President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 2016 League of Municipalities of the Philippines (LMP) General Assembly and Mayors Forum
Grand Ballroom, Manila Marriott Hotel, Newport City Complex, Pasay City
10 February 2016
 
Kahapon ho, nasa isla tayo ng Panay at dumating tayo sa isang eskuwelahan sa bayan ng Pavia, lalawigan ng Iloilo. Ang pakay ho natin doon, i-inaugurate yung labingwalong classroom na bago para sa senior high school students ng Pavia National High School. Doon sa pinagpulungan naming lugar—gymnasium—mayroong katabing building na luma na. Medyo marami-raming classroom siya, tapos nakita ko nga ho na medyo may kalumaan na yung katabing building. Kailangan ho ng repair. Ipinaalala natin kay Bro. Armin [na] wag kalimutan ang pagre-repair nito.

Medyo may mga pinansin akong katangian ng building na iyon. “Mukhang matagal na itong building na ito,” tinanong ko. Sabi sa akin, “Opo, pinagawa po iyan noong panahon ng inyong ina.” Ang nanay ko po nag-umpisa bilang Pangulo, 1986. Kung tutuusin, noong ako’y naupo [nang] 2010, kulang-kulang 25 years. Isang henerasyon ang dumaan. Tapos ako’y napag-isip lang: Ganoon ho ba iyon? May pagkakataon na talagang maayos, mapaganda, angkop sa pangangailangan na maipagkaloob dito sa ating mga estudyante, tapos 25 years later bago magkaroon ng pagkakataon ulit yan?

Bigyan ko kayo ng sarili kong karanasan: Noong ako po’y kongresista sa Tarlac, mayroon kaming Tarlac River. Nandito si Dennis Go, ang ating butihing mayor ng Gerona, alam po niya na pag tag-init ay halos walang tubig yung aming river, puro buhangin ang makikita mo. Pag dumating naman po yung tag-ulan, rumaragasa yung tubig na sinisira lahat ng proteksiyon nitong mga banks.

Bilang kongresista po, inilapit natin sa ating government agencies ang problema ng ating sinasakupan. At awa ng Diyos, dalawa ho yung proyekto, isa nasa Pampanga, yung isa nasa Pangasinan. Itinuro sa akin kung sino ang dapat lalapitan para tugunan yung problema ng pagbaha. Dahil yung Tarlac po ay nasa boundary nitong dalawang proyektong malakihan, yung isa sabi sa amin, hindi nila kami sakop, dumulog daw kami sa kabila. Pagdating ho sa kabila, iyon din ho ang sagot. Punta kami doon sa kabila na naman ho dahil hindi kami sakop. Sa madaling salita ho, tila ulilang lubos yung Tarlac City: Problema namin, kami ang bahala.

Bakit ko pinasukan po iyan? Sa talumpati po ngayong araw na ito, kanina nabanggit ni Sandy [na] yung inyong IRA halos dumoble. Yung bottom-up budgeting nasa 50,000 projects ang nakalaan. Yung inyong sasakyan ho sa kapulisan, dadalawampu na lang yata ang kulang, sa Sulu. Sulu na lang ang nahuhuli. At may 1,400 na vehicles for municipalities sa pulis. Mayroon naman hong additional na 1,200 para doon sa Regional Safety Batallion, Public Safety Company, yung National Support Unit. Sa madaling salita, sinasabi nga ni Mel, hindi namin ipinangako sa inyo yan, idineliver lang.

Siguro parang ganito lang ho ang buod ng talagang gusto kong sabihin sa inyo ngayong araw na ito: Naranasan ninyo na kayo bilang mayor, takbuhan kayo ng inyong sinasakupan, 24/7, 365 [days a year], at walang pinipiling oras. At tulad ko ho, noong panahong ako’y kongresista at dumulog ako sa mas nakakataas sa akin, humingi ng tulong at saklolo, talagang sa totoo lang ho… Nag-umpisa akong congressman, 1998. Mayroong 1997 financial crisis sa Asia. Ang litanyang narinig namin: Walang pondo. Dito ho namin, gusto naming masabi talaga na ang gobyerno’y ibinabalik natin sa paglilingkod. Kayo pag may problema kayo, ipasa ninyo sa amin, hahanapan namin ng paraan kung paano tugunan. At sana sa loob ng limang taon walong buwan na ako po’y naglingkod sa inyo, wala sigurong makakapagsabing hindi namin hinanapan ng solusyon ang mga problemang hinarap ninyo.

Isang punto na lang ho ang gusto kong ipagdiinan: Panahon na ho ng eleksiyon. Mamimili tayo ng direksiyong tutunguhin natin. Alam ko hindi lang ako nag-iisa pag nakakakita tayo ng ibang ad sa tv o sa diyaryo kung saan kanya-kanyang islogan. Pare-pareho tayong pulitiko, kanya-kanya tayong islogan. Yung iba hong may mga islogan na ginamit para sa sarili nila, sa totoo lang, nagpapasalamat ako sa kanila dahil araw-araw siguradong may magbibigay ng katatawanan sa akin. May aangkining ganito ang kanilang kuwalipikasyon, paniniwala nila kasi makakalimutin ang taong Pilipino. Ikukumpara ang kanilang kulang na nagawa doon sa ipinapangako sa ngayon at yung ine-embody ng kanilang ng islogan.

Dito naman po sa samahan namin, ang paniniwala namin [ay] simpleng-simple: Yung kaya naming gawin nitong anim na taon na ito, puwede nating gawing permanente dahil ipadadama natin sa bawat isa na puwede tayong magkaroon ng sistema, ng gobyerno, ng lipunan na talaga namang nakatutok sa kapwa, at puwede tayong umangat hindi yung sinasabi ngang “stop and start”: uumpisahan, ititigil, uumpisahan na naman. Hindi ho. Puwede tayong tuloy-tuloy, puwede tayong paangat nang paangat sa ating papupuntahan. Pero siyempre may pangangailangan din ho sa ating lahat yan.

Sa inyo po na nagbigay sa akin ng pagkakataon noong 2010, alam naman natin noong panahong iyon, noong lumabas ang survey, kung gaano kalaki ang lamang ko sa mga kalaban. Alam naman po ninyo kung paano ako nilait, niyurakan, siniraan, hanggang ngayon ho hindi ako tinatantanan. Kaya mga 140, 141, 142 days na lang ang natitira pero sa tingin ko lalo pang iinit ang pambabatikos sa akin hanggang June 30. Suwerte ko ho kung July 1 ay iba na ang papansinin nila, pero baka idadamay pa rin nila ako. Sa akin, okay lang ho iyon. Yung mga ginagawa nila, talagang tanda na yung mga gustong magpanatili ng sistema na walang ginawa kundi talagang ipagkait sa atin yung pagkakataong tunay na umasenso at umangat, pag sila galit sa akin, okay ho sa akin yon dahil palagay ko nadadama nila na talagang malaki na ang pinagbago natin.

Kung gusto ho natin na bumalik sa sitwasyong taon-taon may baha ka, taon-taon ang nagagawa mo na lang kapirasong mag-relief, o dito tayo sa sistema natin ngayon, “Saan ba ang ugat ng bahang yan? Bakit hindi natin ayusin yung problema ng pagbaha para sa susunod na taon iba naman ang pinoproblema natin hindi yung paulit-ulit na problema?” Tayo ang problema ay kahirapan, tinugunan natin sa 4Ps yan. Hindi lang sa kasalukuyan pero pati sa kinabukasan, dahil ang buod po ng 4Ps: manatiling nag-aaral ang anak mo, mayroon kang sustento mula sa estado, nakapagtapos ang anak mo, mas may kakayahan siyang [makakuha ng] trabahong mas maayos. Ilan ho sa inyo ang talagang numipis na ang buhok tulad ko sa kakahanap ng solusyon sa lahat ng taong lalapit na kailangan nilang magpagamot. At ngayon, 91 percent po ng ating populasyon, saklaw na ang Philhealth. Mayroon pa rin hong 9 percent.

Sa madaling salita, ang problema, habang buhay ang tao, meron. Pero palagay ko na obligasyon nating lahat na binigyan ng pagkakataong maglingkod na siguruhing yung problema, hindi nanatiling parehong problema o lumalaki yung lumang problema. Dapat yata, habang umaasenso tayo, dapat nagbabago ang anyo ng problema, dapat nababawasan yung paghihirap ng ating mga kababayan na pinangakuan nating lahat na paglilingkuran.

Sa darating nga pong halalan, May 9, tingnan naman po ninyo, nakakagulat nga raw pong sa dami ng mga tumatakbo sa halalang kasalukuyan na walang kalaban. Talagang tama yung sinabi kanina, kontento ang taumbayan, masaya ang taumbayan, baka walang mahanap na isyu na ibabato sa mga kasalukuyang nakaupo. Marami ho sigurong dahilan. Sa madaling salita, maraming hindi nangahas, hindi sa tinatakot silang wag tumakbo. Bawal po sa atin iyan. Pero sinasabing, “Sige, tapatan ninyo ang nagawa, higitan ninyo ang nagawa. Kung hindi ninyo kayang ipangako man lang yon, siguro wag ka nang mangahas.” Baka ganoon ho ang punto niyan.

Sa dating na eleksiyon, sangandaan. Mamimili tayo: Saan ba tayo pupunta? Sa akin ho simpleng-simple. Mayroon tayong dalawang kandidato, nandito sa entablado kasama natin. Sila po nangakong itutuloy ang ating ginagawa na ngayon. [Palakpakan] At dahil mag-uumpisa sa mas mataas na antas, itataas pa nila tayo. Siguro naman po, mas mabilis yung lalong pagbabago ng ating lipunan. Ngayon, lahat ho ng kalaban nitong dalawang nasa entabladong kasama natin, si Mar Roxas at si Leni, sila ho mangangako ng langit, lupa, isama na natin ang estrelya, isama na natin ang buwan, isama na natin ang hereafter para lang baka sakaling makalusot. Pero dulo nga ho noon, lahat ng pangako nila, baka magkatotoo. Pero dito, siguradong nagawa na. [Palakpakan] Lahat ho kayo iginagalang sa inyong mga komunidad, yung mga naggradweyt ho isipin ninyo three terms, hindi biro yung nine years na ipinagkaloob sa inyong pagkakataon. Iginagalang pa rin ho at nirerespeto kayo ng inyong mga kababayan, pinakikinggan kayo. At kayo sana ang magmungkahi. Tayo ang may tangan ng kinabukasan natin eh. Dalawa siguro ang pagpipilian: Puwede nating gayahin si Juan Tamad. Pag mayroon tayong imahen ni Juan Tamad, di ba ho nakahiga sa ilalim ng puno ng bayabas, nakabuka ang bibig, hinihintay na bumagsak yung bunga ng bayabas. Hindi ko maintindihan noong bata pa ako kung paano naging matino yung ganoong kaisipan. Dahil kung nahulog yung bayabas na di pinitas, malamang hindi nasa tamang pagkahinog. Siguro pabulok na siya, o bulok na. Tapos nakabuka yung bibig mo para kunin yung pabulok o nabubulok nang bunga. Puwede mo namang pitasin sa tamang oras.

Dito nga ho, July 1, siguro ho ako’y nanliligaw na noong panahon na iyon, nahabol pa. Kayo naman po, puwede kayong gumising na masabing “Ayos, nagtagumpay ang ating adbokasiya. Tuloy ang Tuwid na Daan dahil pinaghirapan natin ito at makakasigurado tayong pabawas nang pabawas ang problema natin.” [Palakpakan] Kesa naman po baka mapag-isip tayo [ng] July 1, nagkamali tayo, o nagtamad-tamad tayo, o hindi tayo kumilos nang tama. Baka July 1, sinasabi natin, “Patay…” Babalik na naman tayo sa dating kalakaran. Wala na naman tayong tatakbuhan pag may problema tayo, at yung hindi tinutugunan na problema, lalaki lang nang lalaki. Hindi kailangang ganoon ang mangyari.

Habang ine-empower po natin ang ating mga kababayan, kami naman po sa mataas na tungkulin, pinilit naming i-empower kayo. Kung kayo ho palagay niyo tama ang nangyari sa ating lumipas, halos anim na taon na nga ho, kung maganda ho ito, bakit pa natin babaguhin ang ating landas? Nasa inyong kamay, kayo ho ang huhubog ng ating kinabukasan. Sana po pagtulungan nating manatili ang pagbabagong napairal natin sa Tuwid na Daan.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.