INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / by Rey Sampang
17 April 2016
 
SAMPANG: Nasa linya na po natin ang ating butihing Kalihim, Secretary Sonny Coloma, ng Presidential Communications Operations Office. Magandang umaga po, Secretary Coloma.

SEC. COLOMA: Magandang umaga sa iyo Rey, sa iyo, at sa lahat ng ating taga-subaybay.

SAMPANG: Secretary, thank you very much po uli sa pagpapaunlak po ninyo sa ating programa. Bago po ako magpatuloy dito sa ilang mga katanungan mula sa Malacañang Press Corps, baka mayroon po kayong nais na paunang mensahe o opening statement, Secretary?

SEC. COLOMA: Mainam siguro, Rey, tunghayan na natin ang mga tanong na nakahanda para sa umagang ito.

SAMPANG: Opo, maraming salamat Sec. At ang unang katanungan mula sa ating Malacañang Press Corps ay ito raw pong National Water Resources Board ay nag-confirm na mayroon daw pong increased evaporation ng tubig diyan po sa Angat Dam. Ano raw po ang ginagawang mga hakbang ng gobyerno upang mapawi iyong pangamba ng ating mga kababayan hinggil dito sa tinatawag na ‘water shortage’ partikular dito po sa Metro Manila.

SEC. COLOMA: Unang-una, Rey, ayon kay Secretary Babes Singson iyong kasalukuyang level, iyong water level at isinaalang-alang na diyan iyong actual usage sa evaporation. Kasi nga, napaghahandaan naman iyong pag-init ng panahon at tinataya na nila kung paano pa iyong magiging supply ng tubig, kung naisaalang-alang na iyong mga kundisyon na katulad ng binanggit mo ‘no, na increased evaporation. Ayon sa National Water Resources Board, na pinangungunahan ni Secretary Singson, mayroon naman tayong sapat na tubig para sa Metro Manila. Gayunpaman, mahalaga pa rin iyong pagtitipid sa tubig at iyong pag-obserba ng mga hakbang na maipon natin lalong-lalo na sa… kung hindi naman kailangan ay huwag sayangin.

Kaya’t noong umpisa pa ay nakapaghanda na itong National Water Resources Board ng isang El Niño Preparedness Plan — na kung saan nakapaloob doon iyong Action Plans on Water Supply for Metro Manila — katuwang noong sitwasyon sa Angat Dam. At ito ay pinangangasiwaan ng isang El Niño Domestic Supply Management Task Force na binubuo nito ngang National Water Resources Board, MWSS, NIA o National Irrigation Administration, Maynilad at Manila Water.

So, noong isang taon ay nagtakda sila ng mga guidelines para sa alokasyon ng tubig, para nga maipon at matiyak iyong sapat na supply ng tubig. Sila rin ay—simula pa noong isang taon ay nagsasagawa na ng kampanya para mapaalam sa ating mga kababayan iyong kahalagahan ng water conservation, at nakipag-ugnayan din… patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga Metro Manila local government units hinggil dito.

Para naman sa irigasyon, sila ay nagbigay ng mga temporary permit para sa operasyon ng mga tinatawag na shallow tube well at small water impounding facilities. Kaya tuluy-tuloy iyong paghimok sa ating mga mamamayan na mag-ipon at huwag magsayang ng tubig; tuluy-tuloy din iyong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensiya para matiyak na magiging sapat ang ating supply ng tubig, lalo na iyong tubig na inumin.

SAMPANG: Okay, thank you very much po Sec. sa kasagutan sa ating unang katanungan. Dadako na po tayo para sa ating second question. Ito pong isang katanungan: Ano raw po ang reaksiyon ng Palasyo dito po sa naging statement ni US Defense Secretary Ash Carter na ito pong Estados Unidos ay ‘committed’ – “US is committed to back Philippines against coercion and intimidation amid China’s reaction that both countries like militarization of the region.” Ano pong reaksiyon ng Palasyo doon, Secretary?

SEC. COLOMA: Ang malayang nabigasyon at malayang paglalakbay na panghimpapawid o freedom of navigation at freedom of over flight sa West Philippine Sea ay mahahalagang batayang prinsipyo na itinataguyod ng Pilipinas at Estados Unidos. Anumang kaganapan na humahadlang o taliwas sa mga prinsipyong ito, ay lumilikha ng tensiyon at ligalig.

Kaya’t ang tugon dito ay ang pagpapatatag ng imprastrukturang pangseguridad sa ating rehiyon. Ang pag-iral ng international rule of law ang tinataguyod natin, habang higit pang ginagawang matibay ang istratehikong ugnayan ng dalawang bansa. Ito ang konteksto ng mga naging pahayag ni US Defense Secretary Ashton Carter sa kaniyang pagbisita sa ating bansa nitong nakaraang linggo. Pinahayag ng Estados Unidos ang patuloy na commitment nito sa Pilipinas bilang isang mahalagang “ally” sa pagtataguyod at pagpapatibay ng ating maritime security at maritime domain awareness capabilities, at maging ang ating kakayahan sa aspeto ng humanitarian assistance at disaster response alinsunod sa mga nakasaad na probisyon ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Tulad ng nabanggit din ni Defense Secretary Voltaire Gazmin, patuloy na pinagbubuti ng dalawang bansa ang umiiral na pagtutulungan upang tugunan ang mga common security concerns. So iyan ang tugon natin, Rey.

SAMPANG: Opo, thank you very much po Secretary. Sec., mayroon lang pong mga pahabol na tanong dito mula sa ating Malacañang Press Corps. I hope mabigyan daan po natin ano po, Sec. Itong isang tanong po ay, noon daw pong Biyernes nagkaroon ng alert notice sa Luzon Grid. Ano raw po ba ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan hinggil naman sa kasalukuyang sitwasyon ng supply ng kuryente.

SEC. COLOMA: Mainam na tinanong mo iyan ‘no. Tinalakay natin iyan sa ating regular na press briefing noong Biyernes, at sinabi natin na patuloy iyong konsultasyon at inspeksiyon na isinasagawa ni Secretary Zenaida Monsada at ng pangkat ng Department of Energy sa lahat ng mahalagang instalasyon natin ‘no, sa electric power sa Luzon, Visayas at Mindanao dahil nga sa umiiral na tight supply situation. Batid natin iyong nararanasan nating heightened heat index ‘no, talaga naman pong napakainit ng panahon ngayon at tumataas iyong temperature, kaya’t talagang lumalakas din ang paggamit ng kuryente.

Kasabay din diyan iyong mga nakatakdang maintenance schedule para sa mga power plant, at mayroon din namang mga nagaganap na hindi inaasahan o “forced outage”. Kaya lahat ng iyan ay sinusubaybayang masinsin ng ating Department of Energy. Ang layunin nila ay matiyak iyong pagiging maaasahan o reliability ng supply ng kuryente.

At nais ko ring iulat na nitong nakaraang Biyernes ay nasaksihan natin kung paano umiiral iyong kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng private sector. Noon kasing nakaraang Biyernes, dahil sa outage ng Kalayaan 3 and 4 Power Plant at Malaya 2, itong National Grid Corporation of the Philippines ay nagdeklara ng deficiency ng supply na magaganap sa pagitan ng ala una hanggang alas dos ng hapon, na nasa antas ng 223 megawatts at sa pagitan ng 2 o’clock at 3 o’clock p.m. noon ding nakaraang Biyernes, na humigi’t kumulang 127 megawatts.

Dahil dito, nagpalabas ang NGCP ng “Yellow Alert Status” noong umaga, na itinaas pa nila into a “Red Alert Status” sa bandang tanghali. Ngunit ito ay natugunan sa pamamagitan ng Interruptible Load Program – ito iyong boluntaryong pagtulong ng pribadong sektor na kung saan isandaan at dalawampu’t isa (121) ILP participants ay nagbigay ng kontribusyon na 247 megawatts mula sa kanilang generating capacity ‘no, iyong mga gensets nila. At dahil dito, iyong Meralco ay nakakilos para mag-prevent ng rotating brownout na sana ay nakaapekto sa mahigit sa dalawandaan at walumpung libong customer doon sa 1 to 2 p.m. at halos 290 thousand customers doon sa 2 to 3 p.m. Kaya’t ito ay napakagandang halimbawa kung paano iyong napapanahong pagkilos ng pribadong sektor na tumutulong sa ating pamahalaan ay nakatulong sa pagtugon sa isang sitwasyon ng kakulangan ng supply ng elektrisidad.

Dagdag pa riyan, sinabi din ni Secretary Monsada na iyong Visayas, iyong kabuuang ng Visayas, ay nailagay din sa Yellow Alert noong Biyernes, bandang ika-pito ng gabi. Ngunit ito ay naagapan at naibalik sa Normal Status dahil iyon pong power supply natin sa Luzon ay nai-export po natin doon sa Visayas grid sa tulong ng operation noong Pagbilao Plant. Kaya makikita natin, kapag mayroong sapat na paghahanda ay naiibsan naman iyong kakulangan mula sa isang lugar sa pamamagitan ng pagbibigay ng supply doon sa lugar na puwedeng mag-contribute sa supply ng ibang lugar.

At mapapansin din natin na mayroong specific time interval doon sa pagre-raise noong Red Alert kaya napapaghandaan ito, hindi hula-hula. Alam iyong projected and actual load sa partikular na oras; kaya’t napapanahon din at nasa tamang oras din iyong pagtugon sa pangangailangan. Kaya’t iyan ang ating gustong ipaalam sa ating mga kababayan: bagama’t mayroong supply tightness — dahil nga doon sa tumitinding init at iyong pagsasagawa ng maintenance — masinsing tinututukan pa rin ng ating Department of Energy ang sitwasyon. At patuloy rin naman tayong humihimok sa ating mga kababayan na tumulong din kung mayroong panahon; halimbawa ay kung pagabi na, hindi na naman ganoon kainit – baka naman makapagtipid din tayo nang konti sa kuryente at magsagawa na rin ng iba pang energy conservation measures, Rey.

SAMPANG: Opo. Magandang ano po, Secretary, pagtutulungan mula sa government at sa private sector. Sana nga ho… iyong ilang mga malls, Secretary, kung hindi ako nagkakamali, mayroon naman silang mga solar panel na nagiging source din nila ng alternative electricity. Sana lahat noong mga malls siguro ganoon, Sec.?

SEC. COLOMA: Iyon ang ating inaasam din ‘no, na mayroon tayong patutunguhang direksiyon na kung saan ay binabawasan na natin iyong ating paggamit ng mga energy sources na hindi renewable. Pero sa ngayon ang importante pa rin ay iyong pagtitiyak natin na magkakaroon ng sapat na supply ng kuryente para sa ating mga mamamayan.
At banggitin na natin — dahil tiyak naman na pinag-iisapan ‘to ng ating mga kababayan — pinaghahandaan din natin iyong pambansang halalan, at nais ng Department of Energy na matiyak ang kasapatan ng supply ng kuryente sa pagsasagawa ng ating pambansang halalan.

SAMPANG: Nabanggit ninyo iyan, Sec. Alam ninyo minsan may lumalabas na mga isyu na… alam ninyo na, mga black propaganda. Sinasabi sasadyain daw, talagang magkakaroon daw po ng brownout pagdating ng halalan.

SEC. COLOMA: Walang batayan at walang katuwiran at walang katotohanang iyan, Rey. Sa kabilang banda, talaga namang puspusan iyong paghahanda at puspusan din—masinsin ang pagtutok ng ating Department of Energy sa sitwasyon. At sa naipakita nga nating halimbawa, ay mainam ang kooperasyon sa pagitan ng ating pamahalaan at ng ating pribadong sektor para matiyak iyong kasapatan ng supply ng kuryente.

SAMPANG: Okay. Maraming salamat po, Secretary. Maraming-maraming salamat, not unless mayroon pa ho kayong ibang nais na iparating na mensahe sa ating mga tagapakinig, Sec.

SEC. COLOMA: Hanggang doon na lamang tayo sa ngayon. At batid naman ng ating mga kagawad ng Malacañang Press Corps — iyong kaparaanan ‘no — kung mayroon pa silang mga karagdagang tanong ay handa tayong tumugon doon.

SAMPANG: Maraming salamat po, Secretary Coloma. Maraming salamat, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat din Rey, at magandang umaga.

SAMPANG: Ang atin pong butihing Kalihim, Secretary Sonny Coloma ng Presidential Communications Operations Office.

SOURCE: NIB-Transcription