President Benigno S. Aquino III’s Speech during the meeting with local leaders and the community of Naga City
Plaza Quezon, Elias Angeles St., Naga City, Camarines Sur
12 February 2016
 
Magandang gabi ho sa inyo.

Senate President Franklin Drilon; members of the Cabinet present; mamaya ho, ating tagapagpatuloy ng Daang Matuwid, si Mar Roxas; susunod po nating Vice President, Leni Robredo; ating mga senatorial candidates: gawin na ho nating parang sa Bibliya, ‘He who is last shall be first.’ Yung last na dumating sa Naga, si Joel Villanueva; siyempre si Ginang Ambolodto; si Mark Lapid; Kiko Pangilinan; si Frank Drilon baka makalimutan niyo kandidato rin po ngayon; si, sino ba yung namamayat diyan, si Leila pala, si Leila de Lima, halos di ko na ho nakilala; Cres Paez; Risa Hontiveros; Icot Petilla; Ralph Recto; sa mga nagpapa-abot po ng bati sa inyo, si Ping Lacson, si TG Guingona; Mayor John Bongat; Congressman Sal Fortuno; Vice Governor Ato Peña; other local government officials present; honoured guests; fellow workers in government; mga namumutang kong kahimanwa. Nagpraktis ako, mali na naman ‘yun? Ito sigurado ako, tama ito, marhay na banggi sa indo gabos. At ipaliwanag ko ho, yung una ho kasi, nagturo sa akin, si Butch Abad eh; yung huli ho, yung marhay na banggi, si Jesse Robredo actually nagturo nun. Eh hindi ko makausap si Jesse siyempre ngayon kaya pinagtiyagaan ko ho si Butch Abad, niligaw naman pala ako.

Sa tuwing bumibisita tayo sa mga probinsya, lagi pong siksik ang ating schedule. Kaya nung sinabi sa akin na pupunta tayo sa Camarines Sur, sumagi agad sa isip ko: sayang naman kung di natin masusulit ang punta natin dito. Ngayon overnight pa ho tayo dito, mukhang mas marami pa akong matitikmang masarap na luto ninyo. Di po ako nagpaparinig kina Vice Governor Ato Peña, Mayor John Bongat, at kay Gabby Bordado. Ang mas maganda, makakasama pa natin nang mas matagal ang minamahal kong mga Nagueño.

Baka dapat ipaliwanag ko ng kaunti po yan. Alam naman ho niyo, noong tumakbo ako nang 2010, wala akong planong tumakbo nung 2010, di ho ba? Pero bago pa lang ho nun, nung pagtakbo sa senado, dalawa po ang lider ng Partido Liberal ang mga unang nagmungkahi na dapat tumakbo tayo. Isa po nuon, si Manny Mamba ng Cagayan at isa rin po si Jesse Robredo ng Naga. At talaga pong gusto kong malaman rin, ano bang hangganan ko, ano bang kaya ng katawan ko dahil national election po ‘to, naka-three terms po tayong congressman; iba ho yung local, iba ho yung national. So minabuti po namin na sugurin yung Cagayan hanggang Piat, balikan mula sa Tarlac. Tapos ito naman pong Naga, ginawa rin naming balikan mula sa Quezon City, para makita lang, hanggang saan ba ang kakayanin natin dito.

At sa totoo lang ho ano—banggitin ko na rin po, napag-usapan na natin si Jesse, marami hong ibinahagi sa akin si Jesse—sa totoo lang ho, nung halos bahagya ko pa lang siya nakakasama, sabi ko, “di ba dapat, ikaw ang tumakbo sa national office, sa lawak ng iyung eksperiyensya at sa lahat ng nagawa mo?” At ipinaliwanag niya kung bakit tila hindi yata tama sa mga panahong yun. Pero sa totoo lang ho, pag sinabi kong nabalik ako ng Naga, eh kung baga tutuusin, yung pag-umpisa nung tahak natin sa Tuwid na Daan, baka nag-umpisa sa Cagayan, nag-umpisa dito, nag-umpisa sa Tarlac, kaya doon po, maraming salamat sa inyong lahat.

Balik na naman po tayo sa itinuro ni Butch Abad na nandoon sa harapan. Di ho, tama ho ‘to. Sa saindong mainit na pag-ako sa Matanos na Dalan asin daing patod na supporta, dakulang pasasalamat. Okey, buti na lang may kaparehas si Butch Abad na nagturo nang mas maayos.

Sa buhay po natin, humaharap tayo sa mga sangandaan, at kailangan po nating gumawa ng desisyon: Pwede nating piliin ang para sa kapwa o maging para sa kapwa, meron naman hong iba, pwede rin pilitin na unahin ang para sa sarili. Alam niyo naman ho pinagdaanan ng pamilya namin. Umpisahan ko sa aking ama, siya po ang may pinakamalakas na boses ng oposisyon laban sa diktadurya. Dahil dito, nakulong siya ng pitong taon at pitong buwan. Nang magkaroon ng pagkakataong mamuhay nang normal sa ibang bansa, pinili niyang bumalik sa sariling bayang nangangailangan. At alam naman po niyo nangyari, siya po ay pinaslang.

Ang nanay ko naman po, nasaksihan din ninyo, mula sa pagiging pribadong maybahay, kung paano ipinaglaban at ibinalik ang ating demokrasya—mula sa Batas Militar, nang manungkulan bilang Pangulo, hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay.

Ako naman po, nakikita rin ninyo: Kung ano-anong dinadaanan kong panlalait, pang-aalipusta, kasinungalingan, paninira, pangungutya, banta sa ating buhay. Lahat ng ito, ginawa ng ating mga katunggali, imbes na makipagtulungang maglingkod sa ating mga Boss. Ang tanda ko po’y pare-pareho kaming nangako, yun ang gagawin. Kasabay nito, gusto pa nilang maniwala tayong sila ang maghahatid ng mas matatayog na tagumpay sa bansa. Pero sinabi ko nga sa inyo, tahakin natin ang Daang Matuwid. At baka naman puwede, malapit na ho akong magpaalam sa inyo, banggitin ko naman ang ilang resulta nito.

Ang Pilipinas po, mula sa pagiging Sick Man of Asia, ngayon, isa na sa pinakamasiglang ekonomiya sa buong mundo. Ang unemployment rate natin ngayon ang pinakamababa sa loob ng sampung taon. Ang Pantawid Pamilya, pinalawak at itinutok sa totoong mga mahihirap, kaya’t mayroon na tayong 7.7 na milyong Pilipino, nakatawid o nakaalpas na sa tinatawag na poverty line. Ang dinatnan nating saklaw ng PhilHealth, sabi nila 51 percent, umabot na po tayo sa 91 percent ang coverage sa ngayon. Noong ako po’y kongresista, pagkakaroon ng mga bagong classroom, napakahirap po, pero bago po tayo bumaba sa puwesto, ayon kay Brother Armin, aabot na sa 185,149 classrooms ang naipatayo na po natin.

Tutal, pinag-usapan natin yung classroom, hayaan niyong magkuwento tayo ng kaunti. Noong palapit na po yung 2004 elections, nung panahong yun po, umaasa pa tayo kay Ginang Arroyo na gagawin ang tama. Nabanggit ko ho sa kanya minsan kami nagkita. Sabi ko, Mrs. President, alam niyo pag-uwi ho ng Tarlac kasi, dadaan ka ng NLEX, nung panahong yun, lalabas sa Pampanga, sa Mabalacat, Pampanga, alam ni Mark yun. Ngayon paglabas po niyo doon sa National Highway—yung tinatawag na pormal na Manila North Road o yung tinatawag na mas kilalang McArthur Highway—paglabas na paglabas niyo’t tuntong niyo sa highway na yun, grabe ho yung lubak, talagang pati yung 10-wheeler na truck, tumatabingi dahil talagang masasabi niyo mas butas keysa sa kalsada. At ngayon po, nung nagkita kami ni Ginang Arroyo, sabi ko po sa kanya, “Ma’am, baka hindi na tayo kailangang hanapan ng isyu ng kalaban, baka itayo na lang yung entablado nila diyan sa mga lubak na yan para tabingi ang entablado’t sabihin, inalala ba kayo ni Ginang Arroyo na kapwa niyo Kapampangan?”

So, in fairness po, pinakinggan naman tayo, napaayos yung mga kalsada, napaayos ‘tong kalsadang ‘to bago dumating yung halalan. Noong nagkita kami po ulit, sabi ko sa kanya, “Ma’am, salamat po, napaayos po yung kalsada.” Ang sagot sa akin, “you know these things fall to the cracks, that’s why I depend on the local leaders to tell me about it.” Napaisip lang po ako, ang distrito ko kasi, 2nd district of Tarlac. Yung Mabalacat po at saka yung distrito ko, may pagitan pang 3rd district ng Tarlac. Ako pala yung local leader na nagkulang na magsabi sa kanyang may problema yung kalsada doon. Pero ganun pa man din ho, nung lumabas yung karatula ng lahat ng dahilan kung bakit naipaayos yung kalsadang yun, ako po kasama doon sa sermon, wala doon sa pagtulong ng paggawa ng kalsada. Pero okey lang ho yan.

Idagdag ko pa po, para makita niyo pinagdaanan natin, gusto ko lang ho idiin talaga eh. Dumating rin yung isang punto, yung ating mga barangay captain kinakampanya natin dahil tayo’y umaasa pa ngang gagawin ang tama, 2004 election. Sabi sa akin nung mga kapitan ko, ano bang puwede nating ipagmalaki nagawa ni Ginang Arroyo? At kung tutuusin nga, parang medyo manipis lalo na sa Gitnang Luzon kung saan siya galing at pareho kami galing. So nagkita kami ulit, at gusto ko ring makatulong. Sabi ko sa kanya, “Ma’am, medyo manipis ho yata mga nagawa natin sa Gitnang Luzon, baka maganda ho eh yung mga nagawa ng mga kongresista at iba pa, total ehekutibo naman ang nagpagawa nito, eh baka ho maganda, angkinin na rin po niyo?” At sinunod po niya ang payo natin, kaya pagbalik ko ho sa distrito ko, lahat nung naipatayo kong eskwelahan at saka kalsada, patubig at iba pa, hindi na po ako kasali. Totoo po yan.

Dito naman po sa Camarines Sur, nagagawa na natin ang imprastrukturang kaytagal ng hinintay ninyong mga Bicolano. Kanina nga po, binisita natin ang nakumpleto nating pagpapalawak ng Pili Diversion Road, pati na ang pagpapalit ng San Jose Bridge at tatapusin na rin ang karugtong nitong mga daan. Sa dami nga ho ng nagagawa natin dito sa inyong lalawigan, ang mga lokal ninyong pinuno katulad kanina po, si Mayor San Luis, binabanggit niya ang mga proyekto, programa na naipagkaloob pati imprastruktura. Sabi po niya, may bago siyang problema. Kung dati po, pahirapan maghanap ng maipagmamalaking tagumpay sa kanilang bayan, ngayon daw po, kinakapos na sila ng oras para lang masabi ang lahat ng nagawa ng Daang Matuwid sa kanyang lugar at sa inyong probinsya.

Sa mga tagumpay nga po natin dito at sa buong bansa, kasama na ang nanunumbalik na kompiyansa sa atin ng buong daigdig, meron po bang nagsasabi na huwag na lang nating ituloy ang Daang Matuwid?

Alam po niyo, malapit na ang Valentine’s niyo—importante ho yung “niyo” dahil ako nakasal sa bayan sa kasalukuyan, hanggang June 30 po yung aming kontrata. Kaya sa 2017 po, Valentine’s “natin” pero ngayon 2016 pa lang, kaya nalalapit na ang Valentine’s “niyo”—na alam nating panahon ng ligawan, di ba? Para din po itong kampanya. Mayroong mga manliligaw na mamahalin ka nang buong-buo, pero meron ding ipapangako ang langit at lupa, pero ang totoo, sarili lang naman nila ang kaya nilang mahalin, di po ba?

May mga nagtanong sa akin, paano ba natin malaman kung sino ang dapat. Eh sagot ko po, ang dapat mong pagkatiwalaan ng ating mahahalagang boto ay dapat yung may K. Ano po yung K? May kakayahan, may karanasan, importante pa, may konsensya, may angking katotohanan sa salita at gawa, may kababaang-loob, may kalinga at pagmamahal sa kapwa, at ang suwerte pa ho natin, ang pinakuhuli na K, meron pa siyang Korina. Yan po si Mar Roxas.

Minsan ho, nagtataka tayo eh: Sa daming naglalaban para sa pagka-Pangulo, bakit ba tila pinagtutulungan si Mar? Sa matagal nang ginagawa sa kanya, naaalala ko nga ang ginawa sa akin noong simula ng akin mismong kampanya. Tama nga ho ang kasabihan: “Ang punong hitik sa bunga ang siyang pinupukol.” Halimbawa po, noong nasa Eastern Samar si Mar, sumasaklolo sa mga sinalanta ng bagyo. Bilang kalihim ng DILG, inikot niya ang mga apektadong komunidad para malaman kung tama ang datos na dumarating at matukoy kung sino ang mga pinakamalaki ang pangangailangan para agarang matulungan. Sa ganitong paraan nga po, agaran itong matutugunan ng gobyerno. At si Mar po, ulitin ko lang, hindi dumating nung pagkatapos nung bagyo, nandun siya sinalubong yung bagyo.

Inasahan po natin na matutulungan tayong ibalita ang kalagayan at mga kinakailangan ng mga sinalanta nating mga kababayan. Pero ang naging pinakabuod po ng mga balita sa ginawa ni Mar, ay yung pagdulas niya sa motorsiklo, di po ba? Para bang kinalimutan talagang banggitin kung ano kahalaga ang ginagawa niya at tinukoy na lang ang balita sa dumulas na motorsiklo. Bakit naka-motorsiklo? Dahil sarado nga ho yung mga kalye dahil sa mga natumbang poste ng kuryente, puno at iba pa. Ang kaya lang makalusot motorsiklo.

Alam po natin, alam pareho ng ating mga katunggali ang tunay na katotohanan: Sa buong kahabaan ng karera ni Mar, hindi siya nagnakaw, at kailanman, hindi niya ginamit ang poder para makalamang sa kapwa. Si Mar, hitik sa patunay ng kakayahan: Nakalikha na siya ng maraming trabaho, tulad po nung sa IT-BPO. Alam ho ba niyo, ‘tong taon na ito, tinataya pong baka umabot tayo ng 1.3 million na nagtatrabaho sa IT-BPO na industry. At ang idadala sa ating bansa, hindi ho bababa raw sa 25 billion dollars. Alam rin po niya kung paano maghanap ng solusyon sa anumang hamon na haharap sa isang Pangulo.

Itong lahat ng ito, nagawa ni Mar nang walang reklamo, walang drama, walang pagpapasikat. At kahit pa po paulanan siya ng paninira ng mga katunggali sa pulitika, patuloy lang siyang nagtatrabaho. Totoo nga po: You can’t put a good Mar down.

Siyempre po, napaka-importanteng posisyon ang Bise Presidente, hindi puwedeng mawalan tayo ng pinuno, pag may nangyari sa pinuno, kailangan may hahalinhin na kasinghusay, kasinggaling at kasing-tiwala natin. Siyempre po, sino pa ang mas babagay na katuwang ni Mar, kundi ang katulad niyang may integridad: Ang paboritong anak ng Kabikulan, si Leni Robredo po.

Babalik na naman ho tayo sa Valentine’s ha? Hindi ako nagrereklamo para maliwanag ha? Alam po natin: Sa tagal ng serbisyo ni Jesse, katuwang niya si Leni. Pinatunayan nila: “The sum is greater than the parts.” Nang pumanaw po si Jesse, tumayo si Leni bilang ama’t ina ng kanyang tatlong anak. At sa totoo lang, pwede naman niyang tanungin: Kulang pa ba ang inambag namin sa bayan? Pwede po syang lumagay na lang sa tahimik, at piliin ang mas komportableng landas. Pwede rin nyang ituloy na lang ang pagsisilbi sa kanyang distrito, re-election po, baka mas madali kaysa sa unang pagtakbo. Pero tinawag nga po siya upang maging vice presidential candidate ng Daang Matuwid. Marami man hong luha ang pinagdaanan nilang mag-iina dahil dito, sa dulo, pumayag siyang tanggapin ang hamon na higit na makapaglingkod sa sambayanan.

Palagay ko, hindi marami sa inyo ang may alam, noong pagpanaw po ni Jesse, tumungo kami sa Masbate at lumampas na ho yung dalawampu’t oras na hindi namin nakikita ang anumang bakas ni Jesse. Si Jesse po, may buhay na pampubliko at saka yung pulitika at pinipilit niyang magkaroon ng pribadong buhay naman yung kanyang mag-iina. Tulad nang ginawa ng aming ama po sa amin, gusto niyang magkaroon kami ng mas normal na buhay. Dahil po doon, halos wala nga ho sa amin ang talagang may kakilala kay Leni, at siyempre, ako po ang Pangulo, si Jesse po ay miyembro ng aking gabinete, yung balita naman yata dapat magmula sa akin maski pangit.

Palagay ko, first time ko nakausap si Leni nung panahong yun eh, nang mahabaan. At hinahanda ko na rin ho yung sarili ko yung, di ba, nandun yung luha, nandun yung sama ng loob, nandun yung galit—kung anu-anong papasok na emosyon sa’yo dahil sa biglaang pagkawala ni Jesse. At maniwala ho kayo ano, nagulat ako sa katatagan ni Leni, hindi ho maganda yung binalita ko sa kanya, na dahil lumampas yung dalawampu’t oras, hindi tayo makakaasa na magkakaroon tayo ng magandang balita. Ni isang luha ho, hindi ko yata nakita kay Leni doon, bagkus, parang iniintindi pa niya lahat kaming kasama niyang nagdadalamhati, at talagang bilib na bilib ka nga ho, sa panahon ng pagsubok kung gaano katatag itong isang babaeng ngalan ay Leni Robredo. Talaga ho yatang… kaya ho sabi ko sa’yo balik tayo sa Valentine’s. Isa sa benepisyo ni Jesse, at palagay ko ho kung nakakasama natin siya ngayon, sasabihin rin niya: hindi ko maaabot ang lahat ng aking naabot, hindi ko nakayang lahat ng aking kinaya kung hindi dahil may katuwang akong Leni ang ngalan.

Mga kababayan, batid ninyo kung saan tayo nanggaling. Batid ninyong hindi tsamba ang mga napala natin. Ang lahat po ng tagumpay natin, ipinaglaban natin. Ngunit hindi pa natin masasabing permanente na ang mga ito, lalo na kung ang papalit sa atin ay ihahatid tayo pabalik sa baluktot na kalakaran, o baka naman maihalal pa natin ay yung hindi pa talagang handa.

Kaya ang masasabi ko nga po: Sina Mar at Leni, walang kaduda-duda at walang baka-sakaling itutuloy ang Daang Matuwid. Kami po rito sa entablado, ay dumudulog sa inyo: Dito na tayo sa tiyak na hindi kayo nanakawan; dito na tayo sa tiyak na may kakayahan; dito na tayo sa tiyak na dadalhin tayo sa katuparan ng ating mga pangarap.

Kayo pong mga taga-Camarines Sur, kasama ng ating mga Boss, ang lakas ng Daang Matuwid, kayo ang lakas nina Mar at Leni, at sa tulong ninyo, titiyakin natin ang isang patas at masaganang lipunan para sa mga susunod na salinlahi. Sinamahan po ninyo ako noong taong 2007, at lalo na noong taong 2010. At ngayon naman, samahan po ninyo ako sa labang pinangungunahan nina Mar at Leni, ang tambalang siguradong magpapatuloy at magpapalawak sa Daang Matuwid.

Meron ho tayong isang malapit na kaibigan at yung ating pinalitan ay nakaupo bilang pangulo sa siyam at kalahating taon, ang sabi niya sa akin, hindi ko siya mapapatawad sa halos sampung taong nawala sa atin. Yung oras ho, pag tumakbo na, di ba, ‘di mo na puwedeng sabihing puwede bang rewind? Wala na, tapos na yun.

Kahapon ho, nandun kami kausap ang mga opisyales ng barangay sa buong Pilipinas, at nagulat po ako, na yung kauna-unahan nilang proyekto o isa sa mga proyekto ng kanilang munisipalidad eh ang pagkakaloob ng patubig o inuming patubig sa kanilang lugar—labinlimang poso ho yata ang naitayo. At ang sabi nila sa akin, alam ho niyo sa amin na dekada, kung kailangan ng tubig, lalakad kami ng tatlong kilometro para umigib ng tubig. Hindi ho sinasabing walang pagkukunan pero tila maliwanag na itong mga boses nila, walang nakarinig hanggang nagawa nga po natin itong pangangailangan nila.
Sana po, itong dinaanan natin na halos anim na taon na, masasabi nating talagang umpisa pa lang kung saan tayo tutungo. Yung dating inaasam-asam natin na tila naging imposible na, at marami nga sa mga kababayan natin lumikas na ng Pilipinas nawalan na ng pag-asa, ipinakita natin kung ano ang kaya ng Pilipino—at para sa akin ho, kaya natin talagang ipagpatuloy ‘to, gamitin lang natin yung karapatan natin, kapangyarihan natin na magdesisyon ng tama.

Ito na po yung yung itinuro na naman ni Butch Abad. Marami pa hong letter “H”, hirap kaming mga Kapampangan sa “H” eh. Mga padangat kong kahimanwa, ang masunod na Presidente kan Republika kan Pilipinas, mayong iba kundi si Mar Roxas.