President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Batangas
San Pascual Municipal Hall Covered Court, San Pascual, Batangas
21 Apr 2016
 
Sa init ng pagsalubong niyo, napapag-isip ako sana tumakbo ako ulit e. Hindi alam niyo. Nag-landing ho kami Batangas City. Tapos lahat ho ng nakakakita sa’kin, tinawag ako: “Uy, si Noynoy, si Noynoy!” Close na close ho kami. Di ba, parang patapos na ‘yung termino natin, 70 days to go, marami pang natutuwang nakikita tayo, kaya talaga naman ho ‘yung suporta niyo damang dama natin. ’07, lalo na ‘nung 2010 hanggang ngayon po nananatili. Talagang dapat pasalamatan kayo lahat po. Kaya maraming maraming salamat po sa inyong lahat.

[Pagbati]

Siyempre, nasa kampanya ho tayo. Trabaho ko mangumbinsi, kaya lang sa init nga ng pagsalubong niyo, sa tindi ng palakpak niyo. Iniisip ko: Sino pa kaya kukumbinsihin ko dito? Pero, baka maganda ‘no, magkwento ako sa inyo ng kaunti. Samantalihin ko na ho, magpapaalam na ako sa inyo, kwento ko naman ho kung nasaan na tayo umabot.

Alam niyo kahapon nasa graduation ako ng Manuel L. Quezon University. Graduation, binigyan nila ako ng honorary degree, mayroong sinusuot na di ba? Robe. Tapos mayroon ‘yung donning the cap tsaka ‘yung hood. ‘Yung mga nagsuot ho sa’kin, medyo hindi ganoong sanay. At ako rin naman ho, hindi naman araw-araw kong ginagawa ‘yun, kaya ‘nung kinakabit nila, sabi ko: Parang hindi yata tama.

Biglang may tumayo sa entablado, sabi: “Baliktad ho, baliktad.” Pero okay na rin po ‘yun. Importante doon kinilala natin na — ‘yung ating programa ng good governance, kaya binigyan ng karangalan.

Ano ho ba una kong ikwekwento sa inyo? ‘Yung una ko pong pagtakbo muna. Tumakbo ako kongresista, segundo distrito ng Tarlac. At doon po sa’min, mayroon silang tinatawag ng Kalye Onse. ‘Yung umpisa, sabi ko: “Haba naman nitong Kalye Onseng ‘to.” May isang barangay dinala ako sa Kalye Onse. Susunod na barangay may Kalye Onse na naman. Halos lahat ng barangay na pinupuntahan namin may Kalye Onse. Sabi ko: “Kahaba naman nitong pangalan na ‘to at tsaka bakit wala silang naisip na ibang pangalan maliban sa Kalye Onse.”

‘Di ba normally ‘yung Kalye ibibigay na parangal sa isang tao? ‘Yun pala ang ibig sabihin ‘nun, slang pala namin sa Tarlac ‘yun. ‘Yung Kalye Onse ho, lahat ng bahay na tabi ng riles ng tren. Kaya ‘di ba riles, dalawang riles magkatabi, kaya onse ang tawag.

Pero doon ho — ‘yun talaga tumatak sa’kin. Nangangampanya tayo house to house, mayroon akong nakausap na isang babae. Sabi niya sa’kin: “Alam ho niyo sa totoo lang, maski sinong tumakbo, umupo, matapos na manungkulan, ‘nung nangangampanya mahirap kami; ‘nung nakaupo, mahirap pa rin kami; ‘nung umalis na, mahirap pa rin kami.” At may konting katotohanan talaga doon sa sinasabi niya. So ano hong punto ko, bakit ko nakwento sa inyo ‘to?

‘Nung ako po inalok, pinakiusapan, hinamon tumakbo ‘nung 2010, kailangan una kong sagutin sa aking kaisipan: Kung ako tatayo diyan, pagbibigyan ng taong bayan, maging pangulo, walang nagbago, wag na lang. ‘Di ba? ‘Yung para bang merry-go-round. Uupo ka, sasakay ka, ikot nang ikot, pag natapos, ‘di ba? Doon rin. Wag na lang. Kalokohan lang ‘tong gagawin nating ‘to, makonsyensya naman tayo sa mga pinapaasa natin na walang napala.

Doon ko ho siguro maganda umpisahan. Ano ba ang napala natin sa pagtahak sa Daang Matuwid? Kailangan ko ho ‘tong kodigo, masyado marami ho ‘yung ating maalala e. Okay. Isa ho… gamitin ko lang ho sandali ‘to. Medyo makapal ‘tong papel e. Dito ho sa Batangas ‘no, ano ang napala natin sa Daang Matuwid?

Siguro 4Ps pagusapan natin. Kanina may nagsalita e. Miyembro ng 4Ps ‘di ho ba? Okay. Sa 4Ps, Batangas, ‘di natin masasabing swerte ‘nung araw. ‘Nung 2010, ‘nung naupo tayo, ang dami ng pamilya o kabayahang miyembro ng 4Ps ‘nung 2010 ay zero. Wala ni isang kabayahan sa buong lalawigan ng Batangas, miyembro ng 4Ps. Sa Daang Matuwid, 89,000 na kabahayan na po ang tinutulungan natin at nangyari ‘yan dahil ginawa niyo ang pagtahak sa Daang Matuwid. [Palakpakan]

Okay. Ngayon po — para eksakto na tayo. 86,999 ang beneficiary households sa’tin sa Pantawid. Kabilang po sila sa 4.6 million kabahayang tinutulungan na natin sa kasalukuyan. At dahil sa programa pong ‘to, tinataya 7.7 million na mga kababayan natin naangat doon sa lugmok ng kahirapan. Okay.

‘Nung Congressman po ako, taon-taon ang kayang suportahan ng national budget sa pagpapagawa ng eskwelehan, 8,000, paghahatian ng buong Pilipinas. Kaya pag Congressman ka, nakauwi ka ng 10, ang galing mo; pag nakakuha ka ng 12; sobrang galing mo. Sa Batangas lang po — so 8,000 a year ‘di ba? Six years ‘yung binigay niyo sa’kin, 8 times 6, ‘di 48,000 classrooms. E ang kulang natin, 66,800. Pag natapos ako, may utang pa ako. E hindi ho pupwede ‘yun. Sabi ko sa inyo: ‘Di hamak na mas maganda ang iiwan natin kaysa sa dinatnan natin. So dahil pinagbigyan niyo ko, tinulungan niyo ko, ano ang resulta? Batangas lang, hindi ho 8, 10, 12, classroom, 4,087 classrooms na po ang naipatayo ang kasalukuyang tinatayo, kabilang sa 185,000 na classroom na napagawa na natin, ginagawa sa buong Pilipinas.

Puntahan naman ho natin kasalusugan. Nakapaglaan na po ang DoH, Department of Health ng ‘di bababa sa 309.89 million pesos para doon po sa health facilities enhancement program. Ano ba ibig sabihin niya? Mayroon tayong barangay health station. Pagpunta mo doon, karaniwan daw ho, may mesa, may silya, baka may midwife, baka may nurse. Pagdating doon, papakonsulta ka, titingnan ka ‘nung nurse o ‘nung midwife, walang aparato, hindi ka mache-check ng temperature, timbang, blood pressure.

Madaling salita, ‘yung upuan at silya sa barangay health station sa maraming lugar, lugar ‘yan para magkwentuhan kayo. E barangay health station ‘yan, so ito pong 309 million na ‘to, pinangbili natin ng mga aparato at tulong na rin po para malagyan ng mga midwife, mga nurse, mga doktor, lahat itong ating mga health facilities.

Ulit po: Sa Batangas lang po ha, 309.89 million. Sa Batangas rin po, 2.54 million na Batangeño na po, miyembro ng PhilHealth, halos 96 percent ang pagkasabi sa’kin. Sa buong Pilipinas, 93 million Filipinos na po miyembro ng PhilHealth.

Kanina ho yata ‘yung sa 4Ps na beneficiary, nagkasakit ‘yung anak niya, sa kidney ‘di ba? Natulungan na raw ho ng PhilHealth. Okay. Siguro ho — larangan ng ekonomiya naman, mayroon pong tinatawag na First Philippine Industrial Park. Ito po ay nasa Sto. Tomas Batangas, tama ba Mark?

‘Nung tayo’y naupo, mayroon pong 52 kumpanya diyan. Ngayon po, 106 na kumpanya na po diyan nagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan. ‘Nung una kong dalaw diyan, marami pang lugar na medyo malawak at wala pang nakatayo. Huling dalaw ko ho sa kanila, tinanong ko: “Pwede pa ba tayo mag-expand dito?” “Pwede po.” Tapos ‘yung pagkaturo medyo malayo e. At ‘yung tinuturo nila hindi na patag. Medyo hills, medyo bulubundukin. Sabi ko: Parang sagad na sagad na nga raw ho ‘to.

So 106 ngayon, 52 ‘nung araw. Ibig sabihin 54 na kumpanya nagtayo sa panahon ng panunungkulan natin. Natalo natin ‘yung tatlong administrasyon nauna sa’tin na 52 lang po ang naitayong kumpanya. Ulit: Kayo ang gumawa ng paraan na ‘yan. [Palakpakan]

Sa larangan naman po ng infrastructure: Ang nilaan na budget para sa Batangas, 2005 hanggang 2010, bago ‘nung panahon natin, 4.33 billion pesos. 2011 hanggang 2016, tayo na po ang nakaupo, 16.49 billion pesos, lampas apat na ulit ho yata ang nilaki ng budget niyo. [Palakpakan]

Ngayon po, kanina pinasinayaan natin ‘yung Lipa-Alaminos Road. Kabilang lang po ‘yan sa mahigit 18,500 kilometers na national road na naipatayo na natin, kasama na ‘yung 107,500 lineal meters na tulay. Idagdag ko pa — ‘yun natapos na — ang kasalukuyang ginagawa, malapit na rin po tayo sa Batangas City. ‘Yung Batangas port, lumalakas. Ang problema pag binaba ‘yung lulan ng mga barko, traffic sa Batangas City, tama ho ba? Damay-damay na lahat. So inumpisahan na po nila Secretary Singson ‘yung Batangas City bypass road. Para diretso na po galing sa pier, kokonekta sa STAR para hindi na maabala ‘yung mga taga Batangas City ng traffic.

Pero ulitin ko po: Inuumpisahan pa lang ho ‘yan, nandoon na tayo sa parcellary survey. Ano ba ‘yung actual na ruta, sino may-ari ng lupa, para maumpisahan na ho ‘yung pagkuha ng right of way. Hindi ko na ho — 70 days na lang ho ako e — hindi ko na ho makikita ‘yung katapusan nito.

Dagdag pa natin, may isa pang kalsada sa ‘yung dulo sa Lobo — Lobo at ‘yung kabilang dulo. Lobo – San Juan. Ito po parang coastal na kalsada at dalawang… kabilaang dulo ho inumpisahan magtatagpo. Ano po pakinabang ng Batangas diyan? Marami po doon napakagandang coast line para sa tourism. Madadali ang pagpunta dito. May magde-develop ng mga resort. Mayroong dagdag na trabaho para sa mga Batangeño at alam po natin ‘no, na bawat turistang dayuhan na dumating sa Pilipinas, tinataya isang trabaho ang nililikha. Ngayon po, kulang-kulang, aabot tayo this year na six million foreign tourist arrivals sa Pilipinas. ‘Yan po ang kasunod na mangyayari po dito sa Batangas.

Sa agrikultura naman po: Mayroon na tayong farm-to-market roads at irrigation nagkakahalaga ng 1.6 billion pesos. Mayroon na rin pong apat na intercropping sites sa Balete, sa Lobo, sa Lipa at San Juan. Ano po ‘yung intercropping sites? Para sa nagtatanim ng niyog, pag nagtanim ng niyog, isang hektarya, sabi sa’kin ang kinikita pag copra lang ang binebenta, e 20,000 kada taon. Medyo maliit ho. Kaya pag parating sinusuri: Sino ba pinakahirap na sektor ng magsasaka? Parati ‘yung nagniyo-niyog.

Ano po ‘yung intercropping? ‘Yung pagitan ng mga puno, tatamnan ng mais, tatamnan ng kape, tatamnan ng cacao at iba pa. Pag tinaniman po ng kape, tinataya mula 20,000 magiging 170,000 plus ang kita kada hektarya kada taon, ang layo ho sa 20,000. Pina-pilot testing na po ‘to at apat na lugar nga po dito sa Batangas ang kasama testing program.

Mga kababayan, alam niyo talagang… siguro maganda na rin ho na nandito ako sa Batangas na nagpapaalam, ‘nung snap election ho kasi, 11 araw doon sa 45 days, nandito po ako sa Batangas na nangangampanya para sa’king ina. So dito ko ho — sasabihin dito ko talagang nahasa ng national na pangangampanya. Dito na rin po ako magtatapos at siguro ‘yun ang tinatawag natin coming full circle.

Balikan ko po. Ay bago ho natin balikan. Importante ho siguro maipaliwanag ano ba ‘yung sinubukan natin gawin sa anim na taon? Okay. Pinakamadali kong paraan para ipaliwanag ‘yan. ‘Yung nangyari po sa isang bayan sa Negros Occidental na nadalaw natin kamakailan. Ang pangalan po ‘nung bayan na ‘yun ay Talisay. Okay.

Ang airport po ‘nung Bacolod City ‘nung araw nasa Bacolod, nalipat na po sa Silay ‘yan. At noong dumating ‘yung panahon na napunta tayo doon sa bagong airport na, lumanding doon, kausap ko ho ‘yung butihing Gobernador nila si Freddie Marañon. Sabi ko: “Manong Freddie, paglabas nitong airport na ‘to kung hindi ka taga dito, mukhang maliligaw ka. E importante po ‘yung airport, madali puntahan, madali labasan. So baka kailangan ho niyo ng bagong kalsada dito.”

Alam niyo dahil matino kausap itong si Manong Freddie Marañon, governor nila, sabi sa’kin: “Gagawin na po namin ‘yan, may pondo kami.” Ibig ko lang hong sabihin: Si Governor Marañon, hindi mapagsamantala. Kung inalok ka ng pangulo: “Kailangan ba niyo ng kalsada dito?” Maski mayroon na kayong pondo, ‘yung iba sasabihin: “Kailangan ho namin.” Tapos, ililipat ‘yung pondo sa ibang bagay. Okay.

Bakit ko ho kinekwento sa inyo ‘to? So mula Silay, dadaan ng Talisay, aabot ng Bacolod City. Pagusapan na lang natin ‘yung Talisay. Ang ginawa ng gobyerno, naglagay ng kalsada doon. Dati, karaniwang bukirin. ‘Yung Talisay, karaniwang munisipyo. ‘Di ba? Lahat ng aktibidades sa bayan, paligid ‘nung munisipyo. Tapos ‘nun wala na. Dahil ho binuksan ‘yung kalsada, ang Ayala corporation at tsaka ‘yung Megaworld, naisip mukhang magandang magdevelop dito. So anong ginawa po nila? Namili sila ng lupa. Namili sila ng lupa, binakuran. Dahil sa pagbibili nila ng lupa, nagtaasan ‘yung halaga ‘nung lupa ngayon doon. Dahil tumaas ‘yung halaga, tumaas ‘yung buwis na real property tax. ‘Yung nakokolekta ng gobyerno, dahil tumaas ‘yung nakokolekta nila, saan dinala ‘nung gobyerno ng Talisay? Inireport po sa’tin ‘no, inilagay nila sa tinatawag nilang special education fund. Ano po ‘yung special education fund? Dahil dito mga teacher na in-assign sa malayong lugar, liblib na lugar, dinagdagan ng allowance.

Dahil doon sa dagdag na pondo, nakabili sila sarili nilang school bus. Nagpatayo ng sariling mga building. Bumili ‘nung mga computer, ‘yung IT equipment. Mayroon pa silang feeding program para sa kinder hanggang grade 3, araw-araw pag may klase dahil ‘yun po ‘yung parang pinakamalaki ang tyansang hindi magpatuloy ng pag-aaral dahil mahina ang katawan. Okay. ‘Yung kagamitan ‘nung estudyante, nadagdagan nila. So ang gusto ko lang hong ipagdiinan dito ha. Gawin ng gobyerno ‘yung tama, may kalsadang nasa maayos na lugar. Tapos, ‘di ba, makipagtulungan sa pribadong sektor, ang laki ng inangat ng pagbabago.

Ngayon ho, bakod pa lang ang tinayo ng Ayala, ng Megaworld. Ganoon na ang resulta. Pag dumating ‘yung panahon natapos ‘yung development nila doon, tatayo ng mga gusali, parang factory, mga call center, mga mall, at iba-iba pa ‘di ba? Siyempre lalong lalaki ang ekonomiya ‘nung Talisay. Siyempre lalaki ang kapasidad ‘nung gobyernong tugunan ang pangangailangan ng sinasakupan. Siyempre, dadagdag ang oportunidad ng ating mga kababayan na magkaroon ng marangal na trabaho.

So sa Daang Matuwid po, pinangako ko sa inyo: Pag alis ko, ‘di hamak mas maganda kaysa sa dinatnan ko at ‘yun ang tinrabaho (trabaho) natin. At hindi natin tinrabaho isa-isang bahay lang. Hindi ko naging ugali, sampu ‘nung mga kasama natin sa Gabinete at kasama natin sa lehislatura na — alam ‘nung ako po’y unang Congressman, parang ‘yung akin napalitan, yumao na po ‘yun. May mga kalsadang dapat ilagay. Imbes na kalsada ang nailagay, ang inuna po ‘yung wating shed. So nauna ‘yung waiting shed sa lugar na walang kalsada, wala hong gagamit ‘nung waiting shed, wala namang dadaan sasakyan doon. Sabi ko: “Ayos talaga ‘to.”

Dito po sa inyo sa Batangas. Wag naman mamasamain. Mayroon hong kalsada, Ternate-Nasugbu. Okay. Konti lang naman ang oras na ginugol. Anim na kilometro lang po ‘yan. Tandaan niyo tayo 18,500 plus kilometers sa buong bansa in six years. ‘Yung six kilometers ng Ternate-Nasugbu. Inabot lang naman ng konting panahon — dalawang dekada.

Okay. 20 years para magawa ‘yung six-kilometer road. Sabi ho sa’kin: Tila marami hong nag-interest doon sa tataas na halaga ng lupa, kaliwa’t kanan kaya hindi tinuloy muna ‘yung proyekto hanggang nabili na lahat ‘nung lupa sa gilid ng kalsada. Hindi ho Daang Matuwid ‘yun.

So ano hong punto? Susi — Sabi ng Tatay ko, baka doon tayo mag-umpisa. Unang kalayaan kailangan makamtan, kalayaan sa kagutuman. Pag hindi ka malaya sa gutom, ang iniisip mo parati: Saan ko kukunin ‘yung susunod na kakainin ko? Balewala sa’yo ‘yung freedom of assembly, freedom of religion, freedom of the press, freedom of information. Wala lahat ‘yang freedoms na ‘yan. At ako po training ko ekonomista. Naniniwala rin ho ako sa kasabihan. Imbes na bigyan mo ng isda. Tulungan mo mangisda. So paano po natin ginawa ‘yan?

‘Yung school population po natin umabot ‘nung 2008 humigit kumulang 2.9 million out-of-school youth. Ngayon po, 1.2 million na lang ang out-of-school youth at hinahabol pa natin maibalik sa klase. Ano ba ‘yung Pantawid Pamilya? Ang kondisyon: Panatiliin ang anak mo sa pag-aaral, tutulungan ka ng estado. In-increase natin, hindi na grade school. 2014 pati high school dahil may kakayahan na ang gobyerno tustusan ‘yun hanggang high school. 2015, nag-gradauate tayo ng unang batch ng mahigit 300,000 inalalayan ng programang ‘to.

Pag nakatapos ng high school, sabi ng pag-aaral ng PIDS, isa pong think tank ‘yan: Ang diperensya ng sweldo ng nakatapos ng high school kaysa grade school, 40 percent.

Ngayon po may ilan-ilan na tayo tinutulungan rin sa college na benepisyaryo ng 4Ps. Pag dumagdag pa ang kakayanan ng gobyerno, bakit hindi pwedeng matulungan lahat ng gustong mag-kolehiyo makapagtapos ng kolehiyo.

Okay. Pinag-aral natin. Inayos natinang kalusugan. Ano pa ang ginawa natin? ‘Nung araw po, trahedya may mag-aaral. ‘Yung unang kursong sikat, physical occupational therapy. Apat na taong kurso, nag-board exam, limang taon ang ginugol. Pagtapos niyang ginugol ‘yung limang taon na ‘yun at ‘yung gastos para makapag-aral. Inaasahan niya papasok siya sa trabahong pinagsanayan niya. Pag-graduate niya, wala na ‘yung mga trabaho sa physical occupational therapy.

Lumipat ng nursing dahil mainit ang kurso noon. Nursing, kalahating milyon ang gugugulin ng magulang sa pinakababa raw para mapaaral ang anak sa nursing. Apat na taon na naman tapos umabot ng pang-lima para sa board exam, nakapasa, nakakuha ng lisensya. Wala ng trabaho sa nursing. ‘Di ba? ‘Yun ang trahedya.

So anong ginawa natin? Gusto natin baliktarin ‘yan. Ibig sabihin po ‘nun, kinausap natin ang industriya: “Ano ba ang kailangan niyong trabahador dalawang taon mula ngayon, apat na taon mula ngayon, anim na taon mula ngayon?” O, kaya ho, TESDA tumulong sa nine million course graduates.

‘Nung dinatnan natin ang nakakahanap ng trabaho pagka-graduate sa kanila, 28 porsyento. Ngayon po average po 72 percent. May mga sektor, 90 hanggang 96 percent. Parang pumasok ka lang sa TESDA, sigurado ka ng may trabaho. At ‘yung trabaho hindi isang dekada. Ang definition ho ng placement rate six months after nag-graduate ka, may trabaho ka na. Okay. ‘Yan po ang Daang Matuwid.

Ulitin ko lang ho. Siguro ito ho ang buod ‘nung mensahe: Lahat ng ginagawa natin ngayon. Pwedeng ginawa dati pero hindi ginawa. Dito nga ho sa inyo sa Batangas, ulitin ko lang: Mayroon bang mahirap sa Batangas? Mayroon. Ngayon lang ba sila naging mahirap? Hindi. Ngayon, tinutulungan natin 86,900 plus.

‘Nung araw ni isa hindi tinutulungan. ‘Nung araw na nagsasabi slogan po ng pinalitan ko: “cares” ‘di ba? May malasakit. Pero palagay ko, kami hindi man namin ginamit na slogan ‘yung “we care,’ e talagang nadadama na ho niyo talagang may malasakit kami sa inyong lahat. Ambisyon namin: Isagad ang oportunidad ng bawat Pilipino na talagang umangat sa kanilang estado sa buhay.

Ngayon ho. Babalikan ko lang ‘yung kwento ng sinabi ni Mel Sarmiento. Mayor po si Mel sa Calbayog at paminsan-minsan naiimbita siya magsalita sa mga international na gathering. So sabi niya salaysay niya, baka iba sa inyo nakarinig na. Ewan ko si Mayor, baka narinig na niyo. Pumunta raw sa airport sa ibang bansa. ‘Yung nasa harapan niya galing bansang Hapon. Tiningan ‘yung passport: “Oh you’re from Japan. Welcome. Please enter.” Dumating ‘yung taga-Singapore: “Oh from Singapore. We’re so pleased to greet you. Please enter.”

Dumating si Mel Sarmiento, pinakita ‘yung passport, Philippine passport: “Wow from the Philippines.” Tiningnan raw si Mel sa mukha niya. Tiningnan hanggang talampakan. Binalikan ‘yung kanyang noo. Pabalik-balik. Tiningnan ‘yung litrato. ‘Nung nakontento na ‘yung litrato tsaka si Mel pareho. Tinanong: “Purpose of visit?” Sabi niya: “I’m invited to speak at this conference.” “Proof of the invitation?” Talagang pinadaan siya sa pahirapan. Okay. Pinapasok ulit.

Dumating na siya doon sa komperensiya. Siyempre pag nandoon ka, makikihalubilo ka sa iba’t ibang mayor sa iba’t ibang dako ng mundo. Pag ‘yung taga-Pilipinas raw ho ang lumapit, lumalayo ‘yung ibang mayor. Dahil ang paniwala raw nila: “Ito na ‘yung taga-Pilipinas, hihingi ng ambulansya, hihingi ng fire truck, hihingi ng kung ano-ano.” ‘Nung araw po ‘yun. Sa Daang Matuwid, si Mel na namimigay ng patrol vehicle, ng fire truck sa buong Pilipinas.

Sabi ko sa kanya: “Hindi ka naman nag-iisa partner.” ‘Nung ako po bagong halal niyong Pangulo. Pag bibisita tayo, una hong obligasyon pag lalabas ng bansa, dalawin ‘yung miyembro ng ASEAN. Siyam na bayan po ang dapat niyong dalawin. ‘Yun ang kurtesiya papakilala ka sa mga kapwa mo head of government ng ASEAN at hindi lang po ASEAN, mayroon pang mga ibang bansa. Hindi ko na ho babanggitin kung ano itong mga bansang ‘to Pero sa totoo lang ho, damang dama ko at medyo masakit sa kalooban ko. Siyempre tayong mga Pilipino proud e. ‘Nung hinaharap nila ako parang pinagbibigyan lang nila ako. Mayroon pang dalawa doon, sinesermonan ako. Dapat raw ang Pilipinas ganito, dapat raw ang Pilipinas ganyan. Wala pa tayong mapapagmalaki. Ginawa ko na lang ho nilunon ko na lang muna. O, ngayon, noon ‘yun.

May komperensiya kami. ‘Yung mismong talagang hirap na hirap ako kausapin na waste of time. Sabi ba naman sa’kin, may komperensiya kaming dinaluhan: “Mr. President, President Aquino, the Philippines grew by…” ‘Nung panahong ‘yata ‘yun, nasa 6.8 percent ‘yung GDP growth natin, sila nasa 1.2 percent. “Your economy grew by 6.8 percent, ours grew by 1.2 percent. What is the secret?” Aba, ‘yung medyo ‘di ba? Sabi ko sa Ingles: “You used to be eyeing us.” Alam ba niyo ‘yung “eyeing us.” Minamata tayo dati. Ngayon, hinihingan tayo ng payo anong dapat gawin. [

Ginawa ko na lang ho. Sabi ko: “Ikaw naman humahabol pa lang kami sa inyo. Bibigay pa namin sa’yo sikreto.” Kaya sinabi ko na lang: “Aba, ginagaya namin kayo.” O, ‘di napuri ko siya. Tigil ang konbersyasyon. Ganoon na ho ngayon. Kaya dati sabi ‘di ba — aminin na natin noong araw “Sick Man of Asia” tayo. Aba ngayon, “Asia’s Bright Spot” “Asia’s Rising Tiger.”

Uuliitn ko lang ho: Paano natin naabot ‘to? Dahil sa inyo. Bakit? Pinagbigyan niyo akong pagkakataon. Naniwala kayo doon sa iniisip natin at habang nanungkulan ako, panatag ang loob ko maski anong hamon haharapin ko. Nandiyan kayo sa likuran ko. Kakayanin natin maski anong hamon ‘yan. Kaya ayan na po ang mga resulta.

Napatingin lang ho ako sa relo ko dahil naalala ko ang akin Ina. Sabi po ng Ina ko ‘nung araw pati ‘nung snap election: “Paalala ko lang sa’yo ha. Hindi ka kandidato kaya wag ka masyado mahaba magsalita.” E ayoko naman ho mapagalitan pa sa edad kong ‘to.

Siguro, simpleng-simple lang naman ang gusto kong iwan sa inyo: Lahat ng nagawa natin, pwedeng nagawa ‘nung nauna sa’kin. Pero ‘di nila ginawa. Iba ang pakay nila, iba ang direksyon nila. Ang gusto nila manatili sa kapangyarihan, tigil na doon. Pag may nagawa: Kunwari sasabihin “gumanda ang ating unemployment rate.” Totoo ho ‘yun. Paano ginawa? ‘Nung panahon na nagsu-survey, kumuha ‘nung mga street sweeper. ‘Di ba? So may trabaho, lista ka, may trabaho.

‘Nung natapos ‘yung survey ‘no, hindi na kailangan ‘yung bilang na ‘yun, wala ng ano, wala na ulit trabaho. Tayo iniba natin ‘yun. Kung tutulungan natin, totohanin natin na talagang pangmatagalan. Okay.

Ngayon ho, siguro maganda pag-usapan natin. Madali ba ang trabaho ng Republika ng Pilipinas. Lahat ‘nung naniniwala madali, pakitaas lang po kamay. ‘Yun. Susunod na eleksiyon, ikakampanya kita.

Okay. Sample ng problema. Kakaupo ko. Nagkaroon ng gusot sa Korean peninsula. North at South Korea. May lumubog o parang tinorpedo actually na barko ng South Korea, kinanyon ‘yung isang isla ng South Korea. Ang laman (…) ng ating media: Malapit nang magka-giyera sa North and South Korea. Anong problema natin doon? Problema natin ‘nung panahong ‘yun 2010. 50,000. Ulit po 50,000 na Pilipino nasa South Korea.

Pag nagka-giyera, damay sila. Sa North Kroea, nagulat ako, sa North Korea may Pilipino rin, siyam na Pilipino nasa North Korea. Sabi ko: “Ano naman napapala nila sa North Korea?” Miyembro pala ng UN, doon natalaga. Okay.

Ang problema: Kung magkagulo doon, obligasyon ko o ng gobyerno natin pangalagaan ang mga kababayan natin. Tama? Ilipat natin, dalin natin, iwas natin sa peligro. Ano ang mayroon tayo ‘nung panahong ‘yun? Tinanong ko ang ating Sandatahang Lakas: “Paano natin babawiin ang mga kababayan natin? May eroplano ba tayong magagamit?” “Mayroon po.” “Ano ‘yan?” “C-130.”

“Okay. Ilan ang kayang ilaman niyan?” “100.” “100 ano?” “100 tao kada lipad.”

O, kayo na ho mag-divide, 50,000, 100 people per flight. Gaano katagal ‘yun? Ano ‘yung biyahe? Apat na oras papunta, dalawang oras para magkarga, apat na oras pabalik. O ‘di sampung oras na. E siyempre pag nagbakbakan ho sa ganitong mga panahon e, mga ilang araw lang tapos na.

Okay. Sabi ko: “Ano pa pwede nating magamit?” “Mayroon ho tayong barko.” “Ilan naman ang kayang ilagay diyan?” “1,000.” Aba, gumaganda sitwasyon. “Gaano katagal ang biyahe?” “10 araw.”

‘Di ko na ho tinanong kung 10 papunta at 10 pabalik e. Siyempre ako po ‘yung pinuno kailangan hindi ako mawalan ng loob. Pero ‘yun ho ang totoo. Isang eroplano para kunin ‘yung ating 50,000 na kababayan sa South Korea. Madaling salita ho, buti na lang hindi natuloy ‘yung gulo. Pero kung saka-sakali nagkaroon ng gulo, mayroon hong bansa malapit sa kanila, doon natin dadalhin ang mga kababayan natin. Kung baga, kumpleto na ‘yung plano.

‘Nung araw po isa ang C-130 natin. Iiwan ko sa inyo ngayon apat na. Mayroon pang isang parating, magiging lima na po ‘yang C-130 na ‘yan.

Anong silbi ‘nun? Kada may bagyo, kapuluan tayo, may problema sa isang pulo, mapapadala natin ‘yung ayuda agaran, pandagdag doon sa nakapreposition na. Eroplano nakita na rin niyo po siguro ‘yung FA-50. ‘Yung huling jet natin pinatakbo bago nito 2005. Ngayon po may dalawa na tayo nitong bagong lead in fighter trainer. Next year po, dadating ‘yung sampu nilang kapatid. Mayroon na po tayong isang dosenang lead in fighter aircraft.

Ulit: Paano natin nagawa? ‘Nung kami nasa Kongreso, bibili ka lang isang C-130: “Wala ata tayong pangtustos nito?” Ngayon ho ang naidagdag apat na. Tapos ang fighter, 2005 ang huli, dumating ako 2010. Ngayon po, na-deliver na ‘yung dalawa, may sampu pang dadating hanggang sa susunod na taon.

Negosyo, trabaho — mayroon po tayong nakilala sa Amerika. Hindi ko pwedeng banggitin ‘yung pangalan ‘nung kumpanya niya. Mayroon ho kasing kailangan sabihin siya muna sa bansa nila bago ia-announce dito. Ang trabahador po nitong kumpanyang ‘tong dayuhan sa China, 600,000 workers. Gusto niyang ilipat ‘yung ibang operation nila, kung ‘di marami sa operation nila. Napanuod ang Pilipinas, pinaguuspan. Hindi pa siya nadalaw sa Pilipinas. Sabi niya: “Bakit nga hindi ko subukan ‘tong Pilipinas?”

Nakadalawang biyahe na po ‘yung may-ari ng kumpanya dito. Nandito na raw ho sila sa patapos na tinatawag na due diligence. Madaling salita, nagkita kami, last week ho yata. Sabi ko: “You’re back. Must be good news.” Tiningnan niya ako, sabi niya: “I think so.” Ibig sabihin ‘nun, 10 porsyento na lang ‘nung 600,000; 60,000 na dagdag na trabaho na naman para sa Pilipino.

Pero ang mas maganda pa hong balita doon. ‘Yung produkto nila may pagka-high tech. Ayaw niyang dalin ‘yung trabaho lang dito, hindi lang ‘yung manufacturing dito. Pero pati ‘yung pagsasaliksik. ‘Yung research and development gusto rin niyang dalin dito sa Pilipinas dahil bilib siyang kaya ng Pilipino. ‘Yun po ang pagtingin na sa’tin ngayon.

Ma, mga limang minto na lang ‘to. So, mga kasama. Palagay ko naalala naman niyo ‘nung ako’y unang tumatakbo. Never akong nangako sa inyo: Ihalal niyo ako sa anim na taon, buburahin ko lahat ng problema niyo.

Kung sasabihin ko sa inyo ‘yun, hindi ko kayo ginalang. Pambobola ‘yun. ‘Di ba? ‘Yung bata para masagad niya oportinidad niya, ngayon nag-aaral. Pag nag-graduate may trabahong papasukan. Pag ‘yung may trabaho ng pinasukan, dagdag tulong sa pamilya.

Bigyan ko isang sample: Babae ho sa Pampanga. Anak niya pito. Iniwan pa ‘nung asawa. Ang trabaho niya nagtitinda-tinda. E kayo ho ang Tagalog e.’Di ba pag nagtitinda-tinda, parang hindi palaging nakakatinda, parang paminsan-minsan. Pag sinabing: Ano ba ang trabaho mo? Nagtitinda. ‘Di ba permanente. Pag: Ano ang trabaho mo? Patinda-tinda. Hindi permanente. So marami hong ganun na sitwasyon. Pito anak. Paano ko tutustusan? Sabi niya: Dahil sa 4Ps ‘yung anak niya tatlo, tapos na ng high school, permanent na ang trabaho, may apat na lang na kailangan pa niyang paaralin.

Palagay ko kung binigyan siya ng pagkakataon: Pupunta siya dito ngayon. Sasabihin sa inyong lahat: “‘Nung pinagbigyan niyong tahakin ang Daang Matuwid. ‘Yun ang naging daan para magkaroon na kami ng liwanag sa aming buhay.”

Ngayon ho paano kung dumating siya ulit dito at sinabi naman niya: “Natulungan na niyo ko sa tatlong anak ko. Palagay ko hindi man niyo naramdaman dahil hindi kayo bumunot ng diretsuhan sa bulsa niyo para tulungan ako. Pero ang laki na ng tinulong niyo. May apat pa akong kailangan matulungan.”

Sino kaya sa’tin dito ang kayang magdamot na hindi tayo namemerwisyo, hindi tayo nabibigatan, nakakatulong tayo sa kapwa. Konting tulong na lang doon sa apat na natitira. Kaya na nilang tumindig sa sarili nilang mga paa. ‘Di ba? Ngayon ho. Siguro ito na lang ‘yung huling parte na gusto iwan sa inyo. Mahirap maging Pangulo ng Republika. Tanong ho: Sino ba ang kwalipikado?

Ipaliwanag ko lang ho: Kunwari magtatayo — gusto mo naisip mo: “Magtatayo ako ng negosyo. Ang naisip kong negosyo, restawran.” Siyempre unang mong kailangan gawin manigurado may pagkain kang masarap para talagang babalik-balik ang customer mo. Tama ho ba? Para may masarap na pagkain kailangan mayroon kang magalin na kusinero. Kumuha ka ng empleyado, may mga nag-apply. Kunwari ho ang nag-apply. “Ano ang napagtapusan mo?” “Mekaniko.” Pero magaling magpatawa o medyo nakakatawag pansin pag bumubukas ‘yung bibig o magaling sumayaw o magaling kumanta. Basta ang lahat ‘nung dahilan. Maliban doon sa “marunong ka bang magluto?” Kinuha mo. Pinilit mong maging kusinero ‘yung mekaniko. Pangit ang naluto. Wala kang customer. Nalugi ang negosyo mo. Sino ang sisisihin mo? Si mekaniko o ikaw na kumuha kay mekaniko? ‘Di ho ba?

O ngayon, pag sinabi nating kwalipikado. Banggitin ko si Mar Roxas. Sabi ‘nung mga kalaban, ‘yung isang kalaban, pag hinalal niyo ako, taon-taon, milyon-milyon trabaho. Sila nangangako. Si Mar Roxas, BPO industry. Siya nakapag-isip niyan. Ang diretsuhang trabahador nitong taon na ‘to, 1.3 million na Pilipino nagta-trabaho sa BPO inisip ni Mar Roxas. Ano ang dinadagdag sa ekonomiya natin? 25 billion dollars. Okay.

Ano pa ang dagdag diyan? Siyempre ‘yung nasa call center may convenience store, 7-Eleven, ‘yung mga Select, may kailangan tumao doon, dagdag empleyado. May transportasyon, taxi sasakyan papunta doon. May driver, dagdag trabaho. Ang nililikha hong indirect employment diyan sa BPO, tatlo hanggang apat na tao. So isang milyon diretsuhan, 1.3 i-multiply natin ng three o ng four, ‘yan po ang daming nakinabang dahil doon sa naisip ni Mar na itulak doon sa ating Inang Bayan. Ito pong BPO industry.

Ulitin ko: ‘Yung iba nangangako ng trabaho, si Mar nilikha na, pinapakinabangan na. [Palakpakan] Sabi ‘nung iba po — may nagsalita: Pipigilan niya ang krimen bigyan lang siya ng tatlo hanggang anim na buwan at pag hindi niya nagawa magre-resign siya. ‘Nung narinig ko ho ‘yun, sabi ko: Sandali lang, naalala ko ‘yung kasabihan ng matanda — ang kasalan, hindi parang mainit na kanin na kapag napaso, iluwa.

Pag nahirapan ka, “ayoko na”, ba-bye. Hindi ho e. Parang kasalan ‘to. May tatay ho, hihingi ng mandato niyo. Pag ipinagkaloob niyo, nakatali kayong dalawa, anim na taon. Tama ho ba? Pero binago na raw ho ‘yung sinabi niya ngayon, isu-supress na lang niya, hindi na niya pipigilin. ‘Yun ang pangako. Si Mar Roxas ho inumpisahan ‘yung “ambat bitag,” ‘yung “one-time-big-time,” ‘yung Oplan Katok.

Bigyan ko lang ng paliwanag. Oplan Katok. Simpleng-simple lang ho ‘yun e. May mga lisensyadong firearms, bago ‘nung eleksyon ng 2013, kinatok lahat ng mga taong sabi “dito kami nakatira at mayroon kaming baril.” Okay.

Pag expired ‘yung license, i-renew mo. Natuklasan doon: ‘Yung bahay na sinabi nilang tinitirhan nila o opisina, fictitious, wala hong ganoong tao sa bahay na ‘yan. 60,000 na firearms po ang tinutugis natin mula 2013 na loose. Sino nag-isip ‘yan? Itong loose firearms, umpisa na ‘nung proseso sino ang bumili, kanino naipasa, tanggalin mo ‘yung baril sa tangan ng masamang elemento. Bawas ang crime rate.

‘Yung “one-time-big-time” na operations po nila pinapatuloy ni Mel. Pag mayroong mga warrants of arrest, minsanan dadakpin lahat sa isang bayan, hindi installment plan. Ibig sabihin po ‘nun pagdating ng kapulisan, sineserve ‘yung warrant of arrest. Wala ng pagkakataon ‘yung iba na matugunan mo na: “Uy may operation pala, makatago muna.” Resulta: Ang daming most wanted, arestado na, at nawala ‘yung mastermind, ‘yung mga galamay hindi ho makagawa ng krimen dahil wala ng mando. Nagawa na rin ni Mar Roxas.

Puntahan naman natin si Leni. Si Leni ho alam na nating lahat kung gaano katatag ang pagkato niya. Si Leni ho nag-aral maging abogado at pwede naman pinasukan ang mga law firm sa Makati kung saan kumita siya. Pero hindi ‘yun ang pinasukan niya, nag-umpisa siya public attorney. Pagkatapos po ‘nun, tumulong sa isang NGO, 15 taon, puro ‘yung mga nasa laylayan ng lipunan ang tinutulungan. Dito po sa pagtakbo niyang ‘to, pwede na lang siya nag-reelection. Baka mas madali pa.

Pinakiusapan natin: “Leni, kailangan ka. Kailangan ng isang taong pagkakatiwalaan natin na pag may nangyari sa Pangulo kayang-kayang umapak at pumasok sa kanyang mga yapak at ipagpatuloy ‘yung ginagawa natin.”

So ulitin ko lang ‘no at konting diin. Kwalipikado sa’king pananaw si Mar Roxas, kwalipikado si Leni Robredo. Mamaya ho pag-uwi niyo. Pakisabi lang, subukan lang niyo ‘to. Kumuha kayong papel, kumuha kayong lapis. “Kwalipikado si Grace Poe dahil…” Sulat niyo ‘yung dahilan kung mayroon. “Kwalipikado si Jejomar Binay dahil…” “Kwalipikado si Digong Duterte dahil…” Pag hindi ho niyo nalagyan ng laman ‘yung blanko. Dapat ho naman yata tayong magisip-isip.

Ulitin ho natin: Tama ‘yung sinabi ni Paolo kanina. Gaano tayo katagal boboto? Kapalit anim na taon at ‘yun ‘yung siguradong kapalit. Paano kung katulad ‘nung Martial Law? Binigyan ng dalawang termino, walong taon, tapos tumigil pa ng 13 taon, lampas ‘nung dalawang termino niya. Baka hindi kaya yata dapat mag-isip kung gaano ka-importante na ilagay natin ‘yung karapat-dapat.

Simple lang ho sa’kin. Husgahan niyo: Itong pagtahak natin sa Daang Matuwid pinakinabangan ba niyo? Nagbago ba ‘yung Pilipinas? Malayo na ba tayo sa ating dinatnan? Kung ang sagot “oo” ay dapat ho tulungan na natin si Mar at si Leni at isama ko na rin ho ‘yung pakiusap ko ‘no.

Bumoto kayo, thank you. Pero palagay ko, kinabukasan natin lahat ‘to at sa sistema ng demokrasya, ‘yung nakakarami ang nagdedesisyon para sa lahat. Kailangan magparami tayo nang magparami. Para mangyari ‘yan, ikampanya na rin ang tunay na magpapatuloy ng pagtahak natin sa Daang Matuwid.

Hindi po ako nagbibiro pag tinitingnan ko ‘yung relo ko dahil parang nakikita ko na nanay ko sa harapan ko e. Ganito na lang po. Unang una, gusto ko magpaalam sa inyong lahat, gusto ko magpasalamat at talagang sa pinakamalalim na parte po ng puso ko, dahil talaga hong karangalan at pribilehiyong paglingkuran ang dakilang lahing Pilipino.

Sa lahat ng pinagdaanan kong pagsubok, sa panahong nagtataka ‘yung iba bakit ang tatag ko raw. Sabi ko sa kanila: Alam niyo dalawa e — Una, may Diyos akong pinaniniwalaan na may magandang plano para sa’ting lahat. Pero ‘yung isa pang kasingbigat na konsiderasyon, sigurado ako pag ginagawa natin ‘yung tama, ‘yung taong bayan nasa likod natin at malalaktawan natin kung ano man ang hirap at problemang ating kasalukuyang hinaharap.

Kaya ulitin ko po sa inyo: Maraming maraming salamat sa pagkakataong binigay niyo sa’kin.

Ngayon ho, huli na lang ho talaga ‘no: Kasalukuyan ho nakatira sa’kin si Kris tsaka ‘yung dalawa kong pamangkin. Alam naman po niyo wala akong asawa, siyempre wala akong anak.

‘Yung si Bimby ho kaka-nine. Nine years old. At kung araw ho, may araw ho — ‘di ba tao naman ho ako e. Kung may araw na parang ang bigat ng problema mong dinadala, pagod ka na. Makalaro ko lang ho ‘yung bata, makausap ko ‘no. Naalala ko ‘yung ambisyon ko talaga: Itong batang ‘to paglaki ang pinaka-trahedyang mangyayari kung dadaan niya ‘yung lahat ng problemang dinaanan ko ‘nung ako’y lumalaki.

‘Di naman kailangan mangyari ‘yun, kayang-kaya natin talagang ituloy-tuloy na itong tuwid na landas na ating tinatahak para itong susunod na salinlahi titingnan tayo at masasabi: “Salamat sa pinamana niyong ‘di hamak mas maganda kaysa sa dinatnan niyo.”

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.