President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 65th Anniversary of the Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Heroes Hall, Malacañan Palace
02 February 2016
 
Alam po ninyo, ngayong magkakasama tayo, di ko maiwasang isipin ang dinatnan nating sitwasyon sa DSWD. Naalala ko po, pagkatapos ng Bagyong Ondoy noong 2009, pre-Daang Matuwid era pa ho ito, ang nagkalat na tarpaulin ng DSWD, panay tungkol sa kung saan puwedeng magbigay ng tulong at donasyon. Ang lumalabas, mismong DSWD pa ang nanghihingi ng relief goods sa publiko. Meron namang isa, tila ipinagmamalaki pa kung gaano katagal naideliver ang ayuda sa Bicol, dahil ipinagmalaki pang nanggaling pa ang convoy mula dito sa Malacañang at sa Maynila. Ganyan ang nakasanayang estilo’t pag-iisip noon, di po ba? Tuloy, dahil sa kapabayaan ng pinalitan natin, ang unang naiisip ng tao kapag nakakakita ng taga-DSWD: May matinding sakuna; sigurado, may malaking problema. Ang mga kawani, gustuhin mang magkawanggawa, ay hirap na hirap na may magawa.

Ngayon po, kitang-kita na ang pagbabago sa inyong ahensiya. May sapat na tayong pondo, kaya’t di na kailangan ng malawakang panawagan para sa mga donasyon. Kapag sinabing DSWD, ang agad nang maiisip: handang-handa at alisto. Kababalita pa lang na may paparating na bagyo, automatic na ang prepositioning ng ayuda. Nariyan ang buong ahensiya, kumpleto ang datos, para makapaghanda nang tama at maayos.

Gayumpaman, di natin sinasabing perpekto na ang lahat. Tulad na lang noong Yolanda: Sa tindi ng bagyo, nadamay pati mga warehouse natin, at tinangay ang marami sa ating prepositioned relief goods. Maging ang first responders sa lokalidad, apektado rin. Ito po, inaaral natin, kasama ng iba pang puwedeng maisaayos, para higit pang mapabuti ang serbisyo sa ating mga Boss.

Ngayon po, alam naman natin, ang DSWD, hindi lang pangkalamidad o pang-social welfare. Kung dati, kinakalimutan ang dulo ng inyong pangalan, tayo naman, idinidiin natin ‘yung “D,” o ‘yung bahagi ng “Development.” Kapag sinabi ngang DSWD, tulay kayo ng ating 4Ps o ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Tingnan n’yo na lang ang kaibahan: Dati, kinakasangkapan ang programa para sa pamumulitika; ngayon, sa pamamagitan ng Listahanan, natutukoy natin ang mga tunay na nangangailangan. Sila ang binibigyan natin ng lakas sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, pabahay, at ayuda sa panahon ng sakuna.

Silipin din natin ang mga datos: Ang budget ng Pantawid Pamilya, mula P10 bilyon noong 2010, P62 bilyon na nitong 2015. Ang dinatnan nating bilang ng benepisyaryo, mula 787,000 kabahayan, ngayon ay nasa 4.4 milyon na. Para sa taong ito, itinaas pa natin ang budget nito sa P62.7 bilyon, para sa target nating 4.6 milyong kabahayang benepisyaryo.

Meron namang nagsasabi: Imbestigahan daw ang Pantawid Pamilya, at napakalaki ng gastos natin dito. Palagay ko naman po, tayong mas nakakarami’t bukas at maayos ang pag-iisip, sasabihing ‘yung naitalang 7.7 milyong Pilipinong nakaalpas na sa kahirapan sa tulong ng 4Ps—talagang sulit ang bawat pisong inilaan natin sa programa. Ang totoo, paunang resulta pa lang ‘yan. Siyempre, ngayong pinalawak na natin ang coverage ng Pantawid Pamilya hanggang high school, kasabay pa ng tulong ng TESDA at CHED, ay magkakaroon pa tayo ng mga kabataang skilled workers—ibig sabihin, may suweldong mas tiyak, mas mataas, at mas may kakayahang iangat ang kanilang buhay.

Ang KALAHI-CIDSS project naman, pinatibay din natin. Dito, ang mga maralitang komunidad ang sinasanay para mag-isip, magpatupad, at mangasiwa sa mga lokal na proyektong sila rin mismo ang tumukoy. Halimbawa sa mga ito: kalsada, patubig, paaralan, barangay health stations, at mga pasilidad pansaka. Mula Hulyo 2010 hanggang Disyembre 2015, umabot na sa 16,282 na proyekto ang nakumpleto natin, na direktang nakatulong naman sa tinatayang 3.9 milyong kabahayang benepisyaryo. Dulo po nito: Di lang natin natugunan ang mga agarang pangangailangan ng ating mga Boss, binibigyan din natin sila ng kakayahang maitaguyod ang mas magandang kinabukasan.

Siyempre po, di naman natin masisiguro ang tagumpay ng mga programa natin, kundi dahil sa napakahusay na hepe ng DSWD na si Sec. Dinky Soliman. Sabi ko nga ho noon, nabanggit na rin niya: Sa serbisyo, on call siya, 25 hours a day, 8 days a week, wala pong overtime at incentive bonus. [Tawanan] Kaya dinadaan ko na lang po sa paminsan-minsang pinapakain ko siya ng maski ano. Dahil ‘pag natapos ho kami sa trabaho, nauuwi kami doon sa 24 hours na kainan. Ibig sabihin noon, kailangang daanin sa maraming oras dahil hindi ganoon kasarap ‘yung pagkain po doon. Kaya naman po, kay Sec. Dinky: Sa ngalan ng sambayanan, taos-puso akong nagpapasalamat sa iyong wagas na pag-asikaso at pag-aruga sa ating mga Boss.

Sa bawat pagkakataon naman ng paglilingkod, kasama ni Sec. Dinky ang mga huwarang kawani ng DSWD. Nariyan nga si Chona Calamba ng Region 7, na isa sa mga sumaklolo sa mga pamilyang tinamaan ng lindol sa Bohol noong 2013. Alam po n’yo, nagdadalantao man siya at apektado rin ng lindol, pinili pa rin niyang mag-ikot sa mga komunidad. Kasama siya sa mga tumukoy sa kalagayan ng mga apektado nating kababayan, para agarang matugunan ng gobyerno ang kanilang pangangailangan. Nakilala din natin sina Danny Bitara ng Region 5 at si Noemi Mongaya ng Region 8—na minsan nang naaksidente at nalagay sa peligro ang buhay habang rumeresponde sa bagyong Yolanda noong 2013. Sa kabila nito, hanggang ngayon, tuloy pa rin ang kanilang pagkalinga sa mga kababayan natin.

Bukod sa ating mga kawani, nariyan din ang iba pang Pilipinong kabalikat natin sa serbisyong panlipunan. Ilan lang sina Venus Raj, Iza Calzado, KC Concepcion, Gary Valenciano, at Anne Curtis sa mga tumutulong at nakikiisa sa pagsusulong ng ating mga proyekto. Isama pa natin ang libo-libong volunteers na nagbubukas-palad, di lang tuwing may sakuna, kundi maging sa mga regular na proyekto ng ahensiya, ay talagang todo ang naibibigay na serbisyo ng DSWD sa ating mga Boss.

Sa ating mga huwarang kawani at volunteers: Ang bawat butil ng malasakit ninyo sa inyong kapwa Pilipino sa kasalukuyan, paglaon, ay magbubunga ng mas malaki pang pagbabago. Lahat ng tulong ninyo sa mga benepisyaryo ngayon, mamanahin ng mga susunod pang henerasyon. ‘Yung kalayaan mula sa gutom; kalayaan mula sa kawalan ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan; kalayaang mangarap at panghawakan ang sariling tadhana—lahat ng mga ‘yan, bitbit nila, at ng mga susunod pa sa kanila. Talaga pong kayo ang gumagawa ng pagbabago. Muli, maraming salamat po sa inyo. Ngayon po, hayaan n’yo namang suklian kayo kahit papaano ng estado: Ipinaalala po sa atin ni Executive Secretary, pirmado na po ang anniversary bonus para sa inyong mga kawani ng DSWD. Naghati ho kami ng trabaho: ‘Pag problema, sa akin; ‘pag ganyang good news, siya na ang bahala.

Sa totoo lang, napakahirap ikahon sa iisang linya ang kabuuang ambag ninyong social workers sa ating bayan. Pero kung papansinin natin ang simpleng logo ng DSWD, marahil, mas madali nating mauunawaan ang diwa ng inyong serbisyo. Mayroong mga kamay na tangan ang isang puso, na sumisimbulo sa bukas-palad ninyong pag-aalay ng sarili para sa kapwa. Tunay ngang kayo ang mukha ng malasakit ng ating gobyerno. Ang hiling ko na nga lang po: Sa harap ng mga darating pang pagsubok, nawa’y di kayo panghinaan ng loob, bagkus, magsilbing sandigan ng lakas ng ating mga Boss. Tiwala naman ako: Ipaglalaban ninyo ang ating maganda nang nasimulan. Pagbaba ko sa puwesto, buo ang loob kong itutuloy ninyo ang pagtahak sa landas tungo sa pangarap nating kaginhawaan para sa Pilipinas at sa sambayanang Pilipino.

Ang natitira po sa ating termino ay humigit-kumulang 149 days. Pinapaalala po sa akin ni Atty. Delantar, na aking masigasig na executive assistant, kami po ay 149 days, siya po ay 6 years and 149 days kung papalarin. Sabi ko, tama ‘yan dahil mas bata ka naman sa akin.

Pero alam po ninyo kanina, siyempre napapag-isip din tayo, saan na kaya tayo tutungo matapos ng pagbaba natin? Kanina napakinggan natin ang ating magiging double major na social worker, na siguro naman ay talagang gagradweyt sa June. Hindi na ako magpapaimbita sa handaan ninyo. Alam kong marami kang bisita. Pero bakit ko binibigyang-pansin? ‘Yung isa ho sa unang nakahalubilo namin ni Dinky noong umpisa ng ating termino, isang kababaihan, labing-anim na taon noong panahong iyon, taga-Baseco. Nandoon po’y ini-inaugurate ni Mayor Lim ang kanilang ospital, bagong panganak po ‘yung labing-anim na taon. Tama ba Dinky na pangalawa na niyang anak iyon? Pangalawang anak at sixteen years old. Pagkakaintindi ko po’y talagang tinutulungan natin siya hanggang sa kasalukuyan.

Pero sabi ko nga kay Dinky, “Alam mo, hanga ako sa ‘yo, hanga ako sa inyong departamento dahil parang by definition, ang trabaho ninyo, may problema kayong kaharap araw-araw: almusal, tanghalian, hapunan, habang natutulog, saktong pagkagising.” Tapos saan ka ba kukuha ng lakas para araw-araw, bangon, harapin, at tugunan ang problema ng iba? At kinabukasan, gawin mo ulit ‘yan? At ‘yung hinaharap mo, ganoon pa rin ang gagawin mo? May hangganan ba ang kakayahan mong mahalin ang iyong kapwa? At kayo nga ho, nakakabilib na sumama doon sa umambisyon na tumutugon sa araw-araw na problema. Kung ganoon naman ho ang attitude natin, siyempre, pabawas nang pabawas ang problema, at paganda nang paganda ang kinabukasan ng ating mga Boss.

Nandiyan ang ating Boss, ang aking kababayan mula sa distrito kong… si Nanay Charing. Alam n’yo, sa Gerona ho, sa totoo lang, noong umpisa, ako po’y Kapampangan, karamihan po sa Gerona’y Ilocano, sabi ko’y “Magkakaintindihan ba kami?” Pero napakadiretso po, sigurado ka sa suporta at ayuda ng mga taga-Gerona. Kita naman po ninyo, seventy-eight [years old] kayo, nay. Hindi kayo nagsasalamin, palagay ko nagbo-ballroom dancing pa kayo.  Pero ayun nga ho, thank you.

Iyong ating estudyante naman, talagang sinasamantala ang pagkakataon, at tama lang po iyan.

Siguro, ang pinakabuod ng mensahe ko [ay] simpleng-simple lang. May kasabihan na nga po, “Kapag may tagumpay, maraming ama at ina. Kapag palpak, ulilang lubos.” Dahil sa ginawa ninyo, madali kayong suportahan, ipaglaban ang mga pangangailangan ninyo, dahil may ipinapakita kayong suporta. Ipagpatuloy po ninyo iyan, at sinumang hahalinhin sa atin, palagay ko naman, kikilalanin ang maayos magtrabaho. At bagama’t problema kadalasan ang kaharap ninyo, at ‘pag tumawag si Dinky nga kung minsan, dahan-dahan tayong bubuwelo, “Si Dinky nagtext. Ano kaya ang meron?” Pero my kompiyansa naman tayong kasama ng problema, sinasabi na rin ang agarang solusyong kabahagi ng pagtalakay din sa problemang ito. Ipagpatuloy ninyo iyan, bakit naman hindi kayo lalong bibigyan ng kakayahan na tulungan ang ating mga Boss.

Magandang umaga po. Maraming salamat sa inyong lahat.