President Benigno S. Aquino III’s Speech during the meeting with local leaders and the community of Iriga City
Iriga City Gymnasium, Poblacion, Iriga City, Camarines Sur
12 February 2016
 
Magandang hapon po. Maupo ho tayo.

Butch, maupo ka na muna. Yung iilan lang kung okey lang sa inyo sandali, alam niyo si Leila, nakadamay ko sa napakaraming bagay. Noong huli kami nagkita, kako masyado ka yatang namayat Leila. So, minabuti ko may pasalubong lang ako sa iyo, ibibigay ko lang sa’yo. Tsk, si Leila ho kasi, parang nagmistulang lalaban ng Binibining Pilipinas yata.

Anyway, Senate President Frank Drilon; members of the Cabinet present; ang papalit po sa atin, Mar Roxas—nandiyan na parating na—at ang kanyang siyempre partner, si Leni Robredo; ating mga kandidato: siyempre, ulitin natin si Frank Drilon tumatakbo, baka makalimutan natin tumatakbo si Manong Frank; ating former Assistant Secretary Nariman “Ina” Ambolodto; Congresswoman si Risa Hontiveros; si Mark Lapid; si Cres Paez; yung nakakabata po sa akin, si Kiko Pangilinan; inaalam pa namin kung sino mas matanda sa amin, si Icot Petilla; kasamang Ralph Recto; at ang iba pa nating kasama pero wala ho ngayong araw na ‘to, pero talagang pinapasabi hong talagang nakatutok ho sila sa inyo. Siyempre, si TG Guingona, si Ping Lacson, at si Joel Villanueva; ating butihing Camarines 5th District Congressman Salvio “Sal” Fortuno; Mayor Ronald Felix Alfelor; Vice Governor Ato Peña; other local government officials present; honoured guests; fellow workers in government; mga payapa kong mga tagaring kunada.

Mamaya-maya hong konti, ipapakita ko sa inyo pinag-aralan kong konting Bicol. Ang problema ko lang ho, yung nakasama ko kanina sa helicopter na nagtuturo sa akin, si Butch Abad. Ngayon kako, hindi yata distrito ng Bicol yung Batanes, kaya pag may mali ho, kasalanan niya.

Binansagan nga po itong Iriga bilang “The City of Crystal Clear Springs.” Bagay na bagay naman po talaga, bukod kasi sa mahigit 30 ninyong magagandang natural springs dito, klarong-klaro din po: Grabe gagayon ka mga Irigueña. Butch, mukhang tama yung itinuro mo sa akin.

Parang kailan nga lang nga po, noong di pa ako nagdedesisyong tumakbo bilang Pangulo, naglabas ng survey ang SWS noong taong 2009, buwan ng Setyembre. Ayon po sa survey na ‘to, 60 porsiyento—uulitin ko po ano—60 percent ng botante daw po ay pabor sa ating manalo. Kung iyon na nga po ang magiging resulta ng eleksyon, kahit po buuin ng kahit sino sa walo nating naging katunggali ang natirang boto, kakapusin pa rin po sila. Kaya po, minabuti nila na subukan bawasan yung suporta ng ating mga kababayan noong taong 2010. Kaya di na rin tayo nagtaka, yung mga kalaban natin, nagtulong-tulong para diumano’y pabagsakin tayo. Taktika nila: Walang-basehang paratang sa umaga, intriga sa tanghali, batikos sa hapon hanggang gabi, at may pahabol pang tsismis sa hatinggabi. Di ho ba, kayo ang testigo diyan. Kulang na nga lang po, pati sa panaginip, bulabugin pa ho nila tayo. Pero alam naman po ninyo ang nangyari. Matapos ang halalan, 42 porsiyento ang bumoto po sa atin. Pagdating naman ng Nobyembre taong 2012, ayon naman po sa Pulse, pumalo pa ang trust ratings natin sa 80 porsiyento. Hanggang nitong Disyembre, ayon din po muli sa Pulse, approval ratings natin, buwan na lang ang natitira sa ating paglilingkod, nasa 55 porsiyento, kontra sa disapproval na 15 porsiyento. Talagang alam na ng Pilipino kung ano ang bola, at kung ano ang totoo; at kapag kayong mga Boss ang nasa likod ko, walang makakatibag sa atin. Kamu panang-gad kan akung kusog. Dios mabalos.

Totoo nga ang kasabihan: “Ang punong hitik sa bunga ang pinupukol.” Pansinin po ninyo: Kung paano ako banatan noon, ganoon din ang atake nila sa pambato natin ngayon. Nagpapahalata tuloy ang ating mga kalaban: Di pa man sinasalamin ng mga survey sa kasalukuyan, alam na nila kung sino ang tunay na contender sa pagka-Pangulo sa darating na eleksyon. At sino pa nga ba, kundi ang tunay na may ‘K’: may kakayahan, may karanasan, may konsensya, may katapatan, may kalinga’t pagmamahal sa kapwa, at ang pinakahuli po, may Korina pa. Walang iba, kundi si Mar Roxas.

Hayaan niyo po akong magtanong, nang simulan natin ang Daang Matuwid, may nangarap man lang bang aabot tayo sa puntong ito? May nangarap ba, na ang Pantawid Pamilya, na dati’y ginagamit sa pamumulitika, ay sa ngayon kumakalinga na sa 4.4 milyong kabahayang benepisyaryo? May nangarap ba, na ang PhilHealth, na may 51 percent coverage lang po noon—at depende pa kung may eleksiyon o wala—ay umaaruga na sa kasalukuyan ng 91 percent ng atin pong populasyon? May nangarap ba, na ang DPWH, na pugad ng korupsyon noon, ay makakaipon ng mahigit 55 bilyong pisong savings, at makakapagkongkreto ng mahigit sa 6,200 kilometrong kalsada sa buong bansa? Puwera pa ho yung local roads, at yung tourism roads na dagdag limang libong kilometro. May nangarap ba na ang ating dating Sandatahang Lakas, na tila nawalan ng “Lakas” noon, ay magkakaroon ng mga bagong combat utility at attack helicopters, Weather High Endurance Cutters, multi-purpose attack craft, armored personnel carrier at mga bagong fighter jets sa ngayon?
Dito po sa inyo sa Camarines Sur, sa pamumuno nina Mayor Gang-gang Alfelor, returning Mayor Madel Alfelor-Gazmen, Congressman Sal Fortuno, at Vice Governor Ato Peña, may nangarap bang sunod-sunod na imprastruktura, mga kalsada, paliparan, pantalan, flood-control projects ang maipapatayo natin? May nangarap bang ang mga sitio ninyo dito sa Camarines Sur, ang pangako sa atin ng Department of Energy, konti na lang po, 100 percent na at mae-energize na lahat sa darating na buwan, sa Marso po? May nangarap bang magiging 2nd top tourist destination ng bansa ang inyong probinsya noong taong 2013?

Iba na nga po talaga ngayon. Kanina, naroon po ako sa Pili, kung saan inilatag ni Mayor Alexis San Luis II ang nagawa ng Daang Matuwid sa kanilang bayan. Sa talumpati po niya, ang sabi niya, di niya na raw maisa-isa ang mga tagumpay natin sa kanilang bayan dahil napakarami at talagang kulang raw po yung oras nung kanyang talumpati para mailista lahat ‘to. Sabi ko po, iba na talaga ngayon. Dati, kung anu-anong pambobola ang kailangang gawin at sabihin ng ibang pinuno, para lang may palabasing may nagawa.

Alam ho niyo, naalala ko tuloy nung taong 2004, may eleksyon po at aminin ko, alam naman po niyo yan nang panahong yun kasama ko ho si GMA. At doon po sa amin sa Gitnang Luzon kung saan siya galing, palapit na ang eleksyon, siyempre gusto mong maipagmalaki ang mga nagawa, tama ho ba? So, ang problema, nung nagkukuwenta ho tayo ay halos wala. Sabi ko sa kanya ngayon, ewan kung naalala pa niya, “Ma’am baka maganda, yung mga proyekto ng mga congressman, total yung executive naman ang nagpapagawa nito eh angkinin na niyo.” Sabi niya, “mukhang maganda yan.” So, pag-uwi ko po sa distrito ko sa Tarlac, lahat po nung karatula nung mga proyekto namin doon, nawala ho yung karatula ko, napalitan ng karatula niya. Sabi ko, masyadong sinunod yung payo natin, ‘di okey na rin. Pero ang punto ko lang ho nito, talagang masasabi natin na tila mas maganda yung problema na kung paano mo ibabalita sa taong-bayan ang lahat ng nagawa mo, kaysa nagpapaliwanag ka kung bakit wala kang nagawa, tama ho ba? Okey.

Mga Boss, yung mga binanggit ko kanina, ilan lang po yan sa mga itinuring na imposibleng mangyari sa Pilipinas at nagawa nating gawing hindi lang posible, naging nagkaroon ng katuparan yung ating mga inaasam-asam dahil po sa pagtahak sa Daang Matuwid. Babalik pa ba tayo sa dati, na dahil sa tindi ng korupsyon at kahirapan, ay di man lang natin magawang mangarap?

Alam po niyo, nung isang araw po, kahapon ho yata kausap ko yung mga barangay officials sa iba’t-ibang lugar ng Pilipinas. At nabanggit po doon ang isang barangay sa Calauag, Quezon. At ang successful na binabalita, nakapatayo ng 15 pagkukunan ng tubig doon po sa kanilang barangay. Dati raw po, sa loob ng anim na dekada—uulitin ko po ano—anim na dekada, literal na nag-iigib ng tubig, tatlong kilometro ang layo sa kanilang pamayanan. Iiwan ko na ho sa inyong palaisipan yan. Simpleng bagay na tubig, may pagkukunan, bakit kailangan anim na dekada ang dadaan bago magkaroon ng kaganapan.
Ngayon po, narito na po si Mar Roxas, handang-handa nang i-fast forward ang asenso po ng Pilipinas. Kung tutuusin po, 2010 pa lang, ready na siya. Siya ang orihinal na pambato ng partido. Pero natandaan po niyo, ano po ang ginawa niya? Hinarap kami, si Butch Abad ang isang kausap, wala na hong deba-debate, walang mahahabang usapan o negosasyon; nang marinig niya ang tawag ng sambayanan, kusa siyang nagbigay-daan sa ating kandidatura. Di rin siya nagdalawang-isip nang tawagin natin para maglingkod sa ating gabinete. Sa patong-patong na pagsubok na hinarap natin noon: krisis sa Zamboanga, Bagyong Yolanda, lindol sa Cebu at Bohol—patong-patong na dunong, sipag, at malasakit din ang inialay ni Mar. Saan man po siya nakatalaga, di niya iniwan hangga’t istable ang sitwasyon. Sa lahat po ba ng mga yan, ni minsan, humingi siya ng pagkilala at papuri? Di ba sa kada sampung magawang tama ni Mar, hinahanapan pilit ng ating mga kalaban ng maski anong mali, maski pinakamaliit na mali, at yun ang lumalabas sa balita?

Halimbawa po, Eastern Samar: para maka-responde po siya sa mga sinalanta ng bagyo, iniinspeksyon nya ang mga bayan ng mga oras na ‘yun. Sarado po ang mga kalsada, at di makadaan ang mga kotse, gumamit siya ng motorsiklo para agarang mapuntahan ang lugar na kailangang inspeksiyunin. Pero ano po ang binalita pagkatapos? Hindi yung sa pag-aasikaso niya sa ating mga kababayan kung hindi nadulas yung motorsiklo Naalala ho ba natin yun? Ngayon ho, kayo na magsabi: sino kaya ang dapat nating piliin? Yun bang talagang nagtatrabaho o yung dumarating lang para magbigay ng ilang relief goods para may photo opportunity at sasabihin may malasakit na sila.

Si Mar po, hindi umaalis sa isang lugar. Una, darating siya, wala pa yung, kunyari bagyo, aalis siya kailangan istable na yung sitwasyon bago niya iwanan. At hindi niya pinagbabandera sa kaliwa’t-kanang tabi na ginawa niya lahat ito dahil para sa kanya, ginagawa lang po niya ang trabaho. Sa kabila naman ng lahat ng batikos at pahirap, kita ninyo naman po, narito pa rin si Mar, buong-loob na sinusulong ang pangarap natin para sa inyo at sa ating bansa. Yan po ang sakripisyo. Yan ang pagsasabuhay sa katagang “Bayan bago sarili.” Yan po si Mar Roxas.

Narito din po ang payaba ninyong Bikolana, si Leni Robredo . Kilala niyo ho siya: Butihing asawa ng paboritong anak ng Bicol na si Jesse Robredo, ulirang ina sa tatlong mabubuting anak, at beterana na rin sa paglilingkod-bayan. Naging public attorney, NGO worker, at nang tawagin ng kanyang distrito na ipagpatuloy ang tsinelas leadership ni Jesse, nanindigan, kahit pa ang kalaban, makapangyarihang pamilya. Wala na ngang mas babagay na katuwang si Mar kundi si Leni. Alam din niya ang halaga ng posisyon ng Vice President. Hindi yan ginagamit para lang magpa-pogi, at stepping stone para sa ambisyong maging Presidente. Anumang oras, pwede kang humalili bilang Pangulo. Kaya ang kailangan, may integridad, may karanasan, at talagang may puso lalo na para sa mga nasa laylayan ng lipunan. Yan po si Leni Robredo: Ito babalik na naman ho tayo sa itinuro ni Butch Abad: Dakul na naginibo pero bukong mariboc na tawu. Yun ho ang Bicol na dumaan muna sa Batanes papuntang Tarlac.

Si Mar Roxas nga po at si Leni Robredo ang Tambalang Matuwid. Narinig niyo na ring magsalita ang mga katuwang natin sa Senado. I-special mention ko na lang po ang isa sa kanila, na isa ring anak ng Kabikulan. Ang kilabot ng katarungan, binansagang “Dragon Lady,” at payaba ninyong oragon. Tama? Oragon. Kasi ho kanina sa ano, iba na naman ang pronunciation ng ano, sabi ho sa akin nung nasa kabilang partido noong araw, nasa Kongreso kami: Oragon. Pagdating dito, sabi sa akin, batiin ho yung huli, oragong. Mamaya ewan ko may panibago na namang… basta nagkakaintindihan tayo, ayos na po yan.

Si Leila de Lima bilang Justice Secretary, tumulong siyang ipakulong ang mga corrupt na opisyal. Anuman ang apelyido, anuman ang posisyon sa gobyerno, basta’t nagkasala ka sa bayan, wala siyang sinasanto. Yan ang hustisya. Yan si Leila de Lima.

Tamang-tama po at palapit na ang Valentine’s—para sa inyo, sa akin ho, hindi pa rin lumapit, baka next year ho—panigurado, marami na naman manliligaw, di ho ba? Lalo na sa inyong boto. Mag-ingat po tayo. Meron diyang gumagamit ng mabulaklak na mga salita at matatamis na pangako, pero ang totoo, sarili lang naman ang kaya nilang mahalin, kaya ang tuon puro “ako, ako, ako.” Ito pong sina Mar Roxas at Leni Robredo, kasama na ang Koalisyon ng Daang Matuwid, ang tangan nila, kongkretong plano, at mga programang napatunayan nang epektibo. Ang tuon naman nila lagi “tayo, tayo, tayo.” Parati kong pinipilit ang makaharap ko ang aking mga Boss kailangan totoo lang ang sinasabi ko. At talaga pong sila ang tototoo sa atin.

Mga Boss, tayo ang gumawa ng pagbabago. Tayo ang nangahas mangarap, tayo ang tumupad sa ating mga pangarap, at tayo ngayon ang aabot ng mas matatayog pang pangarap. Tayo ang nakakarami, tayo ang nasa tama, tayo ang inaasahan ng mga susunod na henerasyon ng Pilipino. Tayo ang Daang Matuwid.

Ang tanong po: Pagkatapos ba ng ika-9 ng Mayo, gigising tayo nang nakangiti, dahil panatag tayong may magtutuloy sa lahat ng ating nasimulan? O huwag naman sanang mangyari, gigising ba tayong nakangiwi, dahil babalik na naman tayo sa bangungot ng nakaraan?

Nasa sa atin po yan. Magtiwala sana ulit kayo: Kilala ko po ang mga kasamahan natin sa Daang Matuwid. Sila ang hindi nagsasabing “baka,” kung hindi siguradong magpapatuloy sa transpormasyong ating tinatamasa. Sila ang tutupad sa mas matatayog pa nating pangarap para sa ating mga pamilya, at sa buong bansa. Ang magpapatuloy, lalaban, at magpapalawak sa Daang Matuwid: Sina Mar Roxas at Leni Robredo.

Sandali lang paki… babalik ko lang ho yung last na itinuro sa akin ni Butch Abad. Pinaghirapan ni Butch ‘to eh. Kaya po—natatawa na po si Leni wala pa akong sinasabi—kaya po, mga payaba kong Boss na Irigueño at Irigueña, ang susunod na Presidente ng Republika ng Pilipinas: walang iba kundi si Mar Roxas!