Press Briefing

Public Briefing #LagingHandaPH hosted by Presidential Communications Operations Office Undersecretary Rocky Ignacio

Event Public Briefing #LagingHandaPH
Location PTV

USEC. IGNACIO: Magandang umaga Pilipinas at sa lahat ng ating mga kababayan saan mang panig ng mundo.

Ngayon po ang huling Miyerkules ng January, muli nating pag-uusapan ang mga napapanahong issue sa bansa tungkol sa bakuna, lunas at iba pang hakbang ng gobyerno para labanan ang pandemyang dulot ng COVID-19 virus.

Ako po ang inyong lingkod Usec. Rocky Ignacio, simulan na po natin ang Public Briefing #LagingHandaPH!

Posibleng bumababa sa limandaan ang new COVID-19 cases ng Metro Manila pagdating po ng February 14 ayon sa OCTA Research Group. Pero kahit bumabagal ang hawahan, nagpaalala ang Department of Health na hindi pa rin maaaring maging kampante lalo’t predominant sa bansa ang dalawang sub-lineage ng Omicron na BA.1 at BA.2. Si Mark Fetalco sa detalye:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Samantala, pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na magbibigay nang permanenteng kompensasyong at benepisyo sa mga health care worker habang nasa krisis ang bansa na gaya ng COVID-19 pandemic. Labis naman itong ikinatuwa ni Senate Committee Chair on Health na si Senator Bong Go. Narito ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Dalawang brand ng self-test kits na sertipikado ng Food and Drug Administration matapos itong dumaan sa masusing pag-aaral ng Research Institute for Tropical Medicine or RITM. Alamin po natin ang iba pang detalye niyan, makakasama po natin sa kabilang linya ang Laboratory Chief ng RITM na si Dr. Armando Tandoc III at ang Virology Department Head na si Dr. Mayan Lumandas. Magandang umaga po sa inyo!

RITM LAB CHIEF DR. TANDOC III: Magandang umaga po sa inyo at sa mga tagapakinig po.

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Magandang umaga po.

USEC. IGNACIO: Opo. Unahin ko na po si Doc Tandoc ano po. As per FDA, RITM po ang nag-review sa mga self-test kits na nag-apply for certification dito sa Pilipinas. Ano po ang naging basehan ninyo dito po sa pag-apruba sa dalawang brand ng self-test kits at paano po siniguro na accurate ang resultang lumalabas sa mga ito?

RITM LAB CHIEF DR. TANDOC III: Opo. Tama po, RITM po ‘yung nag-review sa mga self-test kits na recently ay in-approve po ng FDA. So upang matulungan po ‘yung FDA sa pagbigay ng authorization doon sa self-test kits, bumuo po kami ng guidelines para sa technical review ng mga ito; ginamit nating mga reference po ‘yung technical guidelines ng US FDA at iba pang regulatory authorities at ng WHO standards po.

So, requirement po namin na mag-submit po ‘yung mga aplikante ng mga technical documents patungkol sa performance at validation ng mga kit. Kasama din ang impormasyon sa paggamit nito pati iyong mga pag-aaral na mga ginawa upang malaman kung effective nga ang kit na magagamit ng isang layperson. Kasama din po na pina-submit iyong mga visual aids at saka graphic aid, mga tutorial video na makakatulong sa layperson para masagawa ang isang self-test.

USEC. IGNACIO: Opo. Dr. Tandoc, madali po bang gamitin ang mga ng isang ordinaryo o katulad kong layperson o ‘yung mga limitadong kaalaman sa medical procedures?

RITM LAB CHIEF DR. TANDOC III: Opo. Base po doon sa mga nakita nating technical review, dahil nga po ang mga self-test kit ay disenyo para sa paggamit ng isang layperson, mas madali po iyong paggamit sa kaniya. Una, hindi ito nangangailangan ng isang health care worker na magsasagawa ng nasopharyngeal o oropharyngeal na swab collection sapagkat iyong samples po na iti-test ay mga nasal na samples.

Kapag po nasal, galing lamang po ito sa harapan o kaya hanggang gitnang bahagi ng ilong na maaaring kunin sa sarili o kung sa may kapansanan o sa mga bata ay maaaring kunin ng isang nakakatanda.

May ibang test kit naman po na saliva ang sample na gagamitin. So sa pagsagawa naman po ng test mismo, may mga instruction naman na susundin kung paanong ilagay iyong sample sa cartridge at kung gaano katagal iyong hihintayin bago magkaroon ng resulta.

Napakahalaga po na kapag gagamit po ng test kit na basahin nang maigi saka intindihin at masunod nang maayos iyong mga instructions na kasama noong test kit. Kapag po kasi hindi nasunod ito mula sa pagkolekta hanggang sa paggawa ng test at pag-interpret dito, maaring makaapekto po sa accuracy.

Alam ko din po ay may ilalabas na rin po na guidelines ang DOH para po doon sa … parang guidelines paggabay po sa paggamit ng ganitong uri ng test kit.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, nabanggit mo iyong puwedeng saliva, ito po sa dalawang inaprubahan ng FDA na self-test kits ay puwede po iyong saliva gamitin?

RITM LAB CHIEF DR. TANDOC III: Opo. Iyong sa dalawa po nating na-review, pareho po silang nasal sample po ang ginagamit.

USEC. IGNACIO: Opo. Dito po sa 31 pang self-test kits na under review pa rin po ngayon ng RITM, kailan po inaasahan namang makapaglalabas pa ng aprubadong resulta, mayroon din po bang mga na-reject o hindi pumasa sa certification?

RITM LAB CHIEF DR. TANDOC III: Opo. Bale sa average po, inaabot tayo ng lima hanggang sampung araw bago makumpleto iyong review ng isang kit. Kapag po may kulang na dokumento, kailangan po itong maibigay noong aplikante at hindi natin makukumpleto ang review kung kulang ang dokumento. Sa ngayon, may [unclear] na pong additional na nakapag-submit ng documents nila out of the 31 po na na-endorse ng FDA. Sa ngayon din po, wala pa tayong nari-reject na kit, ongoing pa iyong review doon sa mga additional applicants.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, ito po iyong laging tanong ano po, kasi talagang ang self-test kits na po iyong maaaring gamitin na po, iyong sinasabi na kapag po ba ito na iyong ginamit pupuwede na pong hindi na sumailalim dito sa RT-PCR test?

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Opo. Bale, mayroon pong lalabas po na guidelines po ang DOH para po maibigay po iyong instruction kung ano po ang gagawin kapag mayroong positive na resulta sa pamamagitan ng paggamit ng self-test kit. Ang importante po kapag po nag-positive po ito at may sintomas ang pasyente ay naka-isolate po kaagad.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc Tandoc, ano naman po iyong panawagan ng RITM sa publiko sa gitna naman po ng pagkalat ng mga umano’y RITM approved na self-test kits sa merkado bago pa man i-certify ng FDA ito pong dalawang brands self-test kits?

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Opo. Sa mga manunood po natin at saka mga tagapakinig po, mahalaga po na iyong gagamitin natin na mga kit sa pag-test ay otorisado po ng ating FDA na siyang pangunahing ahensiya po na nag-a-approve ng mga authorization nito.

Bahagi lang po ang RITM sa proseso ng authorization at hindi po kami iyong nag-a-approve ng kit. Ang ginagawa po namin dito ay tumutulong po kami sa FDA sa pamamagitan ng paggawa po ng validation at technical review at nagbibigay po kami ng recommendation sa FDA.

So, napakahalaga po na mayroon pong certification ng FDA.

USEC. IGNACIO: Opo. Para naman po kay Dr. Lumandas, kumustahin na rin po namin itong RT-PCR testing ng RITM sa ngayon. May overwhelming request pa rin po ba sa testing?

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Iyong tungkol po sa testing, si Dr. Tandoc po iyong makakasagot.

USEC. IGNACIO: Opo.  Doc Tandoc, mayroon pa po bang overwhelming sa RT-PCR testing natin sa RITM?

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Opo. Bale sa ngayon po, dahil nga po doon sa surge ng kaso, marami po tayong mga pasyenteng nakikita sa RITM kaso nga lang po pati po empleyado po namin ay either naka-isolate or naka-quarantine na suspect for COVID kaya apektado din po iyong operation ng lab sa hospital.

So sa ngayon po, nililimitahan natin iyong bilang ng pumupunta sa RITM. Through online appointment na lang po muna para ma-prevent po ang overcrowding at saka patuloy na hawaan.

USEC. IGNACIO: Pero Doc Tandoc, approximately ay ilang samples daw po iyong nati-test ng RITM kada araw at kumusta po iyong positivity rate ng mga tini-test ninyong sample?

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Sa ngayon po, bale ang limit po namin or maximum na tini-test namin ay 400. Araw-araw po ito at nakabase po ito sa zoning ng mga laboratory. So, sa ngayon po kasi mas marami na po iyong laboratoryo so iyong total testing capacity namin mula 1,500 noong unang dalawang taon ng pandemya, ibinaba na muna namin sa 400 para po mapaglaanan namin iyong iba pong activities ng RITM katulad ng training, [unclear] ng mga laboratory, iyong pag-evaluate ng mga test kits at saka iyong mga research [inaudible].

USEC. IGNACIO: Opo. Para naman po kay Dr. Lumandas o kung sino po ang maaaring sumagot sa inyo ano po, tungkol dito sa anti-COVID pill. Kabilang po ang RITM sa nagri-review ng efficacy naman ng anti-COVID pill under FDA at ano po ang masasabi ninyo sa efficacy ng mga ito sa [laban] Omicron at sa sub-variants nitong BA.1 at BA.2 o iyong “Stealth” Omicron?

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Opo. Iyong sa anti-COVID pill po, wala po kaming pag-aaral na ginagawa po sa RITM sa ngayon po.

USEC. IGNACIO: Opo. Kung sino rin po ulit na pupuwedeng sumagot. Ngayon pong pinaghahandaan na rin ang malawakang production ng ilang malalaking manufacturers sa iba’t-ibang bansa na mas affordable version ng Molnupiravir, sa palagay ninyo po ba sinasabing may kapasidad na rin ang Pilipinas na mag-produce ng para sa local use natin?

Sino po ang pupuwedeng sumagot?

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Sa laboratory testing po kami, Ma’am, hindi po namin masasagot iyan.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero tungkol naman daw po sa seven sub-national laboratories na itatayo ng DOH, WHO at RITM, ano daw po iyong magiging function at kahalagahan nito sa ating bansa lalo po sa gitna ng pandemya?

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Opo. Magandang umaga po.

Tungkol po doon sa sub-national laboratories natin, ito po ay para sa apat na vaccine-preventable diseases. So iyong Measles po, Rubella, Japanese Encephalitis at Rotavisue virus. So, iyong mga laboratory po magkakaroon ng kapasidad na mag-test ng apat na sakit sa pamamagitan po ng pag-analyze ng dugo, cerebrospinal fluid at saka stool.

So, mahalaga po ito, iyong pagkakaroon ng ganitong laboratory upang maging handa po tayong rumesponde sa mga outbreaks at saka makakatulong po itong magbigay ng mga datos para po sa National Immunization Program rin at iba pa pong programa ng DOH na may kinalaman po sa prevention and control ng mga sakit na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc Lumandas, saan-saang lugar po ito daw matatagpuan at kailan daw po inaasahang matatapos itong SNLs (Sub-National Laboratories)?

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Opo. So, iyong mga sub-national laboratories po ay ang mga sumusunod po. So, mayroon po tayo sa norte sa Ilocos Training and Regional Medical Center, Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital.

Tapos sa Visayas naman po, Vicente Sotto Medical Center, Western Visayas Medical Center.

Tapos sa Mindanao po, Southern Philippines Medical Center, Zamboanga City Medical Center at Cotabato Regional and Medical Center.

So, nakaplano po itong magsimula, iyong mga testing po nila mga Hulyo po ng taon na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc Lumandas at Doc Tandoc, kung sino lang po ang maaaring makasagot nitong tanong po ng ating kasamahan sa media, si Mark Fetalco ng PTV News: Ano daw po ang ipinagkaiba ng BA.1 at BA.2 na tinatawag na “Stealth” Omicron lalo’t may ilang pag-aaral po sa ibang bansa na kaya po nitong takasan itong RT-PCR test?

RITM VIROLOGY HEAD DR. LUMANDAS: Iyong pagkakaiba nitong BA.1 at saka BA.2 po ay naka-ano na po sa report na naisumite po at ang mga nag-aaral din po dito bukod po sa Research Institute of Tropical Medicine ay si ano rin po, si Philippine Genome Center.

USEC. IGNACIO: Okay. Kami po ay nagpapasalamat sa inyong panahon na ibinigay sa amin. Mula sa RITM ay nakausap po natin sina Dr. Armado Tandoc III at si Dr. Mayan Lumandas. Keep safe po at salamat po sa inyong dalawa.

RITM LAB CHIEF TANDOC III: Maraming salamat po.

USEC. IGNACIO: Base naman sa inilabas na bulletin ng Department of Health kahapon, mula sa halos 25,000 new cases noong Lunes, bumaba sa 17,677 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Ganoon pa man, pumalo pa rin sa 3,459,646 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa sakit.

Nananatili namang mataas ang bilang ng mga gumaling – 33,144 new recoveries, kaya naman po umakyat na sa 3,158,597 ang lahat ng mga naka-recover sa bansa.

79 new deaths naman po ang nadagdag sa tala kahapon kaya 53,598 na ang suma total ng mga nasawi.

Dahil sa mataas na dagdag sa recovery, bahagyang bumaba sa 7.2% o 247,451 active cases ang mga nagpapagaling pa hanggang sa kasalukuyan.

Binuksan na ang isang bagong molecular laboratories sa Eastern Visayas na matatagpuan sa Maasin City, Southern Leyte. Inaasahan namang makakatulong ito para ma-decongest ang COVID-19 testing sa iba pang laboratoryo sa bansa at mapapabilis ang COVID-19 response ng buong rehiyon. Narito ang detalye.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Alamin naman po natin ang paghahandang ginagawa ng Philippine Medical Association para po sa nalalapit na bakunahan sa mga batang edad lima pataas sa darating ng ika-apat ng Pebrero, makakausap po natin si PMA President Dr. Benito Atienza. Good morning po, Doc. Atienza!

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Magandang umaga po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, next week po ay magsisimula na itong bakunahan sa mga batang lima hanggang labing-isang taong gulang. Sa bahagi po ng ating mga doctor, may mga paghahanda din po ba kayong ginagawa tungkol dito at ano daw po iyong assistance na gagawin ang PMA dito?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Actually, ang mga doctor po natin ay sumasali po sa town hall meeting na isinasagawa po ng Department of Health. Kahapon po nagka-town hall meeting ang ating Department of Health, kasama ang mga health workers at mga doctors para sa region po ng Southern Tagalog.

Mamaya po iyong iba pong region, Visayas region naman po at isinaad po natin roon na tutulong rin po tayo at saka nag-suggest nga po kami doon sa isang town hall meeting namin noong morning para sa mga mamamahayag na sana magkaroon ng National Vaccination Days para mas concentrated po ang ating mga magulang na dahil ang kanilang mga anak sa mga vaccinations centers.

At isa sa napag-usapan nga doon, sana mas maluwag iyong vaccination centers, mas-ma-accommodate iyong mga bata, kasi ang mga bata ibang klase iyan baka maiinip. May nag-suggest na sana mayroong video o parang may napapanood ang mga bata at saka po isinaad din po doon na iniengganyo natin ang mga bata na 5 to 11 na magpabakuna kasi safe ito at kung magkakaroon man ng minor side effects.

Ang ano lang po naman, babantayan natin lang natin dito ay iyong kung minsan nagkakalagnat, masakit iyong pinagturukan at dapat po ay bago magpabakuna ay nais din po ng mga doctor at saka po ang importante iyong post vaccination na 15 to 30 minutes na binabantayan sila habang nasa vaccination centers. At nakausap ko rin po ang presidente ng Philippine Pediatric Society na tutulong sila lalo na doon sa mga may pediatric age group na 5 to 11 na may comorbidities ay i-engganyo po namin ang mga training hospitals na doon na lang po dalhin iyong may mga comorbidities para makita po actually ng mga pediatricians, sila ang mag-i-screen at sila ang magbabakuna. Kaya kailangan lang po nating i-coordinate ito sa different LGUs na kung saan po mayroon pong mga training hospitals ang Philippine Pediatric Society.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, bakit po nakikita ninyo na iyong pangangailangan na magkaroon ng National Vaccination Day for children, nakikita po ba ninyo na dapat palakasin iyong information drive dito sa mga magulang para po kumbinsihin sila na pabakunahan ang kanilang mga anak?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Yes, kasi may mga magulang pa rin nag-aagam-agam, kasi mismo iyong magulang ayaw magpabakuna. Tapos iyong iba naman—dapat mapakita natin na lahat ng mga bata at saka ma-separate iyong bakunahan ng mga bata doon sa adult. Kasi iyong mga adult may mga kumpletong… may mga boosters, halo-halo iyan – first dose, second dose.

Kasi iba iyong bakunang ibibigay sa mga bata. Pero mayroon ng specific vials as in-explain ni USec. Vergeire kahapon na iba iyong kulay ng vial, iba rin ang laman – .2 lang at saka iisang vaccine ang ibibigay sa kanila. As of now ang na-aprubahan pa lang na may EUA, iyong Emergency Use ay itong brand ng Pfizer.

Kaya isa lang, kaya sana i-ano natin ang mga magulang na dalhin. Kasi ang problema natin kung minsan, ang dahilan may pasok iyung mga… ang dahilan nila ‘may pasok kami, hindi namin madadala iyong bata, puwede bang iba ang magdala.’

Puwede po iba ang magdala kaya nga lang madami ang hinihiling na document, mga items at saka dapat pre ano na iyon… nakapag-register na sila at marami pang dapat pag-usapan sa rollout, kasi kakaiba iyong rollout na ito ng mga bata kaysa sa matatanda.                   

USEC. IGNACIO: Opo. Doc. Atienza, ano po iyong naging tugon ng—go ahead po.

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Kasi po iyong suggestion pa lang po namin iyan, hindi pa namin directly nakakausap ang… kasi po ang nag-aano po naman niyan, ang nagdi-decide po ay IATF, sina Secretary Dizon at Secretary Galvez po at saka ang IATF po. At sinuggest po ng Philippine Medical Association na dati ay nagkaroon tayo ng National Vaccination Day na nakapagbakuna tayo ng 2.7 million. Ngayon po ang kailangan nating bakunahan is mga 12 to 13 million na kabataan na belong to 5 to 11 years old po.      

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, ito po bang mungkahi ninyo na National Vaccination Day for children ay nakarating na po sa kaalaman ng IATF at ng DOH?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Ito po ay na-bring out lang kahapon po doon sa aming forum with the newscasters at saka iyong mga mamamahayag po natin sa TV, print and ad. 

USEC. IGNACIO: Pero Doc, ano daw po iyong dapat isaalang-alang sa pagbabakuna ng mga bata? May specific syringe po ba na dapat gamitin sa kanila at ano daw pong naghahanda iyong mga dapat gawin ng mga ospital at ng mga vaccinators?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Eh katulad pa rin po ng ano, pareho lang po naman iyong ibibigay na bakuna, pati po iyong syringe na gagamitin. Ang iba lang po iyong .2 po, separate naman po iyon, ina-assure naman po ng DOH na iba iyong vial na gagamitin po.

Kaya nga po sinasabi namin na para maiwasan iyong mga agam-agam ng mga magulang, i-separate na lang iyong mga bata ng vaccination centers at saka kung puwede kung Sabado para walang pasok iyong mga magulang para po maengganyo po, mismo iyong magulang ang magsasama, wala pong rason para sabihin na may trabaho, hindi po kami makakapunta. Para iyong lahat ng nandudoon sa area ay puro bata para ma-segregate po at saka mailayo sila sa possibility na magkaroon ng super-spreader kumbaga, may-ano po at saka kapag kinausap. Kasi sa post vaccination may mga lecture pa rin iyan eh, ini-explain kung ano iyong puwedeng maramdaman – puwedeng magkalagnat, puwedeng may pamamaga or masakit iyong pinagturukan – at saka po ibang details na dapat bantayan nila within 24 hours.              

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, Atienza, napag-usapan po ba iyong venue o iyong vaccination center na gagamitin dito sa mga bata? Kasi natatandaan ko doon may mga mungkahi po na dapat malapit sa ospital iyong venue or sa ospital, napag-usapan natin po ba ito?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Alam ko po pag-uusapan pa rin iyan, kasama po iyan at ayon nga po sa sinabi ko kanina, sana para hindi na magdoble-doble, iyong na-screen na, dadalhin pa sa vaccination center katulad po ng ginawa doon sa 11 to 18, may specific ospital na po iyan na dapat pagdalhan, para ang tumulong na iyong mga barangay or iyong mga LGU na sila ang magdala doon sa mga specific na may comorbidity doon sa mga may pediatric hospital po. Katulad nga po kanina sinabi ko na mayroon naman tayo na 120 all over the country na mga training hospitals, puwede pong makatulong sila through the Philippine Pediatric Society.

USEC. IGNACIO: Opo. Pero, paano po kaya iyong assessment na gagawin sa mga bata bago sila bakunahan? Mayroon po ba ng ganito at ano po ba iyong dapat ihanda ng mga magulang bago po bakunahan ang kanilang mga anak?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Katulad po noon may mga ano po, lalo na iyong may mga comorbidities ay mayroon pong form na galing sa DOH na pinipirmahan po naming mga pediatrician.

Pero, kung wala naman pong comorbidities po puwede na silang pumunta sa vaccination area kasama iyong magulang o kaya kung guardian may magpapatunay po na sila iyong guardian ng bata, may mga isina-submit pong mga ID ganoon po at saka pre-determined na po iyon through the LGU. 

USEC. IGNACIO: Opo. Doc., pag-usapan naman po natin ito namang pagtutol ng health and medical sector, including Philippine Medical Association dito sa Vape Bill. Bakit po oppose o hindi kayo sang-ayon sa panukalang ito? 

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Tatlo (3) po ang main reason bakit po ang medical community – kasama po ang Philippine Medical Association specifically po iyong samahan ng mga Internees, iyong PCP at saka iyong PPS po iyong sa mga bata, ang Philippine Pediatric Society – nagdulog po kami ng letter sa Pangulo para i-veto na po ang panukala na ito. Kasi, sa tingin po namin ang panukalang ito ay anti-youth, anti-children and anti-health. Bakit po?

Sa tatlo pong reason pinababa po ng bill na ito ang paggamit ng vape o e-cigarette among 21 ibinaba po sa 18. Napakalaking porsiyento po iyan ng kabataan, ang bilang po na ganiyan. Then ito pong nadagdagan po iyong 2 lang flavors na naging 11 flavors at saka po ang regulasyon ay dadaan na po sa DTI or Department of Trade and Industry rather than po sa kinaugalian natin na dumadaan po ito sa FDA. 

Dapat po ang FDA ang magri-recommend doon sa gadget para iyong gadget mismo ang iaano po ng DTI hindi po sila mismo ang magri-regulate. Kasi, sinabi po nga ng FDA, na ito pong vape na ito ay may mga chemicals na pumapasok through inhalation sa katawan ng gumagamit nito. Ito po ay dapat sa FDA, sa Food and Drug Administration, ang gamot, pagkain o ano po na makakaapekto sa katawan ng tao ay dapat po sa FDA lang ang nagri-regulate niyan.

At sinabi po na mayroon na po tayo dating Republic Act na 11467 na nagsasaad po ng regulasyon at saka iyong EO 106. Kaya, ang kailangan na lang po natin sana ay ito na lang muna ang ipagpatuloy at kailangan na lang ay more on police power na ibigay sa FDA para further ma-regulate nila. Kasi ang problema po ngayon kahit na may RA, tayo na nagri-regulate, kaya alam ko na talamak pa rin ang nagtitinda ng mga vape sa mga malls kahit po sa tapat ng mga eskuwelahan nandidiyan pa rin po.

At pinaninindigan po natin na marami pong maiengganyo dito kasi iyong mga vape po ngayon ay nakakaengganyo kasi iyong hitsura tapos iyong more on sa advertisement. Naiengganyo iyong hindi nagsisigarilyo ay mapipilitang gumamit ng vape.

Ang ano lang po ng vape ay para iyong mga naninigarilyo ay lumipat sa vape. Pero, sabi nga po natin iyong vape mismo ay mayroon pa rin mga nicotine at saka po worse na iyon ay sa pagkain na hindi natin alam kung ano ang epekto pag-inhale iyong mga flavors na iyon. 

USEC. IGNACIO: Opo. Doc Atienza, kasi ang depensa po ng iba kasi makakatulong daw po ito para mas mapadali sa mga smokers na tumigil sa paninigarilyo. Ano naman po ang masasabi ninyo dito?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Eh kasi alam nga, actually sinabi ko kanina wala naman pong problema kahit doon sa naninigarilyo lumipat sa vape, hindi ba? Ang problema natin mas dadami ang maninigarilyo kasi naiengganyo silang gumamit nito. Kasi, iyong availability tapos po iyong aged na ano – ito po iyong critical – sa mga age na mga 18 to 21.

Kasi mga batang mahilig pa iyan doon sa mga [pasiklaban], kasi nagiging social status iyong vape ganoon, para kainggitan. Parang iyong cellphone eh kapag ‘ika nga ano ka- nagiging addictive at saka nakita nila ayan nasa picture natin pausukan, paanuhan eh.

Paano naman po iyong hindi naninigarilyo na sa usok pa lang ay maa-allergy na iyong mga katabi niya, hindi ba? At during this pandemic, hindi ba, magbi-vape ka wala kang mask, tatanggalin mo iyong mask kasi magbi-vape ka. Isang transmission iyan ng infection.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc, may tanong po ang ating kasamahan sa media. Mula po kay Mela Lesmoras ng PTV at tanong din po ni Jena Balaoro ng GMA News: May mga humihingi po na ibaba na sa Alert Level 2 ang NCR pagsapit ng Pebrero, pabor po ba kayo dito? Kakayanin ba ng health care system natin kahit muli na nga magluwag ng mga patakaran daw po ang IATF?

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Ayon nga po ang sinasabi natin masyadong maaga tayo. Sana ay hindi matulad po, early iyong pagbaba ng alert level bago mag-Christmas at mag-New Year. Ang pagtanggal ng alerto po ay talagang ang mga tao ay para na silang walang pakundangan na makahawa at mahawa kasi dikit-dikit ang mga tao.

Kasi, kahit sinabi po namin noong una pa lang na kahit anong alert level ang gawin natin kung hindi naman nasusunod iyong patakaran ay ganoon pa rin ang mangyayari. Katulad ng palagi naming ini-emphasize, kahit anong alert level iyan tapos iyong minimum health protocol ang gamitin, ang pagsikapan nating mapatupad – iyong pagsusuot ng mask, paghugas ng kamay o kaya mag-alcohol po tayo, i-check po natin iyong mga tirahan natin kung nagtatagal tayo sa loob o pumunta tayo sa isang opisina na aircon na matagal po ang exposure ninyo doon at saka po itong sinasabi nating social distancing na 1 to 2 meter at least – sana ay nasusunod po.

Lalo po iyong pagkain natin lalo na sa mga opisina, sa mga ano po na sabay-sabay kumain na nagkukuwentuhan. Ito po iyong most common cause of spreading this virus kasi nga po airborne siya. Kasi, dapat iyong may tamang flow ng hangin doon sa inyong tinitirhan o opisina, iyan po dapat ang masunod. At sabi nga po natin basta nagbaba tayo ng alert ay dumadami na naman. 

Pero ang ano lang, ang importante pa rin is magpabakuna tayo kasi kahit tayo mahawa ay mild to moderate lang ang puwedeng [kahihinatnan] natin at kahit iyong iba nga walang sintomas at inaano po natin sa ating mga kababayan na kahit po ay mga doctor na may bakuna ay nagkakaroon po ng mild symptoms at sila ay nag-a-isolate.

Kaya po, once na dumadami po ang COVID, ang una pong naapektuhan diyan ay mga health care workers natin. Dati, noong unang surge po nitong unang linggo ng January at last week po ng December ay dumami. Kaya po, nahirapan ang mga hospital kasi nali-limit po iyong admission nila kasi kulang po sila ng staff kasi nagpa-positive po sila sa RT-PCR at they need to be isolated for 5 to 7 days. At saka po iyong mga na-expose na walang sintomas ay nagku-quarantine po. Ito po ang dapat iwasan natin, kahit anong level iyan dapat sumunod po ang tao.

USEC. IGNACIO: Opo. Doc Atienza, may tanong po si Kat Domingo ng ABS-CBN: Gaano daw po ka-importante ang DOH guidelines for self-testing? Ano po ang nakikita sa guidelines kasama na po ang kung saan ibabato iyong daw pong resulta ng home antigen kits? 

PMA PRESIDENT DR. ATIENZA: Actually, ako po ay naglista nang lahat ng iyan kanina diyan sa chat box. Iyan nga po ang pinaalala po natin, kasi dapat sa ating mga mamamayan iyong gagamitin natin ay iyong ano po ng DOH at kung ire-report po natin, sana po iyong iri-report natin na nag-positive ay iyong under po. Baka mamaya po mayroon po tayo – as medical technologist po o kaya iyong naggagawa ng mga test – may mga ano po tayo kasi, puwede maging na depende sa pagkakagawa at saka iyong instructions na sinunod mo kaya [maaaring] magpu-false positive or magpu-false negative.

At saka pinag-usapan po natin noon na dapat iyong Antigen test ay kasama na rin sa daily na ano po ng ating IATF, na iri-report everyday sa DOH po.

Dapat po coordinated ninyo sa ating mga local health unit lalo na sa ating mga centers kung kayo ay nag-positive or nag-negative para makapag-isolate po kayo. at saka po doon sa ano naman, kung na-expose po kayo at saka po doon sa ano naman, kung na-expose po kayo ay kailangan po nating mag-quarantine. Huwag na po nating hintayin na makahawa pa tayo para sigurado po. At saka kung pupunta kayo ng—sasakay kayo ng mga sasakyan, dapat maging ano po tayo, alerto na, “Ay na ano po ako…” Ikaw na ang mag-isolate sa iyong sarili kung inuubo ka—sinisipon, inuubo… huwag mo nang hintayin iyong antigen test, mag-isolate ka na para sigurado. Kasi kahit maging flu ‘yan, maging COVID, makakahawa ka kasi may symptoms ka – bakunado ka o hindi.

USEC. IGNACIO: Dr. Atienza, kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagsama sa amin ngayong umaga. Dr. Benito Atienza, ang Pangulo po ng Philippine Medical Association.

Samantala, munisipalidad ng Pateros may drive-thru vaccination na rin kontra COVID-19. Hindi lamang ang mga nakakotse ang puwedeng magpabakuna dito dahil puwede rin kahit anong—kahit ang mga nakasakay sa tricycle. Ang update doon, alamin natin mula kay Cleizl Pardilla:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyong report, Cleizl Pardilla.

Sa harap naman po ng mataas na bilang ng mild COVID-19 case na nagpapagaling sa kanilang sa sariling tahanan, nagbigay ng donasyon ang isang organisasyon ng COVID-19 home care kits para sa mga apektadong residente sa Metro Manila. Ang ulat mula kay Patrick de Jesus:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, Patrick de Jesus.

Nakatakda namang simulan ngayong linggo ang ‘Resbakuna sa Botika’ sa labas ng Metro Manila at kasabay ng pagpapalawig pa ng programang ito ang suhestiyon naman ni Senator Bong Go na bigyan din ng incentives ang mga pharmacist na magsisilbing vaccinators. Narito ang report:

[VTR]

USEC. IGNACIO: Alamin naman po natin ang mga balitang nakalap ng Philippine Broadcasting Service. [Garbled] po natin si John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat sa iyo, John Mogol ng PBS-Radyo Pilipinas.

Paalala naman po sa ilang customer ng Maynilad, laging maging handa dahil posible daw pong ma-extend hanggang February 15 ang inyong nararanasang water interruption. Ang bagay na ito na idinadaing ng mga apektadong residente, iniimbestigahan na rin po ng MWSS Regulatory Office. May ulat mula kay Cleizl Pardilla:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Puspusan ang pag-imbita at panawagan ng Baguio City School of Arts and Trades na samantalahin ang free trainings at scholarship program ng gobyerno. Karagdagang detalye mula kay Eddie Carta ng PTV-Cordillera:

[NEWS REPORT]

USEC. IGNACIO: Maraming salamat po sa ating mga partner agency para sa kanilang suporta sa ating programa at maging ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas o KBP.

Pero bago po kami magpaalam ay nais rin po naming batiin ng Happy Birthday ang isa po natin sa atin pong coordinators na si Ate Vivian Yares (?)  at isa rin po sa studio writers natin na si Chacha Bantog(?)  at ang Admin Assistant na si Ed Tarasona(?) Happy birthday po sa inyo, bukas ay nandiyan kami sa Channel 4, sana maramdaman namin—joke lang.

Maraming salamat po sa inyong pagtutok sa atin ngayong umaga. Hanggang bukas pong muli, ako po ang inyong lingkod Usec. Rocky Ignacio at ito ang Public Briefing #LagingHandaPH!

 

###  

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)