President Benigno S. Aquino III’s Speech at the turnover of the new school building for Carmona Elementary School and launching of Shared Service Facility for the garment industry of Carmona
Carmona Elementary School, Cavite
01 April 2016
 
Umpisahan ko po dito: Kanina, pinanggalingan natin, nakita naman po niyo, ininspeksyon natin yung gusali. Mukhang maayos po. May mga kulang pa: yung tubig hindi pa umaandar, ikokonekta na raw po yan; tapos yung pintura sa taas, lalo na sa blackboard, sabi ko, “Parang maputla naman yatang blackboard ito.” Hindi pa raw ho tapos. Pero ginarantiya sa atin ni Sec. Singson, at pag nagbitaw ng salita si Sec. Singson, totoo yun. Ang problema ko lang ho kay Sec. Singson, pag tinatawagan ko, “Hello, Babes.” Yung media ho nakatingin sa akin, sino raw yung “babes” na kausap ko. Kako, mahirap naman kung “Rogelio, kamusta?” Masyado namang pormal, hindi kami magkaunawaan.

Noong natapos na ho namin yung inspeksyon, napalingon ako dito sa tulay dito sa gilid. Kako, itong tulay na ito mukhang papunta sa pader. Tinanong ko siya, “Babes, gawa mo rin ba ito?” Sabi niya, “Mukhang hindi ho ako yung gumawa niyan.” Dati raw ho may garden yata diyan, dahil hindi tayo gumagawa ng tulay na walang pupuntahan, lalong walang tatawirin.

18,000 km ng kalsada ang napagawa natin sa anim na taon na ipinagkaloob niyo sa akin. Ano ang halaga noon? May kalsada dito sa Cavite na kumokonekta sa Batangas, ang ngalan ay Ternate-Nasugbu Road. Mahaba po yun, 6 km. Yung ginawa natin, to date, nasa 18,000 km na tayo. Hindi pa kasama yung mga PPP Projects. Ngayon, doon sa 6 km na yan na inumpisahan noong araw pa.

Bakit noong araw pa? Kasi 20 years ginagawa yung 6 km na kalsadang yan. Nasa record po yan. Inumpisahan nila, sasabihin, “Kailangan ng kalsada. Magpapadala yan ng mga turista papuntang Nasugbu para sa mga beach.” Mula doon sa konsepto, mula noong inumpisahan—kami ho, hindi kami nakasama doon sa nag-isip noon. Kami na ho nagtapos pero pagdating sa amin, kami ang siningil. “Bakit 20 years para magawa yang kalsadang yan?” Sabi ko, “Kami lang ho ang nagtapos. Hindi naman kami ang nag-umpisa nito.”

Pero kayo na ho ang mag-isip: Bakit nga ba ganoon katagal para magawa? Bigyan ko kayong clue: Siyempre, yung mga nakaisip niyan, may naisip na ibang bagay pa. Sinigurado munang masagad yung pakinabang nila. Kaya yan, umabot ng 20 years. Yung 20 years na yon, bahala si Batman sa ating lahat. Di ba ganoon yon?

Sa Daang Matuwid, gusto ko lang simplehan: Sa isang pulitiko, lalo na pagdating ng eleksyon, makasabi kang “May nagawa ako,” malaking bagay na. Pero kami ho—at inuulit-ulit ko ito sa Gabinete at sa lahat ng mga kasamahan natin, kasama ang mga kasama natin sa Kongreso—pag may ginawa tayo, baka puwedeng kumpletuhin na natin. Ano ang ibig sabihin noon? Yung bata dito sa inyo sa Cavite, double shifting eskuwelahan. Sa ibang siyudad raw ho, umaabot ng triple shifting. Meron pang pinakamalas: quadruple shifting. Isipin niyo yung bata, four shifts sa grade school. Talagang literal umuuwi yung bata ng gabi na.

Ayan, may eskuwelahan na maayos. Inayos natin yung backlog sa textbooks, sa silya, pati ho yung sa K-12, nandiyan na rin ho. Ilan bang classroom ang matatapos natin? Noong congressman po ako, makakuha ako ng walo hanggang sampung classrooms sa distrito ko, apat o tatlong bayan po iyon isang lungsod, malaking bagay na. Dito sa pinagtulong-tulungan natin, pagbaba ko sa puwesto, 185,000 classrooms na ang napagawa natin. Ulitin ko ho: natin. Hindi ako ang nagpagawa, hindi si Babes ang nagpagawa. Ako binigyan niyo ng mandato, nag-usap kami, nagtulong tayo, ayan ang resulta. Meron tayong bagong eskwela.

Ngayon, may bagong eskwelahan, yung bata naman, pangit ang kalusugan, hindi matuloy-tuloy ang pag-aaral. Isinama na rin natin yung pinalawak yung PhilHealth. Pinakamataas na kinuha nila noong araw 51 percent. Tayo raw ho sabi ng PhilHealth, 93 percent na ang covered.

Pinasukan na rin natin yung Pantawid Pamilya na inexpand natin. Dati 780,000 more or less. Dito po sa Cavite, zero. Ngayon po, nasa kulang-kulang 50,000, kung hindi ako nagkakamali, na kabahayan ang tinutulungan natin dito. Para matulungan natin yung magulang, nandiyan na yung eskwelang bago, matulungan ka na ang anak mo ay makapag-aral, makapagtapos, merong kakayahan maghanapbuhay na hindi tagalinis lang ng kalsada. May kalusugan, may pag-aaral, nakagraduate ng high school. Anong gagawin niya ngayon? Pinalawak rin po natin yung TESDA.

Yung TESDA ho, nasa 9 million course graduates na sila. Hindi ko sinasabing 9 million na katao; mayroon hong iba nag-multiple na pag-aaral. Ano ang resulta po noon? Yung dati, ang nakakapasok ng trabaho pagkagraduate sa loob ng anim na buwan, nasa 28 percent. Ngayon po, nasa 71.9 percent—tawad ko na ho yung point one. 72 percent na graduate ng TESDA ngayon ay may trabaho anim na buwan pagkatapos maggraduate.

Ano ngayon kung may trabaho? Alam naman niyo ho yung iba doon, katulad ng isa, OFW. Pagdating niya sa Gitnang Silangan, yung kontrata niya nakalagay: cashier. Pagdating niya doon: naging domestic helper. Namaltrato, nakatakas, umuwi ng Pilipinas, tinulungan ng ating embahada, binigyan ng pamasahe, umuwi ng Pangasinan. Doon ko po siya nakausap.

Ang salaysay po niya, hindi niya natapos yung kontrata. Siyempre, umalis siya, nangutang siya para mapondohan yung pagbiyahe niya, hindi natapos yung kontrata. Isang bigating problema niya: Ano na ang mangyayari sa akin nito? Paano ko babayaran ang mga utang? Ano bang kinabukasan ang nasa akin? Nabanggit sa kanya pag-uwi, merong mga scholarship program ang gobyerno, kasama na yung TESDA. After, nakalma siya, nakalimutan yung pinagdaanan niyang konti doon. Mga isang taon raw ang lumipas, nag-enrol siya, nakapagtapos ng dalawang kurso, ang ngalan ay “hilot wellness” at “massage therapy.” Nagkaroon ng trabaho sa isang spa, napromote, naging operations manager, bumukod, nagtayo ng sariling spa. Ngayon po, ang spa nitong OFW na dati nag-iisip nang magpakamatay sa kunsumisyon, apat na po ang spa niya, At meron na siyang na-franchise na tatlo sa amin po sa Tarlac.

Tutal wala rin si Kim Henares, natanong ko rin, “Magkano ang kinikita mo diyan?” “P60,000 to 80,000 na ho per branch.” Sabihin na natin na P80,000 na lang, times four—madaming guro dito—P80,000 times four, P320,000 a month. Tama po? Suweldo ko po kasi P120,000. Mali yata ang pinasukan kong trabaho.  Naggraduate ka, ang ambisyon namin, college man lang ay may skills na magagamit para magkaroon kang trabaho.

Puntahan ko yung susunod na nagtestimonya: Sabi po niya, maybahay siya, iniwanan siya ng kanyang asawa, iniwan sa kanya ang pitong anak nila. Tapos ano ang pinagkakakitaan? Nagtitinda-tinda. Ngayon, baka mali ang pagkaintindi ko, pero parang ang dating sa akin ng nagtitinda-tinda: kung minsan nagtitinda, kung minsan hindi; kung minsan, may naititinda, may namimili, kung minsan, wala. Parang walang katiyakan na kita para dito. Paano niya bubuhayin yung pitong anak na “bahala ka na”?

Napasok po siya sa 4Ps. At dahil sa 4Ps—yun ang testimonya niya—napatapos niya ang tatlo doon sa mga anak niya. Yung tatlong anak niya, permanente na raw po silang nagtatrabaho. Apat na raw po silang nagdadamay-damay para doon sa apat pang mga anak na nagsisipag-aral pa.

Kanina si Ruth—nabanggit ko kasi boss ko dati. Baka naman po yung buhok ko napansin niyo, pinuhunan ko yan sa trabahong ito, makapal pa ho ito noong nag-umpisa ako. Si Ruth nga ho, dati kong boss. Alam niyo yung kanilang Shared Service Facility, liwanagin ko lang, magkano ang tulong ng gobyerno para dito? Mga P5.4 million. Sa initial estimate pa lang—binanggit nga kanina na magiging mas episyente, mas konti yung reject, mas huhusay yung productivity na tinatawag—yung tinataya nila, madadagdagan yung kanilang kinikita ng mga $6 million. Ngayon, pupunta sa ekonomiya natin yan.

Ang punto ho nito: Gumastos ka ng piso, may balik na dolyar; 1:1, hindi ho 1:46. Alalay natin sa kanila, [P5.4 million, ang babalik ay mga $6 o $6.5 million rin]. Kaya lang, ang inalalay natin ay pesos, ang balik sa bayan natin ay dollars. Tapos yung mga iba pang natulungan doon sa lumang makina naman, siyempre dagdag rin ng pagkakakitaan, dagdag rin sa ekonomiya. Lumalaki ang ekonomiya natin, dumadagdag ang kapasidad ng gobyerno naman para matulungan kayong lahat o gawin yung obligasyon niyang paglingkuran kayong lahat.

Ngayon, matanong niyo siguro, “Ang haba ng sinabi niyo. Saan ba tayo patutungo?” Simple lang po: Lahat ng nangyari sa loob ng anim na taon na ito, pinagtulungan natin, tayo ang gumawa nito. Ngayon po, patapos na yung termino ko: 90 days. Ano na ako? Retired. Hindi pa po senior citizen ha, retired lang—para maliwanag.  At pagdating ng panahong yon, siyempre, gusto ko namang tumingin na ito yung umpisa pa lang ng ating kayang abutin, at hindi ito yung naging bakasyon, tapos balik tayo sa dati na kanina’y ikinukuwento ng ating guro. Yung estudyante, nasa lumang building. Di naman siguro 1903 ginawa yung dating building na binabanggit niya, baka 1904.

Pero dapat sana, simpleng-simple lang sa akin, ano ba yung public service? May pangangailangan yung tao, obligasyon ng gobyernong tumulong o ibigay o ipagkaloob yung kailangan niya. Tapos ang konsepto: Bigyan lahat at isagad ang oportunidad ng bawat isa na makatindig sa sariling paa at saka talagang mahubog niya ang kanyang kinabukasan. At yan nga ang ginawa natin. Kaya nga binanggit ko sa inyo: Hindi eskwela lang, puwede na. Eskwela, trabaho, imprastruktura, kalusugan, foreign affairs—damay-damay na ho ito—iisa ang tutok: Paano ba natin paaangatin ang buhay ng ating mga kababayan?

Ngayon po, lahat ho ng pinaggagawa natin ngayon, hindi porke’t ako ang dumating kaya nagawa. Puwedeng maski sino, noong namili sa sangandaan, pinili yung parehong rutang dinaanan namin. Kung kami ho, noong nasa oposisyon, ginawa ng nakaupo yung ginawa namin, e di tawag sa amin ay “irrelevant.” Masaya ang tao doon sa nakaupo, bakit kami papansinin? Ang problema, hindi masaya. Nakapasok kami.

Dapat ho maliwanang na maliwanag: Dumating sa sangandaan ang namuno, namili saan kung siya nakatutok, pansarili o sa kapwa? Taumbayan noong 2010, nag-isip: Saan ba tayo tutungo? Ipagpapatuloy ang lumang kalakaran o dito tayo sa baka may pag-asa? 42 percent sa inyo ang nagtiwala sa akin na babaguhin natin yung sitwasyon ng Pilipinas, at palagay ko naman ho nagawa natin yun.

Ngayon, lalo na pag nasa eskuwelahan ako, alam niyo kasi, Grade 6 ako noong dumating ang Martial Law. Siyempre ang tatay ko ikinulong na po, seven years, seven months mahigit na ikinulong siya. Lahat ho ng graduation ko—sa elementary, hindi siya puwedeng dumalo, naka-detain siya; high school, ganoon din ho, parang kakatapos pa siyang sentensyahan ng death by musketry.

Pagdating ho ng college, noong panahon na yun, kailangan kang magkaroon ng “exit visa.” Pilipino ka, bibiyahe ka, tatay ko inoperahan na sa puso, kasama yung nanay ko, kasama mga kapatid ko, gusto nilang sumama na rin ako doon. Para makaalis ka ng bansa, kailangan mo ng exit visa.

Ngayon, sabi po, problema ho, baka magbago raw ang isip ni Ginoong Marcos. Parang apat o limang araw bago ng aming graduation, pinabiyahe na ako ng aking mga magulang. “Halika, bumiyahe ka na. Huwag ka na magmartsa.” Tapos po ako pero hindi ako pinagmartsa. Kung sasabihin ho siguro, yung tanda na ako siguro at yung mga kahenerasyon ko, ito dadaanan namin, ito yung hubog sa amin, lalo na yung panahon ng kadiliman ng Martial Law.

Para makita sigurong maliwanag na maliwanag, ano ba ang diperensya ng tama at ng mali? Ngayon paniwala ko, nasa tama na tayo. Ang tanong ko ho ngayon, sabi nila, “Ano ba talaga ang nagtutulak sayo?” Sabi ko, “Paano ba ipaliwanag yung ‘mahal ang kapwa?’” Siguro yung pinakasimple at pinakapraktikal na lang ho: Dito eskwelahan ng kabataan. Tanong ko lang ho, sino sa atin dito ngayon ang puwedeng magsabing “Sana yang kabataan na yan, daanan ang parehong problema ko?” O ilan naman kaya sa atin ang nagsasabing “Sana itong mga kabataang susunod sa atin, ibang-iba na ang problemang dadaanan at sana mas maliit sa mga pinagdaanan natin?”

Wala akong asawa, wala akong mga anak, may mga pamangkin ako. Para sa akin, yun ang tanda ng kabiguan: Kung uulit-ulitin lang ang problemang dinadaanan ng bawat salinlahing Pilipino. Ngayon, nakita naman po niyo kung ano ang tinatawag na Daang Matuwid. Babalik ako doon, dating ng botohan sa ikasiyam ng Mayo, pare-pareho lang ang boto natin, pati si Chairman Naguiat, mas mabigat sa akin sa timbang, pareho rin ang boto niya, one vote lang ho yan.

Importante ho dito, talagang pag-aralan natin. Kung gusto natin ang nangyayari, tayo ang magsasabi “Ituloy niyo ang nangyayari.” Kung tayo naman ho ay magtatamlay-tamlay, baka ma-jackpot ang mga magbabalik sa atin sa lumang kalakaran. Nagtamad tayo, tayo rin ang may kasalanan. Kung gumanda, tayo ang susi. Kung pumangit, tayo may responsibilidad. Ulitin ko, lahat ng nangyari, tayo ang gumawa. Lahat ng mangyayari, tayo rin ang gagawa. Gamitin po natin ang kapangyarihan natin, at gamitin natin ang responsibilidad natin para talagang masiguradong paganda nang paganda ang kinabukasan ng mga Pilipino.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyo.