Speech

Speech by President Ferdinand R. Marcos Jr. at the 503rd Commemoration of the Victory at Mactan Liberty Shrine

Event 503rd Commemoration of the Victory at Mactan Liberty Shrine
Location Barangay Mactan, Lapu-Lapu City

Thank you very much to Special Assistant Secretary Anton Lagdameo for his introduction.

[Please take your seats.]

Lapulapu City Mayor, Mayor Ahong Chang [applause]; and with us also here is House Speaker, Speaker Martin Romualdez [applause]; the Lapulapu City Lone District Representative, Congresswoman Ma. Cynthia K. Chan [applause]; our good friend, the mother of the Province of Cebu, Governor Gwen Garcia [applause]; NHCP Chairperson Lisa Guerero-Nakpil [applause]; members of the Consular Corps; my fellow workers in the government; distinguished guests; ladies and gentlemen, good morning.

Maayong buntag sa inyong tanan!

[Maayo man!]

Nandito tayo ngayon upang sariwain ang kabayanihang naganap mahigit limang daang taong nakararaan.

Ngunit, ang mas mahalaga, ang pagbabalik-tanaw, ang ating sagradong panunumpa na ating ipapagpatuloy ang diwang ipinamalas nila Datu Lapulapu.

Sapagkat ang kanilang tapang at paninindigan ay hindi lilipas kailanman, tulad nang hindi pagkupas ng ating pagmamahal sa bayan, sa kalayaan, at sa ating kapwa Pilipino.

Ang diwang makabayan ay hindi mabubura sa paglipas ng panahon.

Hindi lumulumbay sa pag-usad ng sibilisasyon at hindi nabubura ng teknolohiya.

Bagkus, habang tumatagal, ito ay lalong umiigting.

Sapagkat patuloy natin itong pahalagahan at isinasabuhay.

Ako’y nagagalak na ang diwang makabayan ay buhay na buhay hindi lamang dito sa Mactan, hindi lamang sa Cebu, hindi lamang sa Visayas, kundi sa buong Pilipinas.

[applause]

Ito ay nakikita sa pagtitiwala natin sa ating sariling lakas at paniniwalang nakasalalay sa ating pagpupunyagi ang pag-unlad ng ating bansa.

Ito ay nakikita sa pagmamahal natin sa ating kapwa, pag-aaruga sa mga napinsala, pagtulong sa mga nagdarahop, at pagtanggol sa mga inaapi.

Ito ay nakikita sa matapang nating pag-giit sa ating karapatan at sa pagtanggol kung ano ang atin ayon sa ilalim ng batas, sang-ayon sa pandaigdigang kaayusan, at sa mata ng ating Diyos.

“Sa manlulupig, di ka pasisiil.”

Bago pa man isinatitik ang inawit ng linyang ito sa Lupang Hinirang, ito ay naisinabuhay na ng mga taga-Cebu.

Ngunit sa panahong ito, may mga makabagong pagsubok tayong hinaharap na ang solusyon ay hindi dahas o armas.

Nangangailangan ito ng ating katapangan, ng ating pagkilos, at higit sa lahat ang ating pagkakaisa.

Ito ang kalasag natin laban sa kahirapan, ang kalaban–ang paglaban sa ating mga sakit, sa ating gutom, sa kamangmangan, sa kawalang pag-unlad, at kasalatan ng mga oportunidad na gumiginhawa ng buhay ng bawat Pilipino.

Kung tutuusin, mahirap na katunggali ang mga ito.

Walang kutang gutom na pwedeng salakayin.

Walang nakahilerang batalyon ang kamangmangan na maaring lusubin.

Walang pisikal na barikada ang kawalan ng hanapbuhay na pwedeng direktang atakihin.

Ngunit ang mga ito ay nilalaban natin at tayo ay nagwawagi.

Sa pamamagitan ng pagtatayo ng maraming pagamutan, nakukubkob natin ang mga sakit.

Sa pagtayo ng dagdag na mga paaralan, nasasagip natin mula sa mundo ng kadukhaan ang mga batang salat sa kaalaman.

Sa pagbaha ng tulong sa ating mga magsasaka, pinapaatras natin ang kahirapan na umaalipin sa kanila.

Sa pagbubukas ng mga pagawaan at negosyo, ginagapi natin ang salot na kawalan
ng hanapbuhay.

Yan ang hamon ng ating panahon.

Yan ang pakikibaka ng ating lahi.

Sa ating pag-alala ng mga mahahalagang yugto ng ating kasaysayan, ang responsibilidad na ipagpatuloy ang ipinaglaban ni Datu Lapulapu ay nakasalalay sa ating mga balikat, lalung-lalo na ang pagsiguro na ang ating bansa na patuloy na umuunlad.

Ipagpatuloy natin ang laban at pag-tiyak na ang Bagong Pilipinas ay umapaw ng pag-asa, pagkakaisa, at pagkakataon para sa susunod na mga henerasyon.

Mabuhay ang alaala ni Lapulapu!

Mabuhay ang Pilipinas!

[applause]

Maraming salamat po at magandang umaga po sa inyong lahat.

-END-