President Benigno S. Aquino III’s Speech during the Inauguration of the PAGCOR three-storey, 18-classroom school building in Pavia National High School and switch-on ceremony for the electrification of 3,618 sitios in Panay Island under the Sitio Electrification Program (SEP)
Pavia National High School Gymnasium, Pavia, Iloilo
09 February 2016
 
Maayong hapon. Maupo ho tayong lahat. Nag paalam pa naman ako mag Ilonggo. Napakagaling mo pala mag Ilonggo, Brother Armin. Sa iyo sana ako nagpaturo.

Senate President Frank Drilon; Speaker Sonny Belmonte; Secretary Babes Singson; Secretary Armin Luistro; Secretary Mel Sarmiento; Secretary Naide Monsada; Chairman Cristino Naguiat; siyempre yung pinakamatibay kong governor natin, Art Defensor; Congressman Manong Cadio Gorriceta. Sabi ho ni Senate President si Mayor Mike ho apo ni Congressman Cadio. Hindi sabi ko nga, sabi ni Senate President pero mga malayuan man lang; Ms. Delorah Cecilia Fantillo, the principal of Pavia National High School; teachers and staff, students and parents of Pavia National High School; beneficiaries of the Sitio Electrification Program on Panay Island; fellow workers in government; honored guests; mga pinalangga kong kasimanwa: Maayong hapon sa tanan.

Meron po akong konting Ilonggo mamaya-maya konti. Bago ho ako mag umpisa, napansin ko lang ho itong building na ‘to sa ating kanan eh. Siyempre ‘di ho kami nagpagawa niyan. Ngayon itong parang hagdanan sa kanto kanina pa namin pinag-uusapan ni Senator Frank. Iyan kaya engineering problem? Baka naman architectural design, baka… baka palay strait, bottomline Brother Armin bahala ka na diyan ha. Baka kailangan magkaroon ng tamang purpose yan. Ah yun ba? Water mark pala yan. Ganyan kalakas ang baha dito? Di ho, hindi pero fire escape eh, syempre may pinanggagalingan ka, babasagin natin siguro yung salamin tapos baki ka naman aakyat sa building na nasusunog, siguro dapat lalabas ka. Anyway, kayang kaya ni Brother Armin yan. Nakita na niya, aayusin yan, gagawin nang totohanang fire escape pati na rin po yung gilid dito. Maghahanap tayo ng savings para maiayos yung pinagawa nung panahong… Hindi naman ho siguro panahon ni Magellan pinagawa yan? Ha, ganun ba? Kaya naman pala panahon ng nanay ko pala ginawa yan kailangan, kailangan pala natin ayusin talaga yan. Mahirap na pag nagkita kami ng nanay ko baka ano’ng sabihin sa akin.

Alam niyo po, excited ako lagi kapag nasa schedule natin ang pagbisita dito sa Iloilo. Siyempre, bukod sa makakasama ko ang mga pinalangga kong Ilonggo, sabik din tayong makita ang katuparan ng mahahalagang proyekto at programa ng Daang Matuwid sa inyo pong lalawigan. Sabi ko nga: Mula sa dating potensyal, ngayon natutupad na ang pag-arangkada ng Iloilo. Pagdating pa lang kasi dito, kitang-kita na ang malalaking pagbabago: Mula sa mauunlad na negosyo, malalaking gusali, hanggang sa malalawak na kalsada. Yan nga ho ang tinatanong sa akin ngayon: “Bakit raw sa Iloilo lang ang ganyan kagandang kalsada? Bakit raw sa NCR (National Capital Region), ang meron kami trapik? Wala naman hong ganyang kalsadang maganda na may bike lane pa at meron pang expansion kung kakailanganin.”

Patunay lang ang pag-asensong ito sa Iloilo sa pagtutok ng inyong gobyerno sa ating mga Boss. Di na rin ito nakapagtataka lalo pa’t talaga namang inaaruga ng ating Big Man sa Senado, si Senator Frank Drilon ang inyo pong lalawigan; samahan pa ng mahusay na pamumuno ni Manong Governor Art Defensor na malamang po ang nagmungkahi sa aking ina noong ipinatayo yang lumang building na yan. Siyempre, nariyan din ang pakikiambag ninyo, ang aking mga Boss, mga minamahal kong mga Ilonggo na aking mga Boss. Kamo ang nagapatigayon kag padayun nga nagahimu sang pag bag-o. (applause/cheers) Mamaya may konti pa ulit.

Ngayon naman po, nasaksihan natin ang panibago na namang tagumpay ng sama-samang pagtahak sa Daang Matuwid. Narito nga po tayo sa inagurasyon ng bagong school building ng Pavia National High School. Bahagi lang po ang proyektong ito ng implementasyon ng ating K to 12 program. Balita ko nga, dahil nakumpleto na ang proyekto, may magagamit nang silid-aralan ang inyong mga incoming senior high school sa darating na Hulyo. Nagpapasalamat po tayo sa PAGCOR sa pagpondo ng proyekto. Kita niyo naman ang naidudulot ng mabuting pamamahala. Di ho ba dati, ang PAGCOR, bilyun-bilyong piso ang winaldas para lang sa kape na hindi natin kilala ang mga ginising. Ngayon, ang PAGCOR, napakarami pong estudyanteng tinutulungang mamulat ang kaalaman dahil sa pinopondohang mga paaralan.

Siyempre po, nagpapasalamat din tayo sa DepEd at sa DPWH sa pagtiyak na matatapos ang gusaling ito. Makakaasa po kayo: tinutugunan ng inyong gobyerno ang mga pangangailangan sa ating basic education pati na rin sa higher education. Hindi natin hahayaang magtiis muli ang ating mag-aaral sa kulang-kulang na, gutay-gutay pa, at mali-mali pang mga aklat; gayundin ang pagkakaroon ng mga klase sa ilalim ng puno na kung minsan ay may dahon at kung minsan ay wala, at siyempre ang pinaka importante ang kawalan ng sapat na mga guro.

Bukod sa pagpapasinaya ng bago ninyong school building, nasaksihan din natin kanina ang seremonyal na pagpapailaw ng 3,618 sitio sa Panay Island sa ilalim ng Sitio Electrification Program. Alam po natin kung gaano kahalaga ang kuryente sa ating araw-araw na pamumuhay. Sa mga estudyante pa lang, kalbaryo na. Ako man po, noong bata, nawalan nang kuryente dahil may panahon rin naman nawalan kami ng kuryente naranasan ng matinding bagyo, nakasubok din po tayo mag homework ang gamit ay kandila. Talaga pong napakahirap. At lalo tayong gumalang kina Jose Rizal na iisang kandila lang ang ginagamit ay talaga naman nakapag dalubhasa.

Alam niyo po, noong 2011, nagkaroon tayo ng imbentaryo upang tukuyin ang mga sitiong kailangan pa ng kuryente sa buong bansa. Ito po ay nagmumula sa pananaw ng serbisyo na hindi pwedeng serbisyo para sa iilan lang pero dapat para sa buong sambayanan. Meron ho kasi dating Barangay Electrification Program, at sabihin na natin kung nakakalimutan ho natin nun, inangkin na lahat ng barangay dito sa Pilipinas ay napakuryente na. At nung ating sinuri ang sabi nga ho sa atin ng dating Kalihim ng Energy pag naikabit sa barangay hall yung kuryente electrified na yung buong barangay. Ilan naman ho kaya ang nakakabit sa kuntador ng barangay hall sa ating mga sitio? Nalaman po natin na 32,441 mga sitio ang wala pang koneksyon ng kuryente. Ang masaklap noong araw, ang estimate raw po ay isang milyong piso ang kailangan para mapailawan ang bawat sitio at dahil nandito po tayo sa isang mahusay at very progressive na high school, kayo na po ang magmultiply nung 32,000 times one million.

Noong tayo na po ang nakaupo, yung unang pagtataya ng isang milyong pisong gastos kada sitio, napababa ng ating mga kawani sa DOE at sa NEA napababa nila sa higit-kumulang 600,000 piso kada sitio—ang diperensya po syempre 400,000 piso.

Ngayon po multiply natin yung 400,000 pesos and 32,441, aabot yan sa halos 13 bilyong piso. Lampas po yan sa ginagamit natin para sa ating programang pabahay para sa repormadong hanay. Lumalabas nga po, 60 percent lang ng pondo ang multi ginamit nila sa proyekto, at yung 40 percent ay bahala na si Batman kung saan napunta. Sa Daang Matuwid po, hindi nasasayang ang kaban ng bayan. Tama ang implementasyon ng proyekto, at ang sobrang pondo, inilalaan din sa benepisyo ng ating mga Boss. Yung pagpapatayo raw ho ng 18 classrooms kanina ay nagkaroon ng saving at yung savings rin po ay magpupuno pa ng ibang kulang raw tulad nung kaninang napansin ko, lilima lang po kasi yung silya puro monoblock pa, parating na po yung tunay na mga mesa at upuan ng ating mag-aaral bago sa pasukan ng Hunyo.

Sa pagpapakitang-gilas nga ng ating Department of Energy at National Electrification Administration, naghatid na tayo ng liwanag sa 31,548 sitiong natukoy sa imbentaryo mula nung taong 2011. Meron din naman pong mga sitio na hindi praktikal na ikabit sa national grid dahil sa sobrang layo. Kaya naman imbes na ipilit ikabit sa national grid, ginamitan ito ng solar energy at iba pang teknolohiya.

Pasenya na ho kayo, ganyan talaga pag walang Valentine’s, may mga nag-iisip para sa’yo. Pero totoo ho yun, kaya Happy Valentine’s ulit sa inyo. (crowd greets the President a Happy Valentine’s) Thank you po. Ang hirap po pala ‘pag 36 na kayo.

Ngayon po, napailawan na rin miski ang mga nasa liblib na lugar. Kaya nandiyan na po ang resulta: 97.25 percent po ng ating target na sitio may kuryente na. Inaasahan natin: bago tayo bumaba sa puwesto, lahat ng naitala noong taong 2011, hindi lang po sa Panay ha, pero sa buong Pilipinas energized na po.

Dito nga ho sa inyo sa Panay Island, hindi rin kayo pinabayaan. Ito pong 3,618 sitios na ating napailawan, ay nalampasan na ang 2,509 na sitiong nabigyan ng kuryente nung nakaraang administrasyon… sa loob ng mga nakaraang administrasyon, sa loob ng 13 taon. Ngayon nga po, 98.6 percent ng mga sitio sa Panay may kuryente na; at ngayong Marso, ang pangako sa atin, ang target po nating maabot 100 percent ng pagpapailaw sa kabuuang 6,214 na sitio sa Panay Island.

Itong pagpapatayo naman ng mga paaralan, pagpapailaw sa mga komunidad, kasama na ang pagpapaunlad ng imprastraktura at serbisyong panlipunan, ay haligi ng ating agenda ng malawakang reporma. Dito po sa inyo sa Iloilo, matibay ang pagkakaisa ng pamahalaan at ng mamamayan. Dito, tapat ang pagbabayad ng buwis, at pagsunod sa mga patakaran dahil alam ninyong para ito sa ikabubuti ng inyong lalawigan. Tulad na lang ng payapa at matagumpay ninyong relokasyon ating mga informal settler families. Sabi nga ni Manong Frank: Mayaman man o mahirap, kung kailangan ng kalsada, walang reklamo. Miski… may Congressman pa raw po, pumayag ma-demolish ang kanyang bahay dahil yun po ay nasa right of way.

Talaga naman pong malayo na ang ating narating sa Daang Matuwid, at parami pa nang parami ang nakikihakbang sa mabuting pamamahala. Batid din natin: marami pa tayong kailangang gawin. Simula pa lang ito, at sa ating pagkakaisa, matatayog pang tagumpay ang ating kayang maabot.

Sa Mayo po, muli pong haharap ang sambayanan sa sangandaan, kung saan pipili tayo ng mga susunod na pinuno ng bansa. At ang tanong po: Papayag ba tayong mauwi lang sa wala ang ating mga pinaghirapan dahil sa mga pinunong mapanlamang o walang sapat na kakayahang pamunuan ang bayan? Magigising po ba tayo pagkatapos ng eleksyon na may kompiyansang matutupad ang ating mga pangarap, o muli tayong mabubuhay sa bangungot ng pag-uulit sa kamalian ng nakaraan?

Sa akin po walang duda: Kung gusto nating magpatuloy ang magaganda nating nasimulan, kailangan natin ang tulad ni Mar Roxas at Leni Robredo. Sila ang may integridad, kakayahan, at kongkretong plano upang itaguyod ang kapakanan ng ating mga Boss. Napatunayan natin: handa silang magsakripisyo para sa kabutihan ng mas nakararami; gagawin nila ang tama’t makatwiran, at uunahin ang bayan bago sarili.

Tiwala po ako: Gaya ng pagtitiwalang ibinigay sa akin ng mga pinalangga kong Ilonggo at ng sambayanang Pilipino noong taong 2010, lalo pa nating patitibayin ang ating pagkakaisa. Patuloy tayong humakbang sa iisang direksyon, at sama-samang salubungin ang masaganang bukas.

Kanina po’y nabanggit ko sa naunang talumpati na minsan nung una ko pong nakaharap si Prime Minister John Key ng New Zealand, ikinukuwento niya na yang kanyang anak na babae ay patungo sa Paris para mag-aral. At tulad ng sino mang ama na biglang mapapalayo yung kanyang anak syempre may halo hong agam-agam, may konting excitement. At naalala ko po yan dahil nung katatapos sa APEC ang nagkuwento naman po ng ganun ay si President Barack Obama ng Amerika dahil yung kanilang anak raw ho eh patungo na rin ng college, hihiwalay na sa kanila. At tulad ng sinumang ama, nag-usap raw po siya at si Ginang Michelle Obama at pinag-usapan na, ‘kaya na ba natin ihiwalay yung ating anak? Okey na kaya itong ginagawa natin?’ Naalala ko rin po yan dahil, alam naman ninyo wala ngang Valentine’s, ‘di siyempre matagal pa ho ako bago mamoblema ng ganun. May awa ho kasi ang Diyos eh, pag dumating yung panahon na bigla nagka-anak ako ng babae at may nanliligaw na, siyempre hindi na ako nenerbiyusin nun dahil palagay ko baka ulyanin na ako nuon, hindi ko na maramdaman. Pero ang punto nito ano, tinagurian naman po tayong Ama ng Bayan, talagang nagsumikap po tayong lahat para marating natin ang mga tagumpay na ating tinatamasa ngayon. At sa Mayo nga ho babalik sa taumbayan ang pagbibigay ng mandato kung sino dapat ang mamuno sa atin. At yun siguro ang dapat natin isapuso at talagang pag-isipan ng husto. Tayo ang gagawa ng kinabukasan. Ano ang kinabukasan ang gusto niyo?

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.