Magandang gabi, Biñan! Magandang gabi, Laguna!
Maraming, maraming salamat po sa inyong napakainit na pagtanggap po sa amin – ang ating mga kandidato ng Alyansa para sa Senado. Nandito po at inihaharap po namin at ipapakilala po namin sa inyo kahit na kilala na po ninyo dahil mga sikat po ito.
Alam niyo po ay mabuti naman po at kayo’y nakarating dito sa ating rally upang makita po ninyo ang mga kandidato po ng Alyansa para sa Senado. Marami pong nagtatanong, bakit po ang tawag sa grupo namin ay Alyansa?
Madali lang naman po ang paliwanag diyan. Alam niyo po kung maalala ninyo ang mga iba’t ibang kampanya, makita po ninyo mga kandidato pare-pareho po ang suot, pare-parehong kulay. Ngunit kami po kung titingnan ninyo iba-iba po ang kulay. Bakit po? Dahil lahat po ay nanggaling sa iba’t ibang partido. Ngunit nag-alyansa po kami, nag-alyansa po kami upang maipagsanib-pwersa natin lahat ng pinakamagagaling sa lahat ng iba’t ibang partido na sila ay magsanib-pwersa para tumulong po sa taong-bayan, para po tumakbo sa Senado na mailuklok sila sa matataas na posisyon ng Senado ng Pilipinas dahil po nais po nilang tumulong.
Nakita naman na po ninyo, narinig po ninyo ang kanilang mga karanasan. Narinig naman po ninyo ang kanilang nagawa na. At narinig din po ninyo ang kanilang mga binabalak at pinapangarap para sa ating bansa. Iyan po ang ating mga kandidato.
Kaya’t kung titingnan po ninyo sila na isa-isa, kikilatisin po natin isa-isa, ay masasabi naman po natin maipagmamalaki natin bawat isa sa kanila. Pinagsama-sama ngayon natin lahat itong pinakamagagaling, pinakamahusay, pinakamatatalino, pinakamasipag na mga kandidato para sa Senado at palagay ko naman kahit sino po na tatapat po sa grupong ito ay magdadalawang-isip dahil napakabigat po na makaharap itong grupong ito.
Kaya’t ako po sinasabi ko po ay marami na po akong pinagdaanan na kampanya. Ngunit ngayong po ay ang pakiramdam ko ay napakapalad ko po bilang isang Pangulo ay mayroon akong magiging kasama na mga magigiting na senador na kilala ninyo, na kilala ko na magdadala ng kabutihan sa ating bansa.
Alam niyo po sila po ay… Lahat po sila ay tawag ko’y – kumbaga ay hasang-hasa na. Sanay po sila sa trabaho ng serbisyo-publiko. Lahat po sila ay ipinamigay na ang kanilang buhay sa taong-bayan. Ipinamigay na ang kanilang pawis at sakripisyo para sa taong-bayan para magserbisyo-publiko.
Kaya po lahat ay maipagmamalaki natin. Hindi po ako nahihiya na iharap sa inyo kundi nais ko pong ipagmalaki sa inyo ang ating mga kandidato. [Crowd: BBM! BBM! BBM! BBM! BBM! BBM!]
Maraming salamat po. Naalala ko tuloy ang rally natin. Alyansa na ang sigaw natin! Alyansa! Alyansa! Alyansa! Alyansa! [Crowd: Alyansa!] Ayan po at para hindi niyo po makalimutan pagdating ng Mayo ang ating mga kandidato.
Tingnan po natin itong pong mga kandidatong nakaharap po sa inyo ngayong gabi. Nandito po karamihan po sa kanila ay dumaan po sa Senado at marami na nga po kagaya nang nabanggit ni Senator Sotto mga “seasoned”, seasoned citizens. Mayroon din tayong mga baguhan na papasok. Ngunit marami po sa kanila ay dumaan na sa Senado.
Nandiyan po si Senator Cayetano, nandiyan po si sena – uy, birthday pala ni Senator Cayetano. Happy Birthday, Senator Pia. Kita naman po ninyo kung anong klaseng serbisyo. Birthday na birthday niya magpa-party sana – kung tayo lang magpa-party tayo kasama ng mga pamilya namin. Siya gusto niya nandito siya sa Biñan kasama ninyong lahat. [palakpakan]
Kaya po ang mga naging senador po: si Senator Cayetano, si Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Sotto, Senator Tolentino po.
Maaasahan po ninyo ito at sila po ay hasang-hasa, sanay na sanay na po. Alam po nila ang gagawin. Si Senator Sotto nga hindi lamang senador kundi naging Senate president pa po. At masasabi ko po dahil may — noong senador po ako siya po ang Senate president namin. Kaya naman po ay nakikita namin ay nagtatalo-talo kaming mga senador, panay ang debate namin, kung minsan hindi magkasundo, ay nahahanapan po niya ng paraan. Kaya magaling na Senate president po itong si ating Senator Tito Sotto na naging Senate president noon at magiging senador ulit sa darating na Mayo. [palakpakan]
Kalahati naman sa ating mga kasamahan ay dumaan sa mababang kapulungan. Naging congressman po – ang mga naging congressman po dito sa ating grupo ay: si Congressman Abalos. [Crowd: Abalos! Abalos! Abalos! Abalos! Abalos! Abalos!] Ayos! Malakas ang pala natin ngayong gabi ah.
Si Congressman Abalos, si Congressman Binay – si Congressman Binay nga eh ano ito seatmate ko sa Congress. Kaya po kami nakatagal ng ilang termino sa Congress dahil lagi kaming naghahalakhakan habang binibigay naman namin ang oras sa trabaho.
Nandiyan din po ang naging congressman: Congressman Cayetano, Congressman Pacquiao, [hiyawan] Congressman Tulfo, [hiyawan] Congressman Villar. Wala pong mga bagito ito sa pagsusulat ng mga batas. Wala po sa kanila ay mga baguhan kaya maaasahan ninyo kapag sila ay nahalal na at umupo sa Senado ay mula pa sa unang oras sa kanilang pag-serbisyo, sa unang oras ng unang araw makikita po ninyo magsisimula na kaagad ang kanilang trabaho. Hindi na po kailangan mag-on-the-job training. Alam na po nila ang gagawin nila. Alam na po nila kung papaano paandarin ang pamahalaan. Alam po nila kung papaano sumulat ng magagandang batas para matulungan ang ating mga kababayan.
At ang ilan naman po sa kanila – apat po ay dumaan po, nagkaroon, humawak po ng Cabinet-level position. Ibig sabihin kahit hindi po secretary ang kanilang ranggo po sa pamahalaan ay parang Cabinet secretary. Nandito po si Cabinet secretary, secretary ng DILG, Secretary Benhur Abalos. Bakit po siya naging DILG secretary? [Crowd: Abalos! Abalos! Abalos! Abalos! Abalos! Abalos!] Ayos! Alam niyo po – alam niyo po kaya po naging DILG secretary po si Benhur Abalos dahil po noong ako’y umupo bilang Pangulo ay naghahanap po kami ng pinakamagagaling para ilagay sa Gabinete. Sa DILG po local government po ay nag-isip kami nang malalim at iniisip namin sino ba sa mga kilala natin ang nakakaunawa nang mabuti sa mga trabaho na ginagawa ng ating mga local government, sino ba ang sanay na makipag-ugnayan sa iba’t ibang local government na pinagkakasundo para maging maganda ang koordinasyon ng local government at saka national government. Isa lang po ang naisip natin kaya’t siya po ay ginawa nating DILG secretary, DILG secretary Benhur Abalos.
Si Erwin Tulfo rin ay siya po ay naging DSWD secretary. Ganoon din po, noong ako’y unang umupo bilang Pangulo ay inisip ko DSWD. Ang trabaho ng DSWD ay magdala ng tulong sa mga naging biktima, nasalanta sa bagyo, sa lindol, sa bulkan. At walang masipag na tumulong sa tao. May tunay na puso na nagmamahal sa kanyang kapwa Pilipino. Ay pagka-inisip po natin, sino nga ba iyon? Ang taong walang ginawa, pagkagising hanggang matulog, wala na pong ibang ginawa kung hindi isipin kung papaano tulungan ang mga maliliit at mga nangangailangan, ang mga naaapi, at mga walang boses. Kaya po ang naging DSWD secretary ko po ay si Secretary Erwin Tulfo. [palakpakan] [Crowd: Tulfo! Tulfo! Tulfo! Tulfo! Tulfo! Tulfo!]
Si Senator Tolentino naman po, siya po ay MMDA po siya — Metro Manila Development Authority. Napakahirap po na trabaho iyan. Dahil po ay ang trabaho ng MMDA ipagsama-sama ang lahat ng mga lungsod, mga bayan ng Metro Manila, ng NCR at para magkasundo sila, para lahat ng mga proyekto na ginagawa ng MMDA ay maging matagumpay. At iyan po ang kanyang ginagawa.
At noong panahon po niya, mayroon po akong maikukuwento sa inyo. Noong kami po ay nasa Tacloban, nasa Leyte po ng pagkatapos po ng Yolanda, kami na nandoon, kami na tiga-roon ay nagmamakaawa na sa national government na magpadala ng tulong. Nag-aantay po kami ng kahit ano na relief goods, kahit na ano, tubig, kahit na ano na maiparating sa mga naging biktima ng Yolandang napakalakas na bagyo.
Alam niyo po, nagulat po kami at nakita namin may trak-trak na dumating na MMDA, dala-dala po ni Senator Tolentino, dala-dala niya. Sabi ko – biruin ninyo galing pang Maynila naipaabot niya hanggang sa Tacloban, Leyte hanggang sa Samar pinaabot niya ‘yung kanyang heavy equipment. Kaya’t hanggang ngayon, kami po na taga-Leyte, kami po na mga Waray-Waray hanggang ngayon ay nagpapasalamat po kay Senator Tolentino sa napakalaking tulong. Marami po siyang nasalba na tao dahil sa kanyang ginawa.
At tungkol din sa Yolanda, ang ating butihing Senator Ping Lacson, siya po ang namuno ng – siya ay naging Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery. Ang ibig sabihin po siya ang namahala noong pagdaan na ng Bagyong Yolanda, siya po ang namahala para sa pagpatayo ng mga bagong bahay, pagpaayos ng mga kalsada, pagpaayos ng mga iba’t ibang water system, lahat iyong kuryente namin ay siya po ang namahala niyan. At maraming-marami – kung hindi po sa kanya ay palagay ko hanggang ngayon naghihingalo pa ang Eastern Visayas. Malaki po ang pinagbago ng Eastern Visayas dahil sa trabaho po ni Senator Ping Lacson.
Ngunit bukod pa roon, kahit na Cabinet-level position iyon, si Senator Lacson naging hepe ng PNP. Hepe ng pulis ng buong Pilipinas. At hindi ko makalimutan ‘pag unang-unang press conference niya noong ginawa siyang chief PNP ay sabi niya ay susukatin daw niya ‘yung mga beywang ng mga pulis dahil pagka malalaki daw ang tiyan, hindi makatrabaho nang mabuti. Kaya naman, makita mo iyong mga pulis ngayon ay napakaano, malalakas ang katawan at handa na magserbisyo.
At noong panahon po niya bilang chief PNP, iyon ang panahon na ang approval rating ng PNP ng ating buong bansa ay ang pinakamataas na approval rating na nakamtan, na naabot ng PNP. Hanggang ngayon po, sa buong kasaysayan po, hindi na naulit iyon. Hanggang ngayon po hindi pa naulit iyon. Kaya po iyan po ang mga performance ni Chief Ping Lacson noong panahon niya sa PNP. [palakpakan] [Crowd: Lacson! Lacson! Lacson! Lacson! Lacson! Alyansa! Alyansa! Alyansa!]
Kaya naman makita ninyo ang kanilang karanasan ay mula sa local hanggang sa national, hanggang sa Cabinet position. Kabisado po nila lahat ng pangangailangan. Kabisado po nila, alam po nila kung papaano aayusin at tugunan ang mga problema na hinaharap nating mga Pilipino.
Ilan po sa kanila din – kaya local government pag-usapan natin. Ilan po sa kanila ang naging gobernador. Nandiyan po ang gobernadora ng lungsod – ng Lalawigan ng Pampanga, ang ating butihing gobernador, Governor Lito Lapid.
Naikuwento yata niya sa inyo kung ano ‘yung mga nagawa niya noong… Kung makita po niyo ang Pampanga, parang Laguna po. Ang bilis ng pag-unlad. Ang ganda po ng naging development doon. At masasabi natin, ‘yung sinimulan ni Governor Lito Lapid noong panahon niya bilang gobernador ay nagbubunga na.
At ito siguro kilalang-kilala ninyo, sino ang naging gobernador ng Cavite dito sa ating mga kasama? O ‘yan, hindi ko na nga pala kailangan ipakilala at… [hiyawan] Ang ating governor ng Cavite, Governor Bong Revilla. [hiyawan]
Eh kayo naman eh, karatig – karatig-lalawigan ninyo ang Cavite, nakita ninyo parang Laguna din po ang naging pag-unlad ng Cavite. At ‘yun din, kagaya po ng ating mga ibang local official na nandito ngayon na tumatakbo bilang senador. Kagaya po sa kanila, lahat po ng mga pangyayari ay masasabi natin nasimulan po noong panahon ni Governor Bong Revilla sa Cavite. [hiyawan]
Mayroon din po tayo mga mayor ng malalaking lungsod. Nabanggit na po yata niya na si Mayor Benhur Abalos ng Mandaluyong City. [Crowd: Abalos! Abalos! Abalos!]
Masarap siguro ‘yung merienda ninyo at malalakas ang boses ninyo. Nagpakain yata si Benhur eh.
Siya po ay naging mayor ng Mandaluyong. At noong panahon niya bilang mayor, marami po siyang sinimulan, marami siyang mga inisyatibo. Kaya po marami siyang natanggap na mga premyo at kinikilala po siya bilang isa sa pinakamagaling na mayor sa buong Pilipinas. Kaya’t ‘yan po ang ating naging mayor, Mayor Benhur Abalos. [Crowd: Abalos! Abalos! Abalos!]
Nabanggit na rin po yata ni Senator Tol na siya ay malapit lang papunta dito, basta tutungo ka ng papuntang – dito sa highway, mapupuntahan mo siya, ‘yung kanyang – kung saan siya naging mayor, naging mayor po ng Tagaytay City. Ang ating butihing mayor, Mayor Tol Tolentino. Kaya’t alam niyo po, may – may experience din po sa local government.
At itatanong ko sa inyo, alin ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas? Ha? Makati, tumpak. Talaga naman, ang Makati City ang pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas dahil nandoon po ‘yung mga malalaking negosyo. At iisipin niyo po, kung ikaw ay naging mayor ng pinakamayaman na lungsod ng buong Pilipinas ay napakadali po ng trabaho mo dahil marami kang pondo, marami kang puwedeng gawin.
Alam niyo po, ‘yung ating mayor ng Makati, si Mayor Abby Binay, ang ginawa po niya sa malaki niyang pondo, ipinamigay po sa taong-bayan. Ginawang libre – ang dami, dami pong benepisyo natatanggap ng mga tiga-Makati dahil po ay lahat nang nahahawakan na pondo ng ating butihing mayor ay ipinapasa at ibinibigay sa taong-bayan.
At hindi po natin dapat makalimutan at nabanggit na rin po yata, na si senator – si Senator Tito Sotto naging vice mayor din ‘yan ng Quezon City. Mula sa Quezon City po isa rin sa pinakamayaman at pinakamalaki na lungsod sa buong Pilipinas ay marami pong gumaya na lungsod doon sa kanilang ginawa sa Quezon City na sinimulan po noong vice mayor, Vice Mayor Tito Sotto.
At kung pag-uusapan naman po natin ay ang mga kababaihan ay makita mo naman kumpleto naman tayo na mga – magkakaron ng boses ang mga kababaihan dahil po ang ating mga kasamang babae rito hindi lang po ito sila ay pangkaraniwan na babae, matatapang po sila. Hindi po sila umabot sa ganitong taas na ranggo bilang senador dahil sila’y hindi masipag, hindi sila masigasig. Masigasig po, matibay, matapang, at maaasahan po ninyo na poprotektahan po, ipagtatanggol po ang karapatan ng mga kababaihan at bibigyan po ng boses ang ating mga kababaihan.
At dahil batas ang pinag-uusapan, dito sa ating grupo apat po ang abogado. Nandiyan po si Atty. Benhur Abalos, abogado po; Atty. Binay; Atty. Cayetano; at saka si Atty. Tolentino. Alam niyo po sapagkat kayo po ay ganyang kagaling na abogado, maaari lang ay sila naman papasok lang sa pribadong practice, magpayaman lang sila. Palagay ko kung ginawa po nila ‘yun, ubod ng yaman na itong mga ito. Ngunit sinabi nila, ang buhay namin ay hindi para sa pagpayaman; ang buhay namin ay para magserbisyo sa publiko – ang apat po nating abogado.
Tingnan naman po natin baka naman – karamihan ng ating mga kandidato ay tiga-Maynila. Eh hindi. Ang CALABARZON tatlo kaagad. Tatlo kaagad ang kandito ninyo mula sa Region IV-A. At pero makita ninyo ang mga iba’t ibang kandidato po ay nanggaling kung saan-saan po sa Pilipinas.
Kilala niyo naman ang ating kampeon si Senator Manny Pacquiao [hiyawan] na nanggaling po sa Bukidnon, sa GenSan, Sarangani. At doon po siya lumaki at doon po siya dahang-dahang nagtrabaho, dahang-dahang nag-training, nagsusumikap, kaya naman po naging kampeon. Ngunit hanggang ngayon ay napunta na ang kanyang buhay sa serbisyo-publiko. Nakita naman po ninyo ang mga project niya upang tumulong sa mga mahihirap. Maaasahan po ninyo pagka nanggaling po sa – ang tao po ay laking hirap ay matitiyak ninyo kung sila po ay magiging sikat. ‘Pag sila ay sumikat, babalik po at babalik sa mga mahihirap upang matulungan nila dahil nauunawaan niya ang kabuhayan, ang kahirapan ng ating mga mahihirap na kababayan.
Nandiyan din po si Erwin Tulfo. Si Erwin Tulfo ay tiga-Davao, Dabawenyo, Dabawenyo po. Davao at saka sa Sulu. Dahil nandiyan po – doon po nadestino ang kanyang ama. At ang kanyang ama sa kanyang serbisyo ay naging bayani naman ng ating bansa.
At baka hindi niyo po alam bago po kay Senator Tito Sotto, mayroon pong nauna na Senator Sotto. Ang Senator Vicente Sotto na dating senador ay galing naman po sa Cebu.
Kaya’t makikita po ninyo lahat po ng mga iba’t ibang lugar ay very well-represented po dito sa grupo namin. Si Camille Villar wala po rito, ang kanyang mga ninuno naman ay tiga-Iloilo.
Kaya’t nakakalat po ang representation ng ating mga senador. Kaya po napakasimple lang po ang inyong iisipin para sa darating na halalan.
Malinaw naman ang hangarin, ang direksyon ng ating Alyansa. Ang ating hinahabol ang kaunlaran. Ang hinahanap po natin ang kapayapaan. Hindi po ang pagaaway-away. Hindi po ang pang-aapi.
Ang kailangan po natin na pag-unlad, hindi po pananakot o paninigaw. At ang kailangan po natin ay mga solusyon. Hindi po mga maiinit o maanghang na salita na wala namang kinalaman, wala namang kabuluhan sa pagtulong sa serbisyo-publiko para sa tao. [palakpakan]
Ang ating mga kandidato ng Alyansa kasama po natin sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino. Ipapaglaban natin ang ating soberanya. Ipapaglaban natin ang ating mga karapatan sa pamamagitan po ng diplomasya at ng dignidad ng Pilipino. Hindi natin isusuko kahit isang pulgada ng ating teritoryo. Na hindi tayo kailangan sumunod sa kahit sino pang dayuhan, kahit pa sila ay makapangyarihan at nananakot sa atin. Tayo po ay mga Pilipino at may paninindigan at paninindigan po natin na tayo ay may karapatan na [palakpakan] ipagtanggol ang ating minamahal na Pilipinas, na dapat ang makagamit ng kayamanan ng ating bansa ay dapat naman ay ang Pilipino rin.
Sa laban naman sa krimen, alam niyo po, wala po dito sa amin ang naniniwala na ang paglaban sa krimen, ang paglaban sa droga ay kailangan pumatay ng libo-libong Pilipino. Hindi po ganoon ang tamang paraan upang pagandahin ang kapayapaan, upang malabanan ang krimen, upang pabagsakin ang mga drug lord, hindi po pumatay ng Pilipino.
Ang tamang paraan ay tiyakin – na para matiyak natin ang kapayapaan ay bigyan po natin ng magandang suporta ang ating mga kapulisan. Bigyan po natin ng magandang suporta ang ating mga local government. Sumulat po tayo ng magagandang batas na tunay na magbibigay ng kapangyarihan sa ating mga kapulisan, sa ating mga local government leaders, para maitigil lahat ng mga nangyayaring krimen, para maitigil lahat po ng mga nangyayaring pagkalat ng droga para sirain ang buhay ng ating mga kabataan.
At pagdating naman sa ekonomiya ay sa aking palagay naman, huwag na po tayong papasok sa mga iligal na mga industriya kagaya ng POGO. Hindi po natin iyan kailangan. Ay ‘yung POGO na iyan ang nangyari diyan naging – lahat po ng krimen ay nanggaling, maraming krimen ang nanggaling doon. Ang karahasan ay dumami dahil po sa POGO kaya po tinanggal na po natin.
May tunay po na solusyon diyan para sa trabaho at para sa ekonomiya. Ang solusyon ay ang tunay na trabaho, kabuhayan, suporta sa mga maliliit, at sa mga nangangailangan.
Kaya po magkaisa po tayo. Magkaisa po tayo sa ating Alyansa. At huwag nating gawing alyansa lamang nitong sampu, eleven na tao, eleven na kandidato na tumatakbo bilang senador na kasama sa Alyansa.
Samahan niyo po kami. Samahan niyo po kami at magka-alyansa rin tayo. Magkapit-bisig po tayo at sama-sama po natin pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino.
Magsama-sama po tayo. Magtulungan po tayo. Mag-alyansa po tayo muli upang labanan ang kahirapan, upang labanan ang krimen, upang labanan ang mga drug lord na pumapasok dito sa Pilipinas. [hiyawan]
Ito po, hinaharap ko po sa inyo ang ating Alyansa na siyang gagawa at siyang magtatrabaho upang pabalikin ang kapayapaan dito sa ating minamahal na Pilipinas.
Maraming, maraming salamat po. [hiyawan]
— END —