Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the distribution of Certificates of Land Ownership Award and E-Titles to Farmers in Koronadal City

Event Distribution of Electronic Titles and Certificates of Land Ownership Award in Region XII Koronadal City, South Cotabato
Location South Cotabato Gymnasium and Cultural Center in Koronadal City

Maraming salamat sa ating DAR Secretary, Secretary Conrado Estrella sa iyong pagpakilala.

[Please magsi-upo po tayo.]

Andito rin po ang Special Assistant na tumutulong sa atin sa lahat ng mga iba’t-ibang bagay, Special Assistant to the President, Secretary Anton Lagdameo [applause]; ang namamahala sa pag-training sa ating mga manggagawa, ang TESDA, ang TESDA Secretary, Secretary Suharto Mangudadatu [applause]; Second District [South] Cotabato Representative, Congressman Peter Miguel [applause]; First District [South] Cotabato Representative Isidro Lumayag [applause]; siyempre ang host natin sa — ngayong event na ito, ang ating gobernador, gobernador ng South Cotabato, Provincial Governor Jun Tamayo [applause]; andito rin po at kasama rin natin, ang galing naman sa Sultan Kudarat, ang Provincial Governor ng Sultan Kudarat, Governor Datu Pax Mangudadatu [applause]; ang isa pa na gobernador na nandito, sumama sa atin ngayon is from Cotabato, Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza, kilala natin Lala Mendoza [applause];the Sarangani Provincial Governor Rogelio Pacquiao [applause];Koronadal City Mayor Eliordo Ogena [applause]; lahat ng ating mga — lahat ng ating iba’t-ibang mga elected official na nandito ngayon; at aking mga kasamahan sa pamahalaan, public service; at ang pinakamahalaga na bisita natin ngayon ang ating mga beneficiary para dito sa pagbigay ng mga titulo ng agrarian reform [applause]; ladies and gentlemen; dagiti nga — nagado t Ilocano. Ayayatek nga kailyak, naimbag nga bigat. (Iyong mga — ang daming Ilocano. Mga minamahal kong kababayan, magandang umaga) [applause]

Maayong aga, Koronadal!

Binabati ko ang lahat ng nandidito ngayon, lalo na ang lahat ng nasa likod ng pagsulong ng agrikultura dito sa Koronadal City at sa buong South Cotabato. [applause]

Natutuwa ako na makasama kayo sa okasyong ito. Ito po ang araw na matagal na nating inaantay. Hindi lang po kayo, pati kami. Matagal na naming inaantay dahil po ang katotohanan nito ang programang ito, ang pagbibigay ng titulo sa ating mga Agrarian Reform Beneficiary ay sinimulan ng aming mga ninuno. Sinimulan ito noong panahon ng aking ama, noong siya’y Pangulo at ang kanyang Secretary of Agrarian Reform ang pangalan was Secretary Conrado Estrella, ang lolo ni Secretary Conrad Estrella. [applause]

Kaya po kung kayo’y nasisiyahan, kami po ay siguro katumbas na rin ang aming saya dahil po nakumpleto po namin ang sinimulan ng aming mga ninuno at ito ang pinakamahalaga sa kanilang ginagawa.

Inuna po ito, itong agrarian reform program, ito ‘yung unang ginawa ng aking ama. Kung titingnan niyo po ‘yung pagsulat niya. Pagka batas ay laging naka-typewriter ‘yan noong panahon nila. Ito lang, ang agrarian reform ang sinulat niya ng kamay niya dahil napakahalaga para sa kanya at sabi niya sa kasaysayan ng buong bansa, gusto ko ako ang nagsimula nito. [applause]Ngayon, kami naman ang magtatapos.

Kaya naman, buong puso po akong nagpapasalamat kay Secretary Estrella para sa kanyang walang kapantay na pagsisilbi sa bayan at walang sawang pag-ikot sa buong bansa upang maihatid sa ating mga magsasaka ang kanilang mga titulo at tulong pang-agraryo.

Matagal na kaming magkakilala ni Secretary Estrella sapagkat ang kanyang lolo nga ay ang Agrarian Reform Secretary.

Nakagisnan ko ang pagpapahalaga at pagmamalasakit ng aking ama at ng kaniyang lolo sa magsasakang Pilipino.

Naging saksi po ako sa paghihirap at pagsubok ng mga magsasakang hindi kailanman nabiyayaan ng lupa o kaya naman ay naging alipin ng mga may-ari ng lupa na kanilang sinasaka.

Naging saksi rin ako sa kawalan ng pagkakapantay-pantay [sa] sektor kung saan ang mga nagsisikap [na] makapaghatid ng pagkain sa ating hapag-kainan ay sila pa ang nahihirapang makakuha ng sapat na pagkain para sa kanilang sariling pamilya.

Ngayon, sa tulong nitong programa ng DAR, ipagpapatuloy namin ang sinimulan ng aking ama at ang lolo ni Secretary Estrella. [applause]

Ibabahagi namin sa araw na ito ang lupang matagal na ninyong pinapangarap sa pamamagitan ng mga Certificates of Land Ownership Award at Electronic Titles sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

Mamamahagi rin kami ng mahigit apat na libo at tatlong daang CLOAs at E-Titles sa mga magsasaka hindi lang dito sa South Cotabato kundi maging sa kalapit na Cotabato, Sarangani, at Sultan Kudarat. [applause]

Sa kabuuan, nakapagbigay na kami ng halos sampung libo’t pitong daang titulo, katumbas ng higit labing walong libong hektarya ng lupa dito sa inyong region.

Nilalayon naming [makapagbigay] pa ng halos dalawang libong titulo sa tinatayang dalawang libo at anim na daang magsasaka sa inyong rehiyon ngayong taon. [applause]

Ngunit, hindi ito gaya ng nagdaang panahon, wala na po kayong taunang bayarin o amortisasyon sa lupang ito. [applause]

Ang tanging aalahanin na lang po ninyo ay kung papaano gagawing produktibo ang inyong lupa at papaano kayo magkakaroon ng mas maginhawa na buhay para sa inyo at sa inyong mga pamilya.

Sa Bagong Pilipinas, uunahin po natin ang kapakanan ng mga magsasaka at papalayain natin sila sa sistemang nagpapahirap [ng] kanilang kalagayan.

Sa pamamagitan ng New [Agrarian Emancipation] Act na pinanday natin kasama ng ating mga mambabatas, binura na po natin ang ilang dekada nang pagkakautang ng ilang magsasaka na nauna nang nabigyan ng lupa ng pamahalaan. [applause] Wala na po — wala na po kayong kailangan alalahanin tungkol diyan dahil ay sinabi na namin ay burado na ‘yan. Burado na ‘yung utang ninyo.

Isa ito sa aming mga programa upang mapabilis ang pagbabago at paglago ng ating magsasaka.

Magiging susi ito sa pagbangon ng ating kababayan mula sa kahirapan.

Sa ating mga benepisyaryo, nawa’y magbukas ito ng iba’t ibang pagkakataon upang mapabuti ninyo ang inyong mga sarili at matupad ang inyong mga hangarin para sa inyong pamilya at para sa ating bansa.

Nawa’y magbigay ito ng kapanatagan sa inyong kabuhayan habang itinataguyod ninyo ang seguridad sa pagkain ng buong bansa.

Higit sa lahat, nawa’y maging inspirasyon ito para sa inyong mga anak, at ang kanilang mga anak na ipagpatuloy at pagyabungin pa ang propesyon ng pagsasaka. Sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.

Inaanyayahan ko kayo na makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang magamit ninyo nang wasto ang mga lupaing ito at makatulong sa karagdagang suplay ng mura at dekalidad na pagkain para sa ating mga kababayan.

Tinatawagan ko ulit ang DAR na pabilisin ang pamamahagi ng lupa at makipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang makapagbigay ng malawakang serbisyo sa ating mga magsasaka. [applause]

Sa ating mga magsasaka, kami po sa pamahalaan ay katuwang ninyo sa pagpapataas ng inyong kita at pagpapaunlad ng inyong kabuhayan.

Umasa po kayo na patuloy po [kaming kumikilos] upang pangalagaan ang ating mga yamang-lupa at ang ating kalikasan, at matiyak ang kalidad ng pamumuhay ng bawat Pilipino, ngayon at sa mga susunod na henerasyon.

Tutugunan po natin ang mga hamon sa sektor katulad ng nangyayari ngayon, ng El Niño at ang susunod na nagbabantang La Niña, at iba pang mga epekto ng tinatawag na climate change, ‘yung pagbabago po ng panahon.

Hindi po namin bibiguin ang tiwalang ipinagkaloob niyo sa akin at sa pamahalaan. Hindi po namin iindahin ang pagod sa paglilibot sa lahat ng sulok ng bansa—maihatid lamang ang serbisyo para sa inyo. [applause]

Magtulungan po tayo. Sama-sama nating isulong ang masaganang buhay sa ilalim ng isang Bagong Pilipinas.

Maraming salamat po at mabuhay ang lahat ng magsasakang Pilipino! [applause] Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

— END —