President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Tarlac
Ma. Cristina Freedom Park, Provincial Capitol Grounds, Tarlac City, Tarlac
11 April 2016
 
Alam ba ninyo, noong tumakbo tayo noong 2010, ang unang araw ng kampanya ay dito sa Tarlac. At ipinaalala sa atin, ang huling araw ng kampanya, dito rin po sa Tarlac. Ngayon naman po, hindi na ako kumakampanya para sa sarili ko. Kumbaga, ito na ang pagpapaalam ko sa inyo. 80 days na lang ho ang natitira sa terminong ibinigay ninyo sa akin. Siguro ho magandang magbalik-tanaw tayo.

Pero bago ho noon, ikukuwento ko lang sa inyo: Sa ibang lugar kasi pag napupunta ako, nagpapakilala ako kung minsan. Ang sabi ko, “Ako po ang paboritong anak na lalaki ng mga magulang ko.” [Tawanan] Ngayon po, sabi ko, ako po’y galing Tarlac. At nakuwento sa akin sa Tarlac na minsan, meron tayong isang retiradong kailangang pumunta ng Maynila dahil may aayusin na papeles para sa kanyang pensyon.

Itong matandang retiradong ito, nagkataon na ginusto niyang mag-alaga ng kalabaw. At itong kalabaw, ginawa niyang parang aso. Iyun bang maliit pa lang, sinanay na niyang sunod nang sunod sa kanya. Maski saan siya nagpupunta, sumusunod yung kalabaw sa kanya.

Dumating yung araw na kailangan na niyang pumunta ng Maynila para ayusin ang papeles ng kanyang benepisyo. Sumakay siya sa Rabbit [bus liner]. Pagsakay niya sa Rabbit, sabi sa kanya ng konduktor, “Boss, sandali lang. Pantao lang itong bus. Hindi puwede lang kalabaw mo.” Sabi ng tao ngayon, “Aba’y pabayaan mo yang kalabaw ko. Marunong yan.”

Pag-alis ng bus, nasa highway na, sumusunod yung kalabaw dahil iyon ang kinaugalian—sundan ang kanyang amo. Napalingon yung driver, “Baka maaksidente itong kalabaw, o makaaksidente itong kalabaw. Paspasan ko na kaya para maiwan ko na.” Pinaspasan niya. Noong trenta, kuwarenta, lingon siya, “Aba’y sumusunod yung kalabaw. Kulang pa yata.” Ginawa niyang 70 kph ang tinatakbo niya. “Dito maiiwan ka na.”

Paglingon niya, nakita niya yung kalabaw. Yung dila, nakalabas. Sabi niya ngayon sa tao, “Boss, yung kalabaw mo, nakalabas yung dila. Mukhang pagod na.” Sabi ng may-ari, “Pakitingnan nga kung saan nakatingin yung dila.” Tumingin yung driver sa rearview mirror, “Sa kaliwa po.” “Ah, mag-iingat ka. Mag-oovertake yan.”

Pag nagpapakilala ako, “Ganyan kami sa Tarlac. Pati kalabaw namin, kakaiba.”

Alam ho niyo, ang buhay ng Presidente—palagay ko maiintindihan ninyo—hindi madali. Pati noong kampanya, dumating ang isang panahon na ang nasirang asawa ni Leni, si Jesse, meron kaming mga sortie sa Kabikulan. Sa loob ng 24 oras, binigyan niya ako ng 21 engagements. Isipin ninyo, 21. Siyempre bawat pupuntahan mo, mahina na ang trenta minutos. Kung minsan, isang oras, may biyahe pa.

Kaya minsan, talagang madaling-araw na ho, magkakatabi kami sa bus, sabi ko sa kasama ko, “Rico, pakisabi muna kay Jesse, yung kalabaw marunong ding umiyak.” Kaya ho nakuwento ko sa inyo yung kalabaw. Pero iwanan na ho natin ang kalabaw. Lumingon tayo sa lumipas.

Alam ninyo, noong naging kongresista ako—sa pahintulot ninyo, sa malasakit ninyo—may napagtulong-tulungan tayo. Pero pangalawa, marami kayong itinuro sa akin kung ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng maging tunay na lingkod-bayan. Bigyan ko kayo ng mga halimbawa ng pinagtulong-tulungan natin noon.

Di ba noong araw, itong San Roque Junction, basta umulan, may baha. Tapos tinatanong ko, “Bakit kaya tatlong linggo nang napakatingkad ng araw, may baha pa rin doon?” Pumayag kayo na yung PDAF nating napupunta sa proyekto ng barangay, huwag muna sa barangay, inayos natin yung Masalasak Creek para tuloy-tuloy na umaagos yung tubig, para mabilis bumaba yung tubig. Wala na yung tatlong linggo, nandoon pa rin yung tubig.

Dito sa paligid ng Kapitolyo, naalala ko noong araw ng unang kong takbo, meron isang eskinita na parating napupunuan ng tubig at nagkakaroon ng nabubulok na kung ano-ano. Ang dinadaanan doon, mga gulong na luma. Siyempre, yung gulong, walang inner tube, pag inapakan mo, lulubog. Pag nagkamali ka ng apak, nadulas-dulas ka doon, magsi-swimming ka ngayon doon sa nabubulok na tubig. Yung mga nakakaalala noong panahon na iyon, ang tawag natin doon ay “The Rubber Bridge.” Siyempre, wala na rin ho iyan. Pati yung MacArthur highway, sirang-sira. Kada tag-ulan mababaha. Kaya nga inayos yung Masalasak Creek, at taon-taon, ipinaglalaban natin yan.

Siguro ang pinakaimportante, kanina dinalaw ko ang Tagumbao Bridge. Ano ba yung Tagumbao Bridge? Sembrano, bayan ng Gerona, at saka Tagumbao, magkabilang pampang ng ilog. Ang problema, kapag tag-ulan, rumaragasa. Hindi makatawid yung tao sa ilog dahil rumaragasa yung tubig. Yung taga-Gerona sa [Westen], yung western portion ng Gerona, pupunta ng Sta. Ignacia, pupunta dito sa Tarlac City, para makapunta sa poblasyon ng Gerona. Pag tag-ulan, nagmistulang dalawang bayan ang Gerona.

Noong una akong tumakbo, iyon ang matinding pakiusap. At sa totoo lang, nakita ko naman ang pangangailangan. Nakiusap tayo bilang kongresista, ipinaglaban natin sa budget, hinamon ko po ang DPWH noong araw. Sabi ko, “Yung tatlong taong termino ko, ibigay ko na sa inyo yung buong PDAF. Gawin natin itong tulay.” Ang sagot sa akin ng DPWH noong panahong iyon, hindi raw sila puwedeng mag-umpisa ng proyekto kung hindi buo. Hindi raw puwedeng installment plan. Ang problema, taon-taon, rumaragasa yung tubig. Pagragasa ng tubig, siyempre, lalawak nang lalawak yung pampang. Yung hindi puwedeng magawa noon, lalong hindi magagawa habang tumatakbo ang panahon dahil pataas nang pataas ang presyo. At kanina, talagang pinakiusapan ko kung puwede nating dalawin yang Tagumbao Bridge na yan. At talaga naman pong maganda yung tulay, pulido ang trabaho, at pinakamabigat nga ho doon: May estimate na halos P380 million, P108 million po naiaward yung kontrata. Tapos na yung tulay, may savings pa tayo. Ganoon po ang Daang Matuwid.

Sabi ko parati, kayo ang mga Boss ko. Hindi naman ako nagtataas ng bangko, pero gusto kong malaman niyo ang pinagtulong-tulungan natin, kung saan po napunta.

Isa-isa ho natin: Noong 2005 hanggang 2010, ang ibinigay sa ating pondo ng national government para sa imprastruktura, nagkakahalaga ng P2.06 billion. Malaki-laki na rin pala. Pero noong tayo na po ang nakaupo, at hindi lang sa Tarlac ha, sa lahat ng lugar ng Pilipinas, ganito po ang nangyari: Yung dating P2.06 million na napunta sa Tarlac, tayo po mula 2011 hanggang hanggang 2016—sa imprastruktura pa lang, hindi pa kasama ang Balog-Balog—P13.61 billion na po ang naipasok natin.

Kanina po, nag-groundbreaking ceremony tayo sa Clark Green City. Sa totoo lang po, iisipin natin Clark—Clark Airport, nasaan ba yan? Nasa Pampanga. Yung Clark Green City po, sa Capas gagawin yan. Ano ang proyektong iyan? P607 billion po. Magkakaroon ng 1.1 million residents, 800,000 ang magtatrabaho. Kung ikukumpara po ninyo, kulang-kulang 10,000 ektarya ang gagawing makabagong komunidad. Kung tayo po ay napunta na sa Bonifacio Global City, isipin ninyo ang BGC na pinalaki nang pinalaki, dahil kulang-kulang lang ito sa 200 ektarya. Ito ho pag natapos, 10,000 ektarya halos ang gagawin ngang panibagong komunidad na talagang resilient sa epekto ng global climate change; marami yung green technology at renewable; malayo sa pagbaha; maraming trabaho, eskwelahan, at gamutan. Kanina nga po ang groundbreaking. Yung unang katumbas na ng Bonifacio Global City, inuumpisahan nang i-construct.

Balik ho tayo dito sa iba pang mga proyekto—nakuwento ko na sa inyo yung Tagumbao Bridge: Yung atin pong mga highway, yung Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway, dalawang bahagi na po ang natapos; yung Paniqui-Moncada section ng MacArthur o Manila North Road; yung Sapang Burgos na tulay sa paniqui. Mag-uumpisa na rin po yung ating Central Luzon Link Expressway, tatlumpung kilometrong kalsadang mag-uugnay sa Tarlac City patungong Cabanatuan City.

Lahat ho mga kalsadang ito, bahagi lang ng 18,000 kilometrong national roads na naipatayo natin sa panahon ng ating panunungkulan, kasama na yung 107,000 lineal meters na mga tulay.

Sa flood control: Ngayong 2016 lang, nakapaglaan na tayo ng halagang P1.02 billion. Ginagamit po natin ito para sa major rivers tulad ng Camiling River, Tarlac River, at Rio Chico River.

Para suportahan ang ating mga magsasaka, mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng P727.44 million sa pagpapagawa ng farm-to-market road projects, at P10.59 billion para sa sistema ng irigasyon. Kabilang dito ang Balog-Balog Multipurpose Project Phase 2 na panahon pa ng ating ina inumpisahan. Nariyan din ang Mapalad Small Water Impounding Project at Rehabilitation and Repair of the Tarlac-San Miguel-O’Donnel River Integrated Irrigation System.

Mula 2011 hanggang 2015, nakapaglaan na rin tayo dito ng P245.48 million para sa production at postharvest machineries and equipment. Meron na rin pong 20 Shared Service Facilities mula 2013 hanggang 2015, na umabot sa P7.02 million ang halaga.

Sa classrooms naman po: Kanina, nag-turnover tayo ng pinakabagong anim na silid-aralan para sa Corazon C. Aquino High School, kasama ang 22 nauna sa lugar na iyan; 28 na po, kabilang yan sa matatapos na 1,855 na classroom po sa kabuuang Tarlac; bahagi naman ng kabuuang 185,000 classrooms sa buong Pilipinas.

Diinan ko lang po sa edukasyon: Noong ako po ang kongresista ninyo, kayo ang testigo. Makakuha tayo ng walo hanggang sampung classroom para sa second district of Tarlac, malaking bagay na. Dahil binigyan ninyo ako ng pahintulot na mamuno tayo, ibig sabihin, aangat pa lalo ang Pilipinas.

Dati, ang budget ho kasi ng gobyerno, walong libong classroom, paghahati-hatian sa buong Pilipinas. Noong dumating po tayo, nagkaroon ng imbentaryo: Ilan ang kulang na classroom ng Pilipinas? Yung dinatnan lang natin, 66,800. Eight thousand na classroom kada taon, anim na taon ang ibinigay ninyo sa akin, matatapos tayo, 48,000. E ang utang, 66,800. Aalis akong may utang pa.

Pero dahil magaling si Bro. Armin Luistro ng ating DepEd, mahusay ang ginawa ng DPWH, maraming tumulong, may PPP Project pa ho diyan. Ulitin ko po sa inyo: Dati nakakaya natin ang walo hanggang sampung classroom kada distrito. Ngayon po, ang matatapos bago tayo bumaba, 185,000 na classroom. [Palakpakan] At hindi lang ho yung dinatnan na utang, yung K to 12 na dagdag, yung trenta hanggang apatnapung taong building na kailangan nang palitan, lahat ho yan matutugunan na.

Siyempre, alam naman po ninyo na natugunan na natin yung kakulangan sa silya, sa libro, pati sa mga guro. Sa guro, kulang-kulang 145,000 po yata ang ating mga bagong guro sa ilalim ng Daang Matuwid.

Sitio Electrification Program po: Ang sabi sa atin noong araw, lahat ng barangay sa Pilipinas, napakuryentehan na. Ang di po nasabi dahil ibinulong lang, yung barangay pala kapag naikabit sa barangay hall [yung kuryente], ililista na nila na yung [mismong] barangay na ganito ay may kuryente na. Hindi ho niliwanag na yung barangay hall ay may kuryente na, pero yung mga sitio ay wala. Noong 2011 ho, nagpatala tayo. Ang sabi sa atin, 32,441 na sitio sa buong Pilipinas ay walang kuryente. At nitong March ho ng taong kasalukuyan, natapos na ho natin ang 32,441 na sitio. Lahat sila, may kuryente na. [Palakpakan] Sana po wag puro teleserye at kantahan sa karaoke ang napala.

Sa totoo lang ho, nakausap natin ang tumatakbong Vice Mayor sa Gerona, si Boy Agudo, sabi niya sa akin, “Hindi po tama yan. May kulang pa kami sa Gerona.” Kanina ho galing tayong Gerona, sabi niya noong Pebrero naihabol, itong Marso na rin ho, nagkaroon ng kuryente.

Sa TESDA po: 16,351 na ang graduates dito sa Tarlac mula 2010 hanggang 2015 sa TWSP na pinangunahan ng ating butihing Tesdaman. [Palakpakan] Ang maganda nito, bahagi sila ng 9 milyong graduates ng technical vocational education sa bansa. Hindi ko sinasabing 9 million ang scholars po ng TESDA. Yung iba kasi, dalawa o tatlong kurso ang kinukuha. Ang magandang balita po, yung dinatnan natin, ang nagkakaroon ng trabaho pagtapos ng anim na buwan, pagtapos ng training, 28.5 percent lang. Sa Daang Matuwid po, 72 percent ng dumaan ng training na ito, sa loob ng anim na buwan, nagkaroon ng trabaho. [Palakpakan]

Sa totoo rin ho, merong programa ang TESDA kasama ang Coca-Cola. Tinuturuan ultimo ang sari-sari store owner kung paano palakasin ang kita nila. Yung isa hong nakakuwentuhan ko, mula P800 kinikita araw-araw ng kanyang sari-sari store, ngayon po, P5,000 kada araw. Ano po ang ibig sabihin noon? P5,000 sa 30 araw sa loob ng isang buwan, P150,000 po iyon. Ang suweldo po kasi ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, P120,000. Sa madaling salita, pagtapos ko po dito, siguro magandang mag-apply ako sa TESDA para lumaki-laki naman ang suweldo ko.

Sa Pantawid Pamilya Pilipino Program, dinatnan natin, hindi naman umabot ng 800,000, pero 780,000 mahigit na kabahayan lang po ang nasusuportahan. Ngayon po, matatapos na natin yung huling 200,000 na kabahayan. Last year ho kasi nasa 4.4 milyong pamilya na tayong tinutulungan; ngayon po, 4.6 na kabahayan ang tinutulugan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. [Palakpakan] Siyempre ang Tarlac hindi mapupuwera dito. Alam niyo, yung Batangas, yung Cavite—nakalimutan ko yung isa pang lugar, yung sa mga nadadalaw ko lang ho ngayon—noong araw, ni isang kabahayan hindi tinutulungan ng Pantawid Pamilya. Ngayon po nandiyan, pare-pareho na tayo, may 49,000, may 59,000. Dito sa Tarlac, ulitin ko lang po, 39,400 na po ang tinutulungan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Gusto pa ba niyo itong iba pang report? Medyo mahaba ho yung report.

Sa Health Facilities Enhancement Program sa Tarlac lang, P414.57 million po ang ginamit natin para mapaunlad ang ating barangay health stations, rural health units, urban health centers, at mga ospital sa mga munisipalidad at lungsod. Kabilang na raw dito ang Tarlac Provincial Hospital, kung saan nagpapatayo tayo ng Four-storey Outpatient Department and Ward Building. [Palakpakan] Siyempre, puwera pa doon sa ospital ay membership sa PhilHealth. Ang PhilHealth, nasa 93 percent na po ng Pilipino ang saklaw. Marami pang iba pero baka sabihin niyo umabot tayo hanggang bukas, hindi pa tayo tapos doon sa report.

Ang gusto ko lang ho ipagdiinan: Sino ba yung Noynoy Aquino? Noong araw, paboritong anak lang na lalaki ng magulang niya, pero dahil kinilala niyo, binigyan niyo ng pagkakataon, tayo po ang namuno dito sa Daang Matuwid at lahat ng pagbabagong nangyari dito nag-umpisa dito sa Tarlac. Kayo po ang nagbigay ng tiwala, kayo ang nagbigay ng pagkakataon, kaya palagay ko naman po nakatingin ang buong Pilipinas na talaga namang maganda ang halimbawang ginawa ng Tarlac.

Ngayon po, noong ako po ay tinatanong [noong] 2009, “Puwede ka bang tumakbo?” Ang natural ko hong unang sagot, sabi ko, “Bakit ako patatakbuhin niyo? Ako ang tumututol sa lahat ng kalokohang ginawa ng nakaupong kasalukyan. Tapos sa akin niyo ipapasa yung pagsasaayos ng lahat ng problemang iiwan niya?” Sa bigat ng mga problemang iyan, suwerte na akong di ipagtabuyan diyan sa Malacañang dahil ang bigat talaga ng mga problemang iniwan sa atin. Batid po niyo yan.

Kung magpapaalala tayo ng example: Kunyari ho, parang may kontrata silang pinapasukan kung saan ide-dredge yung Laguna Lake dahil pararamihin raw yung tubig na laman nito. Kukuha ng putik, yung silt ng lake. Tinanong ko, “Saan niyo dadalhin yung ide-dredge niyo?” Sagot sa akin, “Ililipat.” “Ililipat saan?” “Sa kabilang bahagi ng lawa.” So kumuha ka dito, dinala mo sa parehong lawa, nandoon pa rin sa lawa. Sabi nga noong bata kami, “Ano ang nangyari? E di lawa rin.” Wala.

Para maglaro tayo ng putik—putik natin, nasa Pilipinas yun—ang gagastusin natin—mura lang naman raw: P18.7 billion. Yung perang yun, parang apat na housing na ginawa natin sa uniform services ang puwede nating naipagawa. Pero doon dadalhin. Ano ba ang pakinabang natin? Dadami ba yung tubig na kapasidad? Hindi. Nandoon pa rin yung putik. Gaganda ba? Parang talagang ganoong klase ang iniwan na proyekto sa atin.

Meron pang isa, at ito mga unang apat na buwan, kakaupo ko at wala masyadong may alam nito noon: Investment Competitiveness Fund ang tawag nila. Pinangakuan ang apat na kumpanya na may limang lokasyon sa Pilipinas: Manatili kayo sa Pilipinas, ginagarantiya namin ang kuryente niyo sa 10, 15, hanggang 20 taon. Ano ang problema doon? E 42 percent ng energy na kailangan natin para magkaroon ng kuryente, inaangkat natin. Ibig sabihin, hindi tayo magtatakda ng presyo noon. Kung ano ang presyo sa merkado, yun ang kailangan natin bayaran. Pabago-bago yung presyo ng gagamitin para magkaroon tayo ng kuryente, tapos ibebenta mo, hindi puwedeng tumaas. Fixed e.

Mura lang naman raw ang ibabayad natin. Yung unang estimate diyan: P41 billion ang ibabayad natin doon sa apat na kumpanya. Masakit pa ho noon, merong mga ibang kumpanya, parehong negosyo, merong equal protection clause ang ating Saligang Batas, puwede rin sila humirit. At pag ibinayad natin lahat doon, kung hindi naging matagumpay ang ating negosasyon, ay talagang wala tayong nagawa. Wala tayong ginawa kundi bayaran lahat ng utang na ipinamana sa atin.

Mga kapatid, mga Boss, simple lang naman ho siguro ang pakay ko sa inyo ngayong araw na ito: Lahat ng ginawa natin—na ang dami hong testimonyal ng ano ba ang nangyari sa amin dahil sa Pantawid, ano ba ang nangyari sa amin dahil pinalawak ang coverage ng PhilHealth, hindi lang sa member, pero pati na sa sakit. Ano ba ang pakinabang namin sa bagong farm-to-market road? At maraming iba pang bagay. Lahat ng nagawa natin, puwedeng ginawa ng lahat ng nauna sa atin, hindi ho ba? Pare-pareho ang pagkakataon namin. Ang tanong dito: Ginawa ba ninyo? At pag hindi niyo ginawa, itatanong naman natin: Bakit hindi ninyo ginawa? Bakit iba yung naging pakay niyo?

Sabi nga ng isang malapit sa akin, “Yung pinalitan mo, ang hindi ko mapapatawad, sampung taon halos ng buhay natin, [siyam at kalahating taon siya nakaupo] puwedeng inumpisahan yung malawakang PhilHealth noong panahong yun. Puwedeng inumpisahan yung malawakang Pantawid Pamilya na lahat ng talagang nasa laylayan ng lipunan inumpisahan nang alalayan. Malamang may mga nakagraduate na silang mga anak, nakapagtapos na ng high school, natulungan na ng TESDA, may maganda nang trabaho, pero hindi nangyari.” Tayo, at ulitin ko, tayo, kayo ang nagbigay sa akin ng pagkakataon. Siyempre, kasama kayo doon sa “tayo ang gumawa ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon sa atin pong lipunan.” [Palakpakan]

Papansinin ho niyo ang aming t-shirt, kanya-kanya. Ano ibig sabihin niyan? Hindi naman kami nagnakaw ng limpak-limpak na pera na kaya namin magpamudmod ng t-shirt. Ang meron kami, sipag. Ang meron kami, talagang nakatutok kami sa kapakanan niyo. Ang meron kami, talagang mahal namin kayo—hindi sa salita, mas importante pa, sa gawa. [Palakpakan]

Ngayon, paano kung isang araw—at siguro gamitin ko na yung isang nakita kong maybahay na napakinggan. At ilan kaya ang parehong sitwasyon sa atin, dahil yung iba hong kuwento, mas masakit pa. Pero ito, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, sabi niya sa akin: Siya raw po ay maybahay, pito ang anak. Ngayon, yung asawa niya, nilayasan sila. Mag-isa siya, inaalagaan yung pitong anak nila. Tapos sabi niya, ang hanapbuhay niya, patinda-tinda.

Sa Tagalog ho, medyo importante yung “patinda-tinda.” Pag ikaw ay nagtitinda, “Ano ang trabaho mo? Nagtitinda.” Pag sinabi mong “patinda-tinda,” kung minsan may natitinda ka, minsan wala. Kung minsan may kikitain ka parang pantustos sa pamilya mo, kung minsan wala. Sabi po niya sa kanyang testimonya, dahil raw ho sa Pantawid Pamilya, tatlo na po doon sa pitong anak niya ang nakapagtapos na raw ng high school, may trabaho nang permanente, katulong na niya sa pagpapalaki ng apat. [Palakpakan]

Ngayon ho, kung saka-sakali dumating yang aleng yan, o iba pang ale—palagay ko dito sa Tarlac, may pareho ding ganyang kuwento—tumuntong sa entabladong ito, kinausap tayong lahat at ang sinabi sa atin, “Alam ho niyo, baka hindi man niyo alam, ang laki na ng naitulong niyo sa pamilya namin. Nakakatindig na kami sa sarili naming mga paa. Hindi kami lumapit sa inyo at humingi na bumunot kayo sa bulsa niyo para makiambag sa amin ng pambili ng bigas. Dito ho, talagang tinulungan niyo kami na magkaroon ng edukasyon yung anak, magkaroon ng trabaho pagkatapos noon, na siya namang ikinabubuhay na nila.” Kung tatanungin tayo, “Tinulungan niyo kami, hindi kayo nabibigatan. Baka hindi man niyo alam, natutulungan niyo kami.”

Ngayon po, magbabago [ang] administrasyon. Baka magbago na naman ang pananaw. Baka bumalik tayo sa panahon na wala na namang pakialam. Ulitin ko po, noong araw, 780,000 na kabahayan, ngayon po 4.6 million na kabahayan na ang tinutulungan natin. [Palakpakan] Sino kaya sa atin, pag nilapitan ng inang ito o iba pang miyembro ng lahat ng nakinabang dito sa Daang Matuwid, sinabihan tayo, “Kayo ho ba, hindi niyo ako tutulungan? Isusugal pa ba niyo yung nangyayari nang pagbabago sa amin? Kaya ba niyong isugal yung kinabukasan nitong aking natitirang apat na anak? Sila po pag napatapos ko na rin, kaming lahat hindi na niyo kargo.” Ilang beses tayong makakasabing nakakatulong tayo [na] hindi man natin alam?

Sabi nga ho ni Sec. Mel Sarmiento, sa kanila raw ho, kapag merong Parent-Teacher Association meeting, tumatakbo yung anak sa tatay niya at sasabihin sa tatay niya, “Patay, Tatay, ambagan na naman.” Dahil ganoon raw ho kapag PTA.

Uulitin ko lang po sa inyo: Lahat ng pangyayaring nagaganap sa kasalukuyan, nangyari ito, tumototoo kami sa pangako namin sa inyo. Na iiwanan natin yung Pilipinas, di hamak mas maganda sa ating dinatnan.

Yung mga pinapaaral sa kasalukuyan ng Pantawid Pamilya, siyempre hindi pa naman magga-graduate yan sa loob ng anim na taon—K-12 pa tayo ngayon. Yung mga natulungan na ng TESDA 72 percent, yung ibang mga industriya na talagang nakipag-ugnayan sa atin nang husto, 95 to 98 percent ang placement rate. Yung dami ng investors na pumapasok dito…

At baka makalimutan ko nga pala, yung isang kumpanya na nasa Concepcion, meron isang kumpanya, yung Luen Thai, gumagawa ng Coach na bags. Nakausap ko kamakailan yung may-ari at gusto pa niyang dagdagan yung kanilang libo-libong empleyado dito sa Tarlac. Baka makalimutan ko, bahala na si Vic na asikasuhin itong Luen Thai na talagang malaki naman ang itinutulong niyan.

Yang Clark Green City, meron na tayong partnership sa Filinvest na talagang itinatayo na nila yung unang phase na yan. Ang tanong po dito, dito sa samahang ito, hindi pangakong napako. Nangako kami, kayo ang testigo na nagkatatotoo.

Lahat ng kalaban ni Mar Roxas at ni Leni Robredo, ang pinakamaganda nang masasabi natin, “baka.” Baka higitan nila, sana nga, kung magagawa. Baka eksperyensado na sila, baka hindi magiging diktador, baka maging totoo ang sinasabi. Alam po niyo, isang kalaban ni Mar, sabi niya, “Yang 4Ps na yan, gagawin ko siyang 5Ps.” [Tawanan] Parang kilala niyo a. Pero kalahati lang yun. “At habang gagawin kong 5Ps yan, babawasan ko ang buwis.” [Tawanan]

Dito talaga sa Tarlac, hindi talaga umaandar ang ganyang linya, hindi ho ba? Kasi itong mga maybahay sa harap ko, pag ang mister niyo dumating sa bahay at sinabi, “Sa susunod na buwan, babawasan ko ang budget mo.” Titingin ka ngayon, medyo nag-uumpisa na magalit. “At pagkatapos kong binawasan ang budget mo, dagdagan mo yung bibilhin mo.” Kaya ho ba yun? Bakit kaya niya sinabing ang 4Ps gagawing 5Ps, babawasan pa ang buwis? Napagaling mo naman yata. Alam ko dito sa Tarlac, hindi tayo nabobola nang gnayan. [Palakpakan]

Meron naman katunggali si Leni Robredo, dinalaw raw tayo kamakailan, at ang ipinangako dito sa Tarlac, tatalunin niya ang mga kandidatong inendorso ko. Mangyayari kaya yun, mga kapatid? Parang palagay ko yung mga nakakatanda rito, naalala pa niyo yung panel na trak noong araw. [Tawanan] Sabi niya, “Handa akong humingi ng paumanhin kung alam ko lang kung ano dapat ang ihingi ko ng paumanhin.” Ano ibig sabihin noon? Tama ang lahat ng ginawa nila. E di pag tama, uulitin. E di pag inulit, ayos na naman tayong lahat nito.

Babalik ako mga kapatid: Si Mar at si Leni, baka hindi niyo kasingkilala. Bakit? Si Mar, ano ba ang ginawa? Nagtrabaho nang nagtrabaho. Wala sa ugali namin sa samahang ito, pag merong nangyaring sunog o ibang sakuna, “Takbo doon, unahan!” “Dito ako, magbibigay ng relief goods. Pag nabigay ko yung tatlong relief goods, alis na ako.” Si Mar, pag merong sakuna, nandoon, tulad noong Yolanda. Bago dumating, hinanda yung kakailanganin para maayos ang ating mga kababayan paghagupit ng bagyo. Naiwan hanggang naibalik yung tubig, yung kuryente, naayos yung kapulisan na nawala—dadalawampung pulis sa 290 ang naiwan doon. Pagkatapos noon, ang nababasa natin puro batikos sa kanya. Natatalo tayo ng mga naghatid ng ilang pirasong relief goods.

Si Leni naman ho—parang naalala ko talaga tatay at nanay ko. Sabi po ng dalawa, “Hindi nila maabot ang naabot nila kung hindi nila naging partner yung isa.” Alam niyo, tandang-tanda ko noong bata ako, ang lolo ko po, tatay ng nanay ko, pinoproblema dahil na-death sentence na ang daddy: death by musketry. Ang lolo ko po, si Lolo Pepe, nag-alok, “Puwede ba, ako na lang ang ikulong niyo? Pakawalan na niyo si Ninoy, paalisin niyo ng Pilipinas. Habang nakakulong ako, ako na ang garantiya na magbe-behave yang si Ninoy.” Lolo ko po, noong namatay, nasa mid-70s na rin po, may edad na. Ganyan niya kamahal ang tatay ko, “Ako na lang ang ikulong niyo. Palayain na niyo si Ninoy.” Tapos ang nangyari nga ho, sinentensyahan ng kamatayan ang tatay ko, nandito po siya sa Luisita, naglalakad doon sa hardin, pumutok yung isang ugat—cerebral hemorrhage ang tawag—namatay. Ako po, paniwala ko pinoproblema niya, kung paano niya matutulungan yung kanyang manugang na awang-awa siya.

Si Leni at si Jesse, pareho sila na talagang nagdamayan, nagtulungan, kaya naman yun, lahat ng naipakita ni Jesse, kung yung asawa niya wala nang sinabi kundi “Tumigil ka na diyan. Huwag na,” ay wala hong nangyari. Pero ang laki po talaga ang ipinakita at ipinamalas sa atin ni Jesse ng kung ano ang tinatawag na “tunay na paglilingkod-bayan.” Hindi yung nagsamantala, kung hindi yung talagang nakiambag, nakitulong, dumamay sa lahat ng problema.

Hindi ko nga kilala si Leni noong araw, minabuti ni Jesse na yung buhay ng pamilya niya ay ipuwera sa pulitika. Maganda naman sana na layunin mabigyan sila ng normal na buhay. Kaya noong dumating yung aksidente na kumuha ng buhay ni Jesse, doon ko unang nakausap si Leni. At noong nagkita kami, lampas 24 oras nang nawala si Jesse, paano mo sasabihin sa isang taong hindi mo ganoon kakilala na hindi maganda ang balita? Puwedeng, natural lang, maiyak siya nang husto. Natural lang na magalit siya. Ang dami hong puwedeng gawin. Pero doon ko talaga nakita kung gaano katatag itong si Leni, na talagang imbis na kami ang dumamay sa kanya sa panahon ng kawalan niya, tila masasabi namin na kami ang nabigyan ng lakas ng loob dahil merong Leni doon. Imbis na kami ang umalalay, siya ang umalalay sa amin. [Palakpakan] Nakita na rin po natin sa mga paninindigan niya sa iba’t ibang mga batas na kanya pong naipasa na rin.

Kaya ako po, babalikan ko, bakit si Mar? Si Mar hindi na kailangang mangako, kasama na natin dito sa Daang Matuwid, bago pa ng kampanya noong 2010. Noong kailangan maging oposisyon, ksama natin sa oposisyon. Noong kailangan patakbuhin itong bansang ito, ilagay sa tamang direksyon, kasama natin si Mar Roxas rin. Lahat ng hirap, puwede ko sanang masabi, sumunod siya sa akin. Sa Zamboanga, nauna siya. Sa Yolanda, nauna siya. Maraming pagkakataong nauna siya bilang Kalihim ng Interior and Local Government bago ako dumating. Yung nagawa ko po, ginawa na rin ni Mar. Pero pag tayo, nababasa sa diyaryo, siyempre ang binabanggit, “Si Mar umikot sa Samar, may bagyong dumating. Sarado ang kalsada, nagmotorsiklo.” Imbis na sinabing, “Umikot ang Kailihim ng Interior and Local government para malaman ang kalagayan ng ating mga kababayan na siyang trabaho niya.” Ang pinagmalaki doon, “Sumemplang yung motorsiklong sinasakyan ni Mar Roxas.” Iyan ang parehas.

Uulitin ko po sa inyo: Panahon ng ligawan. Yung mga nakangiti sa harapan ko, naalala niyo noong nililigawan kayo. Maraming nanligaw sa inyo, ang gaganda ng sinasabi, pero isa lang ang pinakasalan niyo. Dapat naman isa lang ang pinakasalan niyo. Pero ang punto ho: Sino ba ang pinakatotoo? Pinili niyo sa lahat ng lumapit sa inyo? Ganoon rin ho ito. Lahat ng magagandang salita, lahat ng pag-aayos ng buhok—buti na lang ho, konti lang ang inaayos ko—lahat ng gagawing paraan para “Ako po ang tangkilikin niyo” ang ginagawa ngayon. May mga poster diyan, yung mga litrato noong naggraduate sila ng high school ang nakakabit, maski na 50 years ago na yun.

Ano ba ang sinasabi namin? Ituloy ang Daang Matuwid. Yung nangyari sa atin, hindi ho ba, parang dapang-dapa tayo, tumayo tayo, natuto na tayong maglakad. Ang paglakad ngayon, siyempre susunod niyan, takbo. Lahat ng itinanim natin nitong anim na taon, nag-aani na tayo ngayon. Pero mas malaki pa yung susunod na ani, maliban lang kung papalitan natin yung namumuno sa atin. Sasabihin, “Imbis na diretso, gawa tayo ng left turn, right turn, u-turn.” Ayos tayo niyan.

Para sigurado tayo, dito tayo sa tumotoo na atin, na hindi puro pangako, pero puro gawa. Ang susunod pong pangulo, sa inyong pahintulot, walang iba po kundi si Mar Roxas.