalita sa akin kanina kung gaano kataas ang presyo ng lupa doon, dahil nga nandoon na po yung pag-asenso.

Ngayon ho, pagdating ng ikasiyam ng Mayo, pipili ulit ang sambayanan ng magtitimon sa ating bansa. Ang tanong: Doon ho ba tayo sa klarong ililigaw tayo ng landas at ibabalik tayo sa baluktot na daan? Doon ba tayo sa astang diktador at isusuot tayo sa direksyong marahas at delikado? Baka naman, doon ba tayo sa baguhan, at di pa sigurado sa kanyang pupuntahan? O dito ba tayo sa subok na sa pasikot-sikot ng serbisyo at siguradong magpapatuloy sa sama-sama nating pagtahak sa Daang Matuwid?

Narito po, at kasama na natin si Mar Roxas. Sa mga nakapanood ng unang Presidential Debate noong linggo, nakita niyo naman, sa lahat, siya talaga ang pinaka-may “K”: May katalinuhan, may katapatan, may karanasan, may kakayahan, at isama pa natin, may Korina pa.

Si Mar po, hindi na kailangang mangako, magpapogi, o manindak. Track record na niya na mismo ang magsasalita. Noong nasa Senado, isinulong niya ang Cheaper Medicines Act. Hinarap niya ang naglalakihang pharmaceutical companies at ipinaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino sa tamang presyong gamot. Isipin na lang ho ninyo: Ilang buhay na kaya ang naisalba at patuloy na naaaruga dahil sa inisyatibang ito ni Mar? Baka napansin din po ninyo: Bilang dating hepe ng DILG, laging si Mar ang tinatawag natin para mangasiwa sa mga pinakamahihirap at komplikadong sitwasyon sa bansa. Mula krisis sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, hanggang kay Bagyong Yolanda—naroon si Mar bago dumating at pagkatapos ng bagyo ay nandoon pa siya; hindi iniwan ang lugar hangga’t hindi stable ang sitwasyon. Ilang Boss kaya natin ang nailayo sa peligro dahil sa dedikasyon at propesyonalismong ito ni Mar?

Ang matindi po sa lahat: Ni minsan, narinig ba natin siyang ipinagsigawan ang mga ito? Sa kabila ng kanyang mga nagawa para sa kapwa at bansa, di ba, siya pa ang pinagtutulungan at laging pinupukol ng mga gawa-gawang patutsada? Napapansin naman po niyo siguro: Ang ginagawa nila sa akin noong 2010, ginagawa na rin nila kay Mar ngayon. Mukhang alam na po nila kung sino ang pinakamalakas nilang katunggali.

Kapiling din natin ngayon si Leni Robredo. Kilala niyo naman ho ang kabiyak niyang si Jesse Robredo, na talagang naging champion ng good governance. Itinuro niya rin sa atin ang tsinelas leadership—ang simple, ngunit mahusay at matinong pamumuno. Yan po mismo ang yapak na sinusunod ni Leni bilang lingkod-bayan, at yan din ang kanyang isusulong sa Daang Matuwid, oras na maupo bilang Pangalawang Pangulo.

Kasabay ng trabaho, nagsisilbi ring ilaw, at ngayon, haligi na rin ng tahanan si Leni sa kanyang pamilya. Ang totoo: Hindi naging madali ang desisyong tumakbo para sa kanya, lalo’t may pinapaaral pa siyang dalawang anak. Pero sa huli, nanaig kay Leni, at sa kanyang mag-iina, ang “Bayan, bago sarili.” Sa katunayan, ang kanyang anak na si Aika, galing lang sa Misamis Occidental kahapon, at bukas naman tutungo sa Pampanga. Maging si Tricia, at kung minsan, si Jillian, ang bunso, nag-iikot na rin sa bansa para ikampanya ang Daang Matuwid at ipaglaban ang kanilang kinabukasan.

Mga Boss kong Bulakenyo, kilala niyo naman po ako. Di ko ugaling mambola. Sa kabila ng kalbaryong pinasan ko bilang tagapagmana ng mga problema ng ating sinundan, sinikap ko sa abot ng aking makakaya na maglingkod sa Pilipino nang tapat at husto. Sa bawat sandali ng serbisyo, tumotoo ako sa inyo. Humaharap ako sa inyo ngayon, bilang Ama ng Bayan, at humihiling ng higit pa ninyong tiwala at suporta. Totoo po: Kayang-kaya nating ituloy ang maganda nating nasimulan. Gamitin lang natin ang ating karapatan at kapangyarihang pumili ng tamang mga pinuno. Sinasabi ko po sa inyo ngayon, mata sa mata: Kasama na natin ang Koalisyong siguradong magtutuloy sa ating agenda ng reporma. Narito na sina Mar Roxas at Leni Robredo, itutuloy at palalawakin ang Daang Matuwid, tungo sa katuparan ng ating mga pangarap.

Hayaan niyong ulitin ko lang po: Sa Tagalog ay may kasabihan, “Para malaman ang patutunguhan, tingnan ang pinanggalingan.” Ang pinanggalingan po natin, halos sampung taon namuno ang aking pinalitan. Lahat ng nagawa natin ngayon, puwedeng nagawa na sampung taon ang lumipas at napakinabangan na ng Pilipino sana kung ginawa ang tama. Mamimili na naman tayo, mga kababayan. Sana siyasatin natin: Sino ba talaga ang magdadala sa atin sa pagpapatuloy ng pagbabagong nakikita na po natin? Nararamdaman na natin, napapakinabangan na natin. Ito ho yata ay hindi panahong sumugal, magdasal na “Sana matsambahan natin ang tama” dahil meron naman tayong siguradong patutunguhan na talagang itutuloy ang daang ating binabagtas.

Kaya po, mga minamahal kong Boss, ang susunod na Presidente ng Republika ng Pilipinas, walang iba po kundi si Mar Roxas!

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.