Press Briefing

Panel discussion of PCO Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro with Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Nicolas Torre III, Fepartment of Justice (DOJ)Undersecretary Nicholas Felix Ty and Philippine National Police (PNP) Spokesperson Brigadier General Jean Fajardo March 13, 2025


Event PCO Panel Discussion with CIDG, DOJ & PNP
Location New Executive Building, Malacañang, Manila

PCO USEC. CASTRO: Magandang araw Pilipinas.

Napagkasunduan po namin na kami ay magpahayag ng aming mga statements dahil marami pong naglalabasang iba’t ibang kuro-kuro, iba’t ibang opinyon. Mas nanaisin po namin na manggaling sa amin kung ano ba ang katotohanan para po ang mga kababayan natin, ang taumbayan ay hindi malito sa kasalukuyang isyu patungkol po dito sa kaso po na kinakaharap po ng dating Pangulong Duterte.

Makakasama po natin ngayong araw si CIDG Director Major General Nicolas Torre III. Good afternoon, sir.

PMGEN. TORRE III: Good afternoon, ma’am.

PCO USEC. CASTRO: And by the way, happy birthday—belated happy birthday noong March 11.

PMGEN. TORRE III: Salamat, ma’am.

PCO USEC. CASTRO: And, of course, makakasama din po natin si DOJ Usec. Nicholas Felix Ty.

DOJ USEC. TY: Good afternoon, Usec. Claire.

PCO USEC. CASTRO: Good afternoon po. And, Police Brigadier General Jean Fajardo.

PBGEN. FAJARDO: Magandang araw po, ma’am, at sa mga kasamahan po natin sa media.

PCO USEC. CASTRO: Yes. Of course, kailangan natin pong maituwid ang mga iba’t ibang haka-haka dahil kung hindi po natin ito maitutuwid at mapapaliwanag nang maayos, mismong taumbayan ay hindi nila malalaman ano ba ang nangyayari sa bayan natin especially patungkol dito sa sitwasyon na ito.

Marami nang pinag-uusapan tungkol sa jurisdiction ng ICC, ito po’y matagal na rin pong naipahayag sa pamamagitan po ng naging desisyon ng Supreme Court. Hayaan ninyo po akong basahin ang sinabi po ng Supreme Court and I quote: “A state party withdrawing from the Rome Statute must still comply with its provision, Article 1272 that states: A state shall not discharge by reason of its withdrawal from the obligations arising from this statute while it was a party to the statute. Even if it has deposited the instrument of withdrawal, it shall not be discharged from any criminal proceedings. Whatever process was already initiated before the International Criminal Court obliges the state to cooperate.”

At kung inyo pong matatandaan, noong November 2021, panahon pa po ito ni dating Pangulong Duterte, humiling po ang gobyerno po under the administration or under the leadership of former President Duterte, humingi po sila sa ICC prosecutor to defer investigation claiming that national authorities had begun their own investigation into cases of extrajudicial killings attributed to the police during drug war operations. Upon receipt of the request, the prosecutor temporarily suspended the investigative activities pending his assessment of the request.

So, in other words, mismong panahon po ni dating Pangulong Duterte, humiling po sila sa ICC prosecutor na ipahinto muna pansamantala iyong kanilang pag-iimbestiga. Kung tutuusin, mayroon silang voluntary appearance sa nasabing korte. Kaya lang noong June 2022, hindi pa po siguro nagkakaroon ng inauguration ang Pangulong Marcos, the court’s current Prosecutor Karim Khan asked the ICC judges for authorization to resume his investigation kasi wala pong nakita sa substansiya or mga tamang pamamalakad para po maituloy ang pag-iimbestiga dito locally kaya po minabuting ituloy ang pag-iimbestiga ng ICC.

So, doon na po tayo pupunta at doon nga po, nagkaroon na po ng warrant of arrest at sinasabi nga po rito that the chamber finds reasonable ground to believe that Mr. Duterte is individually responsible for the crime against humanity of murder, of the statute as an indirect co-perpetrator within the meaning of Article 253A of the statute committed during the relevant period. So, ang pag-uusapan na po natin ay iyong warrant of arrest dahil marami po ang kumukuwestiyon kung mayroon bang valid warrant of arrest.

So, tanungin po muna natin si General Nick.

Sir, noong natanggap po ang warrant of arrest ng PCTC (Philippine Center on Transnational Crime), ano na po ang sumunod na pangyayari na umabot na sa inyo ‘to?

PMGEN. TORRE III: We were requested by PCTC to help implement the warrant of arrest.

PCO USEC. CASTRO: Uhum. So, kanino po ito muna pinadala? Sino po iyong unang nakaalam na humihingi ng assistance iyong PCTC? Ma’am Jean…

PBGEN. FAJARDO: Yes, ma’am. The Chief PNP was informed po ng request po ng PCTC for the PNP to extend police assistance po and the Chief PNP directed po the CIDG under the leadership of General Torre to provide security assistance po sa PCTC.

PCO USEC. CASTRO: Ano po iyong detalye ng supposed to be ‘task’ na gagawin ninyo para malaman po nila?

PBGEN. FAJARDO: Ang PNP po, ma’am, ay limited lamang po sa pagpu-provide po ng security doon po sa mga mag-i-implement po noong warrant through the Interpol mechanism po. So, kaya nandoon po iyong PCTC and, in fact, it was the PCTC Executive Director po ang nag-inform po sa atin pong dating Pangulo at nandoon po iyong mga prosecutor po ng DOJ at ang PNP in the person of Gen. Torre po was there to provide security po.

PCO USEC. CASTRO: So, ngayon sabi ninyo po ay magpu-provide din po kayo ng assistance sa PCTC, sa Interpol, saka sa DOJ. Usec. Nick, ano po iyong naging papel po ninyo at that time na isi-serve iyong warrant of arrest kay dating Pangulong Duterte?

DOJ USEC. TY: Sa kampo ng DOJ, nalaman namin iyong notice sa PCTC through the Bureau of Immigration kasi iyong PCTC, idi-diffuse niya iyon o ikakalat niya sa mga iba-ibang law enforcement agencies natin na may ganoong notice ‘no, notice for the warrant of arrest. Alam natin sa DOJ, may dalawang LEAs ‘no – ang BI at ang NBI. BI ang nag-inform sa amin na may ganitong request tapos—so may mga representatives mula sa BI at sa DOJ na nagpunta sa BI, si Commissioner Viado mismo nagpunta pa sa DOJ; nandoon ako at si Prosecutor General Fadullon.

Ang naging papel ng DOJ doon ay kami ang naging competent authority ‘no or competent judicial authority upang saksihan ang buong pagpatupad ng warrant of arrest at siguraduhin na sumusunod ito doon sa mga kinakailangan ng ICC upang properly ma-deliver si PRRD sa kanila.

PCO USEC. CASTRO: Okay. Gen. Torre, Gen. Nick, sinasabi kasi nila especially I will refer this to the situation of Atty. Bello – hindi daw niya nakita iyong warrant of arrest. Ano pong masasabi ninyo doon? May violation ba doon dahil hindi raw niya nakita personal iyong warrant of arrest?

PMGEN. TORRE III: I think, Atty. Bello is not in the scene during all this time, ma’am so talagang hindi niya makikita.

DOJ USEC. TY: May idagdag lang ako ‘no. Tama si Gen. Torre, wala si Atty. Bello mismo doon noong pinatupad namin iyong warrant. Nakita ko siya doon sa VIP lounge ‘no na kahit papaano nakapasok siya doon ano pero iyong pumunta na kami doon sa tube upang ipatupad, wala siya doon. At doon naman sa tube ‘no, iyong hiningi ng kampo ni PRRD iyong kopya ng warrant of arrest ay nakapakita kami at naka-share kami sa kanila ng electronic copy noong warrant of arrest.

PCO USEC. CASTRO: Oo. So, in other words, hindi naman—wala naman tayong obligasyon na bigyan siya ng warrant of arrest, unang-una dahil hindi naman siya iyong suspect at pangalawa, wala siya doon, okay. So, in other words, eh sabi niya magiging lawyer daw siya, dapat nandudoon daw siya o binigyan siya. Anong masasabi ninyo po?

DOJ USEC. TY: May tatlong abogado sa scene si PRRD ‘no – nandoon ang dating Executive Secretary, si Salvador Medialdea; nandoon ang kaniyang misis na abogado din; at nandoon din—at eventually ‘no noong lumipat na kami sa Villamor, nandoon so Atty. Delgra.

PCO USEC. CASTRO: Sir, misis po ni?

DOJ USEC. TY: Ni ES Medialdea.

PCO USEC. CASTRO: So, bale tatlo po iyong kasama na na lawyer.

DOJ USEC. TY: Eventually doon sa—dalawa muna sa ano, sa tube – iyong mag-asawa muna.

PCO USEC. CASTRO: Okay. So, iyong kaniyang rights naman as a suspect, hindi naman siya na-deprive?

DOJ USEC. TY: Ah, hindi na-deprive. In fact, gusto na nga namin ibasa iyong Miranda Rights niya doon sa tube pero nakiusap iyong mga abogado niya na huwag muna. Kaya iyong naging pasya ay ilipat siya sa mas secure na area which is eventually sa Villamor Airbase at doon na namin—after binigyan sila ng pagkakataon na magpahinga, doon binasa ni Gen. Torre iyong Miranda Rights niya.

PCO USEC. CASTRO: Oo. So balikan natin, sir. Noong sini-serve po iyong warrant of arrest, ano po iyong pinakasitwasyon? Nagkagulo ba? Maayos ba? Papaano po? Paki-describe po sa amin.

PMGEN. TORRE III: Well, sa lahat naman pong stage noong service ng warrant ay okay lang naman, everyone is calm, everyone was just expressing their—each one is expressing his own opinion pero at the end of the day, we insisted na sumama siya sa amin dahil siya ay inaaresto namin.

PCO USEC. CASTRO: At that time po ba naka-wheelchair ang dating Pangulong Duterte or normal naman po siyang maglakad?

DIR. MAJ. GEN. TORRE III: He was offered a wheelchair but he declined, so ang wheelchair niya ay ginamit ni ES Medialdea.

PCO USEC. CASTRO: So, physically ang condition po ni dating Pangulong Duterte at that time ay mukhang maayos naman po?

DIR. MAJ. GEN. TORRE III: Maayos, ma’am. Maayos until the end, until hanggang sa ngayon, hanggang sa kagabi noong siya ay ni-receive ng ICC he is fine and actually bago bumaba sa plane he made a video nandiyan naman iyan sa social media, he says that he is fine.

PCO USEC. CASTRO: Okay. Kay General Jean naman po, medyo inaano kayo ha sinasabi umiiwas daw kayo sa tanong ni Senator Bong Go – papaano ninyo po ba ito sasagutin?

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: Ganito po kasi, ma’am, iyong nangyari noon, ma’am: Noong maisakay na po at lilipat sila sa Villamor susunod po sina Chief PNP, I was supposed to board po iyong sasakyan po ni Chief PNP at paalis na po kaso nasara iyong pinto ng van, umaandar na po iyong sasakyan niya, humahabol po ako, hindi ko po iniiwasan with due respect po kay Senator Bong Go kung na-offend po siya, pasensiya na po pero there was no intention on my part na takbuhan siya. It so happened na hinahabol ko po iyong convoy kaya po tumakbo po ako palayo po doon sa direksiyon po nila.

PCO USEC. CASTRO: So, from there, sa airport, dinala siya sa Villamor Air Base?

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: Tama oo, ma’am.

PCO USEC. CASTRO: Noong nakapasok na siya at dinala siya sa Villamor Air Base, General Torre, paki-describe kasi kanina may kinukuwento po kayo na naging relaxed naman yata ang Pangulo at umupo siya sa kaniyang… sa silya ng Pangulo – paki-describe nga po iyon.

PM GEN. TORRE III: Well, ang particular place kasi sa Villamor is the 250TH Presidential Airlift Wing, iyon po ang lounge ng Presidente ng Pilipinas at doon ho rin siya noong siya ang presidente doon siya naupo sa same seat na para sa ngayong presidente. Pinagbigyan po naming, pati po ang kaniyang mga kasamahan; they were there in the most comfortable lounge arguably sa kahit na anong airport natin sa buong Pilipinas.

PCO USEC. CASTRO: Ilan po ang kasama sa loob po nitong lounge na ito?

PM GEN. TORRE III: Hindi na po namin nabilang sa ngayon. I’ll give you the exact…hindi ko lang po nakita, ma’am, sa buong accounting namin.

PCO USEC. CASTRO: Pero iyong natatandaan ninyo po sino po iyong nakasama ni dating Pangulong Duterte sa lounge?

PM GEN. TORRE III: Aside from former PRRD nandoon po si Honeylet, iyong anak niyang si Kitty, nandoon ang mag-asawang Medialdea, nandoon si Atty. Delgra, nandoon ang tatlong retired generals at ang kanilang mga spouses, tapos may mga several people pa kasi puno ho ang lounge eh napakarami po nila – puno ho sila sa isang coaster nang dinala namin sila mula doon exit gate ng NAIA hanggang sa lounge ay nasa bus po sila ng PNP sa coaster po, puno po.

PCO USEC. CASTRO: Ang nakuwento ninyo rin po kanina parang dapat na umalalay, tama po ba ako, eh mga kababaihan na kapulisan natin?

PM GEN. TORRE III: From start to finish not one of our people PRRD, I didn’t allow it. The only people who touch him are his bodyguards, nandoon ho si Romy iyong bodyguard niyang sundalo, may dalawa pang bodyguard na ito talaga iyong umaalalay sa kaniya si Romy plus ang isang personal nurse na isang pulis, then may isa pa pong sundalo na bodyguard na lalaki at isa pang pulis na bodyguard na lalaki. So, iyon lang po ang mga taong humahawak sa kaniya diretso aside from his family and parts of his entourage. Wala po sa mga pulis at hindi po namin hinawakan kailanman si PRRD.

PCO USEC. CASTRO: Totoo po ba na iyong mga nag-implement po nito ay nagsuot po kayo ng body camera?

PM GEN. TORRE III: Mayroon po tayong mga body camera, ma’am, kumpleto po tayo, more than enough ang body camera and also the alternative recording devices na record po namin pati mga cellphones, pati rin po sila may mga cellphones po wala po tayong dineprive doon.

PCO USEC. CASTRO: So, doon po na sa panahon na siya po ay nasa Villamor Air Base, nandoon po siya sa lounge – papaano naman po iyong kaniyang pagkain kasi parang nababalitaan natin eh na-deprive ng pagkain kaya kailangan magdala ng pizza itong si Senator Bong Go? Paki-describe nga po ang sitwasyon doon.

PM GEN. TORRE III: Wala pong deprivation at any moment ng kanilang right to food and water in fact, dini-deliver pa nga namin and they are just the one declining na lang dahil sobra naman ang pagkain talaga, sobra namang dami. At may delivery sila, may pa-deliver sila, may pabigay din kami. So, there’s really no problem at hindi po tama ang contention na dineprive [deprive] namin ng food.

PCO USEC. CASTRO: So, nakapasok naman po iyong isang box noong pizza na pinabili ni Senator Bong Go?

PM GEN. TORRE III: Hindi ko na po nakita iyong pizza na iyon pero napakarami po talaga ng pagkain eh part ng birthday ko na rin siguro celebration.

PCO USEC. CASTRO: Nagsi-celebrate. Anyway, iyong naging kondisyon po ba ni dating Pangulong Duterte tumaas po ba iyong sugar level niya, bumaba? Anong mayroon o wala?

PM GEN. TORRE III: Sa buong time po na nandoon kami sa holding area ay mayroon pong PNP doctor, dumating ang kaniyang mga personal doctors, may mga nurses galing sa PNP, at dumating din ang chief ng hospital ng Villamor Air Base Hospital. So, may doctor doon dalawa, may isang galing sa kanila, isa sa Air Force, mayroong surgeon, may isang ang pagkaalam ko is GP at maraming mga nurses. So, medical personnel pati ang kaniyang personal doctor ay nakarating po.

PCO USEC. CASTRO: Okay. So, in other words lahat ng medical needs na kailangan ni dating Pangulo Duterte ay accessible naman sa kaniya, maa-access niya kaagad, makukuha niya agad kung kinakailangan?

PM GEN. TORRE III: Opo.

PCO USEC. CASTRO: Kasi sinasabi parang nag-oxygen na ba siya, may picture na pinakita na siya ay nakahiga. Ano po ba iyong tubong nakalagay sa kaniyang ilong kung inyo pong alam?

PM GEN. TORRE III: Well, noong dumating ang time na sinabi niyang napapagod siya, gusto niyang humiga, we provided him with…kasi bedroom niya rin dati iyon eh so binigyan natin siya ng foam, binigyan natin siya ng kumot at nilagyan natin ng mga blinders iyong area na puwede siyang matulog and he actually slept. He’s asleep from the whole time kaya nga noong hapon na, noong sinasabi kong matagal na masyado ang usapan ninyo ng inyong mga abogado mismong ang mga abogado ang nagsabi na, “Paano kaming makapag-usap, tulog siya,” that’s already you know pang-stretch niya lang talaga, another blockade para ma-justify na hindi siya maisakay sa eroplano.

PCO USEC. CASTRO: Parang may delaying tactics ba?

PM GEN. TORRE III: Delaying tactics na lang talaga iyon, ma’am. Pero at the end of the day there’s no deprivation whatsoever of legal counsel and iyong mga medicine niya, food niya – wala po iyon at naibigay natin ang lahat ng iyon. Ang medical needs niya actually sobra-sobra pa.

PCO USEC. CASTRO: Pero ‘di ba niri-request niya ay dapat madala daw sa ospital. At that time po, kailangan ba siya talagang dalhin sa ospital?

PM GEN. TORRE III: Ang sagot ko po sa panahong iyon, sinagot ko sa kanila regarding that matter, “Sir, sa ospital ikaw ay i-examine din lang ng mga doktor na ito. Ang mag-iiba lang is ang location pero ang gagawin sa iyo is exactly the same dahil nandito naman lahat ng mga gamit. So, sinasabi nila kailangan nila ng full checkup, ECG – pati ECG machine ipinasok natin, ipinasok ang ECG. Kaya tinanong ko nga siya, “Sir, ngayong araw na ito at this point buong Pilipinas ang dami nang hinuli na mga nagkasala sa batas, naaresto by virtue of a warrant, warrantless arrest at implementation ng search warrant. Tanungin kita, sir, ilan sa kanila ang dinala sa Presidential Lounge, dinalhan pa ng booking kit kung saan siya ay very comfortable na nakaupo? Kayo lang po, sir, ang special treatment na ito. So, don’t stretch it. Kailangan natin na booking ka,” na until the end ay hindi siya pumayag.

PCO USEC. CASTRO: Sir, nakita natin sa ibang videos, baka iyong mga kababayan natin hindi alam, kayo po ba ay nagbasa ng rights po ni dating Pangulong Duterte?

PM GEN. TORRE III: Binasa ko po ang kaniyang rights, nasa likod ko pa nga para mag-witness ng pagbasa ng rights niya iyong ating prosecutor general.

PCO USEC. CASTRO: Okay. So, at that time, noong umpisa hindi ko alam kung hanggang saan po, General Torre, may natanggap ba kayong harassment – physical na pangha-harass sa inyo or verbal? May natanggap po ba kayo at that time?

PM GEN. TORRE III: Physical po ay itinulak ako ni Honeylet, tinabig niya ako at malakas ang pagkatabig niya noong nagkasalubong kami sa hallway; nasa video naman minura ako ng kaniyang anak; at mismong si Presidente Duterte ay ni-remind niya ako magri-retire ako at aasuntuhin ako ng kaniyang mga anak at ng kaniyang mga kamag-anak after my retirement even before my retirement – tinreten [threaten] niya ako but everything is okay lang iyan. Makapal ang ating balat at iyan ay kayang-kaya nating palampasin iyan.

PCO USEC. CASTRO: Ma’am Jean, mayroon po tayong ibang miyembro ng kapulisan na nakatanggap din po ng ganitong klaseng harassment? Puwede po ba ninyong ikuwento ito?

PBGEN.FAJARDO: Yes, ma’am. Aside from General Torre, I myself was also subjected to harsh words, kaya lang sabi nga ni General Torre ay maximum tolerance. Sabi ko nga kung mayroon pang mas mataas sa maximum tolerance, iyon po iyong ipinatupad natin. Kahit minura na tayo, dinuro na tayo. In fact, iyong mga pulis natin doon ay pinagmumura rin at pinagsabihan ng masasakit na salita.  At si Miss Honeylet po, ma’am, ay pinukpok pa po sa ulo iyong isang pulis na nag-sustain po ito ng napakalaking bukol po sa sa kaniyang noo po at dinala po sa ospital. Pero in spite of that, ma’am, wala pa rin pong nag-harm sa kanila, wala pong nanakit sa mga pulis natin at hinayaan po na ganoon iyong mga pananalita po nila at aksiyon po nila sa atin.

PCO USEC. CASTRO: Maipapakita ba natin iyong video? Puwede po nating maipakita para mapanood po nating lahat? Ma’am Jean, paki-describe nga po ninyo iyan?

PBGEN.FAJARDO: Iyan po, ma’am, iyong picture po, blinur (blurred) lang po natin ng kaunti po iyong mukha po ng ating babaeng pulis na taga-SAF. Sila po kasi, ma’am, iyong umalalay po doon po kay Miss Honeylet at saka sa kaniyang anak po para itabi po sila pansamantala. Iyan po iyong napakalaking bukol at mayroon po diyan na video na talagang nakita po doon at na-capture po na talagang nakita po doon at na-capture po na pinukpok po ng cellphone ni Miss Honeylet iyong ating pulis po.

PCO USEC. CASTRO: Sa ulo po iyan, pina-CT scan po ba iyan kasi ulo po iyan?

PBGEN.FAJARDO: Dinala po, ma’am. Ayan po iyong video, kitang-kita po kung paano po niya hinampas po. Nakikita po ninyo diyan sa video is itinatabi po sila, kasi po ang haba na po ng panahon na ibinigay sa kanila and it has come to a point po na nagdesisyon po si General Torre na it has to stop. Kailangan na po nating kumpletuhin iyong proseso, kaya ang ginawa po ng mga pulis po natin, itinabi po si Miss Honeylet at saka iyong anak po niya para makuha na po natin si dating Pangulo po at madala po sa bus po.

PCO USEC. CASTRO: Pero nakikita po natin doon sa video, parang moving forward itong si Kitty, iyong anak, saan siya papunta noon? Parang pumipilit siyang pumunta paabante? Saan po siya papunta niyan?

PBGEN.FAJARDO: Gusto po nilang bumalik, ma’am, doon po sa area kung nasaan po iyong ating dating Pangulo po.

PCO USEC. CASTRO: So, iyong mga kapulisan natin parang hinaharangan na lang sila?

PBGEN.FAJARDO: Opo. Niri-restrain po sila, nilalayo po sila at hinaharangan para hindi na po sila bumalik po doon sa area kung saan po nandoon po iyong ating dating Pangulo.

PCO USEC. CASTRO:  Kasi maganda pong maipaliwanag iyong sitwasyon na iyan, kasi po baka magkaroon ng ibang kuwento at sabihin na naha-harass sila. Iyon pala, sila po iyong moving forward, going forward para po puntahan muli ang dating Pangulong Duterte?

PBGEN.FAJARDO: Yes po, ma’am, yes po.

PCO USEC. CASTRO: Okay, so after that, noong okay na po iyong sitwasyon ni dating Pangulong Duterte. Physically, okay naman po iyong kaniyang kundisyon, papaano po ninyo siya naisakay sa aircraft?

PMGEN. TORRE III: Well, ang tingin ko, ang turning point talaga doon is noong time na talagang humaharang si ES Medialdea at binigyan ko siya ng warning na talaga “sir, tapos na ito, kanina pa ang usapan, kaya sumakay ka na muna sa eroplano, kayo sa eroplano at saka na natin pag-usapan ang iba pa sa husgado na”. So, nag-insist si ES Medialdea, dared me to arrest him and I did. So, binasahan ko siya ng kaniyang karapatan, in-arrest ko siya for PD 1829 at pinosasan ko siya, kaya noong hinila ko na siya palabas, palayo na nakaposas ay, siguro nakita ni PRRD na seryoso ako at hindi tayo patatalo and we do believe na talagang the majesty of the law has to  reign supreme, dapat masunod ang batas.

PCO USEC. CASTRO: Pero, sir, nakita ko po sa video, parang binabasahan ba ninyo siya or sinasabihin rin ninyo siya ng kaniyang rights?

PMGEN. TORRE III: Winarningan ko muna si ES Medialdea, “sir, kapag hindi ka pa umalis diyan, hindi matatapos ito, dahil diyan, aarestuhin na kita ng obstruction of justice under PD 1829”. And he dared me! So, I read him his rights and asked him if he understood his rights and when he said na na-affirm niya, naintindihan niya, ‘sir, you are under arrest for PD 1829, halika na, sir, so pinosasan po at inalis. Noong makita ni PRRD iyon, kasi bumalik uli ako na inilagay ko siya sa bus, dala ko uli ang posas, sabi ko, sir, ito ang kasunod, susunduin ko sana si Atty. Delgra, pero umalis naman na sila at sumama na si PRRD.

PCO USEC. CASTRO: So, in other words, sir, sabi nga po ni Ma’am Jean, maximum tolerance iyong ginawa ninyo. So, ilang oras po ba at nagtagal po talaga iyong pagsampa sa kaniya, pagdala sa eroplano po ng dating Pangulong Duterte?

PMGEN. TORRE III: Twelve hours, ma’am.

PCO USEC. CASTRO: Twelve hours, ganoon din kayo katiyaga? Ganoon din katiyaga ang miyembro ng kapulisan?

PMGEN. TORRE III: Sabi ni General Fajardo, more than the maximum of the maximum tolerance.

PCO USEC. CASTRO: So, noong naisampa na, sabi po, ito po, isang sandwich lang daw ang pinakain sa dating Pangulong Duterte habang nasa biyahe?

PMGEN. TORRE III: Palagay ko, ma’am, babawiin na nila iyan kapag maalala nila na marami palang cellphone video doon. Kasi sa totoo lang, pati sa eroplano, may video na kumakain talaga si former PRRD ng full meal, full meal talaga. Babawiin nila iyan, ma’am!

PCO USEC. CASTRO: So in other words, iyong mga ganitong klaseng naratibo, ano ito? Para maging negatibo lang ang pagpapa-implement ng warrant of arrest at saka iyong the whole operation?

PMGEN. TORRE III: Wala na akong makitang ibang rason, ma’am, para ilabas nila iyan. Pero at the end of the day, it will be their word against our cellphone videos.

PCO USEC. CASTRO: And at the same time, sabi nga po ninyo kanina, maganda naman ang kondisyon ni dating Pangulong Duterte, nakarating na po sa Netherlands.

PMGEN. TORRE III: Kaya nga, ma’am, so we have now the benefit of a 20/20 hindsight, mismong ang doktor doon ng ICC ang nagsasabi na ‘he’s fit and he is okay’ and mismong siya mismo, bago siya bumaba sa eroplano, gumawa siya ng video, ipinadala niya sa pamilya niya at ipinost ng pamilya niya, sinasabing “I’m okay”.

PCO USEC. CASTRO: Ilan po pala iyong kasama ni dating Pangulong Duterte sa kaniyang trip?

PBGEN.FAJARDO: Ang kasama po niya, ma’am, iyong kaniyang close-in security, iyong kaniya pong personal nurse, si Atty. Medialdea. Sa part po ng government po ay may dalawang doktor po na kasama, dalawang CIDG po at iyong representative po ng PCTC po, mismong si Ambassador Lacanilao po ang kasama.

PCO USEC. CASTRO: Teka lang po, at that time, siyempre wala namang visa si Atty. Medialdea or former ES? Papaano po, papaano po siyang napayagan na sumama pa kay dating Pangulong Duterte?

PBGEN.FAJARDO: Actually, ma’am, silang lahat walang visa, kaya lang tumulong po iyong Philippine Embassy po natin sa Netherlands para i-process po iyong mga karampatang visa, pati po iyong kanilang mga appropriate clothing po ay prinovide po ng Philippine Embassy, dahil malamig po doon. So, pagdating po nila doon, inasikaso po kaagad sila ng kanilang pangangailangan po, including po iyong pag-process po ng mga temporary visa po nila, iyong Philippine Embassy po natin ang tumulong doon.

PCO USEC. CASTRO: Okay, so maski na si ES po, na-provide po siya ng mga tamang kasuotan, dahil nga sa napakalamig na klima.

PBGEN.FAJARDO: Lahat po sila, ma’am.

PCO USEC. CASTRO: Yes, General?

PMGEN. TORRE III: We will release the pictures pala, ma’am sa inyo – pati toothbrush, toothpaste at mouthwash mayroon.

PBGEN.FAJARDO: So, huwag po tayo maniwala doon sa sinasabi na na-deprive po ang dating Pangulong Duterte ng kaniyang mga karapatan dahil ang bansa mismo, ang gobyerno po natin ay tumulong po sa kanila.

Okay, balik naman po tayo ngayon kay Usec. Nicholas. Usec. Nicholas, may isyu. Bakit daw nag-violate ng pagpapa-implement ng Rome Statute na Section 59? Paki-explain nga po sa taumbayan, ano ba itong sinasabi nilang Section 59 ng Rome Statute?

DOJ USEC. TY: Unang-una isang malaking pagbabaliktad doon sa posisyon nila iyan ‘no, dahil habang ipinapatupad   namin iyong warrant of arrest, sinasabi nila na wala na tayo sa Rome Statute, wala na tayo sa ICC, dapat hindi gamitin iyong mga probisyon ng ICC ng Rome Statute. Ngayon, dahil convenient ay biglang ginagamit. Pero, sa amin naman ‘no, may nakalagay doon sa Article 59 na dapat may competent authority, competent judicial authority na magsasabi, na magpapatunay na iyong subject ng warrant of arrest ay si PRRD, pangalawa na iyong dumaan sa proseso iyong pagpatupad ng warrant of arrest sa kaniya at pangatlo, na ginalang lahat ng mga karapatan niya habang ipinapatupad iyong warrant of arrest.

Ang nagsilbi bilang competent authority dito ay kami ‘no, ang Department of Justice at in fact, iyong Prosecutor General natin napirmahan na niya iyong certification at pinadala na natin sa ICC dahil ito ay isa sa kanilang mga requirements bago ma-turnover si PRRD sa kanila. Sa atin, may masama ba na ang DOJ ang nagsilbi bilang competent judicial authority? Walang masama doon kasi unang-una, ang DOJ ay may quasi-judicial functions naman iyan. At isa sa mga quasi-judicial functions ng DOJ ay sabihin o i-determine na kung ang isang arrest ay valid.Magandang halimbawa diyan ay tuwing kami ay nagko-conduct ng inquest tuwing nagko-conduct ng inquest ang mga fiscal natin, ang unang-unang ginagawa nila, bago pa pagpasyahan kung papasagutin iyong respondent ay alamin muna kung valid iyong pag-implement ng warrantless arrest. So, ito, wala, walang bago dito ginagawa talaga ng mga fiscal natin ito na sabihin kung tama ang pag-implement ng isang arrest sa tao.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, ang ginamit—okay, sabi nga natin, hindi na tayo miyembro ng Rome Statute, ano po iyong in particular iyong ginamit natin na batas para po maging legal ang pagsisilbi po ng warrant of arrest kay dating Pangulong Duterte?

DOJ USEC. TY: Bukod doon sa atin pagiging member ng Interpol na iyon ang kumbaga naging entry point natin for implementing this warrant of arrest, iyong isang batas na ginagamit natin ay iyong Republic Act 9851, ito iyong Act that Punishes Crimes Against International Humanitarian Law. Kung titingnan ninyo itong batas na ito—ano ito eh, halos katumbas ito ng Rome Statute, iyong mga krimen na pinaparusahan sa batas na ito ay iyong mga krimen din na pinaparusahan sa Rome Statute. Halimbawa iyong war crimes, iyong genocide at iyong crimes against humanity.

Tapos kung titingnan ninyo itong batas na ito, may portion doon na nakalagay na ang Pilipinas ay may option, puwede niyang imbestigahan at i-prosecute ang mga krimen dito sa [unclear] tulad ng crimes against humanity or puwede niyang ipaubaya sa ibang—sa foreign tribunal kung may kaso na nangyayari. At kung ipapaubaya man niya sa ibang korte, ang puwede niyang gawin ay puwede niyang i-deliver ‘no, o i-surrender iyong akusado doon sa korte na iyon at iyon ang ginawa natin dito.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Pero sabi ninyo nga po, para hindi magkaroon ng questions, you still comply?

DOJ USEC. TY: Yes.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Although, hindi tayo dapat na nagko-comply kasi hindi tayo miyembro.

DOJ USEC. TY: Hindi na dapat.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: We still complied para magkaroon ng substantial complaince?

DOJ USEC. TY: Tama, kasi procedure na lang iyan eh, hindi na iyan substantive issue, it’s a procedural issue na kung tatanggapin ng ICC si PRRD kailangan may competent judicial authority na magpatunay na nasundan iyong mga tatlong gusto nila ‘no, at kami, ang DOJ, kami ang nagsilbi bilang competent judicial authority.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, maliwanag na po, kasi nagkakaroon po ng isyu, dapat daw po ay i-consider na illegal iyong pagsisilbi ng warrant of arrest dahil hindi nga daw po nag-comply doon sa Rome Statute na Section 59. Pero pinaliwanag nga po ni Usec. Nikky, (Usec. Ty) na may substantial compliance and at the same time, ang ginamit po nating batas ay ang RA 9851.

Okay, so, sa—may mga katanungan pa rin po sa inyo, unang-una, okay, mula kay Ivan Alvarez ng UNTV: Iyong umiikot sa social media na bagsak ang morale ng mga pulis, General Torre, totoo po ba ito?

CIDG DIR. MAJ. TORRE III: I would refer you to Jean, ipasa kita kay Jean, kasi siya talaga ang kasama noong mga sinasabi nilang umiiyak na pulis, ayan.

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: Iyong kumakalat na sinasabing sympathetic iyong mga pulis natin na umiiyak during the implementation po ng warrant or arrest, hindi po totoo iyon, kung kayo po ay nakapasok po doon sa holding area ay maliit lang po iyon. At sa dami ng entourage nila, sa dami ng mga pulis natin na nandoon, napakainit po noong suot po noong mga SAF natin, naka-camouflage po iyon, nakasumbrero, kahit kami rin po ay basang-basa po ng pawis, so may nakita po, na-capture po doon na parang nagpunas po at nakayuko po, ang sinasabi po nila ay umiiyak po iyong pulis, hindi po totoo iyon. At ang sinasabi nilang mababa po iyong morale ng pulis, hindi rin po totoo iyon. At sa mga lumalabas na mga video, ang pakiusap po natin, huwag po tayong basta-basta maniwala, ang PNP po ay naka-focus po sa pagpapatupad po ng aming mandato.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, parang bakit naman babagsak ang morale considering naging successful naman din po iyong inyong pagpapa-implement ng rule of law at walang naging madugong pangyayari sa nasabing pagsi-serve ng warrant of arrest?

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: Tama po, ma’am, sabi nga natin professional ang ating mga kapulisan, alam nila na naandoon tayo para magpapatupad tayo—magpatupad ng ating mandato at iyon ang ginawa natin, sabi nga natin, mission accomplished kaya mataas ang morale ng pulis natin.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Okay, from Christian Yosores/Radyo 630: On whereabouts ni Senator Bato de Rosa, and police preparation in any eventuality if may ilalabas ding warrant of arrest, kay Senator Bato? Usec.?

DOJ USEC. TY: Ano naman.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Nasaan ba si Senator Bato?

DOJ USEC. TY: Parang nagparamdam ha, nakita ko naman may social media post siya na sinasabi niya hindi siya nagtatago, at ano naman, hintayin na lang natin, kung sakaling lumabas man, ayaw ko naman pangunahan natin iyong ICC ‘no, pero mayroon na tayong modelo ‘no, kung paano natin ipapatupad iyong warrant of arrest laban sa kung sinumang akusado pa doon na magkakaroon ng warrant of arrest.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Pero parang ipinahayag din niya na willing naman yata siyang sumama kay dating Pangulong Duterte. Okay ito po ang tanong: How true that Senator Bato dela Rosa and retired Police Chief Oscar Albayalde will be the next to receive arrest warrant from the International Criminal Court for crimes against humanity regarding their role in the previous administration’s war on drugs?

DOJ USEC. TY: Hindi kami privy kung sino talaga iyong mga—kung anong status ng imbestigasyon sa ICC. But ang alam lang namin, naririnig namin sa mga bali-balita na kasama sila sa mga iniimbestigahan. Kaya iyon na lang, abangan na lang natin kung magkakaroon man ng warrant of arrest laban sa kanila.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: May tanong dito pero parang nasagot na po ni General Torre, in a video posted by former President Duterte’s daughter Kitty Duterte, minura po kayo while performing your duty, may additional pa po ba kayong response?

CIDG DIR. MAJ. TORRE III: As I said, kaya nating palampasin iyon.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Okay, how do you receive or rather perceived this action, and what does step will you take in response, I think kaugnay ito doon sa isang question. Bukod kay dating Pangulong Duterte, and Senator Bato, ilan pong personalities all-in-all iyong kasama sa arrest warrant ng ICC na ipapadaan sa Interpol?

DOJ USEC. TY: Isa lang iyong warrant na lumabas, kay PRRD pa lang.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, wala pang ibang natatanggap na [overlapping]

DOJ USEC. TY: Wala pa, pero kung titingnan natin iyong warrant, may nakalagay doon na—may language doon, nalimutan ko lang kung anong exact language na may mga other individuals na iniimbestigahan.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Are you closely monitoring any movement amid any possible attempt to create a scenario similar to that of people power? How do we deal about that?

CIDG DIR. MAJ. TORRE III: Well, ngayon na, at may directive naman sa amin. You know, all these scenarios are taken care of, at hindi naman nagpapabaya ang PNP regarding that matter. May mga official pronouncement na diyan si General Fajardo.

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: Ang PNP naman po, ma’am, ay laging nagmi-maintain ng proactive measure po natin at kung mayroong mga nagpapahayag po ng kanilang mga saloobin dito sa mga pangyayari po, karapatan po nila iyan, iyan po iyong tinatawag nating freedom of expression po nila, pero hindi po lahat po ng freedom ay absolute po iyan. Ang PNP po ay tinitingnan po at mino-monitor po iyan at nakahanda po tayo sa anuman pong mga mangyayari po at huwag po nating sasabihin na—may mga lumalabas po kasi ngayon, ma’am, na pinipigilan po sila, hindi po. In fact, nagmo-monitor lang po tayo as part po ng ating security monitoring at iyong ating pong mga nakikita po ngayon na mga movement po ng pulis ay niri-relate po nila diyan. Pero sinasabi ko nga po is continuing po, ma’am, iyong ating security preparation for election, so may mga nakikita po tayong mga simulation exercise, iyon lamang po ay bahagi po ng ating patuloy na paghahanda po para sa nalalapit po na election.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: May kasunod po akong tanong, General Jean. There are infos na may sundalo, pulis na nag-resign, because of former President’s arrest, former President Duterte’s arrest, fake news ba ito, ma’am?

PNP SPOKESPERSON BGEN. FAJARDO: May mga nakita na po tayo, ma’am, na fake news po, may nakita na po ang ACG na gumagamit po at nagpapakita at nagpapakilalang mga pulis at sinasabing nag-resign, nagtanong na po tayo sa personnel po natin, wala pa naman po tayong nari-receive na anumang official communication na advising the PNP na magre-resign po sila. So, huwag po tayong basta-basta maniwala po sa mga misinformation at disinformation at ang sabi po ng ating chief PNP kanina ay wala po tayong planong disiplinahin itong mga supposedly mga pulis ay sinabi lang po niya ay very clear kanina “Let us just remind our PNP personnel na sila ay miyembro ng PNP. Bagamat nirerespeto natin iyong kanilang mga religious and political beliefs, pero hanggang nasa PNP po tayo ay dapat po ay sumunod po tayo doon sa mga pinatutupad po nating mga ethical standard/norms and policy po with respect po doon sa ating mga personal sentiments dahil mayroon naman po tayong umiiral na mga grievance mechanism na pupuwede po nilang dalhin po doon. But for as long as they are members of PNP ay mayroon po tayong mga dapat pong i-observe na mga protocol with respect po sa airing po ng ating mga personnel sentiments po.

PCO USEC. CASTRO: Well, anyway, maliban diyan, maski naman po ang Supreme Court mukhang naging biktima po ng fake news dahil may lumabas po na nag-isyu nga raw po ang Supreme Court ng TRO at mismong si senatoriable Atty. Lambino ang nagpahayag nito sa isang video—I hope hindi naman iyon AI generated. So, nakarating po ba itong fake news na ito na mayroong TRO, General Torre, at that time?

PMGEN. TORRE III: Yes po, noong gabi pa lang, sa eroplano pa lang, iyon na ang sinasabi ni Atty. Medialdea na may lumabas nang TRO kaya hindi na dapat lumipad ang eroplano.

PCO USEC. CASTRO: Kayo po, Usec., nakarating din po sa inyo ito?

DOJ USEC. TY: Yes, magkasama naman kami doon sa Villamor, at narinig namin iyon. Sakto at malapit na talaga, malapit na talagang lumipad, tapos doon kumalat iyong balita na may TRO.

PCO USEC. CASTRO: Well, anyway, napatunayan po natin na hindi po totoo iyon dahil naglabas po ng statement ang Supreme Court. Actually, mayroon ngang ruling na denied ang TRO na ito.

Okay, so iyon po, mayroon po ba muna—unahin ko na po muna si General Jean Fajardo. Mayroon pa po ba kayong nais na idagdag sa inyong mga sasabihin sa taumbayan?

PBGEN. FAJARDO: Yes, ma’am. Sa atin pong mga kababayan na nanunood po at nakikinig sa atin ngayon, ang lagi po nating sasabihin na ang PNP po ay isang propesyunal na organisasyon. Nakatutok po tayo sa ating mga mandato, at asahan ninyo po na laging nakahanda po ang PNP na ipatupad po ang batas.

PCO USEC. CASTRO: And, Usec. Nicholas, ano po ang nais ninyo pa pong idagdag kung mayroon?

DOJ USEC. TY: Nasabi na naman natin doon sa press release namin kahapon at nandoon ito, doon sa certification na nilabas ng prosecutor general, ang tungkulin ng DOJ sa buong pagpatupad ng warrant of arrest nito ay katibayan na iyong warrant ay … iyong pagpatupad ng warrant ay dumaan doon sa tamang proseso. Tatlong bagay ang importante: Na si PRRD mismo iyong inaresto, ginalang iyong kaniyang karapatan habang inaaresto siya, at dumaan sa tamang proses iyong aresto. At kami, pinapatunayan namin iyan at hindi lang naman salita ito eh, makikita talaga natin sa mga video na talagang maximum tolerance ang ating pamahalaan; binigay lahat ang mga naaayon sa kampo ni PRRD habang pinapatupad iyong warrant of arrest; at walang nasaktan, ginalang talaga sila through this entire process.

PCO USEC. CASTRO: Of course, thank you po. And the birthday boy, General Nick Torre.

PMGEN. TORRE III: Maraming salamat po, ma’am, at maraming salamat sa suporta ng ating mga kababayan. I just would like to reiterate that I am not … I don’t find joy in doing these difficult jobs. Unang-una, sayang naman iyong handa ko noong birthday ko. So, gusto ko lang i-emphasize na hindi ko ito ginagawa para sa personal aggrandizement o kung ano pa man, kung hindi ito ay ginagawa natin dahil ito ay trabaho natin especially that I’m the chief of the Criminal Investigation and Detection Group. This is something that has to be done para magsimula ang judicial processes na nagkataon ay dito na sa ICC, an international body, na talagang kung naghahanap sila ng neutral na body para mag-decide sa mga reklamo laban kay former PRRD, ito na ang ICC, kasi ang mga tao dito ay mga foreigners; ang mga judge dito ay foreigners. Wala itong pakialam sa Pilipinas; wala itong pakialam sa personalidad. Ang pakialam lang nito ay sa mga facts na ibibigay sa kanila para desisyunan nila.

Gusto kong i-emphasize ang mga judge na iyan ay mga foreigners pero ang complainants diyan ay mga Pilipino. Ito iyong mga Pilipinong noong panahon ni PRRD ay walang nakitang pag-asa sa judicial system, sa judicial processes sa bansa natin noong mga panahong iyon. Kaya pumunta sila sa ICC kasi nakita nga nila, sitting senator and former justice secretary nakakulong eh. So, ito iyong mga taong walang kakayahan na lumaban at wala nang nakitang pag-asa kaya pumunta sa ICC.

At gusto ko ring i-emphasize, hindi ito iyong mga taong kayang kumuha ng serbisyo ng mga abogado de campanilla ha. Ang mga abogado nila ay mga volunteer din na ang dala-dala lamang ay ang paniniwala para sa hustisya.

So, sa ngayon, dinala nila sa isang forum na neutral ito si FPRRD, and the former President, I am very sure, has the capacity to defend himself using the lawyers that he can afford, that he will get. So, I think this is fair. At sa warrant of arrest na ipinalabas ng ICC, magsisimula ang lahat ng iyon kung ma-take into custody si former President Duterte at madala sa kanila, ma-endorse sa kanila para they can take jurisdiction and judicial process can start so that justice can be dispensed for all. Kung siya ay inosente, mapabilis ang pagdeklara na siya ay inosente. Kung siya ay guilty naman, mapabilis din ang pagbigay ng hatol sa kaniya para mabigyan naman ng hustisya itong mga nagrireklamong nagki-claim na sila ay naging biktima ng paglabag niya sa batas.

PCO USEC. CASTRO: Yes, tama po ‘no, General Torre, hindi lamang po dapat na titingnan ang isang side of the story; mayroon po tayong nakakalimutan, iyong kuwento po ng diumano’y mga biktima ng EJK. So, tingnan po natin pareho, huwag po tayong kumampi. Alam natin na mayroon po kayong iniidolo, mayroon po kayong hinahangaan, pero this time ay dapat po ay hustisya po ang mag-prevail – hustisya para sa diumano’y mga biktima at hustisya rin po kay dating Pangulong Duterte.

At diyan po nagtatapos ang ating programa ngayon. Hanggang sa muli at sa susunod na pagkakataon at kung mayroon pa pong another issue, ibibigay po namin agad ang mga pagpapaliwanag patungkol dito. Maraming salamat po.

 

                   ##