PCO USEC. ATTY. CASTRO: Magandang umaga, Malacañang Press Corps. Welcome sa ating press briefing ngayong araw, March 6.
Good news ngayong Thursday: Inilabas ng Philippine Statistics Authority ang January 2025 Labor Force Survey kung saan mas maraming Pilipino ang mayroong trabaho. Ibig sabihin, umakyat sa 50.65 million ang bilang ng may trabaho nitong January 2025 mula sa 48.06 million noong January 2024.
Pero ano nga ba ang ginagawa ng gobyerno? Una, mas pinalakas ang skills training sa TESDA para mas handa ang manggagawa sa high growth industries.
Sunod, dahil sa CREATE MORE Act, mas maraming negosyante ang namumuhunan sa Pilipinas para mag-generate ng mas maraming trabaho, at maraming oportunidad sa IT-BPM sector sa pamamagitan ng reskilling at upscaling para sa … or makasabay sa bagong teknolohiya. Dahil dito, mas maraming oportunidad sa trabaho at mas mataas na kalidad ng hanapbuhay ang maibibigay sa mga Pilipino, mas marami rin ang negosyanteng mag-i-invest na makakatulong para mapalakas ang ating ekonomiya, at may mas maayos na programa patungkol sa employment generation para sa mas maraming Pilipino.
May magandang balita pa rin tayo kaugnay sa higher education sa bansa. Pinirmahan na ng ating mahal na Pangulo ang Republic Act # 12124 o ang Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program Act or ang tinatawag nating ETEEAP Act noong Lunes. Dahil dito, binigyan ng kapangyarihan ang Commission on Higher Education or CHEd bilang lead agency na maggagawad ng equivalent college degrees sa mga working professional na hindi na kinakailangang dumaan sa tradisyonal na paraan ng pag-aaral. Sa pag-institutionalize ng ETEEAP program bilang batas, mas mapapatatag ang standards, monitoring at implementasyon ng ETEEAP program sa buong bansa.
At isa pang magandang balita: Noong March 4, ipinirisenta sa Pangulo ang EDCOM 2 Year 2 Report. Kabilang sa mga natukoy na hamon sa early childhood development and learning ay ang limitadong access sa early childhood care development centers. Nabanggit dito na may 229 low income class ng mga local government units ang nananatiling walang child development center.
Dagdag pa rito, nabanggit din na kakailanganin ng 700 million funding requirement para suportahan ang pagpapatayo ng CDC sa mga nasabing low income LGU. Upang mapabilis na matugunan ang pangangailangan para sa child development centers ng 229 identified low income LGUs, inutusan ni Pangulong Bongbong Marcos ang Department of Budget and Management (DBM) na maglaan ng pondo para dito.
Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, inaprubahan ng DBM ang paglalaan ng 700 million pesos allocation mula sa fiscal year 2025 local government support fund upang mabigyan ang 229 low income LGUs ng kinakailangang pondo para mapabilis ang pagpapagawa ng basic child service facilities. Nakipag-ugnayan po ang DBM sa Department of Education, Department of Interior and Local Government at Department of Health para matiyak na maipapatupad ang direktiba ng Pangulo.
Ngayon po ay handa na po tayong tumugon sa inyong mga katanungan.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Undersecretary, magandang umaga po.
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Good morning.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Napag-uusapan natin iyong tungkol sa labor. Nabanggit ninyo kanina, may mga investors pa na pupuwedeng pumasok. Mayroon po tayong figures kung ilan iyong mga paparating pang mga investment na darating sa bansa?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Ibibigay ko po sa inyo iyan kapag po nasa akin na po ang papel, at hihingiin ko po kaagad-agad para po maibigay natin ang mga figures, itong ating kinakailangang maipakita tungkol sa mga investors na pumasok at papasok.
ALVIN BALTAZAR/RADYO PILIPINAS: Usec., kahapon ay nagprisenta iyong Clark Development Corporation, nag-announce sila ng more than 2,000 job openings. Kung hindi ako nagkakamali, noong November 2024, iyong unemployment rate natin is nasa 3.6 percent. Dahil sa mga job openings na iyon at paparating pang mga investment, do we expect na mas bababa pa iyong unemployment rate sa Pilipinas?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Yes po. Katulad po ng ating binanggit ngayon, tumaas po siya, ang employment rate po natin ay tumaas kumpara po sa nakaraang taon. So, siyempre po, kasama na rin po iyong mga seasonal workers po diyan. Pero iyon nga po ang good news natin, tumataas po ang ating employment rate.
RACQUEL BAYAN/RADYO PILIPINAS: Good morning po, Usec. On the Republic Act 12124, sino po kaya iyong pinakamagbi-benefit doon sa law? And how will that law further advance the economy po?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Actually po, dahil nga po ‘di ba, mas kailangan po talaga ng mga workers, mas pinagmamalaki po nila kapag sila ay may diploma. So, ito po iyong tugon dahil iyong mga ibang kababayan po natin, hindi man po ito nakapagtapos ng kolehiyo, pero iyong experience po nila ay talagang masasabi nating eksperto sila sa kanilang larangan, dito po papasok iyong ETEEAP Law.
Ito naman po ay nagaganap sa ibang mga kolehiyo. Pero since in-institutionalize na po natin, mas mapapatatag po natin kung ano pa iyong mga guidelines, mga standards, paano natin ito mamo-monitor. So, ang magbibenipisyo po rito ay iyong mga high school graduates, iyong mga hindi po nakapagtapos ng kolehiyo pero may mga experience na po sa larangan ng kanilang trabaho.
PCO ASEC. DE VERA: Before we move on, do you have more questions on ETEEAP, child development care and labor force? Other issues, Anna Bajo – GMA News Online.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Good morning, ma’am. Ma’am, may we just get confirmation on the reported resignation of DICT Secretary Ivan Uy?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Actually, kagabi ko pa po iyan itinatanong pero as of the moment, wala pa po tayong update. Kung siya man po ay nag-resign, kung mayroon pong letter siyang ipinadala na po, kailangan pa po itong ma-accept ng ating Pangulo. So, so far, wala pa po tayong update.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, may we get update na lang din po kung mayroong update sa evaluation sa Cabinet members, ma’am?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Sa ngayon po, wala pa rin po. So far, wala pa rin po. Kapag mayroon na po at hindi tayo magba-violate sa anumang rules at batas, ibibigay po namin agad sa inyo.
ANNA BAJO/GMA NEWS ONLINE: Ma’am, klaruhin ko lang po: Wala pa pong natatanggap na letter, resignation letter ang Palace or si Presidente regarding kay Ivan Uy po?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Ang pagkakasabi po sa akin ay kung mayroon mang letter. So, wala pa po sa aking confirmation kung natanggap na po ng Pangulo as of the moment. At kung mayroon man po, wala pa pong acceptance na nanggagaling sa Pangulo.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Ma’am, napag-uusapan na po iyong tungkol sa education pero recently, a contestant in a noontime went viral for admitting that she’s not knowledgeable about Comelec. Na-bother din po ba ang Palace dito kasi many people are saying that this is proof na mayroong crisis sa education sa bansa? And what does the government plan to do about this?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Sa ating pagkakatingin dito, siguro ang pagkukulang ng isang tao ay hindi naman ito agad-agad magri-reflect ng kakulangan ng ginagawa ng pamahalaan para maiangat ang lebel ng ating edukasyon. Kung may pagkakamali or pagkukulang ang isa ay maaari naman niyang i-level up iyong kaniyang sarili lalung-lalo na marami na po tayong mapag-aaralan through internet, using Google search, and lahat ng maaari nating i-search using the computer system.
Hindi po nababahala ang ating Pangulo dahil sa atin po, sa panahon po ngayon, lahat po ng paraan ay ginagawa po natin para maiangat po ang lebel ng ating edukasyon. Ang isa nga po rito ay ang ating binanggit kanina na dahil po malamang ang isa mga dahilan kung bakit mayroon tayong record na medyo mahina sa math at sa reading comprehension kaya po ang suggestion nga po dito sa EDCOM 2 ay maiangat muna natin iyong foundational years ng mga bata. Kaya po naglaan na po ng pondo ang Pangulo para po magkaroon na po ng mga centers para sa mga kabataan lalo na po sa foundational years, kaya po iyan iyong pinaglalaanan ngayon ng pondo ng Pangulo.
PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Follow up lang po, ma’am. Do you think that there’s a need for our education system to adjust din po to be able to foster more social awareness lalo na sa ating mga kabataan?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Kung hindi ako nagkakamali, mayroon na po talagang mga curriculum sa ibang mga high school lalo na po sa mga social studies iyong Aralin Panlipunan, ito naman po talaga ay itinuturo lalo na po iyong patungkol sa pamahalaan.
Sabi nga natin, kung mayroon mang pagkukulang siguro malamang ay ito na po rin ay dapat manggaling din sa mga estudyante, sa mga bata na nandoon din po iyong kanilang pagsisikap. Pero kung anuman po ang maitutulong pa rin ng pamahalaan para iangat pa rin ang lebel ng edukasyon ay gagawin pa rin po natin iyan.
JINKY BATICADOS/IBC 13: Hi, Usec. Usec., dahil napapag-usapan po natin iyong edukasyon ‘no, tatanungin ko lang kung ano iyong nagiging stand ngayon ng Palace, matagal na kasi ulat itong K-to-12 po at sinasabi ibabalik na lang kasi hindi naman po siya nakakatulong. But pero kung mayroong krisis na ganito, ano iyong magiging stand ng Palace on this particular issue?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Sa ngayon po since nandiyan po iyong K-to-12, mas maganda pong pag-aralan talaga nang masinsinan kung ano ba talaga iyong effect ng K-to-12. Pag-aaralan po pito kung hindi ba nakakatulong ito sa mga estudyante. Kung tutuusin po, kung aaralin po talaga ang pinaka-wisdom dito, ang rationale: Dagdag kaalaman po talaga ito sa mga estudyante, magkakaroon sila ng opportunity na makapagtrabaho kahit hindi college graduate.
Siguro po ang mas maganda lamang po rito ay paigtingin ang pagtuturo, iyong kahusayan doon sa Grade 11 at Grade 12 para po ma-prepare ang mga estudyante kung sila man ay magtatrabaho na. And at the same time, maaari po siguro isa pang suhestiyon dito, magkaroon din po siguro ng batas na magkaroon po ng requirement sa mga private companies, sa ibang mga institusyon na magkaroon sila ng pagtanggap sa mga Grade 12 graduate – parang gawing mandatory siya dahil po hindi ngayon nagkakaroon ng…nagiging voluntary lang eh, parang prerogative ng mga kumpanya kung magha-hire ng Grade 12 graduate. Siguro, kung magkakaroon po ng batas na at least or two Grade 12 graduates ang inyong i-hire ay mas magkakaroon po ng magandang solusyon o resulta itong mga nag-graduate po ng Grade 12 kasi po mas paiigtingin nila rin ang kanilang kaalaman.
JINKY BATICADOS/IBC 13: Ma’am, gusto nilang i-clarify if stand daw po ba ng Malacañang iyon?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: As of now po, pinag-aaralan po iyan. Ang nabanggit po natin, maganda rin naman po ang epekto ng K-to-12. Pero pag-aaralan po talaga iyan nang masinsinan kung ito ba talaga ay nakakabuti sa mga estudyante.
JINKY BATICADOS/IBC 13: Ma’am, last na lang. Ma’am, kasi may good news tayo ‘no, of course gusto kong itanong din po sa inyo, mayroon po bang karagdagang marching order ang Presidente lalo na’t may good news tayo sa labor force? Ano pa po iyong mga dinadagdag niyang mga marching order po sa ating mga branches of government particularly para po sa pag-create ng mga maraming trabaho, mayroon pa po ba?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Of course, unang-una po, kailangan po talaga natin magkaroon ng maraming investors, bakit? It will generate income; it will allow Filipinos to be employed. So, iyon po in general ang masasabi natin. Talaga pong pinagbubuti natin especially din po iyong pagti-train sa mga Filipino workers para mas maging competitive sila dito man o sa ibang bansa.
MARICAR SARGAN/BRIGADA FM: Ma’am, good morning. Si Senate President Escudero, binanggit niya po na aside from POGO ban bukas po ba iyong Palasyo regarding naman sa PIGO ban [Philippine Inland Gaming Operator] kasi ang binabanggit ninyo po ay mas biktima daw po iyong mga Pilipino dito sa online o sa local online gambling. Bukas po ba iyong Palasyo na i-ban din po iyong PIGO?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Okay. As of now, napag-aralan po—Well, anyway, continuing study po ang ginagawa natin patungkol po sa PIGO.
Okay. Pinagkumpara po ngayon kung ano iyong nangyari sa POGO at saka sa PIGO. Sa POGO kaya po siya na-ban/total ban, dahil marami pong nangyayaring krimen because of the POGO. Pero as of now, lumalabas po sa pag-aaral ay hindi po ito nakakagawa ng krimen – hindi siya nagiging cause or hindi siya iyong nagiging dahilan, iyong PIGO, para makagawa ng krimen.
Siguro kung mayroon pong mga statistics or data mas maganda pong ipasa po sa amin iyan para ma-consider po iyan kung kinakailangang i-ban din po ang PIGO. Pero maliban po diyan, ang POGO po ang hina-hire po nila karaniwan ay mga foreigners, samantalang sa PIGO po ang sinasabi po rito, 90 percent Filipinos ang nagtatrabaho; and iyong POGO po kapag sila ay nag-a-advertise labas po ang pera, pero ang mga PIGO’s po they spend marketing advertisement, marketing money in the Philippines pasok po iyan sa Pilipinas; and iyong POGO po mapapansin natin hindi po siya…nagkaroon man nang magandang pagbabayad ng tax pero hindi po lahat dahil sabi nga natin kapag may binigyan ng isang license minsan nagkakaroon ng sublicensees – iyong sampu na iyon, hindi nagbabayad ng tax so nananakawan po ang Pilipinas ng mga POGO. Samantalang sa PIGO po, nagbibigay rin po siya ng napakalaking tax sa atin.
Well, anyway, kung mangyayari ulit iyong nangyari sa POGO dito sa PIGO, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na magkaroon din po nang total ban sa PIGO pero siyempre kakailanganin po natin ng data patungkol dito.
MARICAR SARGAN/BRIGADA FM: And another po, ma’am. Recently, may binanggit po si Mayor Baste Duterte na parang lenient daw po ang Marcos administration towards criminal kaya parang hindi raw po natatakot ngayon iyong mga criminals na gumawa ng mga criminal activity and binanggit niya rin na parang encouraging daw po na nakikita ng mga criminal na hindi istrikto iyong Presidente pagdating sa peace and order. Reaction po ng Palace?
PCO USEC. ATTY. CASTRO: Ang tanong natin, saan ba niya nakuha ang mga data, iyong mga facts na binabanggit niya na lenient ang bagong pamahalaan o ang kasalukuyang administrasyon patungkol sa paggawa ng krimen? Sinabi na po natin ito, panahon po ni dating Pangulong Duterte, mas mataas po ang crime rate kung ikukumpara po sa panahon ng kasalukuyang administrasyon – iyan po ay base sa statistics.
Siguro po bago po magbintang at magparatang si Mayor Baste patungkol sa diumanong leniency ng Pangulo/ng kasalukuyang administrasyon patungkol sa pagsasagawa ng krimen, tingnan niya po muna at araling mabuti, makipag-usap sa mga abogado para malaman kung ano ang totoong records. Mas mataas po ang crime rate sa panahon ng kaniyang ama.
ANNE SOBERANO/BOMBO RADYO: Usec., good morning. I just want to ask kung is the President aware sa nangyaring pagbagsak po ng FA 50 fighter jet kung saan dalawang piloto po ang namatay at kung may instruction po si Presidente sa Armed Forces of the Philippines regarding the incident? Thank you.
PCO USEC. CASTRO: Sa huli nating pagkakaalam po, natagpuan na po ito at talaga pong pinamamadali po ng ating Pangulo ang maagarang pag-iimbestiga po dito kung saan nagkamali at kung ano pa ang maaaring maging remedyo sa mga ganitong klaseng pangyayari. Hindi po natin—siyempre po, ang ating damdamin po patungkol po diyan ay nakakalungkot po kapag nangyayari sa atin ito. So, maagaran pong pag-iimbestigasyon din po ang inutos po ng ating Pangulo diyan.
PCO ASEC. DE VERA: Eden Santos, NET25.
EDEN SANTOS/NET25: Good afternoon po, Usec. Regarding po dito sa mainit na panahon ano. Napag-uusapan na po ba o natalakay na ng Gabinete kay Pangulong Marcos kung ano po iyong mga puwedeng gawing measures/hakbangin para naman po maiwasan iyong kakulangan o maranasan ng mga Pilipino iyong kakulangan sa supply po ng tubig sa panahon pong ito?
PCO USEC. CASTRO: Oo. Sa ngayon po iyong pong water supply natin, the water supply remains significant despite change in the weather condition. As of now po, wala pa pong pagdeklara kung tayo po ay nasa El Niño na. So, as of now wala po tayong dapat alalahanin at kung mayroon man po at tayo naman po ay sanay-na sanay na sa sobrang init po at tayo naman din po ay nakakaraos, of course, hindi po ito tutulugan ng gobyerno. Kung mayroon po talagang pagkukulang sa water supply, agad-agad din po na kikilos po ang pamahalaan. Pero siyempre sabi nga rin po natin, natural na po yata sa Pilipinas ang ganitong klaseng kundisyon.
EDEN SANTOS/NET25: So, sa mga susunod pong buwan kung sakaling mas uminit pa ang panahon, hindi naman po natin mararanasan iyong mga pila-pila ng mga balde o iyong water rationing na mas mahaba pa kaysa doon sa regular na pagtulo ng tubig sa mga gripo ng ating mga mamamayan?
PCO USEC. CASTRO: Pipilitin po natin iyan. Pero as of the moment, siyempre kailangan din po natin itong paghandaan; taun-taon naman po ay kailangang paghandaan ang ganitong mga pangyayaring krisis.
EDEN SANTOS/NET25: Thank you po.
PCO ASEC. DE VERA: Darlene Cay, GMA.
DARLENE CAY/GMA: Good morning po. How is the government preparing for possible or impending effects ng US trade war against Mexico, Canada and China?
PCO USEC. CASTRO: Iyan pong mga ganito pong issue ay ibinibigay po namin sa DFA kung anuman po ang maaaring tugon especially it concerns foreign policy po.
PCO ASEC. DE VERA: Clei Pardilla, PTV-4.
CLEIZL PARDILLA/PTV-4: Good morning po, Usec. The President inspected the Cabagan-Sta. Maria Bridge po at nasabi nga po na may flaw. Moving forward, ano po iyong gagawin natin sa mga ganitong proyekto para hindi na po maulit?
PCO USEC. CASTRO: Unang-una po, nabanggit na po ni Pangulo – binisita niya po – na nagkaroon po talaga ng problema sa design. Ang sinabi niya po, tinanong din po kung mayroon bang people will be held liable on this. Ang sabi din po niya ay huwag muna or hindi muna tayo magbi-blame, ipi-fix natin ang problema.
Pero sa dulo, sinabi pa rin po niya na iyong dapat managot, dapat managot. Iyon po ang unang-una po siyempreng gagawin ng administrasyon – iimbestigahan po ito. Iimbestigahan mula nang ito ay magkaroon ng design up to the time kung bakit pa ito itinuloy kung hindi na maganda ang design noong 2014. Bakit tinapos pa ito sa panahon ni dating Pangulong Duterte at sinasabi pa nilang Duterte legacy ito.
Hindi lamang po doon hihinto. Kung may liability rin po ang sinuman sa kasalukuyang administrasyon, dapat din managot. Pero iyan po ay iimbestigahan kung mayroon bang pinagkakitaan dito not once, not twice but many times – aalamin po ito ng Pangulo, aalamin po ito sa pamamagitan po ng pag-iimbestiga.
At maganda rin po na maibigay nating suggestion at malamang po din iyan ang gagawin ng administrasyon – i-inspect po, hangga’t maaari lahat po with the help of DPWH, with the help of LGUs lahat po ng mga tulay lalong-lalo na po iyong naisagawa sa panahon ni dating Pangulong Duterte dahil hindi po natin alam kung nagiging under-design din po siya. Kailangan po lahat hangga’t maaari ay ma-inspect.
PCO ASEC. DE VERA: Do you have more questions? Tuesday Niu, DZBB.
TUESDAY NIU/DZBB: Hi, ma’am. Last time, ang nabanggit ninyo sa amin ay ipinatawag ni Pangulong Marcos si PNP Chief General Rommel Marbil. Puwede ninyo bang mai-share kung ano po iyong kanilang napag-usapan? Iyon ba ay tungkol doon sa nangyaring kidnapping rescue sa bata and supposedly napagsabihan ba siya ni Presidente doon sa paglabag sa EDSA Busway?
PCO USEC. CASTRO: Totoo po, kinu-confirm po natin na sila po ay nagkaroon ng meeting. Nagkataon lamang po na iyon ay private meeting at wala po tayo doon. So, kung anuman po ang kanilang napag-usapan ay wala po tayong mairi-reveal or maidi-divulge sa kasalukuyan.
PCO ASEC. DE VERA: Ira Panganiban, DZRJ.
IRA PANGANIBAN/DZRJ: Ma’am, good afternoon. Malacañang said they will follow whatever the Supreme Court says on the PhilHealth issue. But I would like to know is, what is the position of Malacañang regarding the setbacks that they have been receiving regarding the PhilHealth issue in the Supreme Court?
PCO USEC. CASTRO: Actually, later we will be… I will be having a meeting with the PhilHealth representative so that I will be made aware of all the facts and details of these so that we can also tell to the people what really happened. So, we have to explain to the Filipino people what really happened – is it illegal, is it legal, is it based on the law; and then I will tell you what are the things that we will be talking this afternoon. Maybe tomorrow…
IRA PANGANIBAN/DZRJ: Follow up lang. If ever, is Malacañang willing to give back the 60 billion that’s being talked about in the PhilHealth issue?
PCO USEC. CASTRO: Whatever the Supreme Court will ask of the government to do, we will comply.
PCO ASEC. DE VERA: Okay. Christian Yosores, Radyo 630.
CHRISTIAN YOSORES/RADYO 630: Good afternoon, Usec. May we get lang po iyong comment ng Palasyo doon sa pronouncement ni Transportation Secretary Vince Dizon na plano niyang i-scrap iyong kontrata doon sa construction ng Unified Grand Central Station dahil sa delayed completion – dapat daw 2021 pa. Hindi po ba ito conflict doon sa directive ni Pangulo sa kaniya na dapat i-prioritize iyong mga key infrastructure projects related to transportation?
PCO USEC. CASTRO: Sa kasalukuyan po ay hindi pa po namin napag-uusapan, hindi pa po namin nasasama ito sa aming agenda sa meeting. Pero kapag po nagkaroon tayo ng pagkakataon na makausap ang Pangulo patungkol diyan, at si Secretary Vince Dizon, sasabihin ko po sa inyo kung ano po ang pinakahuli na napag-usapan patungkol diyan.
PCO ASEC. DE VERA: Okay. We don’t have any more questions, Usec. Claire.
PCO USEC. CASTRO: At dito na po nagtatapos ang ating briefing. Maraming salamat, Malacañang Press Corps. Magandang tanghali para sa Bagong Pilipinas.
###