Speech

Talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Rally sa Cavite


Anong sigaw ni Andrew E?

Labindalawa! [Crowd: Alyansa!]

Labindalawa! [Crowd: Alyansa!]

Para sa? [Kaunlaran!]

Iyan po ang aming Alyansa.

Maraming, maraming salamat po. Magandang gabi na siguro – magandang gabi na po sa ating mga kaibigan na tiga-Cavite at tiga-CALABARZON na nandito ngayong gabi.

Nagpapasalamat kami at kayo ay nakarating dito sa aming pagpapakilala at pagpapakita sa inyo at ihaharap namin sa inyo ang inyong mga – ang ating mga kandidato ng Alyansa.

Alam po ninyo iyan po talaga ang aming – iyan po ang aming iniisip upang makatulong po sa ating mga kababayan.Baka maitanong po ninyo, bakit ang tawag sa grupong ito ay Alyansa? Alyansa po dahil pinagsama-sama natin po ang mga pinakamagagaling, ang lahat ng mga pinakamahusay, lahat ng pinakamahabang karanasan at malalim ang dunong sa pagseserbisyo-publiko.

Kaya po ay kung… Kadalasan po ang ating mga – pagka napunta po kayo sa kampanya, makikita po ninyo lahat po ng nakaupo rito sa entablado eh pare-pareho po ang suot na t-shirt.

Ngunit ngayon, kung titingnan niyo po kami iba-iba ‘yung t-shirt, iba-iba ‘yung kulay namin dahil hindi na namin masyadong inintindi kung ano ang kanilang naging partido, ang kanilang naging political party.

Basta’t ang tiningnan lang namin sino ba ang sa ating palagay ay ang malaki ang maitutulong sa taong-bayan. Sino ba sa lahat ng ating mga kilala ay handa na magkapit-bisig sa kanilang kapwa senador, sa kanilang kapwa mga congressman, sa mga local government official. Sino ba ang mga kilala na marunong magpatakbo ng ating lehislatura.

Ang marurunong na sumulat ng mga magagandang batas. Iyan po ang aming napili. Iyan po ay ang naging Alyansa. Ito pong Alyansa ito ay kaibahan po nito ng pagsasama na ito, ang kaibahan po nito ay may paninindigan po. Iyong paninindigan po namin ay hindi lamang na manalo sila sa darating na halalan kundi po na makatulong na makagawa ng maraming pamamaraan upang ang taong-bayan ay gumanda naman ang buhay, upang naman masasabi natin mas maganda po ang Pilipinas ngayon kaysa sa noong ating – noong tayo ay bagong upo.

Kaya naman po maraming-marami pong salamat na kayo’y nakarating. Alam niyo po ako po ay galing lang sa Regional Development Council. Ano ba ‘yung Regional Development Council? Iyan po ‘yung inyong mga city mayor at saka mga gobernador ninyo, may council po kayo na nagbibigay ng mga paalam sa national government kung ano ‘yung mga nangyayari.

Alam niyo ba po na ang CALABARZON, ang CALABARZON, ang IV-A, ang Region IV-A, ang pinakamaganda ang economic performance ng Region IV-A. Alam niyo ba ang kanilang economic – ang inyong economic performance mas maganda pa kaysa sa National Capital Region. Mas maganda pa kaysa sa NCR.

Kaya naman po nakita po naman ninyo eh dapat kami naman sa national government iniisip po namin papaano po para pagandahin po dahil biglang dumami ang tao dito sa Cavite, biglang dumami ang tao sa Laguna, biglang dumami ang tao sa Batangas. Alam niyo po ay – papaano kailangan na maglagay tayo ng pabahay, maglagay tayo ng ospital, maglagay tayo ng mga eskuwelahan. Lahat po ‘yan ay kailangan…

Maglagay tayo ng kalsada upang hindi nahihirapan ang mga bagong dating sa inyong probinsya. Kaya po malalaki pong mga proyekto ang aming nakakasa para sa Region IV-A, para sa Cavite.

Kaya’t kailangan na kailangan po para mabuo, para maging maganda ang tuloy-tuloy na kaunlaran ng Region IV-A, ng CALABARZON, ng Cavite ay kailangan po natin ng mga magagaling na senador. Kailangan po natin ng mga senador na nagkakaisa, na nagtutulungan.

Ako naman, sa aking palagay, ay napakapalad ko po dahil kapag nanalo na itong ating buong ticket ay napakapalad ko po dahil isang Pangulo ay mayroon siyang mga kasamahan na kasing galing, kasing husay, kasing sipag, kasing bait at nagmamahal sa taong-bayan na kagaya nitong grupong ito.

Kaya po ipinagmamalaki po namin. Alam niyo naman, narinig niyo na po sila. Narinig niyo po sila sa kanilang mga nadaanan na, ang kanilang mga karanasan. Narinig niyo po sa kanila ang kanilang mga plano na nais gawin upang pagandahin ang inyong mga buhay. At ‘yan po naman ay maliwanag na maliwanag.

Lahat po nang nakaharap po sa inyo ay marurunong po sila.  Kung iisa-isahin po natin, lahat ‘yan starring lahat ‘yan.

Kaya’t nakakagulat, pinagsama-sama po natin. Iyan talaga. Ang tawag ngayon sa eleksyon na ito sa mga kandidato ng Alyansa, ito na po ‘yung tinatawag na “dream team” dahil po ay sila ang pinakamagaling na ating mahanap. Sila ang nagpakita ng tapang, ng bait, ng husay, ng sipag sa pagtulong sa ating mga kababayan.

Alam niyo po, hindi po sila mga baguhan. Ilan po sa kanila ay dumaan na po sa Senado, dati pong mga senador.

Nandiyan po si dating – si Senador Cayetano. Nandiyan si Senator Lacson, Senator Lapid, Senator Pacquiao, Senator Revilla, Senator Tolentino, at Senator Sotto.

Si Senator Sotto, hindi lamang naging senador, naging Senate president pa. At masasabi ko naman noong ako’y senador po ay siya po ang Senate president namin at kaya malaki ang – kinakahangaan po naming mga senador dahil siya ay napakagaling niya na magpatakbo ng  aming lehislatura. Nakakahanap po siya, marunong po siya na makahanap na magkasundo… Kahit na nagtatalo kami, halos mag-aaway na kami. Alam mo naman ang mga senador, mahilig magdebate eh nakakahanap siya ng paraan upang kami’y magkasundo upang maging maganda ang ating – ating mga batas.

At ‘yung ilan po ay dumaan din po  sa mababang kapulungan. Sa naging congressman din po, nandiyan po Congressman Abalos, Congressman Binay, Congressman Cayetano, Congressman Pacquiao, Congressman Tulfo, Congressman Villar, ‘yan po ang ating mga naging kasamahan. ‘Yung iba po naging classmate ko pa.

Si Congressman Abby Binay eh seatmate ko pa. At siguro sa lahat ng mga congressman, napupuna kami na laging naghahalakhakan kasi po noong kami sa House eh marami po kaming mga ginagawang trabaho. Ngunit sila po ay sanay na. Wala na pong OJT itong mga ito. Basta’t pumasok, unang araw pa lang, unang oras sa unang araw magtatrabaho na nila, alam na nila ang gagawin nila.

Apat naman sa kanila ay dumaan sa tinatawag na Cabinet level ang kanilang… Kundi sa Gabinete mismo, Cabinet level  ang kanilang mga hinawakan na posisyon.

At sila po ay si – si Secretary Benhur Abalos ng DILG. Paano po siya naging DILG secretary dahil po noong umupo ako bilang Pangulo ay inisip ko sino ba ang kilala ko na nakakaunawa sa lahat ng mga problema ng LGU, kung ano ang mga kailangang gawin at papaano na pa – paano ang magiging koordinasyon ng local government at saka ng national government.

At naisip ko po dahil balitang-balita po na mayroon isang magaling na mayor na galing sa Mandaluyong City. Kaya po napili ating –  naging secretary po si Secretary Benhur Abalos.

Ang isa pang naging secretary, Secretary Erwin Tulfo. Siya po ang DSWD na kung maalala ninyo eh siya ang napakasipag. Dahil nga naman eh noong naghahanap ako ng DSWD secretary, ika ko, “Sino ba ang kilala ko na ang buong buhay ay wala na lang ginagawa kundi tumulong sa mga maliliit, kundi tumulong sa mga api, kundi tumulong sa mga nangangailangan ng tulong?” Eh maliwanag naman at kaya ko – kaya ko po nilagay bilang kalihim ng DSWD si Secretary Erwin Tulfo.

Ang isa pang naging secretary level na opisyal ay ang anak ng Cavite. Siya naman ay si Secretary Tolentino ng MMDA.

Ang MMDA po ay Metro Manila po ‘yan. Ngunit noong hawak po ni Chairman Tolentino ‘yan, eh kahit nasa labas ng MM — sa labas ng Metro Manila eh marami pa rin po siyang natutulungan.

Lagi ko pong kinukuwento ito na noong kami ay nasa – pagkatapos po ng Yolanda at kami’y nasa Leyte   at nag-aantay at halos nagmamakaawa kami para matulungan kami ng national government, ang una pong nakarating sa amin at may dalang mga heavy equipment ay nagulat lang po kami bigla na lang po si Tol nandoon na.

Sabi ko, “Anong ginagawa mo rito?” “Eh dala ko ‘yung mga heavy equipment dahil balita ko na mayroon kayo – may pangangailangan kayo.”

Kaya po siya nasa MMDA, ngunit hindi lamang Metro Manila, kung hindi lahat ng mga nangangailangan basta’t kaya niyang matulungan ay tinutulungan niya.

Ang isa pa po na senador natin na Cabinet level ang nahawakan ay si Senator Lacson na naging Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery.

‘Yun pong opisinang ‘yun ay ginawa po ‘yun para tulungan ang mga naging biktima ng Yolanda. Pagkatapos pagdaan po ng – pagdaan po ng bagyo, ng napakalaking Bagyong Yolanda ay siya po ang namahala upang magtayo ulit ng bahay, upang maglagay ng mga water system, upang mailipat ang ating mga kababayan na nag – na naging biktima ng Yolanda.

Ngunit si Senator Lacson, hindi lamang po ‘yan. Siya po nakita naman po ninyo, siya rin po ay naging chief PNP, hepe siya ng buong pulis ng buong Pilipinas. Baka maalala po ninyo noong una siyang umupo, anong ginawa ni Chief PNP Lacson? Bagong upo siya bilang hepe ng PNP ay tinitingnan niya ‘yung kanyang mga pulis at ‘yung mga malalaking tiyan na walang ginagawa, naka-standby lang ay pinapatakbo niya para mga – ‘yung mga pulis doon mo makita na talagang eh handang-handa magtrabaho.

Bukod pa roon, noong panahon ni Senator Lacson bilang hepe, ng chief ng PNP, mula noong panahon na ‘yun, ‘yung pinakamataas na approval rating ang nakuha ng PNP sa buong kasaysayan ng PNP. Hanggang ngayon po hindi pa natin natatapatan ‘yung ganoong klase.

Alam naman po nila na ang government ay … Sa lahat po ng iba’t ibang opisina mula po sa local government, mula po sa Cabinet level government, mula po sa lahat ng sektor ng pamahalaan ay sila po ay sanay. Kaya naman po malakas ang loob namin na sila ang iharap namin po sa inyo.

Mayroon din po tayong mga local government official. Nandiyan po ang mga naging gobernador. Palagay ko alam na ninyo kung sino ito. Unang-una naging governor ng napakalaking lalawigan ng Pampanga. “O, sinong may alam?” Governor Lito Lapid. Kayo naman, pambihira.. Hanggang… Dapat maalala ninyo dahil nakita po ninyo, kung puntahan ninyo ‘yung Pampanga, para pong Cavite. Napakabilis ang pagpaganda  at iyan po ay sinimulan ng ating butihing gobernador.

At dito naman po sa Cavite, eh sinong naging governor ninyo na tumatakbo ngayon bilang senador? Pare, sorry, hindi ka yata kilala eh. Governor Bong Revilla. [palakpakan at hiyawan]

Mayroong din tayong mga big city mayor para makita naman po ninyo na lahat po eh malawak po ang kanilang karanasan, malapad po ang kanilang experience para ng – para maging handa dito sa kanilang tinatakbuhan na posisyon.

Si – ang… Kaya nabanggit ko na po, ang naging mayor ng Mandaluyong, Mandaluyong City, Mayor Benhur Abalos. At noong panahon po niya eh kilalang-kilala po ang Mandaluyong City dahil napakaprogresibo. At si Mayor Abalos noong panahon niya ay marami pong natanggap na premyo. Marami pong natanggap na pagkakakilala dahil sa maganda niyang patakbo ng kanyang Lungsod ng Mandaluyong.

Isa pa po, palagay ko alam din ninyo. Ang naging mayor naman ng Tagaytay na nandito sa entablado. Kilala po ninyo, ayun! Kamag-anak mo yata ‘yung… Si Tol naging mayor din ‘yan ng Tagaytay, si Mayor Tol Tolentino. [hiyawan] At doon siya tumagal, lalo na’t noong panahon pa ang  Tagaytay ay nagsisimula pa lang na maging very, very progressive.

At siyempre ang mayor, kasalukuyang mayor ng pinakamayaman na lungsod sa buong Pilipinas. Alam niyo ba alin ang pinakamayaman na lungsod sa Pilipinas?

Makati po. Makati City, the richest City in Manila, ang mayor po si Mayor Abby Binay. [palakpakan]

Alam niyo – alam niyo naman po, pagka naiisip natin pinakamayaman na lungsod, sasabihin natin, “Siguro, madaling-madali ang trabaho ng mayor diyan dahil marami siyang pondo. Hindi siya naghihirap sa pondo.”

Eh totoo nga naman. Ngunit alam niyo po ang ginawa ng ating butihing mayor ay ang kanyang ginawa  lahat nang maipamigay niyang libre sa kanyang mga constituent ay ginawa po niya. Ang dami po na benepisyo ang ipinamimigay ng city government of Makati dahil po sa ating mayor, Mayor Abby Binay.

At kung pag-uusapan naman ang mga kababaihan ay hindi po tayo maiiwanan dahil nandito naman po ang ating mga magigiting na mga magre-represent sa ating mga kababaihan.

At ang ating mga kandidato na babae ay hindi po pangkaraniwan po. Sila po ay siguro sila na ‘yung pinakamatapang, sila na ‘yung pinakamasipag na nakita ko. Kaya naman po maaasahan ninyo dito sa ticket na ito kapag nahalal ay hindi po mawawala ang boses ng kababaihan. Palalakasin natin ang boses ng kababaihan. Makakatiyak po kayo na ang karapatan ng mga kababaihan ay ipagtatanggol.

At dito po sa aking – kadalasan po ‘pag nagsasalita ako dito – tungkol dito sa ating mga kandidato ay pinagmamalaki ko kung saan-saan po sila nanggaling.

Ngunit kung titingnan po natin, sinolo na yata ng Cavite itong Alyansa na ano eh, tatlo ang Caviteño na tumatakbo bilang senador sa Alyansa. Mayroon pang one-half dahil po si Mayor Binay nakapangasawa po ng tiga-Cavite rin.

Kaya’t kailangan naman siguro – dapat din may magrerepresenta rin po sa mga galing po sa iba’t ibang lugar. Mayroon din po tayo niyan.

Nandiyan po siyempre ‘yung ating minamahal na champion, ang ating champion na si Manny Pacquiao, na si Manny Pacquiao ay galing sa Bukidnon, sa Sarangani, at sa GenSan.

Ito pong si Erwin Tulfo ay laking Davao po ito at tumagal din siya sa Sulu. Kaya dahil po ay doon nadestino ang kanyang ama. Sumama po siya sa kanyang ama at doon nadestino ang ama po niya ay naging bayani ng ating bansa.

Baka po hindi ninyo alam na mayroon – dati pa bago pa si Senator Tito Sotto, mayroon na pong Senator Sotto noon. At ang unang Senator Sotto po ay sa Cebu naman nanggaling.

Kaya naman makikita ninyo na nanggaling sa iba’t ibang bahagi ng ating minamahal na Pilipinas ang ating mga kababayan – ang ating mga kandidato.

Wala po dito ngayon pero si Camille Villar – siya po ang mga ninuno niya ay galing po sa Iloilo. Kaya’t mga Ilonggo naman.

Kaya naman po kung makita mo very well – ika nga kung sabihin balensiyadong-balensiyado po. Balensiyado sa kanilang kaalaman, balensiyado sa kanilang tinutugunan na problema sa iba’t ibang lugar ng buong Pilipinas.

Ang hangarin talaga ng ating Alyasa – ang direksyon talaga na tinutunguhan nitong ating Alyansa ay ang pagpaganda ng Pilipinas, ang pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino.

Ang habol po natin ay ang kaunlaran, hindi po ang pag-aaway-away, hindi po ang pang-aapi.

Ang kailangan po natin sa pag-unlad hindi po pananakit o paninigaw.

At ang kailangan po natin ay solusyon, hindi mga maiinit at maaanghang na salita na wala namang kabuluhan, wala namang kinalaman sa serbisyo-publiko.

Ang mga kandidato ng Alyansa ay kasama natin sa pagtataguyod ng interes at kapakanan ng bawat isang Pilipino.

Ipaglalaban po natin ang ating soberanya at iyan ay gagawin natin sa pamamagitan ng magandang pag-uusap, sa pagkadiplomatiko, at sa pagka – sa pagpapakita ng dignidad ng mga Pilipino.

Hindi natin isusuko ni isang pulgada ng ating teritoryo. Hindi tayo kailangang sumunod sa kahit sinomang dayuhan. Tayo po ay may ganap na karapatan at dapat makinabang sa yaman [ng] ating sariling bayan.

Sa laban naman kontra sa krimen, kontra sa droga, wala po sa amin ang naniniwala na ang solusyon ay pumatay ng libo-libong Pilipino. Ang dapat po diyan para masolusyonan po ‘yan ang ating maging – magsulat ng magagandang batas, ang ating pagsuporta sa mga pulis, ang ating pagsuporta sa ating mga local government officials upang magawa nila nang mabuti ang trabaho nila.

Pagdating naman po sa ekonomiya, ito po ang pinakamahalaga na ating ginagawa ngayon dahil tayo ay bumabawi pa lang tayo ngayon sa pandemya. Kaya’t kailangan na bigyan natin ng pansin ang ating ekonomiya.

Para sa trabaho, huwag naman natin puntahan – huwag na natin balik-balikan – hindi natin kailangan ang mga iligal na industriya kagaya ng mga POGO na naging pugad lang naman ng krimen at karahasan. Kaya’t po ay binan (ban) na po natin ‘yan.

At ang tunay na solusyon para sa trabaho at sa kabuhayan at suporta sa maliliit, sa mga nangangailangan. Iyan po ang tunay at tamang solusyon sa mga problemang ‘yan.

Magkaisa po tayo sa pagpili ng ating mga lider na tapat sa kanilang tungkulin, buo ang paninindigan, at handang maglingkod para maging mas maginhawa ang ating mga kabuhayan.

Ito po ang ating Alyansa. Ito po ang ating hinaharap sa inyo. Ito po ang magdadala sa atin ng kaunlaran. Ito po ang magdadala sa atin ng pagkakaisa. Ito po ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas! [hiyawan]

— END —