President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 74th Commemoration of the Araw ng Kagitingan
Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat Shrine Pilar, Bataan
09 April 2016
 
Ito na nga po ang ikaanim at huling Araw ng Kagitingang pamumunuan ko bilang inyong Pangulo. Taon-taon nga po nating siniguro ang ating pakikilahok sa komemorasyon, upang personal na magpasalamat at tumanaw ng sakripisyo ng ating mga beterano.

Kung pagtanaw nga po sa inyong sakripisyo ang usapan, tiyak ko pong malinaw sa inyo ang mga bunga ng Daang Matuwid. Pangunahin po sa ginawa nating reporma ay ang paglilinis ng listahan ng mga nakakatanggap ng ayuda, sa pamamagitan ng Pensioner’s Validation Program. Hindi naman po kasi tama na ang pondong inilaan sa inyo, ay hahatian o kukupitan pa ng mga hindi kuwalipikado.

Ngayon pong nalilinis na ang listahan, tiyak natin: Ang ayuda, makakarating sa inyo nang direkta. Para sa kalusugan ninyo at ng inyong mga dependents, nariyan ang Veterans Hospitalization Program. Sa nakaraang halos anim na taon, 10,600 mga beterano o mga kaanak ninyo ang libreng nakapagpagamot—hindi lang sa Veterans Memorial Medical Center, pero pati na sa 183 accredited na pampubliko at pribadong ospital sa buong bansa. Nasa halagang P91 million na nga po ang halagang naisukli ng taumbayan sa inyong sakripisyo sa ilalim ng programang ito.

Ang inyong daily hospitalization subsidy, tumaas na rin: Ang dating P1,200, ngayon, nasa P1,500 na. Bukod po dito, pinaganda rin natin nang husto ang VMMC: Mayroon na itong eye center; na-renovate na ang Operating Room Complex, Medical Intensive Care Unit, at Outpatient Department Complex; at napalawak ang Renal Dialysis Unit, Medical Intensive Therapy Unit, at Post-Anesthesia Care unit.

Sabay ng pangangalaga sa inyong kalusugan, nakatutok din tayo sa pag-aaruga ng kinabukasan. Sa edukasyon: Ang mga direct descendant ninyong mga beterano, maaaring makatanggap at nakakatanggap na ng hanggang P36,000 kada taon bilang tulong-pinansyal sa pag-aaral sa kolehiyo. Nasa P370 million na po ang nailaan natin sa loob ng ating termino.

Bukod po sa personal na pagbabalita sa inyo ng benepisyong ipinapaabot natin sa mga beterano, taunan ko rin pong pinamumunuan ang ating komemorasyon, dahil bilang mag-aaral ng kasaysayan, nakikita ko ito bilang pagkakataong makiambag sa pagpapayaman ng ating pambansang pag-unawa sa nakaraan.

Kung maaalala nga po natin, bago pa man pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi pa tayo ganap na malayang bansa. Ngunit sa kabila ng ating limitadong kakayahan, bilang mga Pilipino, ginagawa natin kung ano ang tama at makatwiran para sa kapwa. Sa pamumuno nga po ni Pangulong Manuel L. Quezon noon, ang Pilipinas ay nagbukas ng pinto para sa mga Jewish refugees mula sa Europa dahil sa karahasan laban sa kanila.

Mas malawak pa sana ang positibong ibubunga ng pagbubukas-palad nating ito, kung hindi lang nadamay ang Pilipinas sa pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagaman hindi pa tayo nagdedesisyon noon para sa sarili, hindi tayo napuwera sa pagdurusang idinulot ng pasya ng iba.

Napakalaki nga po ng pinsalang hatid ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nangyari wala pang isang henerasyon ang nakakalipas matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Sa mga nawasak na kabuhayan at imprastraktura, lalong-lalo na sa mga inangkin nitong maraming buhay, talaga pong pinadapa nito ang mga apektadong mga bansa.

Kaya naman napapaisip tayo: Ano nga po ba ang pinakaaral na ibinahagi sa atin ng World War II? Malinaw po dito: Sa panahon ng tunggalian o kaguluhan, ang malayang bansa, miski ang mga hindi kasali sa nagbubungguang panig, ay hindi maaaring magwalang-kibo o manahimik na lang. Kung hindi po natin tutugunan ang ugat ng kaguluhan, tiyak na darating ang panahon na ang problemang ito ay lulubha, hanggang sa puntong di na maiiwasan pang madamay ang lahat.

Tingnan na lang po natin ang sitwasyon ngayon sa Europa, kung saan damay sila sa nangyayaring kaguluhan sa Syria. Pangunahin po nito ang problema nila sa mga refugees, at ang lumalaganap na terorismong nagwawasak sa buhay ng marami. Kaakibat nga po ng kawalan ng estabilidad sa Syria ang maaaring pagkalat ng sakit dahil na rin sa pagkakahinto ng serbisyong pangkalusugan. Dulo po nito, kung hahayaan nating magpatuloy ang ganitong sitwasyon, puwedeng magkaroon ng outbreak at madamay tayong lahat.

Totoo po: Ang mga bansa nga po ay namumuhay nang magkakasalo sa iisang mundo, kaya naman ang problema ng isa, ay problema ng lahat. Kung may suliranin sa ibang bahagi ng mundo, gaano man ito kalayo, dapat po tayong makilahok at makiambag sa solusyon. Dahil kapag hinayaan lang po natin itong lumaki, sa huli po ay maapektuhan din tayo ng masasamang ibubunga nito. At kung mangyari ito, saka pa lang tayo mapapaisip: Na noong maliit pa lang ito, may ginawa na sana tayo. Dito nga po natin makikita ang halaga ng pagtutulak sa ating pinuno na magkaroon ng tama at risonableng pagpapasya kung paanong tugunan ang mga hidwaan at kaguluhan sa lalong madaling panahon.

Tunay din po: Sa isang digmaan, kapag natapos na ang bakbakan, malinaw ang maituturing na talo o panalo sa hanay ng mga pinuno at ng mga combatant. Pero heto nga po ang isa pang katotohanan. Saan mang lugar ang dapuan ng hidwaan, pagdating sa mga sibilyan, pagdating sa mga karaniwang tao: lahat, biktima; lahat, talo.

Sa kaso nga po ng digmaang dinaanan ninyo bilang mga beterano, at ng mga nadamay na sibilyan: Ilan kaya sa mga nasawi ang maaaring naging batikang guro, abogado, o pinuno? Ilan kaya ang puwedeng nakaimbento ng mga panibagong teknolohiya, o nakatuklas ng gamot para sa cancer at iba pang malubhang karamdaman? Ilan kaya sa kanila ang maaaring nakiambag sa pag-abot ng potensyal ng sangkatauhan?

Hindi na nga po marahil masasagot ang mga katanungang ito. Ang magagawa natin: Ituon ang paningin sa hinaharap, at sa pag-abot natin sa ating mga pangarap, ay siguruhing hindi malilimot ang mapapait na aral ng nakaraan. Alam naman po ninyo, mayroon na namang matinding sangandaan ang ating bansa sa darating na eleksyon. Ang tanong ko sa inyo: Pipiliin ba natin ang lideratong inuuna ang sariling interes, habang ginagarantiya ang pagdurusa ng mga nasa ibaba? Pipiliin po ba natin ang lideratong gustong daanin ang lahat sa shortcut, nang walang pagsasaalang-alang sa mga nasasagasaan? Pipiliin po ba natin ang mga napakatatamis na pangako, pero tila ba walang sapat na pag-unawa sa mga prosesong kailangang daanan para makamtan ito?

Alam naman po ninyo ang posisyon ko sa usaping ito: Ako po, nakapanig sa tama, sa tapat, sa may malawak na kaalaman sa pamamahala. Nakapanig po tayo sa magtutuloy ng Daang Matuwid. Alam naman po ninyo kung sino ang tinutukoy ko, at tiwala po akong magkahanay ang ating pangarap para sa susunod na mga salinlahi.

Napakarami na nga po talagang dinaanan ng Pilipinas. Kayong mga beteranong dumaan sa maraming kaguluhan—kayong mga nasaksihan ang paulit-ulit na pagkakadapa at pagbangon ng ating bansa—kayo na po siguro ang makapagbibigay ng pinakamasinsing testimonya sa kung gaano kalayo ang ating narating sa nakaraang halos anim na taon. Kayo, higit sa lahat, ang makakapagsabi kung gaano kalalim ang naging positibong transpormasyong ating tinatamasa. Tiwala po ako na magiging kabilang kayo sa pagsusulong ng ating ipinaglalaban: Ituloy natin ang pagbabago; ituloy natin ang pag-abot sa ating mga pangarap; isulong pa natin ang Daang Matuwid.

Bago po ako magtapos, sa pagpasok ko po rito, may isang aleng bumati sa akin, ang sabi, “Salamat sa anim na taon.” Ang dapat po sanang tugon ko dito, “Salamat sa inyo sa ipinagkaloob ninyong mandato para makagawa ng pagbabago. Talaga naman pong hindi mapapantayan ang pagkakataong ito.” Ito na nga po ang huli, ako po’y magpapaalam na sa inyo sa Bataan.

Magandang araw po at maraming-maraming salamat po.