President Benigno S. Aquino III’s during a meeting with the Filipino Community in Los Angeles, California
International Ballroom, Hilton, Los Angeles Airport, Los Angeles, California, USA
17 February 2016
 
Salamat po. Salamat po. Magandang gabi sa inyo. Maupo ho tayong lahat.

Ating butihing embahador, Ambassador Joey Cuisia; members of the Cabinet present:—kung pwede ipakilala ko lang ho sa inyo dahil ito po’y kadamay natin ng limang taon walong buwan and counting. At saka awa ng Diyos ho tataas na po ang sweldo nila pagbitiw nila sa pwesto. Hindi, totoo po iyan, may pagtataas ng sweldo sa gobyerno to take effect after our incumbency. Okay lang ho yun dahil tataas rin naman ho yung tax base namin, tabla-tabla na lang—Secretary Cesar Purisima, Secretary of Finance; Secretary Voltaire Gazmin, National Defense; bago po nating kalihim namumuno ng NEDA, Emmanuel Esguerra; Sonny Coloma, head ng ating Communications Group; Julia Abad, Presidential Management Staff; Secretary Emmanuel de Guzman ng Climate Change Commission; at si Secretary Almendras ng Cabinet or Secretary to the Cabinet, ibig sabihin po nuon siya ang bastonero ng lahat; ating butihing Consul-General Leo Herrera-Lim; Father Albert Avenido; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan: Magandang gabi po sa inyong lahat.

Tamang-tama kanina ho halos patapos na kanta si Noel, balak ko ho sanang sabayan siya kaya lang patungo ho dito napansin ko uulan na kaya hindi na ho kailangan umambag para madagdagan ang tubig niyo ho dito sa Southern California.

Baka pwede ko hong umpisahan muna ang ating talumpati banggitin itong kahanga-hangang trabahong ginawa ni Ambassador Cuisia sabay ng ating butihing Kalihim Albert del Rosario. Alam po niyo, talagang karamihan ho ng inappoint nating mga ambassador tinatawag na career diplomats. Iilan po yung masasabing political appointees, at si Joey Cuisia ay isa sa ating mga inappoint. Talagang ipinagmamalaki ko na inappoint natin ang mga katulad ni Joey Cuisia. Para hindi ho masyadong mahaba dapat umpisahan na lang natin sa hepe ng ating unang inappoint na si Albert del Rosario. Nag oath taking siya 2011, at parang tanda ko dalawang araw tapos siya sumumpa sa katungkulan dumiretso na siya sa Libya, panahon po yun ng Arab Spring. At noong kausap ko siya, sabi ko, Albert the signal—nasa cellphone ho kami—Albert, the signal is kind of poor. Where exactly are you? “Sir, I’m in Tripoli.” Eh, kaka-swear in lang, hindi ho ba, parang ayusin mo muna ang opisina mo, medyo kilalanin muna ang mga kasamahan mo, doon lumusob na po sa Libya.

At sa totoo lang, at siguro eto lang ang gusto kong pagdiinan eh, talagang ang laki na ng pinagkakaiba na ng ating Department of Foreign Affairs. Dahil iyong mga under po kay Albert noong mga panahong iyon nagkataon na may mga napromote at oath taking nila. Bago ho nag oath taking nagkaroon kami ng pagpupulong dun sa, kumbaga pinakamatinding parte noong Arab Spring, sabi nila sa akin, “Sir, nawalan tayo ng ating contact sa ating ambassador.” Tinanong ko ngayon, bakit nawala iyong contact? “Sinara na po yung telephone services at saka iyong internet kaya hindi na ho tayo makakausap sa kanila. Eh di eto pong mga kausap ko—hindi ko na babanggitin kung sino dahil tutal naman matagal-tagal ko na ho silang hindi nakikita eh para… anyway ho—at sinusubukan ko naman hong maging subtle at hindi nagagalit, hindi napipikon. So ang binanggit ko na lang sa kanila, ‘Alam niyo ang tanda ko may mga umakyat nung Mount Everest sa Himalayas at sigurado ko yung mga providers, yung internet providers, yung ating… —walang telco, walang internet provider po sa taas ng Mount Everest—pero meron silang nagagamit na pangalan satellite phone. Maski walang provider gumagana iyon at mabibili iyan doon sa Middle East. Siguro ang dali naman magpapadala tayo ng tao galing sa Egypt, tumungo doon sa kung saan mabibili ito at ideliver doon sa ating embahada sa Libya at makakausap na natin iyong Ambassador, di ba? Sabi niya, “Ay, oo nga ho pala. Ngayon, ora mismo gagawin natin yan.” Sa loob-loob ko, wala ba sa dinami-dami niyo at sa tagal na ninyong nandiyan at sa mga krisis na dapat niyong inaasikaso, hindi niyo ba naisip na ganun kadali lang ang solusyon diyan?

Parang trabaho ninyo ibigay sa akin impormasyon, kadalasan bigyan na rin ninyo ako ng solusyon at ako mamili nung solusyon. Ngayon kung ako na rin gagawa lahat siguro dapat wala na kayo dito, ako na lang nandito. Kaya sabi ko nga ho sa inyo mataga-tagal ko na silang hindi nakikita at tila umasenso na ho yung kanilang performance. Ibang-iba naman po si Joey Cuisia, ibang-iba si Albert del Rosario, ibang-ba rin po si Manolo Lopez, matatawag nating—at marami pang iba tayong embahador—na talagang masasabing self-starter na talagang pagdating sa‘yo i-inform ka sa problema, bibigyan ka ng mga kumbaga menu ng potential na mga solusyon at maayos kausap at walang tigil na pagsusugod po noong interes ng sambayang Pilipino. Kaya kung pupwede ho isama ko na ho ang Gabinete, baka pwede humiling ng kaunting palakpakan po para sa kanilang lahat.

Aalis na ho kami maya-mayang konti, dumating kami noong Lunes, alam niyo na mahirap magtagal masyado dito sa Amerika kaya tama na iyong two days baka mawala iyong jetlag namin. Ang hirap lang ho talaga dito pag iyong kailangan natin may kausapin sa Maynila sagad na sagad yung oras, ano. Eh ang ating Executive Secretary parang…—anong oras natin unang… tinext natin 5. Ah hindi, tinawagan mo 5—tinawagan po ng 5 ng umaga kanina eh tulog pa ho siyempre. Yung aide ho nakausap kaya pinagbigyan naman ho matulog ng kaunti pa, nakausap ko siguro ng 6 ng umaga sa Maynila. Buti na lang ho kumpare ko siya, ang mga magulang namin matagal na ang ugnayan kaya pagkausap sa akin sabi sa akin, “Boss?” Wala naman ho siguro sa atin mahilig nanggigising kaagad may problema. Pero after 5 years and 8 months sanay na ho siya kaya awa ng Diyos siguro mga bandang 6:30 inumpisahan na po niya ang solusyon doon sa problemang itinawag ko sa kanya. Ganun po ang maaasahan ninyo dito sa administrasyon natin.

Naalala po ninyo siguro noong simula nung ating termino, isa sa mga una ko pong nakapanayam na tinatawag na FilCom o Filipino Community ay siyempre dito po sa Amerika, at kung hindi ako nagkakamali dito sa ballroom na ‘to. Meron ho bang nakapanayam ko noong panahon na yun na nandito ulit ngayong gabi? Kung mero ho pakitaas lang po yung kamay. Aba, medyo marami-rami. Malaking bagay po iyan. Pwede naman niyo akong pinagsawaan na; pwede naman kayong hindi natuwa sa ginawa ko pero nandito ho kayo ulit. Talagang nakakapuno ng puso maski wala na hong tulog kakayanin namin ulit lahat ng problema pagkarating na pagkarating ko sa Pilipinas. So, ulitin ko lang ho at saka iyong ilan sa inyo po nakapanayam ko noong kakaumpisa ko. At siguro marapat at matuwid lang na ito pong patapos na ang ating termino nandito na naman po tayo ulit, talagang masasabing full circle na po na nakakapanayam ko kayong lahat.

Nitong nakaraang linggo po sa Pilipinas ay dumalo tayo sa isang pagtitipon ng mga barangay leaders. Bago naman po nun yung tinatawag na League of Municipalities of the Philippines; mga mayor po ang kausap natin. At doon po, kasama natin ang Kalihim ng Interior and Local Government na si Mel Sarmiento. At sa totoo lang po napakaganda nung kanyang talumpati kung saan po binalikan niya iyong dati at iyong kasalukuyan.

At siya nga po naging mayor noong 2001, isa pong batikang mayor ng ating bayan at nagkwento siya ng mga ilang patungkol sa mga karanasan niya bilang mayor doon po sa Samar. Sabi po ni Secretary Mel—naging mayor nga noong 2001—panahon po ‘to ng ating isinundan sa pagka-Pangulo. Sabi po niya, alam niyo, doon sa atin, kapag lider ka—alam natin lahat, di ba?—pag lider ka sa lokal na antas, mula… sabi nga ho ‘no, mula sa pagbubuntis ng iyong mga kababayan hanggang sa huling hininga, talaga pong ikaw ang takbuhan sa kanilang mga problema. Alam po natin lahat iyan, di ho ba?

So, may lumapit raw ho sa kanya isa sa kanyang sinasaklaw at sabi sa kanya po eh, sabi po sa kanya, “Mayor, meron po akong namatayan na kamag-anak, ngayon ang problema po namin wala kaming ataul para mailibing ang kamag-anak namin.” Ang problema naman po ni Mayor Mel noong panahon na yun, maraming lumalapit sa kanya sa problema, siya naman walang mapuntahan para humingi ng tulong sa problemang inilalapit sa kanya. So noong sinabi nga wala hong ataul, bumulong po yung karpintero na empleyado ng munisipyo at sabi sa kanya, “Mayor, mayroon tayong sobrang plywood dito. Ako na ang bahala, didiskartehan ko na yang ataul na ‘yan.” Hindi, totoo raw pong nangyari ito eh. So, nagawa iyong ataul. Wala naman siyang ano eh, wala siyang pagkukunan, walang sobrang pondo, walang lahat—eh naproduce iyong ataul. Bumalik po yung humingi ng ataul at nakita niya, sabi niya siguro magpapasalamat. “O, nandito ho kayo ulit?” “Bah, Mayor, una ho salamat doon sa ataul ang problema lang ho ang pangit eh.” Eh di tinanong niya ngayon, “Ano ho ba ang problema nung ataul?” “Isipin niyo puro kahoy ho ni wala mang salamin.” Eh masigasig po iyong karpintero noong munisipyo, at saka talagang tagasunod po ni Mel. Lapit na naman iyong karpintero, bumulong na naman, “Mayor, ako na ang bahala diyan, didiskartehan ko na naman ‘yan.” Ano po yung ginawa nung karpintero? Kumuha po ng jalousie, sobra na ho eh, inilagay doon sa taas ng ataul. Hindi ko lang naitanong kung paganun o paganito. Horizontal o vertical. Pero dulo po nito, sabi ho nung namatayan, pwede na rin ho ito nakikita namin siya sa loob ng kabaong. Dagdag ko po… baka nakagat ni Mel ang dila niya, kinikwento ko.

Dinadaan po sa biro ni Secretary Mel, pero malinaw po ang naging karanasan ng mga matitinong lider ng mga panahong yun. Talaga nga pong mulat na mulat tayo sa ganitong sitwasyon, kaya lang tayo po ay tumakbo sa pagka-Pangulo, ang naging mensahe po natin: “Kung walang corrupt, walang mahirap.”

Ngayon po, nakalimang taon at walong buwan na tayo sa Daang Matuwid. Tiyak ko po, alam nyo ang mga ginawa natin para sugpuin ang korupsyon: Di ho ba ang sinundan natin sa pagka-Pangulo, ngayon po ay na-hospital arrest. Ang mga dating untouchable na senador, napakulong na rin po sa kasong pandarambong. Mayroon tayong Chief Justice ng Supreme Court na na-impeach ng Kongreso, dahil nakalimutan niyang ideklara yung 98 percent ng kanyang assets. (laughter/applause) Sa paggamit ng pondo, sinisiguro naman natin na ang pera ng taumbayan, mapupunta sa taumbayan lamang. Talaga pong pinangatawanan natin ang sinabi nating “walang corrupt.” Dahil natigil po o nabawasan ng malaki ang pagwawaldas, ang layo na nang kakayahan ng gobyernong magbigay ng oportunidad sa ating mga kababayan.

Halimbawa po, pag-usapan natin ang Conditional Cash Transfer program, o ang tinatawag nating Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4Ps. Simple lang po ang pinakakonsepto nito: Bigyan ng ayuda ang mga pamilya lalo na yung pinakamahihirap po nating kababayan. Ang kapalit po garantiyahan nilang papasok o mananatili sa eskuwelahan ang kanilang mga anak. Ito pong programang ito, nung dumating tayo, kulang-kulang po nasa 780,000 na households o kabahayan lang ang kasali. Ang balita nga pong nasagap natin marami po sa nakasama sa listahan hindi talaga natukoy na pinakamahihirap pero nilagay sa listahan dahil sa palakasan, dahil sa pulitika. Ngayon po, pinaigting ang programa: nasa 4.4 million households na ang kasali dito—iyong naitalang 4.6 million na kabahayan matatapos na natin ‘tong taon na ‘to bago po tayo bumaba sa pwesto, kasama na sila’t masasaklaw bago matapos ang kasalukuyan pong taon. Ngayon nga po, bawat pamilyang nasa listahan ay talagang tinukoy sa siyentipikong paraan, at hindi dinadaan sa palakasan.
Noong nakaraang Abril po, nagtapos na yung unang batch sa high school ng mga batang benepisyaryo ng pinalawak na Pantawid Pamilya—333,673 po sa kanila o ang bilang po nila. Ang nagtapos po sa bilang na yan ay mahigit 13,400 na may honors. Ulitin ko po: 13,400 of the 300 plus thousand graduated with honors. ‘Yun pong dalawang kumatawan at nagsalita para sa buong grupo po nila parehong natanggap sa UP College of Engineering, isa pong quota course. Di po ba napakaganda: Ang estado, talagang sinagad ang paglilingkod sa mamamayan, dahil doon nagmula ang mandato, doon po nagmulua ang poder; ang potensyal ng ating kabataan, talagang nagkakaroon sila ng pagkakataong abutin dahil nga po dito sa programang tulad ng 4Ps.

Ito pong 4Ps nakatutok sa pangmatagalan. Pero nang inaral natin ang epekto sa ating mga benepisyaryo, talaga nga pong ngayon pa lang, maituturing nang napakalaking tagumpay nito: Tinataya po na nasa 7.7 milyong indibiduwal na ang nakatawid o nakalampas doon sa tinatawag na poverty line dahil sa atin pong programa. Di na po sila yung… parang wala na po sila doon sa pinakamahihirap nating kababayan. Ngayon po may bagong programa tayo tinutukoy naman iyong tinatawag na ‘near poor. Ano po yung near poor? Maayos na iyong panggagastos sa pang-araw-araw pero pag tinamaan ng isang pagsalanta ng kunyari ng bagyo baka bumalik sa pagiging poor. Tamaan ng matinding karamdaman, mauubos ang naipon, balik sa pagiging poor. So yun po yung near poor. Iyong near poor pakay natin ilayo sila nang ilayo dun sa poverty line na tinatawag.

Sa edukasyon naman po, nabalitaan na rin siguro ninyo, napakaraming iniwang kulang sa atin. Palagay ko po yung iba sa inyo, naranasang mag-aral sa ilalim ng puno ng mangga o niyog, na walang mangga at walang niyog. Baka rin po yung iba, nakipaghiraman ng libro, naghiraman dahil kulang po, mali-mali pa ang lamang datos at konsepto.

Ito po ang pagbabago: taon po ng 2013, ang 66,800 na backlog natin sa classroom napunuan na po natin yan. Yung, baka yung iba po, puwede nang makuntento na lang na napunuan nila ang kulang, pero ibahin po ninyo ang kasalukuyang administrasyon. Nakita nating may mga classroom na talagang masasabi na—sa ekonomista po ang tawag nila full utility—ibig sabihin ho talagang matagal na ho doon sa depreciation dahil 30 years at 40 year-old classrooms na po. Kung minsan nga ho pinagtatakhan natin kung paano pa nakatayo iyong mga building na yun dahil isipin ninyo taun-taon dalawampung bagyo ang dumadaan sa atin, pero, anyway nandiyan na po sila 30, 40 year-old buildings, pinapalitan na po iyan.

Mayroon pa tayong hinandang mga silid-paaralan para doon sa dalawang taong idinagdag ng K to 12 na atin pong bagong basic education cycle, para puwede na pong makipagsabayan, pinasa natin… Tayo, ang Pilipinas po kasi, kung naalala niyo yung sinabi ko sa inyo noong araw, isa na lang sa tatlong bansa sa buong mundo na may 10-year basic education cycle. Ngayon po balik… hindi tayo balik, lumipat na tayo sa 12-year basic education cycle para mapagbigyan naman lahat ng kabataan natin na matuto, di ba? Hindi pinilit parang inimbudo mo, pero binigyan mo ng sapat na pagkakataon para talagang mapag-aralan at yung… mali ho siguro sabihing, manamnam yung kanilang pinag-aralan pero talagang magkaroon ng bisa sa kanila. Pati po ang kinakailangang classroom nung bagong mga dalawang taon na iyan, pinapagawa na rin natin, at nakahanda na po para magamit sa susunod na pasukan sa Hunyo. Sa suma tutal, bago tayo bumaba sa puwesto, ang naipagawang classroom, aabot na sa—hindi ho iyong 66,800— kundi po 185,149 classrooms po. Kita naman po ninyo: Ang mga dapat nating gawin, ginawa, ginawa na, ginagawa pa yung iba, at sinasagad na natin ang lahat ng ating makakaya, para hindi na ito kailangan intindihin pa o asikasuhin pa ng susunod sa atin.

Sa kalusugan naman po: Tinutukan natin ang PhilHealth, na sentro ng ating Universal Healthcare agenda. Taong 2010, 51 percent lang po ng ating populasyon ang saklaw nito. Baka nga po mataas pa sa normal iyong datos ng 2010, dahil nga po election year yun—dumadami raw ho kasi iyong miyembro ng PhilHealth tuwing halalan. At pagtapos nung halalan lumiliit ulit iyong benepisyaryo. Dahil ano po, namimili noon sa listahan, eh yung gustong magpasikat sa botante. Binago po natin iyan: Ngayon po, nasa 91 percent na ang PhilHealth beneficiaries. At ito pa nga po: lahat sa kabilang ng pinakamahirap, nating kababayan yung tinatawag na two quintiles o 40 percent of our population, libre na ang pagpapagamot sa mga pampublikong ospital sa pamamagitan nung no balance billing na programa po ng PhilHealth.

Kita po ninyo ang pagkakaiba: Ang pakay natin, isagad ang serbisyo at oportunidad. Lahat ng gawain po natin, nakatutok sa kapwa. Makikita rin po natin iyan sa imprastruktura: Talaga pong sa bawat sulok ng bansa, ang daming itinatayong eskuwelahan, ospital, rural health unit, barangay health center, kalsada, tulay, daungan, paliparan at marami pang iba. Itanong po ninyo sa ating mga LGU, kahit po hindi namin kapartido, wala pong nai-etsapuwera, maliban lang ho iyong talagang ayaw magkaroon ng mga proyektong ito. Sa totoo lang ho naalala ko may bagyo dumaan nag-usap kami, hati tayo sa trabaho. Sabi niya, bakit hindi? Kayo maghanap ng relief goods, ako maghahatid. Kayo na rin ang maglinis nung mga kalsada namin. Pagtapos niyong binuo, ibalik na rin ninyo iyong kuryente namin, ibalik niyo na. Pati yung utang namin na halos yata sinabi sa akin, baka gusto ninyong i-advance iyong IRA dahil wala kaming pondo dito. O, so ganun ho iyong mukha eh. Kami naman ho, sige kung iyon na lang ang kaya niyo payag na kami. Sa awa ng Diyos pati ho yung pagbibigay nung relief good, hindi po iyong pag-iipon ha, hindi ho iyong pagbabalot nung relief good, talagang literal na ihahatid namin sa kanila, sila ang mag-aabot para maalala nung pinagbigyan iyong nag-abot, di ho ba? Iyon ang ginawa. Hindi na ho ginawa, kami pa ang naatake. Ganoon talaga ang buhay. Alam po ninyo dito nga po sa mga hindi kapartido nakita po nila kung anong ibig sabihin ng nakatutok sa kapwa. Kaya marami-rami rin po sumama sa atin sa partido natin dahil nakita po nila: sa Daang Matuwid, basta’t tunay na may pangangailangan, gagawin natin ang paraan para matugunan.

Sa ekonomiya naman po: nabanggit na rin iyon kanina doon sa survey na binabanggit kanina ng ating butihing Ambassador Cuisia. Kung dati po binansagan tayong “Sick Man of Asia,” ngayon, tinatawag na tayong “Asia’s Bright Spot,” “Asia’s Rising Tiger,” at marami pang ibang papuri. Natamasa natin ang pinakamabilis, ulitin ko po, pinakamabilis na six-year economic growth mula noong dekada sitenta, at ang growth nga po natin itong past six years—pasensya na ho kayo galing kami sa disyerto noong isang araw eh—average po natin 6.2 percent GDP growth. Idiin ko po: ‘Yung sa panahon po ng diktador, dekada sitenta nga, mataas lang ang numero po nila dahil sa tinatawag na crony capitalism; iilan ang nakinabang, pero nabaon tayo sa utang na hanggang ngayon po binabayaran natin. Ngayon, ang paglaki ng ekonomiya natin, may katambal na malawakang kaunlaran. Para maidiin ko lang po lalo na sa mas bata sa atin: nagpatayo ng mga sugar central, di ba, mga sentral sa asukal sa Mindanao, tanda ko tatlo. At ang masakit po nito noong itinayo yan may pautang sa atin, dayuhan ang gumawa ng mga sentral tapos may garantiya ang gobyerno. Ngayon sabi po ng NEDA, dito sa tinatayong mga sentral na ‘to, dalawampung taon pang tumatakbo yan hindi pa tatabla sa investment. Actually, naalala kong nakasulat doon, ‘in 20 year’s time they will be obsolete and they would not have made a return on investment.’

So, kung matino ang negosyante, hindi mo na papasukan, tama ho ba? Wala kang kalaban, bulok na yung planta mo hindi ka pa kumita. Ang masakit pa ho nito, tinayo yung sentral na iyon sa lugar na wala ni isang pirasong tubo. Hindi po ako nagpapatawa, seryoso po ‘to. Ngayon, pag sinuma man lang, siyempre pag yung… kilala naman ninyo kung sino yung propaganda minister noong araw eh, Minister of Information daw pero actually disinformation or not, totoo ho yun. Tapos wala na kayong maririnig tapos nun, dahil nga hindi naman nila ipagmamalaki. Awa ng Diyos itong taon na ito lugi, sa susunod na taon lugi, at pagkatapos niyan lugi pa rin. Hindi na nila sinabi iyon. Pero ang totoo ho noon kasama iyan sa binabayaran natin dahil may sovereign guarantee. Tapos itinayo may kinita na yung crony, may naibulsa na, may naibulsa yung partner, tapos ibinigay sa gobyerno—o, kayo na magbayad noong utang. Hindi ho ba? Actually ni-research ni Cesar ngayon parang lumalabas halos wala tayong foreign debt eh bago nag-umpisa iyong Martial Law. Parang yung unang na-trace 1974. Ngayon naman po kung ganun ang palakad niyo, siyempre ang magpapautang sa’yo, ang labo nitong mga umuutang na ito ah. Papautang ka iyong una pwede siguro, pero iyong pangalawa paano nila babayaran yan? Ang sagot doon, hindi nila kayang bayaran, hindi ka na magpapautang ulit. Tama ho ba?

Ngayon po anong pinagkaiba? Investment grade na po tayo sa tatlong major credit ratings agencies. Ang benepisyo nito: Ang pondong dating pinambabayad ng interes sa utang, naitututok natin sa serbisyong panlipunan dahil nabawasan na po yung relasyon noong utang natin, iyong tinatawag na debt on GDP ratio. Pati po mga korporasyon nakikinabang sa pag ganda ng ating investment grade, dahil pati sila nakinabang dun sa mababang borrowing rates nila. Dahil mababa ang interest siyempre mas ginanahan sila para mamuhunan sa Pilipinas.

Ang mga dating napakatagal na pinag-iipunan ng mga kababayan natin, dati ho yung condominium, yung kotse, mas abot-kamay na rin po ngayon dahil mas mababa ang interes at mas mahaba ang panahon para bayaran. Ganun ho talaga ang… ito ho ang hiningi kong datos kanina pagpasok dito. Tingnan po ninyo, iyong noong 2013, ang total registered vehicles sa Pilipinas nasa 7,690,038. Hindi ko na ho ibi-breakdown yung numerong ito. Sa taon pong 2014 at 2015 pag kinombine niyo, car sales lang po—at Cesar, pag nagkamali ako ipaalala mo, icorrect mo ako—pero lampas po sa 600,000 for the two years dahil for the past three years na tanda ko umi-increase ang vehicle sales sa atin ng mid-20 percent—nasa 23, 24. Last year yata 26 percent, kotse pa lang ho yun. Iyong motorsiklo ho mas kaunti, 1.2 million per year. So kayo nang mga magaling sa inyo sa math, 600,000 over the 7 million halos 10 per cent para pareho lang yung traffic sana may 10 percent na tayo naidagdag na infrastructure. Hindi naman ganun kabilis pong gumawa ng mga 1,200 kilometers of new roads. At kasabay na rin po iyong pinagbubuti natin yung mass transportation. Pero bottom line pag nauwi ho kayo halos araw-araw ho may traffic pati na yung Sabado, Linggo. (crowd saying: “Wow!”) Pati ho ako kasama naman ako doon sa traffic, makidamay din ho ako. Sabi ko, bakit pati Sabado, Linggo may traffic? May nagsabi sa akin, alam niyo yung mga nasa probinsiya tinuturing na bakasyon iyong pagpupunta sa mall. At ang pinakamagagandang mall nasa Metro Manila. At para makapunta sila sa mall kailangan weekend. So yung weekday iyong taga Metro Manila ang gumagawa ng traffic, iyong weekend yung taga probinsiya naman ho. Everybody kasama doon sa traffic. Hindi ho ako nagrereklamo. Talagang kailangan madaliin natin ang solusyon diyan eh.

Pero ang hirap ho, ihinga ko na rin sa inyo. Alam ninyo pag may nagpapagawa ng maski ano… alam ninyo pag may bibilhin kayo sa gobyerno aabutin kayo ng apat hanggang anim na buwan maski paper clip. (crowd reacting) Hindi, marami hong batas na kailangan sundan eh. Meron kang invitation to bid, may pre-qualification ng lahat ng bidder, meron iyong submission nung lahat ng specification, merong post-qualification, merong awarding, may notification sa publications of national circulation ng two weeks. Iyon ho yung ballpen lang ang pinag-uusapan natin doon. Iyong kalsada ho siyempre hindi naman pwedeng, bigyan mo nga ako ng four-lane road. Detailed engineering and design ang kailangan. Iyong saan natin idadaan yang kalsadang yan? Tangan na ba ng gobyerno yung right of way niyan? Elevated ba siya o at grade? Ilang lanes? Paano popondohan? Dadaan sa NEDA, dadaan doon sa procurement process. Mahina ho siguro yung dalawang taon para maumpisahan iyong proseso. At pagkatapos ho roon, sinunod mo na lahat ng proseso, may magdedemanda pa sa‘yo. Tinanong ko ho sa panahon ng nanay, sa panahon ng nanay ko may nanalo isa, iyong natalo apat—yung apat magdedemanda. Kung hindi sa amin mapupunta wala na lang. Kaya ho ako nagmamadali umuwi baka masanay ako medyo nabawasan ang problemang ilalapit sa akin eh.

Paano ba? Dahil din po sa investment grade, mas stable ang presyo ng ating bilihin, at mas manageable po yung tinatawag na inflation rate. Dati po, kung magkaroon ng bagyo, kuntento na ang gobyerno at siguro inaasahan lang ng ating mga kababayan na maasahan baka may magbigay ng konting relief goods. Sa atin po, hindi puwedeng ganito lang. Meron tayong Project NOAH at mas pinalakas na PAGASA, kaya mas napapaghandaan natin ang mga paparating na bagyo. Nandyan rin po ang Oplan Listo ng DILG. Yung Listo po o yung Operation Plan Listo, checklist, ito ang mga dapat gawin ng bawat local government, para sa paghahanda sa bagyo at dapat nga titingnan po doon kasama sa listahan ano ang dapat gawin bago dumating yung bagyo, habang nandiyan yung bagyo, pagkatapos nung bagyo. Yung Mel, gumawa na po tayo ng mga geohazard maps na tinatawag na tinutukoy ano bang mga lugar na prone sa baha, ano ba ang mga lugar na prone sa landslide? Ito po ipinagkaloob na sa lahat ng local government units at iba pang mga ahensya ng gobyerno kung saan dapat tinuruan din sila para intindihin iyong mapa, napag-aralan na para hindi nagugulat pag may dumating na malakas na baha or nagkaroon ng landslide. Iyong project NOAH po ang minimum na guarantee ay mawawarningan ang bawat komunidad ng anim na oras bago dumating yung problema. Ang pakay po natin hindi lang agarang lingap. Ibinabalik natin ang kabuhayan, pati po imprastraktura ay inaayos natin sa paraang mas matibay laban sa bagyo at iba pang mga kalamidad para nga pag dumating iyan hindi na tayo paulit-ulit na dadaan sa siklo ng pagbangon at pagiging dapang-dapa.

Alam po niyo, yung siguro si Manolo Quezon nun unang nagsabi at nag phrase, pinakamaganda eh, atin pong kong tutuusin, resident historian at saka chief writer. Sabi niya, “We have to break the cycle of destruction and reconstruction.’’ Ano po ang sabihin nun? May eskwelahan, dumating yung bagyo, gumuho, tinayo natin. Susunod ‘to may bagyo na naman, gumuho ulit, tinayo natin ulit. Sabi, hindi naman tama yata ‘tong ulit tayo nang ulit, baka pwede naman natin… baka yung lugar na yan talaga namang daanan yan ng bagyo, pwede ba nating ipihit ang posisyon nitong eskwelang ‘to? Pwede ba nating baguhan yung standard na tinatawag para mas matibay siya—sa Ingles po’y tinatawag, more resilient. Yung komunidad ba talagang hindi na pepwedeng manirahan diyan? Lahat po nito kasama doon sa tinatawag nating build back better. Ang punto ho nun, huwag yung masisira gagawin mong eksakto, masira ulit gawin mo eksakto ulit, di ba? Itigil na natin yung cycle na yun at pumunta na tayo sa isang sitwasyon, gugulan na natin ng tama, pagkatapos nun ‘pag may dumating hindi na po nagugulo yung buhay pati ang kabuhayan ng ating mga kababayan.

Napunta na rin po natin ang pinakamababang unemployment rate sa loob ng sampung taon. Dati rin, kulang ang gamit ng ating kapulisan, kasundaluhan. Ngayon po, bawat pulis may 1:1 ratio na po sa baril. 99 percent ng ating mga munisipyo may bagong patrol vehicle. Ano po yung 99 percent? May dalawampu na lang pong hindi naideliver last year, maidedeliver po this year—so, 100 percent na sila. Pero bawat… hindi lang isang munisipyo ‘no, siyempre yung region, yung province mayroon din silang dagdag na mga kagamitan. Mga sundalo po natin palagay ko nakikita naman po niyo sa net, nabalitaan niyo sa ating media, sari-sari at napakarami rin pong makabagong armas, sasakyan, kagamitang nakuha. Kinukwento ko po kanina, ang laging daing, nung dati— ako po nag-umpisa akong congressman 1998, kakatapos nung Asian financial crisis… (audio cut) in 1997, may pangangailangan ang ating distrito, pupunta ka sa ahensya ng gobyerno at hihingi ka ng ayuda, ang sasabihin sa’yo—walang pondo. Naalala ko pa nga ho binabaha yung… isa sa binabaha sa Tarlac po, sa Tarlac City, McArthur Highway. McArthur Highway, national road, hindi po saklaw ng congressman yan. Pero ang sabi sa atin wala tayong magagawa, kanya, walang pondo. Kung hindi ka mahanap, di namin maiayos yung kalsada, bahala na kayo. Sabi nung kabataan: ‘Bahala na si Batman.’ Eh, hindi pa dumarating si Batman sa Tarlac kanya. Okey.

Ngayon po, sabi po ni Secretary Mel naman: Kayong mga mayor sa kasalukuyan,… (audio cut)… may mga Ehekutibo ng ating lokal na pamahalaan, talagang napakaswerte. Imbes na wala kayong pondo parati maririnig niyo, merong tinatawag na Bottom-up Budgeting, kung saan yung komunidad mismo ang magsasabi ito ang pangunahin naming pangangailangan; kung programa, kung proyekto. Kung minsan kalsada, kung minsan patubig—patubig na inumin, patubig para sa sakahan. Sila mismo ang gumagawa nung mga plano. Sinanay natin sila kung paano tukuyin yung problema para siyasatin nang mabuti yung problema para magkaroon ng tunay na solusyon na katanggap-tanggap po sa buong komunidad.

Yung next na grupo pong na makikinabang sa Bottom-up Budgeting yung ating mga barangay councils. Sila ho ang kasalukuyang dumadaan sa pagsasanay. Siyempre po dahil panahon ng eleksiyon ngayon, sabi nila yung bottom-up budgeting suhol raw namin. Kako, paano ba kayo manunuhol kung yung para sa barangay ay darating pagkatapos naming bumaba. Nagtitraining pa lang ho ngayon. Mahaba yung proseso, magsasubmit ng mga plano, aaprubahan yung kanilang mga project, maraming dadaanan na approval yan, pag naaprub yun, ako po’y private citizen na. So, bagong klaseng suhol yata ‘to. Gawin mo muna yung kailangan ko at babalikan na lang kita. Ibang klaseng mag-isip talaga itong mga kalaban natin ah.

Meron pong isa pang programa tinatawag na Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services or KALAHI-CIDSS na nagpopondo at nagbibigay-lakas sa kanilang magtakda ng iba pang mga proyekto para sa kanya-kaniyang komunidad. Nandiyan rin naman po ang Payapa at Masaganang Pamayanan or PAMANA program, para naman sa mga komunidad na apektado ng hidwaan.

Talaga pong napakalaki na ang pinagbago ng ating bansa. Kailangan ko pong idiin: Itong transpormasyong tinatamasa ngayon ng Pilipinas, hindi nagawa ng isang indibiduwal, o ng gobyerno lamang. Ang buong sambayanan po ang nag-ambagan para maabot dito. At, di po ba, kung nagkakaisa tayo, mas madali nating maaabot ang ating mga hangarin?

Bigyan ko po kayo ng kongkretong halimbawa: Kung naalala po ninyo, noong umigting ang tensyon sa Korean Peninsula, kung sakasakaling kakailanganin ay pinaghandaan natin ang paglilisan o paglilikas ng mga kababayan natin dun. Noong panahong yun po, mayroon tayong 23 miyembro ng ating embahada sa South Korea. Asikasuhin nila dapat ang 50,000ng Pilipino nasa South Korea. Ang masakit pa ho nito meron tayong siyam na kababayan na nasa North Korea na kailangan asikasuhin naman ng Beijing Embassy natin. Napatanong ako, ano bang ginagawa nung kababayan natin sa North Korea? Mga miyenbro raw ho ng ibat ibang UN Agency na na-assign dun. Nagkakaisa po at matibay ang ibat ibang mga asosasyon. At yung kabuuan nitong mga samahan ng mga asosasyong ito ay talagang matibay rin at talagang nagkakaisa. Maski 23 ang tao ng embahada natin kaakibat natin ang lahat sa pagpaplano, paghahanda. At kung sakaling natuloy nung panahong yun yung kaguluhan sa Korean Peninsula may paraan tayong mailigtas yung 50,000 kababayan natin dadalhin sa pinaka southern portion po ng South Korea at kung kakailanganin maililikas natin pabalik sa Pilipinas.

Maganda nga pong ipaalala ‘yan lalo na po dito sa Los Angeles, napakaraming Pilipino. Sabi po nung Mayor ninyo kanina, parang siguro raw ho kung paramihan ng Filipino citizens, ang Los Angeles will rank in the top ten of largest communities of Filipinos. Parang, sabi, he really said it really well this morning. Los Angeles would be one of the top ten cities of foreFilipinos, tama ho ba? Yun ang pagkasabi yata ng ating butihing Mayor kanina.

Balita po sa akin ay marami-rami tayong asosasyon ng mga Pilipino dito. Baka po magandang pag-isipan at pagsikapan natin ang pagbubuklod-buklod ng isang nagkakaisang Filipino community, tutal naman po nagkakaisa rin ang ating mga hangarin. Yun po talaga kung may natitira akong ambisyon sa ating FilComs, yun na lang. Pag buo talaga, ang layo ng nararating natin. At hindi na bale sana kung maghiwahiwalay tayo kung iba iba naman ang pupuntahan natin. At parang iisa ang gusto nating puntahan bakit pa tayo magkakanya kanya kung pwede tayo mag-alalayan, di ho ba?

Isa pa pong dapat nating alalahanin: Napipinto na naman po ang eleksyon sa Pilipinas—nabanggit na po kanina. Ako po, ganadong-ganado dahil lalo nating mapapatibay ang Daang Matuwid, at magagawang permanente ang pagbabagong tinatamasa natin. Siyempre po, mayroong mga katunggali, na may kani-kanyang diskarte na para makuha ang matamis ninyong ‘Oo.’ Halimbawa po, meron pong, gustong taasan ang SSS pensions. Ang problema po, ang pinapangako po nila, ang gusto nilang mangyari hindi naman kayang sustentuhan. Sa ngayon po, ang fund life ng Social Security System, aabot sa taong 2042. Kung ipapatupad po nila yung mga nagpapapogi, babawasan natin 15 taon ang buhay ng Social Security fund. Paano naman po ang mga hindi pa nagreretiro sa ngayon? Paano yung magiging bagong miyembro mula ngayon hanggang 2027? Hindi naman po natin puwedeng ipasa na lang sa susunod ang problemang ito, para lang magpasikat sa kasalukuyan.

Ikuwento ko sa inyo para maliwanag na maliwanag. Bawat pisong kontribusyon ng miyembro ng SSS nagkakaroon ng tinatawag na benepisyo mula anim hanggang labinlimang piso. Nung itinayo po yung ganyang sistema, mataas po yung interest rates na pwede nilang isingil. Ngayon po, hindi ganun kataas, malayo na. Ang gobyerno po natin nakautang kanina ng… wala ng 4 percent interest eh, 3.6 percent interest. Ay, sorry ho, kinorrect ako nung ating butihing Economics Cluster head, hindi ho 3.6, 3.7. Okay?

Sabi nga niya, pag yung sa 5 percent para maibawi yung benepisyo aabutin ng 120 years—hindi naman compounded yun? Hindi compounded—120 years para maipon mo yung obligasyong ibayad sa kasalukuyan. Ngayon itong mga nagmamagaling na ‘to, sa totoo lang po—ilalabas ko na, pasensya na, kayo ang mga boss ko, ihihinga ko sa inyo. Sabi nila, hindi pwedeng malugi ang SSS na yan. May batas na sinasabi ang gobyerno pag dumating yung punto na tagilid yung SSS, kailangan buhayin yan. O, di totoo ho siguro yun. Pero pag hindi naman natin gagawin yan mag iimprenta lang tayo ng pera, di ho ba? may pagkukunan ka. Sino ang gusto nilang bawasan? yung 4Ps, yung modernization, yung education, yung health. Sa tanto ko lang, hindi ko malaman kung matawa o maiyak dahil dalawa hong magaling na abogado ang nagsalita eh. ‘I research the law ang the law does not allow this.’

Naalala ko kasi nung dati, ewan ko, hindi ko naman inabutan yun eh. Merong nagrereklamo kasing ano, tinanong ang presidenteng nauna sa akin, malayu-layong nauna sa akin. Bakit mataas ang bilihin? Yung nakakatanda ho sa atin dito, naalala siguro. Ang sagot, ‘Sir, that is the result of the law of supply and demand.’ Naalala ninyo? Dahil ang tugon po nung pinalitan ko, yung tagal nang nauna sa akin, ‘If that is the law, why don’t we repeal it?

Yung dalawa hong nagmamagaling tungkol dito sa SSS, sa awa ng Diyos hindi yata nila naintindihan yung tinuturo dun eh. Isa dun, kandidato pa naman. Kaya pag narinig ho ninyo magsalita, medyo nerbiyusin tayong konti. Saan tayo dadalhin nito?

Ulitin ko po, ano: Tayo hindi puwedeng ‘yung masabi lang may ginawa pwede na. Hindi puwedeng mag photo op lang, okey na yan; kailangan po may totoong pakikinabangan ang ating, di ba, pinangakuan na paglilingkuran. Kung gusto niyo pong malaman kung sino ang mga mahilig sa papogi, siguro maganda niyan tingnan na lang natin yung kanilang mga campaign materials. Makikita nyo ang campaign material ganito itsura. Makikita nyo yung live na news malayo yata itsura. Para sasabihin, yung iba ho napakalayo ng itsura sa picture kumpara sa totoong buhay. Nagpapakilala lang po sa inyo, nagbabalatkayo na. Ako po humaharap sa inyo, kita nyo nakasuklay nang maayos yung natitirang buhok. Pag nakita niyo ako sa TV kung minsan hindi ho maayos ang pagkasuklay ng natitira kong buhok. Hindi ko na ho ipapa-Photoshop yan. Ganito tunay ko pong buhok. Kasama ho sa trabaho yang pagpanipis itong buhok na ito. Ang sa akin po, doon na lang ako sa parating tumutotoo, di ba? Botante na rin naman po ako sa May 9 eh.

Ang usapan nga po kung sino ang nagpapakatotoo. Sa tingin ko po ang pinaka mahalagang tanong: Sino ba ang handang magsakripisyo? Bilang pinuno po, kailangan na kailangan po ito. Madalas tinatanong niyo ako sa lovelife ko. (laughter/applause) Pag natuloy po ako hindi ko na kayo iimbitahin sa handaan ha. Tutal marami na kayong beses na nagtanong eh.

Hindi, pero seryoso ano, parang pag tinatanong ako, kailan ka ba ikakasal talaga? Sabi ko, para naman ako nun nag Juan Tamad na hinihintay ko lang dumating yung sa akin, sabihin ako ang hinihintay mo, di ba? Hinahanap ko rin naman ho, pero maawa rin tayo sa… Ilan kaya dito mag bovolunteer na dedate kami, siyempre getting to know you. Lahat ng dadaan dun gusto nila makipagtanong, di ba? Sinasabi nila, pwede bang magpapicture sa’yo? Bakit naman kayo nagkikita, di ba? Parang lahat sila feeling nila assistant sila ni Boy Abunda. Kaibigan ko naman si Boy.

Di, ang punto ko nito ano, bilang pinuno ang kailangan po natin ‘yung totoong nakikipasan ng bigat, ‘yung totoong inuuna ang bayan bago ang sarili. Kung ako nga po ang tatanungin, malinaw na malinaw po sa akin kung sino ang may pruweba ng pagsasakripisyo. At para sa akin, walang iba yan kung hindi sina Mar Roxas at Leni Robredo.

Mga Boss, nagsimula po tayo hindi sa zero, alam niyo yan; nasa negative po tayo. Ngayon po, nasa very positive na tayo. Ang hamon sa atin ngayon, kung paano masisigurong magsusunod-sunod at lalawak pa lalo ang mga tagumpay na nakamtan natin. Kung maghahalal po tayo ng hindi tama, kayo na mag-isip, ano ang mangyari sa atin? Pero kung maghalal naman tayo ng tama, magpapatuloy ang tamang nangyayari sa atin. Kung halang ang kaluluwa naman ng iboboto natin, tiyak babalik na naman po tayo sa maling kalakaran ng nakaraan. Sa tingin ko po, wala naman po sigurong nasa maayos ang pag-iisip na magpapasyang itapon na lang lahat ng pinaghirapan natin sa loob ng halos anim na taon. Kaya po kung rehistrado kayo sa absentee voting, or maari naman o hindi tumulong magkumbinsi sa kamag-anak niyo sa Pilipinas, baka puwede tayong mag-ambagan, para ang mga naipunla po nating positibo ay madiligan at tuluyan na ngang mapitas ng mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

Mga Boss, sa pagtahak po natin ng Daang Matuwid, wala tayong sinanto. Sa pagsasaayos ng lipunan, mayroon tayong mga kinailangan bungguin. Hindi naman po tayo naghahanap ng away, pero meron po talagang mga pasaway. Humihirit na nga po sila tungkol sa kasong nakaamba nilang isampa laban sa akin. Maski na guniguni nila sasama na rin dyan. Kung ngayon pa nga lang po, ang dami nang tumitira sa atin, malamang po, pagbaba natin sa puwesto, baka talaga naman pong subukan nila.

Sa akin po, ayos lang ang lahat ng ito, at kung anuman ang mangyayari pagbaba natin sa pwesto, harapin ko sila nang walang takot—dahil masasabi ko, ginawa ko ang lahat para paglingkuran ang aking mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Nagtiwala po kayo sa akin noong taong 2010; at sa mga taon ng aking pagka-Pangulo, ibinuhos ko ang bawat sandali sa pagsigurong karapat-dapat ako sa tiwala ninyo. Kayo pa rin po ang aking lakas, kayo pa rin ang aking mga Boss—at tayo nga po ang sama-samang sisiguro… (audio cut)… na ang lahat ng ating pinaghirapan, ang lahat ng ating nasimulan, ay magpapatuloy at lalo pang lalawak at yayabong.

Maraming salamat po. Magandang gabi po sa inyong lahat.