President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Cebu City
Cebu Provincial Capitol grounds, Cebu City, Cebu
27 Apr 2016
 
Talaga naman, napakainit na pagsalubong. Magandang gabi sa inyong lahat po.

Aba, I love you too, lalo na ngayon, wala akong love kayo na lang ang love ko. Baka magdasal ho kayo, isama na rin niyo aking dasal ha?

Batiin ko lang ho yung, may mga kasama tayong miyembro ng gabinete ngayong gabi: si Mel Sarmiento, si Linda Baldoz at saka si Dinky Soliman. Magbibigay-pugay rin tayo kay Leni Robredo, susunod nating magiging Vice President.  Bati rin po tayo kay Junjun Davide, larawan talaga ng matinong opisyal. Baka puwedeng dagdagan ko lang ho yun. Alam niyo, nung tumama yung Yolanda, tinamaan rin kayo sa Cebu, sa Bantayan eh, hindi ho ba? Si Junjun, kinausap ko, tinanong ko kaagad, sabi ko ano ba ang pangangailangan? Sinabi niya, “Sir, nakakaya pa naman namin dito.” Pero ang hindi ko makakalimutan sa panahon na talagang napakalaki nung problema kong tinatalakay, si Junjun Davide nag-alok. Nag-alok sa atin na yung Cebu, puwedeng tumulong sa ibang mga lugar, ito ang magiging repacking center nung mga ipapadalang relief goods. May problema kayo, pero hindi nila nakalimutan dumamay sa iba nating mga kababayan. Kaya ulit ‘no, maraming salamat Junjun Davide, maraming salamat sa mga kababayan natin sa Cebu, talagang naibsan niyo ang problema ng marami.

Kasama rin natin palagay ko si Agnes Magpale, ibabalik nating Bise Gobernador; isa ho sa matagal na nating kasama, katulong, kadamay, si Manong Raul del Mar, ibabalik nating congressman; yung hindi ko nakasama, bahala na kayo humusga kung sinong mas bata sa amin ni Bebot Abellanosa; siyempre, ang ibabalik nating mayor, walang iba kundi si Tommy Osmeña.  Alam niyo, si Manong Tommy at saka lalo na si Tita Margo. Si Tita Margo ho, nung 2007 tumakbo ako bilang senador, oposisyon ako, si Tita Margo ho kasama ko, halos naghouse-to-house tayo dito sa Cebu City. Kaya Tita Margo, thank you very much ha? Kung may nagawa yung Noynoy Aquino, hindi nangyari yan kung wala sa mga taong tulad ni Manong Tommy at saka lalo na ni Tita Margo na talagang kadamay lalo na sa panahon ng kahirapan; ating kandidatong Vice Mayor, Councilor Nestor Arquibal, Jr.; sa iba pang mga government officials present; fellow workers in government; mga hinugugma kong kaigsuunan: Maayong gabi sa inyong tanan.

Hindi ho ibig sabihin niyan, may nililigawan akong Cebuana kaya nagpra-practice na. Pero wala hong masama dun kung makahanap tayo maligawan, pero hindi yun ang pakay ko ngayon sa Cebu. Mga kasama, yung mga nagtataas ng kamay ba eh single? Yung double ho, huwag na tayo magtaas ng kamay ha? Okey po.

Alam niyo, nung… patapos na ho yung termino natin, 64 days na lang po ang natitira. Tapos po nun, retirado na ako sa buhay-pulitika. At parang nabalikan ko na rin ho yung buhay na dinaanan ko. Alam niyo, Martial Law nung prinoklama, tatay ko unang-unang inaresto, 12 years old po ako. Nung pinaslang siya nung 1983, unang-unang pinuntahan kong lugar sa buong Pilipinas para magsalita: dito po sa Cebu. August siya pinatay, September nandito na po ako.

Kuwento ko ho sa inyo paano ang sitwasyon nun, ‘no. Alam naman niyo, tatay ko, lulan ng eroplano, binaba nung hagdanan, hindi na nakatuntong sa lupa ng Pilipinas, pinaslang. Ako ho, pagkarating sa Cebu, lulan ng PAL, binuksan yung dati ho sa baba, yung sa likod yung binababang hagdanan. So, sa baba ho, nandun yung mga miyembro nung AVSECOM. Hindi ba, marami nasentensiyahan, nakulong dahil sa involvement nila sa pagpaslang sa aking ama. So yung crew ho ng PAL, tumingin sa baba, tapos sinabi nila ngayon, nakita yung mga AVSECOM, sabi sa akin: “Sir, goodluck po sa inyo ah?” At sa totoo lang ho ‘no, nung umuwi ho ako, di ba, siyempre, kailangan kong asikasuhin ang tatay ko, dapat nandun tayo sa pagdadasal para sa kanya para ilibing. At bilang kaisa-isang anak na lalaki, di niyo maalis sa akin talagang mapusok ang kalooban ko. Sobra yung ginawa nila sa tatay ko at talaga sa puso ko, gusto ko maghiganti. Pero nakita natin lahat ng dumamay, nakiramay sa amin at nakita kong mukhang may posibilidad pa yung mapayapang pagbabagong inasam-asam po niya. So ito nga ho, dun nakita ko, pagdating ko dito sa Cebu, unang-unang beses ko nagsalita, alam niyo ang damang-dama ko ho sa Cebu, para bang wala ng Martial Law nung panahon na yun, para bang nakalaya na ang Cebu at naging senyas na talagang patungo na tayo sa kalayaan. Ulitin ko po, yung sa init ng pagsalubong niyo sa atin nun, sa pakikisama niyo nung panahon na pinaslang ang aking ama, hanggang sa araw na ‘to, nandiyan pa rin kayo, kaya dapat naman talaga ho, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

Yung sa lahat ho ng pinupuntahan nating lugar, nagpapaalam na po ako, nagbabalik-tanaw tayo. Ano ba ang napala natin sa Tuwid na Daan? At nasabi ko na ho dito sa Cebu ilang beses kung ano napala natin. Pero hayaan niyo akong magbigay ng ilang sample lang. Nung ako po kongresista, ang pinaghahatian at saka pag-upo ho natin 2010, ang kayang suportahan ng budget para sa school room, yung classroom: 8,000 paghahatian ng buong Pilipinas. Ulitin ko po, 8,000, maghahati ang buong Pilipinas. Kaya kung congressman ka, makauwi ka ng walong classroom, maganda-ganda na yun. Makauwi ka ng sampu, aba, magaling ka. Pag makauwi ka ng isang dosena, talagang ang galing mo, ‘no. Ngayon, ang problema nga ho, distrito ko: 159 na barangay, Hindi man namin kaya magdala ng isang eskuwela kada barangay matapos na yung aking termino. Natapos na yung siyam na taon na naging congressman po ako, 72 lang po yung classroom, wala man sa kalahati.

Sa Tuwid na Daan naman po, dahil binigyan niyo tayo ng mandato at hindi niyo tayo iniwanan, sa lalawigan pa lang ng Cebu: 7,900 classrooms na po ang napagawa natin, napagawa at kasalukuyang ginagawa. Kabilang lang po yan sa matatapos pong 185,000 classrooms sa buong Pilipinas. Okay.

Sa mga kalsada ho. Cebu: hindi rin napabayaan. Hayaan lang niyong tingnan ko itong ating konting notes. Nung 2005 hanggang 2010, ang ipinagkaloob ng National Government na pondo para sa infrastructure ng Cebu: 12.6 billion pesos. Sa Tuwid na Daan po, 2011 hanggang 2016: 34.8 billion pesos, halos tatlong ulit ang laki ng idinala natin dito. Kayo na ho ang testigo dun sa PPP project tulad nung Cebu-Mactan na airport, na hindi lang natin makukuha yung mas maayos na airport pero binayaran pa tayo, binigyan tayo ng premium na 14.4 billion pesos para ibigay sa atin ang imprastrukturang kailangan natin. Siyempre, meron na rin po yung sa Bantayan, may budget na rin pong 10 billion ‘to under Procurement and Construction ng bagong passenger terminal.

Yung unang-unang Bus Rapid Transit System sa buong Pilipinas, dito gagawin sa Cebu. Naalala ko tuloy, alam niyo po, ang bentahan raw ng kotse sabi sa akin ng DTI, taun-taon for the past 2 or 3 years na po, lumalaki ng 26 percent. So, parang nahihigitan ng dagdag na 26 porsiyento kada taon. So, sa 2014 at 2015 lang po, lampas 600,000 yung car sales, puwera pa dun yung 1.2 million na motorsiklo nabebenta kada taon. O, yun po ang pumupuno, nagbibigay sa ating trapik sa maraming lugar sa Pilipinas.

Dito lang ho, dito lang ho sa Cebu naalala ko, merong usapin, may budget na nakalaan, puwede nating ipinagawa yung isang flyover dun sa intersection na magulo, kung naalala niyo, di ba? Kasi intersection normally ho, parang X eh, di ba? Dito ho, yung intersection niyo, parang tatlo yung sanga-sanga eh. So, may flyover ka, yung didiretso, hindi na kailangang makipaglabanan dun sa intersection. Medyo nag-away ho yung mayor at saka yung kongresista, pinakiusapan ko ho yung dalawa. Nagpunta sa Malakanyang, sabi ko, makakaibsan ng traffic nito, bakit di natin gawin? Awa ng Diyos ho, klaro naman sa inyo wala yung flyover, hindi ko ho nakuhang pagkasunduin yung dalawang yan. Ngayon po, eleksyon, bahala na kayo kung sino ang tama sa kanila.

Dagdagan pa natin ho, yung mga kalsadang ginawa ho dito ‘no, ‘tong Mactan na Circumferential Road at iba pa, bahagi lamang yan ng 18,000 kilometers of pave roads sa buong Pilipinas. At ang haba ho ‘tong listahang dala-dala ko eh, pero kung pag sinabi ko naman sa inyo lahat yan, baka naman sabihin niyo, “teka muna, interesado kami dun sa nangyari pero paano naman yung kinabukasan?” At dun tayo mag-usap ngayon, yung kinabukasan. Okay.

Ano ba ang dinatnan nating sitwasyon? Banggitin ko sa inyo yung probinsiya ng Apayao. Yung Apayao kokonti ang botante, higit-kumulang ho yata, mga 100,000. Ngayon, ang problema nun, pag may pulitiko, naghahanap ng: “Saan ba natin dadalhin ang resources o yung kaban ng bayan?” Kung nun dati na may PDAF ang legislator, katulad ng senador, saan ba tayo makakakuha ng maraming boto? Dahil konti ang boto nila, parati sila nakakalimutan. Pag nakakalimutan naman ang bayan tulad ng Apayao, ang probinsiya tulad ng Apayao, yung tao dun walang nakikitang asenso sa buhay. Nagiging madaling makumbinsi ng mga NPA at iba pang grupo na: “walang mangyayari sa inyo dito, sumama na kayo sa amin.” Okay.

Ang magandang balita po sa Apayao ngayon, sabi sa akin ni Secretary Babes Singson ng Departmen of Public Works and Highways, dun sa infrastructure needs nila, naabot na natin yung tinatawag na physical limitation. Ano po ibig sabihin nun? Kuwento sa atin nung isang nakausap natin nung tayo’y umattend ng isang rally dun, sa bayan po nila, pag may nagkasakit, kailangan dumaan sa isang kagubatan para makaabot sa ospital. Pagdaan nila dun sa kagubatan na yun, walang kalsada, so maglalakad dala-dala yung pasyenteng malubha. Tuloy, maraming hindi na nakakaabot sa ospital, namamatay dun sa gubat, kaya yung gubat ho, gubat siya at saka sementeryo na rin raw. Ngayon po, may kalsada na sila, minuto na lang raw ho yung biyahe papunta dun.

Ngayon ho, ang problema natin, umabot sa physical limitation, may lugar walang kalsada, binuksan. Pag binuksan mo, una muna, walang pavement yan, kailangan kasi mapasiksik yung lupa bago mo patungan ng aspalto o kongkreto. Ang kailangan nun, dalawang tag-ulan ang dadaan para talagang yung ma-compress o ma-compact yung lupa. Lahat nung puwedeng lagyan ng pavement, nalagyan na natin pero may naiwan pang parte na kakabukas lang, kaya hindi pa puwedeng lagyan ng aspalto o semento. Ngayon ho, ang tanong, pag yung pumalit sa atin, babalik na naman sa istilo, na “konti lang boto diyan, wala akong pakialam sa kanila.” So yung ginawa nating kalsadang umpisa ng iba, dadaan yung mga ulan, imbes na patungan na natin ng pavement na aspaltong kongkreto, di ba, dadaan, dadaan, walang magmi-maintain, walang mag-iimprove, sandali lang, magiging gubat na naman yun. Balik na naman yung mga taga-Apayao, “paano kami, di ba kami anak ng Diyos?”

Pumunta naman tayong Mindanao. Maraming kaguluhan sa ARMM, sa Lanao del Sur, may dalawan bayan po dun, yung governor, kung dadalawin niya itong mga bayan na ‘to, ang biyahe raw po niya walong oras. Bakit walong oras? Dadaan pa siya ng Bukidnon, Cagayan de Oro City at marami pang ibang lugar, umiikot siya ng ibang mga lugar para makarating dun sa bayan na kanyang saklaw dahil dati walang kalsada. Yung dating walong oras na biyahe, may kalsada na sila ngayon, isang oras kalahati na lang raw ho ang biyahe at magiging isa na lang pag nakongkreto na yung ibang parteng tinatapos. Ano ho ang maganda dun? Yung gobyerno na nadadama ng ating mga kababayan na hindi, di ba, kung kayo yung governor ng probinsiya ng Lanao del Sur, 8 oras ang biyahe, 8 oras rin yung pabalik—16 na oras na yun. Kung natutulog ka ng 8 oras sa isang gabi, isang araw na yun. Madaling salita ho, pag dinalaw mo yung bayan na ‘to, talagang manigurado ka na yung buong araw na yun, wala ka ng ibang gagawin. So hindi natin maaasahan na madalas, makapunta yung gobernador nila para makita ang pangangailangan. Pag napabayaan naman yung mga taong yun, ito na yung mga ano, tinatawag na threat group, mga—yung BIFF, yung, di ba, baka yung MNLF, baka yung Abu Sayyaf: “Sumama na kayo sa amin, di naman kayo iniintindi ng gobyerno.” Pero ulitin ko, ngayon ho, yung walong oras na biyahe, isang oras at kalahati na lang biyahe, pag hindi pa dinalaw ng gobernador, may problema yung gobernador na yun, mukhang tamad siya. Pero ang governor po nila sa kasalukuyan, masipag kaya naasikaso na.

Sa tinagal-tagal na panahon na sa bayan ho sila, hindi inasikaso yun. Magtataka ba tayo kung bakit sila’y walang pakialam sa atin, kung ganun ang pakiramdam nila. Hindi rin sila, di ba, walang nagmamahal sa kanila at walang may pakialam sa kanila. Okay.

Sa ika-9 po ng Mayo, magdedesisyon tayo. At para sa akin ho, nagpapasalamat ako sa lahat ng kalaban ni Mar Roxas, sasabihin niyo bakit? Kasi ginawa niyong napakaliwanag eh, napakadali nitong halalan na ‘to. Bakit ko ho nasabi yan? Dito ho kasi, sinisigaw ni Mar, ni Leni at yung mga kasamahan: Ituloy ang Tuwid na Daan. So, sa Mayo a-9, yun ang para bang referendum sa ginawa natin sa loob ng anim na taon. Tama ba na nakagawa tayo ng 185,000 na classroom na dati’y 8,000 a year lang? 8,000 a year, anim na taon: 48,000 lang. Tama ba na yung dating 47 hanggang 51 million raw na miyembro ng PhilHealth, ginawa na natin ngayon: 93 million na miyembro ng PhilHealth. Tama ba na yung BPO industry, dito lang ho sa Cebu, dati 300 million dollars ang tinutulong sa Cebu. Ngayon, lampas 900 million na po ang tinutulong sa Cebu, at marami pa hong ibang nagawa natin. Alam naman po niyo yan. Ulitin ko ha, hindi ginawa ni Noynoy Aquino ‘to, ginawa natin. Okay.

Ngayon ho, bakit ako nagpapasalamat sa kalaban, di ba? Yung mga iba nangangako ng trabaho, di ba? “Pag ako naupo, milyun-milyong trabaho taun-taon.” Si Mar Roxas ginawa na. Bakit ko nasabi yan? Balikan natin yung BPO. Kailangan maghanap tayo ng angkop sa Pilipinas. Inumpisahan niya—“Iha, kumusta ka?”—lahat ng pinag-uusapan dito, para sa’yo. Ako ho kasi retiring na, siya papunta pa lang sa kinabukasan niya. Ulitin natin, BPO. Nakahanap ni Mar, mukhang maganda, mukhang angkop ‘tong BPO na ‘to. This year ho, ang diretsuhang empleyado sa BPO industry sa Pilipinas: 1.3 million na katao. Yun po yung million na pinag-uusapan. Ang itutulong sa ekonomiya ng Pilipinas: 25 billion dollars. Okay, yung mga nangangako ng yayayain lang kung sinu-sino, nayaya na ni Mar yung nasa BPO at palaki nang palaki yan.

Ano pa potential natin dun? May nakausap po ako, kakaumpisa kong maupo bilang Pangulo niyo, mga empleyado nila higit-kumulang yata mga 15,000—10 to 15,000 nung unang nag-uumpisa tayo. So, sabi ko sa kanya, nakiusap ako, alam mo pinakaimportante sa amin, maglikha ng trabaho eh. Tulungan mo naman kami, baka puwedeng gawin mong 30,000 bago ako maupo, yung bago ako bumaba sa puwesto. Sabi niya, pipilitin po natin. Last time ko po nakausap, itong hinihingan ko ng 30,000 na trabahador, 60,000 na pala empleyado nila. Pero ang pinakamabigat dun sa sinabi niya sa akin, sa totoo lang ho, nasa Maynila po ‘to eh, bigyan niyo ako ng building anywhere on EDSA, pupunuin ko yan. Yung dati 30,000, di siya sigurado, ngayon may 60,000 na siya, kaya pa niyang pumuno ng maski bagong building dahil kulang na kulang sila sa espasyo.

So, dagdagan ko pa ho, sabi ng iba diyan, ayusin nila yung peace and order. Si Mar ho, nag-isip ng mga programa ng DILG tsaka ng PNP tulad nung ‘One Time, Big Time.’ Ano ba yung ‘One Time, Big Time’? Parang lotto ang dating eh, ‘no? Hindi ho ganun yun. ‘One Time, Big Time’: Lahat ng hinahanap sa isang lugar na talagang matitinding mga kriminal, mga Most Wanted. Pag sinubukang arestuhin ng kapulisan one time—lahat sabay-sabay ise-serve yung search warrant. Ano bang ibig sabihin nun? Wala nang panahon yung iba na matuklasan, “Uy, mainit ang pulis sa atin magtago tayo.” Bago nila mabalitaan na hina-hunting silang lahat, nandun na yung mga huma-hunting sa kanila. Resulta: mga lampas 2,000 na po dun sa pinaka-Most Wanted ang arestado, at dahil nawala yung mga mastermind, yung mga galamay hindi na alam kumilos. Kaya ang laki ng ibinaba sa ating crime rate sa buong bayan. Ginawa na ni Mar at hindi pinapangako.

Ngayon ho lahat ng nagawa natin, lahat ng nauna sa akin puwede namang ginawa eh. Yung pag-angat ng ekonomiya natin na 6.2 percent on average, for every year ha, last time natin na nagkaroon ng ganitong klaseng paglaki ng ekonomiya, 1970s po eh. At saka nun, medyo may pagkadaya pa yung numero, Martial Law nun eh. Ito ho ang pinakamalaking growth spurt natin.

So, yung pagtugon sa kalsada sa Apayao, yung pagtugon sa kalsada sa Lanao, yung lahat ng pinaggagawa natin sa Pilipinas, ulitin ko ho, puwedeng nagawa bago pa tayo. Unang-unang patakaran, aba’y huwag mong nanakawin yung kaban ng bayan. Tama po ba? Di pasalamat tayo sa katunggali ni Mar Roxas, para maliwanag ang pinagkaiba. Isa ho dun, 2014— 2014 sinabi ‘may mga katiwalian ka,’ nasa 2016 na po tayo eh, di ba? Twelve days to go na lang, boboto na tayo, at tulad ko ho siguro, kayo rin hinihintay niyo yung sagot: ‘Talaga bang nagnakaw ka o hindi?’ Hindi na puwede yung parati na, “pulitika lang yan.” Nasampahan na ng kaso, 2 years puwede niyang sagutin sa atin lahat, at hindi pa nasasagot hanggang ngayon. Last 12 days to go, malamang pag naupo yun, pag-upo niya lalo na nating di malalaman yung sagot dun sa tanong natin, di ho ba?

Okay, dagdagan ko pa po. Anniversary po ngayon eh ng EDSA Revolution. Thirty years ago, nagkaroon tayo ng EDSA Revolution. Sabi natin, ititigil na natin yang pagnanakaw. Ititigil na natin yung diktador, tama ho ba? Kaya kung minsan, napapag-isip ako, tama kaya yung mga survey? Kung kailan pa 30th Anniversary ng EDSA, yung dating lumalamang raw na Vice President, ang nagsabing wala silang, hindi ba, handa siyang humingi ng patawad kung alam lang niya kung ano ang dapat niyang hingan ng tawad, di ba? Ibig sabihin ho nun, wala kaming ginawang mali. At kung wala kaming ginawang mali, di tama yun at kung tama yun, itutuloy niya. Tama kaya yung survey na nangunguna siya?

Okay. Yung isa naman ho, at papasensiyahan na niyo, pero ako’y nagtatanong lang. Yung isa naman pong kalaban ni Mar Roxas, talagang pag napapakinggan natin, napapanood natin pag nagsasalita, talagang nakakagulat. Tama ho ba? (crowd shouting: ‘Tama.’) Okay, ewan ko baka naman yun lang nakikita ko sa media, pero parang kada bukas ng bibig, may inaaway na bago. Hindi, tama ho ba? Meron ho ba ditong nakipag-away na may napalang maganda? Tapos itong, alam niyo pag tinatanong, “kumusta ba kalusugan mo?” Ay, siyempre, yung botante, tutulungan kita pero baka mawala ka naman sa eksena, sayang naman yung tulong ko. May karapatan kang malaman. At pag naging pangulo ho, nasa Saligang Batas natin yun, kailangan alam ng gabinete kung ano yung kalusugan ng Presidente. Dahil nung Martial Law, huwag nating kalimutan, nilihim sa atin na malala ang kalagayan ng kalusugan ni Ginoong Marcos. Tama ho ba? Kaya nasa Saligang Batas, eh.

O ngayon, kakaumpisa ng kampanya, diretso sa ospital, “anong nangyari?” “Bakit ko sasabihin sa inyo.” Tama ho kaya yun? Ulitin ko lang ho, di ba, parang nung umpisa, ang sabi sa atin, bigyan niyo ako ng 3 hanggang 6 na buwan, tatapusin ko problema ng kriminalidad. (crowd shouting: ‘No’) Di, nagbago naman ho eh, nakikinig naman pala. Hindi na ho 3 hanggang 6 na buwan ngayon, isu-suppress na lang niya. Okey rin yun. Pero alam niyo, ako po, naniniwala, di bale sana kung meron kang ipinapangako na bago eh. Sa akin lang hong pag-iisip, ginawa na natin yan eh, di ba? 1972 hanggang 1986, ganun ang sistemang pinairal sa Pilipinas. At dito sa Cebu, lumabas kayo at sinabi, “tama na, sobra na, palitan na.” Sa Maynila ganun rin, sa Davao ginawa rin yun, come to think of it, sa Davao sinabi rin yun. Tapos ngayon, sa 30 Anibersaryo ng EDSA, ang lumalamang raw sa survey, yung mga tila magbabalik nung ganung istilo. Ako masusunod, pananaw ko lang ang tama, lahat ng hindi sumunod sa akin, humanda kayo.

O ngayon ho, idagdag ko lang ha, idadagdag ko. Baka naman, alam niyo ang daming nagsasabi sa akin, “nakakatakot na ang pag-angat nito, gawan mo naman ng paraan.” Para bang gusto kong isagot sa kanila, alam niyo after 64 days, ordinaryo na po akong mamamayan eh. Baka naman inaasahan niyo ako pag nakalusot ‘to at nang-abuso ‘to, mangunguna na naman ako sa laban? Palagay ko ho, pag nakita kung may nang-abuso, maninindigan ako ulit. Pero tanong, ewan ko kung nakakasigurado tayong nandon pa kaya ako, papormahin pa kaya ako? Puwede ba niyo ipasa sa akin yung responsibilidad na manguna dahil ako palagay ko, pag naisip ng iba, “ito ang puwedeng pumalag sa atin.” Baka ako unang mawala, tama ho ba?

Babalik ako dun. Ako kaya ko, puwede, di ba, pagbaba ko sa puwesto, wala na yung PSG, matuloy na lahat nung masamang balak ng kung sinuman, nasa kanya na yun, ‘no? Pero, kaya ba niyong talunin kami? Ako, paniwala ko, hindi. Sabi sa akin, sumandal ako sa inyo, turo ng magulang ko, taumbayan ang talagang pinakamatatag na dapat sandalan. Baka may nagpaplano na sa akin, o sige, baka magtagumpay kayo, okey na rin sa akin yun. Palagay ko naman meron na akong naitulong para mapaganda ang ating lipunan. Pero hindi ko ho matatanggap na kakayanin ng buong Pilipinas—ayun, kung sinuman nag-iisip nun, hibang kayo, nagkakamali kayo, at pag ginalit niyo ang taumbayan, mararamdaman niyo kung ano yung puwersa ng taumbayan.

So, kanina nga ho, yung batang binati ko dito—(crowd shouting: “Thank you, PNoy”) thank you rin po. Alam niyo, sarap sana imbitahan ko kayo lahat sa kasal ko eh. Kaya lang mahirap kayong pakainin lahat. Pero alam niyo, sa totoo lang, siguro ito ang pinakamadaling paraan para ipaliwanag ko sa inyo kung paano yung kinabukasan eh. Nung nabubuhay po ang nanay ko, nung panahon na yun may girlfriend ako, at kursunada niya. Dahil kursunada niya— kasi nanay ko, hindi nakikialam sa lovelife ko eh—pero dahil kursunada niya, nagpabili ng tela at siyempre kasalan puti. Eh hindi ho kami nagkatuluyan, di ba, sabi ngayon nung gagawa ng damit, ‘buti na lang ang kulay namin dilaw,’ dahil yung dating puti ay naninilaw na raw ngayon, baka puwede pang magamit. Problema nga pati nanay ko, wala na ho eh, hindi na siya, wala na siya dun para mag—eh, ganun talaga ang buhay.

Yung—sandali ho, mawawalala tayo ng konti, mga kasama—yung, hindi, tanda na ako. Ulitin ko lang, Martial Law, 12 years old ako, natapos yung Martial Law, 26 ako. Mula—parang 56 years old na ho ako ngayon eh—44 years ng buhay ko, maski papano, parang nakadamay na sa usapan ng bayan. Kaya parang napapag-isip ako, paano kaya ang buhay ko after July 1 na hindi na ho pulitika ng bayan ang aking dapat pag-interesan. Siyempre ninanais ko naman na pag retiro ko, meron talagang totohanang magpapatuloy ng nangyayari. Ano bang ibig sabihin ng nagpapatuloy? Lahat ng pulitikong napakinggan natin simula nung panahon ni Mahoma, di ba, ang sinasabi: “Iboto niyo ako pagagandahin kong buhay niyo!” Tama? O, ngayon, ano ang pinagkaiba?

Kwenento ko nung huling beses ko po dito sa Cebu, nanggaling ako sa Negros Occidental. Naglanding po ngayon dun, Silay papunta ng Bacolod, dadaan kayo ng Talisay. Sa Talisay po, unang gabi, dumating kami, ganda nung kalsada, highway talaga, kumbaga sa Luzon ho, expressway na yun, pati ilaw tama ang disenyo, tama lakas. Nung umaga siyempre yun naman ang balik na ruta pabalik sa airport. Merong dalawang dinidevelop na mga malalaking lupain ang Ayala at saka Megaworld. Sabi po ng mayor ng Talisay—sa Talisay po ginagawa ‘to, sa Negros Occidental—dahil ho sa interes nilang ipinakita, yung presyo raw ng lupa sa paligid nagtaasan. Dahil tumaas yung presyo, di tinaasan yung buwis, tumaas yung tinatawag na Real Property Tax collection. Ano ang resulta? Ang daming naitulong nila dun sa Special Education Fund. Saan napunta? Bumili sila ng sariling bus nila, binigyan nila nang dagdag na allowance yung mga maestra nilang papunta sa mga liblib na lugar. Pinapakain nila yung mga estudyanteng kindergarten hanggang grade 3 dahil yun ang pinakamadaling mabiktima ng malnutrition. Bumili ng sariling IT equipment, dinagdagan ng kagamitan ng mga estudyante, at marami pang mga ibang bagay.

Ulit, dahil may kalsadang bago, nakitang puwedeng i-develop ng dalawang kumpanya, bakod pa lang ang itinayo, wala pang hinuhukay para sa pundasyon, wala pa yung mga gusali, meron ng pakinabang yung komunidad ng Talisay. Yun yung dating dapa tayo, nakatayo tayo, naglalakad na tayo, susunod naman patakbo na. Ano yung pag patakbo na? Magkakaroon ng mga gusali—kaya binili yun eh, di ba—tatayo ng pabrika, tatayo ng opisina. Madaling salita: dagdag ang trabaho ng mga kababayan natin dun sa Talisay at mga paligid na lugar na dati’y walang pag-asa. Ngayon po, meron ng pag-asa. Gobyerno naman, di ba, tumulong na ihanda na mabigyan ng kakayahan lahat ng mga may gustong pagsamantalahan itong oportunidad na ‘to.

Hindi tayo nagtayo ng classroom para meron lang may maipakitang monumento, may classroom. Hindi ho. Tinayo natin yung classroom para merong maayos na pagpupuntahan ng kabataan para makaaral, masanay ang sarili nila, tinutulungan natin sa kalusugan, alam naman po niyo yan. Tinutulungan natin pati sa pagkain nila mula dun sa 4Ps. Pag nakagraduate, kinausap na natin yung mga industriya, ano ang kailangan niyong trabahador para may papasukang trabaho? Yun po yung paarangkada. Tinatanim natin ngayon, tapos pinipitas na natin ang ilang bunga, pero karamihan ng bunga, parating pa lang—kung itutuloy natin yung Tuwid na Daan.

Okay, alam ho niyo, wala namang garantiya yun eh. Pag yung namuno sa atin, iba ang direksiyon, sabi nga baka mag-left turn, right turn, pinakamasaklap U-turn. Bah, alam niyo U-turn, di ba? Dito sa Cebu, testigo naman kayo, yung mga ilaw sa kalsadang may pagkamahal. Tama ho ba? Yun ang U-turn. Bakit tayo papayag magkaroon ng pagkakataon magkaroon na naman ng ganun?

Okay. Ngayon ho, ulitin ko lang ho, ‘no. Mag-isip tayo at importante ho siguro, hindi nandito eh, mas importante lapitan natin lahat ng wala dito. Kausapin natin at itanong lang natin: ‘Bakit kwalipikado yung gusto mong iboto na maging Pangulo ng Pilipinas? Bakit kwalipikado yung kursunada mo para maging Pangalawang Pangulo ng Pilipinas?’ Pag wala hong maayos na sagot, baka sabihin natin: “Teka muna, yung kandidato namin kwalipikado. Yung hindi na nangako, ginawa na. Yung ginawa na dati, lalo pang gagawin mas mabuti sa kinabukasan.” At sa akin pong pananaw, ang talagang kwalipikado lang ay ang tambalang Daang Matuwid, sa pangunguna at iprisinta ko po sa inyo ngayon: si Mar Roxas, ang susunod nating Pangulo ng Pilipinas, kasama si Leni Robredo.

At ako po’y magpapaalam na sa inyo. Sabi ng nanay ko, ‘hindi ka kandidato, huwag ka masyado mahaba magsalita.’ Pero, salamat po, salamat sa inyo. (crowd cheering: “Noynoy! Noynoy!”)

Ulitin ko lang ho ha, lahat ng nagawa natin: Natin, tayo ang gumawa. (crowd cheering: “Thank you, PNoy!”) Thank you rin po. (crowd cheering: “Thank you, Thank you!”) Sa ika-9 ng Mayo ha, isa lang ang boto ko, kailangan kong tulong niyo.

Eto na po ang susunod nating Pangulo ng Republika ng Pilipinas: Mar Roxas.