President Benigno S. Aquino III’s Speech at the inspection of Tagumbao Bridge in Tarlac
Tagumbao Bridge, Gerona Tarlac
11 April 2016
 
Baka isa na ito sa huli kong beses na pagpunta dito bilang Pangulo niyo, hayaan na ninyo akong magbigay ng konting report. Ano ba ang napagtulong-tulungan natin sa Daang Matuwid?

Kanina binanggit yung anim na classroom. Ang sabi ko kaagad, “Anim na na classroom, pinangalanan niyo pang Corazon C. Aquino. Sa 185,000 na classroom na gagawin natin at ginawa sa buong Pilipinas, anim lang ang napunta sa Gerona.” Noon pala, doon sa lugar pong yun, 28 na. Bilang po niyan, doon sa 1,855 na classroom po ang ipinatayo natin o ipinapatayo na para sa lalawigan ng Tarlac lang. At kabilang nga po yung 28 doon po sa Corazon C. Aquino High School.

Sa infrastructure po kasi, noong mga taong 2005 hanggang 2010, ang inilaan para sa Tarlac ng aking pinalitan: P2.06 billion. Tayo naman po, mula 2011 hanggang 2016, sa imprastruktura—tulay, kalsada, flood control, at iba pa—nasa P13.6 billion na po. [Palakpakan] Parang 600 percent increase. Natapos na po natin ang dalawang bahagi ng TPLEX, ang Paniqui-Moncada Section ng Manila North Road, at ang Sapang Burgos Bridge. Kung hindi po niyo alam, yung Sapang Burgos po ay nasa Paniqui. Sa Hunyo naman, magsisimula na rin po yung panibagong malaking highway, ang tinatawag na Central Luzon Link Expressway—Tarlac City patungong Cabanatuan ito.

Sa buong bansa, sa halos anim na taon lang ng ating panunungkulan, 18,000 kilometro ng national roads, 107,000 lineal meters na mga tulay ang natapos na po natin.

Para suportahan ang ating mga magsasaka, P727.44 milyon sa pagpapagawa ng farm-to-market road projects, dito po sa Tarlac, P245 [million] naman po para sa production at post-harvest facilities. Ang P10.59 billion naman po, inilaan natin para sa sistema ng irigasyon sa Tarlac at ang pinakamalaking bahagi po nito ay ang Balog-Balog Multi-purpose Project Phase 2. Alam po niyo, panahon pa ng aking ina noong inalok sa atin ng Italian government na ifa-fund nila ito. Inumpisahan, nagbago gobyerno sa Italy, nagbago yung priority nila, nabinbin. Ngayon po, talangang pinag-aralan nang husto, sinigurado natin na walang makakakuwestiyon sa pagiging tama ng proyektong ito; inaasahan po natin na matatapos ang Balog-Balog ng mga tatlong taon—malaki talaga ho ito—2019. Ang flood control projects naman po: Nakapaglaan na tayo ng P1.02 billion para sa mga rivers ng Camiling, Tarlac, at Rio Chico River.

Sa edukasyon, nabanggit ko na po sa inyo kung gaano karaming classroom.

Pagdating sa kalusugan naman po: Nakapaglaan sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health, P414.57 million. Napunta po yan sa ating mga rural health units, barangay health stations, urban health centers, at ang ospital, kasama na raw ho ang Tarlac Provincial Hospital.

Isa pa pong gusto kong ibalita sa inyo: Yung Sitio Electrification Program, nagtala tayo ng mga sitiong walang kuryente noong 2011. At ibinalita nga po sa atin ng NEA na nitong Marso, o yung buwang kakalipas, natapos na po ang 100 percent, o dito sa Tarlac ay 410 na sitio. Nagkita kami ni Boy Agudo, kasama iba pa nating kasamahan sa Baguio noong Pebrero, kung saan nagreklamo siyang hindi raw totoo yun. Kaya pinuntahan siya ng NEA at ang sabi sa akin, “Boy, masaya ka na raw. Nakumpleto na lahat ng sitio. Wala na tayong utang dito sa Gerona.” [Palakpakan] Kita naman ho niyo, baka sabihin niyo mahina kayo sa akin. Sabi nga ni Dennis kanina, kailan lang humingi ng ambulansya, dineliver; Pebrero, hiningi ni Boy Agudo naman yung sitio, tapos na rin ng Marso, sabi sa akin. Ako lang ang mahina sayo talaga, Boy Agudo.

Yung Tagubao Bridge, malaki ho talaga. Nakita naman niyo kung gaano karaming zero ang gagastusin diyan. Alam niyo, noong congressman ako—at bigyan naman natin ng tamang kredito—ang isa sa una ho yatang narinig na magsalita tungkol dito ay si [Rolly Cembrano] noong time na yan, sumunod si [Jaime], sumunod si Dennis, na talagang inambisyon na magawa itong tulay na ito.

At noong panahong yun, bilang kongresista niyo, pumunta tayo sa dalawang project ng DPWH: ang Pampanga River Delta at saka yung Lower Agno. Nirereklamo ko po yung baha, naghahanap tayo ng paraan, paano ba tayo magkakaroon nitong tulay na ito? Ang sagot po sa akin ng bawat ahensya, hindi raw po nila saklaw yung Tarlac. Sabi ng Pampanga, pumunta ako sa Lower Agno na project. Pagpunta ko doon, sabi nila sa akin, hindi raw tayo saklaw nila, balik tayo sa Pampanga River Delta. Sa madaling salita, yung kinatawan niyo, ginawa nilang pingpong. Di ba, pabalik-balik, at walang nangyari?

Sa totoo lang po, tinanong ko sa DPWH. Merong tayong PDAF noong panahon na iyon, nagkakahalaga ng mga P40 million. Sabi ko, “Puwede bang i-commit ko na sa inyo ang buong PDAF ko para maitayo itong tulay na ito?” Ganoon kaimportante. [Palakpakan] Hindi ho tayo nagtagumpay. Ang sabi ho sa akin, hindi raw puwedeng installment plan. Kailan raw, punong-puno na ang pondo.

Ang problema ko po noong araw na iyon, siyempre pag tag-ulan, rumaragasa yung tubig, inuubos ang pampang, riverbank. Palaki nang palaki, palawak nang palawak. Yung dating mas makitid, mahal na. Siyempre pag lumawak, lalong magiging mahal. Si Dennis ang unang nagbanggit sa akin ng lahat ng tulay na nagamit sa lahar na hindi na natin ginagamit. Yan ang unang sinubukan nating gawin dito, at naitayo yata temporary.

Ngayon, nagkaroon tayo ng kalihim tulad ni Babes Singson. Ang estimate ay P375,250,000, ang ginastos ay naging P248 million. Nakatipid ho tayo ng [P108 million] doon sa proyekto.

Sa totoo lang ho, pag sinabi natin kung ano ba talaga ang Tuwid na Daan, yung Gerona, isang bayan pag tag-init; pag tag-ulan, merong [weste] at yung sentro. Pag pupunta yung weste sa kabayanan, sa poblasyon, dadaan ng Sta. Ignacia, dadaan ng Tarlac City, pupunta dito. Siyempre yung gastos, ang haba ng biyahe bigla, dagdag sa transportasyon, nabubugbog yung panina—binanggit nga sa atin kanina ng ating 4Ps na beneficiary.

Paano ba tayo nagdedesisyon kung anong proyekto? Simple lang ho: Ano ba ang pangangailangan ng tao? At dito nga ho, puwedeng itanong: Wala bang karapatan ang mga taga-Gerona na manatili sila sa isang bayan ke tag-init o tag-ulan? At ang kailangan lang ay ang tulay na ito.

Wala hong iniwan halos sa ating budget noong tayo’y nag-umpisa. Pinagsikapan natin yan, napalaki natin yung ekonomiya, dumagdag yung buwis, nagkaroon tayo ng kakayahan na maitayo ito. Pasensya na ho kayo, 2014 pa nagawa ito, ngayong 2016 ako nagawi dito. Pero sabi ko nga, gusto ko namang makita iyan dahil may panahon dati na akala ko napakaimposibleng magkaroon tayo ng ganitong tulay.

Sa eskwelahan ho, bakit ko binabanggit yung 1,800? Testigo po si Kapitan Tolentino, si Boy, at iba pang mga kapitan na kasama ko noong araw. Masuwerte nang magkaroon tayo ng walo hanggang sampung klasrum sa buong distrito. Kada taon, ang budget ay kaya lang suportahan ang walong libong klasrum sa buong Pilipinas. Pero dito nga ho sa Tarlac, ang matatapos na natin bago tayo bumaba, 1,855, kung tama ang tanda ko. At dahil iyon ang pangangailangan ng ating mga kababayan.

Sa Pantawid Pamilya po, dati may nasa 2,700 tayo yatang mga miyembro noong tayo’y unang naupo. Ngayon po, nasa 39,000 na ang nabibigyan ng ayuda ng estado, manatili lang ang anak sa eskwelahan at maalagaan din ang kalusugan para di hamak na pagtapos maski ng high school, mayroong kakayahan nang bago para may trabahong mas maganda. Inayos ho natin ang pag-aaral. Pag natapos, may TESDA. Kung gusto ninyong mag-TESDA na, mula 28.5 percent ang placement rate—yung nakahanap ng trabaho paggraduate—ngayon po, 72 percent na ang pag natapos ka, anim na buwan ay may trabaho ka na. At gusto natin talagang palawakin nang palawakin pa ang oportunidad na ito.

Siyempre, yung K to 12, humaba ang pag-aaral pero mas matututo yung bata. Siguraduhin nating matapos yung bata para di hamak na mas maganda ang magiging trabaho. Tama ho ba?

Ngayon, kayo ho at ako’y dito nakabilad. Okay lang sa akin. Pero nahihiya ako sa inyo—kayo ang Boss ko. Mga kasama, simpleng-simple lang naman po, lahat nitong ginawa natin sa anim na taon, puwede namang ginawa ito noong araw pero hindi ginawa. Kung dati, puwede tayong hindi pansinin, puwede tayong bumalik sa panahon na makakalimutan na naman ng mga uupo sa Malacañang kung sino ang Boss nila. Ang pinilit ko pong madama ninyo sa anim na taon ay ang poder na galing sa inyo kaya kayo talaga dapat ang Boss, yung pangangailangan niyo ang kaisa-isang pakay ng kung sinumang mamumuno. At iyon ang dapat asikasuhin.

Mga kasama, eleksyon na naman tayo. Nakita niyo ang mga poster na nagtutunggali. Alam po niyo kung sino ang sinusuportahan natin, pero babanggitin ko na rin ho: si Mar Roxas, si Leni Robredo, ang magpapatuloy ng ginawa natin sa Daang Matuwid. Paano nila maipagpapatuloy iyan kung di sila magkakaroon ng pagkakataon?

Ang turo sa akin, sumandal ako sa taumbayan—kaya nga “people power” ang parati nating sinasabi. Pagkatagal-tagal po, nakasandal ako sa inyong ayuda, sa inyong pagmamahal, at ito po ang napala natin. Ito, umpisa pa lang. Paarangkada na po tayo. Ituloy natin ang Daang Matuwid, ihalal natin dapat ang magpapatuloy nito at talagang tatanawin na kayo lang ang Boss, wala nang iba pa.

Samantalahin ko na po, uulit-ulitin ko: Pag nagawi ako ng Gerona, talagang dito, maski noong panahong nasa oposisyon ako, maski kung ano-anong banta ang inabot ko, dito ay napakarami talagang nagmamahal sa akin, safe na safe tayo dito at buo ang suporta ninyo. Kaya maraming-maraming salamat po.

Ang sarap sanang sabihing parang kailan lamang. Pero 18 years ago na po iyon noong nag-umpisa tayo na halos hindi tayo magkakilala. Mula noong hindi tayo magkakilala, grabe ang pagkabuo. Tingnan ninyo ang biglaang magrarally tayo dito, nandiyan kayo, talagang hindi nauubos ang pagmamahal ninyo sa akin. At ako ho, habang nabubuhay, pipilitin kong hindi rin maubos ang pagmamahal ko sa inyo.

Siyempre, banggitin ko na rin si Boy Agudo, dahil tumatakbong Vice Mayor. Siya ho ang namuno doon sa ating mga kapitan na sinamahan akong pag-ikot dito papalapit sa ating lahat. Sila rin ang nagsabi sa atin ng inyong mga problema, sila ang tumulong sa akin para matugunan ang mga suliraning hinarap po ninyo sa aming lahat. Matagal ko nang kasamahan ito, ang tingin ninyo ay mukhang kawawa, pero sigurado akong wala siyang kinakawawa. Siguro, isa lang ang mapapayo ko sayo, ang alam ko dito sa Gerona, malaki na ang tupig, masarap pa. Pag naging Vice Mayor ka, kailangan ipino-promote mo ang mga produkto ng bayan mo. E paalis na ako dito, wala ka pang inabot sa akin ni kalahating tupig, Mukhang nagkukulang ka. Kalimutan mo na ako, Boy, wag mo lang kalimutan ang mga taga-Gerona.

Mga kasama, pasensya na kayo, Presidente nga ako pero akala ng iba, tagautos lang ako nang tagautos. Sa totoo lang ho, inuutusan din ako ng lahat. At pag-uwi ho, kailangan alas singko kinse, nag-take off na pabalik ng Maynila. Hindi raw puwedeng bumiyahe nang madilim. E meron pa tayong isang pupuntahan sa Tarlac City naman.

Ulit-ulitin ko lang ho: Hindi ko kayo mapupuntahan araw-araw. Pakiusap sa ating mga kandidato, lapitan na natin yung wala dito. Hindi puwedeng bumoto lang tayo, dahil kinabukasan, lalo na ng maliliit, ng susunod na henerasyon, ang nakataya dito. Nasa kamay niyo kung saan tayo tutungo: Dito sa napruwebahan na kung ano ang ibig sabihin ng Daang Matuwid, o doon sa mga kalaban na “baka,” baka gawin ang tama, baka may magawa, baka may alam? Dito na tayo sa sigurado. At ang pangalan ng sigurado, Mar Roxas at Leni Robredo.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.